Work Text:
"Ayokong maghirap kasama ka dahil lang gusto natin makasama ang isat isa, dahil lason ang pagibig sa taong may pangarap."
'Di naman mahirap mabuhay, lalo na kung hindi ka nakatira sa Pilipinas.
Sa bansang kung saan mas uunahin ng mga corrupt na politiko ang kanilang sariling kaligayahan, kesa sa kapakanan ng mamamayan.
Kung saan kahit bigas at lata ng sardinas ay hindi na kasya sa isang daan.
Dahil kung sino pa ang nasa laylayan, sila pa ang lalong dinidikdik sa lupa, at kung sino pa ang nasa taas ay sila pa ang mas lalong umaangat. Kumbaga, nakakaputangina lang mabuhay sa pilipinas.
Totoo nga ang sabi ng iba. Lahat ay politikal, kahit ang pagmamahal. Dahil sa katapusan ng bawat buwan, may mga taong kailangang sukatin ang pagmamahal sa pagitan ng pambayad ng upa at pambili ng bigas.
Dahil katapusan na naman ng buwan, at isa lang ang ibig sabihin nyan, sahuran na naman na halos dadaan lang sa palad ni Jay ang pera. Bilang isang cashier worker sa isang supermarket, kulang na kulang ang sinasahod nyang halos di nya na mahawakan.
Pagkarating na pagkarating pa lang nya sa inuupahan ay kailangan na nyang hatiin ang sahod sa mga 'di matapos tapos na bayarin. Upa ng bahay, tubig, kuryente, pamasahe at pagkain sa araw araw, pagpapadala ng pera sa pamilyang nasa probinsya, pagpapagamot sa nanay na may sakit, at iba pang gastusin.
Umiikot nang maingay ang lumang electric fan. Halos hindi nito mapawi ang init ng maliit na kwartong yari sa manipis na plywood. Sa ibabaw ng mesa ay iilang envelope kung saan nya ilalagay ang mga nabudget na pera.
"Gipit na naman ngayong buwan.." Mahinang saad ni Jay nang makitang halos wala na namang matitira sa sahod nya.
Ngayon pa talaga kung kailan malapit na ang anniversary nila ni Net. Wala na naman syang maibibigay na regalo.
Napatingin si Jay sa kanyang cellphone ng bigla itong mag ring. Tumatawag na pala sa kanya ang nobyong si Net. Agad kinuha ni Jay ang cellphone at sinagot,
"Nakauwi ka na ba boss? Kumain ka na ba? Magpahinga ka agad dahil alam kong pagod ka" Paunang salita ni Net.
"Nakauwi na po mahal. Okay lang ako. Ikaw? Narinig ko lang boses mo, parang nawala agad pagod ko." Pabirong saad ni Jay.
Nagpalitan sila ng kuwento kung ano ang nangyari sa kanilang araw, maliit na bagay ngunit malaki ang ambag sa relasyon nilang mag lilimang taon na.
"Sige na, magpahinga ka na. At oo, sya nga pala, hahatid kita bukas sa trabaho mo ha? Bawal umangal" Ani Net.
Kumunot ang noo ni Jay "Mahal.. kahit wag na ano ka ba. Mahal ang gas para sa motor mo, dagdag gastusin pa kung dadayuhin mo ako dito para lang ihatid sa trabaho. Kaya ko na ang sarili ko"
"At ano, lalakad ka na naman sa initan para lang makatipid? Alam kong titipirin mo na naman sarili mo kahit kakasahod mo pa lang. Kilala na kita Jay. Kahit ngayon lang, ihahatid kita bukas." marahang sambit ni Net.
"Mahal, napag usapan na natin ito diba? Kaya ko ang sarili ko at sinabi ko naman na sayo na hindi mo ako responsibilidad." Sagot ni Jay.
Hindi na lamang umimik si Net sa kabilang linya, ayaw nya pang mauwi ito sa hindi nila pagkakaintindihan, alam nya rin kasing pagod si Jay mula sa trabaho.
Palagi naman silang ganito, tuwing magbibigay ng tulong si Net ay sya rin na laging inaayawan ni Jay.
Alam nyang hindi nya responsibilidad na tulungan si Jay, pero hindi nya rin kayang makita na nahihirapan ang nobyo.
"Naiintindihan ko na gusto mo lang naman tumulong, pero kaya ko ang sarili ko, mahal. Makasama lang kita sa tabi ko, kontento na ako." puno ng pagmamahal na saad ni Jay.
----------
Normal lang naman sa magkasintahan ang simpleng celebration tuwing annibersaryo, pero hindi maiwasan ni Jay na malungkot habang hinahanda ang nilulutong Pancit. Hindi nya ginastos ang perang pambili sana nya ng bagong damit sa ukay-ukay para may pambili ng rekados na kailangan nya sa niluluto.
Napatitig si Jay sa manipis na laman ng pitaka. Ilang barya na lang ang natira matapos niyang bilhin ang rekado ng pancit. Napangiti siya nang pilit. "Okay lang," bulong niya sa sarili. "Favorite naman 'to ni Net."
di sapat ang sahod ko kahit tapat ako sayo. Hindi niya iyon sinabi nang malakas. Sapat nang marinig niya iyon sa sarili niyang isip.
