Actions

Work Header

Crush kita...Okay lang?

Summary:

Sa Senior High ka nga talaga magigising. Sa Senior High ka makakahanap ng mga kaibigan. Sa Senior high ka unang iibig. Lahat ng unang beses ay nasa Senior High, kung sa iba man ay masyadong huli na kung ngayon mo pa lang ito mararanasan pero para kay Mutya ito ay sakto lang. Saktong dating at saktong pagkakataon.

Notes:

Mutya- Ohyul
Niño- Ryul
Wyn- Woojin
Eli- Louis

(See the end of the work for more notes.)

Work Text:

All throughout his student life, ni minsan hindi naging pabaya si Mutya. Isa siyang academic weapon kung tawagin. Kaliwa't kanan ang kaya nitong salihan na kompetisyon at lahat yon walang mintis nyang susungkitin ang tropeyo. Nasa kanya na ang lahat. Nakadikit na sa pangalan nya ang lahat ng "Best"

Baka isang gubat na nga ang mabuo kung iipunin ang mga sertipiko na natanggap niya mula noon hanggang ngayon at hanggang sa mga susunod na bukas. Ganon karami ang puno na pinutol para sa mga papel ng sertipiko na meron sya.

Sa pagtungtong ng Grade 9, napagtanto ni Mutya na, no one could ever beats him. Hindi pa pinapanganak ang makakatalo sa kanya. At kung makaharap man nya ang taong iyon, he knew he would do well. Hindi sya kakabahan, sya pa rin ang mananalo.

Pero mapaglaro nga talaga ang tadhana lalo na para sa katulad ni Mutya. Minsan kapag sobrang taas mo na ay gagawa ang mundo para hilain ang paa mo sa lupa.

Biyernes ng Agosto. Si Mutya ang naatasan na mag represinta ng eskwelahan nila para sa quiz bee. Swabe na pinagpag ni Mutya ang uniporme nya habang nakaharap sa mga teachers at estudyante sa ibaba ng stage. Gaya ng nakasanayan, panatag ang loob ni Mutya sa itaas. Sa ilalim ng mahapdi na ilaw na nakatutok sa kanya.

He was smiling brightly. Nakikipagtawanan pa sya at nagbibiro kahit ang mga kasama nya ay parang natatae na sa kaba.

"Sino yan?" Parang artista kung ituring ng mga kapwa estudyante nya ang taong humanay sa kanila. Kumunot ang noo ni Mutya nang tignan nya iyon. Hindi nya kilala. Hindi sya pamilyar sa mukha ng lalaki. Pero sa uniporme na suot nito, Oo.

Pinanlisikan nya ang logo na nakatatak sa bulsa ng uniporme nito. St. Joseph College - Junior High School Department. Natandaan ni Mutya na minsan nya na ngang nakaharap ang eskwelahan na iyon. May iilan na kayang sumabay sa kanya pero hanggang doon lang, sya pa rin ang umuuwing wagi.

Hindi na pinansin ni Mutya ang estudyante dahil ano bang bago? Wala namang bago. Inip na sya. Gusto nya ng matapos to at makapag meryenda na. History ang naging unang topic nila nang magsimula ang quiz bee. At gaya nga ng inaasahan ni Mutya, sya ang nangunguna sa pagsagot.

Nagbubura pa lang sa whiteboard ang iba, sya ay nakataas na ang kamay. Wagas ang ngiti ni Mutya sa tuwing tumataas ang puntos nya at nalalagas silang mga estudyante sa stage. Hanggang sa…sila na lang dalawa.

Nilingon ni Mutya ang scoreboard. Masyado syang na ingganyo, hindi niya napansin na may humahabol pala sa kanya. Tinuon ni Mutya ang atensyon sa harap pero sa hindi sinasadya ay nagkahulihan ang mata nilang dalawa. Nakangiti sya. Hindi ang labi pero ang mata nito. Parang sumabog ang mga tala sa mata ng lalaki. Hindi maintindihan ni Mutya kung ano ang ibig sabihin non kaya nainsulto sya. Mukang minamaliit sya nito. Yumuko si Mutya at nilinis ang whiteboard nya.

"We have a winner! Congratulations St. Joseph!"

Parang binuhusan ng malamig na tubig si Mutya nang i-announce iyon. Sobrang ingay ng tilian at palakpakan. Naiwan syang nakatayo sa gilid ng stage dahil hindi pa rin sya makapaniwala na natalo sya.

Natalo sya. Hindi nya alam kung ano ang nararamdaman nya dahil ngayon lang ito nangyari sa kanya. Pinanood nya ang ibang estudyante na umakyat sa stage para i-celebrate ang pagkapanalo ng kaklase nila.

Lahat sila tuwang tuwa. Saka lang sya kumilos nang tawagin ang pangalan nya at iabot sa kanya ang sertipiko. Sertipiko na hindi bagay sa pader ng bahay nila.

First Runner Up. Ang hapdi sa mata. Ang pangit ng font at ng design. Tinitigan ni Mutya ang papel sa kamay nya at balik ulit sa katunggali nya. Nakatingin sa kanya ang lalaki at tulad kanina ay nakangiti pa rin ito sa kanya. Kumunot ang noo ni Mutya at nag martsa pababa ng stage. Umuusok ang butas ng tenga at ilong nya sa galit. Halata iyon sa kanyang muka dahil lahat ng nakasalubong nya ay iniiwasan sya.

"Buti naman at natalo rin yang Mutya na yan. Dapat lang yan sa kanya. Mayabang na masyado."

Napahinto si Mutya sa paglalakad. Hindi nakaligtas sa tenga nya ang mga salitang iyon. Pero imbis na komprontahin kung sino man iyon ay pinagpatuloy nya ang paglakad paalis sa lugar na ito. Ayaw nya na rito.

Simula ng araw na iyon, habang nagmumukmok si Mutya sa harap ng pusa nya, isinumpa nya ang lalaki. Hindi na papayag pa si Mutya na matatalo ulit sya. Tama na ang isang beses dahil iyon na rin ang huli.

Nakatulog si Mutya yakap ang pusa nya. Walang kamalay malay na magigising ito sa bagong yugto ng buhay estudyante nya.

"Why are you doing this?"

"Tatakbo lang tayo. Wag mo sabihin na takot kang matalo kita?"

Sumingkit ang mata ni Mutya sa harap ni Niño. Hindi nagtagal matapos mangyari iyong pagkapahiya ni Mutya sa quiz bee, nalaman nya na agad kung ano ang pangalan nito. Mas magandang alam nya ang pagkatao nito para alam nya ang mga plano na gagawin.

Buntong hininga ang ginawa ni Niño at nilapag ang bag sa bleachers. Tinanggal nya rin ang ID at uniporme nya. Puting sando ang panloob nito na ngayon ay nakabalandara kay Mutya ang natira.

"Game ka?"

"Like I have a choice? Tsk."

Hindi na kasi mabilang sa daliri sa kamay at paa kung ilang beses nang hinamon ni Mutya si Niño. Kahit nga paputian ng ngipin hindi pinalampas ni Mutya. Mas lalo na ang paramihan ng likes and shares sa profile picture sa facebook. Balak nyang matalo si Niño sa lahat ng bagay. Gusto nyang ipamuka rito na sya ang lang dapat ang panalo. Sya ang pinakamagaling.

"Ready. Steady. Go!"

Sobrang gaan ng katawan ni Mutya habang tumatakbo sya. Sa kahit anong larangan, sigurado syang hindi sya bibiguin ng pagtakbo. Matagal nya na itong ginagawa. Palagi nyang hinahamon ang sarili at tinutulak sa kung hanggang saan pa ang makakaya nya.

Kumalat na ang kulay kahel sa hapon na iyon. Palubog na ang haring araw pero bago ito lumisan sa ibabaw ay hahalikan muna nito ang kalangitan. Magaan ang hapon, magaan ang loob ni Mutya habang tumatakbo. Sisiw lang itong oval at ang ilang ikot na gagawin nila.

Malakas ang loob ni Mutya na hamonin si Niño kasi alam nyang sa puntong ito ay siya na ang mananalo.

"Happy now?"

Nakaupo si Mutya habang habol ang hininga. Matalim ang titig nya sa palad na nakalahad sa kanyang harapan.

"Bro! Napanood ka namin sa taas, ang bilis mo pala tumakbo?!"

Nahila paalis si Niño sa harap nya dahil dinumog ito. Mukhang kakilala iyon ni Niño dahil magkakaparehas sila ng unipormeng suot. Muli, bumalik na naman kay Mutya ang emosyon na naramdaman nya nung araw na natalo sya sa quiz bee at katulad noon ay may mga tao ulit sa paligid ni Niño habang sya ay…mag isa lang, nanonood lang sa tabi.

Bakit parang nasasaktan sya? Hindi pa rin pala ubos ang ganitong pakiramdam sa dibdib nya. Para syang binigo ng mundo, para syang binigo ng pagtakbo.

Dahil ano na nga lang ba ang gagawin mo kung sa bagay na inaakala mong magaling ka ay iba ang naging resulta.

Mutya realized that he wasn’t as good as he thought he was. Ang sakit. Pati ba naman sa pagtakbo mapapahiya sya? Bukod sa mga medalya na maipagmamalaki ni Mutya, ang pagtakbo rin ang kaya nyang ipagmalaki sa lahat. Mabilis sya tumakbo. Kaya nya takbohin kahit gaano pa kalayo. Masaya sya tuwing tumatakbo. Naglaho parang bula ang pagmamahal nya rito dahil lang sa isang simpleng hamon, dahil lang sa isang simpleng hapon.

