AO3 News

Post Header

Published:
2023-08-14 17:48:06 UTC
Original:
Ongoing DDoS attacks against AO3
Tags:

Mula mga 12PM UTC ng ika-10 ng Hulyo, 2023 hanggang 4PM UTC ng ika-11 ng Hulyo, hindi magamit ang Archive of Our Own – AO3 (Ating Sariling Sisidlan) dahil sa pag-atake sa pamamagitan ng distributed denial-of-service (DDoS). Gumawa kami ng mga pagbabago sa teknikal na setup ng AO3 para harapin ang bantang ito.

Hindi pa rin tumitigil ang mga pag-atake, pero ginagawa namin ang lahat para panatilihing tumatakbo ang AO3 nang may kakaunting gambala. Hindi namin alam kung sino ang may gawa ng pag-atakeng ito o kung ano ang kanilang motibo. May isang grupo online na nagsasabing sila ang responsable, pero walang dahilan para paniwalaan ito. Ayon sa mga eksperto sa cybersecurity, hindi sila mapagkakatiwalaang ugat ng impormasyon at binabaluktot nila ang kanilang mga kaugnayan at motibo. Kung nakakita ka ng pag-amin mula sa grupong ito, o mula sa kahit kaninong nagsasabi na alam nila kung sino ang responsable, nirerekomenda naming huwag agad maniwala. Dagdag pa rito, hinihikayat ka naming huwag magsabi ng masasamang salita laban sa mga grupong sinasabi o ibinabalitang kinakatawan nila.

Ginagawa namin ang aming makakaya para magbigay ng mga balita tungkol sa mga nangyayari sa AO3_Status Twitter at sa ao3org Tumblr. Gayunpaman, alam namin na hindi nakasubaybay ang lahat sa mga account na iyon o makakakita sa mga balitang ito, kaya ito ang mga kailangan mong malaman:

  • Walang nakuhang datos mula sa AO3. Hindi mo kailangang mag-alala tungkol sa iyong password o pribadong impormasyon. Gayunpaman, kung nanaisin mo, mayroong mga tagubilin sa aming FAQ kung paano magpalit ng password o baguhin ang email na naka-ugnay sa iyong account.
  • Sumubok kami ng ilang iba't ibang pagpapagaan at pagharang na paraan at mga pagbabago sa setting upang labanan ang pag-atake. Napagana nito ang site ng makailang saglit, pero hindi pa rin ito sapat para mapigilan ang pag-atake. Kalaunan, ipinatupad namin ang Under Attack mode ng Cloudflare bilang pansamantala—ngunit napakaepektibong—solusyon. Ang Cloudflare ay isang serbisyong nagbibigay ng karagdagang seguridad sa pagitan ng aming mga server at ng internet. Ang Under Attack mode ay hindi nilalayong maging permanenteng bahagi ng setup ng AO3. Lahat ng aming nilalaman ay mananatili sa aming mga server.
  • Maaaring makakita ka ng Captcha challenge kapag bibisitahin mo ang pahina ng AO3. Nangyayari iyon para malaman ng AO3 na ikaw ay tao at hindi robot. Alam naming nakakayamot iyon, at kami’y humihingi ng pasensya! Alam din naming hindi mabisita ng ibang browser at mas matandang mga device ang AO3. Pansamantala lamang ang mga aksyong ito at muling susuriin kapag natapos na ang pag-atake.
  • Bukod sa AO3, pinuntirya din ang website ng OTW (Organisasyon para sa Nagbabagong Katha) at ang aming form para sa donasyon (na nananahan sa serbisyo ng isang third-party). Nagsusumikap din kaming muling mabalik ang mga website, ngunit dahil dumadaan aming mga donasyon sa serbisyo ng isang third-party, hindi namin masasabi kung kailan ito muling ma-akses ng mga tagapagbigay ng donasyon.
  • Habang hindi gumagana ang form para sa donasyon, may isang manlolokong saglit na gumaya sa @AO3_Status na account sa Twitter para kumuha ng pera mula sa mga tagahanga sa ilalim ng maling pagkakakilanlan, ngunit suspendido na ang kanilang account ngayon. Mangyaring mag-ingat kayo sa mga gawaing humihingi ng donasyon para sa OTW o sa mga proyekto nito sa panahong ito, dahil baka may iba pang mga manggagantsong umaaligid. Makatatanggap lamang kami ng mga donasyon sa pamamagitan ng aming website kapag gumagana na ito.
  • Sa ngayon, pansamantala naming hininto ang form para sa Tulong at Katugunan at ang pahina para sa Mga Katanungan ukol sa Patakaran at Ulat ng Pang-aabuso. Ang huli ay partikular na pinuntirya ng napakadaming spam bilang bahagi ng pag-atake. Kaya’t nagkaroon bigla ng pang-seguridad na babala ang form na "Sorry, you have been blocked" (Pasensya na, pinagbabawal ka dito). Kung nakita mo ito, huwag kang mag-alala; hindi ka talaga pinagbabawal doon!
  • Itinigil namin ang mga hiling para sa paanyaya para sa mga bagong account sa AO3 bilang pag-iingat sa mga spammer. Kung mayroon ka nang paanyaya, maaari mo pa ring gamitin iyon para gumawa ng account . Kung ikaw ay nakapila at naghihintay para sa paanyaya, tatagal iyon nang ilang araw. Ipapaalam namin sa iyo sa Twitter at Tumblr kung kailan kami muling magpapadala ng mga paanyaya.
  • Anong magagawa mo para makatulong? Ipagpatuloy lamang ang paggamit ng AO3 gaya nang dati. Magbigay ng pugay at gumawa ng palatandaan sa katha ng isa’t isa gaya ng iyong nakasanayan, magpaskil ng mga bagong katha at kabanata, at mag-iwan ng maraming komento! Kung medyo mabagal ang site, subukan lamang ito muli. Patuloy naming gagawin ang lahat upang masigurong gumagana ang AO3 nang maayos para sa bawat isa, kahit na pawala-wala ito habang patuloy pa rin ang mga pag-atake.

Ititigil namin ang pagkomento sa post na ito dahil kasalukuyang nagaganap pa rin ang sitwasyon at kinakain nito ang atensyon ng aming mga boluntaryo, kaya hindi namin masusubaybayan o masasagot ang mga komento rito sa panahong ito.

Gayunpaman, nais naming ipaalam sa inyo na nakikita namin at nalulugod kami sa mga mensahe ng pagsuporta at nakakatuwang mga gif na ipinapadala ninyo sa mga tugon sa aming mga paskil at tweet nitong mga nakaraang araw. Lubos kaming nagpapasalamat sa inyong suporta!

Mga pagbabago ngayong ika-16 ng Hulyo, 2023, 11:55 UTC: Gumagana na ngayon ang kakayahang humiling ng paanyaya, ang form para sa Tulong at Katugunan, at ang form para sa Mga Katanungan ukol sa Patakaran at Ulat ng Pang-aabuso.