Chapter Text
uliuli
png.
umiikot na agos ng tubig, lalo na ang maalimpuyo at nanghihigop pailalim; sa wikang Ingles ay whirlpool
Uliuling umaalimpuyo ang pagyayakapan ng gin at pineapple juice habang iniindayog ni Jisung ang bote sa pitsel upang haluin ang inumin. Uliuli na rin ang mga mata ni Mark habang pinanonood si Jisung na haluin ang alak.
“Lodi talaga ‘tong si Jisung, p’re! ‘La pang senior high, master na magtanggero,” puri ni Axel, mananayaw.
“Putang ina, ambibilis ninyong tumagay!” pahiyaw na reklamo naman ni Gil, isa pang mananayaw, mula sa kabilang panig ng kahoy na lamesa. May saktong lutong mula sa putang ina niya.
Ikatlong pitsel na nila iyon ng gin sa loob ng isang oras. Kahit nananakit ang mga bisig at binti at amoy-araw ng Abril pa ang mga binata, hindi ito nakaalintana upang punuin ng mga halakhak ang isa sa maraming mga compound ng bayan ng Longos. Minsan lang naman daw magkasiyahan, maghanap lang ng petsa sa kalendaryo. Minsan birthday, minsan wedding anniversary, minsan death anniversary (at lalong minsang may patay talagang pinaglalamayan) pero kung ipagtatagpi-tagpi ang mga numero sa kalendaryo ay sigurado ang kanser sa atay at baga.
Ang palusot ngayon—anniversary ng baby shower ng tiyo ni Jeno para sa anak nito sa labas.
“Woy, p’re, nabati mo na ba si Tito?” tanong ni Jeno kay Mark. Halata ang uyam at tuya, marahang sinisiko si Mark sabay turo ng nguso sa bundat na lalaki sa kabilang mesa. Tumawa si Mark bilang tugon.
Sa kabilang panig naman ni Mark na hindi sinisiko ni Jeno ay may tumutulak sa kaniyang baso. Hindi man niya kilala ang nag-aabot sa kaniya ng baso (malamang ay kasama niyang sumayaw), alam niyang senyas na ito ng kaniyang tagay. Nang walang pag-aanupaman, nilagok niya ang lahat ng laman ng baso habang sinisiguro ng tungki ng kaniyang ilong na hindi masasama ang tipak ng yelo sa kaniyang bibig.
Saktong dating naman ni Shotaro na tinutulungan ang isa sa napakaraming mga tiya ni Jeno upang ilagay ang mga bandehado ng adobong paa sa mga lamesa. “P’re, patay na naman tayo kay Kuya Taeyong nito bukas,” sabat niya sa dalawa habang sumisiksik sa gitna nila. Muntik nang mahulog si Mark mula sa bangko. Amoy ginisa si Shotaro.
“Ayos lang ‘yan. D’yos ko naman, nakayanan nga natin ‘yung isang beses na inabot tayo ng alas-sais,” ani Jeno.
“Eh, pa’no naman si Jisung? Ang galing ngang magpasilab ng gin, pero an’ dali namang malasing,” tugon ni Shotaro.
Napalingon si Jisung. “Ano’t naririnig ko na naman pangalan ko d’yan, ha?”
“Patay ka kako bukas kay Kuya Taeyong sa praktis sa sayaw!”
“Ano kamo?!” Halos maging hamo na ang kamo niya.
“Patay ka kay Kuya Taeyong bukas!”
“Hatdog,” sabay tawanan ng mga katabi ni Jisung. Napangisi na lang si Shotaro. Tama ang hinala niyang lasing na ang bata.
Lumingon ang bagong-dating kay Jeno. “Kanina pa ba tameme ‘to?” tanong niya habang nakaturo kay Mark.
Sabay na tumingin ang dalawa sa tahimik na binata. “P’re, ano’ng iniisip natin d’yan?” wika ni Jeno.
Napabuntong ng hininga si Mark. “Ewan ko, medyo kabado lang sa UPCAT.”
“Mark naman, sobrang talino mo, ah. Sisiw lang ‘yung UPCAT para sa ‘yo,” tangkang pagsisiguro ni Jeno.