Umirap si Mutya baka sakaling matuyo ang luha sa mata. Tumayo sya at nilikom ang mga gamit. Walang pasabi na nilayasan nya si Niño at ang barkada nito.

Dumating ang marso kung saan magtatapos na si Mutya sa Junior High School. Sya ang valedictorian ng batch nila. Sya ang nag iwan ng mensahe para sa mga estudyante, guro, principal, at ibang magulang na nanood nung araw na iyon.

He was so proud of himself. Wala na talagang makakatumbas pa sa ligaya na kayang ibigay ng mga sertipiko at medalya na nakasabit sa kanya. Nag celebrate sila ng pamilya nya. Wala nga lang ang ate nya dahil hindi ito makakasama dahil may pasok ito.

"I'm so proud of you, Anak."

"Alam mo, hindi mo kami kailanman pinag-alala ng papa mo. Kasi ever since you were a kid, responsable ka na. Matalino ka anak, magalang, at mabuting anak sa amin. We are so blessed to have you as our child, Mutya."

Ang sarap sarap sa tenga. Ang sarap makarinig ng papuri. Ang sarap marinig na malaki ang tiwala sayo ng magulang mo. Pero bakit kapag si Mutya na lang ang nasa kwarto nya at kalaro ang pusa nya, nag iiba bigla. Minsan napapaisip sya kung ano kaya ang lagay nya ngayon kung hindi sya lumaking independent. Kung hindi sya competitive. Kung hindi sya palaging nagmamarunong sa mga bagay bagay, kung hindi sya matalino, at kung marunong sya makuntento sa kung ano ang binigay sa kanya. Siguro masaya. Siguro may kaibigan din sya. Siguro katulad ng kay Niño.

 


 

"Dyan ako." Tiningala ni Mutya ang boses. Ang unang napansin nya rito ay ang buhok nitong hanggang leeg. Parang mullet na humaba. Gumamit lang ng gel para pormahan. Bawal yan diba?

"Nauna ako rito."

Patay malisya si Mutya at tumingin pa sa bintana. Mga ilang segundong nakatayo ang estudyante sa harap nya bago nito pinatunog ang dila sa inis at lumayas sa harap nya. Akala siguro non ay masisindak nya si Mutya. Hindi porket transferee si Mutya ay makakaya sya ng mga ito. Hindi sya papayag no!

Bago matapos ang bakasyon ni Mutya kinontrata nya na ang magulang nya na sa St. Joseph nya gusto mag Senior High. Medyo alangan pa si Mutya dahil hindi rin sya sigurado kung papayag ang magulang nya sa plano nya dahil dalawang taon na lang naman na ang bubuohin nya, bakit hindi na lang don sa eskwelahan nya noon?

Hassle pa ang mag transfer, lalakarin nya pa ang mga records nya, bibili ng bagong uniporme, at medyo mapapalayo rin ang byahe nya papasok at pauwi. Pero pumayag ang mga ito. Sinuportahan sya sa plano nya at nag presinta pa na samahan sya sa mag enroll. Tuwang tuwa si Mutya at sinabi na hindi na iyon kailangan dahil kaya nya na mag isa.

Ngayon, nakaupo si Mutya sa isa sa mga silya ng kanilang silid-aralan kung nasaan nakalista ang pangalan nya. Gumana ang plano nya. Hindi man sila nasa iisang section ni Niño, malapit naman ito sa kanya. Mas maganda na rin siguro yung wala sila sa iisang section, baka mairita lang sya araw araw na makita muka ni Niño.

Dahil unang araw pa lang puro pagpapakilala pa lang ang inatupag nila buong maghapon pati kung ano ang mga requirements sa subject nila. Kahit transferee si Mutya hindi sya nahihiya na bitbitin ang sarili nya. Tumakbo pa nga syang class president kahit wala namang nakakakilala sa kanya.

"Kayong dalawa talaga. Unang araw ng pasukan nangungulit agad kayo. Bukas pagpasok nyo pinatabas nyo na yan ha!"

Hinabol ng tingin ni Mutya ang paalis na guro na umiiling pa ang ulo. Tinignan nya ang dalawang sinermonan na nagkakalat dito sa hallway. Tawa pa nang tawa ang dalawa akala mo hindi pinagalitan.

Yung isang lalaki ay yung lumapit kay Mutya kaninang umaga, yung mahaba ang buhok. May kasama na itong isa pang kaklase nila. Matangkad at maputing lalaki, naka jacket kahit napaka init.

Suki siguro sa guidance office ang dalawang to. Mahaba ang buhok, may burloloy sa katawan, oversized ang uniporme, hindi naka black shoes, at may hikaw pa sa tenga. Napailing na lang si Mutya.

Saka nya na poproblemahin ang dalawang iyon kapag nagsimula na sya bilang presidente ng klase.

"Mutya?"

Nilingon ni Mutya ang tumawag sakanya. Si Niño iyon na bakas ang gulat sa mukha. May hawak syang chuckie na hindi pa maayos ang pagkakatusok ng straw sa karton.

"Niño, ikaw pala."

"Dito ka na mag-aaral?"

"Oo. Nagulat ka ba?"

Tumango si Niño. Tinitigan sya nito mula ulo hanggang paa, hindi pa rin makapaniwala. Umirap lang si Mutya dahil parang tanga na naman ang ekspresyon nito. Nilapitan nya ang nakatunganga na si Niño at tinusok ng maigi ang straw sa karton.

"Araw-araw mo na ako makikita. Wag ka magsawa ha."

Iniwan ni Mutya si Niño sa hallway.

 


 

𝕳𝖆𝖒𝖇𝖔𝖌 𝖓𝖌 𝕾𝖆𝖌𝖕𝖗𝖔 𝕶𝖗𝖊𝖜

 

Mutya: Ano to?

Eli: nong sabi sayo ni maam komunikasyon?

Mutya: Ma'am Aquino?

Eli: oo basta ano sabi?

Wyn: tagal mo pres

Mutya: Hindi raw kayo pwede mag quiz hanggat hindi kayo nagpapagupit

Wyn: kupal talaga yang matanda na yan eh

Mutya: Hoy!

Eli: nagpatabas na kamo ako hindi ko to pwede ipasagad gaya ng gusto nila ayoko magmukang tae

Wyn: edi hindi ako mag quiz

Mutya: Hindi naman kayo yung masusunod e 

Magpagupit na kayo

 Yan ang sabi sakin, sitahin daw kayo

Wyn: bakit si jesus mahaba naman yung buhok

Eli: capital J po yun

Wyn: oh sige nga yung Japan ano capital

Eli: J???

Wyn: tokyo yun bobo

Mutya: hahaha

Eli: tawa si pres oh

Eli: pres sabihin mo magkamatayan man kami hinding hindi kami magpapagupit

Mutya: Ano ba yan

Wyn: pres tulungan mo kami

Wyn: inagaw mo na nga yung upuan ko e bad trip ka upuan ko yon may chiklet akong dinikit don na palatandaan

Mutya: Ang dugyot mo

Mutya: Bahala kayo dyan

 


 

"Dagdagan mo pa."

Nagsisiksikan sila ngayon sa harap ng salamin sa cr ng boys. Malagkit na ang kamay ni Mutya dahil sa gel at wax na naghalo. Dalawang buwan na sila sa First Quarter at ang dalawang ito, si Eli at Wyn, ang isa sa dagdag na responsibilidad ni Mutya bilang presidente ng klase. Matigas ang ulo ng mga to.

Pinandigan iyong kahit magkapatayan ay hindi talaga sila magpapagupit. Hindi na rin alam ni Mutya kung anong kumbinsi ang gagawin nya para mapapayag ang mga ito sa huli ang tanging naisip nya na lang ay pagtakpan na lang ang dalawa.

Unang beses itong ginawa ni Mutya. Naging presidente na sya ng klase noong Junior High School sya. Ayaw sa kanya ng mga kaklase nya kasi masyado syang mahigpit. Hindi nya binabali ang batas ng section nila kahit kanino. Sa madaling salita, KJ sya. Kaya nga wala syang kaibigan e. Ugali nyang mag sumbong agad. Pero kahit ganon binoboto pa rin naman sya paulit ulit. Gaya nga ng sabi nila, pangit lang ang ugali nya pero maaasahan naman sya.

Tinapon ni Mutya ang mga sachet na walang laman at naghugas ng kamay. Meron pa silang limang minuto bago tumunog ang bell. Pinanood nyang magtanggal ng hikaw ang mga kasama nya.

"Okay na to ha."

Muling sinipat ni Mutya ang itsura ng dalawa. Tama nga si Wyn, matatago nila to sa gel. Hindi nya alam kung anong magic ang ginawa ni Wyn pero gumana iyon. Wala na silang hikaw at tamang sukat ang uniporme na suot nila. Mukha na silang maaasahan na estudyante.

"Tara na."

Bumalik silang tatlo sa klase na may bitbit na kaba. Nang pumasok ang matandang guro bitbit ang mga papel, nagkatinginan pa sila.

"Sinong absent?"

