Actions

Work Header

Dayo

Summary:

Sa kaarawan ni Ryan, naisipan ng magkakaibigan na mag-road trip bilang ito ay parte ng tradisyon ng kanilang pamilya sa tuwing may tutuntong sa edad na labing walo. Hindi ngalang nila inaasahan na masisiraan sila sa gitna ng daan at kung mas mamalasin ay sa gitna pa ng kawalan. Makalabas kaya sila nang buhay sa masukal na gubat?

Notes:

Characters:
Harvey (lhs)
James (pjs)
Jericho (sjy)
Silver (psh)
Solar (ksn)
Justin (yjw)
Ryan (nrk)

Da-yo - stranger

(See the end of the work for more notes.)

Work Text:

Nagising si Ryan sa tunog ng alarm na nagmumula sa kanyang cellphone. Iminulat niya ang kanyang mga mata at inabot ang telepono na nakalapag sa lamesita na katabi ng kanyang kama.

 

Pagbukas niya ng cellphone, nakita niya ang messages galing sa kanyang pinsan na si Harvey.

 

Papunta na kami. Baka gusto mong gumising na bago kami makarating .

 

Mag iisang oras na ang nakalipas nang matanggap niya ang text ng kanyang kuya Harvey. Kung wala pa sila ngayon, maaring mga ilang minuto na lamang ang hihintayin niya at nasa baba na ito.

 

Kaarawan ngayon ni Ryan. Pupunta ngayon sa kanilang tahanan ang pinsan niya kasama ang nobyo nito na si Jericho. Pupunta din ang mga kaibigan ni Harvey, ang magkapatid na sina James at Silver, kasama na rin ang iba nilang kababata na sina Solar at Justin.

 

Ngayong kaarawan niya, napag desisyunan nila na mag roadtrip papunta sa destinasyon kung saan nila ipagdidiwang ang kaarawan ng pinaka bata sa kanilang grupo. Ang iba sa magulang nila ang nauna na sa resort na pag gaganapan, habang ang iba naman ay susunod na lamang dahil busy pa sa kani kanilang mga trabaho.

 

Naging tradition na ito ng kanilang pamilya. Ang pamilya nila Ryan at ng kanyang mga kababata na kasama niya sa roadtrip ay magkakakilala at magkakaibigan din nung kabataan nila. Kasama ang ‘roadtrip’ sa tradition tuwing may tutungtong sa kanila ng ika-labingwalong kaarawan. Noong nakaraang taon, si Justin ang nag labingwalo sa kanila. Nagroadtrip ang mga ito ngunit hindi kasama si Ryan sa kadahilanang napilit siya ng mga magulang niya na sumama muna sa kanilang business trip. Noong una nga ay nagtatampo siya, dahil bakit hindi siya kasama?

 

Ngayon na kaarawan niya, sa wakas ay makakasama na siya sa roadtrip ng kanyang mga kuya.

 

“Hoy Ryan! Sabi ko bumangon ka na eh!”

 

Rinig niyang sigaw mula sa likod ng pintuan ng kanyang kwarto. Bumukas ang kanyang pintuan at bumungad ang kanyang kuya Harvey. Itinaklob niya ang kumot sa kanyang ulo, nagtatago.

 

“Bumangon ka na anong oras na,” sabi ni Harvey, “May dala kaming almusal,”

 

Agad bumangon si Ryan dahil nakaramdam siya ng gutom sa pag sambit ng salitang ‘almusal’. Pagkababa niya sa kusina at nakita niya ang kababatang sina Solar at Justin na kumakain ng pandesal, habang si James naman ay nahigop ng kape.

 

“Kain na muna birthday boy,” bati sakaniya ni Solar

 

“Naks, birthday. Di ka na menor,” sabi naman ni Justin na inirapan ni Ryan

 

“Pwede ka na makulong,” Sabi ni Solar sabay tawa nang malakas,

 

“Oo, tapos ang unang krimen ko ei yung ililibing ko kayong dalawa,” sagot naman ni Ryan

 

Sa kanilang magkakaibigan, silang tatlo ang laging magkakasama. Hindi rin naman kase nag kakalayo ang mga edad nila. Silang tatlo ang laging nag aasaran sa isa’t isa samantalang ang mga nakakatanda nilang mga kaibigan ay kung hindi nanunuod ay nanggagatong sa kanilang asaran.

