Actions

Work Header

slambook

Summary:

Naaalala niyo pa ba ang inyong mga sagot sa slambook circa 1990s? Kasi si Chanyeol, kabisado pa ang lahat. Paano ba naman? Eh si Baekhyun ang sagot niya sa bawat tanong.

Ito ang love story ni Chanyeol na siya lang ang may alam.

Notes:

Hi! Dapat talaga ay entry ko 'to sa Paraluman pero sa simula lang ako magaling. Ngayon ko lang siya natapos at hindi ko na rin sinunod ang prompt... kaya based on a true story na lang joke! Ambag ko sana ang carbonara na ito para mabawasan kahit papaano ang kalungkutan natin sa pagpasok ni Chanyeol sa PBB house. Isang Chanyeol-centric Chanbaek fic para sa inyo!

Nakikinig ako sa Alumni Homecoming ng Parokya ni Edgar for the vibes.

(See the end of the work for more notes.)

Work Text:

December 28 noon. Tapos na ang pasko pero tandang-tanda pa ni Chanyeol ang regalo ng tito niyang muntikan nang hindi magparamdam. Beyblade? Isang deck ng Yu-gi-oh? Gameboy?! Ang madalas na tawag kay Chanyeol noong maliit pa siya ay “bilog,” dahil ang mga pisngi niya ay parang siopao at dilat na dilat ang mga mata. Kaya may ilalaki pa pala ang mga ito sa tuwa nang iabot kay Chanyeol ang mahabang regalo na nakabalot sa Manila paper…

Mga paputok.

 

Agad-agad na tumakbo si Chanyeol palabas mula sa mama niyang sumisigaw ng, “Chanyeol! Chanyeol! Magpabantay ka kay ate mo—Batang ‘to,” para paputukin na agad ang mga poppop niya sa kalye. Habang pinagmamasdan ang mga kumukuti-kutitap na paputok sa aspalto, nasilayan ni Chanyeol sa katabing bahay ang isang batang nakaupo sa gutter, nakabusangot pa habang yakap-yakap ang isang bagong bukas na regalo. Siguro hindi na siya sisimangot kapag binatuhan ko siya ng poppop sa paa.

Biglang napahinto si Chanyeol sa mga maliliit niyang hakbang nang nagkatama ang mga mata nila ng bata, at hindi niya nasilayan ang pagkunot ng noo nito dahil muli na namang yumuko ang batang lalaki, “Bakit ka umiiyak?”

Kaunti pa lang ang mga salita na alam ni Chanyeol, kaya napailing na lang ang kausap dahil, “Hindi ako umiiyak! Nagtatampo lang.” Nagtatampo? Narinig na ni Chanyeol ang salitang ‘yun dati ah.

Sumimple siyang umupo sa tabi nito at ipinakita ang mga hawak na lusis, “Kapag hindi ka na nagtatampot, bibigyan kita nito,” na sinundan naman agad ng, “Tampo sabi ko! Hindi tampot,” pero kahit napatulala ang bata sa bigay ni Chanyeol ay yumuko na lang ito ulit sa kanyang mga braso. Batuhan ko na kaya siya ng poppop sa paa , “Ano ba dapat gawin para hindi ka na magtampo?”

Hindi marinig ni Chanyeol ang ibinubulong ng bata dahil natatakpan ng braso ang bibig niya. Ano? Buhurharbuwahar? Ano ulit ‘yun , “Sabi ko, ayaw nila sagutan ‘tong slambook ko eh regalo nga ‘to ni mama ko! Paulit-ulit ka ba,” at kahit maliit pa lang ay marunong nang mag-ugali ang batang mas maingay pa sa kwitis kung sumigaw. Sisiw pa lang pero panabong na.

“Eh ‘di palit tayo,” kaya inabot ni Chanyeol ang lusis kasabay nang pagsigla ng mga mata ng batang nag-abot din ng Red Power Ranger slambook at magic pencil.

Abalang-abala si Chanyeol habang tinitignan ang mga unang nakasulat, at paikot-ikot naman ang batang may hawak sa nakasinding lusis. Welcome to my Slambook! What is your name? Nang maubos ang ilaw mula sa sinindihang paputok ay tumakbo agad ang bata para umupo muli sa tabi ni Chanyeol, “Ako si Baekhyun. Ikaw?”

Kaya napangiti si Chanyeol dahil may bago na naman siyang natutunang salita. Baekhyun… Baekhyun… Baekhyun… ang tumatakbo sa isip ni Chanyeol habang tinatapos ang sinusulat sa slambook. P... A… R… K. Chanyeol Timothy L. Park.

“Laro tayo ulit bukas ha.”



Isang pader at malaking halaman ng santan lang ang pagitan ng mga bakod ni Chanyeol at Baekhyun, kaya kapag gabi na at kailangan na nilang umuwi mula sa paglalaro, sumisilip sila sa isa’t-isa at gumagawa ng mga kwintas gamit ang pinagkabit-kabit na santan.

Minsan ay nagtataka si Chanyeol sa tapang ni Baekhyun, dahil kapag papagalitan siya ng nanay niya sa nakakalat na mga maliliit na bulaklak, ngingitian lang niya ito at babatiin ng, “Mama, ginawan po kita ng kwintas!” kaya nang ginaya ni Chanyeol ang ginawang palusot ni Baekhyun, piningot lang siya ng ate niya at pinagwalis ng bakuran.

Magkasingtangkad lang naman sila ng bestfriend niyang si Baekhyun, pero mas mukhang madaling itulak si Chanyeol eh, kaya kinakayan-kayanan lang siya ng iba nilang mga kalaro, “Huwag niyo ngang tawaging Tenga si Chanyeol!”

Nickname ko po? Si Baekhyun lang po ang pwedeng tumawag sa akin ng “Tenga.” Kapag nagkapikunan tuloy ang mga bata sa kalsada, makikita na lang si Baekhyun na may hawak na tsinelas sa isang kamay, at nakaakbay naman ang kabila sa isang Chanyeol na nagpupunas ng uhog gamit ang dulo ng puting sando niya.



Kapag sa isang subdivision nakatira, madalas magkakaklase rin ang mga bata. Where is your school? Simula grade 1 ata, sabay nang pumasok at umuwi si Chanyeol at Baekhyun sakay ng serbis nilang dilaw na van. Habang nasa trabaho pa ang mga magulang ni Baekhyun, tatambay muna siya sa bahay nila Chanyeol at sabay silang kakain ng pancit canton, pandesal, at zesto orange. Gusto ni Chanyeol kapag nasa bahay si Baekhyun, dahil manunuod muna sila ng pang-hapong anime habang suot pa ang pinagpawisang uniform.