"Wala po, Ma'am" Nilibot ng ginang ang mata nito sa buong apat na sulok.

"Okay class. Ballpen lang ang makikita ko dyan sa lamesa. Get one and pass."

Sabay sabay silang nagkatinginan na tatlo kahit magkakalayo ang upuan nila. Success. Ang ibinuka ng bibig ni Eli mula sa kabilang dulo kaya nag thumbs up si Mutya.

"Sali kaya tayo ng campus ministry diba may plus points daw."

"Tanga, bawal ka sa ganon!"

"Tanga ka rin. Magaling kaya ako kumanta."

Umubo pa si Eli para ipamalas ang talento nya sa pagkanta pero bago nya pa magawa iyon ay pinasakan na sya ni Wyn ng tinapay sa bibig kaya natawa si Mutya.

"Tawa si Pres oh."

Sumimangot si Mutya.

"Ikaw ba Mutya, sasali ka ba?"

"Hindi ko alam. Hindi ko pa pinag iisipan."

"Wag na tayo sumali sagabal pa yan sa pag aaral e."

Sabi ni Wyn habang nililigpit ang pinagkainan. "Baliw! Ang sama ng ugali mo!"

"Lagi yun may practice tignan mo si Niño halos sya na magsara ng chapel." Nilapag ni Mutya ang kutsara nya sa narinig.

"Part ng campus ministry si Niño?"

"Oo. Solid yon, simula grade 1 yata haha!"

"Elementary pa lang si Niño dito na sya nag aaral. Alcohol nga!"

Tinapik ni Wyn si Eli. Hindi na makakain si Mutya dahil mas pinili nyang mag focus sa pakikinig. Nag alcohol muna ng kamay si Wyn bago ito nagpatuloy.

"Makadyos yata yon. Inaya nya rin ako dati kaso tumanggi ako e baka masapawan ko na sya ron."

Binato ni Eli si Wyn ng kanin na nalaglag sa lamesa.

"Matagal na pala syang estudyante rito. Bakit hindi sya ang representative minsan sa mga competition?"

"Mahiyaan si Niño. Hanggang dito lang sya sa school noon. Buti nga napilit na ng mga teachers."

Gusto pa sana magtanong ni Mutya kasi bitin pa sya sa kwento kaso iba na ang pinag uusapan ni Eli at Wyn. Ayaw nya naman magtanong pa kasi baka iba pa ang maging dating. Pinagpatuloy na lang ni Mutya ang pagkain. Bago nya pa maubos ang ulam nya na munggo, buo na ang desisyon nya. Sasali sya sa campus ministry.

"Manood ka muna. I will get back to you later ha."

Sabi ni Ms. Reyes, ang Religion Teacher ni Mutya. Sya rin pala ang may hawak sa campus ministry. Konti na lang daw ang sumasali kaya ginagamitan na nito ng plus points para lang makahikayat. Baka plus points na rin iyon hanggang langit.

Umupo si Mutya at pinanood ang rehearsal ng choir para sa sunday mass. Tinitigan ni Mutya isa isa ang mga umaawit pero wala si Niño. Hindi ba ito umattend ngayon? Imposible yan.

Tahimik lang si Mutya na nagmamasid hanggang sa dumako ang mata nya sa may hawak ng piano. Naroon pala ang hinahanap nya. Nakatingin ito sa kopya sa kanyang harapan. Ngayon lang nalaman ni Mutya na marunong pala ito mag piano. Gitara lang kasi ang alam nya pero kung aaralin nya yan siguro makakaya nya rin. Fast learner sya, kayang kaya nya yan. Pero sa ngayon wala syang balak humawak ng instrumento. Gusto nya umawit.

Isang pasada pa sa Kordero ng Diyos bago natapos ang choir. Pinag break muna ni Ms. Reyes ang mga estudyante. Mukang mamaya pa sya nito maaasikaso dahil may kinausap pang ibang teacher.

"Mutya."

Nilingon ni Mutya si Niño. Ang bilis naman nitong puntahan sya.

"Bakit?"

"Sasali ka?" Binulsa ni Mutya ang kamay nya at tumango kay Niño.

"Marunong ka ba mag piano?"

Wala sanang balak makipag asaran si Mutya ngayon pero parang sinusubok sya ni Niño. Pikon talo pa naman sya.

"Bakit?"

"Turuan kita."

"Bakit mo ako tuturuan? Mukha ba akong hindi marunong ha?"

Napaatras si Niño sa pangil ni Mutya. Sinundot ng dila nito ang pisngi nya. Parang tanga na naman si Niño sa harap ni Mutya kaya naiinis na naman si Mutya. Bakit ba napaka awkward ng taong to?

"Hindi naman sa ganon…"

"O ano pala?"

"Baka lang gusto mo…pwede kita turuan…"

Tumayo si Mutya at pinuntahan ang pwesto ng piano. Agad bumuntot sa kanya si Niño. Umupo si Mutya sa silya at hinarap ang booklet. Kumunot ang noo nya nang makaharap ang mga nota. Pamilyar sya sa mga iyon dahil pina-drawing at pinakabisado sa kanila noon yun nung elementary pa sya sa subject na M.A.P.E.H

Nilapat ni Mutya ang daliri sa keyboard at napangiti na sya ng gumawa iyon ng tunog.

"Sa baba ang pedal at ito naman yung…" Blah blah blah. Ang daldal ni Niño. Pinapaliwanag nito ang anatomy ng piano na para bang hindi nag grade 2 si Mutya. Bored ang mukha ni Mutya na tinitignan ang mga tinuturo ni Niño sa kanya. Parang matagal na nga yata ito tumutugtog dahil marami itong alam.

"May alam ka ba tugtugin?" Hindi sumagot si Mutya at ginawa na lang ang kabisado nya.

Do. Re. Mi. Fa. So. La. Ti. Do.

"Ang galing!"

Sumimangot si Mutya.

"Pinagtatawanan mo ba ako?"

"Hindi."

Habang pinaglalaruan ni Mutya ang keyboard ay may kamay na sumali sa kanya. Nasa kabilang dulo si Niño. Umubo saglit si Mutya dahil parang nasisikapan sya sa pwesto nila ngayon. Dahil maliit ang silya, sya lang ang nakaupo, samantalang si Niño naman ay nakatayo sa likuran nya.

"Ayoko na. Pagod na ako."

Nilayasan ni Mutya si Niño para hagilapin na si Ms. Reyes at masuri na nito ang boses nya. Ito si Ms. Reyes gusto subukan pa sya hindi nag lang magtiwala.

Patapos na ang First Quarter nang malaman na ni Eli at Wyn ang sikreto ni Mutya. Hindi rin naman kasi magaling magtago si Mutya kaya mabilis syang naamoy ng dalawa. Lalo na't pakialamera at chismoso pa yung sila, talagang mahuhuli sya.

"O papel ng boypren mo."

"Ano ba!"

Kung wala lang si Mrs. Aquino sa harap baka binato na ni Mutya si Wyn ng papel. Tatlong klase ng Grade 12 ang hawak ni Mrs. Aquino at kasama na roon ang section nila Mutya at ang section ni Niño. Mahilig si Mrs. Aquino na pagpalitpalitin ang mga papel every time na magpapa quiz ito o exam. Labag man sa loob ng ibang estudyante dahil nakakahiya na malaman ng ibang tao ang score nila, wala silang magagawa dahil ang gusto ng guro ang masusunod.

Katwiran naman ni Mrs. Aquino na wala syang tiwala sa mga estudyante. Matagal na raw syang nagtuturo at kabisado nya na ang mga kalokohan na pwedeng gawin ng mga estudyante. At kapag ganitong mag tsetsek sila ng papel nasasaktuhan na ang napupunta sa kanila ay ang papel ng mga taga St. Thomas Aquinas, ang section ni Niño.

Nung unang beses na ginawa nila ito ay hinanap agad ni Mutya ang papel ni Niño at iyon ang kinuha nya para sa kanya. Ang natira ay pinasa nya na sa buong klase dahil bahala na sila don. Ang importante ay nasa kanya ang papel ni Niño.

Ganon palagi ang sistema nya kaya nung pangatlong beses ay tinanong na sya ni Eli at doon na nga isiniwalat ni Mutya ang dahilan kung bakit sya sa St. Joseph nag aral ng Senior High. Gaya ng inaasahan ay tinawanan lang sya ng dalawang ugok. Malakas daw ang amats nya at sya lang ang nakaisip ng ganong bagay. Well, ano bang masasabi ni Mutya? Sige na. Oo na. Sya na ang malakas ang amats pero itong amats nya na to alam nyang may patutunguhan to.

Tulad ng nakagawian, si Eli at Wyn na ang magkukusa na iabot sa kanya ang papel ni Niño kung sakaling mapasakanila ito. Pwede naman nilang ibigay na lang pero may dagdag pang kabalastugan, tulad ng: o papel ng boypren mo, ito kay Niño yung crush mo, kunin mo na yung kay bebelabs mo dito. Kadiri!

Plinantsa ni Mutya ang papel na nasa lamesa nya at sinuri ang sagot ni Niño. Last week pa ang quiz nilang ito pero kabisado nya pa rin ang mga tanong na binigay sa kanila kaya kahit hindi pa sinusulat ang answer key ay alam nya na kung ilan ang tama at mali sa papel ni Niño.

"Hmm pangit ng sulat."

