Work Text:
Mingyu.
Wonwoo.
Si Mingyu at si Wonwoo.
Akala niyo may something, ‘no?
Wala. As in, zero.
Z-E-R-O.
Kasi hindi naman close sina Mingyu at Wonwoo. Pero magkaibigan sila, I think?
Iisa lang kasi ang circle nila, thanks to Dokyeom and Seungkwan na parehong social butterfly sa group nila. Madalas kasi silang magsama as a group dahil magkakasunod ang mga apelyido nila, and from there, na-establish na rin na magkakaibigan silang sampu sa 10-Aquinas.
Kapag lunch break, sabay-sabay silang bumababa para kumain sa canteen o kaya sa corridor. Kapag naman may mahabang vacant, nagsisiksikan sila sa isang libreng classroom o kaya tambay sa mga lugar na walang tao.
Pag-uwian, madalas nauuwi sila sa pagtambay sa isang tindahan malapit sa school. Hindi naman sila bibili—trip lang nilang tumingin sa mga Yu-Gi-Oh! cards at Pokémon na nakadisplay doon. Wala rin namang problema kasi close sila kay Aling Marta, ang bantay sa tindahan.
Masaya naman. Nage-enjoy lang sila bago matapos ang academic year at kailangan ng maghiwa-hiwalay para sa college.
Dahil nga pareho sila ng circle, halos anim na group chat na hindi nauubusan ng kalokohan ang meron sila.
Pero kung tatanungin kung silang dalawa lang? Parang wala lang.
Baka wala lang talaga sigurong kahit anong dahilan para mag-usap sila. Friends kung friends, okay. Sadyang hindi lang talaga sila close. Polar opposites ba naman. Maingay, tahimik. Mabilis magutom, matipid sa pagkain. Okay sa medyo mainit, gusto ng malamig na classroom. See?
Sobrang iba rin kasi ang mga hilig nila. Si Mingyu kasi yung tipo ng tao na laging nakikita sa stage kapag may events at kailangan lumaban ang section nila, while si Wonwoo? Automatic props team, sa background lang.
Akala rin kasi ni Gyu na tahimik si Wons dahil ayaw nitong masyadong makipag-usap sa kanya. Si Wonwoo naman, iniisip na baka ganon lang talaga si Mingyu sa lahat—madaldal, pero stick sa mga ka-close niya.
Medyo magulo intindihin, pero ganun talaga.
Hindi naman kailangan na may malaking dahilan para hindi maging close ang dalawang tao. Minsan, hindi lang talaga kayo nag-click.
At okay lang naman ‘yon. I think…
Nag-uusap naman sila kapag may kailangan sabihin sa isa’t isa o kaya simpleng kamustahan. Doon lang madalas nagkakaroon ng chance.
“Wons, may assignment tayo sa Math?” tanong ni Mingyu minsan.
“Page 47 sa Math time.”
“Oks manoks! Thanks, boss.”
Kapag naman wala itong ballpen at hindi siya mapahiram nila Yong, sa kanya ito magtatanong
“Wonwoo, may extra pen ka? Wala na sila Choi eh.”
“I have naman, ’wag mo lang ibagsak ha!”
“Oo naman, balik ko agad. Ayusin ko lang sagot sa Health.”
“Yung quackery ba ‘yan? Nasa book lang ‘yun ah?”
“Onga, eh. Mali nakopya ko kay Kyeom. Lamat, boss.”
Normal lang. Casual talks.
Minsan awkward, pero okay lang.
Big friend group naman sila kaya hindi halata. Isa pa, hindi naman kailangan maging close sa lahat para masabing magkakaibigan, ‘di ba? Sampu naman sila. Kayang punan ng ingay nila Seungkwan ‘yan.
Hindi na masyadong inisip ni Wonwoo.
Sabi niya nga, normal lang.
Hanggang sa bigla siyang iniwasan ni Mingyu
⋆ 🧸˚. ⋆
Hindi naman agad napansin ni Wonwoo.
Sa totoo lang, kung hindi pa ito paulit-ulit, baka hindi niya talaga mapapansin.
Noong una, akala niya wala lang sa mood si Mingyu. Minsan kasi, tahimik talaga ang matangkad kapag pagod o naasar na. Mabait si Min, oo, pero marunong din naman itong mainis. Hindi naman santo ang lalaking ‘yon; medyo bastos nga sa likod minsan.
Napansin niya lang nung biglang tumayo si Mingyu nang dumating siya sa table nila sa canteen. Hindi niya masyadong inintindi, baka kasi bumili lang ng waffles o kaya biscuit. Tama naman ang hinala niya nang makitang may hawak na itong crossini at umupo sa bakanteng upuan, malayo sa kanya…
Okay. Dedma.
Nung pangalawang beses, baka may pupuntahan lang. Lumabas kasi ito bigla sa room nung makita siyang papalapit. Magtatanong lang naman siya kung may alcohol ba ang lalaki.
Okay ulit. Whatever..
Noong pangatlo…
Okay. Napa-hold on bigla si Wonwoo.
Medyo weird na talaga.
Subtle lang naman. Tipong kakarating lang ni Wonwoo sa classroom kasi late siya pinaalis sa TLE nila. Nagpagawa pa kasi siya ng recommendation letter dahil inaasikaso na niya ang mga school na baka pasukan niya sa college.
Lalapit na sana siya nang biglang may maalala na naman si Mingyu.
“Uy, Gyu, san ka?” tanong ni Kyeom nang bigla itong tumayo sa upuan niya.
“May kukunin lang ako sa kabilang section,” mabilis na sagot nito bago lumakad papuntang pintuan.
Napatingin si Wonwoo sa lalaki, saka sa pintuan. “Hindi naman kita pinapaalis, ah?”
“Huh? Hindi. Ano… May kukunin lang kay Ivan sa kabila. Balik ako, tsong,” sagot ni Mingyu. Tumango pa siya kay Kyeom, na nagtataka na ngayon, pero hindi man lang lumingon kay Wonwoo.
Nagkatinginan na lang sila ni Kyeom na ngumiti lang sa kanya nang kakaiba at nagkibit-balikat.
That’s… kind of weird?
Another recess, may bakanteng upuan sa tabi ni Wonwoo dahil sa nakaupong bag niya. Aayain na sana niya si Gyu dahil una niya itong nakita nang bigla na namang umiwas ang lalaki at pumunta sa kabilang side ng lamesa.
Kapag naman silang dalawa ang naiwan, bigla na lang itong may gagawin.
Mukha siyang tanga, in fairness.
At hindi naman ‘yon isang beses lang. Sa mga sumunod na araw, parang paulit-ulit lang. Kapag lalapit siya, may biglang gagawin si Mingyu. Kapag magkatabi sila, may dahilan itong aalis. Kapag naman wala talaga, bigla itong tatahimik.
“Min, uwian na. Nasa labas na sila Kwan,” sabi niya habang inaayos ang mabigat na bag na suot niya. Kasama kasi sila ni Mingyu sa cleaners, kaya silang lima na lang ang naiwan sa room.
“Ay, mauna na kayo,” sagot nito habang naka-focus sa inaayos nitong makapal na libro.
