Work Text:
“Bukas bag mo, lods.”
Naunang narinig ni Wonwoo ang tunog ng pagsara ng zipper ng bag niya kesa maramdaman ang presensya ng bagong dating sa likod niya. Nang lumayo na ito ulit, lumingon siya at bahagyang ngumiti.
“Thank you, Mingyu.”
“Wala ‘yon. Kanina ka pa ba dito?”
Isang malalim na buntong hininga lang ang nasagot ni Wonwoo sa tanong na ‘yon.
Gusto na niyang magwala. Pagod na siya, nanlalagkit na siya, masakit na ang katawan niya at parang isang taon na siyang nakatayo sa harap ng main gate ng sinumpaang campus nila para mag-abang ng jeep pero mukhang hindi ata naaalala ni lord na anak din siya nito at kailangan niya ring makauwi gaya ng iba pang mga children of God.
Tsaka lumintik ang ulan saktong pagtango niya sa tanong ng kasama. Tignan mo nga naman. Ayaw na nga siyang pauwiin, mukhang ayaw rin siyang pauwiin nang tuyo.
“Yeah, mag-iisang oras na rin. Ikaw ba?”
“Hehe.” Napahawak sa batok si Mingyu at napayuko. “Kakalabas ko lang ng room.”
Napatingin naman sa orasan si Wonwoo sa sagot nito. Alas-sais na pala. “Oh. Night sched.”
“Hindi. 4:30 rin ako gaya ng inyo.” Napansin ni Wonwoo na unti-unting namumula ang tenga ng isa. “Nakatulog ako. Hayop, kaangat ko ng ulo ko mag-isa na lang ako. Wala man lang gumising sa ‘kin.”
Tinawanan na lang niya si Mingyu dahil ayaw na niyang humaba pa ang usapan. Pagod na talaga siya. At isa pa, hindi naman talaga sila close nito. Sa tatlong taon nilang pagiging magkaklase at isang buong taong pagiging blockmates, ito pa lang ata ang unang beses na nag-usap sila nang ganito katagal.
Ilang minuto ring walang nagsalita sa kanila. Tanging ang ingay lang ng mga estudyante at sasakyang dumadaan ang pumapalibot sa kanilang dalawa. Kaya laking gulat na lang ni Wonwoo nang biglang sumigaw si Mingyu.
“‘Yun oh!” Sabay turo nito sa dilaw na jeep na huminto hindi kalayuan sa kinatatayuan ni Wonwoo. “Congrats, makakasakay ka na!”
Nakakapit pa rin siya sa dibdib niya habang sinisimangutan si Mingyu. “Hindi naman Villa Pampang sasakyan ko. Checkpoint hanap ko.”
“Hala same—” Napataas naman ng kilay ang isa. “Teka, e ba’t dito ka nag-aabang? Ba’t ‘di ka pa tumawid, gagi.”
“Tsaka na ‘ko tatawid pag nakakita na ‘ko ng violet jeep, bakit ba?” Nanliit naman ang mata ni Wonwoo sa kasama. “E ikaw, why are you here then?”
“Sunget. Wala lang, nandito ka e. Wait sana kita makasakay.”
Gusto sanang isagot ni Wonwoo na wala namang magandang maidudulot sa buhay ni Mingyu kung makakasakay na siya ng jeep pero nanahimik na lang siya. Delikado, hindi niya alam kung nakaka-take ba ng ganong klaseng joke ang kaklase at baka sapakin pa siya nito.
Isa pa, ayaw niya rin namang mag-isa. Hindi pwedeng siya lang ang dis-oras nang makakauwi. Damay damay dapat ‘to.
Wala pa mang ilang minuto, nagsalita na ulit si Mingyu.
“Gusto mo lakarin na lang natin?”
“Gago ka ba?”
Napasampal si Wonwoo sa bunganga niya nang hindi niya napigilang sabihin kung ano ang nasa isip niya.
Mabuti na lang at tumawa lang nang malakas si Mingyu.