Kahit nakatulala silang dalawa sa laban ng dalawang ninja, pahapyaw na sumasabit sa isip ni Chanyeol ang sagot niya kanina sa recitation. What is your dream, Chanyeol Timothy? “Ma’am, ang makumpleto po ang mga DVD ng Naruto Season 1 hanggang 4,” para sabay silang manunuod ni Baekhyun sa bakasyon.

Alas sais pa lang ng umaga hanggang alas syete ng gabi, palagi na silang magkasamang dalawa… Kaya isasama ko na lang din si Baekhyun sa mga pangarap ko. Pero nabura ang hiling niyang ‘yun nang nasilayan ni Chanyeol sa malayo ang pagkunot ng noo ni Baekhyun. Nanalo kasi si Chanyeol na escort sa class election nila eh... at si Wendy naman ang napiling muse dahil crush siya ng buong klase, “Baekhyun, ‘wag ka na magalit. Ikaw na si Sasuke para mas astig ka. Pansinin mo na ako!”



Noong elementary, nauso ulit ang pagsusulat sa slambook: Who is your crush? Grade 4 na sila nang maramdaman ni Chanyeol na, “Normal din ba ‘yun ‘pag dalawang boys,” dahil sa bawat titig niya kay Baekhyun ay mas napapangiti pa siya, kaysa kapag kinakausap ang kaklase nilang si Wendy. Palagi kasing tinutulak si Chanyeol kapag dumadaan ang muse ng klase nila eh. Kung gusto niyo si Wendy, eh ‘di kayo na lang tumabi. Kaya lang... si Baekhyun din ata nakikiagaw. Gusto pa naman ni Chanyeol na seatmates sila palagi. 

Pero wala naman talagang pakielam si Chanyeol sa mga crush-crush. Umaga hanggang gabi, ang iniisip lang ni Chanyeol ay kung paano makukumpleto ang limang Exodia Yu-gi-oh cards niya, dahil ulo at kanang paa pa lang ang mayroon siya. Kung may magbibigay man sa kanya ng kulang, baka ‘yun na lang siguro ang crush niya.

At noong paskong ‘yun, niregalo ni Baekhyun kay Chanyeol ang mga luma niyang Yu-gi-oh cards, “Pogs na kasi ang uso,” at lumabas lang sa kabilang tenga ni Chanyeol ang sinabi dahil hiniram niya ulit ang slambook ni Baekhyun. Hindi na red power ranger, kasi si sasuke na ang litrato nito sa harap. Who is your crush ba kamo? Hanggang letter B lang ang kaya niyang isulat.

 

Sa ganitong edad kasi ng elementary, ang crush ng mga bata ay si Angewomon, “Alam mo ‘yun? Sa Digimon?” Panigurado, si Baekhyun, alam ‘yun. Swak kami eh.

Pero diba ganoon naman talaga ang crush? Hindi lang ‘yun sa kung paano hawiin ni Wendy ang buhok niya sa likod ng tenga… kung ‘di kung paano ipinahid ni Baekhyun ang pawis na buhok nito sa uniform ko.

Hindi lang ‘yun sa kung paano tinatakpan ni Wendy ang mga ngiti sa likod ng panyo… kung ‘di kung paano ayusin ni Baekhyun ang bimpo ko sa likod habang tumatawa nang malakas, kasi nataya ko sa laro ang bully ng klase namin.

 

May isa pang dapat sagutan si Chanyeol sa slambook na niregalo kay Baekhyun noong Christmas 2006: Define Love. Pwede namang kopyahin ni Chanyeol ang mga sinulat ng iba eh. Love is like a mystery, full of rosaries? Hala, sinong nagsulat nito? Love is like a box of chocolates... kaya pahingi. Bakit ang pangit ng mga sinusulat niyo?

Wala bang katulad ng nararamdaman ni Chanyeol, kapag nakikita ang mga matang palagi niyang naiisip na halos pumikit kapag nananalo sa gameboy? O kaya naman ay ang pagkaripas ni Chanyeol ng takbo kapag tinatawag na ang pangalan niya mula sa gate, dahil, “Tita, si Chanyeol po?”

O kaya ay ang pag-iyak niya nang umuwi si Baekhyun sa probinsya para magbakasyon?

Hindi pa yata talaga sapat ang mga salitang alam ni Chanyeol to define love. Mag-gegrade 6 pa lang kasi siya eh... kaya binasa na lang niya ang mga sinulat ni Baekhyun sa slambook. 

Red ang favorite color ng bestfriend niya. Sige, paborito ko na rin ‘yun. Malapit naman ‘yun sa green eh. Ang favorite food naman ni Baekhyun ay hotdog na nakatusok sa repolyo. Sa birthday ko, may marshmallow pa!

At sa huling pahina na sinulatan ni Baekhyun, ang nakasulat sa who is your crush ay si… Wendy. Kaya binalikan ni Chanyeol ang mga tanong na tungkol sa kanya, at sinundan ang sinulat na letter B... ng “arney.”



Describe yourself. High school na nang mapansin ni Chanyeol na nakayuko na pala siya kapag kinakausap si Baekhyun, kasabay nang mapansin niyang may tumutubo na ring pimples sa kanyang noo. Naalala niyang nagkaganito si Ate Yoora noon eh... Ibig sabihin magkaka-tigidig din ako?

“Pero bakit si—,” Baekhyun. Oo, nakatitig na naman si Chanyeol kay Baekhyun, na uniform lang ang nagbago mula noong grade 6 sila at ang mga pisngi nito ay parang pwet pa rin ng baby sa Pampers commercial, habang nakikipag-usap si Baekhyun sa isang transferee na nagngangalang Hera.

Marami talaga ang bagong mukha na makikita kapag first year high school ka na… katulad din ng magandang estudyante na bukambibig ng mga seniors, “si Dara,” kaya lang fourth year high school na ‘yun eh.

At mukhang may gusto rin ata si Baekhyun sa kanya, dahil dinudungaw niya ito sa bintana ng classroom nila tuwing PE ng mga fourth year sa basketball court.

Hindi alam ni Chanyeol kung ayaw niyang ginagawa ni Baekhyun ‘yun dahil nauna si Chanyeol na magka-crush kay Ate Dara, “May Wendy ka na eh!” 

Or baka naman ay ayaw lang talaga ni Chanyeol na kwentuhan siya ni Baekhyun nang paulit-ulit, “Ang ganda talaga ni Ate Dara ‘no… Kung kasing tangkad mo ako, Chanyeol, liligawan ko na ‘yun.”