“Huh? Hindi ka ba sasabay?”
“Oo, eh… Ano... May tatapusin pa ako.”
Napatingin si Wonwoo sa notebook na hawak ni Mingyu. Hindi naman nila kailangan ang English book for Grade 8, ah. May assignment ba sila?
“Anong tatapusin mo?” Bahagya pa siyang tumingkayad para silipin ang hawak ng binata, pero agad itong iniwas ni Mingyu. Nang makita na hindi ito maabot ni Won, saka niya ito isinara. Napakatangkad ba naman kasi.
“Marami! Oo… marami. May assignment kasi kapatid ko.”
“But she’s grade 7, though… But okay?”
Lumabas na lang si Wonwoo ng classroom habang hawak ang violet na JanSport bag sa kanang balikat, medyo naguguluhan.
Ano bang nangyayari dito?
Bakit sobrang tipid nitong sumagot kapag siya ang kausap? Very unlikely for someone na kayang magkwento ng buong chismis sa loob ng sampung minuto. Oo, ganun siya.
Sa iba kasi, ang ingay-ingay pa rin ng lalaki. Napagalitan pa nga kanina ng Science teacher kasi hindi sila nakikinig ni Hansol. Natawa na lang sila sa likod kasi kita ang takot ng dalawa.
Pero kapag siya ang kausap?
Parang biglang may limit ang salita! O kaya may malala at nakakahawang sakit si Wonwoo kung makaiwas.
Doon nagsimulang ma-curious si Wonwoo.
Kaya isang hapon, hindi na niya napigilang tanungin ito. Hindi na siya makatulog sa kakaisip, eh. For Wonwoo na walang pakialam sa paligid, medyo kakaiba ito.
Given naman siguro? Kaibigan niya, eh. Baka kasi biglang magtanong sina Hao kung bakit hindi sila nag-uusap. Anong isasagot niya? Nganga.
“Min.”
“Oh? Wonwoo… Bakit…?” Napalingon si Mingyu mula sa ginagawa niyang artwork.
Nagdadagdag pa kasi siya ng kulay sa shells ng itlog na nasa illustration board. Ipapasa na kasi nila ito mamaya sa terror nilang MAPeH teacher na madalas magbigay ng 75 sa estudyante.
Naupo si Wonwoo sa tabi ng lalaking nakasalampak din sa floor. Kasalukuyan silang nasa labas ng corridor dahil early dismissal ang Filipino teacher, kaya ayan, abang muna sila sa labas.
“Galit ka ba sa akin?” mahinang tanong niya. Mahirap na at baka marinig ng mga kaibigan nilang nag-iikot lang sa pila dahil sa boredom.
Halatang nagulat ang lalaki at umiwas ng tingin. “Huh? Hindi, ah!”
Wonwoo squinted his eyes, trying to check if niloloko lang siya ng lalaki. “Sure?” Medyo nakakaduda kasi yung galaw nito ngayon.
“Oo naman,” kita niya pa ang paglunok ng binata.
“Bakit parang iniiwasan mo ako?” Huli na eh. Nagsisinungaling, halata.
“Ako?” Bahagyang napataas ang boses ni Mingyu bago niya ito ibinaba ulit. “Hindi, ah.”
That’s…
“Okay.” Tumango si Wonwoo. “Bakit nga?”
“Wala, ah,” mataas na boses na sabi nito.
“Wala?”
“Wala talaga.” Mabilis itong umiwas ng tingin at bumalik sa ginagawa.
“Okay.”
Dahil wala na siyang makuhang matinong sagot dito, nagpagpag na lang ng pang-upo si Wonwoo at tumayo. Pupunta na lang siya kay Jeonghan, ang isa sa mga best friend niya sa room. Pero habang naglalakad siya palayo, hindi niya maiwasang mapaisip.
May nagawa ba ako?
Ang hirap kapag hindi mo alam kung may nagawa ka. Like… Paano ka magso-sorry kung hindi mo naman alam kung saan ka nagkamali?
⋆ 🧸˚. ⋆
Biyernes nun, may practice sila after class para sa isang competition para sa Buwan ng Wika, hindi na niya napigilang tanungin si Seungkwan.
“Boo,” mahinang tawag niya.
“Oh, ba’t?” Napalingon si Seungkwan habang isinasara ang bag niya. Magkatabi kasi ang mga bag nila sa isang gilid, kaya agad siyang lumapit dito pagkasabi pa lang ng ‘break muna.’
“May problema ba sa akin si Mingyu?”
Agad namang natigilan si Seungkwan. “Bakit?” Nagtatakang tingin ang ibinigay nito sa kanya.
Napapout tuloy si Wonwoo habang inaayos ang extra shirt niya. “Iniiwasan niya kasi ako.”
Napaiwas agad ng tingin si Seungkwan. “Hindi naman, ah.” Inayos pa nito ang buhok kahit hindi naman kailangan.
Aba! May alam yata ang gaga.
“Boo Seungkwan…”
“Hindi ka nga niya iniiwasan,” ulit nito, sabay taas ng kilay. Halata namang kinakabahan.
“Then bakit tuwing lalapit ako, umaalis siya?”
“Aba, ewan ko! Baka may pupuntahan?”
“Laging may pupuntahan?”
Natawa si Seungkwan, pero agad niyang pinigil. “Okay, fine. May point ka,” he said.
“I know, right.”
“Pero wala siyang problema sa’yo.”
“Then what?”
Hindi agad sumagot si Seungkwan. Instead, ngumiti lang ito pero pilit na pinipigilan. Parang tanga. Doon unang kinabahan si Wonwoo.
“Hoy, ano ‘yan?”
“Wala, ah. Di ko alam.”
“Boo! Ano nga?”
“Wala nga!”
Napailing si Seungkwan habang natatawa. “Basta, huwag mo nang pansinin.” Umayos na ito nang tumayo.
“Bakit ba? Ano bang nangyayari? Galit ba siya?”
“Basta. Wag mo na kausapin masyado, baka mas lalong maano.”
“Maano?” Napakunot ang noo ni Wonwoo.
Napapikit si Seungkwan nang ilang segundo bago napabuntong-hininga.
“Tameme.”
Huh? “Anong tameme?”
“Wonwoo.”
“Ano?”
“Wala, bwiset!”
Mabilis itong umalis bago pa siya makapagtanong ulit. Susundan na niya sana, pero sumigaw na ang leader nila.
Okay, humanda na lang si Boo sa susunod.
After practice, habang nagcha-chat ang barkada sa group chat, biglang may pumasok na message.