 

“San sila kuya Silver at kuya Jer?” tanong ni Ryan,

 

“Nasa sasakyan, chinecheck kung okay para sa biyahe,” sagot ni James, hawak hawak ang mug ng kape malapit sakaniyang bibig

 

“Sabi ko kasi sainyo yung van nalang namin ang gamitin ei,” pagtataray ni Solar habang nilalagyan ng butter ang pandesal na kaniyang hawak.

 

“Ei ayaw nga ni tito, diba? Yang van na yan kasi yung ginamit din noon,” sagot ni James

 

“Eh it’s luma na nga, ewan ko ba kay dad ayaw pa palitan,” sabi ni Solar

 

“‘Eh it’s luma na nga’, kaconyohan mo nanaman, love. Rinig ko hanggang sala,” sambit ni Silver habang lumalapit sakanila at kumuha ng upuan para tabihan si Solar. Sa likod naman niya ay si Jericho na may dala dala din na mug ng kape.

 

“Kuya Harvey mo?” tanong ni Jericho kay Ryan,

 

“Nasa taas ata?” sagot nito at tumango naman si Jericho.

 

“Ryan! Etong duffle bag lang dala mo?” rinig nila si Harvey sa taas,

 

“Oo kuya! Nandiyan na lahat,” sagot ni Ryan

Kalaunan ay dumating din si Harvey sa kusina. Kumuha ito ng pandesal at isinawsaw sa mug ng kape ni Jericho sabay kain dito.

 

“Okay na ba lahat?” tanong ni Harvey habang nanguya ng pandesal,

 

“Oo, nacheck na namin ni Jer yung sasakyan,” sagot ni Silver,

 

“Natanggal na din namin sa saksakan lahat dito sa kusina,” sagot naman ni Justin,

 

“Ei sa sala?” tanong ni Harvey,

 

“Kagabi palang natanggal ko na yun,” sagot naman ni Ryan,

 

“Okay, natanggal ko na din lahat sa taas. Chineck ko na din yung ibang kwarto. Siguraduhin niyo lahat na wala na kayong naiwan ha, malayo layo ang biyahe.” sabi ni Harvey



“San daw ba yung resort kuya Harvey?” tanong ni Justin habang binubuksan ang isang bag ng chichirya.

 

“Sa Batangas daw,” sagot ni Harvey,

 

“Ang layo!” singit naman ni Solar,

 

“Asus, ikaw ba magdadrive?” sagot naman ni Silver,

 

“Kahit na! May stop over naman diba?” saad ni Solar,

 

“Yes, Sol. Meron, kaya pumirmi ka na muna jan,” sabi ni Harvey habang di inaalis ang mata sa daanan.

 

Habang nasa biyahe, tahimik lamang na nakaupo si Ryan sa may bandang bintana sa dulo ng van. Nakasalpak sa kaniyang tenga ang kaniyang headphones at nakikinig sa mga kanta na kanyang paborito. Kung minsan ay susulyap sa bintana, minsan naman ay titingin sa kanyang cellphone.

 

Napupuno ngayon ng pagbati ang kanyang cellphone. Mula sa kaniyang ibang kamag-anak, kaklase, at mga kaibigan mula sa eskwelahan. Nakikita din niya ngayon ang mga IG stories mula sa kaniyang mga kababata na kasama niya ngayon. Isa isa niya itong binigyan ng ‘heart’ reaction kahit na ang mga laman ng kanilang IG stories ay mga nakakahiya niyang litrato o video nung sila ay bata pa o di kaya naman ay nung mga nakaraang taon na sila ay nagtitipon.

 

Hindi na namalayan ni Ryan na nakatulog na pala siya habang bumabiyahe. Nagising siya sa pakiramdam na pagbagal ng kanilang sinsakyan. Noon una ay akala niya nasa resort na sila, ngunit nakita niya na nasa gasolinahan sila. Tinignan niya ang mga kasama niya at nakita niya na ang iba dito ay tulog, ang iba naman ay busy sa kanilang kani kaniyang cellphone.