Kung ganoon pala ay dyan ka na lang sa ibaba. Okay lang naman ang weather namin dito.



Kung si Mario Maurer ay patok na patok sa mga kaklase niya, sa ganitong edad kasi ng high school, ang crush naman ng mga binata ay si Maria Ozawa, “Kilala mo ‘yun?” Panigurado, si Baekhyun, kilala ‘yun. Swak kami eh.

Isang beses, pinuslit ni Baekhyun ang phone niyang de tiklop at pinanuod nilang dalawa ni Chanyeol ang video ni Maria Ozawa sa fire exit. Dinownload pa ni Baekhyun ‘yun sa Utorrent ng bulok na laptop ng kuya niya.

Doon nalaman ni Chanyeol, na hindi pala siya para sa bulaklak... at hindi rin naman siya para sa santol. Describe yourself more. Hindi pa naman sigurado ni Chanyeol ‘yun eh. 

Maraming mga bagay sa mundo na wala pa siyang kasiguraduhan, katulad ng una, hindi pa nagrereview si Chanyeol sa exam nila. Pangalawa, hindi niya sigurado kung tutuloy pa ba siya sa Robotics competition dahil nagkasakit ‘yung totoong school representative, at panghuli, kung magpapahila ba siya sa mga bulong ng mga higher year, “Mag-tryout ka na kasi sa basketball team.”

Basta ang sigurado, gusto niya ang pagtawa ng mga mata ni Baekhyun... dahil muntikan na silang mahuling nanunuod ng porn sa recess.

Pero hindi rin alam ni Chanyeol kung ano ba talaga ang ikinababadtrip nilang dalawa, “Gagraduate na si Ate Dara. Wala nang maganda rito,” at sumang-ayon na lang si Chanyeol sa isang nagmamaktol na Baekhyun. Maganda naman si Irene ah? Tsaka si Sunny? Si Jopay? Si Cheche? Tsaka ikaw?




Parang kailan lang, ang kalaban ni Chanyeol sa basketball ng School Intrams ay mga kapwa niya Grade 5 at Grade 6. Ngayong second year, nakikipagbalyahan na siya sa mga graduating students.

At ano pa ba ang mga mabilis sa panahon ngayon? Siguro ay ang mga schoolmates ni Chanyeol na binibili siya sa Friends for Sale at... ang mga gumagapang na pimples sa gilid ng kanyang mga pisngi. Nanganganak ba kayo sa gabi?

Pero burado sa isip ni Chanyeol ang 2nd year dahil hindi niya nakita sa 1st day si Baekhyun, at rinig na rinig pa rin ni Chanyeol ang sermon ni Mama, “Kaka-computer mo kasi ‘yan,” kaya siya tuloy nalaglag sa Section B.

At ang taong din ‘yun sa high school ang unang beses na parang nawasak ang puso ni Nasty Mack… What is your motto in life? “Eh ‘di putangina na lang,” dahil habang wala si Chanyeol sa higher section, sinagot na pala si Baekhyun ng nililigawan niyang si Suzy.

Okay lang, hindi naman gaanong masakit eh kahit kabisado na yata ni Chanyeol sa gitara ang chords ng Magbalik. Tenenewn, tentenenewn. Simula noon, nag-aral na nang mabuti si Chanyeol pero dota is life pa rin. Kailangan niyang bumalik sa pilot section dahil ang gusto niya, si Baekhyun ang kumakanta sa jamming sessions kapag wala pang teacher. Wala na ang dating pagtingin… dung dung.

Pero mukhang nasobrahan ata si Chanyeol sa pag-aaral, dahil bukambibig na siya ng student body. Hinahanap ng hintuturo ni Chanyeol ang kanyang pangalan sa listahan ng Over-all Quarterly Honor List for 2nd Years at ayun… 3rd honor, Chanyeol Timothy L. Park. Dumami tuloy ang mga lumilingid na tingin dahil, “Matalino, matangkad, varsity ng basketball, tapos tumutugtog pa ng gitara... May nililigawan na kaya si Chanyeol?”

Kalaunan, naging crush na rin siya ng karamihan sa student body... at kasama na rin doon ang girlfriend ni Baekhyun, kaya kahit kaka-third monthsary pa lang nilang dalawa ay nakipagbreak na si Suzy sa kanya.

“May iba na raw siyang gusto,” sabay mura ni Baekhyun dahil mamamatay na ang dota hero niya. Napakamot na lang si Chanyeol sa ulo kasi bigla niyang naalala na may nakuha siyang sulat sa locker kanina... at mula ‘yun kay Suzy.



Kahit hindi magkaklase si Chanyeol at Baekhyun ay sabay pa rin silang naglalakad pauwi, dahil iniipon nila ang baong pera pang-open time sa computer shop.

May mga araw ding nagmemeryenda na lang silang dalawa ng tusok-tusok sa tindahan katapat ng school, habang nagmamasid sa mga dumadaang estudyante na pauwi na rin. 

“Ligawan ko kaya ‘tong si Irene,” pero napailing lang si Chanyeol dahil, “hindi ‘yan kumakain ng fishball,” sabay huling kagat, “Dalian mo, Baekhyun! Puno na sa kompyuteran!”

 

What are your hobbies? Ang mga hilig mo ay hilig ko na rin. Magaling kasi si Baekhyun sa Math kaya nabulungan itong sumali sa Math club, at kahit hindi naman umabot sa lower section ang mga bulung-bulungan, sumali na rin si Chanyeol. Eh secretary pa naman siya ng Music club, president ng section B, anak ng Mama niyang lumalaki ang donasyon sa school, estudyanteng pinag-iinitan ng higher section dahil consistent sa honor roll, at clan member ng b0szx An63lz.018_GM. Ang mga hilig mo ay hilig ko na rin.

Sa text clan ding ‘yun naramdaman ni Chanyeol ang unang pagtibok ng puso niya para sa mga matang halos pumikit din kapag ngumingiti… Una nga ba? Parang pamilyar kasi eh.

First time din ni Chanyeol na manuod ng sine bilang isang, “Naku! Binata na ang anak ko,” kasama ang kaklase niyang babae na nag-confess sa kanya sa locker area.

“Chanyeol, anong favorite movie mo?” at ang tumatakbo lang sa isip niya ay kung paano nila pinanuod ni Baekhyun ang lahat ng Harry Potter movies noong huling bakasyon... nang tatlong beses.

Sinundan pa ito ng isa pang, “Sino namang paborito mong banda?” at rinig na rinig ni Chanyeol ang tinig ni Baekhyun kapag magsisimula na itong kumanta,

 

“Look at the stars; Look how they shine for you,”

 

habang nakahiga sila sa ilalim ng puno sa playground ng subdivision nila. Paborito kasi nilang dalawa ang Coldplay eh.