❤️ TRIO PPG ❤️
boo: qaqoooo, hindi q na kaya!
jeonghan: Nunanaman arte yan!
boo: waw
boo: BHE!!! 😭😢
boo: O TO THE M TO THE G! 😭😭
jeonghan: gg ka, ano nga
jeonghan: Magbabasa na ako wattpad balakadyan
boo: LUHHH
boo: tinatanong na ako ni wonwoo
boo: bat ba kasi naiwas si mingyu parang tanga potek
jeonghan: Luh! w8 syur ka?
boo: oo bhe!
boo: pshh mga maarte
boo: damay nnaman ako neto
jeonghan: Hahahaha! 😂😂😂😂
jeonghan: Mga bobo yan eh 😂😂
boo: wag ka nga tumawa! bwisit ako lalo 💀
jeonghan: Like i care
jeonghan: Jowk!!! 😛
jeonghan: Bat hindi mo nalang sabhin? Tanga2x ka rin eh
jeonghan: May utak naman cla, gets nya yan 🤡
jeonghan: Kung meron 🙈
boo: baliw ka bhe
boo: ndi pede
jeonghan: Bat hinde 😂
boo: want q siya mismo makaalam
boo: auq pangunahan 😭😭😭
jeonghan: Pshh. balaka. Arte arte mo rin e.
Napakunot ang noo ni Wonwoo sa nababasa. Active ang tatlong GC na meron siya ngayon. Yung para sa science nila, sa tropahan, at ito. Hindi niya alam tuloy kung ano ang unang ire-replyan.
Wala siya masyadong ma-gets sa mga pinag-uusapan nila, pero alam niyang tungkol ‘yon sa kanila ni Mingyu.
Kaya nag-type siya.
wonwoo: Nasa gc ako???
Biglang nawala ang dalawa.
Tanga, wrong send pa yata ang mga boba.
Makalipas ang ilang segundo.
boo deleted a message
jeonghan deleted a message
boo deleted a message
boo deleted a message
boo: ow? Nasa gc ka nga! 😛
boo: sino ba nagsabi hinde
jeonghan: Namo! Hahahaha! 😂
jeonghan: Pakopya ako science wons
wonwoo: Pinag-uusapan niyo ba ako bhe?
wonwoo: May sinabi kaung mingyu??
jeonghan: OA mo bhe
boo: LUH TH! 😥
boo: wala teh okeyyy
boo: imagination mo ang limit ka nnaman
jeonghan: LOL gg ka 😝
wonwoo: Anp nga qaqooo
wonwoo: Ano*
wonwoo: Bat niya ako iniiwasan
boo: assumerang frog ka lang bhe
boo: wala nga sabi eh! 😂😂
jeonghan: Baka crush ka 😂
Huh?
Napahinto sa pagta-type si Wonwoo. Tinitigan niya muna ang screen ng kanyang puting Myphone bago dahan-dahang inangat ang tingin sa picture nilang magbabarkada sa bedside table niya.
Binalikan ni Wonwoo ang messages.
jeonghan: JOWWWK LANG 🤣 🤣
jeonghan: Oy tanga naniwala si bhe!! HAHA! 🤡
boo: yak, papansin ka tlaga 💩💩
boo: joke un wonwoo!
boo: maniwala ka😭
jeonghan: LUH si gaga nawala na 🤣
wonwoo: seryoso?
boo: hindi tlaga
boo: feeling naman bhe
boo: dami dami may crush dyan🤡
jeonghan: Tomoooh!
boo: feel ko nililigawan niya si mary sa special section 👊🏻 bahay sila 😍
jeonghan: Ows? Akala ko bf niya yung sa last section?
boo: hindi nohhh. basta, wons, di ka niya crush 🙈 baka 5% lang
jeonghan: Tangna kalma mo seungkwan 😭😭😭
jeonghan: OAness ka
jeonghan: GE BYE basa na ako wattpad balakau jan😃
wonwoo: K dot
boo: TANGNA
boo: ayun lang?
jeonghan: HAHAHAHAHHA!!!
jeonghan: Wla talaga pag-asa dto 😂
Napatingin na lang si Wonwoo sa kisame habang nakahiga at hawak ang cellphone sa dibdib. Alas-onse na ng gabi, kailangan na niyang matulog. 4:30 a.m. pa siya gigising para hindi siya ma-late sa flag ceremony nila ng 6 a.m.
Pero bakit ganon?
Hindi niya mapigilang mapaisip.
Baka crush ka.
Si Mingyu crush siya? Ang labo.
Medyo sikat ang binata dahil siya ang pinaka-matangkad sa section nila. Star section pa kaya crush ng iba. Moreno kasi at gwapo, so imposible. Sino ba siya? Ni hindi nga siya kilala sa room nila unless bigayan na ng top students. Doon lang siya napapansin kasi lagi siyang mataas.
Baka crush ka.
Hindi namalayan ni Wonwoo na napangiti siya. Nararamdaman niya na rin na medyo nag-init ang mukha niya.
Pero hindi pa rin siya kumbinsido, ah.
Maybe Jeonghan was just messing with him.
Or papansin lang talaga si Seungkwan.
Mas may sense kasi ’yon.
Kasi kung gusto siya ni Mingyu… bakit?
At bakit siya nito iniiwasan?
Ay, wait.
Bakit parang… it makes sense?
Naisip niya bigla na baka ito ang dahilan kung bakit hindi siya kayang tignan ni Mingyu nang diretso.
Napailing na lang si Wonwoo sa iniisip at agad na napahawak sa dibdib.
“Hindi, imposible.”
Pero ilang minuto na ang lumipas, nakatitig pa rin siya sa kisame. Malakas pa rin ang kabog ng dibdib…
Dahil sa simpleng biro, may napansin siyang bagay na hindi niya naman dati iniisip.
Isang tingin. Isang pag-iwas. Isang ngiti.
Lahat ‘yon, biglang bumalik sa utak ni Wonwoo.
Sa unang pagkakataon, hindi na simpleng pagtataka ang nararamdaman niya.
⋆ 🧸˚. ⋆
Dumaan na ang dalawang araw, pero hindi pa rin ito nawala sa isip niya.
Lunes na naman, kaya medyo delikado sa flag ceremony. Maaga pa lang, naliligo na siya. Hindi naman siya uminom ng kape, pero parang ang lakas pa rin ng kabog ng dibdib niya.
5:40 na nang makasakay siya ng jeep papunta sa school. Nakakatawa pa kasi ang lakas ng tugtog sa tindahan na nadaanan niya.
“Kapag tumibok ang puso
Wala ka nang magagawa kundi sundin ito.”
Ang aga-aga naman, ate ko!
Parang pinaglalaruan agad si Wonwoo ng mundo, ah?
Hindi na niya masyadong inisip ito kasi baka ma-late na siya. Pero kahit anong aga sa Pilipinas, ganon pa rin dahil sa traffic. Ayan tuloy! Nakapila na siya ngayon kasama ang ibang late na hinarang ng guard dahil nagsisimula na ang prayer sa stage.
Malas.
Napabusangot tuloy si Wonwoo. Makukuha na naman ang ID niya at kailangan na naman niyang maglinis para maibalik ito mamaya.
Tumingin siya sa paligid para makita kung may kaibigan o kaklase siyang kasama. Hindi pwedeng mag-isa siyang magdurusa, ‘no?
Nabuhayan siya nang makita ang matangkad na lalaki sa may likuran. Kahit kasi maraming tao, nangingibabaw ito.
Si Mingyu!
Nakatayo lang ito habang nakatingin sa isang tabi. Halatang nagmamadali siya at bagong ligo lang kasi medyo basa pa ang buhok. Nang ma-realize niyang nakatitig siya, bigla siyang nahiya sa hindi malamang dahilan. Kasalanan talaga ’to nila Seungkwan!
