Actions

Work Header

i licked it so it's mine

Summary:

That moment when nakakuha na finally ng lakas ng loob ang kaibigan mong madalas bahag ang buntot para lumaban sa pang-aapi ng wirdong sirenong napulot n'yo sa tabi ng dagat.

Proud ka sana, kaso sa 'yo naman ngayon napunta ang malas niya.

Notes:

it's been so long since i last posted here so here's a short excerpt from that mermaid au na wala akong balak trabahuin. enjoy!!

(See the end of the work for more notes.)

Work Text:

Magaling akong mag-preserve ng friendships. 'Di man marami ang mga kaibigan ko, confident naman akong pare-parehas naming pinapahalagahan ang isa't isa at 'di lang kami nagpa-plastikan.

Kami nina Justin at Josh - mula pagkabata, magkakadikit na bituka namin. Madalas nga tina-try kong imagine-in kung hindi ko sila nakilala't naging mga kaibigan, kung gaano kalayo sa kung ano ako ngayon ang pagkatao ko kung wala sila. Baka siguro nagkabahay na ako sa langit ngayon.

'Yun nga. Sa sobrang tagal na naming magkakakilala, alam na namin madalas ang takbo ng isip ng isa't isa. Gaya ngayon. Sigurado akong iisa lang ang iniisip namin:

Putangina, ba't nandito 'to?

.

Sobrang haba na ng araw na 'to, sa totoo lang. Tatlong sunod-sunod na presentations ba naman atupagin ko, 'yung isa pa ro'n 'di sumulpot kagrupo kong magbabasa na nga lang sana, a-absent pa.

Ang akin lang naman, lunch na nga lang sana pahinga ko, tapos...

Tapos susulpot pa 'to?!

"Pre, si..."

Ken.

Oo, si Ken. Si Ken, sireno 'yan. Kinupkop ng isa pang kaibigan namin na kailan lang din namin nalaman na sireno rin. 'Di ko na i-eexplain kung pa'no ako sinuwerte't dalawang taong isda pa ang dumating para dumagdag sa sakit ng ulo ko.

'Yung isa, eto, prenteng upo lang sa harap namin na para bang araw-araw niya kaming sinasamahang mag-lunch.

Isa-isa niyang sinipat-sipat ang pagkain sa lamesa at bumusangot sa huli. Edi sorry kung sobrang mahal ng fried chicken dito at pastil lang ang kaya namin?

"So, Ken..." simula ni Jah na may konting nginig sa boses. Buti naman at tinigilan na niya ako sa kaka-siko niya kasi wala rin akong balak mapagbuntungan ng masamang tingin nitong isdang 'to. Parang mas tumalim pa naman ngipin niya these days...

"Ken," subok niya ulit nang 'di siya pansinin. E wala pa rin. Nakakakaba na nga't sa ibang mesa na siya tumitingin-tingin, baka sumunggab na lang bigla.

"Uy, Ken!" Lagot. Medyo napalakas sigaw natin do'n, Justin ah.

Ngayon, mataman nang nakatitig sa kanya si Ken at konti na lang, mag-uunahan na ang ihi at luha ni Jah sa paglabas. Pero may dignidad pa rin naman 'tong kaibigan ko kahit papa'no, kahit na dinig na dinig niya siguro sa tabi niyang bumubungisngis si Josh. 'Di siya nagpaapekto't tumikhim lang. "Pa'no ka pala nakapunta?"

Akala ko bibigwasan na niya si Jah, sesenyas lang pala. Isang daliri sa itaas ng labi. Pablo. Oo nga naman, sino pa ba?

"E sa'n na siya ngayon?" tanong naman ni Josh. Tsktsktsk.

Dalawang kamay naman ngayon ang gamit niya't pumosturang nakahawak sa manibela ng motor. Okay. Si Pablo, umalis nang naka-motor. Pagkatapos ay ipinatong niya ang mga kamay sa ulo at humagod mula bumbunan hanggang balikat. Si Pablo, umalis nang naka-motor at may kasamang babae?

