Chapter Text
Ilang oras.
Ilang oras naghintay si Wonwoo at nag-alala para sa wala. Kulang na lang ay mabaliw na siya sa kakaisip kung nasaan na si Mingyu. Kung ligtas lang ba siya? Kung maayos lang ba ang kalagayan niya?
Pero hindi niya inaasahan na sa ganoon niya malalaman ang kalagayan ng asawa niya.
Umiinom. Kasama si Mang Raul na isa sa mga kasamahan nito sa talyer.
Ang sama ng loob ngayon ni Wonwoo. Bukod sa alam naman ng asawa niya na may sakit ang anak nila at kailangan niya ng tulong, sumabay pa yung mga nabasa niya na comment sa post ni Mang Raul.
Nakadisgrasya…
Sayang daw kuno si Mingyu kasi nakadisgrasya.
Ang sakit para sa kaniya na mabasa ’yon. Nagsabay-sabay na nga ang problema nilang mag-asawa ngayon at dumagdag pa ang mga kapit-bahay nila.
Iniisip niya na tama nga ang sinabi nito. Kasi dise-otso pa lamang siya nung nabuntis siya at dise-siyete naman si Mingyu.
Naalala niya pa ang pangarap ng asawa niya rati. Gusto nitong maging engineer pero dahil sa kapabayaan nila hindi natuloy ang pangarap ni Mingyu.
Ang ipon sana nito na para sa pag-aaral ay napunta sa pagbubuntis niya. Hindi na natapos pa ni Mingyu ang senior high school at mas lalong hindi na naabot pa ang pangarap nito.
Kaya mukhang totoo nga ang sinasabi nila.
Sayang si Mingyu.
Sayang si Mingyu kasi napunta siya sa katulad ni Wonwoo.
Sa katulad niyang wala ng ibang ginawa kun ’di maging pasanin sa asawa.
Walang maayos na trabaho
Sakitin at may sakit sa puso
at marami pa.
Naramdaman niya ang pagpatak ng mga luha uniya kaya dali-dali niyang pinunasan ito.
Nabalik lang sa ulirat si Wonwoo nang marinig niya ang ungot ni Sunoo.
“D-dada ko ang s-sakit po ng head ko,” ani ni Sunghoon kaya tumabi siya kaagad sa tabi ng anak at hinilot ang ulo nito ngunit mas lalo lamang lumakas ang iyak ni Sunoo.
“Shh, tahan na anak. Mas lalong sasakit ang ulo mo kapag ganiyan.” Kinuha niya ang thermometer sa gilid at nilagay iyon sa kili-kili ni Sunoo.
Ilang beses na niyang pinunasan ng maligamgam na tubig ang anak pero hindi pa rin bumababa ang lagnat nito kaya hindi niya maiwasang mag-alala.
“Dada k-ko? Si p-papa po?” tanong nito dahilam upang matigilan si Wonwoo sa ginagawa. Naalala niya na naman ang ginagawa ngayon ng asawa dahilan upang bumalik na naman ang inis niya rito.
Alam naman ni Mingyu na nilalagnat ang anak nila pero nakuha pa rin nitong makipag inuman sa mga kasamahan. Pati gamot nito hindi man lang nabili kaya kahit malakas ang ulan ay lumabas siya kanina para bumili. Ayaw niya namang iwan si Sunoo rito mag-isa pero baka mas lalo pang lumala ang sakit ng anak niya kapag hindi siya nakainom nang gamot.
“Dada ang sakit po talaga,” sambit ni Sunoo at mas lalo pang lumala ang iyak nito dahilan upang mataranta si Wonwoo. Maya-maya rin ay tumunog na ang thermometer kaya tiningnan niya iyon.
40°
Dahil doon ay kaagad na niyang kinuha ang telepono at tinawagan si Hannie.
“H-hannie, hello? Alam kong gabi na pero kailangan ko ang tulong niyo ni Cheol. Pwede bang magpahatid kami ni Sunoo sa hospital? Inaapoy na siya ng lagnat ngayon,” natatarantang ani niya habang inaasikaso si Sunoo.