Naramdaman pa yata ng lalaki ang tingin niya dahil bigla itong tumingin sa direksyon niya.
Nagtama ang paningin nila.
Shet.
Bakit mas kumakabog ang dibdib ni Wonwoo?
Saglit lang naman, mga ilang segundo lang.
Pero parang ang tagal…
Parehong nanlaki ang mga mata ng dalawa bago sabay na umiwas ng tingin.
Napatingin si Wonwoo sa harap, na parang sobrang mahal niya ang bansa niya, sumabay pa talaga siya sa Panatang Makabayan! Pero ayun… ramdam niyang parang umaakyat na sa mukha niya ang init.
Ano ba naman ’to?
Kahit natapos na ang flag ceremony at nakuha na ang mga ID, hindi pa rin nawala ang kaba sa dibdib ni Wonwoo. Mas lalo pa nga siyang kinabahan nang maramdaman niya na nasa likuran niya si Mingyu.
Well… Pareho lang naman kasi sila ng pupuntahan sa third floor.
Pero ngayong may iba na siyang iniisip, parang biglang hindi na normal ang simpleng sabay nilang paglalakad papunta sa classroom.
Wala namang bago sa halos pitong oras nilang klase. Chill lang sila kasi katatapos lang ng 1st grading examinations. Taas-taas lang ng kamay sa frequency of errors, ganon. Pumipili pa nga siya ng mataas ang score, pero malas kasi sunod-sunod pala ang mali nitong si Jane sa kabilang section!
Pero sa araw ding ’yon, ilang beses nagtama ang mga mata nila ni Mingyu bago sabay na umiwas ng tingin.
Bakit ang weird bigla?
Akala niya si Mingyu lang ang umiiwas. Bakit siya sumasabay?
Nang uwian, kahit gusto na niyang mahiga sa bahay dahil wala naman silang ganap, malabo. Nakuha ang ID niya, remember?
At kasama niya si Mingyu…
Hindi naman talaga sila close. As in, wala silang napag-uusapan na hindi related sa school. Kaya ngayong may iba na siyang nalaman, medyo awkward.
Well, para kay Wonwoo lang yata.
Si Mingyu, ganon pa rin. Iwas, pero normal lang.
Tahimik lang itong naglalakad sa tabi niya habang hawak ang bag sa isang balikat. Swabe ang paglalakad nito habang bahagyang nakabukas ang polo. Hindi ba ito takot mapagalitan?
“Dito raw tayo,” sabi ni Mingyu nang makarating sila sa hallway sa ibaba na puno ng kalat.
Napatingin si Wonwoo sa mga taong nagsisimula na. Medyo marami silang latecomers kaya sa tingin niya, mas madali silang matatapos.
“Dito na lang tayo sa gilid,” wika ulit ng matangkad habang ibinababa ang itim na bag sa gilid.
“Okay.”
Nang ibababa na sana ni Wonwoo ang bag, marahang kinuha ito ni Mingyu para siya na ang magtabi ng mga bag nila.
Oh… Okay?
Hindi na ito masyadong pinansin ni Wonwoo at nagsimula na lang siyang kumilos.
Tahimik lang naman sila, busy sa sari-sariling ginagawa. Si Wonwoo ay kumukuha lang ng mga papel at plastik na ilalagay sa isang sako, habang si Mingyu naman ay nag-aayos ng medyo mabibigat na gamit.
Bwisit na school ’to. Sila dapat nag-aayos niyan, eh.
Kaya nagkaka-dengue mga estudyante, eh.
Ang awkward!
’Yan ang naglalaro sa magulong utak ni Wonwoo.
Technically, hindi naman nila kailangan magsalita. Hindi naman required na may conversation habang naglilinis. Ano ’yon? Tanga lang? Pero kasi naman…
Bakit parang panay ang tingin at lapit ni Mingyu sa kanya?
O baka dahil tahimik lang talaga sa hallway? Huh.
“Ah… Wonwoo.”
Napalingon siya rito. May hawak itong malaking dustpan sa gilid niya. Nagtaka pa siya nang slight kasi mukhang nahihiya ang lalaki out of nowhere.
“Hmm?”
“May ano… may walis ka diyan?” tanong nito kahit obvious naman na wala siyang hawak.
Nanliit tuloy ang mata ni Wonwoo habang tinitingnan niya kung nagbibiro ang lalaki. “Wala,” sagot niya na lang.
“Ah, sige,” akma na itong aalis nang pigilan niya.
“Why?”
“Ah, wala... Akala ko lang meron ka.”
“Bakit mo naman kailangan ng walis?”
“…Para maglinis?”
Napakurap si Wonwoo sa narinig, “...Ah.”
Huh. Oo nga, ‘no? Parang bobo naman yung tanungan niya.
Tumawa nang mahina si Mingyu.
“Ano bang iniisip mo?” Medyo niyakap pa nito ang stick ng dustpan at ngumiti sa kanya.
Luh.
“Huh? Wala naman.”
Oh ‘di ba?
Parang gago lang yung usapan.
Natapos naman sila agad sa paglilinis at paglabas. Nakita pa nila si Seungkwan na kasama rin pala nila sa mga late. Hindi naman na nagtataka si Wons bakit hindi niya ito nakita, sa dami ba namang kaibigan ng maliit.
“Ayan! Tapos na ang mga makasalanan!” bati nito. Malaki ang ngiti nito habang nakabuka pa ang mga braso na parang may pine-present.
Oa talaga. Napatingin tuloy ang ilang estudyante sa labas.
“Tumahimik ka nga,” saway ni Wonwoo.
“Ba’t? Totoo naman, ah.”
“Kasama ka rin naman sa late, arte mo.”
“Oy, 'di ako late, ’no! Maaga lang sila kanina nag-start.”
“Ulol.”
Natawa na lang si Mingyu sa gilid habang nakikinig sa kanila, kaya napatingin si Wonwoo sa kanya. Ay?
Natigilan siya sandali kasi agad na umiwas na naman ng tingin ang lalaki. He even hid his hands sa black pants niya.
Luh. Papogi na naman.
Napansin kasi ni Wonwoo na may dumaang mga younger years. Napailing siya sa sarili niyang naiisip.
“Wons.”
“Hmm?”
“Ba’t ganyan itsura mo?” tanong ni Seungkwan habang tinuturo pa siya at bumubulong.
Napatingin tuloy siya rito. “Huh? Alin…? Anong itsura ko?”
“Pangit,” sabi nito, sabay tawa. “De, tanga! Ba’t ka nakangiti diyan?”
“Hindi, ah.”
“Ngayon, hindi na.”
“Obviously.”
“Edi, ayun nga…” Tumawa na lang si Seungkwan habang malokong nakatingin sa kanya at niyakap pa ang braso niya. Ang init-init na nga, para pang tuko itong kaibigan niya.
“Hoy, anong iniisip mo?”
“Wala naman...”
Doon na natapos ang usapan kasi tatawid na sila papunta sa sakayan ng mga jeep para umuwi. Nakangiti pa rin ang lalaki, kaya iniirapan na lang ni Wonwoo.
