Work Text:
Ang pag-ibig sa Pinas, parang traffic sa EDSA maraming stoplight, laging may sumisingit, at paminsan-minsan, nakakatest ng bait.
Si Mikha Lim ay hindi lumaking naniniwala sa fairytale. Para sa kanya, ang buhay ay parang simpleng mathematical equation lang o ‘di kaya ay balance sheet: Input = Output. Walang extra variable ng magic. Bilang isang freelance graphic designer at certified homebody sa Malabon, ang tanging mga pangarap niya sa buhay ay hindi bahain ang kwarto niya tuwing Hulyo, matapos ang mga deadline nang walang client revisions, at makatabi sa pagtulog gabi-gabi si Aiah.
Si Maraiah Queen Arceta "Aiah” para sa lahat, pero "Mahal" para kay Mikha ay ang eksaktong kabaligtaran niya. Si Aiah ay lakad-bagyo ng positibong enerhiya. Siya yung uri ng tao na bumabati ng "Good morning!" sa konduktor ng bus kahit siksikan at amoy pawis na ang paligid. Nagtatrabaho si Aiah bilang isang preschool teacher at events organizer on the side sa parehong probinsya. Mayaman sa emosyon si Aiah; madali siyang umiyak sa mga commercial ng shampoo at mas mabilis pa sa alas-kwatro kung mag-ipon ng pangarap.
Magkasama na sila ng limang taon. Sa limang taong yun, natutunan nilang mag-adjust sa amoy ng tuyo tuwing umaga, sa maingay na videoke ng kapitbahay tuwing Linggo, at sa katotohanang kapag nag-aaway sila, walang ibang pwedeng mag-walkout kasi iisa lang ang susi ng kanilang maliit na apartment. At ngayon, napagdesisyunan nilang magpakasal.
Hindi simpleng kasal. Isa itong ganap na kasalang bayan na inorganisa ng lokal na munisipyo para sa LGBTQ+ community isang symbolic at wedding-style celebration na bagaman walang legal weight sa papel ng gobyerno, ay may buong bigat ng pangako sa harap ng pamilya, kaibigan, at buong barangay. Ngunit bago pa man makatuntong sina Mikha at Aiah sa altar ng covered court, kailangan muna nilang lagpasan ang pader ng kani-kanilang pamilya, ang kaguluhan ng iba pang mga ikakasal, at ang sarili nilang mga takot.
BAGSAK ANG PINTO ng lumang bahay nina Mikha sa Tondo nang bumisita sila para ibigay ang imbitasyon.
"Anong kasal-kasal?!" ang boses ni Tita Carmela, ang tiyahin ni Mikha na nagpalaki sa kanya mula nang mag-abroad ang parents niya ay sapat na para manginig ang mga nakasabit na plastic spoon and fork sa dingding. "Mikhaela, bata ka pa! Tsaka ano yang papasukin niyo? Gagastos kayo sa handaan, sa Lechon, sa souvenir na plato na lalagyan lang ng alikabok, tapos ano? Mag-aaway din kayo dahil hindi marunong mag-ligpit ng plato si Aiah?!"
"Tita, marunong po ako mag-ligpit" mahinang singit ni Aiah, nakaupo sa gilid ng sofa habang nakatiklop ang dalawang kamay sa kandungan.
"Manahimik ka muna, Aiah! Ipinaglalaban ko lang ang practicality dito!" Humarap muli si Tita Carmela kay Mikha, nakapamaywang. "Sino ang magbabayad ng coordinator? Sino ang bibili ng bulaklak? Yung Tito Ben niyo nga, tatlong taon nang hindi napapaltan ang gulong ng tricycle, tapos kayo magse-Catering?!"
"Tita, kami po ang magbabayad" malamig ngunit matatag na sabi ni Mikha, habang iniaabot ang isang basong malamig na tubig. "Nakaipon po kami. Hindi kami hihingi ng kahit piso sa inyo. Ang gusto lang namin, dumalo kayo. Maging masaya para sa amin."
Tinitigan ni Tita Carmela ang pormal na imbitasyon na may ribbon pang pink at mauve. Sa loob ng matigas nitong mukha, may kaunting lambot na sumilip, pero mabilis din itong napalitan ng pambansang sandata ng mga katutubong Pilipino: ang pagpapakawala ng malalim na buntong-hininga. "Ewan ko sa inyong dalawa. Basta kapag nag-away kayo, huwag kayong tatakbo rito sa Tondo at magrereklamo na masakit ang ulo niyo. At siguraduhin niyo lang na masarap ang shanghai sa catering!"