Objectively speaking, kung titingnan naman ang grades ni Mark mula Grade 9 hanggang Grade 11 ay puro matataas ang mga ito. Lagi siyang nasa with high honors o with highest honors (puwera na lang noong isang quarter ng Grade 10, nang sinabak siya sa varsity para sa football at hindi tinanggap ng isang kupal na titser ang mga excuse para sa praktis. With honors lang siya nu’n). Sa kabilang banda, 40% lang ang grades mula Grade 9 hanggang 11 sa kabuuang pagsusuma ng university predicted grade (UPG). 60% ang itutuos para sa UPCAT. Lagi itong paalala (o babala) ng kung sinu-sinong nagvo-volunteer sa kanilang paaralan upang mag-facilitate ng UPCAT review.
Marapat lang na kabahan si Mark. At alam ni Mark na alam ni Jeno na marapat lang na kabahan si Mark. That’s very thoughtful of him.
Kaya simple lamang ang tugon ni Mark. “Salamat, p’re.” Pero hindi pa rin nabubura ang pag-aalala sa mukha ng binata.
Lumingon pabalik si Jeno kay Shotaro. “Ano ulit ang course na ite-take mo, Taro?”
“Economics sa LB first choice ko, ta’s Agricultural Economics ang second. Second choice na campus ko sa Baguio, magso-Social Sciences ako. Pero kung du’n ako makapasa, isang taon lang ako du’n ta’s lipat na ko’ng LB.”
Mistulang narinig ni Axel ang usapan ng tatlo kaya sumabat ito. “Diliman naman ‘yang si Mark, lodi ko ‘yan, eh!’
“‘Tang ina, rinding-rindi na ko sa kaka-lodi mo!” hiyaw ni Gil, gayong nakatungô na sa kalanguan. Tumawa na naman ang lahat.
Sinundan naman agad ni Axel, “Creative writing, ‘no? Gara ng course mo, p’re.”
Lahat ng mga mata ay nakatutok sa kaniya. Normal na para sa mga kabataang taga-Longos at kanilang mga magulang na mag-asam para sa UPLB. Maliit na bayan, nasa kalagitnaan ng Los Baños at Calamba. Isang sakay lang papasok sa unibersidad. Pero kakaiba ang mag-asam para sa campus ng Diliman. Naroon na ang katotohanang pinakamahirap ang pumasok sa UPD in terms of UPG (hindi pa puwedeng magpa-reconsider), idagdag pa ang talent test (para sa Creative Writing) at ang mga gastusin ng pagbukod. Kung titingala si Mark, paniguradong susuportahan siya ng nakararami sa pagtingala niya. Kauna-unahang makakapasok ng UPD mula sa pamilya, barkada, at barangay niya!
Ayos sana ang suporta, kaso kaakibat nito palagi ang pressure.
Lumubog ang puso ni Mark sa kalagitnaan ng kasiyahan.
“Oo, p’re. Pero ‘pag ‘di nakapasa, Comm Arts sa LB.”
“‘To naman, sure ball na ‘yang Diliman mo!”
Lumubog lalo ang kaniyang puso. Pero hindi naman kailangang alintanain. Hindi ngayon. Kaya ngumiti na lang siya.
“‘Ge, sabi mo ‘yan, eh,” malumanay na tugon ni Mark.
Nagpatuloy ang kasiyahan. Nilabas ng isa sa di-mabilang na mga tiyo ni Jeno ang dambuhalang ispiker mula sa loob ng bahay nila. Nagpatugtog ng Closer ng The Chainsmokers. Patok na patok ngayong 2017. Pakunwang nairita sa umay si Mark, pero sa totoo lang ay medyo vibes naman niya ang kanta. “Sabihin mo nga sa tito mo, paltan ‘yung kanta.”
“Tito Janjan, paltan mo raw ‘yung kanta, umay na raw ‘tong si Mark!” panawagan ni Jeno sa tito niyang nagpapatugtog ispiker.
“Bili siya kamong speaker niya!” pabirong banat ng bundat na nakasando, bago mag-shot ng purong gin.
Tumawag naman si Jisung kay Mark, nababalentong na ang dila sa kalasingan. “Mark! Maaaaark! Ubos na alak dito, hingi ka ng mompo kay Father.”
“Tanga, e ‘di napagalitan naman ako nu’n!” ani Mark. Sa katunayan, puwede namang ipantagay ang mompong hindi pa nabebendisyunan pero una, galing din sa pondo ng parokya ang pambili ng alak at ikalawa, menor de edad pa si Mark!
Alas onse na ng gabi. Sumunod na si Axel at Jisung sa pagyuko ni Gil sa lamesa, habang si Gil ay sumuka na sa likod ng puno ng mangga sa gitna ng compound nina Jeno. Medyo nahulasan na. May twerking competition ang iba pang mga kalalakihan, patuyang hinahambing ang mga sarili nila sa mga baklang mananayaw sa kanilang tropa na wala noon sa inuman.