 

“Stop over muna, bumili na kayo ng gusto niyong snacks tapos pag isipan niyo san niyo gusto kumain ng lunch,” sabi ni Harvey.

 

Ang mga tulog na sina Jericho, Solar, at Justin ay nagmulat ng kanilang mga mata at tumingin tingin sa kanilang paligid. Agad namang binuksan ni James na malapit sa pintuan ang van at lumabas upang mag unat. Si Solar ay dali daling lumabas papunta ng CR at nakasunod naman dito si Justin.

 

Bumaba si Ryan at agad nagtungo sa convinience store ng gasolinahan. Agad siyang dumiretso sa snacks aisle upang kumuha ng mga gusto niyang chichirya. Nakita naman niya na pumasok din ang mga kuya niyang sina Harvey at James kasunod niya. Dumiretso sa ibang parte ng tindahan ang dalawa at isinawalang bahala naman ito ni Ryan at nagpatuloy sa pagkuha.

 

“Kuya may tubig ba tayo sa van?” Tanong ni Ryan,

 

“Meron pa pero kumuha ka na din ng isa, yung malaki na,” sagot ni Harvey,

 

“Kuha mo na din sina Sol at Jah,” dagdag ni James,

 

Kukuha na sana si Ryan ng para sa dalawa nang tumunog naman ang bell na nasa pintuan. Iniluwa nito sina Solar at Justin na agad dumiretso sa kaniyang pinaroroonan upang kumuha din ng kutkutin.

 

“Kuya may sweetcorn dito na chichirya!” sabi ni Justin habang iwinawagayway kay James ang hawak na chichirya,

 

“Sige, kuha mo’ko,” sagot naman ni James,

 

“Ryan nakita mo ba yung pillows? Gusto ni Sil yun ei,” tanong ni Sol

 

“Nandon ata sa kabilang side,” sagot naman ni Ryan.

 

Nang matapos nilang kunin ang kanilang kailangan at gusto, pumunta na sila sa counter at naabutan nila na naghihintay sina Harvey at James. Agad naman napansin ni Ryan ang bitbit ng kanyang mga kuya. Magkakahalong mga pagkain at iba pang mga gamit.

 

“Blow torch?” tanong ni Ryan,

 

Agad naman napatingin si Harvey sakaniya at maliit ng ngumiti.

 

“Mag baBarbeque ata sila mama, nagpabili,” sagot ni Harvey

 

Nang matapos sila magpagas at bumili sa convenience store, agad na nilang tinuloy ang biyahe. Hindi rin nagtagal ay tumigil sila sa isang kainan para maglunch atsaka tumuloy sa kalsada.

 

Pinagmamasdan niya ang mga nadadaanan nila. Kapansin pansin ang pagiiba ng pagilid, mula sa mga nagtataasang mga gusali ng syudad, ito ay unti unting napapaltan ng mga puno at maliit na bahay nakatabi sa gilid ng kalsada.

 

Hindi niya naririnig ang kung ano mang nagyayari sa loob ng kanilang sinasakyan, nakasalampak sa kaniyang mga tenga ang kaniyang headphones kung saan tumutugtog ang musika na umaakma sa bilis ng takbo ng sasakyan at sa itsura ng paligid.

 

Bukod sa pagiging sabik, ramdam din ni Ryan ang kaba sa kaniyang dibdib. Bakit siya kakabahan? Ito ang tanong niya sa kaniyang sarili. Tila kaparehas lang din naman ito ng mga nagdaan niyang kaarawan. Ano ba’ng bago? Nadagdagan lamang naman siya ng taon. Pero sa loob ni Ryan, alam niya na maraming magbabago.

 

Malapit na siyang pumasok sa kolehiyo at dito magsisimula ang kaniyang hakbang patungo sa buhay na pupuntahan at ninanais niya. Ang mga desisyon niya magmula ngayon ay maari nang makaapekto sa kung ano man ang posibleng mangyari sakaniyang buhay.