Saktong pagpatay nya ng kalan ay siyang pagdating naman ni Net sa kanyang inuupahan. "Happy 5th anniversary mahal ko!" agad na bati ni Net
Agad nilapitan ni Jay ang kasintahan at binigyan ng mahigpit na yakap at isang patak ng halik sa labi, sapat na para iparamdam nya ang pagmamahal na nadarama.
"Akalain mo nga namang tatagal tayo ng limang taon? eh dati hanggang tingin lang ako sayo sa malayo. ang swerte ko pala 'no?" Ani Net nang may ngiti sa labi.
Humalakhak ng marahan si Jay "Mas maswerte ako dahil nagustuhan mo ako. Sa gwapo mo ba namang yan? lahat na ata may gusto sayo noon" Taas kilay ngunit may ngiti sa labi na saad ni Jay.
Tinitigan ni Net ang kasintahan, tangina.. mahal na mahal ko 'to.
"Ikaw lang naman laman ng isip ko palagi" Isang halik sa noo
"Ikaw lang ang gusto kong makasama sa pag tanda, kahit sa kabilang buhay pa" Isang halik sa ilong
"Dahil ikaw lang naman ang nagiisang tiyak sa libo libong duda sa mundo ko." At isang matagal na halik sa labi ang iginawad ni Net, sapat na para maramdaman nila ang nag uumapaw na pagmamahal para sa isat isa.
"Kumain muna tayo dahil baka lumamig na ang niluto kong pancit" Ani Jay, humiwalay saglit sa kanilang saglit na sandali at hinila si Net papuntang kusina.
"Uy pancit? niluto mo ba yan dahil favorite ko yan?" Nakangising saad ni Net.
"Oo, pagpasensyahan mo na kung ito lang muna handa natin ha, di bale na, marami naman 'tong sahog na kikiam at squid balls." Tumawa si Jay sandali "Masarap naman 'to"
Kunot ang noo ni Net "Ano ka ba? paborito ko naman 'to ah? baka nga kahit wala 'tong sahog, ito na pinaka masarap na pancit na matitikman ko."
"Sus. San ka ba makakakita ng anniversary date tapos pancit ang main dish?" pabirong sabi ni Jay at napa kamot sa batok. "Ikaw na lang kasi lagi ang gumagastos pag may okasyon tayo, ayoko naman ng ganon. Kaya sa susunod, sa steakhouse na kita ililibre pag naging manager na ako sa supermarket" Natawa si Jay. sana nga mangyari yon.
"Mahal.." Nakangiting saad ngunit marahan na sabi ni Net, hinawakan ang kamay ni Jay "Kuntento na ako sa ganito, dito at sa kung ano pa ang kaya mong ibigay"
"Talaga? Kahit pancit lang kaya kong maluto kasi kapos sa budget? kahit hindi man lang ako makapag bigay ng regalo tuwing ganto?" malungkot na saad ni Jay, Alam nyang kahit anong gawin nya ay di talaga sasapat ang sinasahod nya lalo na dahil breadwinner din sya ng pamilya.
"Lagi mong tatandaan na presensya mo lang, masaya na ako" Saad ni Net habang nakatingin sa mga matang sya lang ang gustong makita sa araw araw.
Simpleng pagsasalo, simpleng handa, na para bang hindi nito alintana ang kahit anong taas ng bayarin at hamon ng buhay.
----------
Madalas na pumupunta si Net sa inuupahan ni Jay bago tuluyang umuwi sa sariling tinitirhan. Hindi man ito magarbo at maliit lang, sapat na para sa kanilang dalawa. Minsan din ay sa maliit na kama ni Jay sila nagsisiksikan matulog, katulad ngayon.
"Kamusta na pala si nanay sa probinsya mahal?" Marahang tanong ni Net habang nakasandal sa dibdib nya si Jay at inayos ang kumot ng kama dahil pareho silang walang saplot sa ilalim.
Saglit na natigilan si Jay at tumingala kay Net "Walang improvement, ganoon pa rin daw sabi ni Nat. Hindi pa rin siya makapagsalita ng maayos, at hirap pa ring makalakad kaya kailangan pa rin ng gamutan" Mahinang sagot ni Jay at bumuntong hininga.
Hindi maiwasang malungkot ni Net, ramdam niya ang bigat sa bawat pagbigkas ng binata. Kung pwede nga lang ay akuin nya na kahit kalahati ng problema na pasan ng nobyo ay gagawin nya.
" Mahal, sabihin mo lang sakin pag may kailangan ka, ha? Kahit ano." Ani Net ng marahan. "May naitabi pa naman ako dyan, para rin naman kay nanay iyon. Huwag mong akuin lahat mag-isa. Nandito lang ako."
Saglit na natahimik si Jay, bago muling magsalita. "Alam mo mahal, maiintindihan ko naman"
"Ang alin?" May pagtatakang tanong ni Net
"Alam kong darating ang araw na mapapagod ka rin. Sa paghihintay. Sa kakapasan sa mga problema ko." Mahinang sambit ni Jay at medyo natawa "At kung darating man ang panahon na yon, hinding hindi kita masisisi. Dahil alam kong simulat sapul palang ay hindi para sa'yo ang pagmamahal na tinitipid.. Hindi ka ginawa para sa pagmamahal na laging kapos" Saad ni Jay habang gumuguhit ng samut-saring linya sa dibdib ni Net.
