AO3 News

Post Header

Published:
2026-02-07 21:35:58 UTC
Original:
What We're Doing for #IFD2026
Tags:

Pandaigdigang Araw ng mga Hangang-Katha

Parating na ang Pebrero 15, at oras na para maghanda para sa ika-12 na taunang pagdiriwang ng International Fanworks Day – IFD (Pandaigdigang Araw ng mga Hangang-Katha)! Ang tema ngayong taon ay Alternate Universes (AUs), at sa pagdiriwang ng #IFD2026, naghanda ang OTW (Organisasyon para sa Nagbabagong Katha) ng mga gawain para sa lahat. Tingnan ang listahan sa ibaba upang malaman kung paano kayo maaaring makisali!

  • Pista ng mga Katugunan: Hindi ito magiging IFD kung wala ang aming taunang Pista ng mga Katugunan! Ito ang iyong pagkakataon upang ibahagi ang iyong mga paboritong Alternate Universe na hangang-katha at makatanggap rin ng mga kapalit na rekomendasyon. Hanapin ang aming paskil ukol sa Pista ng mga Katugunan sa Pebrero 10, at mag-iwan ng komentong naglalaman ng 10 na rekomendasyon na hangang-katha para sa iyong mga kapwang tagahanga. Sa social media, gamitin ang tag na #FeedbackFest sa pagpaskil.
  • Ibahagi ang iyong mga hangang-katha: I-tag ang iyong sariling AU na hangang-katha sa Archive of Our Own – AO3 (Ating Sariling Sisidlan) gamit ang International Fanworks Day 2026, o ipaskil ang mga ito sa social media gamit ang mga tag na #IFD2026 o #IFDChallenge2026!
  • Hamon sa Fanlore: Hindi nagtatapos sa AO3 ang mga kasiyahan! Ang Fanlore, ang wiki ng OTW na naglalaman ng kasaysayan at kultura ng mga tagahanga, ay nagdiriwang din! Mula Pebrero 10 hanggang 16, makiisa sa Fanlore para sa bagong mga hamong pamatnugot na ikinukumpleto araw-araw. Para makilahok, sumangguni sa IFD 2026 Fanlore Challenge na pahina para sa karagdagang impormasyon.
  • Mga Palaro at Usapan ng mga Tagahanga: Sa Pebrero 15, magbibigay daan kami sa taunang pagbukas ng Discord server ng OTW para sa IFD. Makiisa sa amin mula alas-21 UTC ng Pebrero 14 (Anong oras iyon para sa akin?) hanggang alas-3 UTC ng Pebrero 16 (Anong oras iyon para sa akin?) para maglaro at makipagkwentuhan sa ibang mga tagahanga! Ang chat room ay pangangasiwaan gamit ang Ingles, at magpapaskil kami ng detalyadong iskedyul sa ika-14.

Inanyayahan ka rin naming ipadala sa amin ang iyong mga kaganapan sa komunidad para sa IFD na ito, kaya bilang karagdagan sa ginagawa namin, narito ang ilang kaganapang pinangungunahan ng mga tagahanga:

Ang mga Fandom Melody, Intertwined Edition

Ang kaganapang ito ay kasalukuyang isinasagawa at magtatapos sa Pebrero 28. Maaari kang magsumite ng mga akda sa anumang anyo, ngunit mas inuuna ang mga nakasulat na materyal.

Maaari kang matuto nang higit pa sa kanilangPahina ng impormasyon tungkol sa kaganapan.

Kamusta, Sinta

Ang all-fandom na fic at art fest na ito ay gaganapin mula Pebrero 13 hanggang ika-15, at maaari kang magsumite ng mga gawa sa anumang wika.

Maaari kang matuto nang higit pa sa kanilangPahina ng impormasyon tungkol sa kaganapan.

FebUcomment

Ang kaganapang ito ay gaganapin mula Pebrero 1 hanggang ika-28. Layunin nitong hikayatin ang mga tao na magkomento nang higit pa sa mga fic (bago man o luma!), lalo na't ang Pebrero ang buwan na may pinakamababang bilang ng mga komento! Maraming kompetisyon ang maaring salihan at may iba pang mga masayang bagay na maaari mong gawin para mas mapatingkad ang iyong komento!

Maaari kang matuto nang higit pa sa kanilangPahina ng impormasyon tungkol sa kaganapan.

Lov bobříků s Fanpolis

Ang kaganapang ito ay gaganapin mula Pebrero 16 hanggang ika-22, at ito ay tungkol sa pag-edit ng fandom encyclopedia ng Fanpolis.

Maaari kang matuto nang higit pa sa kanilangPahina ng impormasyon tungkol sa kaganapan.

Kaluwalhatian ng mga Fanworks

Ang kaganapang ito ay gaganapin mula Pebrero 15 hanggang ika-28. Maaari kang makilahok sa kahit anong paraan na gusto mo, at magkakaroon ng hanay ng mga tanong na ibibigay upang maalala at maibahagi ng mga tao ang kanilang karanasan sa fandom!

Maaari kang matuto nang higit pa sa kanilangPahina ng impormasyon tungkol sa kaganapan.

Maraming salamat sa pagiging bahagi ng aming komunidad ng mga tagahanga. Kita kits sa #IFD2026!


Isang organisasyong di-pangkalakal ang OTW (Organisasyon para sa Nagbabagong Katha) na sumasaklaw sa ilang mga proyekto, tulad ng AO3, Fanlore, Open Doors, TWC, at Ligal na Pagtataguyod ng OTW. Pinapatakbo ang buong organisasyon ng mga boluntaryo at dumepende lamang sa mga donasyon. Maaari niyong alamin ang higit pa tungkol sa amin sa pagbisita sa website ng OTW. Para sa karagdagang impormasyon tungkol sa aming mga boluntaryong tagasalin, na siyang nagsalin ng paskil na ito, maaaring tumungo sa pahina ng Komite ng Pagsasalin.