“Oh kalma ka lang bossing. Kanina pa kasi ako nagbu-book ng Grab, wala talaga.” Pinakita pa nito ang screen ng phone niya as if may pakealam si Wonwoo. “Uwing uwi na ‘ko. Papatusin ko na kahit mag-alay lakad pa ‘ko right here right now. Ano, g?”
Kung tatanungin si Wonwoo ng tatlong pinakaayaw niya sa mundo, ito ang mga isasagot niya: mabagal na internet, ang humor ng kapatid niyang si Seokmin, at ang nangunguna sa listahan—paglalakad.
Or anything na required siyang igalaw ang katawan niya, really. Kaya kahit gusto niyang sapakin si Mingyu sa suggestion nito, mukhang ‘yon lang naman talaga ang magandang gawin ngayon para makauwi na siya.
“Sige na nga. Pero ‘pag may nakita tayong checkpoint sasakay tayo agad kahit sumabit pa tayo ah.” Seryosong sabi ni Wonwoo, “Oks ba sa ‘yo sumakay sa gray na jeep if ever?”
“Yes sir. SM Clark naman baba ‘ko. Ikaw ba?”
Nagsimula na itong maglakad bago pa man makasagot si Wonwoo. “Tapat mcdo fields—hoy, wait lang naman!”
Pinanood lang ni Wonwoo na maunang maglakad si Mingyu. Hindi naman niya ito pwedeng sabayan dahil bukod sa nahihiya siya, baka mahagip pa siya dahil nasa gilid sila ng highway at hindi exactly walkable ang lugar nila.
Tinatak na lang ni Wonwoo sa isip niya na ‘pag siya naging mayor, bibili siya ng kotse.
Sa unang sampung minuto ng paglalakad nila, wala nang nagsalita sa kanila. Siya, wala naman nang masabi at wala rin naman sa kanya kung mag-uusap sila o hindi. Si Mingyu naman, mukhang gustong dumaldal. Kanina pa niya ito napapansing palingon-lingon sa kanya pero hindi nito ginawa dahil ang hirap nga naman ng pwesto nila.
Kaya nang makaliko na sila sa palengke at nabawasan ang mga dumadaan na sasakyan, binagalan nito ang lakad para matabihan si Wonwoo.
“Ano’ng first impression mo sa ‘kin?”
Hindi man lang nilingon ni Wonwoo ang kaklase nang sumagot ito. “Wala. ‘Di naman kita napapansin sa room.”
“Aray. Ang sakit ng aking kokoro. Ang sakit mo na 2023.” Humawak pa si Mingyu sa dibdib niya gamit ang kaliwang kamay na para bang kunwaring nasasaktan.
Hindi napigilan ni Wonwoo na matawa sa nakita. “Baliktad, gago. Sa kaliwa ang puso, kaya nga kanang kamay gamit sa bayang magiliw.”
“Kaliwete ako e, pake mo ba.” Pabirong umirap sa kanya si Mingyu habang nakangiti. “Tsaka lupang hinirang ‘yon. Kala ko ba sabi ni Rizal mga produkto ng K-12 ang kinabukasan ng bayan.”
“Tangina niya kamo. Binigyan pa tayo ng responsibilidad.”
“Tama. Kaya gawa ka na ng impression mo sa ‘kin, dali! Please, please!”
Totoo namang hindi siya napapansin ni Wonwoo sa klase dahil mga kaibigan lang naman niya talaga ang pinapansin niya. Pero sa tagal niyang naglakad kanina sa likod ni Mingyu, marami na siyang napansin dito.
“I think, ikaw ‘yung klase ng taong very maalaga.”
Napatigil si Mingyu sa paglalakad. Hindi ito pinansin ni Wonwoo at nagdire-diretso lang kaya hinabol siya nito.
“Grabe, ang deep. Inaasahan ko pogi lang sasabihin mo e.” Namumula na naman ang tenga ni Mingyu. “Kindly elaborate, Mr. Jeon Wonwoo sir. How, when, and why please.”