"Sana lang may lakas akong tanawin kang naglalakad sakin palayo" Malungkot na saad ni Jay habang nakatingin ng malalim sa mata ni Net.
"Mahal... ayan ka na naman sa pangmamaliit mo sa sarili mo" Marahang sambit ni Net at hinawakan ang pisngi nito "Huwag ka nga magsalita ng ganyan. Paulit ulit ko ring sasabihin sayo na hindi ako aalis sa tabi mo, karamay mo ako sa hamon na to, Jay"
Hinawakan lang ni Jay ang kamay ni net na nasa pisngi nya at marahang pinisil iyon. Wala nang kailangang sabihin. Isinandal na lamang ni Net ang noo sa noo ni Jay. Sa gabing iyon, sapat nang maramdaman nilang hindi natitinag ng kahit anong hamon ang meron sila.
----------
Sa isang baluktot at hindi patas na sistema, ang pag-ibig at mga pangarap ay parehong maaaring maagaw. Sa mundong ang kapangyarihan ay nasa kamay ng iilan at ang pagkakataon ay para lamang sa mga may pribilehiyo, ang pag-ibig sa ganitong ekonomiya ay hindi lamang sinusubok ng panahon at damdamin kundi ng gutom, takot, kawalan ng pag-asa at puri.
Sabi nga sa kanta, kung mamahalin kita ngayon, sabay tayong magugutom.
Umaga pa lamang ng araw na iyon ay hindi na maganda ang pakiramdam ni Jay. Masakit ang ulo niya, marahil dahil sa sunod-sunod na araw ng pagtatrabaho ng halos walang pahinga. Gustuhin man niyang magpahinga, hindi maaari. Hindi niya kayang mabawasan ang sahod dahil sa patakaran nilang no work, no pay. Ang kinikita niya ay sapat lamang, at kadalasan, kulang pa nga para sa mga bayarin at pang-araw-araw nilang gastusin.
Napailing siya.
Nakakatawa, isipin mo. Kapag ang isang manggagawa ay lumiban kahit isang araw lamang, agad nang may malaking kaltas sa sahod. Kailangan pang magpakita ng medical certificate bilang patunay na nagkasakit ka. Samantalang ang ilang tiwaling opisyal na nakaupo sa Senado, kahit hindi pumasok nang ilang buwan, milyon-milyon pa rin ang natatanggap.
Nasaan ang hustisya roon? mapait na tanong ni Jay sa sarili.
Kaya kahit mabigat ang katawan at masama ang pakiramdam, pinilit niyang bumangon at mag-ayos. Wala man lang siyang oras para mag-almusal bago pumasok sa trabaho.
Bandang ala-una ng hapon, habang kumakain siya ng tanghalian sa kanyang lunch break, biglang nag-ring ang kanyang cellphone. Si Nat, ang nakababata niyang kapatid.
Agad niya itong sinagot.
"Nat? Kumusta kayo riyan? Kumusta si Nanay?" tanong niya.
"Kuya..." nanginginig ang boses ni Nat. "Si Nanay..."
Natigilan si Jay. Agad siyang kinabahan.
"Bakit? Ano'ng nangyari kay Nanay?" Halos hindi na niya maitago ang pag-aalala sa kanyang tinig. Nabitawan niya ang kutsara at tuluyan nang nakalimutan ang pagkain.
Mula sa kabilang linya ay narinig niya ang paghikbi ni Nat. "Kuya... dinala ulit si Nanay sa ospital. Inatake na naman siya ng stroke. Kailangan daw siyang mabigyan agad ng medical intervention. Nilipat na rin siya sa private hospital kasi sabi ng doktor, baka hindi na kayanin kung magtatagal pa siya sa public hospital."
Parang gumuho ang mundo ni Jay.
Unti-unting pumatak ang kanyang mga luha habang nanlalambot ang buong katawan. Hindi niya alam kung ano ang unang gagawin. Tatakbo ba siya palabas? Hihintayin ang pagtatapos ng kanyang shift? Tatawag ba siya sa kanyang manager upang magpaalam? O tatawagan si Net upang ipaalam ang balita? Hindi nya alam.
Lalong hindi niya alam kung saan siya kukuha ng napakalaking halagang kakailanganin para sa pagpapagamot at hospital bill ng kanyang ina.
Nanlumo siya.
Nanginginig ang boses niyang muling nagsalita. "Nat, sabihin mo sa kanila na gawin nila ang lahat ng kailangang gawin para kay Nanay. Huwag muna ninyong isipin ang pera. Ako na ang bahala roon. Si Tatay din, bantayan mo, ha? Paki-update ako oras-oras."
"Sige, Kuya... Mag-iingat ka riyan," mahinang tugon ni Nat bago tuluyang ibinaba ang tawag.
Nanatiling nakatitig si Jay sa screen ng kanyang cellphone kahit matagal nang naputol ang tawag.
Unti-unti niyang ibinaba ang telepono. Pakiramdam niya'y huminto ang pag-ikot ng mundo. Ang ingay ng paligid, ang mga usapan ng mga kostumer, ang pag-ring ng cash register—ay tila naglaho. Ang tanging narinig niya ay ang malakas na kabog ng kanyang dibdib. Bakit ba ganito na lang palagi?