“Sige sandali lang, Wonwoo. Gigisingin ko lang si Cheol.”
Nang matapos ang tawag ay kaagad niyang binuhat si Sunoo at lumabas nang kwarto. Maya-maya rin ay nakarinig siya ng ugong ng tricycle sa labas kaya kaagad siyang pumunta roon at doon niya nakita si Cheol na nakasakay doon.
“Sakay na, Wonwoo!” sigaw nito sa ilalim ng malakas na ulan kaya dali-dali siyang sumakay sa tricycle. Napaiyak na lamang ng mahina si Wonwoo habang yakap-yakap ang anak.
Kung kailan kailangan niya si Mingyu doon naman ito wala.
Hindi rin naman nagtagal at nakarating na sila sa hospital. Kaagad naman silang inasikaso ng mga nurse kaya hinayaan niya na ang mga ito na tingnan ang anak niya.
Nasa gilid lang siya habang ang mga ito na asikasuhin ang anak. May mga inutos ang doktor sa kaniya na asikasuhin kaya kahit ayaw niyang iwan ang anak ay iniwan niya muna ito.
Mula sa pagbili ng gamot, pabalik-balik sa loob at labas ng hospital, atbp. Ramdam na ni Wonwoo ang pagod at antok pero hindi niya iyon ininda dahil ang nasa isip niya lang ngayon ay sana gumaling na ang anak niya.
Hindi rin naman nagtagal ay bumaba na ang lagnat nito at hinayaan na rin silang makalabas. Mabuti na lamang at pinayagan silang mag promissory note ng hospital dahil kulang ang dalang pera niya. Sa gamot pa.
“Cheol, maraming salamat, ha. Kung hindi niyo kami tinulungan ni Hannie baka hindi pa rin bumaba ang lagnat ni Sunoo.”
“Walang anuman, Wonwoo. Hindi kana iba sa amin. Paano ba ’yan mauna na ako. Magpahinga na kayo ni Sunoo ha. Bawiin niyo yung tulog niyo,” sambit niya bago tuluyang umalis.
Napabuntong hininga na lamang ng malalim si Wonwoo bago bumalik sa loob ng bahay. Sinilip niya muna sa kwarto ang anak bago gawin ang trabaho niya sa bahay. Sa sobrang lakas ng ulan kagabi ay pumasok na sa bahay nila ang tubig.
Kahit na gusto ng magpahinga ng katawan niya ay inuna niya pa rin iyon.
Punas dito, punas doon.
Pagkatapos niya roon ay sinunod niya naman ang pagluluto niya ng makakain nila. Napapikit na lamang siya ng mariin ng itlog na lamang ang nakita niya roon kaya iyon na lamang ang naisipan niyang lutuin.
Habang nagluluto ay narinig niyang bumukas ang pintuan ng kanilang bahay. Kahit hindi siya lumingon ay kilala na niya kung sino iyon.
Rinig niya ang bigat ng paglalakad ni Mingyu. Maya-maya rin ay naramdaman niyang nasa likuran na niya ang lalaki. Akmang hahalik ito sa kaniya kaya mabilis siyang umiwas dahilan upang hindi matuloy ang binabalak ng asawa.
“Buti umuwi ka pa. Nakalimutan mo na atang may asawa’t anak ka?” tanong niya ng hindi nililingon si Mingyu.
“Pasensya mahal hindi namin namalayan ang—” naputol ang sinasabi ni Mingyu noong humarap siya rito.
“Hindi namalayan? Mingyu, may sakit ang anak natin! Umiiyak at hinahanap ka pero anong ginawa mo? Nakipag-inuman sa mga katrabaho mo! Ni hindi mo man lang naisip kung ano na ang kalagayan ng anak natin! Ang problema kasi sa ’yo sarili mo lang ang iniisip mo!” sigaw niya sa asawa dahilan upang hindi ito makasagot.
