Actions

Work Header

Rating:
Archive Warning:
Category:
Fandom:
Relationship:
Characters:
Additional Tags:
Language:
Filipino
Stats:
Published:
2026-08-08
Words:
7,171
Chapters:
1/1
Kudos:
43
Bookmarks:
7
Hits:
1,501

Barefoot

Summary:

Lumayas ang anak ni Miguel at Wesley, nang walang tsinelas?!

Notes:

this is inspired by a fic i read before, i forgot na kasi the name of the fic but yeah:)

(See the end of the work for more notes.)

Work Text:

Naramdaman ni Wesley ang banayad na sipa sa loob ng kanyang tiyan habang nakaupo siya sa may bintana ng kanilang silid, ang ilaw sa labas ay unti-unti nang nawawala habang papalapit na ang hatinggabi. Mahina ang ilaw sa loob ng kwarto—isang bedside lamp lang ang bukas, tamang-tama para sa gustong klima ng gabing ito. Ang mga daliri niya'y mahinahong humahaplos sa lumalaking bilog ng kanyang tiyan, tila nakikipag-usap sa maliit na buhay sa loob nito.

 

Ilang buwan na lang, magkakaroon na naman sila ni Miguel ng bagong miyembro ng pamilya—pangalawang beses na niyang mararamdaman ang unti-unting paglaki ng isang buhay sa loob ng kanyang katawan, pangalawang beses na niyang iiwan muna ang entablado, ang mikropono, ang mga ilaw na dati'y bahagi na ng kanyang pagkatao.

 

Hindi ito madali. Alam niya iyon noong una pa lang, noong sinabi niya sa manager nila na kailangan niyang magpahinga. Naaalala pa niya ang katahimikan sa silid nang araw na iyon, ang paraan ng pagtingin ng ilang tao sa kanya na para bang may nawala sa kanya, hindi dinagdagan. Pero hindi niya kailanman naramdaman iyon bilang kawalan. Ni isang beses.

 

Dahil tuwing titingnan niya ang anak nilang si Migo—ang paraan nitong tumatakbo papalapit sa kanya tuwing may bagong kwentong ibabahagi, ang paraan nitong yumayakap sa kanya nang mahigpit tuwing gabi bago matulog, ang tunog ng tawa nitong pumupuno sa buong bahay—alam niyang wala siyang pinagsisihan. Ni isa.

 

"Papa, ayos ka lang po ba?" tanong ni Migo, limang taong gulang, mga mata ay puno ng pag-aalala mula sa pintuan ng silid, nakasuot pa ng pajama na may disenyong maliliit na dinosaur.

 

Ngumiti si Wesley, iniaabot ang kamay papalapit sa kanya. "Ayos lang si Papa, anak. Halika rito."

 

Dahan-dahang lumapit si Migo, para bang natatakot na baka masaktan ang papa niya kung tatakbo ito nang mabilis. "Bakit ka pa gising? Malapit na maghatinggabi."

 

"Naghihintay lang ako kay Daddy mo. Ikaw, bakit hindi ka pa nakakatulog?"

 

"Gusto ko po munang makita si baby," sagot ni Migo, tumatakbong lumapit at umupo sa tabi niya. Agad niyang inilagay ang maliit na kamay sa tiyan ni Wesley, tila naghihintay ng kaunting sipa mula sa kapatid na hindi pa nakikita. "Kumusta na po si baby, Papa?"

 

"Malakas magsipa, kagaya mo dati," natatawang sagot ni Wesley, hinahaplos ang buhok ng anak. "Excited ka na ba maging kuya?"

 

Tumango nang malakas si Migo. "Opo! Ako na po ang bahala kay baby, katulad ng ginagawa ko po sa inyo, Papa."

 

May bahagyang kirot na dumaan sa dibdib ni Wesley sa sinabi ng anak—ginagawa ko sa inyo—kasi totoo nga. Simula pa noong huling buwan ng unang pagbubuntis niya, hanggang ngayon, hindi na kaila kay Migo ang pagiging protektibo. Kahit bata pa ito, laging may bantay sa mata nito tuwing may hirap na kilos ang papa niya, laging handang tumulong, laging handang alalayan.

 

Minsan naiisip ni Wesley kung tama bang hayaan niyang ganito kabata na kumuha ng ganoong responsibilidad. Pero ngayong gabi, wala siyang alam na darating na susubok sa lahat ng iyon.

 

 


 

 

Kinaumagahan, tulad ng dati, magkasama ang tatlong bata sa paaralan—magkaiba man ang year level nila, laging may paraan silang magkita tuwing recess, sa ilalim ng puno malapit sa covered court na parang sagrado nang lugar para sa kanilang tatlo.

 

"Tignan niyo," sabi ni Johan, buong pagmamalaki na inilalabas ang bagong Hot Wheels na dala niya. "Bago 'to. Bigay ni Daddy kagabi."

 

"Ang galing, kuya!" sigaw ni Migo, agad na dinampot ang laruan para masdan nang husto. "Pwede ko bang i-try?"

 

"Sige, pero maingat lang ha," sabi ni Johan, tunog na parang matandang kapatid kahit isang taon lang ang tanda niya kay Migo.

 

Sa tabi nila, tahimik lang na nakangiti si Josiah, dala-dala ang kanyang paboritong stuffed toy na hipon—regalo raw ito ng kanyang Dada Shua noong isang taon, hindi na niya ito binitawan kahit sa loob ng paaralan. Apat na taon pa lamang si Josiah, ang pinakamaliit sa tatlo, pero laging masaya kapag kasama ang dalawa niyang kaibigan.

 

Ganito sila palagi—magkasama, walang inaalala, mundo nilang tatlo lang ang mahalaga sa oras na iyon. Hindi nila alam na sa loob lamang ng ilang minuto, mababago ang lahat.

 

May tumawa nang malakas sa likuran nila. Nang lumingon sila, apat na batang mas matanda ang nakatayo, mukhang Grade 4 o 5, hindi nila kilala, ngunit malinaw ang tingin ng panunuya sa mga mata nito.

 

"Ay, sila pala 'yung mga anak ng mga artista diba," sabi ng isa, malakas ang boses, sadyang pinaparinig. "Yung tatay nung isa, di ba umalis sa grupo nila kasi buntis?"

 

Napatigil ang laro nina Migo at Johan. Napalingon sila sa isa't isa, hindi alam ang sasabihin.

 

"Iyakin ka naman!" sigaw ng isa pa, ngayon nakatuon na kay Josiah na unti-unti nang napaatras, yumayakap nang mahigpit sa kanyang stuffed toy. "Kagaya ng papa ng kaibigan mo—mahina! Narinig namin sa mommy namin, umalis raw sa grupo ang papa niya kasi mahina lang siya, hindi kaya mag trabaho kaya nasa bahay lang!"

 

"Tumigil nga kayo," sabi ni Migo, boses bahagyang nanginginig, hindi sigurado kung galit o takot ang mas nararamdaman.

 

"Bakit? Totoo naman, di ba?" sabat ng isa pang bata, tumatawa. "Tumigil kasi hindi na kaya. Mahina."