Naalala ni Mark na magse-serve pa siya sa parokya bukas ng alas-otso. Hindi pa niya napaplantsa ang mga susuutin niya para bukas.
Nilimas na niya ang nagkalat niyang mga gamit sa kaniyang bitbit na string bag. Nasa loob pa ng bahay nina Jeno ang Bench Atlantis na pinahiram niya kay Jisung kanina para magpabilib sa isang pinsan ni Jeno. Naka-charge pa ang cellphone niya sa kuwarto ni Jeno. Ang wallet niya, kita niyang nakasukbit sa singit ni Axel (dahil kanina ay hindi nagtiwala ang lasing na babalik si Mark noong bumili ito ng kendi sa tindahan).
“O, p’re, alis ka na?” Napatindig si Jeno nang nakitang pagayak na ang kaibigan.
“Alas-otso serve ko bukas.”
Tumindig na rin si Shotaro. “O, siya, e ‘di sabay na ‘ko sa ‘yo. Pagsasarhan na raw ako ng gate ni Nanay ‘pag di pa ‘ko umuwi eh.”
Umalis na sina Shotaro at Mark mula sa compound nina Jeno, sinusundan sila ng mga kutyang “KJ” raw sila. Killjoy na kung killjoy. Magsisilbi pa siya bukas sa Diyos (at magmamakaawa pa si Shotaro mamaya sa nanay niya).
xxx
Malamang, gigisahin ni Kuya Taeyong si Jisung mamaya sa praktis, pag-iisip ni Mark habang hinihintay na matapos ang commentator sa walang katapusang mga announcement. Transparency report sa kaperahan ng simbahan, patuloy na imbitasyon para sa nalalapit nang Via Crucis, at marami pang iba. Kasabay nito ang mahihinhin ngunit papalakas na pagkaluskos ng mga palaspas. Nangangasim na ang mukha ng mga taong pabendisyunan ang kani-kanilang mga palaspas. Nagsisiiyakan na ang mga sanggol at nagtatakbuhan ang mga bata.
Hindi nagpapasalamat si Mark na mayroon siyang excuse upang hindi sumama sa praktis para sa bayle ng papalapit na piyesta. Sa totoo lang, pagod at umay na siya sa pagsasayaw—mga kasayawan niyang di-disiplinado, paninigaw ng mga choreographer, init ng tag-araw mula nang nagsimula ang Abril. Pero para na ring nalintikan kung ang kapalit nito ay buong araw na pagse-serve sa simbahan.
Kapos na rin kasi sa tao ang parokya. Wala na gaanong kabataang gustong mag-serve pa sa simbahan. Kung hindi lang din nagse-serve si Mark mula nang 11 anyos pa lamang siya, malamang sa malamang ay hindi rin siya sasama sa ministeryo ng mga sakristan. Pero dahil tinawag siya ng Diyos upang magsilbi sa ministeryo (na sinabi sa paulit-ulit na mga seminar ng parokya at diyosesis), nandito siya kasama ang mga server na kalakhan ay mga matatandang laiko.
Suot ang estolang sumisigaw sa pula, nakapikit na si Father Denver sa upuan sa kabilang panig ng dambana, mistulang nag-iipon na ng lakas para sa lagaring Semana Santa. Katabi niya ang dalawang diyakono, kapwa matatanda at nakapikit na rin. Bumibigat na rin ang mga mata ni Mark sa nakikita niya. Nang nakita niya ang baguhang sakristang katabi niya na tumutungo na rin, marahan niya itong inuga upang magising. Patapos na ang misa at ang bata pa naman ang tagakalembang ng mga kampanilya.
Nang naalimpungatan ang bata, bahagyang niya itong inilingan. Baguhan ang sakristan, marapat lang na disiplinahin nang kaunti. Sa loob ni Mark, iniilingan din niya ang kaniyang sarili. Bakit ba ako binigyan ng gan’tong role na pa-senior-senior na sa mga sakristan, sambit niya sa sarili. Pesteng responsibildad.
“Magsitayo na ang lahat,” wika ng commentator. Nagsitayo ang bayan. Alisto ang pari, tumayo at handa na ring magsalita. Ilang dekada ng kasanayan. Kahit sa maliit na bayan ng Longos (at sa lalong maliit na parokya tulad ng Parokya ng San Sebastian) ay hindi nawawalan ng gana.