“Kagabi, nangwarenta ang anak natin. Kinakailangan ko siyang isugod sa hospital pero nasaan na? Hindi ba dapat ikaw yung kasama namin sa hospital? Tangina, Mingyu! Hindi ko alam kung ano ang mararamdaman ko kagabi. M-mabuti na lang t-talaga at tinulungan kami ni Hannie at Cheol. Sila yung gumawa na sana ay trabaho mo dapat!” Bago umalis ay pinatay niya muna ang apoy na niluluto niya at akmang papasok na siya sa kwarto ng makita niyang nakasilip sa pinto ang anak nilang si Sunoo at umiiyak ito.
“S-sunoo anak. Kanina k-ka pa riyan?” tanong niya bago lumapit sa anak at buhatin ’to.
“Huwag na po kayo away ni papa, please. Masakit po sa hart kapag nag-aaway pa kayo,” sambit ni Sunoo habang humahagulgol sa balikat niya. Napalunok na lang ng mariin si Wonwoo para pigilan ang luha niya.
“Pasensya na anak. Hindi sinasadya nina dada at papa ha. May kaunti lang na problema pero malalampasan din naman.”
“Kaya po ba kayo nag-aaway kasi sick po ako? Sorry po d-dada at p-papa kasi sick po a-ako. Hindi na po ako ma sick sa susunod para hindi na po kayo away.”
“Shh, tahan na. Tara na muna sa kwarto.”
Sa buong araw na iyon ay hindi niya kinausap ang asawa. Ilang beses nitong sinubukang lumapit sa kaniya pero tinataboy niya lang ang lalaki.
Naghalo-halo na sa lahat ng utak niya ang mga nangyari mula kahapon. Ang hindi pag-uwi ni Mingyu kagabi, ang mga nabasa niya, at ang pagsugod kay Sunoo sa hospital.
Napahilot na lamang siya sa kaniyang ulo ng makaramdam siya ng kirot doon. Kasalukuyan siyang nakahiga ngayon sa tabi ni Sunoo habang hinahaplos ang buhok nito. Nasa ganoon siyang posisyon ng maramdaman niyang lumubog ang kama sa kaliwa niya. Hindi rin nagtagal ay naramdaman niya ang pagpulupot ng braso ng asawa sa kaniyang bewang.
“Mahal, sorry. Hindi ko nagawa ang obligasyon ko bilang ama ni Sunoo. Alam kong may sakit ang anak natin pero hindi ko man lang nakuhang tumanggi sa alok ni Mang Raul. Alam mo naman siya hindi ka titigilan hangga’t hindi siya pumapayag,” mahinang ani nito habang hinahalikan ni Mingyu ang leeg niya.
“Mas mahalaga ba ang pag-aya sa ’yo ni Mang Raul kaysa sa amin ni Sunoo?” tanong niya dahilan upang matigil ang asawa sa ginagawa nito.
“Mahal, hindi ganoon. Pasensya na talaga. Hindi ko na uulitin ’yon.”
“Kung hindi ka pa pinost ni Mang Raul hindi ko malalaman na umiinom kayo. Tapos alam mo ba ang comments ng ibang tao sa ’yo? Na sayang ka. Na maaga kang nakadisgrasya. Na parang ako ang sumira sa pangarap mo.”
Masakit
Parang sinasaksak siya ng maraming punyal sa puso habang binabasa niya iyon ng paulit-ulit. Kung pwede lang pigilan ang nararamdaman niya kagabi ay pinigil na niya pero hindi niya magawa. Kasi kahit pakaisipan pa ni Wonwoo ang mga nabasa niya.
Totoo ang mga ’yon…
“Mahal hindi totoo ang mga nabasa mo, ha. Ano bang pake nila sa buhay natin at pilit nila tayong pinapakielaman. Wala silang alam kaya hayaan mo na ang mga ’yon.” Kahit na nag-aalinlangan ay tumango pa rin siya sa asawa bilang sagot.
Hindi rin naman nagtagal at nagkaayos na sila. Gumaling na rin si Sunoo at bumalik na rin ang sigla ng anak nila. Pabuti na lang talaga at maayos na ang lahat.
aa mahal ko <3
aa mahal ko <3: mahal baka hindi ako kaaga
makakauwi ngayon. may bigating
customer kasi na nagpapaayos
ng sasakyan. medyo malala ang sira
kaya baka matagalan ako sa pag-uwi.