 

Nakikita niya ang kaniyang mga kuya. Kahit na ang mga ito ay maliligalig, alam niyang seryoso ang mga ito pagdating sa kani-kanilang pag aaral. Ginagawa niya ngang inspirasyon ang mga ito sapagkat, madalas silang makakuha ng matataas na grado kahit pa sinasamahan nila siya sa mga gusto niyang gawin kagaya ng paglalaro ng computer games o di naman kaya ay ang baseball.

 

Kung tatanungin siya kung sino ang kaniyang mga idolo, nakakhiya mang sabihin sa harap nila, ang isasagot niya ang kaniyang mga kuya.

 

Di nagtagal ay nakarating sila sa isang arko. Nakita naman ni Ryan ang arko at napagtanto na nasa lalawigan na sila ng Batangas. Pinagmasdan ni Ryan ang kuya niyang si Harvey na kalmadong nagmamaneho, ang telepono ay nasa gilid at nagbibigay ng direksyon.

 

Maya maya ay biglang nagising si Ryan sa pagkakaidlip. Hindi niya namalayan na nakatulog na pala siya at wala nang tumutugtog sa kaniyang headphones. Natapos na ang mga kanta na nasa kaniyang listahan. Tinanggal muna ni Ryan ang headphones at bahagyang nagunat. Tinignan niya din ang mga kasama at nakita niya na karamihan sa mga ito ay tulog.

 

Di nagtagal ay narinig ni Ryan ang telepono ng kaniyang kuya Harvey na nagbigay ng direksyon na lumiko sa isang lugar. Sinasabi na traffic sa isang daan at maaaring mag detour sa sinasabi nitong direskyon.

 

“Sigurado ka ba jan Harvs?” Tanong ni Jericho na nakaupo sa passenger seat.

 

“Oo naman, tiwala naman ako jan. Tagal ko na ginagamit yan,” sagot naman ni Harvey

 

Nakita ni Ryan kung paano lumiko si Harvey patungo sa shortcut na tinuro ng kanyang cellphone. Napansin naman niya na ibang iba ang daan na tinatahak nila ngayon kumpara sa kalsada kanina na napapalibutan ng mga bahay o di naman kaya ay mga tindahan.

 

Walang siyang ibang makita kundi mga puno. Kahit saan niya idaan ang kaniyang mga mata, panay puno o di naman kaya ay mga halamanan ang dinadapuan ng kaniyang tingin. Ang tanging naiiba lamang ay ang patag na kalsada na kanilang dinadaanan.

 

“Nasan na tayo?” sambit ni Justin na agad namang narinig ni Ryan,

 

“Di ko alam kay kuya Harvey, nag shortcut ata,” sagot nito,

 

“Kuya Harvs! San na tayo?” tanong ni Justin sa nagmamanehong si Harvey,

 

“Ingay mo naman,” bulong ni Solar na nakapikit pa at tila naalimpungatan sa tawag ni Justin,

 

“Malayo pa nang onti,” sagot ni Harvey,

 

Hindi naman na nagtanong pa si Justin at umayos uli ng upo habang naguunat at tumitingin sa paligid.

 

“Excited ka na ba?” tanong ni Justin kay Ryan.

 

Agad namang nilingon ng nakakabata ang isa at bahagyang inirolyo ang mga mata.

 

“Ano ako bata?” sambit nito,

 

“Bakit? Hindi ka ba excited sa birthday mo? 18 years old ka na!” sabi ni Justin habang nakangising nakatingin sa isa,

 

“So?” sabi ni Ryan,

 

“Corny mo kausap, very unflavored,” irap naman ni Justin,

 

“Bakit ikaw? Ano ba naramdaman mo nung nag 18 ka?” tanong naman ni Ryan.

 

Nanahimik si Justin mula sa tanong niya, tila nagiisip kung anong isasagot sa isa. Hindi naman nagpatinag sa titig si Ryan at animo’y tinatansiya ang magiging sagot ni Justin sa kaniya. Ano nga ba ang nakakaexcite sa pagiging 18? Sa kanilang magkakaibigan, si Justin ang huling nag 18 bago siya. Baka may alam si Justin kung anong dapat niyang paghandaan ngayong tumuntong na siya ng 18.