Hindi niya alam kung paano, pero kailangan niyang gumawa ng paraan.
Magkano na naman kaya ang kailangan? Isang daang libo? Dalawang daang libo? O baka mas malaki pa?
Kakapasok pa lamang ng sahod niya noong nakaraan, ngunit halos wala nang natira matapos bayaran ang upa sa bahay, tubig kuryente, gamot ni Nanay, at pang araw araw na gastos. Kahit ang laman ng ATM niya ay halos wala nang maipagmamalaki.
Mapait siyang napangiti.
Ano pa bang maibibigay ko? Hindi sapat ang naipon ko para kay nanay. Wala na ring maisasangla. Pati sarili ko, halos ubos na sa kakatrabaho.
Dala na rin ng hilo at pagod, dagdag mo pa ang problemang naibalita sa kanya, naramdaman na lang ni Jay ang panlalambot ng tuhod at katawan hanggang sa tuluyan na syang matumba sa sahig at mawalan ng malay.
Sa kabilang banda, kanina pa balisa si Net. Ilang beses na niyang tinatawagan at tine-text si Jay, ngunit ni isa ay walang nasagot.
Karaniwan namang nag-u-update si Jay kapag nakapasok na ito sa trabaho. Kapag naman lunch break, madalas ay tumatawag pa ito kahit sandali lamang. Kaya habang abala sa sariling trabaho, panay ang sulyap ni Net sa kanyang cellphone, umaasang anumang oras ay makakatanggap siya ng mensahe o tawag mula kay Jay.
Ilang sandali pa'y biglang tumunog ang kanyang cellphone. Dahil inakalang si Jay ang tumatawag, agad niya itong dinampot. Ngunit bahagya siyang nadismaya nang makitang hindi pamilyar ang numero
Nag-aalinlangan man, pinindot pa rin niya ang answer button.
"Hello?"
"Hello, Net? Si Kim ito, katrabaho ni Jay."
Napakunot-noo si Net. "Ah, Kim. Kumusta? May nangyari ba? Bakit napatawag ka?"
Huminga muna nang malalim si Kim bago nagsalita. "Pwede ka bang pumunta rito sa Ramero Hospital? Nawalan kasi ng malay si Jay."
Parang tumigil ang mundo ni Net.
"A-Ano? Bakit? Anong nangyari sa kanya?" halos pabulong niyang tanong habang unti-unting nanlalamig ang kanyang mga kamay.
"Hindi pa namin sigurado. Bigla na lang siyang bumagsak sa break room kanina. Ilang beses ko na rin siyang sinabihang magpahinga dahil ilang araw na siyang mukhang pagod at may sakit, pero matigas talaga ang ulo."
Hindi na halos marinig ni Net ang mga sumunod pang sinabi ni Kim. Kumabog nang malakas ang kanyang dibdib habang sunod-sunod na pumapasok sa isip niya ang kung anu-anong posibilidad.
"Sige... papunta na ako," nanginginig niyang tugon bago agad na ibinaba ang tawag.
Hindi na nag-aksaya pa ng oras si Net. Nagpaalam siya sa kanyang supervisor at dali-daling lumabas ng opisina. Halos hindi niya maramdaman ang init ng araw habang hinahanda ang motor nya.
Makalipas ang ilang minuto ay nakarating siya sa Ramero Hospital.
Pagpasok pa lamang sa emergency room ay agad niyang nakita si Kim na tila kanina pa naghihintay sa kanya.
"Kim!" tawag ni Net habang nagmamadaling lumapit.
"Salamat at dumating ka na."
"Kumusta si Jay? Ano'ng sabi ng doktor?"
Napabuntong-hininga si Kim bago sumagot."Na-stabilize na siya. Mataas ang lagnat niya at sobrang baba ng blood pressure. Sabi ng doktor, mukhang matagal na raw nyang pinapabayaan ang sarili niya, sobrang stress at pagod na rin ang katawan niya."
Napapikit si Net.
Alam niyang hindi lang pagod ang dahilan.
Nakahawak si Net sa kamay ni Jay, mahimbing pa rin ang tulog sa kama. Mahigpit ang hawak nito at paminsan ay pumipisil din. Nalaman na rin nya ang nangyari sa nanay nito, naikwento sa kanya ni Nat.
Napatitig si Net sa maamong mukha nito habang natutulog. Bakit ang unfair sa'yo ng mundo?
----------
Ilang araw na rin ang nakalipas simula ng makalabas ng hospital si Jay, at mga apat na araw din syang SL. Kung hindi pa sya pakiusapan ni Net na magpahinga muna ay papasok agad sya, sayang din kasi ang kikitain sana sa mga araw na umabsent sya. Pero naisip nya rin na mas mahal ang bill ng hospital kung bubugbugin nya pa ang sarili nya, kaya't pumayag na lang sya.
Araw-araw pa rin siyang nanghihingi ng update kay Nat tungkol sa nanay, at sa awa ng Diyos ay naging stable na rin ang lagay nito.