 

Sa loob-loob ni Migo, may isang bagay na biglang kumirot. Mahina. Iyon ba talaga? Dahil ba sa kanya kaya kailangang tumigil ang papa niya—una, noong ipinanganak siya, at ngayon, muli, dahil sa bagong kapatid na kanyang inaabangan?

 

Hindi niya alam kung saan manggagaling ang mga saloobing ito, pero bigla na lang itong dumagsa, tumatak sa isip niya nang mas malalim kaysa sa galit na dapat sana'y nararamdaman niya sa mga batang ito.

 

Habang nangyayari ito, tumakbo na si Josiah papalapit sa mga nangaasar, luha na sa mata, sinusubukang ipagtanggol ang sarili at ang kaibigan gamit ang pinakamalakas niyang boses, "Hindi—hindi totoo yan! Hindi mahina si Tito Wesley! Matapang siya!"

 

Ngunit dahil maliit at manginginig pa ang boses nito, mas lalo lang siyang kinantiyawan. Isa sa mga bata ang tumulak sa kanya, malakas, halos ikatumba si Josiah sa lupa.

 

"Josiah!" sigaw ni Johan, tumatakbo papalapit para saluhin ang bunso bago pa ito bumagsak nang husto.

 

Iyon ang huling hikbi bago sumabog ang galit ni Johan. "Wag n'yong awayin ang kaibigan namin!" sigaw nito, mukhang naiiba na ang tingin, mga kamao'y nakahanda. "At wag n'yong sabihin na mahina si Tito Wesley. Hindi n'yo siya kilala!"

 

"Ano ka ba, gagawin mo rin ba, iiyak ka rin?"

 

Iyon na ang huling linya. Hindi na namalayan nina Johan at Migo ang sarili nila—magkasabay silang sumugod sa mga batang nangaway. Tulakan dito, kaunting suntukan doon, sigawan at iyakan na naghalong tunog sa buong covered court.

 

"Tama na! Tama na kayong lahat!" sigaw ng isang guro na dumating agad, hinihila palayo ang magkabilang panig. "Ano ba itong nangyayari dito?"

 

Walang sumagot kaagad. Umiiyak pa rin si Josiah, hawak ni Johan ang isang braso na may bahid ng gasgas, at si Migo—nakatingin lang sa sahig, hindi alam kung dapat ba siyang magalit pa, o managot na lamang sa katotohanang, sa isip niya, tama naman pala ang mga bata.

 

Hindi na inabot pa ng paaralan sa mga magulang ang buong detalye ng nangyari—sapat na raw ang mahigpit na paalala at ang desisyon na paagahin ang pag-uwi ng tatlong bata. Pero para kay Migo, hindi doon natapos ang labanan. Nagpatuloy pa rin ito sa loob ng kanyang isipan, sa bawat hakbang niya pauwi, sa bawat segundong tahimik silang tatlo sa sasakyan.

 

Wala siyang masabi. Ang tanging paulit-ulit na tumutunog sa isip niya ay ang tanong na hindi niya kayang sagutin.

 

 

Ako ba talaga ang dahilan?

 

 


 

 

Bumukas ang malaking pinto ng bahay nina Miguel at Wesley, at sumalubong agad si Yaya Nena, ang katulong na nag-aalaga ng bahay simula pa noong ipinanganak si Migo. Sa unang tingin pa lang niya sa tatlong bata, alam na niyang may masamang nangyari.

 

"Bakit ganyan ang itsura ninyo? Sino'ng umiyak?" tanong niya, dali-daling lumuhod para tingnan si Josiah na umiiyak pa rin, bagama't unti-unti nang humuhupa. "Sige na, tara, pasok na muna natin kayo."

 

Narinig ito ni Wesley mula sa sala, kung saan siya nakaupo, isang kamay sa tiyan, isang kamay ay humahawak ng libro na hindi naman niya mabasa dahil sa antok. Agad siyang tumayo, kahit paano, at lumapit sa pintuan.

 

Ang unang nakita niya ay si Josiah, mata'y namumugto sa kaiiyak. Pagkatapos, si Johan, nakasimangot, may kaunting gasgas sa braso. At sa likod nilang dalawa, si Migo—tahimik, mukhang hindi kanina lang sumisigaw at nakikipagsuntukan.

 

"Anak, ano'ng nangyari?" tanong ni Wesley, agad na lumuhod sa harap ni Migo sa abot ng kaya ng kanyang katawan, kahit mahirap na. Hinawakan niya ang mga balikat ng anak. "Bakit ka may gasgas? Bakit umiiyak si Josiah?"

 

Walang sagot. Tuluyang umiwas ng tingin si Migo, mga labi'y nakasara nang mahigpit, tila sinusubukang pigilan ang sarili sa pagsabi ng anumang bagay.

 

"Migo. Kausapin mo ako, anak," mas malumanay na pakiusap ni Wesley, hinaplos ang pisngi ng anak. "Anuman ang nangyari, pwede mo sabihin kay papa."

 

Pero tahimik pa rin si Migo. Sa likod nila, si Johan na lang ang sumagot, boses bahagyang nanginginig. "May mga batang nang-asar po sa amin, Tito Wesley. Sinabi nilang... sinabi nilang mahina po kayo. Kaya po kami nakipag-away."

 

Napatigil si Wesley. Alam na niya ang direksyon ng kwento kahit hindi pa tapos si Johan magsalita, at nakita niya ang paraan ng pagtitig ni Migo sa sahig, tila umaasang lulunukin siya nito kung titigil lang sa pagtingin.

 

"Sige. Salamat, Johan," sabi ni Wesley, bahagyang ngumiti kahit mabigat ang nararamdaman sa dibdib. "Yaya Nena, pakisamahan naman sina Johan at Josiah, bigyan sila ng maiinom. Ako na ang bahala kay Migo."

 

Tumango si Yaya Nena, dinala palayo ang dalawang bata patungo sa kusina. Naiwan na lamang sina Wesley at Migo, magkaharap, sa gitna ng katahimikan na parang mas malakas pa sa anumang sigawan.

 

"Halika, sasamahan mo ako sa kusina," sabi ni Wesley, iniaabot ang kamay. "Gusto kong marinig mula sa 'yo mismo ang buong kwento."

 

Hindi tumanggi si Migo, ngunit hindi rin humawak sa kamay ng papa niya. Sumunod na lamang siya, tahimik, ilang hakbang sa likod.

 

Habang naglalakad, unti-unting napansin ni Migo ang bawat kilos ng papa niya—kung paanong dahan-dahan ang bawat hakbang, kung paanong may bahagyang paghawak sa dingding para may masandalan, kung paanong may kaunting sinding hinga sa bawat ilang metro. Bagay na hindi niya masyadong pinapansin dati, ngunit ngayon, sa likod ng lahat ng narinig niya kanina, tila nagiging mas malaki sa paningin niya.

 

 

Kasalanan ko 'to, naisip niya. 

 

 

Kung wala lang ako, hindi sana nahihirapan si Papa.