“Baliw.” Napangiti na lang si Wonwoo dahil nasa mood na siyang dumaldal. “Isang earphone lang nakasabit sa tenga mo. Isang strap lang ng backpack mo nakasabit sa balikat mo. May moments kanina na you slow down sa paglalakad tapos lilingon ka to check on me. Tapos, sinara mo pa bag ko kanina when pwede namang hayaan mo na lang.”
“Wow.”
“You sound as if I took your breath away.”
“Yabang.” Tinawanan na naman siya ni Mingyu. “Ano connect nung earphones at strap dun?”
“Isang earphone lang sinuot mo kasi baka kausapin kita. Isang strap lang sinabit mo in case I trip at kailangan kong kumapit sa ‘yo kasi malubak ang daan kanina bandang simbahan.”
“Yabang ulit. Pero tama ka naman.” Saglit siyang tinitigan ni Mingyu. “Nakuha mo lahat ng ‘yon dahil lang sa naglakad ako sa harap mo?”
Nagkibit-balikat na lang si Wonwoo. “It’s what I do. Ikaw, anong first impression mo sa ‘kin?”
“Masungit.”
“Ayusin mo, gago.”
Nagtaas ng dalawang palad ang isa. “Ops kalma. Gagalit naman agad.”
Mga dalawang minuto ring natahimik si Mingyu. Nang makaliko na sila ulit, sumagot na ito.
“Tingin ko, you’re a very bright person. Oha english din ‘yon, kala mo!”
Si Wonwoo naman ang napatigil ngayon.
“On what basis? Masungit nga ako sabi mo ‘di ba?”
“Pero wala naman ako sinabing masama kang tao.” Nakapamewang pa si Mingyu na parang pinapagalitan siya. “You are so wrong for that. You are so unslay.”
“So bakit nga?”
Hindi mapagtanong na tao si Wonwoo. Hindi siya makulit; kung ayaw sabihin sa kanya, wala na siyang pakealam dun. Pero hindi niya maiwasang maintriga sa naging sagot ni Mingyu dahil ito ang unang beses na nasabihan siya nang ganon.
Iisa lang naman palagi ang mga naririnig niya sa mga tao—kahit sa sariling pamilya: Cold. Walang puso. Tatanda mag-isa.
But this? Kailangan niyang malaman ang dahilan.
“Napansin mo lahat ng ‘yon sa ‘kin at ang conclusion mo, maalaga akong tao. Kung ibang tao ang makakapansin ng mga ‘yon at tinanong mo sila? Ang isasagot nila sa ‘yo e tingin nila lampa ako at pabaya sa sarili.”
Naglakad na sila ulit, and Mingyu continues to talk, “It takes a bright person to recognize warmth. Sheesh english ulit.”
The only warmth Wonwoo can think of that could be a part of him was the warmth starting to spread in his chest.
Tumila na ang ambon. Malakas pa rin ang hangin. Lumalamig na ang gabi. Pero ang init sa pakiramdam na dala ng presensya ni Mingyu lang ang tanging nakatatak sa utak ni Wonwoo ngayon.
“Thank you. For saying that.”
Mukhang bibigyan siya ni Mingyu ng gabing hindi niya makakalimutan.
Dumila lang ang isa sa kanya na parang bata. “Next question! What’s your biggest fear?”
“Hirap, teka. One minute.”
Hindi lang isang minuto ang inabot ni Wonwoo kakaisip.
Ganito lang ang itsura niya—mukha lang siyang tigasin, pero marami siyang kinatatakutan sa buhay.
Takot siya sa dilim, takot siyang kumakausap ng tao sa counter, takot siya sa mga saleslady na lumalapit sa kanya sa mall, takot siya sa mga bagong lugar, takot siya sa mga bagay na tingin niya hindi niya kakayanin.
Takot siya sa mga bagay na pwedeng mangyari. Takot siya sa mga bagay na tingin niya pwedeng hindi mangyari.