"Ha?! Sino? Nakita na ba namin sa shop? Dito ba nag-aaral? Maganda ba..." Ayan sige OA-han mo pa, Justin, walk-out tuloy kaibigan mong torpe.

"Sorry naman," bulong niya sa 'kin with matching puppy eyes. Kupal na 'to, sa 'kin pa nagpaawa.

Pagtingin namin ulit kay Ken, sa iba na naman nakapako ang atensyon niya. Saan kamo? Sa rainbow swirl lollipop ni Justin sa lamesa na bigay ng crush niya mula high school.

May mas malas pa pala sa 'kin.

"Stell naman... bigay 'to ni Diana eh," paiyak niyang sabi. Aba anong gusto mong gawin ko? Pumagitna sa inyo? E kung tao lang 'yang lollipop mo malamang nabuntis na 'yan sa titig nitong isang 'to.

"'Bigay mo na lang. 'To naman," bulong ko pabalik. Nakakahiya, parang konti na lang, aatakihin na niya si Jah. "Bilhan na lang kitang bago, Jah. 'Bigay mo na."

"E ayoko. Sa crush ko nga galing eh, may sentimental val-- hoy!" 

Jusko. Bigla-bigla ba namang sumampa sa lamesa't inabot ang lollipop. Pakagago mo talaga, Pablo, mamaya ka sa 'kin.

"Stell! Ken, bitaw! Bitaw sabe! Stell, awatin mo!"

Pumagitna na nga ako't sinubukang tanggalin ang pagkakakapit ni Ken sa duluhan ng stick. Putek. Pakalakas. "Ken, bumitaw ka. Isa."

Sa awa ng Diyos at nakinig naman, for the first time. Nakuuuu. Maghanda ka talaga, Pablo at hinding hindi ko makakalimutan ang tinginan ng mga tao rito sa cafeteria.

"Umayos ka nang upo." Sumunod ulit siya. Kung 'di lang ako stressed na stressed dito matatawa pa ako't para siyang padabog na umupo at ngumuso. Tumingin ulit siya sa hawak ni Jah at ngayon 'di na nag-alinlangan pa si kumag at tinanggal na ang wrapper ng lollipop at dinilaan ito.

"Ayan, ha. May laway ko na, so 'di mo na talaga pwedeng kunin." Sabay duro. Ano ba 'to? Tumapang kasi muntik maagawan ng kendi?

Inihilig naman ni Ken ang ulo niya pakanan, bagay na ginagawa niya lang kapag nagtataka siya o interesado siya sa narinig o nakita niya. Dahan-dahan niyang inabot ang donut ni Josh sa mesa at... dinilaan ito.

Justin, ipag-uuntog ko talaga kayo ni Pablo.

Tumingin ulit siya kay Jah na parang nagtatanong at ito namang isa, napakapit sa braso ko't tinamaan na naman ata ng takot.

"Ah eh... oo hehehe. Ibig sabihin, iyo na 'yan. Kasi may laway mo na eh."

Napataas ang kilay ko nang bigla siyang tumingin sa 'kin. At dahil 'di naman ako si Justin, ngumiti lang ako't kinurot ang tukmol kong kaibigan sa hita. Diniinan ko pa pagkarinig ko sa daing niya.

Bumaba ang tingin ni Ken sa kamay ni Jah sa braso ko. Sabay kaming napahigpit ang hawak sa isa't isa nang kumunot-noo ito at inangat ang isa niyang kamay. 'Wag n'yo nang tanungin kung bakit ganito na lang ang takot namin sa taong 'to. Sabihin na lang nating may nakita kaming... mga bagay-bagay.

Dahan-dahan niyang kinuha ang kamay ko at, habang nakatitig nang diretso sa mga mata ko, dinilaan ito mula sa taba ng palad ko hanggang sa tuktok ng mga daliri ko. Sabay turo. Ikaw. Akin.

Tanginang buhay 'to.

Notes:

miss ko na esbi trulyyy congrats sa bebe kong kots na sa tvg <33 i want u more! also sa successful us tour nyo huhu i couldnt be any prouder!

nahanap ko na log-in credentials ng twt ko but i dont think magiging active ulit ako agad agad BUT here it is @k0haik3n ,,,