Actions

Work Header

nagbibigay linaw, aking kaulayaw

Summary:

Sa dinami-rami ng babaeng nakilala niya, mukhang si Klay lamang ang tanging makabibihag ng puso niya.

Notes:

dahil hindi ko na kinakaya ang brainrot, at ilang araw na rin ako nakatambay sa filay tag, here we go.

a filay drabble set in the iconic picnic scene! we had so much filay there i cannot NOT write about them.

it’s been a while since I’ve written fic, more so in filipino language. isang upuan ko lang ito sinulat (and edit?) but I wanted to do a little fidel character study! what goes on his mind behind the asaran, di ko rin alam. But here’s my take in it. i apologize in advance *nagtago*

(See the end of the work for more notes.)

Work Text:

Labis ang kanyang pangamba.

“Binibining Klay—”

Gustuhin man niya na sumunod sa dalaga ay tila nabato si Fidel sa kasalukuyan niyang pwesto.

Masyadong bumigat ang kaniyang paa para buhatin, kasabay ng kaniyang puso na walang tigil na kumakabog sa kaniyang dibdib. Ang bigat ng bawat paghinga ng binata ay katumbas din ng isang hiling mula sa naghahari sa kalawakan—na sana ay ligtas si Klay matapos nitong sumunod sa matalik na kaibigan niyang si Ibarra at suungin nang walang takot ang buwaya sa lawa.

Isang buwaya! Marahil ay iniisip ng iba na tunay ngang nahihibang ang katukayo ni Maria Clara. Ngunit ang kaniyang kilos, pananalita, gawi, at paniniwala ay hindi na bago kay Fidel matapos niya itong makilala. Hindi siya si Klay kung siya ay mananatiling bato sa kaniyang pwesto, kagaya ng ginagawa niya at ng iba pa nilang kasama. Hindi siya si Klay kung siya ay mananahimik lamang nang walang ginagawa, lalo na at alam niya sa sarili niya na may kaya siyang gawin malagay man siya sa kahit ano pang sitwasyon.

Napahawak si Fidel nang mahigpit sa hawak niyang baston habang nakatingin sa lawa. Bagaman ay labis pa rin ang takot na nadarama, pinakalma ito nang bahagya ng umusbong na paghangang nararamdaman para sa dalaga.

“Diyos ko po! Salamat at ligtas sila!” Iyak ng isang ginang sa kanilang likod matapos ang ilang minuto nang walang tapos na pangamba.

Nang makita pa lamang si Klay na umaahon, tila natanggal na ang libo-libong tinik ng takot na nakabaon sa kaniyang puso.

Sa pagkakataon na iyon ay wala siyang ibang gustong gawin kundi tabihan muli sa dalaga, kausapin ito, asarin, ano pa man iyon—basta ba ay maka-sigurado siya na hindi na makawawala o makatatakas pa ang binibini sa kaniyang paningin.

 


 

Ilang beses siyang itinulak ni Maria Clara. Ngunit sa bawat pagbagsak ni Klay ay sinigurado ni Fidel na nandiyan siya upang saluhin ang binibini.

Matapos niyang masaksihan ang gaan ng kamay ni Klay sa bawat pagdampi niya ng bulak sa mga sugat ni Aling Sisa, tila ba ay handa siyang ipagkatiwala ang buong buhay niya sa dalaga.

Ngunit ang gawaing medikal na ito ay hindi pa pamilyar sa manggagamot sa Pilipinas, lalo na sa mga tao ng San Diego. Bagama’t ay minasama ito ng mga taong nakadungaw, lalo na ng nobya ni Ibarra na si Maria Clara, ay alam ni Fidel na ito lamang ang paraan upang mailigtas ang kaniyang matalik na kaibigan.

Si Klay ay hindi lamang matapang, ngunit siya rin ay isang matalino at edukadang binibini. Kaya sa panahon na iyon ay nadagdagan lamang ang namumuong paghanga ng binata. 

“— mouth-to-mouth resuscitation! CPR! Cardiopulmonary resuscitation! ” Tumingin si Klay kay Fidel. “Hindi ba?”

Ramdam ni Fidel ang kaba ng dalaga sa bawat salitang lumalabas mula sa kaniyang bibig. Marahil ay dala na rin nito ang halo-halong emosyon—and paniniwala na baka kung anu-ano na naman ang naglalaro sa isipan ng mga tao ng San Diego. 

Kaya naman ay tinitigan na lamang siya pabalik ni Fidel na para bang sinasabi na huwag kang mag-alala, ako ang bahala , at siniguradong muli na ang bawat pagbigkas sa mga letra, bawat salita na kaniyang sinasambit ay para sa ikabubuti ng dalaga.

Tila siya rin ay nakahinga nang maluwag nang makita ang paglambot ng ekspresyon ng mga tao sa kanilang paligid, pati na rin ng sinisinta ni Ibarra na si Maria Clara.

Huminga siya nang malalim at tinitigan si Klay.

Sana, kahit sa ganito kaliit na paraan, ay napanatag ko kahit papaano ang kalooban mo, Binibining Klay.

 


 

“Isa kang babaeng karapat-dapat na hangaan.”

Tinanggal ni Fidel ang suot niyang sombrero at yumuko sa harap ni Miss Klay. Hindi niya mawari ang inaasta ng kaniyang puso, na para bang pagkatapos niyang sambitin ang mga katagang iyon ay inihayag na rin niya ang tunay na nararamdaman para sa dalaga.

Kahit na siya ay natatakot na muling tumingin sa mga mata ng binibini, na baka ito pa ang maging dahilan upang pagtaksilan siya ng kaniyang puso at isipan at may masambit pa siyang kakaiba—ay ginawa pa rin niya ito sa huling pagkakataon. Matapos ngitian ang dalaga ay lumisan na siya, hindi na alintana kung ano pa ang iniisip ng binibini ukol sa mga sinabi niya.

Napahawak siya sa kaniyang dibdib habang naglalakad, sinisigurado kung nandoon pa ang kaniyang puso matapos nitong tumigil sa panahong kausap si Klay, at tumibok na muli pagkakita niya rito.

Sa bawat yapak ng kaniyang paa ay tila lumilinaw ang lahat sa utak ni Fidel. Hindi na niya itinago ang ngiti na kanina pang nagpupumilit lumabas sa kaniyang labi, hanggang sa ito ay napalitan ng tawa. Para bang may sumindi na bumbilya na nagbigay linaw sa kaniyang kaisipan. Napailing na lamang siya. 

Tunay ngang kakaibang babae si Miss Klay. Hindi lamang sa dala niyang angking talino at lakas ng loob, kung hindi dahil na rin sa isa pang dahilan na ngayon pa lamang inamin ni Fidel sa kaniyang sarili.

Sa dinami-rami ng babaeng nakilala niya, mukhang si Klay lamang ang tanging makabibihag ng puso niya.

Notes:

i was bitten by another plot bunny while writing this but what i thought about is filay angst T-T i have no idea when i could write it tho so for now, i'll let it rot in my notes.