Wonwoo Jeon-Kim: sige mahal. chat mo na lang ako kapag pauwi kana para mabuksan ko ang gate. i love you.
seen
Seen?
Dati pa man ay hindi nakakalimutan ni Mingyu na mag i love you sa kaniya pabalik pero ngayon ay sineen lang siya ng asawa. Kahit na nagtataka ay hindi niya na lang iyon pinagtuunan ng pansin.
Nanood na lamang siya ng telebisyon sa kanilang sala habang hinihintay ang pagdating ng asawa.
8PM
8:30PM
9:10PM
Ilang beses na siyang nagpabalik-balik ng tingin sa orasan na nakasabit sa pader nila pero hindi pa rin umuuwi si Mingyu. Akmang tatayo na siya para puntahan ang asawa ng biglang bumukas ang pinto at doon niya nakita ang asawa na mukhang pagod na pagod.
“Mahal ayos ka lang ba?” tanong niya bago yakapin ang asawa pero habang yakap ang asawa ay may naamoy siya na pabango kay Mingyu.
Pabangong pambabae.
Inamoy niya pa ulit ’yon para masigurado at ng mapagtanto niyang pabango nga iyon ng babae ay kaagad niyang tinulak ang asawa palayo sa kaniya.
“Bakit amoy babae ka? Hindi ganiyan ang amoy ng pabango mo kaya sabihin mo sa akin bakit ganiyan ang amoy mo,” seryosong ani niya habang tinitingnan ng masama ang asawa.
Ayaw niya namang pag-isipan ng masama si Mingyu pero wala naman siyang katrabaho na babae sa talyer. Lalaki sila roon kaya ganoon na lang ang pagtataka niya ng maamoy niya ang asawa.
“Sagutin mo ako, Mingyu. Bakit amoy babae ka?” Akmang hahawakan siya nito sa braso kaya hinampas niya iyon.
“Niloloko mo ba ako Mingyu!” sigaw niya dahilan upang magulat ang asawa.
“W-wonwoo kahit kailan hindi k-ko magagawa sa ’yo ’yan. Siguro dumikit sa akin yung pabango nung isa naming kliyente. Muntik na kasi siyang madapa pero buti na lang nasalo ko siya—” Hindi na natuloy pa ni Mingyu ang sasabihin nito ng lumayas siya sa harap ng asawa.
“Nadapa? Hindi naman didikit sa ’yo ang pabango ng babaeng ’yon kung hindi siya dumikit sa ’yo. Ano? Niligtas mo nang nakayakap sa ’yo!” sigaw niyang muli.
Putangina.
Kahit hindi nagmumura si Wonwoo ay mapapamura siya ng wala sa oras. Sobrang lala ng galit na nararamdaman niya ngayon. Pasimple niyang hinaplos ang sa bandang dibdib niya ng maramdaman ang kirot doon.
“Wonwoo maniwala ka sa akin. Inalalayan ko lang yung kliyente namin at wala ng iba. Wala ka bang tiwala sa akin?” akmang yayakap si Mingyu sa kaniya pero tinulak niya lang ito.
“Meron! Pero mukhang unti-unti ng nawawala dahil diyan sa kagaguhan mo!”
“Hindi kita ginagago, Wonwoo!”
“Pero ganoon ang nararamdaman ko!”
“Tangina naman, Wonwoo! Masyado kang tamang hinala. Nakakainis na ’yang ugali mong ’yan!” ani nito bago pulutin ang bag na binitawan nito kanina at naglakad palabas wa bahay nila.
“Ano aalis ka? Diyan ka naman magaling eh! Sige lumayas ka!” sigaw niya bago padabog na isara ang pintuan. Sumilip pa muna siya sa bintana at doon niya nakita si Mingyu na naglalakad paalis.
Napaupo na lamang siya sa malamig na semento habang mahinang umiiyak. Ito ang unang malalang away nila ni Mingyu kaya hindi niya alam kung ano ang mangyayari niyan kinabukasan.
