Post Header
Mula noong katapusan ng Disyembre 2024, ang Archive of Our Own – nakaranas ang AO3 (Ating Sariling Sisidlan) ng maraming panahon ng pagbagal, pagtigil ng operasyon, at mga kaugnay na isyu kagaya ng nawawalang email ng kudos at naantalang paanyaya. Tinutugunan namin ang sitwasyon, ngunit pinagtuunan din namin ng pansin ang ilang mahahalagang updates sa aming imprastraktura, kaya’t kahit naisin namin, hindi kami nakapaglaan ng sapat na oras upang mapahusay ang kakayahan ng sistema. Inaasahan naming magpapatuloy ang kaunting pagbagal at panandaliang pagtigil ng operasyon hanggang sa maihatid at ma-install ang aming mga bagong servers sa loob ng ilang buwan.
Una naming napansin ang bahagyang pagkapuwersa sa mga server na ginagamit namin para sa Elasticsearch (na nagpapatakbo ng paghahanap at pag-filter) sa kalagitnaan ng nakaraang taon. Hindi pa handa noon ang nais naming mga bagong server, kaya ginamit muna namin ang ilan sa mga ibang server upang ibaling ang bigat sa Elasticsearch habang hinihintay ang bagong hardware.
Sa kasamaang-palad, hindi pa handa ang mga hardware noong inilabas ito noong Oktubre, at hindi kinaya ng aming pansamantalang solusyon ang pagdami ng gumagamit ng site na karaniwan naming nararanasan sa pagtapos ng bawat taon. Dahil dito, nagkaroon ng panahon ng kapansin-pansing pagbagal sa mga nakaraang linggo.
Naging handa na sa wakas ang nais naming mga server ay noong unang bahagi ng Enero, at natapos rin namin ang proseso ng pagkuha ng mga mga presyo at pagpasa ng kahilingang mabili noong ika-15 ng Enero. Nakumpirma ang aming pagbili noong ika-28 ng Enero, ngunit aabutin pa ng ilang buwan bago mahatid at ma-install ang mga server.
Tinataya naming magiging handa ang mga bagong server ng Elasticsearch pagsapit ng unang bahagi ng Abril. Hanggang sa panahong iyon, maaaring maranasan ang mga sumusunod na isyu, lalo na sa mga oras ng kasagsagan ng trapiko:
- mas mabagal ang pag-load ng lahat ng pahina
- mas matagal mag-update ang mga pahinang pinapagana ng Elasticsearch tulad ng resulta ng paghahanap at listahan ng mga akda at palatandaan
- pahina ng mga error
- awtomatikong pag-check mula sa Under Attack na mode ng Cloudflare
- mahigpit na limitasyon sa mga kahilingan (paliwanag sa Ingles)
- mga aberya sa mga serbisyo tulad ng Wayback Machine o mga RSS na account ng Tumblr na umaasa sa mga bot, mga scraper, o iba pang awtomatikong kagamitan, na binibigyan ng mas mababang priyoridad upang unahin ang trapiko mula sa mga gumagamit ng site
Bukod sa mga bagong Elasticsearch na server, bibili rin kami ng limang database na server upang mapabuti ang kapasidad at tibay ng aming database cluster. Sa kasalukuyan, hindi sapat ang kakayahan ng aming database upang pagsabayin ang pagdami ng trapiko at ilang uri ng pagpapanatili sa site. Kaya naman minsa’y kinakailangan naming pansamantalang itigil ang operasyon ng AO3 upang ayusin ang mga isyu ng database, tulad ng aming maintenance noong Pebrero 7 (ang Tumblr post ay Ingles). Ang karagdagang hardware ay makakatulong upang maiwasan ang ganitong sitwasyon sa hinaharap, ngunit aabutin pa ng kaunting panahon bago makumpleto ang pagbili at pag-install ng mga server. Wala kaming nakikitang ang anumang isyu sa database habang hinihintay ito, at walang panganib na may mawalang datos.
Humihingi kami ng paumanhin sa mga abala, at lubos naming pinahahalagahan ang inyong pasensya at ang inyong bukas-palad na mga donasyon, na nagbibigay-daan upang makabili ng ganitong mga kagamitan.
Para sa update hinggil sa pagbagal, pagtigil ng operasyon, o iba pang isyu, mangyaring sundan ang @AO3_Status sa Twitter/X (sa Ingles) o ao3org sa Tumblr (sa Ingles). Kasalukuyan din naming isinasagawa ang pag-set up ng isang status account sa Bluesky (sa Ingles) at ang status page (sa Ingles), ngunit kasalukuyang inaayos pa ang mga ito at maaaring hindi pa kumpleto ang mga update rito, kaya’t mangyaring tignan ang Twitter/X o Tumblr para sa tiyak at kumpletong listahan ng mga update.
Isang organisasyong di-pangkalakal ang OTW (Organisasyon para sa Nagbabagong Katha) na sumasaklaw sa ilang mga proyekto, tulad ng AO3, Fanlore, Open Doors, TWC, at Ligal na Pagtataguyod ng OTW. Pinapatakbo ang buong organisasyon ng mga boluntaryo at dumepende lamang sa mga donasyon. Maaari niyong alamin ang higit pa tungkol sa amin sa pagbisita sa website ng OTW. Para sa karagdagang impormasyon tungkol sa aming mga boluntaryong tagasalin, na siyang nagsalin ng paskil na ito, maaaring tumungo sa pahina ng Komite ng Pagsasalin.