 

 

Nang makarating sila sa kusina, umupo si Wesley sa isa sa mga silyon dito—malaki, may makapal na foam na unan sa pagkakaupuan, isa sa mga paborito niyang lugar sa buong bahay dahil dito siya kadalasang umuupo kapag hirap na siyang tumayo nang matagal. Hinintay niyang lumapit si Migo, ngunit sa halip, nanatili itong nakatayo sa may pintuan, ilang hakbang ang layo.

 

"Anak," simula ni Wesley, boses mahinahon pero seryoso, "alam kong mahirap pag-usapan. Pero kailangan kong malaman. Ano talaga ang nangyari sa school?"

 

Katahimikan.

 

"Migo."

 

"Totoo po yung sinabi nila," bulong ni Migo sa wakas, halos hindi marinig.

 

"Ano?"

 

Tumingin sa wakas si Migo sa papa niya, mga mata'y puno ng luha na pinipigilan niyang bumagsak. "Sinabi nila, mahina kayo, Papa. Kasi tumigil kayo sa trabaho. At... at totoo naman po, di ba? Dahil sa akin kayo tumigil. Tapos ngayon, dahil sa baby, titigil na naman kayo. Kasalanan ko lahat 'to."

 

Halos mahulog ang puso ni Wesley sa sinabi ng anak. "Migo, hindi—"

 

"Kasalanan ko!" sigaw ni Migo, hindi na napipigilan ang emosyon, luha na ngayon ay tumutulo nang tuluyan. "Kaya nasasaktan kayo palagi! Kaya hirap kayong lumakad! Kasi ako! Kaya sinabi ko sa kanila, mahina kayo, dahil sa akin!"

 

 

sinigawan siya ni Migo,

sinigawan siya ni Migo,

sinigawan siya ni Migo,

 

 

Ang anak niyang limang taong gulang. Si Migo na paborito ang Dinosaur at hindi makatulog ng hindi katabi ang papa niya. Si Migo na nagliligtas ng maliliit na hayop sa kalsada.

 

 

Sinigawan siya ni Migo, ng anak niya.

 

"Anak, hindi—"

 

Ngunit hindi na nakinig si Migo. Sa sobrang bigat ng nararamdaman, sa sobrang lito ng isip niyang limang taon pa lamang, hindi niya alam kung galit siya sa mga bata, sa sarili niya, o sa sitwasyon mismo. Ang alam lang niya, gusto niyang mawala ang sakit na 'to, kahit paano.

 

Kaya nang lumapit si Wesley, sinusubukang yakapin siya, sa isang saglit ng pagkalito at labis na emosyon, itinulak ni Migo palayo ang papa niya nang buong lakas ng kanyang maliit na katawan.

 

Napaatras si Wesley, nawalan ng balanse dahil sa bigat ng kanyang tiyan, at napaupo nang bigla sa likod niyang silyon—salamat na lang at nandoon ito, salamat na lang sa lambot ng foam na hindi siya nasaktan. Ngunit hindi iyon ang bumagsak nang husto kay Migo.

 

Ang gulat. Ang gulat sa mukha ng papa niya.

 

Sandaling katahimikan ang bumalot sa kusina. Pareho silang hindi makapaniwala sa nangyari.

 

"M-Migo..." usal ni Wesley, kamay na naglalapat sa dibdib, mas gulat kaysa sa masakit.

 

Nanlaki ang mga mata ni Migo sa nagawa niya. Hindi niya sinasadya. Talagang hindi niya sinasadya. Ngunit doon na, nakaupo ang papa niyang buntis, gulat at nangangailangan pa ring humingang mabuti—doon na naramdaman ni Migo ang buong bigat ng ginawa niya.

 

 

Masama ako. Masamang anak ako.

 

 

Iyon lang ang paulit-ulit na sumasagi sa isip niya, mas malakas kaysa sa anumang tunog sa paligid. Hindi na niya kinaya pang tumingin pa sa papa niya, nakaupo roon, nahihirapang huminga, sinusubukang tumayo.

 

"Migo, hindi—hindi ako galit, anak, halika lang dito—"

 

Ngunit huli na. Tumalikod na si Migo, tumakbo palabas ng kusina, palabas ng bahay, hindi na napansin ang tsinelas niyang naiwan sa may pintuan.

 

"Migo! Migo, teka!" sigaw ni Wesley, sinusubukang tumayo nang mabilis, ngunit nahihirapan dahil sa bigat na dala-dala niya. Sa sobrang pagmamadali, muntik pa siyang matumba, kaya't kumapit siya sa gilid ng lamesa para makatayo nang maayos.

 

Nang makatayo na siya, wala nang bakas si Migo. Tumingin siya sa magkabilang direksyon ng kalye, ngunit wala na. Nawala na ang anak niya, kasing bilis ng pagtakbo nito palabas, walang tsinelas, walang direksyon, walang kasama.

 

Nanginig ang mga kamay ni Wesley habang kinukuha niya ang telepono mula sa bulsa. Sinubukan niyang huminga nang malalim, sinusubukang huwag mapaiyak, dahil kung siya mismo ang mag-panic, sino pa ang magiging matino sa sitwasyong ito?

 

Dinial niya ang numero ni Miguel, ang tunog ng ring ay parang tumatagal nang tumatagal.

 

"Hello? Mahal? Bakit—"

 

"Miguel," putol niya agad, boses nanginginig sa pagpipigil. "Kailangan kita ngayon, mahal. Tumakbo palabas si Migo. Hindi ko alam kung saan siya pumunta, wala siyang tsinelas, at hindi ko alam—" Napatigil siya, hininga'y kapos, luha sa wakas ay tumulo. "Kailangan mo talaga umuwi ngayon."

 

Sa kabilang linya, tumigil ang lahat ng ingay. "Papunta na ako," sabi ni Miguel, seryoso at mabilis. "Sagutin mo lang ako ha, ayos ka lang ba? Ikaw at si baby?"

 

"Ayos lang kami. Si Migo—si Migo lang ang kailangan nating hanapin."

 

"Aabutin lang ako ng ilang minuto. Wag kang lalabas, Wes, mag-iingat ka. Tatawagan ko rin si Kuya Cholo, baka may nakita silang direksyon papunta ni Migo."

 

Habang bumababa ang tawag, humalukipkip si Wesley sa kanyang tiyan, tila sinusubukang protektahan ang laman nito mula sa hangin ng gabi at sa lahat ng kaba na dala ng oras na ito. Sa isip niya, isang tanong lang ang umuulit, saan na kaya napunta ang anak niya?

 

 


 

 

Hindi na maalala ni Wesley kung ilang minuto na ba siyang nakaupo roon, mga mata'y nakatutok sa malaking bintana ng sala, pinapanood ang unti-unting paggapang ng dilim sa labas. Hindi lang dahil papalapit na ang hapon. May mga ulap na nagtitipon sa kalangitan, mabigat at maitim, tanda ng malakas na ulang paparating.

 

Saan ka na kaya, anak?

 

Hawak pa rin niya ang telepono, nakalagay sa tainga, kahit matagal na siyang tahimik lang, nakikinig sa hininga ni Miguel sa kabilang linya habang nagmamaneho ito.