Lumipas ang mga araw at wala namang nagbago: Naglalakad pa rin sila ni Baekhyun pauwi, kumakain ng fishball bago maglaro, at nag-oopen time hanggang maubos ang baon nilang singkwenta.

“Siguro nga, may iba ka talagang gusto, Chanyeol. Pero bago tayo magbreak, pwede ko bang malaman kung sino?” at ‘yun na yata ang huling narinig ni Chanyeol mula sa kanyang unang girlfriend na tumagal naman ng tatlong buwan… or apat? Hindi ko matandaan.

First heartbreak? Parang hindi naman masyadong nasaktan si Chanyeol… Tsaka hinihintay na pala siya ni Baekhyun sa labas ng classroom nila.



Unang araw na naman ulit, at abot-tenga ang ngiti ni Chanyeol dahil hindi na sila maghihiwalay ni Baekhyun sa gate kapag flag ceremony. Magkaiba kasi ang pila ng mga klase nila noon at palaging nasa dulo ng court ang mga lower section. Okay lang. Kita ko naman ang bumbunan ni Baekhyun mula rito eh.

Pero dati lang ‘yun kasi nakabalik na si Chanyeol sa pilot section sa sumunod na taon, at isa yata ‘yun sa mga pinakamasayang alaala ng Mama niya, “Okay pala na tutor si Baekhyun sayo, anak eh,” kaya binigyan sila ng tig-dalawang daan para ubusin sa kompyuteran at isaw.

Syempre ay ayos na ayos kay Chanyeol na iisang pila na lang sila ni Baekhyun kapag flag ceremony... Magkahiwalay nga lang ng pwesto. Palagi kasi siyang nasa dulo kasama ang mga kaklase nilang varsity players eh, at si Baekhyun naman ang pang-apat sa harapan.

Ang ayaw niya lang sa umaga ay kapag nakikipagtawanan si Baekhyun sa katabi nito sa pila ng girls. Last year lang kasi nag-transfer si Lisa kaya hindi siya naabutan ni Chanyeol. Wala namang nakakatawa sa Lupang Hinirang.



Balik na naman sila sa dating gawi. Sa pagligo na nga lang ata makikitang magkahiwalay ang dalawa eh. Madalas pa nga, sa kwarto ni Chanyeol nag-aaral si Baekhyun habang hiram-hiram ang pajama nito. Wala na naman kasing tao sa bahay nila.

Wala ring pagkain. “Wala rin si mama at papa palagi,” pero kahit ganoon, hindi nawawala ang mga hagikgik at pang-aasar ni Baekhyun kay Chanyeol kapag ayaw pa nilang matulog, “Dating sementeryo nga raw ‘yung school,” habang pinipilit agawin ni Baekhyun ang kumot na nakatakip sa mukha ni Chanyeol, “Ang laki mong bulas, matatakutin ka.”

 

Eh, what is your fear nga ba? Mag-iisang linggo na yatang hindi nagpapansinan si Chanyeol at Baekhyun. Shet. Pagkatapos ng klase, diretso na agad si Chanyeol sa basketball training hanggang alas singko ng hapon, pero kahit umabot pa siya ng alas otso, okay lang. Wala naman nang naghihintay sa kanya para kumain sa tindahan ng tokneneng eh.

At hindi niya rin alam kung nasaan si Baekhyun kaya ‘wag mo na akong tanungin, sabay shoot sa bola para hindi na mangulit ang ka-varsity niyang si Sehun, “Gulat lang ako, ‘tol… Hindi ka kasi niya hinihintay sa bleachers eh.”

 

Oo, ‘gulat din ako. Sino ba namang mamasamain ang pigilan siyang lumayas sa bahay nila? Hinanap kasi si Baekhyun ng mga magulang niya noong Sabado dahil buong araw na palang wala ito sa bahay, at may morning training si Chanyeol kapag weekends kaya tanghali ng Linggo na nang malaman niyang hindi umuwi si Baekhyun sa kanila.

Hindi pa nga nakakapagpalit ng damit si Chanyeol eh, nang tumakbo na siya sa malapit na kompyuteran, nagbabakasakali, pero alaws . Wala rin sa ihawan. Wala rin sa oval na iniikutan ni Chanyeol at Baekhyun kapag summer at bagong grasa ang kadena ng mga bike nila.

Kaya nang nakita ni Chanyeol si Baekhyun, na nakahiga sa malaking sanga ng punong madalas nilang tambayan sa playground, ay agad niyang binulyawan ito, “Baekhyun! Bakit ka nandyan?! Bumaba ka nga,” kaya malaking ngiti ang pumalit sa naalimpungatang mukha ng tinawag.

At sa pag-amba ni Baekhyun na bumaba mula sa puno, “Ang aga mo, boy! Hapon ang sabi ko ah,” para mag-computer! Ang alam ni Chanyeol ay sa kompyuteran sila didiretso! Hindi naman siya naabisuhang may ibang balak na pala si Baekhyun kung bakit pinagdadala niya ng damit si Chanyeol, “Saan na ‘yung bag mo— Ay, okay lang. May dala naman akong kasya sayo eh—”

Alam ni Chanyeol na pangarap ni Baekhyun ang pumunta sa Sagada… pero hindi ‘yun ngayon at hindi ‘yung hindi ka nagpaalam?! Singkwenta nga lang ang pera ni Chanyeol sa bulsa eh, at ang lagkit pa ng batok niya sa pawis.

Nang hinila ni Baekhyun ang braso nito para makatawid na sila sa tulay, marahang pumiglas si Chanyeol at, “Baekhyun, hindi pwede—”

“Anong hindi pwede,” at natanto ni Baekhyun na baka, “Ah, hindi ka pa kumakain? Kakain na lang tayo sa bus—”

 

Pero nabura ang ngiti ni Baekhyun, ang tanging pinaka-sigurado sa lahat ng mga ipinagtataka ni Chanyeol, nang marinig nila mula sa malayo ang, “Baekhyun, anak,” at sabay silang napalingon dahil kitang-kita ang umuusok na tenga ng tatay niya at ang mangiyak-ngiyak nitong mama, “Salamat, nahanap ka ni Chanyeol, anak!”

At ang huling narinig na lamang ni Chanyeol mula kay Baekhyun ay, “Sana sinabi mo na lang kung ayaw mong sumama... Basag trip.”

 

Ilang araw na ang nakalipas na mag-isang sumasakay sa jeep si Chanyeol kapag umaga dahil hatid-sundo na si Baekhyun, at kapag nasa school naman, hindi siya kinikibo. Pataasan talaga sila ng ihi.