Katatapos lang ni Jay kausapin si Nat. Ang intensyon lang niya ay magtanong tungkol sa kalagayan ng nanay niya at sabihin na huwag munang mag-alala sa gastusin dahil gagawan niya ng paraan pag nakabalik na sya sa trabaho. Kahit mag request sya ng advance payment, kahit magbenta siya ng gamit, kumuha ng mga raket after shift, gagawin nya para lang mabayaran niya ang lahat.
"Tungkol sa bills ng ospital... pakisabihan muna na saglit lang. Magbabayad naman tayo, naghahanap lang ako ng paraan." Sabi ni Jay habang kausap si Nat sa kabilang linya.
"Ay, Kuya. Sa bills ni nanay, hindi mo na kailangan problemahin yan, nagawa na ng paraan ni Kuya Net. Tumanggi din ako nung una pero nagpumulit si Kuya kaya't tinaggap ko na rin. Para naman ito kay nanay Kuya Jay"
Pero doon niya malalaman ang katotohanan. Akala niya bills niya lang ang binayaran ng nobyo. Hanggang sabihin ni Nat na pati ang bill ng nanay niya, gamot, laboratory, at iba pang gastusin ay si Net ang nagbayad.
Hindi nya malaman ang mararamdaman.
magpapasalamat ba sya?
maiinis?
matutuwa?
ewan.
Pero isa lang ang sigurado, Ang unang nararamdaman niya ay hindi pasasalamat.
Kundi hiya.
Nahihiya na sya kay Net
Lagi na lang ganito, lagi na lang si net ang sumasalo sa kanya sa lahat ng problema nya. Alam din naman nyang may sariling bayarin at isipin si Net, dumagdag pa sya.
Pakiramdam nya ay hindi nya nagampanan ng maayos ang pagiging breadwinner ng pamilya, pati na rin ang pagiging kasintahan ni Net.
Maya-maya lang din ay pumasok si Net sa maliit na silid ni Jay, may dala itong iilang piraso ng prutas.
Napatitig si Jay dito, Hindi ko pa kayang ibigay ng buo ang pagmamahal ko kung ganto ang kalagayan ko sa buhay. Mahal kita pero mas prioridad ko sa ngayon ang makaahon sa hirap na 'to. Anito sa isip.
"Gising ka na pala mahal. Kamusta pakiramdam mo? masakit pa ba ulo mo?" Marahang tanong ni Net
Tahimik lang si Jay. Ilang beses siyang sumubok magsalita pero walang lumalabas. Nakaupo lang si Net sa tapat niya, naghihintay.
"May problema ba?" Nagtatakang tanong ni Net.
"Bakit mo ginaya iyon, Net?" Mahinang tanong ni Jay, hindi iyon tanong ng isang taong naghahanap ng paliwanag. Tanong ‘yon ng isang taong desperadong umaasang sasabihin ni Net na hindi totoo ang lahat.
Hindi na kailangan pa na tanungin ni Net ang ibig sabihin ni Jay.
Alam nya na alam na nito.
Tahimik na tumingin si Net sa kanya "Dahil mahal kita"
Nang marinig ni Jay ang mga katagang iyon, para bang may bumagsak sa dibdib niya. Hindi siya gumaan, mas lalo siyang nadurog.
Sa panahon na halos lahat ay nagtitipid, kung saan bawat taas ng presyo ng bilihin ay kailangang pagplanuhan, may isang taong kusang binuhat hindi lang siya, kundi pati ang buong pamilya niya. At 'yon ang hindi nya matanggap.
Hindi dahil ayaw niyang tulungan siya.
Kundi dahil pakiramdam niya, wala na siyang naiiwang dignidad.
Kung tutuusin, malaki ang pasasalamat nya kay Net. Kung hindi dahil dito, malamang ay naghihingalo na ang nanay nya ngayon.
"Mahal mo ako..." Napayuko siya. "Kasama ba sa pagmamahal na 'yan ang akuin mo pati mga responsibilidad ko?" Nanginginig na aniya, nagbabadya na ang mga luha.
"Hindi mo responsibilidad ang nanay ko."
"Hindi mo responsibilidad ang pamilya ko."
"Hindi mo responsibilidad ang mga utang ko."
"At lalong hindi mo responsibilidad ang buhay ko."
Habang nagsasalita siya, mapapansin ni Net na nanginginig ang mga kamay niya. Hindi dahil sa galit. Kundi dahil pinipigilan niyang umiyak. Paminsan-minsan, mapapahinto siya sa pagsasalita para lumunok. Ramdam nya sa dibdib niya ang bigat, parang may batong nakadagan. Hindi niya alam kung paano sasabihin ang gusto niyang sabihin nang hindi tuluyang mabasag.
"Responsibilidad kitang alagaan dahil ikaw ang taong mahal ko."
“Hindi!” Unang beses na tumaas ng boses ni Jay. “Hindi pagmamahal ang tawag kapag pati buhay ko ikaw na ang bumubuhay!"
Tuluyan ng bumuhos ang luha ni Jay, naninikip ang dibdib “"Alam mo ba kung gaano kahirap mabuhay ngayon? Ang taas ng presyo ng pagkain. Araw-araw tumataas ang bayarin. Isang emergency lang, baon na agad sa utang sa utang” Napapikit siya sandali bago ipinagpatuloy ang nanginginig na tinig. “Tapos dumating ako… para lang bigyan ka ng dagdag bayarin?"