Maya-maya rin ay ramdam niyang kumikirot ulit ang bandang dibdib niya. Sinuntok-suntok na niya iyon para mawala ang sakit pero kahit anong gawin niya ay nandoon pa rin ang sakit.
“D-dada ayos lang po kayo? Ang p-putla niyo po!” ani ni Sunoo bago naglakad papalapif sa kaniya bago haplusin ang kaniyang likod. Habang tumatagal ay mas lalong sumasakit ang dibdib niya.
“S-sunoo, tubig p-paabot.” halos hindi na marinig ang boses niya dahil sa panghihina. Kaagad naman sinunod iyon ng anak.
“Dada kalma lang po kayo please. Yung puso mo po.”
“Okay lang ako, nak. Pasensya na kung pinag-aalala ka ni dada. Kumirot lang ng kaonti yung dibdib ko pero okay na ako.” pagsisinungaling niya at mukhang pinaniwalan naman ito ni Sunoo.
Maya-maya rin ay inalalayan siya ng anak papunta sa kwarto nila ni Mingyu. Ipinahinga niya muna ang nararamdaman niya ngayon.
Nagising si Wonwoo nang makaramdam siya ng uhaw. Tiningnan niya kung anong oras na at alas tres na ng madaling araw kaya tiningnan niya ang tabi ng kama niya kung nandoon na ba si Mingyu pero mukhang nagkakamali siya.
Hinaplos niya ang higaan nila at ramdam niya ang lamig doon. Napabuntong hininga na lamang siya bago lumabas para uminom ng tubig.
Ganoon na lamang ang gulat niya ng makita niyang natutulog sa sala si Mingyu. Nakahiga lamang ito sa manipis na banig. Ni walang kumot o unan sa higaan nito. Dahil doon ay bumalik siya sa kwarto para kunin ang mga iyon.
Dahan-dahan niyang ipinatong kay Mingyu ang kumot nito. Ramdam niya ang lamig ng balat nito kaya alam niyang kanina pa ito nanginginig. Sunod niya namang inayos ang unan ni Mingyu. Nang makampante sa kaniyang ginawa ay hinaplos niya ang malambot na buhok ng asawa.
Magkasintahan pa lang sila noon ay hilig na niyang hawakan ang buhok nito. Bukod sa malambot iyon kapag hinahawakan niya ay gusto rin ito ni Mingyu na gawin niya palagi para kaagad siyang antukin.
Habang tinititigan ang asawa ay pansin niya ang pagod sa mukha nito.
“Sorry, mahal kasi nasabi ko ’yung mga ’yon kanina. Hindi ko sinasadyang pagbintangan ka. Sorry kasi pinag-isipan kita kaagad ng masama. Sadyang punong-puno lang talaga ang utak ko ngayon. Alam kong sinabi mo na dapat hindi ako nagpapaepekto pero hindi talaga iyon mawala sa utak ko. Kasi paano kung hindi tayo nagkaroon ng anak kaagad? Baka graduate kana ngayon. Paano kung hindi mo ako nakilala noon? Baka nakamit mo na yung mga pangarap mo na hindi ko kayang ibigay. Ang dami kasing wala ako na meron ang iba, Mingyu. Baka nagsasawa kana sa akin, baka may makita kang mas better sa akin. Ang dami. I’m sorry m-mahal. I’m sorry..” mahabang litanya niya bago patakan ng halik ang labi ng asawa at bumalik na sa kwarto.
Pero lingid sa kaalaman ni Wonwoo ay gising pala si Mingyu at narinig nito lahat ng sinabi niya.
Ilang araw na ang lumipas pero hindi pa rin sila ayos ni Mingyu. Sabay kumakain, palaging inaasikaso si Sunoo, at magkatabi habang natutulog pero hindi man lang nila kinakausap ang sarili.
“Dada excited na ako. Kakain tayo sa labas ngayon hehehe,” ani ni Sunoo habang tinatali ang sapatos nito. Ngayong araw kasi ay napagpasyahan nilang kumain sa labas dahil nakakuha ng mataas na grado si Sunoo sa school kaya naisipan nilang i-celebrate ito.
