Chapter Text
START.
“Sun, akin na nga yang pamaypay mo. Mapagod ka pa n’yan ‘e!” Sabay hablot ng pamaypay ko at siya na mismo ang nagpaypay sa’kin.
Rinig ko na ang “Act fool, act fool, act fool” na sound sa Tiktok. Ang bilis ng tibok ng puso ko.
Nandito kami ngayon sa gym ng school. Walang aircon. Mabilis akong pagpawisan kaya’t lagi akong may dalang pamaypay. May event ngayon ang school namin dahil Buwan ng Wika. Naka costume kaming lahat at ang suot ko ay mahaba at mainit sa katawan.
Hindi ko alam kung paano, pero may crush ako kay Sunghoon. Isa siyang transferee sa section namin at… ang pogi niya. Magkatabi kami sa upuan nung first day at mahiyain siya kaya ako ang una niyang kaibigan. Noong una, wala akong pakialam dahil mahiyain din ako at ayaw mag first move pagdating sa pakikipagkaibigan. Ngunit, madaldal siya. Unti-unti ko siyang nakilala at nakuha niya agad ang loob ko.
Loudest introvert, ika nga. Una akong umamin sa bestfriend kong nasa kabilang section, si Jungwon.
“Ano ba yun bakla?! Sabihin mo na kasi!” Pagpupumilit ni Won sa’kin. Nasa locker area kami ngayon at sinabi ko sa kanyang may sasabihin ako sa kanya. Pero nagdadalawang-isip ako dahil hindi naman ako vocal pagdating sa mga taong gusto ko.
Tinakpan ko ang mukha ko, “Wala nga kasi!! Kalimutan mo nalang sinabi ko, nakalimutan ko na!” Pagdadahilan ko pa. Tinitigan niya lang ako. Kita ko ang lugmok sa mukha niya. Hays heto nanaman tayo. Ginamit niya nanaman ang kahinaan ko.
“Won…” sabay hawak ko sa braso niya ngunit inalis niya ‘yon at nagpatuloy lamang sa pag-aayos ng mga libro. Tumayo siya at tumungo sa CR. Hay kainis! Bakit ba kasi napaka matampuhin nito? At bakit ko rin kasi balak pang sabihin iyon sa kanya ‘e alam ko namang panandalian lang ‘to!
“Okay! Okay! You got me, sasabihin ko na!” Sabi ko kaya lumingon siya sa’kin na may malaking ngiti. Napairap naman ako. Tss.
“Ano ba kasi ‘yon? Ba’t gusto mo i-secret sa’kin?” Saad niya at napanguso. Hmp! Hilain ko ‘yang nguso mo ‘e!
“May crush na ako,” mahinang bulong ko at tumili siya. Napatakip naman ako ng mukha dahil sa hiya. Lalo na’t lumilingon samin ang ibang mga estudyante.
“Omg!!! Sino???” Parang nag twinkle ang mga mata niya habang tinatanong ako. Naiintindihan ko naman dahil sa ilang taon naming pagkakaibigan, wala akong naging crush. Wala akong interes sa lovelife ko dahil mas focused ako sa acads.
“Si… Sunghoon.” Hinampas naman n’ya ako.
“Aaaa!! Yung transferee? Balita ko marami ring may crush dun mula sa ibang section!” Bigkas niya.
“Palagi nga silang dumadaan sa classroom niyo tuwing recess at lunch ng section niyo. Ganon ba siya ka-pogi?” Oo. Gusto ko sanang sabihin pero ayoko. Baka lumalim pa yung pagkagusto ko sa kanya.
“Ewan.” Tanging sagot ko lamang.
—
Matapos ang event, bumalik na rin kami sa classroom. Tumapat ako sa aircon dahil napaka-init sa labas. Ramdam kong sumunod siya sa akin at tumapat din sa aircon. Tumingala ako sa kanya dahil mas matangkad siya sa’kin kaya napayuko naman siya. Nagtitigan kami ng ilang segundo bago ako umiwas ng tingin. Ano ba namang titig ‘yan?!
“Sobrang pawisin mo talaga ‘e ‘no?” Sambit niya at pinunasan ang butil ng pawis sa noo at ilong ko. Namula ako at ayaw kong ipakita iyong sa kanya kaya hinablot ko ang panyo niya.
“Ako na!” Kunwaring naiinis kong bigkas. Ayokong ipakita sa kanyang, marupok ako. Lord, I’m not you strongest soldier…
Tumawa naman ito, “Chill. Chill.” sabi niya bago tuluyang umalis at sumama sa iba niyang mga kaibigan.
Nakahinga naman ako ng maluwag dahil sa pag-alis niya. Park Sunghoon, hindi ka nakakabuti sa puso ko!