Iisa lang ang ruta nilang tao pauwi, kaya hindi na hassle para maghintay pa. Nang may makita silang medyo may kaluwagan—according to Seungkwan—kahit hindi naman talaga, sumakay na lang sila.
Hayop. Siksikan pala.
Halos kalahati na lang ng puwet ni Wonwoo ang nakaupo sa kanan, katabi si Mingyu, habang si Seungkwan naman ay nasa kabilang dulo. Hindi na rin halos makaupo.
Ngumiti pa ito nang pilit kay Wonwoo, halatang gustong sabihin na sorry, pero anong magagawa nila? Wala. Magtiis sila dyan ng thirty minutes!
Inabot ni Kwan ang bayad niyang otso kay Mingyu, na naghahanap pa ng coins sa green niyang pitaka.
Nakatingin lang sa kanya si Wonwoo habang inis na naghihintay. Hindi siya inis sa lalaki, ah! Sadyang ayaw niya lang ng siksikan, tapos ang ingay pa ng jeep. May sound system pa kasi na napakalakas, akala mo nasa birthday party.
Ilang segundo lang at agad siyang natigilan kasi nag-iba ang tugtog ng jeep.
Luh. Hindi na budots, gago.
“Sumakay ako sa jeepney
Ikaw ang nakatabi
Di makapaniwala.”
Wow. Ginagago talaga siya ng mundo ngayon.
Nakita niya ang pagtawa ni Seungkwan sa dulo at nagawa pa talagang takpan ang bibig, pero kita naman na masaya ito sa nakikita.
May alam talaga itong baklang ‘to.
Nang iabot sa kanya ni Mingyu ang bayad, napatingin siya rito. Sakto, nakatingin pala sa kanya ang isa.
Ayun, ganon ulit.
Pareho na naman silang umiwas.
“Sabi nila'y walang hiwaga
Kung wala'y
Ano itong nadarama?”
Okay.
Medyo weird na nga ang nangyayari, sabi ng utak ni Wonwoo.
Kasi kung tutuusin, wala naman siyang pakialam. I think… Pero bakit parang bawat tingin ni Mingyu ay napapansin niya? Bawat pag-iwas, naaalala niya?
At sa bawat pagkakataong lumalapit ito, parang may parte sa kanya na naghihintay?
Hindi.
Ayaw niya ’to.
⋆ 🧸˚. ⋆
Na-busy naman sila nung pumasok na ang ber months. Mas marami na kasing gustong ipagawa sa mga Grade 10. Nag-exam na rin sila sa ibang kolehiyo noong nakaraan. Pinag-reready na kasi sila sa mga kukuhaing kurso, kaya todo pressure.
Dagdag pa yung problema ni Wonwoo.
Hindi kasi natapos doon ang mga iwasang nangyayari. Ang weird lang talaga ng pakiramdam kapag kasama niya ang matangkad. Ang malala, napapansin na rin ng iba. Hindi na niya kailangan hulihin si Mingyu sa akto kasi kapag may lakad ang buong barkada at siya ang sumasama, bigla ring may dahilan si Mingyu para hindi tumuloy.
Nakakainis.
Mas nakakainis dahil hindi na siya sigurado kung bakit siya naiirita.
Another iwas na kinainisan niya nung nakita niya ang post ng lalaki dahil nag-notify ang panggagago ni Seungkwan. Doon niya nakita ang picture ng lalaki. Ito yata yung quick Baguio trip na sinasabi niya kasama ang pamilya.
Notification: Seungkwan Boo commented on Mingyu Kim’s post you haven’t seen.
Mingyu Kim is 🥶 feeling cold
Brrrr. Ang lamig. Parang siya… JK!
[2 imgs]
210 Likes 17 Comments
Seungkwan Boo malamang, baguio malamig
⤷ wow hindi ko alam 😱 thanks!
Yong Kwon wow size 12
⤷ mama mo
⤷ @Kwon Lilibeth, ma tawag ka gyu
Hansol cool 😎
⤷ 😏
Chan ayos tsonggg dala ka walis
⤷ omsim hampas ko sayo
Wonwoo Jeon so nice! i miss baguio tuloy
Walang reply.
Nilike lang ng lalaki.
Medyo napahiya siya doon, ah? Bakit ba ganito ito sa kanya? Wala naman silang pinag-awayan. Minalditahan ko ba siya?
Parang hindi naman…
Well, baka wala talagang gusto si Mingyu sa kanya. Imposible kasi talaga. Hindi nagme-make sense kung bakit ito iiwas kung crush talaga siya nito.
Siguro mali sina Jeonghan. Story maker din naman kasi minsan ang mga ‘yon.
Isa pa! Mas okay ata ‘yon kasi hindi naman sila close. Hindi naman kailangan magustuhan siya ni Mingyu. Okay lang, duh?
Pero may parte sa kanya na medyo nakaramdam ng konting disappointment.
At ‘yun ang pinaka-nakakainis.
⋆ 🧸˚. ⋆
From there, tinanggap niya na.
Umiwas na lang din siya para mas cool. Kapag schoolwork-related, iimik siya, pero hinahayaan niya na si Mingyu ang lumapit kapag may kailangan ito outside the topic.
Kung gusto nitong lumayo, edi okay. Hindi naman siya kawalan.
By then, nasanay na rin si Wonwoo na huwag nang umasa ng kahit anong interaction mula kay Mingyu.
Pero isang hapon around November, nasa classroom sila habang naghihintay mag-time. Ala-una pa kasi ang uwian nilang mga pang-umaga kaya heto sila, tengga sa room.
Sina Kwan at Yong ay nagkakantahan sa gilid at nagka-cup song pa gamit ang lamesa ng teacher habang sina Kyeom at Chan naman ay nagsasayaw ng K-pop nila. Nakakatawa nga kasi wala namang tugtog, countings lang. Mas naririnig niya pa sila Kwan na kumakanta na ngayon ng kanta ni Yeng.
“Ang gusto ko, gusto ko
Gusto ko sanang sabihin sa iyo
Pero paano, paano?
'Pag malapit ka'y nauutal ako.”
Nag-aayos si Wonwoo ng mga notebook nang biglang lumapit si Mingyu.
“Wons.”
Napatingin siya. “Hmm?”
May hawak itong maliit na cute na paper bag at medyo nahihiyang inabot sa kanya. “Gusto mo ba?” Mahinang tanong ni Mingyu.
Kahit medyo alangan, kinuha niya pa rin ito. Tinignan niya pa si Mingyu nang ilang segundo bago binuksan ang paper bag at natigilan nang makita ang isang pastry.
“Oh? Favorite ko ’to.”
“… Alam ko.”
Agad siyang napatingin kay Mingyu. Namumula ang tenga ng lalaki kaya alam niyang pinagsisihan nito ang nasabi
“Huh?”
Hindi pa rin nagalaw ang lalaki. Medyo kumurap pa ang mata nito bago umiwas ng tingin. “Ano… Sinabi mo lang dati….?”
“Really?”
“Oo! Nasabi mo sa amin nung ano… na gusto mo nga.”
“Naalala mo?”
“Siguro...”
“Siguro?”