What is your fear Eh bakit ako matatakot? Isang gabi, umakyat na lang si Chanyeol sa malaking pader na naghihiwalay sa mga bahay nila ni Baekhyun, at sinubukang ilagan ang mga halamang santan sa taas para pilit katukin ang bintana.

Muntik pa siyang mahulog sa gulat nang maingay na binuksan ni Baekhyun ang kurtina, “Para kang tanga, Chanyeol.” Ang lutong.

Nilabas ni Chanyeol ang bago niyang PSP mula sa bulsa ng jersey shorts para iyabang , “Papahiramin kita ng PSP buong araw. ‘Wag ka na magalit,” at dinagdagan pa niya ng, “Kahit dalhin mo pa sa school bukas—Totoo nga.”

At noong gabing ‘yun, nakahiga lang sila sa kama ni Baekhyun habang pinapanuod siya ni Chanyeol maglaro ng Tekken. Tahimik ang paligid maliban sa mga pew pew at boom game over. ‘Yung mga ngiting pinaka-sigurado sa lahat ng pinagtataka niya, at may kasama pang, “Lilibre na lang kita ng minute burger bukas, Baekhyun. May cheese rin.”

 

“Okay… Tsaka palaro ulit ng PSP.” Ano nga ba ang pinakamasayang alaala? Happiest moment, kumbaga…

Ito. Ito na ‘yun.




Parang buwan-buwan na lang ay may badtrip na nangyayari. Championship na nila Chanyeol sa basketball, nabonak pa. Gusto pa naman nilang iuwi ang trophy bilang last year na sa high school. Tsaka, wala na rin pala siya sa listahan ng running for valedictorian dahil ball is life, pero hinding-hindi na siya babalik sa lower section ah!

Oks na ang tamang aral lang para pumasa sa university na gusto ni Baekhyun, “Sure ka na ba talaga sa Civil Engineering, Chanyeol? Diba ang gusto mo Med?”

Pero okay lang din naman siya sa kahit anong course, “Oo, gusto ko nga! Diba nga tumutulong tayo gumawa ng stage kapag Buwan ng Wika,” pero sa totoo lang, mas iniisip talaga ni Chanyeol ang dorm nila ni Baekhyun malapit sa UST.

Pero buwan-buwan na nga lang ba talagang may badtrip na nangyayari? Pagod na siyang maging malungkot. Mag-isang naglalaro si Chanyeol sa computer shop—hindi naman talaga mag-isa… 4v4 pa nga sila nila Jongin at Sehun eh—at pahirapan pa ba talagang pilitin ang dalawa na samahan siya sa ihawan mamaya, “Ang layo kasi ng inyo, pre—”

“Hanep, wala ‘yung mas adik! Nasaan si Baekhyun,” nang masilayan ng iba pa nilang mga kalaro ang bakanteng PC #4 na paborito nito, “Lokong-loko na sa syota?”

Tss, tangina niyo. Kaya tinadtad ni Chanyeol ng bala ang player ni Jongdae para kainin nito ang mga salita niya.

“Oy, ang gago neto eh!” Pinakyu tuloy siya ni Chanyeol sabay pagdila pa mula sa PC #3. Sana mabaho ang headset mo.

 

Minsan na nga lang ulit matulog si Baekhyun sa bahay nila Chanyeol, kung ano-ano pang pinagsasasabi, “Tsong, ayaw mong kasama sa prom si Mina? Nabanggit lang kasi ni—,” Nino, Baekhyun? Ng syota mo na naman? Lahat na lang ata ng napag-uusapan nilang mag-syota, kailangan alam ni Chanyeol.

Pati na rin na, sana raw makapasa si Baekhyun at ang girlfriend nito sa UST para hindi long-distance relationship. Eh bobo kaya ‘yun. Tinakpan na lang tuloy ni Chanyeol ang bibig para pigilan ang tawa. Nakakakupal pala talaga ang pagkabadtrip.

 

Huling araw na nga ng Pebrero, may pahabol pa ang buwan na ‘yun na ikababadtrip ni Chanyeol. Noong prom kasi, pumuslit sila sa basketball court para maglaro nang naka-suit. Pagbalik niya tuloy sa assembly hall, ang sama na ng tingin ni Mina at mga kaibigan nito sa kanya. Halata ring bagong iyak pa. Um-oo lang naman ako kasi sabi ni Baekhyun eh.

At mula naman sa malayo ay sinasayaw ni Baekhyun ang girlfriend nito to the tune of Ordertaker ng Kamikazee. Biro lang. Hindi na rin kasi maalala ni Chanyeol kung anong kanta ‘yun. 

Ang natatandaan lang niya ay suot ni Baekhyun ang coat mula sa aparador ni Chanyeol, parehas sila ng bulaklak sa bulsa ng dibdib, at binulungan siya ni Baekhyun kanina ng, “Tara, Mcdo tayo pag-uwi. Bitin ‘yung pagkain.”

 

May mga malulungkot na bagay na makakalimutan mo rin kinabukasan, at may mga malulungkot na pagkakataong babaunin mo nang matagal. Ikaw? What is your unhappiest moment? ‘Yung tipong masakit, ‘yung tipong nakakapagpatulala sa pader, ‘yung tipong hindi pumasa si Chanyeol sa Civil Engineering ng UST dahil bobo naman talaga ako sa Math. 

Nakatitig lang tuloy siya sa tarpaulin na nakapaskil sa labas ng school nila, habang kumakain ng kwek kwek sa tapat na tindahan kasama ni Baekhyun.

 

Chanyeol Timothy L. Park

University of the Philippines Manila

Bachelor of Science Basic Medical Sciences

 

John Baekhyun P. Byun

University of Santo Tomas

Bachelor of Science in Civil Engineering

 

“Paano ‘yun? Hindi na tayo magkadorm,” at muntikan nang mabulunan si Chanyeol sa durog niyang pugo, kaya isang higop muna ng Coke at, “Halfway? Or kahit mas malapit sa UST. Akala mo naman papayagan ka ng mama mong mag-dorm mag-isa.”

Sabagay, sabay lagok ni Baekhyun ng Sprite, until out of the blue, I’m feeling so true, bigla na lang sinabi sa akin that, “Break na kami,” kaya sa maanghang na sauce naman nasamid si Chanyeol. “Nalaman kong may syota rin pala siya sa kabilang school… kaya break na kami.”



“Malungkot ka?”

“Hindi,” sabay tapon ni Baekhyun ng baso sa basurahan, “Bobo naman ‘yun eh. Buti’nga wala pa siyang napapasang university.”