Tumawa ang katabi ni Mutya.

Niño V. Miranda

St. Thomas Aquinas

Iyan ang nasa tuktok ng intermediate pad. Ang sulat kamay ni Niño ay pareho sa mga tipikal na sulat kamay ng ibang lalaki. Pangit para kay Mutya pero kung ikukumpara kila Eli at Wyn na parang kinalaykay ng manok, pwede na, pero pangit pa rin talaga. Mas maganda yung kay Mutya. Lalo na kapag nag cursive sya parang nagdedeklara ng independence day.

Maagang natapos ang panghuling klase nila sa hapon. Iniwan na sila ng guro dahil may meeting daw ito. Ibinilin kay Mutya ang buong klase bago umalis ang guro. Pagkalabas pa lang ng guro ay kanya kanya ng ingay ang klase, ang ibang boys ay nagsitayuan at nagkwentuhan kahit pwede naman nila gawin iyon ng nakaupo. Meron naman yung iba kanya kanyang labas ng cellphone at palakasan ng volume sa mga pinapanood nila.

Si Wyn at Eli naman ay sa harap nagkakalat. Si Eli ay nakaupo sa lamesa na pang teacher kahit sinita na sya ni Mutya dahil baka masira iyon, sa laki nya ba naman. Si Wyn naman ay inuubos ang tinta ng marker at nag do-drawing ng ari ng lalaki sa whiteboard.

Napailing na lang si Mutya sa lagay ng klase nila. Pagod na sya para manaway pa kaya papabayaan nya na lang. Nagligpit na lang sya ng gamit para ready na sya mamaya kapag tumunog ang bell.

"Bukas yan!"

Binibilang ni Mutya ang ballpen sa pencil case nya. Minsan kasi ay nangunguha ng ballpen si Wyn bigla at hindi na sinosoli kasi nawala na raw nito.

"Mutya. May bisita ka!"

Napatingin si Mutya sa harap. Nakanguso si Eli sa pinto kaya lumipat doon ang tingin ni Mutya. Si Niño iyon, nakasilip sa may pintuan, may bitbit na mga papel. Binitawan ni Mutya ang pencil case sa lamesa nya at pinuntahan si Niño.

"Muling ibalik ang tamis ng pag-ibig."

Kanta ni Eli habang may kasama pang tambol sa lamesa.

"Pinapabigay ni Mrs. Aquino. Papel nyo raw."

"Okay."

Kinuha ni Mutya ang papel at tinignan iyon. Ito yung seatwork nila.

"Wala kayong teacher?"

"Wala."

"Ah. Okay. Balik na ako."

"Okay."

Tinalikuran na ni Mutya si Niño. Ang pagsara na lang ng pinto ang narinig ni Mutya nang makalapit sya kay Eli.

"Ang sungit mo naman."

Umirap lang si Mutya.

"Bumaba ka nga dyan! Magsosoli ako ng papel."

"Edi magsoli ka. Anong kinalaman ng pag upo ko rito sa pagsosoli mo?"

Bwisit talaga. Pinagtatawag na lang ni Mutya ang mga kaklase nya para kunin ang mga papel nila. Kanya kanyang reklamo na ang umulan. Ang iba ay puro mura dahil sa score nila at ang iba ay natuwa naman.

Biglaan ang seatwork nila pero hindi naman nangamba si Mutya na baka wala syang maisasagot. Perfect score pa nga sya gaya ng nakasulat ngayon sa papel nya. Pero hindi sa numero na nakabilog nakadikit ang mata ni Mutya kundi sa nakasulat sa ibabang bahagi.

Iniwasto ni: Niño V.

Nice ❤︎

Yan ang sabi. Talagang may iniwan pang mensahe at…puso sa dulo. Bwisit talaga!

 


 

Sa kalagitnaan ng Second Quarter, nagkaroon sila ng aktibidad para sa selebrasyon ng kaarawan ni Mama Mary. Bago ito kay Mutya dahil ngayon lang naman sya nag aral sa catholic school kaya malalang brainstorming tuloy ang ginawa nya bilang class president.

Ang aktibidad na iyon ay tableau kung saan gagayahin nila ang picture na naka assign sa kanila. Baptism of Christ ang napunta sa kanila. Kailangan hindi sila gumagalaw sa loob ng 30 minutes habang umiikot ang mga religion teachers para bigyan sila ng marka.

Hindi lang section ni Niño ang kalaban ni Mutya kundi ang buong apat na strand ng Senior High Department. Kaya kagat labi si Mutya dahil gumagana na naman ang pagka competitive nya. Halos malagutan ng hininga si Mutya nang mapansin nya ang naiinis na mukha ni Eli.

"Malapit na sila. Eli yung kamay mo,” pagmamakawa na Mutya.

"Putang ina kasi."

"Hoy! Ano ba!"

Si Eli ang gumanap bilang John the baptist. Nakaangat ang kamay nito sa ulo ng kaklase na gumanap naman bilang si Jesus Christ. May hawak na kabibe si Eli at mabigat iyon. Lalo na kung hahawakan mo ng 30 minutes na hindi gumagalaw kahit sino mangangalay at mapapamura kung nasa posisyon nya.

"Andyan na sila!"

Gumilid si Mutya at biglang tumuwid ang kamay ni Eli. Sinuri na sila ng mga teachers at tuwang tuwa ito dahil gayang gaya raw nila. Pinuri ang costume at props na meron sila kaya lumakas ang loob ni Mutya. Pumalakpak si Mutya nang umalis ang mga teachers at lumipat sa mga kaklase. Agad inasikaso ni Mutya at Wyn si Eli.

"Ano Tol? Ayos ba?"

"Para ka talagang John the Baptist, tol! Kaiba ka!"

Tumawa si Mutya. Inabot ang hawak na tubig kay Eli. Si Wyn naman ay tinapatan ng mini fan si Eli.

"For our tableau. Meron tayong dalawang winner!" Pumalakpak ang mga estudyante maliban kay Mutya. Handa na ang tenga nya sa maririnig.

"St. Thomas Aquinas and St. Leo the Great!"

Lumundag sa tuwa si Eli at inakbayan sya. Niyugyog sya ng dalawa na tuwang tuwa. Unti unting napangiti si Mutya at tumalon na rin kasama ang mga kaklase nya. Sobrang saya ni Mutya.

Masaya naman pala magkaroon ng kahati sa premyo. Lalo na kung ang kahati mo ay masaya rin para sayo, pinapalakpakan ka rin, at alam mong suportado ka nila. Ang saya saya ni Mutya.

"Congratulations!"

Tiningala ni Mutya ang nagsalita sa harap nya. Narito sila sa ilalim ng puno nakatambay na tatlo. Kanya kanyang ubo si Wyn at Eli na nasa tabi nya kaya sumimangot na naman si Mutya. Imbis na masaya sya sa paulit ulit na pagbabasa sa certificate na hawak nya, napurnada pa.

"Salamat. Congrats din."

Ngayon lang yata nasabi ni Mutya ang salitang iyon lalo na kay Niño. Ayaw man ni Mutya na manalo si Niño pero kung dalawa nga ang napiling manalo at kung sakaling hindi ang section nila Niño ang napili ay baka magtaka rin si Mutya. Maganda rin ang presentation ng section St. Thomas Aquinas kaya okay na rin siguro iyong sila ang section na kasama nila Mutya na manalo.

"Nag lunch na kayo?"

"Hindi pa! Gutom nga ako e! Nakakangalay pala yon!"

Siniko ni Mutya si Eli. Ang totoo nyan ay kakatapos lang nila mag lunch at kaya nga sila nandito sa ilalim ng puno ay para magpababa ng kinain.

"Gusto nyo ba sumabay?"

"Oo! Tara!"

Hinila sila ni Wyn patayo kaya walang nagawa si Mutya kundi ang magpatangay. Hindi sila sa canteen dumiretso, umikot sila papunta sa canteen ng college. Hindi pa nakakapunta ron si Mutya.

"Dito ka madalas, Niño?"

"Oo, mas masarap benta rito e."

Sa pagkakaalam ni Mutya ay bawal pumunta ang mga Senior High dito. Malaki na nga ang nakaspakil sa pader pero itong mga kasama nya ay dedma lang.

"Bawal tayo dito!"

"Pwede yan! Sa tingin mo ba may tataboy satin eh customer tayo?"

"Edi nabawasan benta nila!"

Walang nagawa si Mutya kundi bumuntot sa tatlong lalaki. Nang makapasok sila ay nagwatak watak ang mga ito samantalang sya naman ay humanap ng pwesto. Umupo sya sa isang bakanteng upuan. Hindi sya bibili dahil busog pa sya.

Nilibot ni Mutya ang tingin sa paligid. Mas malaki ang canteen ng college kaysa sa canteen nila. Marami din iba't ibang benta hindi tulad sa kanila na saulado na ni Mutya ang menu simula lunes hanggang biyernes.

Sa lunes ay diy baked mac na malamig, sa martes ay soup-paghetti na galing kay Wyn ang bagong pangalan dahil daw paminta na lang ang kulang parang sabaw na ng bulalo ang sauce ng spaghetti, sa miyerkules ay champorado na kulang sa gatas, sa huwebes ay palabok na dikit dikit, at sa biyernes ay lugaw na may malaking luya. O diba, kabisado nya. Paulit ulit lang kasi eh.