“Dada ko hindi pa rin po ba kayo ayos ni papa? Ilang araw na po kasi ang lumipas pero hanggang ngayon hindi pa rin po kayo nag-uusap.” Natigil si Wonwoo sa kaniyang ginagawa dahil sa tanong ng anak.
“May kaonting tampuhan lang kami ni Papa Min mo pero maayos din naman namin. Sa mag-asawa kasi hindi na mawawala ang kaonting bangayan,” ani niya bago binigyan ng pilit na ngiti ang anak.
Nasa ganoon silang posisyon ng marinig niyang tumunog ang cellphone ng asawa. Kasalukuyang nasa banyo ngayon si Mingyu kaya naisipan niyang buksan ang telepono nito. At doon niya nakita ang message ng isang babae.
Cassandra Co?
Cassandra Co
Mingyu thank you for taking
care of me last night. Sorry
I was super drunk kasi huhu
hinatid mo pa tuloy ako sa house ko.
Tila nabuhusan ng malamig na tubig si Wonwoo dahil sa kaniyang nabasa. Dahil doon ay binasa niya pa ang ibang mga messages nito.
Ang sabi niya ay may inasikaso sila ni Mang Raul kagabi…
Napakuyom na lamang sa kamao si Wonwoo habang nangingilid ang luha. Sakto rin naman ay tapos na sa pag-aayos ang asawa kaya dali-dali siyang lumapit dito.
“Mingyu, umamin ka nga sa akin. Niloloko mo ba talaga ako?” tanong niya gamit ang mahinang boses.
“Wonwoo, ilang beses ko bang sasabihin sa ’yo na hindi kita niloloko.”
“Pwes sino si Cassandra? Salamat daw sa paghatid sa kaniya kagabi. Akala ko ba may inasikaso kayo ni Mang Raul?” tuluyan ng tumulo ang luhang kanina pa niya pinipigilan. Akmang lalapitan siya ng asawa kaya umatras siya dahilan upang hindi siya nito maabot.
“Mahal maniwala ka naman sa akin. Si Cassandra kliyente lang ’yan sa talyer. Nasira kasi ulit ang sasakyan niya tapos lasing pa siya noong pumunta siya sa talyer kagabi kaya inutusan ako ni Mang Raul na ihatid siya.”
“Pero pwede kang humindi, Mingyu. Sa kaniya rin ba galing yung pabango na kumapit sa ’yo? Mingyu naman. Alam mo namang nagkaproblema na tayo sa babaeng ’yan pero bakit pilit mo pa ring pinapalapit sa ’yo.” Napahilamos na lamang si Wonwoo sa kaniyang mukha.
“Hindi siya basta kliyente lang, Mingyu. Gusto ka niya! Sinusulot ka niya! Ano bang mahirap intindihin doon. Oo, alam kong kahit kailan hindi mo ako lolokohin at hindi totoo yung paratang ko sa ’yo kasi may tiwala ako sa ’yo pero sa babaeng ’yan wala akong tiwala! Hindi kaba napapagod, Mingyu? Palagi na lang tayo ganito? Puro awayan. Kasi tuwing nag-aaway tayo ang sakit sakit na rito. Ang sakit na sa puso.” Hindi na nakayanan pa ni Wonwoo ang nararamdaman niya at kusa ng bumigay ang mga tuhod niya kaya kaagad namang siyang inalalayan ni Mingyu at Sunoo.
“Mahal, I'm sorry. Hindi ko inisip na hindi lang ako ang nasasaktan. Nakalimutan ko na pati rin pala ikaw ay nasasaktan. Maniwala ka sa akin Wonwoo na kahit kailan ay hindi kita lolokohin. Pinangako ko sa ’yo yan dati na hindi kita lolokohin. Si Cassandra noong una akala ko gusto niya lang makipagkaibigan kaya hinayaan ko pero habang tumatagal ay napansin ko ng medyo iba na ang kinikilos niya patungo sa akin kaya iniwasan ko na siya pero sadyang makulit si Mang Raul at pilit akong tinutulak kay Cassandra. Kagabi ko lang talaga siya nakasama ulit at hinatid ko lang talaga siya at wala ng iba.” mahabang litanya nito habang umiiyak na rin.