“Siguro'y umiibig
Kahit 'di mo pinapansin”
“Basta, ano… Gusto mo ’yan, ’di ba?” iwas na tanong ni Mingyu, halatang gusto nang tapusin ang usapan. Medyo nakita niya ang paglalaro nito sa kamay, kaya medyo napangiti si Wonwoo.
“Hmm.”
“Okay.”
“Kahit sa panaginip
Ikaw lang ang aking hinihiling
Sa bawat ngiti mo, sa panaginip ko
Parang ayoko nang magising.”
“Uh… Mingyu.”
Lumingon agad ito nang marinig ang pagtawag ni Wonwoo. Ngumiti lang ang nakasalamin at bahagyang itinaas ang paper bag, “Thank you.”
Sinuklian naman ito ni Mingyu.
“Welcome.”
Kahit umalis na si Mingyu sa harapan niya, nanatiling nakatingin si Wonwoo sa biscoff cheesecake na nasa purple paper bag.
Matagal siyang hindi gumalaw. Nakakunot lang ang noo niya at ramdam ang pag-init ng buong mukha.
Hindi naman big deal. Pastry lang. Sus! Tinapay lang, eh. Saka, hindi naman ito ang unang beses na may nagbigay sa kanya ng pagkain.
Wala rin namang sinabi si Mingyu. Literal na naalala lang siya.
Pero kasi…
Naalala niya…?
Sa dami ng bagay na pwedeng maalala ng isang tao, naalala pa talaga nito ang paborito niyang pastry na hindi niya alam kung kailan nabanggit sa mga kaibigan.
Hindi niya tuloy alam kung matutuwa ba siya o lalo lamang malilito.
Akala ko ba hindi niya ako gusto?
“Hoy, tunganga ka dyan?”
Gulat na napalingon siya kay Seungkwan na nakatayo na pala sa tabi niya. Tinignan niya ang iba na nag-aayos na rin at naghahanda nang umalis.
“Huh? Ay… Wala. Uwi na ba tayo?”
“Malamang. Alangan, overnight tayo dito?”
“Che.”
Natawa na lang si Seungkwan bago nahagip ng tingin ang paper bag, akmang sisilipin sana ang laman nang biglang iniwas ni Wonwoo.
“Damot! Parang titignan lang yung bigay ni ano, eh,” sabi nito habang nakangisi at tumingin pa sa direksyong nilakaran ni Mingyu.
“Tanga, hindi!”
“Eh, ano? Imagination ko lang? Crush mo na, ‘no?”
”Ewan ko sa’yo, bahala ka dyan.”
”Kahit 50% lang? Hindi?”
Tinawanan niya na lang ito bago tuluyang hinila ang kaibigan palabas sa classroom. Nakita niya naman ang ibang mga kaibigan na naghihintay sa corridor, kaya sabay-sabay na silang bumaba para makauwi.
⋆ 🧸˚. ⋆
Pagkatapos noon, hindi naman sila naging sobrang close bigla. Mas tama sigurong sabihin na unti-unti lang silang naging komportable sa isa’t isa kahit pa ang daming kantyawan ng mga kaibigan.
“Ayieee, kayo na siguro ‘no?”
“Parehong puyat, oh! Bakit wala kang thanks sa time post, Mingyu?”
“Pakipot pa ‘tong si Wonwoo, ang lalandi naman!”
Kahit parehong nahihiya, hindi na rin gaanong umiiwas si Mingyu. Mamumula lang ang tenga nito at kailangan lang ng ilang minuto bago maging okay.
Kung dati, bigla itong umaalis kapag nakikita siyang papalapit, ngayon ay nananatili na ito sa tabi niya. Minsan nga, siya pa ang unang bumabati o nagtatanong tungkol sa assignment kahit alam naman ni Wonwoo na may iba pa itong pwedeng pagtanungan. Nahihiya pa rin pero madalas, sumusubok naman.
Hindi niya namalayan kung kailan naging normal ang lahat. Yung simpleng pang-aasar, panghihiram ng gamit, o kahit yung mga pagkakataong wala silang pinag-uusapan, okay lang na magkatabi sila.
Hindi na nga nila pinapansin ang mga kaklase. Sadyang ganon lang sila, magkaibigan na habang tumatagal, nasanay ka na lang na kasama sila.
At kapag nasanay ka na, hindi mo na rin namamalayan kung kailan naging mahalaga ang presensya nila.
Dumating ang December nang hindi niya namamalayan.
Last day at Christmas party na nila bago ang break, kaya simula pa lang ng umaga ay magulo na ang classroom.
May mga nagdadala ng food, nag-aayos ng extra decorations, at may mga taong mas interesado sa kung sino ang nakuha sa exchange gifts kaysa sa kahit anong activity na inihanda ng adviser nila.
“Merry Christmas, Aquinas!” Ang nakasulat sa blackboard, isa si Wonwoo sa mga nag-drawing nito kahit hindi siya ganon kagaling. Kulay-kulay lang naman, eh.
Ang magkakaibigan namang sampu ay tahimik na nakaupo habang pinapanood ang iba nilang kaklase na naghaharutan sa gilid. Ang astig pa nga ng porma ng iba. Halatang sa sosyal nabili.
Si Wonwoo naman ay tahimik lang ding nakikinig sa mga kaibigan niyang nagtatalo tungkol sa dapat ipatugtog.
“Hindi nga puwedeng puro K-pop,” reklamo ni Yong.
“Bakit hindi?” sabi ni Chan
“Mag-Christmas songs tayo.” “Christmas party nga kasi!” Sabay na sagot nina Yong at Seungkwan, kaya nagtawanan sila.
“Pwede naman yun, eh.” pabulong na sabi ni Chan at umupo sa tabi niya kaya agad niyang ginulo ang buhok nito. Si Hansol at Hao naman, na malapit, ay natawa lang at tinapik ang balikat ng bunso.
“Bawi ka na lang maya.”
Hindi na masyadong nakialam si Wonwoo. Sanay na siya sa gulo ng barkada nila.
Dalawang oras din ang nakalipas na puro gulo, laro, at tawanan ang nangyari sa buong room. Nang medyo matapos na ang games, oras na para kumain.
Lahat naman sila ay nag-order na lamang sa Jollibee para hindi na magproblema. May nagdala rin ng lumpia at puto, habang si Choi naman ay may dalang chocolate cake mula sa Goldilocks. Sina Jeonghan at Kyeom naman ang nagdala ng extra na kanin.
Tugtog lang ang maririnig habang kumakain ang lahat. Nang nag-crave si Wonwoo sa puto, tumayo siya at lumapit sa lamesa sa gilid.
Maya-maya, may naramdaman siyang nakatayo sa gilid niya, at may dumampi na kung ano sa braso niya.
Isang pamilyar at maliit na paper bag. Blue magic.
Napatingala siya para tignan kung sino ang katabi. Medyo napaatras pa siya nang makita ang moreno at matangkad na lalaki.
“Para sa’yo,” mahinang sabi ni Mingyu habang bahagyang iniabot ang hawak.
Tumingin pa muna siya sa paligid at nang makita na wala namang nakapansin sa kanila dahil abala ang mga ito sa kinakain, agad niyang tinanggap, “Ano ’to?”