Sa kabilang banda naman, sa bahay nina Aiah sa Bulacan, ibang uri ng bagyo ang kinailangan nilang harapin. Si Nanay Bhing ang nanay ni Aiah ay isang devota at active member ng Couples for Christ.
"Aiah, anak" sabi ni Nanay Bhing habang nagtatadtad ng sibuyas para sa menudo. "Alam mo namang mahal kita. Mahal namin si Mikha. Para na siyang anak dito kasi lagi siyang nag-aayos ng Wi-Fi natin. Tas... kailangan ba talaga ng malaking seremonya? Baka pwedeng kainan na lang sa Jollibee?"
"Nay, pangarap ko 'to" sagot ni Aiah, pilit na ngumingiti habang tinutulungan ang nanay niya. "Kahit symbolic lang po, gusto kong isuot 'yung gown. Gusto kong maglakad sa aisle habang nakatingin kay Mikha. Gusto kong maramdaman na valid din 'yung pagmamahalan namin."
Pumatak ang luha sa mata ni Nanay Bhing hindi dahil sa sibuyas, kundi dahil sa halo-halong takot at pagmamahal para sa anak. "Takot lang ako sa sasabihin ng mga kapitbahay, Aiah. Baka usap-usapan kayo ni Marites sa kanto." Huminga nang malalim si Mikha, tumayo mula sa dining table, at lumapit sa gawi ng mag-ina. "Tita Bhing... huwag niyo pong alalahanin si Marites. Hindi naman po si Marites ang magpapakain sa amin kapag nagugutom kami. Ako po ang mag-aalaga kay Aiah. Pangako po."
Iyon ang unang pagkakataon na napaalalahanan si Nanay Bhing kung bakit mahal ng anak niya si Mikha. Sa likod ng tahimik at parang laging seryosong mukha nito, may isang pader ng proteksyon na nakatayo para kay Aiah.
NGUNIT HINDI LANG ang kani-kanilang pamilya ang pagsubok. Kasabay ng paghahanda nina Mikha at Aiah, napasama sila sa ginagawang Group Wedding Orientation na inorganisa ng munisipyo. At doon nila nakilala ang iba pang mga kasabay nilang magpapakasal mga pamilya at magkasintahan na tila galing sa magkakaibang dimensyon ng gulo.
Doon nila nakasalamuha sina Belinda at Beltran isang heterosexual couple na nakisali rin sa mass wedding dahil libre ang pangkasal at may libreng kalahating kaban ng bigas mula sa Mayor.
"Hoy, Miss!" bati ni Belinda kay Aiah habang naghihintay sila sa seminar room ng City Hall. Si Belinda ay nakasuot ng leopard-print na duster kahit umagang-umaga, habang nag-apaypay gamit ang plastic na pampaypay mula sa funeral parlor. "Kayo rin ba magpapakasal? Naku, wag niyo nang ituloy! Tingnan mo tong kasama ko, mukhang tuod!"
Itinuro ni Belinda si Beltran, na kasalukuyang nakatutok ang mata sa cellphone habang naglalaro ng ML, walang pakialam sa mundo. "Aba, Belinda" singit ni Beltran nang hindi tumitingin sa asawa. "Nahiya naman ako sa'yo. Kahapon lang, itinapon mo 'yung ulam kasi hindi ko naibili ng paborito mong chicharon. Sino sa atin ang mukhang tuod?"
"Che! Tumahimik ka diyan! Baka gusto mong sa kangkungan ka matulog mamaya!" sigaw ni Belinda, bago humarap muli kay Aiah na may malapad na ngiti. "So ayun nga, Day. Magkano ang gastos niyo sa gown? Kasi tong akin, inarkila ko lang sa Pagsanjan. May konting amoy baul pero kaya na ng perfume!"
Natawa nang mahina si Aiah. "Ah, gawa po ng kakilala naming sewer yung sa amin. Simple lang po."
"Naku, mabuti pa kayo! Tingnan mo tong dalawang to" turo ni Belinda sa kabilang bench, kung saan nakaupo si Mikha na nakasimangot habang pinagmamasdan ang mga form na kailangang pirmahan. "Mukhang stress din yung partner mo, Inday! Bagay na bagay kayo isang maingay, isang mukhang mambubugbog ng tanod!"