“Takot akong hindi maging successful sa buhay.”
Seryoso ang tinging ibinato ni Mingyu sa kanya. “Bakit?”
Pinilit tumawa ni Wonwoo in an attempt to chase the butterflies in his stomach away. ‘Yun ang sabi ng lola niyang gawin niya pag tingin niya kinakabag siya.
“Mayabang ako, kaya kailangan ko maging successful.” Pabiro siyang hinampas ni Mingyu at naging totoo na ang tawang lumabas mula sa bibig niya dahil dito. “De, syempre nagpapakahirap tayo mag-aral ngayon tapos ‘di tayo aasenso sa buhay? Aba. Kung deserve yumaman ng mga taong nakaupo sa pwesto, mas deserve ko rin, ‘no!”
Nanlaki naman ang mata ni Mingyu sa narinig at napatingin sa pulis na nadaanan nila. “Shet ka, Wonwoo. Engineer ang gusto kong title, hindi bente uno anyos, nanlaban .”
Isang malakas na halakhak lang ang natanggap ni Mingyu, katapos ay siya naman ang tinanong ni Wonwoo.
“Ikaw, what’s your biggest fear?”
“Ipis.”
“Puta ka.”
“Legit nga. Lalo na mga flying ipis.”
Kung hindi pa siya babatukan ni Wonwoo, hindi ito sasagot nang maayos.
“Ito na, ito na!” Natatawang sagot ni Mingyu. Babatukan pa sana siya nito pabalik pero hindi niya mataas ang kamay kakatawa.
Saglit silang natahimik, wala pa ring tigil sa paglalakad. Napalunok muna si Mingyu bago nagsalita ulit.
“Grief.”
“Hmm?”
“That’s my biggest fear,” Pagpapaliwanag ni Mingyu. “Takot akong magluksa.”
Hindi sumagot si Wonwoo kaya nagpatuloy lang siyang magsalita.
“Takot akong mawala sa ‘kin ‘yung isang tao bago pa man ako maubusan ng pagmamahal para sa kanila. Takot akong magising one day na wala na palang paglalagyan ‘tong affection ko for them.”
Lumingon si Mingyu kay Wonwoo, at kahit na hindi na kasing liwanag ng kanina ang ningning ng mga mata nito, the latter still thinks Mingyu has the most beautiful eyes he’s ever seen.
Ang lalim. Ang kinang. Ang lungkot. Ang totoo sa pakiramdam. Ang ganda.
Ang ganda pala ni Mingyu.
“But isn’t that grief already?” Sagot ni Wonwoo. “Kasi you’re already going through that emotion na takot kang maranasan ‘yon. Ngayon pa lang, sinasaktan ka na nito.”
Mukhang napaisip si Mingyu sa narinig.
“Siguro nga.” Ang lungkot ng ngiti nito, ngunit ang ganda pa rin non sa paningin ni Wonwoo. “Edi wala na pala dapat akong katakutan? Kasi ranas ko na.”
“Wala. Not because nararanasan mo na,” Wonwoo brushes the back of Mingyu’s hand with the back of his. “But because everything you’ve ever loved will always be a part of you. Hindi sila mawawala sa ‘yo. They’ll always linger.”
Wonwoo hopes a part of him gets to stay with Mingyu, too.
Kahit itong gabi man lang.
(Sana, mabigyan niya rin si Mingyu ng gabing hindi niya malilimutan.)
“Shet teh walang laman ‘yung paparating na jeep!”
Napatingin silang dalawa sa babaeng biglang sumigaw malapit sa kanila. Sinundan nila ng tingin ang tinuturo ng babae sa kaibigan niya at totoo ngang may papalapit na violet jeep sa kanila.
“Lord shet totoo ka nga!”
Natawa na lang silang dalawa sa narinig at nakipagunahan sa mga sumasakay sa jeep kahinto nito.
Nang makaupo sa loob, kinuha ni Wonwoo ang wallet mula sa bag niya habang si Mingyu naman ay dumudukot sa bulsa ng pantalon niya kaya napatanong siya dito.