 

"Mahal," sabi ni Miguel sa wakas, boses seryoso pero sinusubukang huminahon, "pupunta ako sa plaza muna, tapos sa bahay nila Johan. Baka doon siya nagpunta."

 

"Sige," bulong ni Wesley, halos hindi marinig.

 

"Wag kang mag-alala nang sobra, ha? Hahanapin ko siya. Pangako."

 

Gustong maniwala ni Wesley, gustong hawakan ang pangakong iyon nang mahigpit. Pero sa bawat segundong dumadaan, sa bawat patak ng ulan na unti-unti nang naririnig niya sa bubong, lalo lang lumalaki ang takot sa dibdib niya.

 

Naalala niya bigla ang isang gabi, ilang buwan lang ang nakalipas, nang mahirapan siyang matulog dahil sa pananakit ng likod. Walang imik na pumasok si Migo sa kwarto nila, dala-dala ang unan nito, at humiga sa tabi niya nang hindi man lang tinanong kung pwede. "Babantayan kita, Papa," bulong nito noon, bago tuluyang nakatulog. Iyon ang klaseng bata ang anak niya—mapagmalasakit, mapagmahal, hindi kailanman gustong makakita ng sinuman sa hirap. Paano niya nagawang isipin na siya, sa lahat ng tao, ang siyang nagdudulot ng sakit sa mismong papa niya?

 

"Miguel," sabi niya, boses nanginginig, "kung sakaling—kung sakaling naisip niyang galit ako sa kanya—"

 

"Hindi mo kasalanan yan, Wes. Kabataan lang niya yan, hindi niya lubos maintindihan lahat."

 

"Pero paano kung akala niya—"

 

"Hindi. Wag mo munang isipin yan," putol ni Miguel, boses matigas pero hindi galit, tila sinusubukan siyang pigilan sa sariling isipan na kanina pa umiikot nang hindi mapigilan. "Kailangan kong mag-concentrate sa pagmamaneho, pero kasama pa rin kita rito, okay? Hindi kita ibababa."

 

Umiling si Wesley kahit hindi naman siya nakikita ni Miguel. "Ayos lang ako. Sige na, mag-ingat ka sa pagmamaneho. Basta may makita ka, tawagan mo agad ako."

 

"Oo naman."

 

Hindi pa rin niya ibinaba ang tawag. Sa halip, inilagay niya ito sa loudspeaker, itinabi sa mesa sa harap niya, habang naririnig niya paminsan-minsan ang tunog ng makina ng kotse ni Miguel, ang tunog ng hangin, ang katahimikan na paminsan-minsa'y binabasag ng malumanay na "Wala pa rin dito" o "Titingnan ko pa itong isang bahay."

 

Naramdaman niya ang isang malakas na sipa mula sa loob ng kanyang tiyan, tila alam ng sanggol na may hindi maayos. Hinaplos niya ang tiyan, sinubukang huminga nang malalim. Kailangan kong maging kalmado. Para sa iyo.

 


 

Unti-unti nang lumalapit ang hapon, at kasabay nito, unti-unti ring lumalabo ang kalangitan sa itaas ng subdivision nina Miguel at Wesley. Malamig na ang hangin, may bahid ng ulan na maaamoy—senyales na malapit nang bumuhos ang unos.

 

Nakaupo pa rin si Wesley sa sofa ng sala, isang kamay sa tiyan, isa pang kamay ay hawak-hawak ang telepono na kausap pa rin si Miguel. Hindi na niya alam kung ilang beses na niyang tinanong ang parehong tanong sa loob ng huling isang oras.

 

"Miguel, nakita mo na ba siya? Please, kausapin mo ako, kahit ano lang."

 

"Wala pa, mahal, pero hinahanap ko pa rin. Pangako, hindi ako titigil hangga't hindi ko nahahanap si Migo," sagot ni Miguel sa kabilang linya, boses seryoso ngunit sinusubukang manatiling mahinahon, kahit alam niyang parehong nangangamba sila.

 

"Baka umuulan na diyan. Baka nabasa siya. Baka—" Hindi na natapos ni Wesley ang sinasabi, tumigil na lang ito, pinipigilan ang sarili sa pag-iisip ng pinakamasamang posibilidad.

 

"Mahal. Huminga ka. Alam kong mahirap, pero kailangan kong mag-concentrate sa paghahanap, at kailangan mo namang mag-ingat diyan, para sa 'yo at para kay baby. Nandiyan pa ba sina Johan at Josiah?"

 

"Oo, andito pa. Tumawag na rin ako kila Kuya Han at Kuya Shua."

 

"Sige, huwag ka na mag-alala diyan. Kakausapin parin kita, hindi ko ibababa ang tawag na 'to hangga't hindi ako sigurado na ayos ka lang."

 

Iyon ang isa sa mga bagay na pinakamamahal ni Wesley kay Miguel—kahit gaano man siya kahirap, kahit gaano man siya kaabala, laging inuuna nito ang katiyakan na ligtas ang mga taong mahal niya bago ang lahat. Kahit ngayon, sa gitna ng paghahanap sa kanilang anak, hindi nito nakakalimutan tignan din kung paano siya.

 

"Wesley!" sigaw ni Shua, mata'y agad na lumipat mula sa nakaupong si Wesley papunta sa mukha nitong puno ng pag-aalala at pawis. "Ano'ng nangyari? Bakit ka pawisan na pawisan? Nasaan si Migo?"

 

Bago pa man makasagot si Wesley, tumakbo na si Josiah papalapit kay Shua mula sa kusina, kung saan siya at si Johan pinapanood ni Yaya Nena. "Dada!" sigaw nito, agad na yumakap sa binti ng ama, mukhang muling naiiyak sa paggunita sa nangyari. "Dada, kasalanan namin! Nag-away kami sa school!"

 

Napayuko si Shua, hinahaplos ang ulo ng anak, ngunit ang mga mata niya'y nanatiling nakatuon kay Wesley. "Wesley, sabihin mo sa akin. Ano'ng nangyari?"

 

Hindi na napigilan ni Wesley ang luhang biglang bumagsak. "Tumakbo si Migo. Nagalit siya, o—hindi, hindi galit, natakot siya, hindi ko alam, umiyak siya, sinabing kasalanan niya lahat, tapos—tapos itinulak niya ako, tapos tumakbo palabas—"

 

"Itinulak ka?" Napalapit agad si Shua, tumitingin sa buong katawan ni Wesley na parang naghahanap ng anumang bakas ng sakit. "Ayos ka lang ba? Si baby?"

 

"Ayos lang kami," mabilis na sagot ni Wesley, kahit hindi naman talaga sigurado kung "ayos" ang tamang salita para sa nararamdaman niya ngayon. "May foam ang naupuan ko. Hindi ako nasaktan. Pero si Migo—"

 

Bumukas muli ang pinto, at pumasok naman si Han, hingal na hingal, mukhang nagmadaling pumunta pagkatapos matawagan.

 

"Narinig ko kay Cholo," sabi ni Han, tumitingin sa paligid, naghahanap ng sagot sa mukha ng bawat tao roon. "Lumayas daw si Migo? Kailan pa? Saan na naghahanap si Miguel?"