"Ouch naman po" pabulong na sabi ni Mikha na narinig pala ang usapan.
Ang buong kapaligiran ng municipal hall ay isang malaking circus. May mga kasama silang mag-asawa na nag-aaway dahil sa kulay ng motip (gusto ng lalaki ay neon green, gusto ng babae ay peach), may mga biyenan na nagpapatutsada sa gilid tungkol sa dote, at may mga LGU staff na halatang gustong-gusto nang matapos ang shift para makapag-unwind sa Samgyupsalan. Sa gitna ng kaguluhang ito, napatingin si Mikha kay Aiah. Si Aiah ay abala sa pag-aayos ng listahan ng mga bisita sa kanyang notebook may color-coded pens pa at sticky notes.
"Mahal," pabulong na tawag ni Mikha.
"Hmm?" sagot ni Aiah nang hindi tumitingin, busy sa pagdodoble-check ng guest list.
"Sigurado ka ba talaga rito?"
Napatigil si Aiah. Inangat niya ang kanyang tingin at tinitigan ang kasintahan. "Anong ibig mong sabihin?"
"Tingnan mo sila" itinuro ni Mikha gamit ang nguso ang paligid sina Belinda na nag-aaway na naman dahil sa kulang na photocopy ng Valid ID, at ang tagapagsalita sa harap na nagpapaliwanag ng mga obligasyon ng mag-asawa sa ilalim ng batas at lipunan. "Ganyan din ba tayo sa hinaharap? Magsasawa sa isa't isa? Mag-aaway dahil sa ulam? Baka mamaya, pumasok tayo rito dahil lang sa saya, tapos pagdating ng araw, maging kulungan natin to."
Lumambot ang mukha ni Aiah. Binitawan niya ang kanyang ballpen at hinawakan ang kamay ni Mikha. Ang mga daliri ni Mikha ay malamig isang tiyak na senyales na inaatake ito ng labis na pag-iisip.
"Mikha," pabulong na sabi ni Aiah, ang boses niya ay parang musika sa gitna ng ingay ng City Hall. "Hindi tayo sina Belinda at Beltran. At hindi rin tayo 'yung mga character sa teleserye na nagpapakasal dahil lang sa kilig. Limang taon na tayo. Alam mo kung kailan ako mabaho ang hininga sa umaga. Alam ko kung paano ka magalit kapag nawawala ang medyas mo. Nakita na natin ang pinakamalalang bersyon ng isa't isa. At sa kabila ng lahat ng 'yun... gusto pa rin kitang makasama tuwing gising ko." Tinitigan ni Mikha ang mga mata ni Aiah. Walang pag-aalinlangan doon. Walang takot. Pure sincerity.
"Tsaka" dagdag ni Aiah na may halong biro at pilyang ngiti "sayang 'yung naipon nating pambayad sa catering. Hindi pwedeng hindi ko makain yung Cordon Bleu."
Natawa si Mikha isang maikling pigil na tawa na bihirang makita ng ibang tao, pero laging reserba para kay Aiah lang. "Gago. Cordon bleu lang pala ang habol mo."
"Kalahati lang! Ang kalahati, ikaw," sagot ni Aiah bago isinandal ang ulo sa balikat ni Mikha.
DUMATING ANG GABI bago ang araw ng kasal.
Ayon sa tradisyon o ayon sa pilit na paniniwala ng mga Tita nila hindi pwedeng magkita ang magkasintahan sa gabi bago ang kasal dahil malas daw. Kaya't napilitan si Mikha na matulog sa apartment ng kaibigan nilang si Colet, habang si Aiah naman ay naiwan sa bahay nila kasama ang mga kaibigan nitong sina Stacey at Jhoanna.
Sa apartment ni Colet, hinarap ni Mikha ang isa pang uri ng pagsubok: ang payo ng mga tropa.
"Inom muna natin yan, Mikha!" sigaw ni Colet habang nagbubukas ng isang bote ng San Mig Light at inilalapag ang isang platito ng sisig sa mesa. "Huling gabi mo na to bilang malayang tao! Bukas, may tagapag-utos ka na habambuhay!"
"Gaga" sabi ni Gwen na nakaupo sa sahig habang nagse-selpon. "Bakit, dati ba hindi si Aiah ang nag-uutos kay Mikha? Mula pa noong 2021, taga-bitbit na ng bag ni Aiah yang si Mikha. Walang magbabago."