Agad hinawakan ni Net ang nanginginig na kamay ni Jay “Hindi kita binibilang bilang gastos” Nagbabadya na rin ang kanyang luha.
“Pero ako.. binibilang ko Net.” Mapait na ngumiti si Jay. “Akala mo ba hindi ko alam kung ilang overtime ang kailangan mong pasukan para mabayaran lahat? Ilang beses mong ipinagpaliban ang gusto mong bilhin? Ilang beses kang nagsabing 'sa susunod na lang' dahil may kailangan kami? Hindi ba’t sabi mong nag iipon ka dahil gusto mo na bumili ng bahay at lupa pati ng sasakyan?”
Tumingin siya kay Net, ngunit hindi niya ito halos maaninag sa likod ng kanyang mga luha.
"Akala mo hindi ko napapansin?" Mas humahaba ang pagitan ng bawat paghinga ni Jay “Imbis na umaangat ka, parang mas lalo lang kitang hinihila pababa”
Napailing si Net habang umiiyak na rin.“Paano ka naging dahilan ng pagbaba ko kung ikaw ang rason kung bakit ako nagsusumikap sa buhay, Jay?” Mahina ngunit buo ang boses niya. “"Ikaw ang dahilan kung bakit gusto kong gumising araw-araw. Gusto kitang tulungan, hindi dahil naaawa ako sa'yo, kundi dahil karamay mo ako. Hindi lang sa masasayang araw... kahit sa ganitong pinakamabigat mong laban."
Mas hinigpitan niya ang hawak sa kamay ni Jay. "Hindi ba't pareho nating pinangarap ang kinabukasang magkasama tayo? Ikaw at ako, Jay."
Umiling si Jay "Paano natin maaabot ang kinabukasang 'yon kung kahit sarili ko, hindi ko maiahon? Aasa na naman ako sa'yo? Ayoko ng gano'n, Net."
Basag ang boses nyang nagsalita “Hindi mo ba maintindihan ha? Gusto kong umangat sa buhay gamit ang sarili kong mga kamay. Oo, desperado na kung desperado. Mukha mang wala akong utang na loob. Pero hindi ako papayag na hanggang dito na lang ako."
"I am more than this. I am more than the life I'm living now."
Natahimik si Net. Hindi nya maintindihan kung bakit parang mali ang ginawa niyang pagtulong. Sa isip niya, natural lang iyon. Mahal niya si Jay. Nakita niyang nangangailangan ito. May kakayahan siyang tumulong. Kaya tumulong siya.
Simple lang.
Pero habang nagsasalita si Jay, unti-unti niyang naiintindihan na hindi pera ang pinag-uusapan nila. Nasasaktan siya dahil nakikita niyang sobrang baba na ng tingin ni Jay sa sarili nito.
Pero nasasaktan din ako, bakit parang tinutulak nya ako palayo?
Tumango tango si Net, alam niyang hindi para sa ganitong buhay si Jay. Kilala niya ang pangarap nito. Kilala niya ang pride nito. At alam niyang gusto lang nitong patunayan na kaya nitong tumayo sa sarili nitong mga paa.
Pero.. “Naiintindihan ko naman. Kaso hindi na ba ako kasama sa mga pangarap mo?” Nahihirapang sabi ni Net habang nakatingin sa magandang kulay kayumanggi na mata ni Jay.
Nag iwas ng tingin si Jay "Kung ito lang ang paraan para mabago ang buhay ko, natin..." Napalunok siya. "Oo, Net."
“Dahil mas uunahin ko muna ang pangarap, pamilya at sarili ko sa ngayon. Madami pa ako gustong magawa sa buhay, at alam kong ikaw rin. Ayokong matali tayo sa relasyong hindi ko pa kayang tapatan ang pagmamahal na binibigay mo. Hindi mo deserve ng pagmamahal na tinitipid”
Tinignan ni Jay si Net sa mga mata at hinawakan ang pisngi nito “Hanggang dito na lang tayo”
Pinilit niyang ngumiti, kahit alam nyang pagtapos ng araw na ito ay baka hindi nya na muli pang masilayan ang mukha ng dating kasintahan.
----------
Kasabay ng pag-ikot ng mundo ay ang patuloy na buhay ng bawat Pilipino. Sa bawat taong nagdaan ay halos wala namang pinagbago.
Sa isang bansang kung saan ang sipag ay hindi laging sapat upang makaahon sa kahirapan, maraming Pilipino ang natutong mabuhay sa pagitan ng pag-asa at pangamba.
Naging normal ang pagkakaroon ng dalawa o higit pang pinagkakakitaan. Marami ang nag-o-overtime, naghahanap ng sideline, o nangingibang-bansa upang maitaguyod ang pamilya. Samantala, ang iba naman ay napilitang ipagpaliban ang sariling mga pangarap dahil mas mahalagang mairaos muna ang pang-araw-araw na pangangailangan.
Ngunit sa kabila ng mga ito, hindi tumigil ang buhay. May mga patuloy na lumaban. May mga piniling sumugal.
At mayroon ding isinakripisyo ang sariling kaligayahan, umaasang balang araw ay magiging sulit ang lahat ng sakit na kanilang tiniis.
