AO3 News

Post Header

Kampanya Para Sa Pagiging Kaanib ng OTW, 17-19 Oktubre 2025

Tapos na ang pang-Oktubre na Kampanya Para Sa Pagiging Kaanib ng OTW (Organisasyon para sa Nagbabagong Katha) at ikinagagalak naming sabihin na natapos ito nang may kabuuang halaga na US$288,692.28. Ikinatutuwa rin namin na ang 7,339 na mga nagkaloob ng donasyon ay pumili na kumuha o magpanumbalik ng kanilang pagkakaanib, at nalampasan ang aming inaasahang 4,500 na kaanib.

Ang mga donasyong ito ay mula sa 8,753 katao na galing sa 79 na bansa: maraming salamat sa bawat isa sa inyo, pati na rin sa mga nagpaskil at nagbahagi ng balita tungkol sa kampanya! Hindi mapapanatili ang OTW kung wala ang mga miyembro nito mula sa iba't ibang panig ng mundo, at ang inyong patuloy na pagsuporta ay aming ipinagmamalaki at ikinagagalak! Masaya kaming malaman na ang aming misyon na suportahan, protektahan, at buksan ang kasaysayan ng mga hangang-katha at kultura ng mga tagahanga ay patuloy na tinatangkilik ng mga taong aming pinakapinahahalagahan: ang mga tagahanga mismo.

Kung binalak mong magbigay ng donasyon o sumali at hindi pa ito nagagawa, huwag mag-alala! Tumatanggap ang OTW ng mga donasyon sa buong taon at maaari mong piliin na maging miyembro gawa ng donasyong US$10 o higit pa. Ang pagkakaanib ay tumatagal ng isang taon magmula sa petsa ng iyong donasyon, kaya kung ikaw ay magkakaloob ng donasyon ngayon, ikaw ay makakaboto sa eleksyon para sa Lupon ng mga Tagapangasiwa ng OTW ngayong 2026, na mangyayari sa Agosto. Maaaring makuha ang aming mga natatanging regalo para sa pasasalamat kapag ikaw ay nagkaloob ng donasyon!

Muli, salamat sa aming mga kaanib, ang aming mga boluntaryo, at ang lahat ng sumusuporta sa OTW at ang mga proyekto nito. Sabik kami sa mga tagumpay na makakamtan natin sa darating na panahon.


Isang organisasyong di-pangkalakal ang OTW (Organisasyon para sa Nagbabagong Katha) na sumasaklaw sa ilang mga proyekto, tulad ng AO3, Fanlore, Open Doors, TWC, at Ligal na Pagtataguyod ng OTW. Pinapatakbo ang buong organisasyon ng mga boluntaryo at dumepende lamang sa mga donasyon. Maaari niyong alamin ang higit pa tungkol sa amin sa pagbisita sa website ng OTW. Para sa karagdagang impormasyon tungkol sa aming mga boluntaryong tagasalin, na siyang nagsalin ng paskil na ito, maaaring tumungo sa pahina ng Komite ng Pagsasalin.