"Iba pa rin!" hirit ni Colet. "Bukas, may kasulatan na... ah wait, wala palang kasulatan kasi symbolic lang, pero may saksi! Kapag nag-cheat si Mikha, pwedeng pumunta si Aiah sa Tondo at ipabarangay siya!"
"Hindi ako magche-cheat" seryosong sabi ni Mikha, sabay lagok ng beer. "Sira ba ulo niyo? Hirap kaya mag-effort humanap ng bago. Kay Aiah pa lang, sagad na energy ko."
Natawa sina Colet at Gwen. Pero sa kabila ng tawanan, napansin ni Colet ang pagkabalisa sa mga mata ng kaibigan.
"O, bakit ganyan mukha mo?" tanong ni Colet, ibinaba ang bote. "Natatakot ka ba?"
Huminga nang malalim si Mikha. Tiningnan niya ang bote ng beer sa kanyang kamay. "Natatakot ako na baka hindi ko maibigay yung buhay na nararapat para kay Aiah. Alam niyo naman si Aiah... napakabait, napakapositibo. Ako, minsan napakasungit ko, napakanegatibo kong mag-isip. Baka balang araw, mapagod siya sa akin."
Tumingin si Gwen kay Colet, bago humarap kay Mikha. "Mikhs, kilala natin si Aiah. Hindi yun napipilitan. Sa limang taon niyo, ilang beses ka ba niyang iniwan noong mga panahong wala kang raket? Noong mga panahong gipit na gipit kayo? Wala, 'di ba? Kasi hindi lang naman yung magaling na Mikha ang mahal niya, mahal niya pati yung abala at praning na Mikha."
"Tsaka isa pa" dagdag ni Colet, "kung mapagod man siya, ipagluluto mo lang ng Sinigang yun, okay na uli. Ganun lang kadali si Aiah. Huwag mong gawing Shakespearean tragedy ang buhay niyo. Rom-com to, gaga!"
Sa kabilang dako ng lungsod, sa kwarto ni Aiah, pinalilibutan din siya ng kanyang mga kaibigan.
"Girl, siguraduhin mong hindi ka maiiyak bukas nang bongga kasi mahal ang makeup artist natin!" paalala ni Stacey habang naga-apply ng face mask. "Ayaw kong magmukha kang raccoon sa mga litrato. Naka-tag pa naman ako sa Instagram!"
"Staku naman" natawang sabi ni Aiah. "Siyempre maiiyak ako. Dream natin to, 'di ba?"
Si Jhoanna, na kasalukuyang nag-aayos ng mga gagamiting veil at bulaklak, ay napatingin kay Aiah. "Aiah... hindi ka ba natatakot? I mean, kilala natin si Mikha. Minsan sobrang tahimik, minsan parang gustong manakit ng tao kapag gutom. Ready ka na ba talagang makasama yun 24/7?"
Ngumiti si Aiah. Isang ngiting may kasamang malalim na pag-unawa. "Alam niyo, Jho, Stacey... marami nang nagsabi sa akin na magkaiba kami ni Mikha. Na parang langis at tubig. Pero hindi nila nakikita kung paano ako alagaan ni Mikha kapag walang ibang nakatingin. Siya yung taong hindi marunong magsalita ng sweet na salita, pero kapag maulan, dadalhan ka ng payong kahit mabasa ang kalahati ng katawan niya. Siya yung tahimik na sigurado. At sa mundong maingay at puno ng hindi sigurado... yun ang kailangan ko."
Natahimik ang kwarto. Napatigil si Stacey sa pagpapakintab ng kuko, habang si Jhoanna naman ay napa-ngiti nang bahagya.
"Sige na nga, panalo ka na sa Vows bukas!" pambubuska ni Stacey upang itago ang pagkakagulo ng emosyon. "Basta bukas, bawal ang ma-late!"
DUMATING ANG ARAW NG KASAL.
Ang lugar: Ang Grand Covered Court ng Barangay San Jose.
Ito ay pinalamutian ng mga kulay pink at puting lobo, may drapes na medyo may alikabok pa mula sa huling palaro ng basketball, at may sound system na paminsan-minsan ay nagpa-feedback ng SCCCRREEEEECH! kapag may dumadaang jeep sa labas. Ngunit para sa mga taong naroroon, ito na ang pinakamagandang cathedral sa buong mundo.