Napansin ni Mutya ang paglalakad ni Niño palapit sa kanya pero bago pa ito makalapit ay may humarang na sa kanyang mga tao. Nakipag usap si Niño at nakipagtawanan. Ngayon lang nakita ni Mutya ang ganong side ni Niño, baka mga kaibigan nya ito? Pero ang mga kausap nya ay hindi naka uniporme katulad nila. Nakaporma ang mga ito. Mga college students na yata.

Kaya ba madalas si Niño sa canteen ng college kasi dito sya maraming kaibigan? Bakit naman puro college ang mga kaibigan nya? Siguro may crush itong kolehiyala kaya lagi syang tambay dito?

Walang pakialam si Mutya. Umiwas ng tingin si Mutya at tinitigan na lang ang krus na nakasabit sa pader. Wala syang pakialam kung ang barkada ni Niño ay puro college students. Wala rin syang pake alam kung may crush sya sa isa mga nandito. Wala syang pakialam. Wala nga!

"Binilhan kita ng inumin."

Isang taro milk tea ang nilapag ni Niño sa lamesa. Umangat kilay ni Mutya pero hindi na sya nanita. Hindi nya na tinuro na bakit alam ni Niño na paborito nya iyon. Tinusok nya na lang ang straw at sumipsip.

"Bakit ang tagal nyo?"

Bungad ni Mutya sa dalawa nang makaupo sila.

"Ang haba ng pila ron sa may shawarma," sabi ni Eli habang may laman pa ang bibig.

"Bumili ako ng meow meow," pakita ni Wyn sa siopao nya na may kagat.

"Hindi nga sabi meow meow yan!"

Naging maingay ang pwesto nila dahil sa pagtatalo ni Wyn at Eli. Mahilig kasi sa pusa si Eli, parehas sila. Dakilang tarantado lang talaga si Wyn at mahilig sya mantrip. Agaw pansin na nga sila dahil naka uniporme sila ng Senior High, dumagdag pa itong malalakas na boses nung dalawa. Hiyang hiya si Mutya sa mga kasama nya.

"Ikaw Niño kapag binigyan kita ng 30 Million at malaking mansyon, tatalon ka sa building?"

Ayan na naman ang mga walang kwenta na tanong ni Wyn.

"Hindi."

"Wala pala to e. Ako papayag ako, wala naman sinabi na bawal naka parachute!"

Nasamid bigla si Mutya sa narinig kay Eli. Sa maling daan pumasok ang milk tea kaya inubo ito. Umalalay si Niño na tinanggihan nya agad.

"Tama!"

Nag apir ang dalawa sa kalokohan nila.

 


 

𝕳𝖆𝖒𝖇𝖔𝖌 𝖓𝖌 𝕾𝖆𝖌𝖕𝖗𝖔 𝕶𝖗𝖊𝖜

 

Eli: bili tayo kila Niño ng halo halo bukas

Wyn: ubos na pera ko

Eli: oo na sagot ko

Mutya: Salamat

Eli: hindi ka kasali mutya kala ko ba gusto mo malugi sila niño kapag sumali ka edi tatlo tayong nabentahan nila??? okay na yung kaming dalawa na lang

Mutya: Ang damot mo! Sumakit sana tyan nyo sa pesteng halo halo na yan

Wyn: chill ka lang mutya kami naman yung naglalako ng iskrambol e dami nga namin customer

Mutya: Paano ba naman nagtatanong pa lang yung bibili inaabotan nyo na ng iskrambol tapos sasabihin nyo touch move na yan kaya no choice tuloy sila magbayad

Eli: HAHAHAHAHAHA BUSINESS MINDED NGA EH ANO PALA GUSTO MO?

WYN: HASHASHSHAHAH NAGUGULAT NA LANG SILA MAY HAWAK NA SILANG ISKRAMBOL AT NANININGIL NA AKO NG TRENTA PESOS KASI MAY DAGDAG NA MALLOWS PA YUN HAHAHAHAHA

Mutya: Bwisit

 


 

Iba iba ang schedule ng pagbebenta ng mga Grade 11 sa subject na entrep. Kung simula lunes hanggang biyernes at sabay sabay lahat ng strand na nagbebenta baka malugi ang lahat dahil sawa na sa mga paninda.

Tuwing MWF ang schedule ng section St. Leo at ganun din ang St. Thomas. Kaya hindi na naman tuloy mapakali ang tumbong ni Mutya para gawin ang lahat maungusan lang si Niño. Parang nananadya kasi ito. Iskrambol ang tinda nila tapos lapagan ba naman sila ng halo halo? Hindi pwede yon!

Malapit na tumunog ang bell, hudyat na kailangan na nilang bumalik sa taas para tapusin ang huling natitirang subject para sa pang umagang klase. Kasalukuyang nagliligpit si Mutya ng mga pinaggamitan nila nang may kamay na tumulong sa kanya.

"Kaya ko na yan."

Inagaw ni Mutya kay Niño ang ice shaver.

"Nasan sila Eli?"

"Pinalako ko yung natitirang iskrambol sa mga junior high." "

Ah. Nasan iba mong kagrupo bakit ikaw lang nandito?"

"May inutos ako."

Pinagsamasama na ni Mutya ang mga gamit nila sa malaking eco bag. Pwede na syang bumalik sa room nila pero heto sya naghihintay sa muling pagbuka ng bibig ni Niño. Kaso, wala. Hindi na ulit nasundan ang mga tanong ni Niño kaya nilingon na sya ni Mutya.

"Ikaw? Bakit ka nandito?"

Isa lang ang ibigsabihin nyan. Kaya pagala gala si Niño ay dahil tapos na sila magbenta. Napaubos na nila ang halo halo. Malaki na ang benta kumpara sa benta nila Mutya. Kumunot noo ni Mutya sa dami ng naiisip nya. Wala pa nga pero naaasar na agad sya.

"Ibang tao ang nakatoka ngayon. Wala akong ginagawa."

"Magkano na kinita nyo? Nabawi nyo na ba ang puhunan?"

Dinampot ni Niño ang eco bag sa lapag at binuhat iyon.

"Tara. Hatid na kita."

Nauna itong tumalikod at naglakad palayo. Tumakbo si Mutya para makahabol kay Niño at nang maabutan ito ay pumantay sya sa lalaki.

"Magkano na nga yung benta nyo?"

"Hindi ko alam."

"Bakit hindi mo alam? Sabi ni Sir Padilla mataas daw grade nung may malaking kita."

Tumango si Niño. Umaakyat na sila ng hagdan. Sa third floor pa kasi ang section nila Mutya habang ang kila Niño naman ay sa fourth floor pa. Kung magkakasalubong man sila minsan ay yun ay dahil nasa third floor ang CR.

"Pwede na."

"Anong pwede na?"

"Yung kita namin. Pwede na." Ang labo talaga nito kausap. Sumimangot si Mutya at nanahimik na lang sa tabi ni Niño. Huminto sila nang nasa tapat na sila ng room nila Mutya.

"Akin na." I

nabot ni Niño ang eco bag at pinatunog ang daliri nito. Nabigatan siguro sya.

"Ayaw mo sabihin sakin? Edi wag mo!"

Papasok na sana si Mutya sa loob nang humabol sa kanya si Niño.

"Hindi ko talaga alam eh. Wala naman akong pakialam don, kukunin ko lang yung share ko pag natapos kami."

Pinagbuksan ni Niño si Mutya ng pintuan. Sumalubong sa kanila ang buga ng AC sa loob.

"Gusto mo kain ulit tayo sa canteen ng college kapag nakuha ko na yung pera ko?"

Ano raw?

"Tatanong ko sila Eli."

Napakamot sa kilay si Niño sa nakuhang sagot kay Mutya.

"Gusto mo ba sila kasama?" "Malamang. Bakit? Gusto mo ba tayong dalawa lang?!"

Natahimik si Mutya nang mapagtanto nya ang lumabas sa bibig nya. Natahimik sya lalo nang makita nya na tahimik lang din si Niño. Natahimik sya nang mapulot nya ang ibigsabihin nito.

Agad tumalikod si Mutya bitbit ang eco bag at tumungo sa upuan nya. Hindi nya na muling nilingon pa si Niño dahil alam nyang pulado na ang tenga nya. Teka, bakit namumula ang tenga nya? Bakit ganito ang reaksyon ng katawan nya dahil lang nalaman nya na gusto ni Niño na kumain sila sa canteen ng college… na silang dalawa lang. Bakit?

 


 

𝕳𝖆𝖒𝖇𝖔𝖌 𝖓𝖌 𝕾𝖆𝖌𝖕𝖗𝖔 𝕶𝖗𝖊𝖜

 

Eli: help…hu hu hu hu… ptay na C wYn… xd

Mutya: May sopas ba sa burol nya?

Wyn: hoy!

Wyn: yan talaga unang tanong mo pag nalaman mong nachugi ako? ayos ka rin ha

Eli: HAHAHSHAHSAHAHHAHA SANA MAY SOPAS NGA YUNG COLOR PINK YUN ANG MASARAP EH TAPOS MARAMI HOTDOG

Wyn: tang ina nyo

Wyn: ayaw ko na sa inyo!

Mutya: Asus

Wyn: matalo sana ang grade 11 sa foundation week!!!

Mutya: HOY!