Isa na roon si Jay.
Hindi nya masasabing nakamit nya na ang lahat ng pangarap, pero malayo na rin ang narating nya. 8 years na rin. Malayo na pero malayo pa.
Supervisor na ngayon si Jay sa isang supermarket. Unti-unti na rin niyang naiahon ang buhay nila. Napagtapos niya sa kolehiyo ang kapatid na si Nat at nakapagpagawa ng maliit ngunit maayos na bahay para sa pamilya. Hindi man ito kalakihan, sapat naman iyon para magkaroon sila ng sariling tahanan.
Ang tanging panghihinayang niya ay hindi na naabutan ng kanyang ina ang lahat ng iyon.
Bago pumasok sa trabaho, nagpasya muna siyang bumili ng macchiato sa coffee shop na malapit sa supermarket. Kakakuha pa lang niya ng order at paalis na sana sa counter nang may narinig siyang boses mula sa customer na kasunod niya.
"Isang cappuccino po, please. Thank you."
Hindi niya alam kung bakit napalingon siya. Pagharap niya, eksakto namang nagtama ang kanilang mga mata.
Parang huminto ang oras para kay Jay, hindi alintana ang ingay sa loob ng cafe. Bahagyang nabuka ang labi ni Jay, ngunit walang salitang lumabas na salita. Ngayon lang niya muling nakita ang maamong mukhang minsang naging pamilyar sa kanya.
Walong taon.
Walong taon mula nang huli silang magkita.
Nang mapansing masyado na siyang nakatitig, mabilis niyang ibinaba ang tingin at naglakad palabas na sana ng café. Ilang hakbang pa lang ang kanyang nagagawa nang marinig niya ang tinig na matagal na niyang hindi naririnig.
"Jay."
Napahinto siya. Ilang segundo siyang nanatiling nakatalikod. Hindi niya alam kung lilingon ba siya o magpapanggap na lang na hindi niya narinig ang tawag.
Ngunit bago pa siya makapagpasya, naramdaman niyang may tumabi na sa kanya.
"Net..." Hindi niya namalayang nasabi iyon.
Napangiti nang bahagya si Net. "Oo. Ako nga."
Sandaling katahimikan ang namagitan sa kanila.
"Nagmamadali ka ba?" tanong ni Net. "Kung wala ka namang hahabulin, gusto mo bang umupo muna tayo? Kahit saglit lang."
Tiningnan siya ni Jay. Maraming tanong ang pumasok sa isip niya, pero mas nanaig ang pag-uusisa kaysa sa pag-iwas. Makalipas ang ilang segundo, marahan siyang tumango.
"Sige."
Tutal, wala naman sigurong masama kung mag-usap sila kahit sandali.
Pagkaupo nila sa isang bakanteng mesa, kapwa sila natahimik. Pareho silang tila naghahanap ng tamang salitang ipambubukas ng usapan matapos ang walong taong pananahimik.
Si Net ang unang bumasag sa katahimikan. "Kumusta ka na?" Tanong nito, may ngiti sa labi.
"Ayos naman."
"Nabalitaan kong supervisor ka na raw ngayon ah?"
Napangiti si Jay at bahagyang umiling. "Hindi naman gano'n kalaki 'yon. Malayo pa sa sinasabi nilang successful. Pero... masasabi kong maayos na ang buhay namin."
Tumango si Net, hinihintay siyang magpatuloy.
"Napagtapos ko na si Nat. May trabaho na rin siya ngayon." Bahagyang napangiti si Jay. "Nakapagpagawa na rin kami ng bahay. Maliit lang, para sa amin lang talaga."
Unti-unting nawala ang ngiti sa kanyang labi. "Sayang lang... hindi na naabutan ni Nanay."
Tahimik na yumuko si Net bilang pakikiramay. Wala siyang sinabi. Minsan, sapat na ang katahimikan.
Makalipas ang ilang sandali, muling nagsalita si Jay."Ikaw? Kumusta ka na? Anong pinagkakaabalahan mo ngayon?"
May maliit na ngiti si Net bago sumagot.
“Life’s good. Napromote ako sa company na pinagtatrabahunan ko noon, pero nasa ibang company na ako ngayon, Inilipat ako ng kumpanya sa branch dito. Manager pa rin. Nakabili na rin ng bahay at lupa… pati yung kotseng pinapangarap ko lang noon”
Tumango si Jay. Proud sya sa narinig. Hindi na siya nagtaka, alam nyang magiging successful ito balang araw.
Sandaling natahimik ang dalawa habang hinihigop ang kani-kanilang kape.
"Kamusta si Tito?" tanong ni Net.
Napangiti si Jay. "Okay naman. Retired na. Hindi ko na pinapatrabaho, may edad na e. Sa bahay na lang siya madalas. Nag-aalaga ng mga halaman."
Pareho silang natawa nang mahina. Saglit na nabawasan ang bigat ng hangin sa pagitan nila.
"Ikaw?" balik na tanong ni Jay. "Kamusta ang parents mo?"
"Mabuti naman sila. Pareho nang senior kaya mas madalas na akong umuuwi para dalawin sila."
"That's good."
Saglit ulit silang nanahimik hindi na kasing ilang kanina, pero ramdam pa rin ang distansya.