Kaya sayo ako eh.




“Bagay ba?” dahil pagtapak pa lang nila ni Baekhyun sa college, nag-salamin na agad si Chanyeol. Kaka-computer ko ‘to, “Bakit ganyan? Ang nipis tapos walang frame,” na binagayan pa ng malinis na tabas ng itim na buhok ni Chanyeol para mukhang med student, “Ito lang ang mura sa EO eh.” Ngayong naka-dorm na sila ni Baekhyun, bilang na ang barya nila sa pitaka hanggang makauwi ng probinsya kapag Sabado. Bakit kaya ‘yung iba nilang mga kaklaseng Manila kids, limang daan ang baon sa isang araw?

 

Napagkasunduan nilang dalawa na mag-dorm isang jeep ang layo sa pagitan ng UST at UPM. Alas syete nang umaga ang pasok ni Chanyeol at alas syete rin nang umaga natutulog si Baekhyun. Hanggang bilin na lang ata na, “Pakipatay lahat ng kuryente ha,” ang batian nila kapag gigising.

Si Chanyeol ang natutulog sa baba ng double deck dahil nakabukas ang lahat ng ilaw kapag madaling-araw habang gumagawa ng plates si Baekhyun, at sa itaas naman siya para hindi matakam sa lambot ng kama. Puro na nga gamit ang nakahiga roon eh.

Pero kahit ganoon man sila sa umaga, sabay naman sila araw-araw na kumakain ng hapunan sa paborito nilang karinderya. Trenta lang—bente sa ulam, sais sa kanin, tsaka kwatro sa half-rice na mukhang buo—busog na. Minsan, may baon pang tinapay si Baekhyun mula sa paborito nilang bakery ng bayan para may nginangata habang nagpupuyat.

 

Kaya lang, unang kalahating taon lang tumagal ‘yun, “May gusto akong ligawan,” at sa tanang-buhay ni Chanyeol, hindi na siya nagulat. Palagi naman siyang third wheel eh, “Kaklase ko.”

Lalaki rin naman si Chanyeol, kaya isang hagod ng highlighter sa libro, ang highlighter ng mga macho, at isang higop ng kape niyang 3-in-1, ang kape ng mga macho, “Bakit? Maganda?”

 

“Cute ngumiti… May dimples,” kaya natawa na lang si Chanyeol nang bahagya dahil baka epekto lang ‘yan ng nagkakaubusan ng babae sa Civil Engineering, “Uy, hindi ah! Papakilala ko na lang kapag okay na.”

At umabot na rin sa puntong madalas ay kumakain si Chanyeol ng karinderya takeout sa dorm mag-isa habang nagbabasa ng libro dahil kasama na naman ni Baekhyun ang girlfriend niya. Gagawa raw kasi sila ng plates... Weh. Libro, libro, libro. Kahit ilang beses nang aralin ni Chanyeol ang Anatomy of the Human Body, wala naman siyang kayakap na mainit na bisig sa gabi. Sana ay may metacarpals at phalenges na jumajakol sa kanya diba.

 

Dumadalas na rin naman ang pag-dinner ni Chanyeol kasama ang mga kaklase niya kaya kung maaabutan man nito si Baekhyun sa dorm, nagpeplates na ang dormmate agad. Kaunting, “Ano ‘yang dinodrawing mo, Baekhyun?” pero kahit hindi siya lingunin nito sa sobrang busy mag-linya, alam naman ni Baekhyun na naka-tore si Chanyeol sa likod niya, “Detail ng foundation.”

May pahapyaw rin minsan na, “Bayaran na ng bills ulit ha,” kaya kahit ngayon na lang sila uulit kakain nang sabay para sa hapunan, nag-siomai rice na lang sila para makatipid. Para na rin makapag-plates na agad si Baekhyun. Para na rin makahiga si Chanyeol habang nakatitig sa ilalim ng top bunk ni Baekhyun.

 

Namimiss na nga niya ang bestfriend eh.

 

Pero Friday ngayon, at sakto na ang pamasahe niya kapag umuwi sila ni Baekhyun kinabukasan. Kaya presko out of uniform, naka-puting t-shirt at medyo mahabang boxers, bibili na lang ulit si Chanyeol ng favorite food niyang dalawang Jumbo Giniling at Delight na malaki.

 

“Kakain lang po, Manang,” ang bati ni Chanyeol sa bantay bago lumabas ng gate sabay check sa phone kung may nagtext… kahit galing kay Baekhyun talaga ang inaabangan niya. Sabi nito manlilibre siya ng milktea eh.

 

Eh paano naman siya itetext ni Baekhyun?

Kung si Baekhyun ay nagtatago sa likod ng poste malapit sa dorm, at busy makipaghalikan… sa kaklase nitong lalaki?!

 

Hindi naman ako nakita, diba, habang kumakaripas ng lakad si Chanyeol sa kalyeng malayo ang ikot papuntang karinderya para lang makatakas… kay Baekhyun? Akala ko ba miss mo?

“Dine in or take out,” at pinili na lang ni Chanyeol ang kumain doon para maghabol ng hininga. At bilang dormer, matagal na rin siyang hindi nakakakita ng— ano ‘yan fucking TV.

Bakit pa kasi siya nag-half rice na kwatro ang presyo pero mukhang whole? At bakit parehas sila ng paboritong karinderya ni Baekhyun? Nasamid tuloy siya nang may umakbay sa kanya, “Buti nasaktuhan kita! Kakain pa lang ako eh… Mamaya lilibre kita milktea.”

Ate, pahingi pa nga po ng sabaw para mahimasmasan ako.

 

Milktea sa kanang kamay at supot ng pan de regla sa kabila, kinukwentuhan ni Baekhyun si Chanyeol ng mga dapat pa niyang tapusing plates ngayong gabi—, “Nakikinig ka ba?”

What is your secret? “Baekhyun, may gusto ka bang sabihin sakin?” at tsaka lang napansin ni Chanyeol na suot pala ni Baekhyun ang org shirt niya sa UP Medical Students' Society. Saglit silang huminto para makapag-isip si Baekhyun, pero, “Wala naman—Ay, ‘yung sa kuryente ba ‘to?”

 

At pagkatapos ng gabing ‘yun, hindi na muling nagtanong si Chanyeol. Nagtatampot lang… Sa lahat ng sikreto ni Baekhyun, ito lang ang unang inilihim, pero okay lang naman. Baka kumukuha lang siya ng tiyempo.