 

“Wala naman,” biglang sagot ni Justin, “May magbabago siguro, pero kaya mo yan,” dagdag pa nito sabay ngumiti nang malawak at bahagyang humalakhak.

 

Umiling nalamang si Ryan sa sagot ng kaibigan, at itinutok muli ang tingin sa bintana, kahit na wala namang ibang makikita kundi berdeng tanawin.

 

Ang kaninang patag na daanan ay biglang napalitan ng lupa. Dama na ngayon sa loob ng sasakyan ang hindi pantay pantay na kanilang dinadaanan. Tinanaw niya ang harapan, ngunit wala pa ring lagusan na nagpapakitang malapit na muli sila sa siyudad.

 

“Silver,” tawag ni Harvey,

 

Tinapik naman ni Solar ang natutulog na si Silver, “Huh?” sagot nito, halatang naistorbo sa pagkakatulog,

 

“Chineck mo naman yung sasakyan diba?” tanong ni Harvey,

 

Napaayos naman ng upo si Silver sa tanong na narinig, “Oo, bakit?”

 

“May naririnig kasi akong lagutok ei,” sambit ni Harvey,

 

“So, yun pala yung naririnig ko kanina pa,” sabi naman ni James,

 

“Naririnig mo na pala bat di mo pa sinabi?” sabi ni Silver,

 

“Malay ko bang sa makina? Akala ko sa lubak ng daan ei,” dipensa naman ni James,

 

“Shit,” rinig nilang sabi ni Harvey,

 

Di nagtagal ay nararamdaman na nila ang pagbagal ng kanilang sinsakyan. Napatingin sa paligid si Ryan at nakitang walang nakapalibot sakanila kundi mga puno. Humagod naman ang kaba sa kaniyang loob nang maramdaman ang tuluyang pagtigil ng sasakyan ang pagwala ng buhay ng makina nito.

 

“What the hell?” rinig niyang sabi ni Solar, “Nasiraan tayo?!”

 

“Obvious ba?” sagot naman ni Justin,

 

“Ei kung sakalin kita?”

 

“Tignan niyo nga kung may signal, magchat kayo kila papa,” utos ni Harvey

 

Tinignan naman ni Ryan ang kanyang cellphone at halos mawalan siya ng gana nang makita niyang walang signal sa lugar.

 

“Walang signal,” saad niya,

 

“Pano yan?” tanong ni Jericho,

 

“Try ko maglakad ng konti, baka sakaling may signal,” sabi ni Harvey na ngayon ay hawak na ang handle sa kaniyang pintuan,

 

“Oh my God, kuya!” sigaw ni Solar, at napalingon naman ang lahat sakaniya, “This is horror 101, wag ka hihiwalay sa grupo mo pag nasiraan kayo sa gitna ng kawalan,”

 

Lahat naman ay bumuntong hininga sa narinig mula kay Solar. Ang iba ay umiiling, ang iba naman ay tumawa.

 

“Eto naman si OA,” sabi ni Silver,

 

“Sinasabi ko lang naman?!” sagot ni Solar,

 

“I’ll be okay Sol, sisiguraduhin kong tanaw niyo pa rin ako sa sasakyan,” pag lilinaw naman ni Harvey,

 

“Kuya, baba kami, pwede? Mainit ei,” sabi ni Justin,

 

“Sige, basta wag kayong lalayo,” sagot ni Harvey, “James, Jericho, alam niyo na,”

 

“Bakit di ako natawag?” sabi naman ni Silver, nakakunot ang noo dahil hindi siya naatasang magbantay din sa mga nakakabata nilang kasama,

 

“Isa ka ding alagain ei,” sabi ni James, sabay akbay kay Silver,

 

“Ulol,” sagot ni Silver.

 

Nang makababa si Ryan, agad niyang inunat ang kanyang mga binti at braso. Rinig naman niya ang lagutok ng mga ito dahil sa tagal niyang nakaupo sa loob ng van. Iginala niya ang kanyang mga mata sa paligid, at kagaya ng nakita niya kanina, puro puno lamang ang nakapaligid. Rinig din ang pag alingawngaw ng mga ibon sa paligid kasabay ng huni ng mahinang hangin na dumadampi sa kaniya.