Napakamot sa ulo si Mingyu, “Gift.”
“Huh? Ikaw ba ang nakakuha sa akin? Later pa yung exchange gift, ah?”
“Ahh… Hindi.”
“Huh…” Napatingin lang si Wonwoo sa lalaki at bahagya pang lumuwag ang hawak sa blue magic na paper bag. “Then… Bakit?”
Namula ang tenga ni Mingyu at medyo inilagay pa ang kamay sa likuran. “Uh… Gusto ko lang.”
Natawa naman nang mahina si Wonwoo at sinilip ang laman nito. “Pwede ko nang buksan?”
Nahihiyang tumango si Mingyu.
Pagbukas niya, isang maliit na teddy bear ang bumungad sa kanya. Simple lang, kulay kayumanggi, may maliit na checkered ribbon sa leeg.
Napangiti siya. Ang cute.
“Teddy bear?”
“Hmm.”
“Bakit ’to?”
Nagkibit-balikat lang si Mingyu, umaastang walang pakialam, pero ang lala na ng pula ng tenga at leeg nito.
Napatingin na lang ulit si Wonwoo sa teddy bear habang nakangiti. Hindi niya alam kung matatawa ba siya o matutuwa sa nangyayari ngayon.
“Thank you, Min…” mahina at malambing na wika niya.
Nakita niya naman na nagpigil pa si Mingyu ng ngiti sa pamamagitan ng paglagay ng dila sa gilid, pero hindi nagwagi. “You’re welcome.”
“Ang cute naman.”
“Yung bear?”
“Yeah...”
“Ah.”
“Akala mo ikaw, ‘no?”
“Huh?! Hindi, ah!”
Muling natawa si Wonwoo sa pagiging defensive ng lalaki. May paatras pa kasing nalalaman.
“Sayang naman…” nakangising sabi niya, inaasar pa, bago umalis sa pwesto.
“Huh… Anong… Wonwoo!” hinabol pa siya ng lalaki hanggang sa makarating sila ulit sa upuan.
Agad naman silang napansin ng mga kaibigan.
As usual, inisahan na naman sila ng mga ito, lalo na nung nakita ang hawak ni Wonwoo na regalo.
“Malalandi!”
“Mamaya pa exchange gift, tanga.”
“Mingyu, umamin ka na lang, puro ka gastos.”
Nakangiti lang habang nakatingin si Wonwoo sa lalaking halos magtago na sa upuan ngayon. Despite his height, halatang nagtatago ito para hindi mapansin.
“Tigilan niyo nga kasi.”
Umiling na lang si Wonwoo sa nakikita.
Tuloy pa rin ang asaran ng mga kaibigan. Ang kaibahan lang, parang mas may laman na ito ngayon.
Mas lalo siyang nahihirapang paniwalaan na wala itong ibang ibig sabihin.
At kahit ayaw pa niyang aminin, isa lang ang sigurado niya.
Kinikilig na nga siya.
⋆ 🧸˚. ⋆
Natapos ang Christmas party nang mas mabilis kaysa sa inaasahan nila. Marami pa silang nakasalubong na kaibigan mula sa iba’t ibang section at mga panghapon na papasok pa lamang. Dahil last day na rin bago ang bakasyon, napagdesisyunan nilang huwag munang umuwi at dumiretso sa mall.
Medyo nahirapan pa nga sila kaya kinailangan pang itago ang mga ID sa kasuluk-sulukan ng bags at kanya-kanyang pasok sa ibang mga entrance para hindi mahuli. Bawal kasi ang mga high school na walang guardian sa mall.
Tawa sila nang tawa nang makalusot na ang lahat at makita sa loob. May kasama pa ngang matandang babae si Seungkwan, nagpanggap pa yatang nanay niya. Hindi nagtagal, nagkayayaan silang mag-ikot at mag-window shopping kasi wala naman silang lahat pambili.
Ayun lang, parang may usapan ang iba kaya sila nagkahiwa-hiwalay. Si Wonwoo naman, na dapat sasama kina Jeonghan, ay paalis na sana nang tawagin siya ni Mingyu.
“Wons.”
Napalingon siya rito. Nakita niya pa ang pagkaway at pagmamadali nila Jeonghan para hindi na siya makaabot. Tarantado talaga.
“Saan sila punta?”
“Kung hindi mo ako tinawag, edi sana alam ko. Iniwan tuloy ako!” pagrereklamo ni Wonwoo habang nakanguso pa.
Napangiti tuloy si Mingyu sa nakita. “Akala ko kasi may gagawin silang iba.”
“Ewan ko sa’yo.”
Wala na rin silang choice kundi maglakad na lang nang magkatabi at tumingin sa paligid. Limang araw na lang before Christmas, kaya maraming kulay ang paligid. Buhay na buhay ang lugar dahil sa mga Christmas lights. May nagpapatugtog pa nga ng Jolina Medley sa gilid, medyo iba ang chuva choo choo sa jingle bells, ah?
“Iniwan na nila tayo,” sabi ni Wonwoo at naupo sa pabilog na bench sa gitna ng Harrison Plaza. Alas-dos na ng hapon kaya may ilan ding nakatambay tulad nila.
Sumunod naman si Mingyu sa tabi niya at sabay lang silang tumingin sa mga tindahan na nasa paligid. “Babalikan naman siguro tayo?”
Napailing siya. “Hindi na ’yan, gago. Plano nilang lahat ’to. Kanina pa tayo inaasar, eh.”
Mahinang natawa si Mingyu at bahagyang yumuko para makita ang mukha niya. “Ayaw mo ba non?”
“Huh?”
Agad namang binawi ni Mingyu ang sinabi nang mapansin ang tingin niya. “Joke lang!”
Napansin ni Wonwoo na pilit itong tumatawa. Parang kinakabahan na.
“Kinikilig naman ako sa shy na lalaki
Tipong ligaw-tingin, 'wag mong kausapin, napipipi.”
“Min,” seryosong sabi niya.
Nakatingin lang ito sa kanya at agad namang nawala ang ngiti nang marinig ang tono niya.
“Oh… huh? Ano ’yon?”
“May sasabihin ka ba?”
“Maari bang malaman ko?
Kung feel na feel mo nang sabihin, sana ay sabihin na ito”
“Huh? Ano… Wala naman. Bakit?”
“Sure ka?”
“Oo…? Bakit?”
Tumango si Wonwoo, pero hindi siya naniniwala. Huminga siya nang malalim at muling tumingin sa harapan. Wala ba talaga itong sasabihin? Ilang araw na rin kasi niyang iniisip kung ano ba talaga ang meron sa pagitan nila.
Yung paraan ng pagtingin nito, yung pag-iwas sa kanya, at mga asar ng kaibigan nilang walang magawa sa buhay. Dati kasi madali lang itong balewalain, ngayon? Imposible na.
M.U. na ba ang tawag dito?
Pero ngayong silang dalawa na lang ang nandito, parang bigla niyang naisip na baka ito na ang pagkakataon para alamin na lang nang diretsahan.
Kung wala, edi okay.
Kung meron, edi… Bahala na.
“Min.”