Eli: ayan

Eli: parang pinatapak mo na rin sa bubog si mutya kapag sinabihan mo sya ng ganyan

 


 

Isang linggo ang nilaan para ipagdiwang ang foundation day ng St. Joseph.

"Kaya mo yan!"

Tinapik ni Wyn ang balikat ni Mutya. Binigay na ng P.E teacher nila ang kulay ng team nila Sya ang pambato ng section nila sa relay race na gaganapin sa linggo.

Iyon daw ang magtatapos sa isang linggong selebrasyon. Ilang beses tumanggi si Mutya pero wala syang nagawa ngayong nasa kamay nya na ang sticker.

"Diba nakwento mo, palagi kang tumatakbo noon. Edi sisiw na lang sayo yan!"

Tigkabilang tenga si Wyn at Eli sa pagkumbinsi sa kanya na tumakbo. Pero hindi iyon ang mahalaga ngayon kay Mutya. Hindi nakaligtas sa tenga nya ang narinig kay Eli. Base sa pagkakatanda nya, matagal nya na kwinento iyon, hindi nga yata kwento eh, parang nabanggit nya lang. Hindi inaasahan ni Mutya na matatandan iyon ni Eli dahil nakatutok lang sila non sa paglalaro sa cellphone. Napangiti si Mutya. Akalain mo yon, may taong nakakaalala sa kanya.

"Sige."

Tumalon sa tuwa ang mga kaibigan nya kaya napangiti si Mutya. Bahala na. Bahala na kung anong mangyari, bahala na kahit hati pa rin ang puso nya sa pagtakbo, bahala na basta kung may naniniwala sa kanya susubok sya.

"Ayun naka puti!"

Nanlaki ang mata ni Mutya nang makita ang mga Grade 12 students na tumatakbo palapit sa kanya. Pinahawak ni Mutya ang pagkain nya kay Wyn at tumakbo sya palayo. Alam nya na kung ano ito at hindi sya papayag na mahuli.

"Bilisan mo ang takbo, Mutya!"

Humina na ang tawa nila Eli at Wyn na naiwan sa tambayan nila. Nilingon ni Mutya ang mga tao sa likuran nya at pinatunog ang dila nang makita na dumami ang humahabol sa kanya.

"Huli ka!"

Muntik na sila masubsob ng isang estudyante pero mabuti na lang may umalalay sa kanila pareho. Hingal na hingal si Mutya nang tangayin sya ng mga ito. Mag isa nya lang pero isang batalyon yata itong may hawak sa kanya.

Dadalhin sya sa Jail Booth. Sinipat ni Mutya ang relo nya. Alas tres pa lang. Magtatagal sya ng isang oras sa jail booth kung hindi sya magbabayad.

"Magkano piyansa?"

"Isang daan."

"Ang mahal naman?! Bakit kayo pinayagan na maningil ng ganyan?!"

"Pangdagdag sa funds."

Busangot ang mukha ni Mutya hanggang sa makapunta sila sa S.S.G Office. Iyon ang ginawa nilang jail booth.

"Ipasok na yan!"

Tinulak si Mutya sa loob at sinira agad ang pintuan. Agad sumilip si Mutya sa jalousie. Bawal daw kapag sya mismo ang magbabayad para sa sarili nya kailangan iba ang mag pipiyansa sa kanya. Kalokohan.

"Nahuli ka."

Nalintikan na! Pumikit si Mutya at huminga ng malalim. Naramdaman nya ang kilos ni Niño at pagmulat nya ng mata ay nasa harapan nya na ito.

"Bakit ka naka uniporme?"

Nagkibit balikat lang ang lalaki. Hindi alam ni Mutya kung saan sya maiinis. Dahil kasama nya rito si Niño sa jail booth o dahil napakabaduy nito kasi nakasuot sya ng uniporme eh foundation week nga. Talagang mahuhuli talaga sya, nakaputi ba naman na uniporme? Baduy talaga!

"Warden, magkano ang piyansa nung mukang siopao?"

"Wyn! Bayaran mo muna ha, babayaran kita pag nakalabas ako."

Nasa labas ang dalawa nyang kaibigan. May bitbit pang banana cue na may makapal na asukal.

"Isang daan. Sino dyan yung ilalabas nyo?"

"Nakow! Pinambili na namin ng banana cue yung isang daan namin eh!"

Hiyaw ni Eli habang kumakagat sa stick. Bakit ba umasa pa si Mutya na ilalabas sya ng mga ito. Mga dakilang tarantado ang mga kaibigan nya, hindi nya sila maaasahan. Kapag talaga makalabas lang sya mangungutos sya sa ulo makabawi lang.

"Anong masasabi nyo sa pamilya ng biktima, ser?"

Nilusot pa ni Wyn ang banana cue sa pagitan ng jalousie para gawing mic at itutok sa bibig ni Mutya.

"Hindi ba kayo nakokonsensya sa ginawa nyo, ser?"

Sa inis ni Mutya ay kinagat nya ang saging na kanina pa dumadampi sa labi nya. Inagaw nya rin ang stick at tumakbo sya papalayo sa bintana.

"Hoy! Pagkain ko!"

Tawa nang tawa si Mutya nang umupo sya sa sulok. Walang magawa sa labas si Wyn dahil bawal naman sya pumasok at ayaw nya rin naman gatosan ang kalayaan ni Mutya. Sa huli, nakay Mutya ang huling halakhak.

"Wala bang magpapiyansa sayo? Mag utos ka nga at isabay mo rin ako."

"Wala."

"Anong wala? Hindi ba alam ng mga kaklase mo na nandito ka?"

"Hindi. Nasa garden ako kanina, nakatulog ako ron tapos ginising na lang ako kasi makukulong na ako."

Tignan mo itong mga Grade 12 na ito. Pati natutulog na tao dinampot. Nasaan ang due process?

Wala silang pag asa na dalawa. Inubos ni Mutya ang huling saging at pinaglaruan ang naiwang stick.

"Baka matusok ka."

"Hindi ako bata."

Umunat ang katahimikan sa kanilang dalawa. Hindi man sila magkatabi pero dahil sa sobrang tahimik ay naririnig ni Mutya ang paghinga ni Niño na nasa kabilang sulok. Naalala nya tuloy yung mga nagdaang linggo. Matapos kasi nung eksena sa hallway ay nagsimula si Mutya na iwasan si Niño. Hindi nya na inusisa pa kung magkano ang nabenta nilang halo halo. Pinabayaan nya lahat basta hindi lang sila magkasalubong ni Niño. Nagugulohan kasi sya. Ang gulo ng sarili nya, ang gulo ng nararamdaman nya pagdating kay Niño.

Alam mo yung parang nagkaron ng malisya lahat? Parang nag iba na ang lahat ng bagay sa kung paano ito tignan ni Mutya. Nagkaron bigla ng malisya si Niño sa kanya at hindi nya alam kung saan nanggagaling iyon. Kapag tuloy bumababa sila ng recess at lunch break ay maingat si Mutya sa paligid. Tinawag na nga syang praning ni Eli dahil sa kinikilos nya. Para syang may kabag palagi kapag naiisip nya si Niño. Walang nagpresinta sa kanila na magsalita. Mas mabuti na rin siguro iyon dahil wala namang naiisip si Mutya na sabihin. Wala rin syang naiisip isagot sa kung ano man ang ibabatong tanong ni Niño. Tatanggapin nya ang katahimikan na ito para hindi mahalata ang naghuhurimintado nyang puso.

"Nandyan pa pala kayo. Sorry, nawala sa isip namin nagliligpit kasi lahat ng officers."

Halos isang oras na pala ang nakalipas. Hindi man lang narinig ni Mutya ang pagtunog ng bell. Ganon na yata kalalim ang iniisip nya kaya wala syang kamalay malay. Tumayo sya at nauna lumabas. Konti na lang ang mga estudyante. Ang mga natira na lang ay yung mga nagliligpit ng booths nila.

Tinakbo ni Mutya ang hagdan paakyat ng third floor. Dinampot ni Mutya ang bag nya na nasa labas. Nakakandado na ang room nila at ang bag nya na lang natira. Mukang pati sila Eli ay umuwi na rin. Gaganti talaga sya bukas sa mga yon. Dire Diretso lang si Mutya sa paradahan ng tricycle. Tatlo na lang ang nakapila. Pumasok sya sa bakanteng trike na nasa unahan.

"Special ba, toy?"

"Hindi po, manong."

Hindi naman sya atat umuwi. Hihintayin nya na lang na may lumabas na ibang estudyante para may makasabay sya. Ganito rito sakanila. Kapag hindi special ay pwedeng mag abang pa ng dalawang pasahero bukod sayo para paghahatian nyong tatlo ang pamasahe. Kaso nga lang, hanggang sa kanto lang kayo ihahatid. Kapag ganon ay naglalakad na si Mutya papunta sa kanila. Nagbabasa si Mutya sa group chat nila nang biglang lumundag ang trike at may umupo sa tabi nya.

"Tara na po, manong. Special na po kami sa may mahogany street."

Agad sumunod ang driver sa utos ni Niño. Hindi na nakaangal pa si Mutya dahil umaandar na ang tricycle. Hindi naman nya pwedeng sipain palabas si Niño diba. Napatingin si Mutya sa salamin na nakasabit. Sa labas ang mata ni Niño na katabi nya. Maliit lang ang tricycle para sa kanilang dalawa kaya ang sikip tuloy. Nasa lapag nga lang ang bag ni Niño, nasa pagitan ng hita nya. Ganon kasikip. Pwede naman kasing sumabay si Niño sa tricycle pero basta doon sya sa likod. Kaso mas pinili nito ipagsiksikan yung sarili nya.