Patapos na rin, aniya sa sarili. Tiningnan ang bayan nang saglit, saka bumalik sa pagtingin sa dambana. Pauwi na ang mga nagsisimba, habang siya ay magiging tirahan niya ang simbahan sa humigit-kumulang isang linggo.
Limang misa pa para sa araw ng Linggo ng Palaspas—dalawa sa parokya, tig-isa sa tatlong mga kapilya ng Longos. Kahit sasapit pa lang ang ika-18 na kaarawan ni Mark ay lagpas langit na yata ang aabutin niya sa dalas niya sa simbahan.
xxx
Dala-dala ni Sister Nica, tagapangulo ng ministeryo ng mga salmista, ang plato ng bihon at puto sa kaniyang palad habang nakatayo. Kausap niya si Father Denver, nagtatanong kung kailan ang commissioning ng bagong mga salmista sa parokya.
Bagong salmista lang, pagtatama ni Sis. Nica. Nagbuntong-hininga na lang ang pari. Pero wika niya, blessing pa rin at dalawang taon ding walang bagong salmista ang simbahan. Nag-ring ang cellphone ng pari saka umalis dahil may aasikasuhin daw nang saglit sa opisina.
Palabas pa lang si Sis. Nica sa kaniyang kabataan, nasa early 30s niya, medyo nakapapalagayan ng loob ni Mark. Kaya nang napansin ng babae na narinig ni Mark ang huntahan ng dalawa, agad siyang lumapit sa sakristan.
“Huy, nag-aalala ako du’n sa magpapa-commission,” anang salmista.
Kumuha pa ng puto si Mark. “Bakit naman, Sister?”
“Alam mo naman ‘tong si Father, eh medyo…alam mo na…ayaw sa bakla.”
Ah.
Pero agad namang kinontra ni Sis. Nica ang nauna niyang sinabi. “Eh, pero, ano naman…wala namang kabataan masyado rito sa parokya. Wala nga masyadong nagse-serve, buti nga magkakaroon na ng bagong salmista bukod sa ‘kin. Eh nagku-choir na rin ako, medyo nahihilo na rin ako! Wala nang magagawa si Father kung bakla ‘yung bagong salmista.”
Gusto nang umalis ni Mark sa paksa nila ng kausap niya. “Sister, medyo tsismosa ka, ah. Sa ambo ka pa naman at ginagamit ang bibig mo para mag-proclaim,” kutya niya kay Sis. Nica.
Humagikhik ang babae. “‘To namang si Mark, oh! Nagbabalita lang, eh.” Kumuha siya ng isa pang hati ng puto saka tumungo sa mga Mother Butler.
Nawalan na ng gana si Mark kumain. Parang uliuli na ang bawat bahagi ng kaniyang katawan, humihigop sa bawat laman niya hanggang sa biglang mawala na lang siya sa balat ng lupa.
Naaalala ni Mark ang dilim ng kumpisalan. Ang bagabag sa tuwing sinasambit niya ang kasalanang iyon. Parang mga gagambang kumakaripas na lumabas mula sa lalamunan niya. Bumabaliktad ang kaniyang sikmura.
Na nagkakagusto siya sa mga lalaki.
Sa mga pagkakataong hindi mapigilan ni Mark ang nadarama niya—sa tuwing maiisip niya na kasama ang isa sa mga kaklase niyang…may gagawing imoral at gagawin niya ang gawaing iyon nang mag-isa, para siyang itutulak patungo sa kumpisalan. Kung hindi sa kumpisalan ay baka maglupasay siya sa bubog o magpapako sa krus para lang matubos siya mula sa kasalanan.
At ang laging tugon ng pari sa kumpisal–-kahit gaano kahaba pa ang listahan ng kasalanang sasambitin ni Mark—ay may tamang diin doon. Kahit ano pang tonong mapagpatawag ng pari ay laging takda ang diin, ang haba ng sasabihin tungkol doon.
Idarasal ni Mark ang kaniyang mga kasalanan pagkatapos—lagpas pa sa bilang ng mga dasal na iniutos ni Father Denver—dahil paulit-ulit na lang siyang hindi nagtatanda.
Ngayon, pakiramdam na naman ni Mark na hihigupin siya ng uliuli. Sumisikip na naman ang kaniyang dibdib. Punung-puno ng balisa.
Kaya taimtim na nagdasal si Mark, hawak-hawak pa ang platong papel na may puto. Ngunit walang tumutugon bukod sa namumuong luha sa mga mata niya.
Mula sa taas, katahimikan lamang. Mula sa baba, uliuli.