 

Tinignan niya ang kaniyang kuya Harvey sa malayo. Kita niya ang pag taas nito ng kanyang braso na may hawak na cellphone upang makasagap ng signal. Tinignan niya ang oras sa kaniyang relo at nakita naman niya na alas tres na ng hapon.

 

Kita niya ang sikat ng araw, ngunit pasalamat niya na nasa gubat sila dahil naitatago ng mga puno ang sinag nito. Ngunit naiisip niya, hindi rin maganda na magpasalamat siya na nasa gubat sila ngayon. 

 

Nakukulong sila ng mga puno at walang mapuntahan o mahingan ng tulong.

 

“Ano may signal ba don?” tanong ni James sa papalapir sakanila na si Harvey,

 

“Wala,” sagot naman nito.

 

Silang lahat ay nagpakawala ng dismayadong hinga sa narinig. Hindi na alam kung ano ang susunod na gagawin.

 

“So pano na tayo niyan?” tanong naman ni Jericho na nakaupo sa passenger seat habang bukas ang pinto,

 

“Tignan nalang muna natin kung anong sira. Sil, pakuha naman nung tools sa likod,” sabi ni Harvey

 

Agad namang kumilos si Silver sa utos ni Harvey. Binuksan niya ang likod na parte ng van at kinuha ang tool box. Binuksan naman ni Harvey ang parte ng van kung nasaan ang makina at siniyasat kung ano ang naging dahilan ng kanilang pag hinto.

 

Umupo naman sa bandang likod ng van si Ryan. Muli niyang nilagay sa kaniyang tenga ang headphones upang libangin ang sarili. Isinandal niya ang kaniyang likod at marahang tumingin sa kawalan. Kita niya ang bawat pag galaw ng mga dahon sa puno dahil sa hangin.

 

Sa hindi kalayuan, may natanaw si Ryan. Agad niyang tinitigan ang tila ba anino sa kalayuan, ngunit bigla din naman itong naglaho. Sinubukan niyang tignan muli ang lugar ngunit wala na siyang maaninag doon.

 

Bakas naman ang gitla sa kaniyang muka nang biglang may humawak sa kaniyang balikat. Pagkalingon niya ay nakita niya si Solar.

 

“Masyado ka namang kabado,” pang aasar nito,

 

“Kita mo na nga kasing may headphones, bigla bigla mong kinakalabit,” angil naman ni Ryan

 

“Excited ka na ba mamaya?” tanong ni Solar,

 

“Ano nakaka excite? Ei nandito tayo sa gubat?”

 

“Eto naman si nega. Makakalabas din tayo noh!”

 

Umupo naman sa tabi ni Ryan si Solar at humilig dito habang nakangiti nang malawak at tila ba nang aasar.

 

“Wala tayong battery,” rinig nilang sabi ni Harvey,

 

“Pano tayo nan?” tanong naman ni James,

 

“Pwede siguro maghintay tayo ng dadaan din dito,”

 

“Eh? Muka ngang halos tayo lang ang dumaan dito ei,” sabi naman ni Silver,

 

“Malay niyo naman diba,” sagot naman ni Harvey.

 

Ilang minuto silang naghintay kung merong sasakyan na dadaan para magpatulong. Pero halos maka idlip na uli si Ryan ay wala paring dumadaan na sasakyan.

 

“What if may dumaan dito tapos serial killer pala siya tapos iisa isahin niya tayo?” biglang sabi ni Solar habang nakasandal pa din kay Ryan,

 

“Tumigil ka nga, kakanuod mo yan ng horror ei,” sagot ni Justin

 

“Asus takot ka lang ei,”

 

“Marunong ako ng taekwondo, ano sinasabi mo jan?”

 

“Anong ginagawa niyo dito?” rinig nilang sabi ng boses,

 

Bigla namang napatili si Solar sa gulat mula sa boses, at si Jericho naman ay nagulat sa sigaw ni Solar. Sa kabilang banda, sa gulat naman ni Justin sa sigaw ni Solar, ay agad siyang napa pwesto na tila ba ay sisipa ng kalaban. Napa aray naman si Ryan dahil kumapit nang mahigpit sa kaniya si Solar nang ito ay sumigaw.