“K-kung ganoon nasaan ka nitong mga n-nagdaang gabi?”
“Na kanila pareng Cheol nag d-drama. Noong natulog kasi ako sa sala natin ay narinig ko ang mga sinabi noon kaya kinabukasan naisipan ko kaagad na humingi ng tawad sa ’yo at saktong kasama mo pa noon si Kwannie at narinig ko ang pinag-uusapan niyo. Na inggit na inggit ka sa kaibigan mo kasi nakapag tapos siya ng pag-aaral habang ikaw ay hindi. Ang sakit para sa parte ko ng marinig ko ’yon. Naisip ko na baka pinagsisihan mo na nakilala mo ako at nagkaroon tayo ng Sunoo. Kasi kung babalikan naman natin ang nakaraan ay ako naman talaga ang sumira sa buhay m—” Hindi natuloy ang mga sinasabi ng asawa ng bigla niyang hawakan ang magkabilang pisngi nito.
“Oo, inggit na inggit ako kay Kwannie pero kahit kailan hindi ko pinagsisihan na dumating kayo ni Sunoo sa buhay ko. K-kasi, kayo na y-yung mundo ko. Yung pangarap ko na ’yan pwede ko namang balikan kapag pwede na pero kahit kailan hindi ako nagsisi na naging pamilya ko kayo.” Dahil doon ay binigyan nila ng ngiti ang isa’t-isa. Ngayon nakapag-usap na sila ng maayos ay tila nawala ang bigat na matagal na nilang nararamdaman sa kanilang puso.
Nasa ganoon silang posisyon ng makarinig sila ng pag-iyak sa isang gilid at doon nila nakita si Sunoo na umiiyak habang nakatingin sa kanila.
“Sunoo, anak. Lapit ka rito,” sambit ni Mingyu kaya sumunod naman ang anak nila.
“Pasensya na anak kung nakita mong nag-aaway kami ni dada mo. Pangako hindi na namin uulitin nito.” tinaas pa nito ang kanang kamay na patunay na nangangako nga ito.
“Promise po ’yan, papa. Masakit po kasi sa heart kapag nagsisigawan at nag-aaway po kayo ni dada. Para po akong kinakagat ng dinosaur kapag ganoon.” Dahil doon ay natawa na lang silang dalawa sa sinabi ng anak.
“Huwag ka pong mag-alala, anak. Nangangako ako sa inyo ni dada mo na hindi na mangyayari ulit ’yon. Hindi ko na ulit kakausapin pa ang babaeng ’yon at sasabihan ko na rin si Mang Raul na itigil na ang kalokohan niya.”
“Buti naman po kasi kapag nalaman ko pong nangbabae ka papa sasabunutan po kita hanggang sa mapanot ka.” Natawa na lamang sila dahil sa sinabi ni Sunoo.
Habang pinagmamasdan ang mag-ama niya ay may na-realize si Wonwoo. Na hindi pala perpekto ang isang pamilya. Minsan may kinakaharap din sila na malaking problema pero para maresolba ’yon ay kinakailangan ng malalim na usapan. Hindi sagot ang sigawan at awayan dahil mas lalo pang lumalala ang gulo kapag ganoon.
Mabuti na lamang ay binigay sa kaniya si Mingyu. Kasi kahit ganito siya ay tinitiis pa rin siya ng asawa. Napag isip-isip niya na dapat hindi niya na lang pinagtuunan ng pansin ang mga nabasa niya noon dahil pawang wala naman iyong katotoohanan.
Hindi sayang si Mingyu dahil siya ang asawa niya at lalong-lalo na hindi disgrasya ang anak nilang si Sunoo.
“Dada ko at papa ko hindi pa po ba tayo aalis? Nagugutom na po kasi ako.”