 

"Kanina pa," sagot ni Wesley, boses paos na sa kaiiyak. "Sa plaza muna siya nagpunta, tapos—" Napatingin siya sa telepono sa mesa, kung saan naririnig pa rin ang tunog ng makina ni Miguel. "Mahal? Nandiyan ka pa ba, andito sina Kuya Han st Kuya Shua?"

 

"Naririnig ko," sagot ni Miguel mula sa kabilang linya. "Shua, Han, pasensya na, wala akong oras—"

 

"Huwag kang mag-alala diyan," sagot ni Han agad, lumapit sa mesa. "Kami na ang bahala kay Wesley. Ikaw, hanapin mo lang si Migo."

 

"Salamat," sabi ni Miguel, at bumalik ang katahimikan sa kabilang linya, tanging ang tunog ng makina na lang ang naiiwan.

 

Umupo si Shua sa tabi ni Wesley, isang braso'y bahagyang nakapatong sa likod nito, tila sinusubukang bigyan ng kaunting suporta kahit hindi tuwirang niyayakap. "Wesley, hinga muna. Mahahanap din siya."

 

"Hindi n'yo naiintindihan, kuya," bulong ni Wesley, mga kamay na nakadikit sa mukha. "Hindi 'to tungkol sa kung mahahanap siya. Alam kong mahahanap siya ni Miguel. Ang kinakatakutan ko—" Huminto siya, sinusubukang hanapin ang tamang salita. "Ang kinakatakutan ko kung ano ang naiisip niya ngayon. Baka akala niya galit ako sa kanya. Baka akala niya—baka totoo nga sa isip niya na siya ang dahilan kung bakit ako 'mahina.' Hindi ko alam kung paano ko sasabihin sa kanya na hindi totoo iyon, kung hindi ko man lang siya makausap."

 

Nagpalitan ng tingin sina Shua at Han.

 

"Wesley," sabi ni Han, marahan, umupo naman sa kabilang tabi, "hindi mo kasalanan ang pagiging bata niya. Lima pa lang siya. Marami siyang naiisip na hindi natin kayang kontrolin, kahit gaano pa kalaki ang pagmamahal natin sa kanya."

 

"Alam ko yan," sagot ni Wesley, boses halos hindi na maintindihan sa kaiiyak. "Alam ko yan sa isip ko. Pero sa puso ko—" Hindi na niya natapos ang sinasabi.

 

Umupo si Johan sa sahig sa harap nila, tahimik, mukhang gustong sabihin ang isang bagay ngunit natatakot. Napansin ito ni Han. "Bakit, anak? May gusto ka bang sabihin?"

 

"Kasalanan ko rin po," bulong ni Johan, mata'y nakatutok sa sahig. "Kasi ako po ang nagsimula ng suntukan. Kung hindi lang po ako nagalit, baka hindi po natakot si Migo."

 

"Pero—"

 

"Walang sinuman dito ang may kasalanan," patuloy ni Wesley, kahit sa sarili niyang boses, alam niyang ito rin ang kailangan niyang paniwalaan tungkol sa sarili niyang anak. "Mga bata lang kayo na sinusubukang unawain ang isang bagay na napakalaki para sa inyo. Iyon lang."

 

Habang nagpapatuloy ang pag-uusap sa loob ng bahay, patuloy namang nagmamaneho si Miguel sa buong subdivision, mga mata'y hindi tumitigil sa paghahanap sa bawat sulok, bawat anino, bawat maliit na pigura na maaaring maging anak niya.

 

Wala sa parke. Kahit anong pagtawag niya sa pangalan ng anak, walang sumagot maliban sa ingay ng mga dahon na inaanod ng hangin. Pumunta siya sa bahay nina Johan, kung saan nakita niya si Cholo sa harap ng bakuran, umaasang doon lang si Migo. Ngunit umiling lang si Cholo.

 

"Wala rito, Miguel. Pero tumingin na ako sa likod-bahay, sa garahe, kahit saan ko na naisip. Wala."

 

"Salamat pa rin, Kuya Cholo. Titingnan ko pa yung ibang bahay."

 

Isa-isa niyang binisita ang mga bahay ng mga kilalang kalaro ni Migo—yung batang si Enzo sa kabilang kalye, yung magkapatid na madalas maglaro sa court, kahit yung matandang si Mang Ambo na paboritong kausapin ni Migo tuwing may dumaraang traysikel. Sa bawat pinto, iisa lang ang sagot—wala, hindi nila nakita.

 

Tinawagan din niya si Seok. 

 

"Wala rin dito, Miguel," sabi ni Seok sa telepono, boses puno ng pag-aalala. "Titingnan ko pa yung labas ng bahay namin, baka nagtatago lang sa paligid."

 

"Salamat, Seok. Tawagan mo ako agad kung may makita ka."

 

Binaba niya ang tawag, at agad namang tinawagan si Cholo muli.

 

"Kuya Cholo, wala pa rin akong nahanap. Nandito ka pa ba sa plaza?"

 

"Oo, pinaghahanapan ko pa rin dito, kasama ang guard namin. Pero, Miguel—" Huminto si Cholo, tila nag-aalinlangan kung sasabihin ang susunod na sasabihin. "Alam mo, imposible namang makalabas si Migo sa subdivision natin, di ba? Bantay na bantay ang mga gate. Kahit ang mga bisita, kailangan pang magparehistro."

 

"Alam ko," sagot ni Miguel, kahit hindi ito ganap na nakakaalis ng kaba sa dibdib niya. "Pero kung nasa loob lang siya ng subdivision, saan pa kaya siya pumunta na hindi pa natin nahahanap?"

 

Habang sinasabi niya ito, may isang bagay na biglang kumislap sa isip niya—isang alaala, tatlong buwan na ang nakalipas, nang nawala ang paboritong pusa ni Wesley, isang malikot na kulay-abo na pusang pinangalanang Mocha. Buong hapon noon silang naghanap ni Migo, tinawag ang pangalan ng pusa sa bawat kanto, hanggang sa marating nila ang isang bahagi na hindi pa nila nasusuyod dati—isang lugar sa likod ng mga puno, malayo sa mga bahay, kung saan may isang maliit na fish pond na parang nakatago mula sa lahat. Doon nila natagpuan ang pusa, mahimbing na natutulog sa loob ng isang maliit na wooden cabin na dating gamit siguro ng maintenance ng subdivision noong panahong itinatayo pa lamang ito.

 

Mula noon, naging lihim na tagpuan nila ni Migo ang lugar na iyon. Tuwing may bagong laruan si Migo, o tuwing gusto niyang magkwento nang tahimik sa daddy niya nang hindi naiistorbo, doon sila pumupunta.

 

"Kuya Cholo," sabi ni Miguel, biglang bumilis ang tibok ng puso, "alam ko na kung saan siya."

 

"Saan?"

 

"Yung fish pond, malapit sa may parte ng mga puno. May kubo roon. Doon kami dati naghanap ng pusa ni Wesley."