Okay nga lang ba? Dahil sa tagal ng tiyempong ‘yun, hindi na rin alam ni Chanyeol kung bakit siya pinagpapawisan sa noo kapag lumalabas si Baekhyun ng banyo, at tuwalya lang ang pang-ibaba niya, kapag humihiga si Baekhyun katabi ni Chanyeol sa lower bunk dahil, “Idlip lang ako saglit,” sabay dantay ng binti nito sa pwet ni Chanyeol habang nakadapa, at kapag gustong-gusto ni Chanyeol sipain ang mga paso ni Manang dahil nakita na naman nitong nag-goodbye kiss si Baekhyun sa kanyang boyfriend.

Matatapos na ang second sem at hindi man namamalayan ni Chanyeol, pero madalas na ulit nakatambay si Baekhyun sa dorm. Basta ang palagi niyang napapansin ay nagigising siya sa mahinang pag-iyak ni Baekhyun kapag madaling-araw.



“Palagi na lang kayong kumakain ng mga tropa mo sa labas ah. Ang yayaman ng mga taga-Med,” ang bati ni Baekhyun habang nakahiga sa top bunk at naglalaro ng phone. Kakauwi lang kasi ni Chanyeol kaya, “Hindi naman. Gutom lang. Kumain ka na ba,” tsaka tumatakas sayo. Deliks na ang nararamdaman eh.



Halos araw-araw ay ganyan lang sila, pero kung akala ni Chanyeol ay madulas siya, “Baekhyun… Baka hindi na ako mag-dorm next year—,” hindi naman nakailag si Chanyeol sa hampas ng tuwalya. Dapat ay binanggit na lang pala niya pagkatapos maligo ni Baekhyun.

 

Nanlilisik na tuloy ang mga mata ni Baekhyun at nakakunot pa ang noo. May mali ba sa tanong ko?

 

“Bakit ka ba ganyan? Galit ka ba sakin,” at napatayo na rin si Chanyeol para magtago sa gilid ng aparador, “Hindi mo na nga ako masyadong pinapansin tapos sasabihin mo hindi ka na magdodorm next year? Sumbong kaya kita kay Mama.”

Walang masabing dahilan si Chanyeol kaya nakorner tuloy siya sa gilid… at shet, ang lapit ng walis tambo kay Baekhyun, “Alam kong alam mong bading ako, Chanyeol. Dahil ba doon, galit ka na sakin,” sabay patong ng tuwalya sa balikat, “‘Wag kang mag-alala. Break na kami... Ano? Susumbong mo rin ako kay Mama—”

“Hindi ah!” kaya hindi na napigilan ni Chanyeol ang tumore sa isang nanggagalaiting Baekhyun. Inayos rin niya ang salamin sa ilong dahil baka maghamon na si Baekhyun ng suntukan, “Bakit ako magagalit sa ganoon?!”

“Eh sa ano ka galit,” at humina nang kaunti ang boses ni Baekhyun dahil una, bestfriend niya nga talaga si Chanyeol, at pangalawa, okay nang si Chanyeol lang ang may alam na bading siya, hindi ang buong dorm, “Kahit bading ako, hahamunin kita ng suntukan—”

At sa pag-amba ni Baekhyun ng kamao sa sikmura ni Chanyeol ay mahigpit na hawak sa braso ang sumalubong sa kanya, “Hindi nga ako galit, Baekhyun.”

 

Na para bang tumigil ang mundo;

At may ikukunot pa pala ang mga noo;

Nang hilahin ni Chanyeol papalapit ang batok ni Baekhyun, para ang mga labi nila’y magkatagpo…

Tangina neto.

 

At nang isang hininga na lang ang pagitan nilang dalawa;

Sabay sa pagtama ng kanilang mga mata;

Nanginginig na ibinalik ni Chanyeol ang kamay sa bulsa;

Kaya napasandal na lang si Baekhyun sa kanyang mesa at,

 

“Ah, Chan—Chanyeol, maliligo lang ako ha…”

 

“Ah, oo, sige… Sunod ako sayo,” at bago pa lumaki ang mga mata ni Baekhyun ay, “Sunod ako—pagkatapos mo, Baekhyun… Oo. Oo, pagkatapos,” habang tumatango silang dalawa sa kawalan at nagkakamot pa ng ulo. Ilang minuto, rinig na rinig na agad ni Chanyeol ang pagbuhos ni Baekhyun ng isang buong balde ng tubig sa sarili niya. Shet, most embarrassing moment.

 

Moments pala… Na sa simpleng pagtulog lang ni Baekhyun ay namumula na agad si Chanyeol dahil nagkakamot ito ng tiyan at nakataas pa ang isang braso;

Or kaya naman ay hindi na nakiki-inom si Baekhyun sa milktea ni Chanyeol dahil ang straw… sa labi;

Or kaya, sa sobrang busy ni Baekhyun sa plates ay hindi niya namalayang suot pala niya ang t-shirt ng ka-dormmate, pero buong gabi iniisip ni Chanyeol ‘yun.

 

Buti na lang ay finals na kaya nalingat din naman ang dalawa mula sa mga nararamdaman, na kapag nasa coffee shop si Baekhyun at Chanyeol ay kaunti na lang din ang kiliti kapag nagkakadikit ang mga tuhod sa ilalim ng mesa.

Nang makabalik sila sa dorm, kuliglig na naman galing sa bintana ang tanging maririnig, pero binasag ni Chanyeol ang katahimikan kasi wala lang, try ko lang kumustahin, “Saan ka pala mag-dodorm next year—”

Nabagsak tuloy ni Baekhyun sa mesa ang mga dalang libro.



“Dito.”

“Ah… Dito pa rin pala—,” at sinubukan namang pagaanin ni Chanyeol ang hangin sabay biro ng, “Haha! Mukhang kaya mo namang rentahan ‘to mag-isa eh—”

 

Binagsak na talagang tuluyan ni Baekhyun ang bag niya sa lapag, “Bakit ba ayaw mo nang mag-dorm? Ako ba ang dahilan,” at humarap pa sa medyo nanginginig nang Chanyeol, “‘Yung kiss ba ang dahilan,” sabay pang-asar na tawa ni Baekhyun, “Sorry ha. Diring-diri ka ba—”

“Baekhyun, hindi—”

“Anong hindi? Hindi ko naman sasabihin kahit kanino eh. Limot ko na, binabalik mo pa—”

 

At ang haba pala ng mga pilikmata ni Baekhyun, ‘no? Pero paanong napansin ni Chanyeol ‘yun? Dahil hawak na niya ang magkabilang balikat ni Baekhyun habang nakasandal ito sa drafting table, nakatingala lang at ramdam ang mainit na paghinga ni Chanyeol sa noo niya, “Kasi araw-araw…

 

Araw-araw gusto kong ulitin, Baekhyun.”