Umabante si Mutya para si Niño ang maiwan na nakasandal.

"Sumandal ka."

"Hindi. Okay lang."

Biglang dumaan sa lubak ang tricycle kaya umalog tuloy sila sa loob. Kung hindi lang dahil sa mabilis na paghawak sa kanya ni Niño ay mauuntog sana si Mutya. Nagkagulatan silang dalawa at nagkatinginan sa salamin. Nakalingkis ang kamay ni Niño sa kanyang bewang at ang isang kamay ay nakalapat sa bakal ng tricycle kung saan sana tatama ang ulo nya.

"Sabi ko sayo sumandal ka eh."

Tunog naiinis na sabi ni Niño at isinandal si Mutya. Pero imbis na ang matigas na sandalan ang maramdaman ni Mutya, ang braso ni Niño ang nilapatan ng likod nya. Napayuko na naman sya sa hiya. Kinurot nya ang palad nya baka sakaling magkaron sya ng lakas at sigawan si Niño, awayin ito, tapos sipain na palabas ng tricyle. Pero wala talaga. Nanghihina sya. Sa buong byahe tuloy ay ganon ang posisyon nila. Kung may makakakita sa kanila ay aakalain na magkayakap sila. Hindi na rin sa labas nakatuon ang mata ni Niño, sa tuktok na ng ulo ni Mutya. Samantalang si Mutya ay mas pipiliin na sumakit ang leeg sa pagkakayuko. Sobrang lapit nila sa isa't isa. Nagmumura ang pabango ni Niño sa ilong ni Mutya. Nagpapawis tuloy ang ilong nya sa kaba.

"Dito na lang po."

Tumuwid ng upo si Mutya nang matanaw nya na ang gate ng bahay nila. Nauna bumaba si Niño at pinulot ang bag nya.

"Dito na ako."

Seryoso lang ang ekspresyon ng muka ni Niño na tumango sa kanya.

"Pumasok ka na."

Bitbit ang bag ay agad lumakad si Mutya sa gate nila.

"Sa kamachile manong, sa dulo." Rinig ni Mutya habang sinasara ang gate. Sa likod na ng driver umupo si Niño at ang buntot na lang ng tricycle ang nakita nya paalis.

 


 

𝕳𝖆𝖒𝖇𝖔𝖌 𝖓𝖌 𝕾𝖆𝖌𝖕𝖗𝖔 𝕶𝖗𝖊𝖜

 

Eli: MUTYA WAG KANG MAGSISINUNGALING SAMIN

Eli: NAKITA NA NAMIN KAYO

Wyn: ANO TONG NABABALITAN KO NA MAGKASAMA KAYO NI NIÑO? Wyn: NILIGAWAN MO NA BA SYA

Mutya: Ano?

ELI: NAGKAKAMABUTIHAN NA BA KAYO HA? PORKET NAGSAMA LANG KAYO SA JAIL BOOTH!! ANONG GINAWA NYO RON ANG HALAY NYO!!!!!

Mutya: Ang bastos mo!

Wyn: E BAKIT NGA KAYO MAGKASAMA NI NIÑO WYN: NAKITA NAMIN KAYO PAUWI BITBIT NI NIÑO YUNG BAG NYOMG DALAWA TAPOS MAY PANYO KA SA ULO

Mutya: Mainit kasi

Eli: anong kinalaman ni nino sa init? umamin ka na bakit kayo magkasama

Mutya: Tawag na ako ni sir tatakbo na ako

Wyn: wag mo kami takasan!!!!

Wyn: hoy bakla!!!

Eli: bakla bakla pano ka ginawa?

 


 

Nilaan ni Mutya ang ilang araw na natitira sa pagtakbo. Sa relay race sya nilagay. Bago iyon kay Mutya pero hindi na sya nagpalipat dahil parang mag e-enjoy sya doon. At sa mga nagdaang araw ay palagi nya ng kasama si Niño. Parang kahit ilang araw pa lang eh naging normal na sa kanila na magkasama palagi. Hindi na nagugulat o nagtataka si Mutya kung susulpot bigla si Niño sa oval at mag aabot ng gatorade.

Minsan ay pinapanood ni Niño ang team ni Mutya at tinuturo nito ang mga napapansin nya. Walang angal na nakikinig lang si Mutya at ganun din ang mga kasamahan nya na sinusunod ang payo ni Niño. May sense rin naman kasi ang sinasabi nito. Tinanggap iyon ni Mutya ng hindi napipikon.

Pagkatapos nyan ay sabay silang uuwi. Magsisiksikan sa isang tricyle, magbabayad si Niño ng special para ihatid si Mutya sa bahay nya at uuwi ito ng naka special din. Ganon palagi.

Ano ba tong ginagawa nila? Bakit tila biglang nag iba ang ihip ng hangin kay Mutya? Bakit hindi na nakakairita ang mukha ni Niño? Kapag naiisip nya si Niño noon, gustong gusto nya itong pabagsakin, hilain pababa, ipamuka rito na sya ang mas magaling. Pero ngayon, isang tanong na lang ang naiiwan kay Mutya kapag naiisip nya si Niño.

Kaylan ko ulit sya makikita?

Ang lala ng gimik ni Mutya ngayon. Para syang sinasapian. Hindi na sya magugulat kung kalagitnaan ng klase ay maglupasay sya kila Eli dahil sinapian kuno sya ng multo. Para kasing totoo eh. Parang hindi sya ito. Parang ibang Mutya ito.

 


 

"Hindi mahalaga ang magwagi, ang mahalaga makibahagi!"

"Tama tama! Tandaan mo, Mutya!"

Tinapik ni Mutya ang mga kamay na yumuyugyog sa balikat nya. Kinakabag na nga sya sa kaba tapos dumadagdag pa itong mga kaibigan nya. Lintik! Dinadaga ang dibdib ni Mutya. Maya maya lang ay sila na ang tatakbo roon sa ilalim ng tirik na araw. Papalibutan sila ng mga estudyante, guro, at iba pang bisita. Papanoorin sya ng lahat. Hindi alam ni Mutya ang gagawin kasi kahit naiisip nya pa lang ay nararamdaman nya na yung bigat, yung expectation na pinatong sa kanya, yung tarpapel na pinagawa ni Eli at Wyn na may muka nya, yung section nila, lahat lahat.

Bakit ngayon pa sya sinumpong? Akala nya ayos na sya. Akala nya nakalimutan na ng katawan nya yung nangyari noon, nung unang beses syang binigo ng pagtakbo. Hindi man kaya aminin ni Mutya sa sarili nya pero alam nya mula sa kaibuturan ng puso nya na malaki ang naging epekto non sa kanya. Para syang maiiyak sa inis. Naiinis sya sa sarili nya kasi imbis na tulungan nya ang sarili nya para itaboy ang masamang memorya na iyon ay dinadagdagan pa nya. Hindi nya alam ang gagawin para mapahinto ito at hindi sya kainin ng buo.

"Mutya."

Ang pabango agad nito ang unang napulot ni Mutya. Muling gumana ang tenga ni Mutya sa ingay ng paligid. Pumatag ang dibdib nya. Nauunat na nya ang mga daliri sa paa. Nakabalik sya sa mundo.

"Mutya. Ayos ka lang?"

Kumurap muna saglit si Mutya sa harap ni Niño bago nya nagawang tumango. Kung sya pa ang dating Mutya na hindi sinasapian, aawayin nya ngayon si Niño. Ibubunton nya kay Niño ang lahat ng naipon sa kanya. Dahil si Niño naman ang may kasalanan nito eh! Sya ang may pakana kung bakit nagkaroon ng takot si Mutya na tumakbo muli.

Pero traydor ang puso, isip, at katawan nya. Kabaliktaran ang ginawa ni Mutya. Ngumiti sya. Ngiti na kung mababasa ni Niño ang ibigsabihin nito ay, sa wakas nandito ka na.

Inabot Niño kay Mutya ang gatorade na madalas nitong bilihin para sa kanya.

"Magaling ang team nyo. Magtiwala ka rin sa kanila at mag-enjoy ka."

"Gusto ko manalo."

"Alam ko."

Napa yuko Mutya at pinaglaruan ang bote.

"Alam ko ring mananalo ka. Ikaw pa ba?"

Unti unting sumilay ang ngisi kay Mutya pero bago pa iyon mapansin ni Niño kinagat nya na ang labi nya.

"Bakit mo naman nasabi yan?"

"Alam ko lang. Sigurado ako sayo eh."

Napalunok si Mutya. Parang nauuhaw sya.

"Mutya."

"Bakit?"

"Pwede ba tayong sabay umuwi pagkatapos nito?"

Tinakpan ni Mutya ang bote at sinoli iyon sa bumili.

"Malalaman mo ang sagot ko kapag nanalo ako."

Umalis na si Mutya at pumunta sa team nya. Nakisali sya sa bilog ng mga ka-team nya at pasimpleng dumungaw kay Niño. Nakangiti si Niño habang nakatingin sa gatorade na hawak nito. Napailing na lang si Mutya.

"Go!"

