Post Header

Papalapit na ang Pebrero nang mas mabilis pa sa ilaw, na ibig sabihing malapit na ang International Fanworks Day (Pandaigdigang Araw ng mga Hangang-Katha)—mas kilala bilang IFD—na namang uli! Sa Pebrero 15, magsasama-sama tayo para sa ika-12 na taunang IFD upang ipagdiwang lahat ng bahagi ng fandom, komunidad ng mga tagahanga, at hangang-katha—maging katha, likha, podfic, zines, filk, pagsasaliksik at iba pa—nang sama-sama!
Habang tayo’y naghahanda para sa IFD, kami sa OTW (Organisasyon para sa Nagbabagong Katha) ay nagnanais na marinig mula sa iyo kung ano ang naiisip mo tungkol sa tema ngayong taon: Alternate Universes! Ang Alternate Universe (AU) sa fandom ay maaaring tumukoy sa pagkakaiba sa canon, pagsusuri sa magkakaibang pangyayari at mga pagpipilian ng mga tauhan, isang AU na nakatema tulad ng maluwat at sikat na Coffee Shop AU, o isang mahalagang pagbabago sa pagbubuo ng mundo tulad ng mga hangang-kathang Omegaverse. Nais naming malaman—aling mga AU ang paborito mo? May nakasalubong ka na bang ideya para sa AU na binago ang buong pananaw mo sa isang bahagi ng canon? Anong mga headcanon ang higit na pinahahalagahan sa iyong (mga) fandom?
Magbabantay-bantay kami sa mga paskil tungkol sa mga AU na ibabahagi ng mga tagahanga, kaya i-tag ang iyong mga paskil gamit ang #IFD2026, at ibabahagi namin sila sa aming mga OTW social media account!
Sa mga susunod na mga linggo, ihahayag namin ang mga isasagawa naming pagdiriwang para sa IFD 2026. Ngunit nais din naming malaman ang gagawin ninyong pakikibahagi para rito! Noong Disyembre, nabanggit naming nais naming ipaalam ninyo ang mga kaganapang gagawin sa inyong mga komunidad para sa paparating na IFD. Maaari niyo pa ring isumite ang mga kaganapang ito sa pamamagitan ng form na ito (sa Ingles) hanggang Enero 28. Ipalalaganap namin ang mga ito kasabay ng aming sariling iskedyul bago ang IFD!
Ilulunsad rin namin ang Pista ng mga Katugunan sa Pebrero! Bago ng Pebrero 13, bantayan rin ang mga rekomendasyon patungkol sa mga AU!
Sabik na kaming marining ang iyong mga kwento tungkol sa inyong mga karanasan at kaganapan sa fandom ngayong IFD!
Isang organisasyong di-pangkalakal ang OTW (Organisasyon para sa Nagbabagong Katha) na sumasaklaw sa ilang mga proyekto, tulad ng AO3, Fanlore, Open Doors, TWC, at Ligal na Pagtataguyod ng OTW. Pinapatakbo ang buong organisasyon ng mga boluntaryo at dumepende lamang sa mga donasyon. Maaari niyong alamin ang higit pa tungkol sa amin sa pagbisita sa website ng OTW. Para sa karagdagang impormasyon tungkol sa aming mga boluntaryong tagasalin, na siyang nagsalin ng paskil na ito, maaaring tumungo sa pahina ng Komite ng Pagsasalin.