 

Who is your first kiss? Mama & Papa. Bullshit na ‘yan. Noong 2nd year high school, hinalikan ng ex ni Chanyeol ang kanyang pisngi habang nanunuod sila ng sine. Sa taong ding ‘yun, kiniss niya ang muse ng klase nila dahil sa dare, at sa first inuman pa niya ‘yun.

Noong 3rd year naman, sinubukang halikan ni Chanyeol ang isang senior na may kasamang dila, kasi naaalala niyang ginawa ni Baekhyun ‘yun sa ex nitong bobo dati eh.

Noong 4th year high school, kiniss niya ang noo ni Mina sabay, “Sorry, hindi mo deserve na maiwan sa prom.”

At sa unang taon ni Chanyeol sa college, na unang beses niya ring sinubukan maging matapang, hinila niya si Baekhyun sa gilid ng aparador.

Pero naaalala ba kaya ni Baekhyun na noong Grade 1 sila, nadapa ito habang naglalaro ng Sikyo Base, at ang unang ginawa ni Chanyeol ay halikan ang kanyang nasugatang tuhod?

Na sa pagka-inosente nila noong elementary, nagkikiss sila ni Baekhyun sa pagitan ng bintana habang tumatawa?

Na nang sinulat ni Chanyeol ang pinaka-una niyang letter kay Baekhyun na nasa probinsya para magbakasyon, ay hinalikan niya ang envelope nito? Ikaw ang first love ko eh.

 

At habang humihigpit ang hawak ni Chanyeol ngayon sa mga pisngi ni Baekhyun ay nararamdaman niya rin ang mga kamay nitong dahan-dahang kumakapit sa kanyang bewang;

 

Na ibinabalik din ni Baekhyun ang katumbas na lalim ng halik na ibinibigay ni Chanyeol.




“Naaalala mo ba ‘yung hinawakan mo ako noon sa leeg para i-kiss,” at tinatawanan lang ni Baekhyun ang namumulang tenga ni Chanyeol habang nilalagay sa kahon ang mga school supplies niya. Lilipat na kasi siya ng dorm eh…

 

Kasama si Chanyeol. ‘Yung mas malapit naman sa UPM para wala na siyang dahilan, “Doon pa nga ‘yun sa sulok oh—”

“Eh naaalala mo ‘yung nag-aaral ako kasi finals noon tapos tinulak mo ako pahiga sa kama,” sabay abot ni Chanyeol ng mga libro niya sa mataas na shelf, “tapos inisa-isa mo ‘yung butones ko sa uniform—”

“Shatap.”

“Hindi ka na nahiya sa uniform ko noon,” at may pailing-iling pa ang ulo ni Chanyeol para mang-asar, “Dala ‘nun ang dangal sa larangan ng medisina—,” kaya nasapul tuloy siya ng walang lamang bote ng shampoo sa ulo.



Hanggang ngayon ay natatawa pa rin si Chanyeol dahil sinadya talaga ni Baekhyun na hindi double deck ang kama nila sa bagong dorm, “Ayoko namang matulog na malapit nang sumalangit sa taas—Oo nga! Epal nito!”

Weh, kahit sarap na sarap sa pagkakahiga si Baekhyun habang yakap-yakap si Chanyeol, nakapatong pa ang ulo sa bisig at pinagmamasdan ang tumutubong balbas, “Sa tingin mo ba… hanggang dulo tayo, Chanyeol?

...Na destiny ‘to?”

 

Na kung naniniwala ba ako sa destiny? Kasama ba sa destiny na sinapak si Chanyeol ng tatay ni Baekhyun dahil umamin na sila noong bisperas ng Pasko, at simula noon ay kasama na niya si tito maglaro ng basketball?

Or kaya nama’y kasama ba sa destiny na muntikan nang, “Maghiwalay muna tayo,” pero nang isinugod si Chanyeol sa ospital mula sa aksidente ay hiniling ni Baekhyun na, “Bumalik ka na sakin, please?”

Kasama ba sa destiny, sa tadhana, na sabay silang gumraduate pero kukunin na si Baekhyun ng kuya niya sa Canada pagkapasa ng boards? At kailangan ni Chanyeol ipagpatuloy ang pag-aaral sa Med school?

At sa dinami-rami ng kanilang pag-aaway kung sino ang sasama at sino ang mananatili;

Sa dinami-rami ng buwang lumipas na Skype lang ang lambingan at date,

...ay may kumatok sa pinto ng apartment ni Baekhyun sa Ontario, na nagngangalang Chanyeol, balot na balot ang katawan sa makapal na jacket at namumula ang ilong?

 

“Namiss kita, Baekhyun.”




At kung destiny man ang nagdala kay Chanyeol at Baekhyun pabalik sa Pilipinas;

Kung destiny man ang nagsakay sa kanila sa bus papuntang Sagada; 

Kung destiny man ang nagpaluhod kay Chanyeol sa tuktok ng bundok, sa ilalim ng mga ulap, at sa harap ni Baekhyun habang hawak ang singsing;

Na katumbas sa destiny ni Baekhyun na ibigay ang matamis na oo…



“Hanggang dulo, Baekhyun. Hanggang dulo tayo.”

 

Kaunti lang ang mga salitang alam ni Chanyeol noong unang araw na nagkakilala sila ni Baekhyun. At kahit marami na siyang kayang gamitin to Define Love nga ulit

Baekhyun… Baekhyun… Baekhyun… lang ang tanging salitang tumatakbo sa isip ni Chanyeol ngayon habang tinatapos ang sinusulat sa kontrata. P... A… R… K. Chanyeol Timothy L. Park.

 

“I now pronounce you... married at last.”

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

Notes:

Salamat sa pagbabasa ng aking unang subok sa pagsusulat ng Filipino fics! Para siyang malaking blur sa utak ko habang nagsusulat... kasi kapag nagsusulat ako, parang nagkukwento lang talaga ako. At may mga taong kapag kinwentuhan mo, lilipad na ang utak nila at hindi na makikinig sayo, kaya sana ay naitawid ko 'yung laman... or sumn.

You can tweet me @sehunsilog or we can talk over DMs din tungkol dito! You can also quote my tweet for more people to see the fic: twitter.com/sehunsilog/status/1374350989650653185?s=20

Kahit anong comments, mahaba man o maikli, titigasan man ako or sasaksakin mo ako sa leeg, I appreciate them! I love this craft I found as my pahinga while reviewing for boards and it's a bonus na people get to enjoy it.

Tsaka libre niyo ako ng kape.