Triple ang ingay ng oval mula sa hiyawan, tilian, at kanya kanyang sigaw sa pangalan ng pambato. Sa sobrang ingay baka mahati na ang lupa na tinatapakan nila. Si Mutya ang nasa dulo. Sya ang huling papasahan ng baton. Nasa kamay nya ang kapalaran nilang lahat. Tiningala ni Mutya ang kalangitan. Sinubukan nyang titigan ang haring araw pero nabigo sya. Nang bumaba ang mata nya ay nakasunod na sya sa taong papalapit sa kanya ngayon. Medyo naiiwan ito pero sinusubukan pa rin na umabante. Iyon naman ang mahalaga, sumusubok. Kahit napapraning na si Mutya ay hindi nya pinahalata. Magtitiwala sya.

Naghanda si Mutya nang nakaunat na ang kamay nito at handa ng iabot sa kanya. Nang matawid nito ang pagitan nila ay agad hinablot ni Mutya ang baton at tumakbo. Tumakbo nang mabilis, matulin, marahas, maliksi, lahat ng pwedeng salita na maglalarawan sa kanya. Sa kalagitnaan ay unti unting ngumingiti si Mutya.

Gumagana sapatos nya. Parang ang takbo nya ay diretso langit na nang maalala nya ang binitawan nyang pangako kanina.

"Malalaman mo ang sagot ko kapag nanalo ako."

Paulit ulit iyon sa isip ni Mutya kasama ang itsura ni Niño na nakangiti. Nanlaki ang mata nya nang lumakas ang sigaw sa paligid nya. Iyon pala ay dahil konti na lang ay abot kamay nya na ang finish line. Nagbigay daan ang mga ulap sa kalangitan para ipamalas ng haring araw ang katirikan nya. Umawit ang mga ibon nang makatapak si Mutya sa finish line. Nanalo sya. Hinagis nya ang baton sa tuwa. Dinumog sya ng mga kaibigan nya para buhatin. Para batiin at ipagdiwang sya.  

"Ang galing galing mo!"

"Mutya! Idol na kita!"

Binuhat sya ng mga ito. Wala na, uwian na. Panalo na sila! Tawa nang tawa si Mutya kahit nalulula na sya. Nang maging kalmado sila Wyn ay binaba na ulit sya sa lupa. Pinuntahan ni Mutya ang team nya para batiin ang mga ito. Lahat sila ay nagpapasalamat sa isa't-isa, lahat sila ay masaya. Ito na yata ang araw na tatatak sa buong buhay estudyante ni Mutya. Hindi lang dahil nanalo sya kundi natuto na sya.

Buwan pa lang ang nakakalipas pero pansin ni Mutya na unti unti na syang natututo. Nawawala na ang mga nakasanayan noon. Ibang iba na sya. At higit sa lahat may kaibigan na sya. Muling umakbay si Mutya sa dalawang tao na hindi na nawala sa tabi nya. May kaibigan na sya. May mga tao na na masaya para sa kanya.

"Isabit mo yang tarpapel ha mahal yan."

Niyakap ni Mutya ang tarpapel at pinanood ang pagsakay ni Eli at Wyn sa tricycle. Tapos na ang event. Masaya ang iba sa isang linggong selebrasyon at ang iba naman ay malungkot dahil balik aral na naman ulit ang mga estudyante.

Nakasilong si Mutya sa waiting shed nang may pumaradang bike sa harap nya.

"Sorry. Kukuha pa lang ako ng lisensya sa bakasyon e." Si Niño iyon na nakasakay sa bike.

"Akin na yang gamit mo."

Inabot ni Mutya lahat ng bitbit nya kay Niño. Nang hindi iyon makakasagabal kay Niño sa harap, pumwesto na si Mutya sa likod para umangkas.

"Tara na."

Sa gilid lang sila ng kalsada. May mga nadadaanan silang kaklase kaya kumakaway si Mutya kapag tinatawag sya. Tapos balik ulit ang kamay nya sa pagkapit sa bewang ni Niño. Maraming dinaanan si Niño na mga short cut. Kabisado nito kung saan lulusot, at kung saan walang lubak para hindi aalog si Mutya sa likod.

"Niño."

"Bakit?"

Sinilip ni Mutya si Niño sa harap pero bigo sya. Nasa daan lang ito nakatingin.

"Crush kita… okay lang?"

"Hoy!"

Bigla kasing prumeno si Niño. Kung hindi siguro sa malapad nitong likod ay tumalsik na si Mutya sa harapan. Agad tinugkod ni Niño ang paa nya sa lapag para mabalanse ang bisekleta.

"Sorry. Ayos ka lang ba?"

"Oo."

Hindi mapakali si Niño. Gusto nitong iwan ang bisekleta para harapin si Mutya pero hindi nya magawa gawa.

"Ganyan ka lang. Umupo ka, sa daan ka lang tumingin."

Walang nagawa si Niño kundi ang sundin ang utos ni Mutya. Natahimik silang dalawa. Mabuti na lang ay hindi sila sa kalsada dumaan. Hindi sila masasagabal ng mga dadaang sasakyan. Saktong prumeno si Niño sa ilalim ng matayog na bugambilya.

Nakatirik iyon sa bakuran ng bahay, mahaba na ang galamay kaya nakalawit na ang iba sa labas, sa kung nasaan si Niño at Mutya. Nakasilong sila sa naggagandahan na bugambilya.

Tinitigan muna ni Mutya ang mga nagkalat sa lapag bago pakawalan ang hangin sa dibdib at maglakas loob na magsalita ulit.

"Crush kita."

Lumukot ang damit ni Niño sa ilalim ng palad ni Mutya. Humigpit ang kapit nya doon sa ilang minuto na wala syang naririnig kay Niño.

"Kailan pa?"

"Hindi ko alam. Basta paggising ko, ito na ang nararamdaman ko."

Humangin nang malakas sanhi ng pagkaalog ng bugambilya. Pinanood ni Mutya na may bumagsak sa ulo ni Niño. Inabot nya iyon at pinaglaruan.

"Ako rin."

"Ha?" "Ako rin paggising ko may nararamdaman na ako para sayo."

Nabitawan ni Mutya ang hawak nya nang paandarin ulit ni Niño ang bisekleta. Kahit wala ng magsalita sa kanila, alam nilang alam na nila pareho ang isa't-isa. Nag pedal si Niño paalis sa bugambilya na naging saksi kung paano aminin ni Mutya ang naipon nyang paghanga.

Diecisiete pa lang si Mutya. Bata pa. Kung tutuosin maituturing pa syang mangmang sa mga bagay bagay. Marami pa syang bigas na isasaing. Marami pa syang eskinita na papasukin. Bata pa sya. Pero ang bata nyang puso ay nagmamahal na.

Lumilipad ang utak ni Mutya sa buong oras na lulan sya ng bisekleta ni Niño. Sa paglipad ng utak nya ay meron itong dinapuan. Iyon ay ang kwento na dating sementeryo daw ang mga paaralan. Kaya nga raw minsan may mga estudyanteng sinasapian. Madalas ganon ang paboritong pag usapan ng mga estudyante. Ginagawang biro, panakot, o ipinapasa lang ang kwentong nakasanayan.

Baka isa nga roon si Mutya. Baka naglupasay din sya bigla nung magkakaron dapat sila ng quiz. Kung totoo nga, ayos lang sa kaniya. May mga rason kung bakit naiiwan ang kaluluwa sa mundo ng mga tao. Marahil ang ilan sa kanila ay pinagsaraduhan ng simbahan, at ang ilan ay wala ng mapupuntahan. Ibahin mo si Mutya dahil bukas ang katawan niya para tumanggap.

Dahil minsan nya ng naranasan kung ano ang pakiramdam ng mag isa lang. Minsan na syang tinalikuran. Kaya kung may kaluluwa man na gustong mamuhay sa katawan nya, iimbitahin nya ito at ipagdiriwang. Hindi ito kakatakutan ni Mutya bagkus yayakapin nya pa ng buo.

Dahil wala ng ibang mas makakahigit pa sa ginhawang bigay ng pagtanggap mo sa iyong sarili. Masaya si Mutya dahil hindi man namamalayan ni Niño, sya ang nagturo non sa kanya. Si Niño ang isa sa dahilan ng lahat.

Hindi pa nagmamartsa si Mutya sa Senior High pero ngayon pa lang pakiramdam nya punong puno na sya ng aral at magandang alaala na masisiyahan syang balikbalikan sa hinaharap.

Sa Senior High ka nga talaga magigising. Sa Senior High ka makakahanap ng mga kaibigan. Sa Senior high ka unang iibig. Lahat ng unang beses ay nasa Senior High, kung sa iba man ay masyadong huli na kung ngayon mo pa lang ito mararanasan pero para kay Mutya ito ay sakto lang. Saktong dating at saktong pagkakataon.

Notes:

maraming salamat kung nakaabot kayo rito! kung may hindi man ako na edit na ahshahaha sorry busog nako sa mga letra baka hindi ko na nakita hehehe last nato sa june koms natin tysm po uli sa pag commission sakin tysm din sa mga nagbasa sana nag enjoy kayo may pov pa sana to ni ryul at gr 12 ganap nila kaso sobra haba na bahshahshaha sa sunod na lang pag may nahila tayo magpa koms sa kasunod hahsha tysm po ulit mahal ko kayo palagi