 

"Sige, pupunta ako roon—"

 

"Hindi, kaya ko na. Malapit lang ako. Ikaw, sabihin mo kay Wesley kung matawagan mo siya, o kung makausap mo si Han o Shua, na baka nahanap ko na."

 

Ibinaba niya ang tawag at agad na binaling ang manibela patungo sa direksyon ng fish pond, ang puso'y kumakabog sa pag-asa at takot na sabay-sabay.

 

Sa oras na iyon, sumabog na ang ulan. Malakas, biglaan, tila ang buong kalangitan ay nabuksan nang sabay-sabay. Halos hindi makakita si Miguel sa windshield ng kotse dahil sa bigat ng ulan, ngunit hindi niya iyon inalintana. Bumilis pa ang pagmamaneho niya, mga mata'y nakatutok sa daan sa kabila ng malabo nang paningin.

 

Sana nandoon siya. Sana ayos lang siya. Sana hindi pa nababasa ng husto.

 

Ilang minuto lang, pero para kay Miguel, parang isang buong buhay ang lumipas bago niya makita ang liko papunta sa maliit na daan patungo sa fish pond. Ipinarada niya ang kotse sa may gilid, hindi na inintay pang tumigil nang husto ang makina bago siya bumaba, tumatakbo sa gitna ng malakas na ulan.

 

At doon, sa loob ng maliit na wooden cabin, sa likod ng bahagyang bukas na bintana nito, nakita niya ito—isang maliit na pigura, nakayuko, nakaupo sa sulok.

 

 

Si Migo.

 

 

"Migo!" sigaw ni Miguel, halos hindi maparaan ang lakas ng boses sa saya at ginhawa. Tumakbo siya papalapit sa maliit na pinto ng kubo, basang-basa na mula sa ulan.

 

Nang marinig ang boses niya, napatingala ang bata sa loob. Nakita ni Miguel ang mukha nito—namumugto ang mga mata sa kaiiyak, luha't uhog na halo-halo, mga kamay na nakayakap sa sariling mga tuhod.

 

Ngunit sa halip na tumakbo papalapit, umatras pa ito. "Wag—wag n'yo po akong lapitan, Daddy!"

 

Napatigil si Miguel sa may pintuan, kamay na nakahawak pa rin sa frame nito. "Bakit, anak? Ayos ka lang ba?"

 

"Masama po akong bata," bulong ni Migo, boses halos hindi marinig sa ingay ng ulan sa bubong ng kubo. "Kaya wag n'yo na po akong lapitan. Baka—baka paluin niyo po ako, daddy."

 

May isang bagay na parang biglang humiwa sa puso ni Miguel sa pagkarinig ng mga salitang iyon. Marahan siyang lumakad papasok, hindi tuwirang lumapit, kundi umupo muna sa kabilang sulok ng kubo, ilang talampakan ang layo mula sa anak.

 

"Migo, hindi kita sasaktan," sabi niya, boses mahinahon at malumanay. "Hinding-hindi kita sasaktan. Alam mo yan, di ba?"

 

Hindi sumagot si Migo, umiiling lang, mga luha'y tumutulong muli.

 

"Sabihin mo sa akin kung bakit mo naisip na masama kang bata. Pwede mo bang sabihin sa akin?"

 

Sa loob ng ilang saglit, tahimik lang si Migo, tanging ang paghikbi niya ang naririnig sa kubo, halo sa tunog ng ulan sa labas. Ngunit unti-unti, sumabog ang lahat.

 

"Nakipag-away po kami sa school," simula niya, boses paputol-putol sa iyak. "May mga batang mas matanda nang-asar kay Josiah, tapos sinabi nilang mahina raw si Papa kasi tumigil siya sa trabaho. Tapos—tapos naisip ko po, baka totoo nga. Kasi dahil sa akin siya tumigil noon, tapos ngayon, dahil sa baby, titigil na naman siya. Kaya nagkipag-away kami ni Kuya Johan sa mga batang yon."

 

"Migo—"

 

"Tapos umuwi po kami," patuloy ni Migo, hindi na napipigilan ang sarili, "tapos tinanong ako ni Papa kung ano'ng nangyari, pero ayoko pong sabihin, kasi—kasi kung sasabihin ko, malalaman niyang totoo nga na ako ang dahilan. Tapos—tapos itinulak ko po siya, Daddy. Hindi ko po sinasadya, pero itinulak ko siya, tapos naupo siya nang bigla, tapos ang gulat niya—" Huminto si Migo, hindi na kayang ipagpatuloy, humihikbi nang husto.

 

Nilapitan na ni Miguel ang anak, dahan-dahan, hinayaan itong makita siyang papalapit bago pa man tuwirang hawakan. "Anak, tingnan mo ako."

 

Ayaw munang tumingin ni Migo, ngunit sa wakas, dahan-dahan niyang itinaas ang mukha.

 

"Alam kong mahirap ang nararamdaman mo ngayon," sabi ni Miguel, kamay na marahang humaplos sa balikat ng anak. "Pero hindi ka masamang bata. Hindi kailanman. Nagkamali ka, oo, pero hindi ka masama. May malaking pagkakaiba ang dalawang iyon."

 

"Pero paano po malalaman kung may nagawa akong mali, tapos hindi ako masamang bata?"

 

Napaisip si Miguel sa tanong, hindi inaasahan ang lalim nito mula sa isang limang-taong-gulang. "Magandang tanong 'yan. Alam mo, lahat tayo nagkakamali paminsan-minsan—pati ako, pati si Papa mo. Ang mahalaga ay ang ginagawa natin pagkatapos. Kung humihingi tayo ng tawad, kung sinusubukan nating ayusin, 'yon ang nagsasabi kung anong klaseng tao tayo. Hindi ang pagkakamali natin mismo."

 

Umiling si Migo, mukha'y bumagsak muli. "Pero baka po sa loob-loob ni papa, galit siya. Kaya lang hindi niya masabi kasi—kasi kahit ano pong gawin ko, kahit gaano ako kapasaway, hindi siya nagagalit sa akin. Kahit minsan. Kaya kung hindi siya magagalit—" Nanginig ang boses ng bata. "Kayo na lang po ang magalit sa akin, Daddy. Kaya hindi po ako uuwi. Kasi nahihiya po ako kay Papa, pero natatakot din po ako sa inyo."

 

Napahinto si Miguel, ang mga salita ng anak ay bumagsak sa kanya nang mas mabigat kaysa sa inaakala niya. Hindi niya alam na ganito pala ang iniisip ng anak nila—na kung paano naging malumanay si Wesley sa pagdidisiplina, sa isip ng bata, siya na ang natitirang mapagbabantaan ng galit.

 

"Migo," sabi niya sa wakas, boses malumanay, "kayo rin po ba natatakot minsan kapag may nagawa kayong mali?"

 

Napakindat si Migo, hindi inaasahan ang tanong. "Kayo po, daddy?"

 

Ngumiti si Miguel, kahit malungkot. "Oo naman. Noong bata pa ako, kasing edad mo halos, nasira ko ang paboritong plato ng lola ko. Sobrang takot ko noon, natago pa ako sa ilalim ng kama nang halos dalawang oras, kasi akala ko magagalit siya nang sobra. Alam mo ba kung ano ang ginawa niya nang mahanap niya ako?"