“Barya ka ba?”
“Bakit?”
“Tanga, ‘di ‘to pick up line.” Natatawang sagot ni Wonwoo sa katabi. “Singkwenta pera ko, ito na i-abot mo, akin na ‘yan.”
Ramdam na ulit ni Wonwoo ang pagod nang umandar na ang jeep. Mukhang nawalan na rin ng energy si Mingyu dahil hindi na siya dinaldal nito ulit.
Ngunit inabot nito ang isang pares ng earphone niya kay Wonwoo. “Gusto mo?”
Tinanggap naman niya ito at sinuot.
Every time in my mind
I'm telling myself
Niyuko ni Wonwoo ang ulo niya at pumikit—
Should I be?
Who will be
The man who'll hold your hand?
—na siyang kinuha naman Mingyu at isinandal sa balikat niya.
Whenever I close my eyes
I can see your lovely smile
Dumilat si Wonwoo at humarap kay Mingyu. Nilingon din siya nito at nginitian.
And I open it again
And then I see the midnight sky
Ang ganda ganda.
Wishing that I'll be
The man that'll touch and see
I'll give my love that can't explain
We will be running in the rain
And I will hold your hand
Bumaba ang tingin ni Wonwoo sa kamay ni Mingyu bago muling pumikit.
Hold my hand
At hanggang sa pagpikit ng mga mata niya, ngiti pa rin ni Mingyu ang nakikita niya.
I will hold your hand
***
Nagising si Wonwoo sa naramdaman niyang bahagyang pagtapik sa pisngi niya. Nang mabalik na sa ulirat, iniangat na niya ang ulo niya at dumungaw sa bintana.
“Lapit ka na bumaba.”
Hindi akalain ni Wonwoo na magkakaroon siya ng punto sa buhay niyang malulungkot siya pag nakakita ng mcdo.
Ayaw niya pang bumaba. Ayaw niya pang mahiwalay kay Mingyu.
“Mt. View!”
Hindi talaga akalain ni Wonwoo na magkakaroon siya ng punto sa buhay niyang malulungkot siya pag narinig ang lugar na bababaan niya.
“Ingat, lods.”
Nilapit sa kanya ni Mingyu ang kamay niyang nakayukom ang kamao. Hindi pa tanggap ni Wonwoo ang pinaparating nito, kaya inilahad niya ang palad niya sa harap nito.
Tawang tawa na naman sa kanya si Mingyu. “Gagi. Fist bump, hindi totopik.”
Huminto na ang jeep. Kailangan na niyang bumaba.
Wala nang magagawa si Wonwoo.
“Ingat.”
Ganon lang natapos ang gabi nila.
Nakasimangot lang si Wonwoo habang naglalakad papunta sa terminal ng tricycle. Kahit ang mga batang araw araw siyang nilalapitan para manlimos ay hindi lumapit sa kanya. Alam niyang masama ang itsura niya kapag ganito pero hindi niya mapigilan.
Grabe. Para siyang nakipagbreak.
At hindi pa romantic. Talagang sa tricycle pa ata siya magnu-nurse ng kanyang broken heart. Paano na lang ang pangarap niyang sumigaw ng stop the car?
Lalong lumalim ang pagsimangot ni Wonwoo.
“Bukas bag mo, lods!”
Mabilis na napalingon si Wonwoo sa likod niya nang marinig ang boses ni Mingyu, at nakita niya itong tumatakbo papalapit sa kanya.
Pinatalikod siya nito ulit at sinara ang zipper ng bag niya.
“Thank you, Mingyu.” Natatawang sagot ni Wonwoo.
Hindi na niya mapigilang umasa.
At kung ibinibigay sa kanya ni Mingyu itong gabi…
“Hihintayin mo rin ba akong makasakay?”
…ibibigay naman ni Wonwoo sa kanya ang bawat bukas.
“Hindi. Hatid na kita.”