Nakatayo si Mikha sa dulo ng red carpet isang medyo kupas na carpet na hiniram pa sa chapel ng kabilang barangay. Nakasuot siya ng isang tailored white suit na may simpleng inner shirt. Ang kanyang buhok ay maayos na nakalugay, at ang kanyang mga kamay ay nakapasok sa bulsa upang itago ang matinding panginginig ng mga daliri.
Sa paligid niya, naroon ang pamilya at mga kaibigan. Naroon si Tita Carmela, nakasuot ng pinakamagandang Filipiniana blouse nito, may bitbit na malaking bag na halatang may lalagyan ng itatagong pagkain mamaya. Naroon si Nanay Bhing, umiiyak na agad kahit wala pa ang bride. Naroon din sina Belinda at Beltran mula sa orientation; si Belinda ay nakasuot ng muling inarkilang gown na mas kumikislap pa kaysa sa chandelier ng court.
"Kaya mo yan, tropa!" sigaw ni Colet mula sa ikalawang hanay ng mga upuan. "Huwag kang hihimatayin! Nakakahiya sa Mayor!"
Biglang namatay ang maingay na chatter sa paligid. Ang sound system, pagkatapos ng dalawang beses na static sound, ay nagsimulang magpatugtog ng isang malamig at romantikong instrumental ng paborito nilang kanta. Bumukas ang pinto ng covered court. At doon, tumayo si Aiah.
Napatigil ang ikot ng mundo para kay Mikha. Ang paligid ang ingay ng tricycle sa labas, ang amoy ng usok ng barbecue sa kanto, ang sigawan ng mga bata ay tila naglaho nang tuluyan.
Nakasuot si Aiah ng isang simpleng off-shoulder white gown na may dumadaloy na tela na humahagkan sa sahig. Ang kanyang buhok ay may kaunting nakatagong bulaklak, at sa kanyang mga kamay ay hawak niya ang isang bouquet ng white roses at baby's breath. Pero ang pinakamagandang palamuti sa kanya ay ang kanyang ngiti isang ngiting diretso at walang alinlangan na nakatutok kay Mikha.
Habang dahan-dahang naglalakad si Aiah sa carpet, nakahawak sa braso ng kanyang ina na si Nanay Bhing, naramdaman ni Mikha ang pag-init ng kanyang mga mata. Pilit niyang pinigilan ang pagtulo ng luha sa pamamagitan ng pagtingin sa kisame ng covered court, pero walang silbi.
"Ayan na, naiyak na ang tuod!" pabulong na hirit ni Belinda mula sa gilid, na narinig ng kalahati ng mga bisita.
Nang makarating si Aiah sa dulo, inabot ni Nanay Bhing ang kamay ng anak kay Mikha.
"Mikha," mahinang sabi ng ina, may halong pyok sa boses. "Ipinagkakatiwala ko sa'yo ang anak ko. Alagaan mo siya."
Tumingin si Mikha sa ina ni Aiah, bago tiningnan si Aiah. "Opo, Tita. Higit pa sa buhay ko."
Inabot ni Mikha ang kamay ni Aiah. Muli, naramdaman niya ang init nito ang init na nagligtas sa kanya sa napakaraming malamig na gabi ng buhay niya.
ANG SEREMONYA AY PINANGUNAHAN ng isang Officiant at ng Mayor ng LGU na kilalang tagasuporta ng pantay na karapatan. Matapos ang mga pormalidad, ang pagbasa ng mga tula, at ang pagpapalit ng mga singsing dalawang simpleng silver bands na binili nila sa Ongpin matapos ang tatlong buwang pagtitipid dumating ang pinakahihintay ng lahat: ang Vows. Inabot ng coordinator ang mikropono kay Mikha. Tumahimik ang buong covered court. Huminga nang malalim si Mikha, tinitigan ang papel na tinalian niya ng ribbon, tapos ay dahan-dahang ibinaba ito sa gilid.
"Hindi ko na gagamitin 'to," simula ni Mikha. Ang boses niya ay medyo paos, pero malinaw. Natawa nang kaunti si Aiah, pinupunas ang luha sa ilalim ng kanyang mata.