Napansin ni Net na paulit-ulit na iniikot ni Jay ang tasa nito gamit ang mga daliri, na para bang may gustong sabihin ngunit hindi alam kung paano sisimulan.
“May gusto ka bang sabihin?”
“Halata ba?” Mapait na ngumiti si Jay ‘"Actually... matagal ko nang iniisip kung ano ang sasabihin ko kapag nagkita ulit tayo." Napatingin si Net sa kanya. “Hindi ko rin kasi inakalang magkikita pa tayo”
Huminga muna si Jay ng malalim. “Gusto ko lang humingi ng tawad. Sa mga nasabi ko noon, sa mga nagawa at hindi ko nagawa. Wala akong araw na hindi ko inisip kung ano kaya ang mangyayari sa’tin kung pinagpatuloy natin?” May luha nang nagbabadyang tumulo sa gilid ng mata ni Jay
“Pero, hindi ko pinagsisihan ang desisyon na iyon. Kung hindi natin tinuldukan ang meron tayo noon, sa tingin mo ba makukuha natin lahat ng ‘to?”
Napatingin si Net sa manipis na usok na unti-unting nawawala mula sa tasa ng kanyang kape. Maraming alaala ang bumalik. mga pangarap na sabay nilang binuo, mga pangakong hindi natupad, at ang gabing naging dahilan ng tuluyan nilang paghihiwalay. "Bakit mo sinasabi 'yan ngayon?"
"Dahil ito na lang siguro ang pagkakataon." Mapait na napangiti si Jay
“Papa!”
Sabay silang napalingon sa matinis na boses na tumawag mula sa di kalayuan. Napatingin si Jay sa batang papatakbo papalapit sa kanila—o mas tamang sabihing, papunta kay Net.
Kinarga ni Net ang bata “Why po ang tagal mo mag buy ng coffee papa? Kanina pa po kami nag wait ni mommy sa saksakyan”
Natigilan si Jay. Paulit-ulit na nagpalipat-lipat ang tingin niya sa mag-ama. Hindi niya namalayang tuluyan nang pumatak ang kanyang mga luha.
Hindi maikakaila. Magkamukhang-magkamukha ang dalawa.
“Sorry, Baby. Natagalan si Papa,” malambing na sabi ni Net bago muling humarap kay Jay. “Ah si Eli, panganay ko. 3 yrs old”
“Hi, Eli,” paos niyang bati habang pilit na ngumingiti. “Ako si Tito Jay.”
“Hi po, Tito Jay,” nahihiyang tugon ng bata bago nagtago sa leeg ng kanyang papa.
Tahimik na pinagmasdan ni Jay ang dalawa. Kung... hindi kita iniwan noon... ako kaya ang kasama ninyo ngayon? Pangarap natin 'to, hindi ba? Ang magkaroon ng simpleng pamilyang uuwian araw-araw.
“Love, nandyan lang pala kayo”
Napalingon si Jay sa pinanggalingan ng boses, isang magandang babae ang lumapit sa kanila
Lumapit si Net sa kakarating lang na babae, at marahang inalayayan. “Misis ko,” pakilala ni Net. Pagkatapos ay tumingin siya kay Jay. “Love, si Jay pala—”
“Kaibigan ni Net,” mabilis na putol ni Jay, saka iniabot ang kanyang kamay. “Nice to meet you.”
Nginitian siya ng babae at magiliw na tinanggap ang pakikipagkamay. “Nice to meet you too, Jay,” aniya habang awtomatikong hinahaplos ang nakaumbok niyang tiyan. Napababa ang tingin ni Jay.
“Sige, bumalik na muna kayo. Susunod na rin ako,” sabi ni Net. Yumuko siya at marahang hinalikan sa noo ang asawa.
Pagkatapos ay hinarap ang anak. “Eli, alalayan mo si Mama, okay?”
“Okay po, Papa!” masiglang sagot ng bata. Kumaway pa ito kay Jay. “Bye po, Tito Jay!”
“Bye, Eli,” mahina niyang tugon.
Hinigit ni Jay ang hininga, hindi alam ang sasabihin. Maya maya rin ay nagsalita sya.
“Mauna ka na Net, hinihintay ka na ng mag ina mo” Pilit niyang pinatatag ang boses, kahit ramdam niyang unti-unti nang nadudurog ang kanyang puso.
Tumingin sa kanya si Net “Salamat Jay, salamat kasi pinakawalan mo ako noon.” Malungkot na tumingin sa kanya si Net ngunit may kapayapaan din “At.. salamat sa limang taon nating pinagsamahan. Sana alam mong proud ako sayo”
“Alam ko...” nanginginig niyang tugon. “At proud din ako sa'yo.”
Ngumiti si Net at bahagyang tumango.
“Net.. Ayaw na ulit kitang makita”
Hindi na lumingon si Net. Marahan lang itong tumango at naglakad na palayo.
Habang pinagmamasdan ni Jay ang likod ng lalaking minsan niyang pinangarap makasama habambuhay, doon niya tuluyang naunawaan—May mga taong mamahalin mo habang-buhay.
Pero hindi na kailanman magiging sa'yo. Dahil sa ekonomiyang ito, lahat ay politikal. Kahit pagmamahal.