 

Umiling si Migo, mata'y ngayon ay nakatuon nang buo kay Miguel.

 

"Umupo siya sa tabi ko sa ilalim ng kama, hinawakan ang kamay ko, at sinabing, 'Hindi kita galit, apo. Natakot lang ako baka nasaktan ka.' Doon ko unang naintindihan na kadalasan, kapag galit ang tingin natin sa isang tao, hindi talaga galit ang nasa likod noon. Alalahanin lang, o takot, o pagmamahal na hindi alam kung paano ipahayag."

 

Marahan siyang huminga, sinusubukang isaayos ang mga sasabihin. "Migo, makinig ka sa akin. Hindi ako galit sa'yo. Malungkot ako, oo—malungkot dahil alam kong nasaktan ka, at nasaktan ang papa mo, at nasaktan din ang mga kaibigan mo. Pero hindi iyon parehong bagay ng pagiging galit."

 

"Pero—"

 

"At ang katotohanan," patuloy ni Miguel, hinahawakan ngayon ang parehong kamay ng anak, "ay hindi lang si Papa ang hindi kayang magalit sa'yo nang matagal. Ako rin. Alam mo ba kung bakit? Kasi ikaw ang anak namin. Ikaw ang pinakamalaking regalo na natanggap namin sa buhay na ito. Walang pagkakamali na kayang baguhin iyon."

 

Tumingin si Migo sa kanya, mga mata'y puno ng pag-aalinlangan, ngunit may kislap din ng pag-asa. "Totoo po ba?"

 

"Totoo," sabi ni Miguel, ngumingiti kahit basa pa rin ang mukha niya mula sa ulan. "Ngayon, halika na. Alam kong alanganin ka pa, pero kailangan na nating umuwi. Sobrang alala na ng papa mo, at gusto ko siyang makita kang ligtas sa lalong madaling panahon."

 

Nag-alinlangan pa si Migo sa loob ng ilang saglit, ngunit dahan-dahan siyang lumapit, at nang maabot na niya ang daddy niya, niyakap niya ito nang mahigpit, humihikbi sa balikat nito.

 

"Sorry po, Daddy," bulong niya. "Sorry po sa lahat. Umalis po ako nang walang paalam, tapos—"

 

"Alam ko, anak. Alam ko." Yinakap ni Miguel ang anak nang mas mahigpit, hinahaplos ang basang buhok nito. Doon lang niya napansin—walang tsinelas ang paa ng anak, marumi na sa putik at basa mula sa ulan.

 

"Ay, anak, wala kang tsinelas," bulong niya, bahagyang tumatawa kahit puno ng lungkot ang boses. "Halika, buhatin na kita papunta sa kotse."

 

Binuhat ni Miguel ang anak papunta sa kotse, hindi na inalintana ang sarili niyang pagkabasa sa ulan. Inilagay niya si Migo sa passenger seat, isinuot ang seatbelt nito bago pumasok sa driver's seat.

 

Bago pa man magpatuloy sa pagmamaneho, kinuha niya ang telepono at tinawagan si Cholo.

 

"Kuya Cholo, nahanap ko na siya. Ayos lang siya, kaunting basa lang sa ulan. Uuwi na kami."

 

"Salamat sa Diyos," buntong-hininga ni Cholo sa kabilang linya. "Sasabihin ko kay Han. Ingat kayong dalawa sa daan, malakas pa rin ang ulan."

 

Tinawagan din niya si Seok, saglit lang ang usapan bago niya ibinaba ang tawag at binaling ang buong atensyon sa pagmamaneho pauwi.

 

Sa loob ng kotse, tahimik lang si Migo, nakatingin sa labas ng bintana, sa mga patak ng ulan na dumadaloy sa salamin. Paminsan-minsan, sinusulyapan siya ni Miguel, nakikita ang bahagyang panginginig ng anak, kung dahil sa lamig o sa takot, hindi niya masyadong alam.

 

"Migo," sabi ni Miguel habang nagmamaneho, "gusto mo bang malaman ang isang bagay?"

 

Tumango ang bata, hindi pa rin nakatingin sa kanya.

 

"Noong una kong nakilala ang papa mo, bago pa man tayo naging pamilya, alam mo ba ang sabi niya sa akin? Sabi niya, gusto niyang magkaroon ng pamilyang puno ng pag-unawa, hindi ng galit. Kaya kahit gaano man kahirap ang sitwasyon, laging pinipili niyang unawain muna bago sisihin. Ganoong klaseng tao ang papa mo. Hindi 'yon kahinaan, anak. 'Yon ang isa sa mga pinakamalakas na bagay tungkol sa kanya."

 

Hindi sumagot si Migo, ngunit napansin ni Miguel ang bahagyang pagbabago sa ekspresyon ng anak—hindi pa ganap na kalma, ngunit may bahagyang liwanag na dati'y wala.

 

Umabot sila sa bahay sa loob ng ilang minuto, ang ulan ay unti-unti nang humihina ngunit hindi pa rin tuluyang tumitigil. Iniparada ni Miguel ang kotse sa garahe, at bago pa man makababa si Migo, binuhat na naman ito ni Miguel, dinala palabas ng kotse papunta sa pintuan ng bahay.

 

Nang mabuksan ang pinto, agad na lumitaw si Wesley mula sa direksyon ng kusina, mukhang kanina pa naghihintay sa may pinto papasok, hindi na napipigilan ang sariling pananabik.

 

"Migo!" sigaw niya, boses puno ng luha, tumatakbo sa abot ng kanyang makakaya patungo sa kanila.

 

Ibinaba ni Miguel ang anak sa sahig ng sala, at sa oras na nakatayo na ito, tumakbo si Migo papalapit sa papa niya, humihikbi nang malakas.

 

"Papa!" sigaw niya, yumakap nang mahigpit sa may binti ni Wesley, hindi kayang umabot pa nang mas mataas dahil sa laki ng tiyan nito. "Sorry po, Papa! Sorry po talaga! Hindi ko po sinasadya! Sorry po sa lahat!"

 

Lumuhod si Wesley sa abot ng kanyang makakaya, ang mga braso'y agad na yumakap sa anak, hindi na inaalintana ang sariling luha na tuluyan nang bumagsak. "Migo, anak, ayos lang. Ayos lang, nandito na ako."

 

"Pero itinulak ko po kayo! Nasaktan ko po kayo!"

 

"Hindi, hindi ako nasaktan. Nandito ako, buo, ligtas. Ikaw ang mahalaga ngayon."

 

Umiiyak pa rin si Migo, mukha'y nakabaon sa balikat ng papa niya. "Kasalanan ko po lahat, Papa. Kung wala lang po ako, hindi po sana kayo—"

 

"Migo," putol ni Wesley, hinawakan ang mukha ng anak sa magkabilang kamay para tuwirang makatingin sa mga mata nito, "makinig ka sa akin nang mabuti, dahil gusto kong marinig mo nang malinaw. Wala kang kasalanan. Wala. Ikaw, anak, ang pinakamagandang bagay na nangyari sa buhay namin ng daddy mo. Ikaw ang dahilan kung bakit lalong may saysay ang bawat umaga namin. Hindi ka kailanman naging pabigat—ikaw ang pinakamalaking regalo."