"Aiah" sabi ni Mikha. "Alam mo na hindi ako magaling sa salita. Mas gusto kong mag-layout ng graphic design kaysa magsalita sa harap ng maraming tao. Pero ngayon, gusto kong marinig ng lahat 'to. Noong una kitang nakatagpo, akala ko isa ka lang magandang abala sa buhay ko. Napakaingay mo, napakadami mong gustong gawin, at lagi kang ngumingiti sa mga taong hindi mo naman kilala. Natakot ako sa'yo kasi napakalayo mo sa akin. Ako 'yung taong laging nakahanda sa pinakamalalang mangyayari; ikaw yung taong laging naniniwala na may magandang mangyayari. Pero sa limang taon na kasama kita, narealize ko... hindi mo binago ang dilim sa buhay ko. Tinuruan mo lang akong huwag matakot sa dilim kasi naroon ka, hawak ang kamay ko. Hindi ko maipapangako na hindi tayo mag-aaway. Hindi ko maipapangako na hindi ko makakalimutang bumili ng mantika sa palengke. Pero ipinapangako ko sa'yo... na sa bawat araw na gigising ako, ikaw lang ang pipiliin ko. Kahit maging maingay ka pa, kahit mapagod ka, kahit maging mahirap ang buhay. Ako ang magiging pader mo kapag kailangan mo ng masisilungan, at ako ang magiging tagahanga mo kapag nagtatagumpay ka. Mahal kita, Aiah. Lahat ng ako, para sa'yo."
Naiyak na nang tuluyan si Aiah. Ang mga bisita kasama na si Tita Carmela na kanina ay nagmamatigas ay abala na sa pagkuha ng tissue at Pambansang Sanrio na panyo.
Ibinigay ang mikropono kay Aiah. Natawa muna si Aiah nang kaunti habang pilit na inayos ang kanyang boses. "Mikha... alagang-alaga mo talaga ako. Pati vows ko, ginawa mong mahirap tapusin kasi pinaiyak mo na ako kaagad!" Nagtawanan ang mga tao.
"Mikha," patuloy ni Aiah, nakatitig sa mga mata ng kasintahan. "Noong sinabi ko sa pamilya ko na ikaw ang gusto kong makasama, marami silang tinanong. Sigurado ka ba? Hindi ba mahirap? Pero tuwing tinitingnan kita, wala akong ibang nararamdaman kundi kasiguraduhan. Marami tayong pinagdaanan. Naalala mo nung naghahati tayo sa isang baso ng instant noodles kasi kulang ang allowance natin pareho? Naalala mo nung binaha ang apartment natin tapos iniligtas mo muna 'yung mga gamit ko bago 'yung laptop mo? Doon ko nalaman na hindi lang kita mahal, ikaw ang tahanan ko. Hindi kita mahal dahil perpekto ka. Mahal kita kasama ang lahat ng sungit mo, ang pagiging tahimik mo, at ang matigas mong ulo. Ipinapangako ko sa'yo na ako ang magiging liwanag mo kapag pakiramdam mo ay napakadilim ng mundo. Ipinapangako ko na makikinig ako sa'yo kahit paulit-ulit ang reklamo mo sa mga clients mo. At higit sa lahat, ipinapangako ko na mamahalin kita sa paraang mararamdaman mo araw-araw na hindi ka nag-iisa. Mula ngayon, hanggang sa dulo... ikaw at ako. Mahal kita, Mikha."
"Mabuhay ang bagong kasal!" sigaw ng Officiant, hindi na nakapaghintay. "By the power vested in me, and validated by the love felt in this room... I now pronounce you partners for life. You may now kiss the bride!"
Nagpalakpakan ang buong covered court. Naghihiyawan sina Colet, Gwen, Stacey, at Jhoanna. Si Belinda ay tumatayo pa sa upuan habang pumapalakpak. Inabot ni Mikha ang baywang ni Aiah, dahan-dahang inilapit ang mukha nito, at inilapat ang isang matamis, maingat, at punong-puno ng pagmamahal na halik sa mga labi ng asawa. Sa sandaling iyon, nawala ang lahat ng ingay. Ang natira lang ay ang dalawang pusong natagpuan ang isa't isa sa gitna ng kaguluhan ng mundo.
ANG RECEPTION AY GINANAP sa mismong Function Hall ng barangay, kung saan ang amoy ng Lechon at Cordon Bleu ay naghalo sa amoy ng Sampaguita. Gaya ng inaasahan sa anumang Filipino gathering, ang kaguluhan ay patuloy na sumunod. Si Tita Carmela ay matagumpay na nakapag-uwi ng dalawang balot ng Shanghai bago pa man matapos ang kainan. Si Belinda at Beltran ay nakigulo sa parlor games at nanalo ng palanggana matapos manalo sa Hep Hep Hooray.