Tumaas ang kilay nito, tila nagtatanong kung ano ang gusto niyang sabihin. Kahit hindi na siya mapakali sa upuan, hindi na nagpaligoy-ligoy si Wonwoo.
“Crush mo ba ako?”
Parang huminto ang mundo ni Mingyu. Hindi ito agad nakasagot. Napalunok lang ito at umayos ng upo. Ilang beses pa ngang kumurap ang mga mata na para bang umaasa siyang mali lang ang narinig niya.
“Huh?” Sa wakas ay nakapagsalita rin. “Ano… anong sinasabi mo?”
Nanatiling nakatingin si Wonwoo sa kanya, habang ang matangkad na lalaki naman ay lalo pang nahiya at hindi malaman kung saan ibabaling ang tingin.
“So, hindi?”
“Anong—”
“Mali ba sila?”
“Huh… sinong sila?”
“Seungkwan. Jeonghan.” Isa-isa niyang binanggit ang mga pangalan, bahagyang nakakunot ang noo. “Sila. Lahat sila.”
Ilang segundo lang na katahimikan ang lumipas, pero parang ang tagal para kay Wonwoo. Namumula na ang tenga ni Mingyu at hindi pa rin ito makatingin sa kanya.
Mali ba talaga ang basa niya?
“Sagutin mo yung tanong ko.”
“Wonwoo…”
“Ano?”
“Bakit mo ba tinatanong?” ani nito, halatang nahihirapan.
“Bakit hindi mo ako masagot?”
“Hindi naman sa ganon...”
“Eh, ano?”
Hindi agad nakasagot si Mingyu.
“Kung hindi mo naman ako crush,” dagdag ni Wonwoo, mas mahinahon na ang boses, “sabihin mo na lang.”
“Hindi naman ganon ’yon.”
“Eh, ano nga?”
Muling bumuka ang bibig ni Mingyu, pero walang lumabas na salita. Doon, medyo tuluyang naubos ang pasensya ni Wonwoo.
“Kung hindi mo ako—”
“Crush kita.”
“Matagal na…” dagdag ni Mingyu.
Natigilan si Wonwoo.
Kahit si Mingyu na nagsabi ay parang nagsisi agad. Yumuko ito at hindi na siya matingnan. Namumula na ang buong tenga nito at ilang beses pa nitong ginagalaw ang paa na parang hindi alam kung saan ilalagay ang sarili.
Ilang segundo rin silang parehong walang imik, tila pinoproseso ang sinabi ni Mingyu. Pinigilang ngumiti ni Wonwoo at tumitig lang sa lalaking hindi na makatingin sa kanya. “So, crush mo ako?”
Napabuntong-hininga ulit si Mingyu at nahihiyang yumuko. “Oo, matagal na.”
“Eh bakit mo ako iniiwasan?”
Napalingon ito sa kanya at matamlay na ngumiti.
“Kasi hindi ko alam kung anong mangyayari sa atin kapag nahalata mo na.”
Doon, parang biglang nagkaroon ng saysay ang lahat. Hindi pala ito umiiwas dahil ayaw nito sa kanya o may ginawa siyang mali.
Takot lang pala si Mingyu.
Torpe.
Tameme.
Napangiti na lang si Wonwoo at bahagyang itinama ang kanan niyang balikat sa kaliwa ng kausap. “Ang tanga mo, ’no?”
Dahan-dahang umangat ng tingin si Mingyu, “Huh?”
“Ang tagal mo ’kong iniiwasan. Pwede mo naman akong kausapin.”
Nahihiyang tumawa ito at bahagyang tumingin sa paa nilang magkadikit na ngayon. “Kinakabahan ako, eh.”
“Bakit?”
“Kasi… baka kasi hindi mo ako crush...”
Napatawa si Wonwoo. “Bakit hindi mo na lang ako tanungin?”
“Huh?”
“Kung gusto mong malaman, tanungin mo ako.”
Napatingin si Mingyu sa kanya, tila hindi agad naintindihan ang ibig niyang sabihin.
“Matagal ko naman nang alam. Pati ng mga kaibigan natin.”
Saglit na natahimik si Mingyu. Halatang hindi niya alam kung ano ang mararamdaman. “Then… bakit mo pa ako tinanong?” Naguguluhang sabi nito.
“Gusto ko lang marinig mula sa’yo.”
Parang lalo lamang natahimik ang lalaki. Ilang segundo rin itong walang imik bago siya muling tinawag.
“Wons.”
“Hmm?”
“Pwede ba kitang ligawan?”
Napangiti si Wonwoo. “Akala ko, ako pa magtatanong niyan, eh.”
“Huh?”
“Wala. Pero… Pwede naman.”
“HUH? T-talaga?”
Napailing si Wonwoo sa itsura ng lalaki, hindi napigilang matawa. Nanlalaki kasi ang mata ni Mingyu ngayon at halatang hindi makapaniwala sa naririnig niya.
“Tameme ka na naman.”
Tumawa na lang si Mingyu at sa unang pagkakataon, hindi na ito umiwas ng tingin. Bahagya pa itong lumapit sa tabi niya at tinignan lang ang kanilang mga paa.
Sa gitna ng mall na puno ng ingay at ilaw, hawak ni Wonwoo ang teddy bear na bigay nito, habang pareho silang may maliit na ngiti sa labi.
Hindi pa nila alam kung ano ang susunod na mangyayari.
Pero ngayong araw, alam nilang nagsimula na.
Kung tutuusin, ang simple lang pala.
Kailangan lang na may isang taong magtanong at may isang taong sa wakas ay sumagot.
“Wons. Club synergy tayo?”
Natawa si Wonwoo. “Date na ba ‘to?”
“If okay lang…”
Tumayo si Mingyu at pinagpag pa ang puwetan at inilahad ang kamay sa kanya. Sandaling tinitigan 'yon ni Wonwoo bago niya tuluyang hinawakan.
“Okay. Tara?”
Hindi pa naman sila magkasintahan. Sa ngayon, mas gusto muna ni Wonwoo na i-enjoy ang oras nilang magkasama.
Napalingon siya kay Mingyu nang maramdaman niyang bahagya nitong hinigpitan ang hawak sa kamay niya.
“Hmm?” tanong niya.
Napatingin sa kanya si Mingyu, halatang pinag-iisipan kung sasabihin ba niya talaga ang nasa isip niya. Maya-maya, bahagya itong ngumiti.
“Masaya lang ako.”
Simple lang, pero napangiti si Wonwoo sa sinabi nito.
“Ah,” sabi niya, pilit na pinipigilan ang ngiti. “Ako rin.”
At doon sila tuluyang natawa.
Ang korni naman.
Pero masaya.
Hindi na nila pinag-usapan kung ano ang mangyayari pagkatapos ng christmas break. Kung paano sila pagdating ng kolehiyo, kung kailan nila ipapaalam sa iba.
Hindi naman nila kailangan ayusin ang lahat ngayong araw.
Sa ngayon, magkatabi lang silang naglalakad, magkahawak-kamay, at parehong alam na hindi na sila basta magkaibigan lang.
Para sa dalawang taong ilang buwan ding nag-iwasan at naghintay ng tamang pagkakataon, okay na muna 'yon.