 

"Pero sinabi po nila—"

 

"Alam ko ang sinabi nila," patuloy ni Wesley, boses mahinahon kahit basa pa rin sa luha. "At mali sila, Migo. Hindi ako mahina. Tumigil man ako sa pagsayaw at pagkanta, hindi iyon dahil sa kahinaan. Pinili ko iyon, dahil mas mahalaga sa akin ang alagaan kayo ng buong puso ko. Kung tawagin man akong 'mahina' dahil doon, hindi bale. Dahil alam ko ang totoo—puno ako ng pagmamahal, at ng pag-unawa, kaya ko 'yon ginawa. Hindi iyon kahinaan, Migo. 'Yon ang pinakamalaking lakas."

 

Sa likod nila, tahimik na napapanood ang lahat—si Shua na hawak-hawak si Josiah, si Han na nasa tabi ni Johan, si Miguel na nakatayo sa may pintuan, basa pa rin mula sa ulan ngunit hindi na iyon mahalaga sa kanya. Sa mukha ng bawat isa, may parehong damdamin—ginhawa, kaligayahan, at kaunting luha na hindi na napigilan.

 

Dahan-dahang lumapit sina Johan at Josiah, dating natatakot pang lumapit dati, ngunit ngayon ay hindi na napigilan ang sarili. "Migo," bulong ni Josiah, hinawakan ang kamay ng kaibigan, "ayos ka lang ba?"

 

Tumango si Migo, ngumiti nang bahagya sa kabila ng luha. "Sorry rin ako kasi natakot kayo."

 

"Wag mong isipin yan," sabi ni Johan, tumapik sa balikat ng nakababata. "Magkakasama tayo, di ba? Kahit ano pang mangyari."

 

"Naiintindihan mo ba, anak?" tanong ni Wesley kay Migo, hinahaplos ang basa pa ring buhok ng anak. "Hindi ikaw ang dahilan ng anumang bagay na masama. Ikaw ang isa sa mga pinakamagagandang dahilan kung bakit masaya ang buhay namin."

 

Tumango si Migo, kahit hindi pa rin ganap na tumitigil ang pagtulo ng luha. "Pangako po, hindi ko na po uulitin. Kahit anong mangyari, hindi na po ako tatakbo. Kakausapin ko na lang po kayo."

 

Ngumiti si Wesley, hinalikan ang noo ng anak. "'Yan ang gusto kong marinig."

 

Sa gitna ng saglit na katahimikan, may napansin bigla si Wesley—ang mga paa ng anak, marumi sa putik, walang tsinelas, basa pa rin mula sa ulan.

 

Hindi niya napigilan ang biglaang tawa na lumabas, halo sa mga luhang tumutulo pa rin. "Migo, tingnan mo ang mga paa mo! Parang naglaro ka sa putikan!"

 

Napatingin din si Migo sa sariling mga paa, at sa unang pagkakataon mula nang mangyari ang lahat, may bahagyang ngiti ring lumitaw sa mukha nito. "Nawala po ang tsinelas ko, Papa."

 

"Alam ko, nakita ko," sagot ni Wesley, tumatawa pa rin kahit basa ang mukha sa luha. "Sige na, maligo ka muna, tapos kakain na tayong lahat. Gutom na siguro kayong lahat, ha?" 

 

 


 

 

Matapos maligo at makapaghapunan, dinala ni Wesley si Migo sa kanyang kwarto, tinulungan itong magbihis ng pantulog. Wala nang bakas ng putik sa kanyang mga paa, malinis na, mainit-init pa mula sa mainit na paligo.

 

"Papa," sabi ni Migo habang hinihiga ito ni Wesley, "kapag pumasok na si baby, tuturuan ko rin siyang maging matapang, kagaya niyo."

 

Ngumiti si Wesley, hinaplos ang buhok ng anak. "Sigurado ako magiging magaling kang kuya, Migo."

 

"Papa," patuloy ni Migo, "hindi ko na po uulitin 'yung ginawa ko. Pangako."

 

"Alam ko, anak. Hindi mo kailangang ipangako 'yan paulit-ulit. Alam kong mabuti ang puso mo. Minsan lang tayong nadadala ng emosyon, at okay lang 'yon, basta natututo tayo."

 

Yumakap si Migo kay Wesley bago tuluyang pumikit, at hindi nagtagal, nakatulog na ang bata, pagod sa lahat ng pangyayari ng araw.

 

Dahan-dahang lumabas si Wesley ng kwarto, natagpuan si Miguel na naghihintay sa labas, dalawang tasang mainit na tsokolate ang hawak.

 

"Kumusta siya?" tanong ni Miguel.

 

"Ayos na. Tulog na," sagot ni Wesley, tinanggap ang tasa na iniabot sa kanya.

 

Magkasama silang naglakad patungo sa parehong bintana kung saan nagsimula ang lahat, kung saan madalas silang umupo tuwing gabi, kung saan una niyang naramdaman ang unang sipa ng bagong sanggol.

 

"Ang hirap ng araw na 'to," bulong ni Wesley, umupo sa tabi ni Miguel.

 

"Oo. Pero tapos na. At ligtas tayong lahat," sagot ni Miguel, hinawakan ang kamay ng asawa.

 

"Alam mo," sabi ni Wesley pagkaraan ng ilang saglit na katahimikan, "sa lahat ng nangyari ngayong araw, isa lang ang malinaw sa akin—mahal na mahal tayo ni Migo. Sobra, sa punto na kaya niyang isipin na siya mismo ang kailangang sisihin, para lang protektahan tayo."

 

"Kagaya ng papa niya," natatawang sabi ni Miguel, hinahaplos ang tiyan ni Wesley kung saan tahimik na natutulog ang kanilang ikalawang anak.

 

Napatawa rin si Wesley, kahit paano, kahit pagod pa rin sa lahat ng pangyayari. "Kagaya rin ng daddy niya."

 

Sa tahimik na gabing iyon, sa gitna ng banayad na tunog ng ulan na unti-unti nang humuhupa sa labas, alam ng dalawa—Miguel at Wesley—na anuman ang sabihin ng ibang tao, anuman ang hamong darating, may isang bagay na hindi kailanman magbabago, ang tahanang ito, puno ng pagmamahal, kasiguruhan, at ang uri ng lakas na hindi laging nakikita, ngunit palaging nandiyan.

 

At sa gitna ng bahay na iyon, sa gitna ng mga taong nagmamahalan at nag-aalalahanan sa isa't isa, natapos ang isang mahabang araw ng takot at pagkalito—hindi sa perpektong paraan, kundi sa paraang mas mahalaga, sa paraan ng pagkakaunawaan, ng pagpapatawad, at ng pag-ibig na hindi kailanman nagbago, kahit ano pang sabihin ng ibang tao. 

Notes:

@lueriain on x