Si Mikha at Aiah ay nakaupo sa presidential table, nakasandal sa isa't isa habang pinagmamasdan ang gulo at saya ng kanilang mga mahal sa buhay.
"Nabusog ka ba?" tanong ni Mikha habang pinalalamig ang baso ng iced tea para kay Aiah.
"Sobra," ngumiti si Aiah, habang nakatitig sa silver ring sa kanyang daliri. "Alam mo, Mahal... ito na ang pinakamasayang araw ng buhay ko."
"Kahit may nagnakaw ng Lechon belly bago pa tayo makakain?" tanong ni Mikha na may bahagyang tawa.
"Kahit pa" sagot ni Aiah. Isinandal niya ang kanyang ulo sa balikat ni Mikha. "Basta kasama kita, kahit ano pa ang mangyari. Anong plano natin bukas?" Tumingin si Mikha sa kanyang asawa. "Bukas? Maglalaba tayo ng mga damit natin. Mag-aayos ng natanggap nating plato at glassware mula sa mga Tita. At pagkatapos... mag-e-enjoy tayo sa natitira nating buhay."
Inabot ni Mikha ang kamay ni Aiah sa ilalim ng mesa, pinagdaop ang kanilang mga daliri. Sa pananaw ng mundo, maaaring isang simpleng seremonya lang ito na walang mga magagarbong dokumento o suporta ng tradisyunal na batas. Pero para kina Mikha at Aiah, ang kasal na ito ay hindi tungkol sa papel ito ay tungkol sa dalawang taong nagpasyang lumaban, magmahal, at magtayo ng sarili nilang tahanan sa isang mundong hindi laging madaling maunawaan.
At sa gabi ring iyon, habang pumapailanlang ang huling kanta sa videoke at sumasayaw ang mga tao sa paligid, alam nilang dalawa: alinman ang dumating bagyo man, baha, o amoy ng tuyo sa umaga laging may dahilan para maging masaya.
Dahil sa dulo ng araw, sila ay kay Mikha at Aiah. Magkasama. Habambuhay.
Kinabukasan pa lang ng umaga, habang tulog na tulog pa si Mikha dahil sa puyat at pagod sa ginanap na kasalan, nagising siya sa tunog ng napakalakas na pagkiskis ng walis tingting sa labas ng pintuan ng apartment nila.
"Mikhs! Hoy, Mikhaela! Gising na, tanghali na! Mag-aalas-syete na ng umaga!" sigaw ni Aiah mula sa labas. Nakasuot ito ng oversized na duster na may tatak na 'Barangay San Jose Basketball League 2018', nakatali ang buhok gamit ang dalawang magkaibang kulay ng puyod, at may pampahid pa ng vicks sa ilalim ng ilong dahil malamig daw ang hangin tuwing umaga.
Dahan-dahang binuksan ni Mikha ang pinto, pikit pa ang isang mata at gulong-gulo ang buhok. "Mahal... Linggo ngayon. At 6:30 AM pa lang."
"Aba, Anong 6:30?! Ang taong maagang nagigising, maraming nauuwing basahan mula sa palengke!" pambubuska ni Aiah habang diretso sa kitchen counter at hawak ang isang napakalaking kaldero. "Kailangan nating mag-linis! Nag-asawa ka na, Mikha! Bawal na ang pa-cute cute at pa-cool diyan sa gilid! Wala na tayo sa Malabon, nasa tunay na buhay na tayo!"
Napatulala na lang si Mikha. Sa limang taon nilang magkasama, alam niyang may pagka-kalokohan si Aiah, pero kapag tinatamaan ito ng kanyang "Jologs Mode" na namana sa nanay nitong tubong-probinsya na nagiging isa itong ganap na pwersa ng kalikasan.
"Aiah, graphic designer ako. Ang trabaho ko ay mag-puyat, hindi mag-walis ng kalsada nang alas-sais ng umaga" pabulong na reklamo ni Mikha, sabay sandal sa pader.
"Aba'y sumasagot ka pa?!" Humarap si Aiah, nakapamaywang habang hawak ang sandok na parang mikropono. "Tingnan mo yang mga tuwalya sa banyo, hindi nakasampay nang maayos! At tsaka'yung mga regalo kagabi, kailangan nating i-inventory! Naka-lista dapat kung sino ang nagbigay ng plato para kapag sila naman ang nagpakasal, alam natin kung baso o tupperware ang ibabalik natin! Utak, Mikha, utak!" Napasapo na lang ng noo si Mikha. "Sige na, po. Saan po ang basahan, Madam?"
Pagdating ng hapon, dinala ni Aiah si Mikha sa palengke ng munisipyo para bilhin ang mga kulang na gamit sa bahay. Dito pumasok ang tunay na bangis ng Jologs Aiah. Habang si Mikha ay nakasunod lang, nakaitim na hoodie at shade pilit na nagtatago sa init at sa mga taong tumitingin, si Aiah naman ay parang kandidato sa eleksyon kung bumati sa mga tindera.
"Ate Chona! Magkano ang bangus?!" sigaw ni Aiah mula sa tatlong puwesto ang layo.
"Eighty ang kilo, Aiah!"
"Aba, Ate! Ginintuan?! Baka naman pwedeng Sitenta na lang, bagong kasal lang kami nitong kasama ko!" turo ni Aiah kay Mikha. "Tingnan mo tong kasama ko, mukhang hindi nakakakain ng tatlong beses sa isang araw! Parang kandilang nag-aagaw-buhay! Bigyan mo na ng discount!"
Nanlaki ang mga mata ni Mikha sa ilalim ng kanyang shades. "Mahal! Bakit mo naman sinabing mukha akong nag-aagaw buhay?!" pabulong na sigaw ni Mikha.
"Tumahimik ka diyan, Mikhaela! Strategy to!" pabulong ding ganti ni Aiah sabay hampas sa braso ng asawa. Humarap siya ulit kay Ate Chona na may pinakamalapad na ngiti. "Sige na, Ate Chona! Dagdagan mo na rin ng dalawang pirasong talbos ng kamote, panahog lang sa sinigang!" Sa dulo, nakakuha si Aiah ng P65 kada kilo na bangus, libreng sangkutsang luya, at dalawang plastic ng kalabasa.
Habang naglalakad sila pabalik bitbit ang mga plastic bag (na siyempre, si Mikha ang nagbubuhat ng walo sa sampung bag) hindi napigilang mapatitig ni Mikha kay Aiah. Nakatuck-in ang tshirt nito sa maong na short, nakatsinelas ng Islander, at abala sa pag-nguya ng fishball habang naglalakad sa kalsada.
"Anong tinitingin-tingin mo diyan?" tanong ni Aiah, sabay subo ng isa pang fishball. "Gusto mo? Masarap to, yung sarsa maraming sibuyas na galing sa sahig!" Natawa nang maikli si Mikha. "Dumi mo talaga."
"Anong madumi?! Immunity booster to!" depensa agad ni Aiah, sabay akbay sa cute height ng asawa "Pero seryoso, Mikhs... napapagod ka ba sa akin?"
Napatigil sila sa paglalakad sa gilid ng kalsada. Tiningnan ni Mikha ang mukha ni Aiah may kaunting sarsa ng fishball sa gilid ng labi nito, pero ang mga mata ay puno ng tapat na pagmamahal. Dahan-dahang inabot ni Mikha ang kanyang daliri at pinunasan ang sarsa sa labi ni Aiah.
"Minsan, nakakarindi ka" tapat na simula ni Mikha, na nagpataas ng kilay ni Aiah. "Minsan feeling ko nasa loob ako ng isang maingay na sitcom. Pero... ayaw ko ng tahimik, Aiah. Nasanay na akong maingay ang buhay ko basta ikaw ang dahilan." Ngumiti si Aiah yung ngiting abot hanggang tainga na walang ka-plastikan.
"Aww, sweet naman ng tuod ko!" sigaw ni Aiah sa gitna ng kalsada, sabay yakap nang napakahigpit kay Mikha habang bitbit ang dalawang plastic ng isda. "Kaya mahal na mahal kita eh! O siya, lakad na tayo nang mabilis, baka malusaw yung yelo ng bangus, mag-amoy Tondo ang apartment natin!"
Napailing na lang si Mikha habang hinalikan ang tuktok ng ulo ni Aiah habang naglalakad sila pauwi. Maingay, jologs, at medyo pabalang pero ito ang buhay na pinili niya, at wala na siyang ibang gustong makasama kundi ang kanyang maingay at paboritong misteryosa ng buhay niya.