 

“Aray ko naman!” sabi ni Ryan sa kaibigan, habang patuloy parin ito sa pag sigaw at nakapikit pa.

 

“Solar,” tawag ni James sakaniya,

 

“Serial killer! Sabi ko sainyo ei!” sigaw ni Solar habang nasigaw pa rin at iniyuyugyog ang braso ni Ryan na kinakapitan niya.

 

Tinignan naman ni Ryan ang taong nagtanong sakanila. Nakatayo sa di kalayuan ang isang lalaki na may hawak na itak. Napadiretso naman siya ng upo sa nakita at nakaramdam din ng kaba. Dahil dito, napakapit din siya kay Solar na nakapikit pa din at nagtatago sa gilid niya.

 

“Uhm, sir,” simula ni Harvey,

 

“Sabi ko bat kayo nandito?” sabi ng lalaki at akma pang lalapit sakanila.

 

Dahil naman dito, sabay sabay napasigaw ang magkakaibigan dahil lahat sila ay natatakot sa lalaki na may hawak na itak. Napatayo naman sina Solar at Ryan at tumakbo sila kasama si Justin papunta sa likod ng kanilang mga kuya.

 

Umabante naman si Harvey at si James upang harangan ang lalaki papunta sa iba pa nilang kasama. Habang si Jericho at si Silver naman ay hawak na sa kanilang likod ang tatlong nakakabata.

 

“Ano po, ah,” umpisa ni Harvey, nawawaglit sa isip ang gustong sabihin dahil sa kaba, “Nasiraan po kasi kami,”

 

“Opo. Naghihintay lang po kami kung may dadaan pa dito na sasakyan para makahingi po ng tulong,” dagdag naman ni James.

 

Tumahimik naman ang paligid at tanging mga huni lamang ng ibon at kaluskos ng dahon ang kanilang naririnig. Tila naman tinatansya ng magkakaibigan at ng lalaking nakatayo sa kanilang harapan kung ano ang sasabihin nila o ang ikikilos nila ngayon sa isa’t isa.

 

“Wala masyadong nadaan dito,” sagot ng lalaki habang ibinabalik sa kaniyang lalagyan ang itak na kaniyang hawak.

 

Nagpakawala naman ng hinga ang magkakaibigan, tila ba nawala ang kaba sakanilang mga dibdib nang itago ng lalaki ang kaniyang patalim.

 

“Pano ba kayo napunta dito?” tanong pa nito,

 

“Sinundan lang po namin yung guide samin, shortcut daw po ei,” sagot naman ni Harvey,

 

“Delikado ang daan na to dahil sa mga lubak. Lalo na pag gabi dahil wala kang makikita kundi mga puno,” sabi ng lalaki.

 

“May malapit po ba ditong pwede namin paghingian ng tulong?” tanong ni James,

 

“Pinakamalapit dito yung bahay namin. Kailangan pa maglakad nang malayo para makarating sa patag na kalsada,” sagot nito sakanila.

 

Nagtinginan ang magkakaibigan, tila pa nagpapakiramdaman kung sasama sila sa lalaking nasa harap nila. Ngunit isa lang ang sinasabi ng kanilang mga isip, wala silang magagawa kundi sumama dahil kailangan nila ng tulong. Bigo sila sa pagsagap ng signal para kausapin ang kanilang mga magulang, wala ring dumadaan na sasakyan na pwede nilang paghingan ng tulong.

 

Isa lang, at iyon at ang lalaki sa kanilang harapan.

 

“Pwede po ba kaming sumama sainyo?” tanong ni Harvey,

 

Tumango naman ang lalaki at inilahad ang kaniya kamay patungo sa direksyon na pupuntahan nila.

 

“Dalhin niyo na yung mga gamit niyo. Di natin sigurado baka biglang may dumaan at mawala pa ang mga iyan,” ani ng lalaki sa magkakaibigan.

 

Nang dinadampot nila ang kani kanilang mga gamit, biglang namang lumapit si Solar kay Harvey.

 

“Kuya Harvs, diba nasa horror 101 na wag sasama sa mga strangers?” sabi nito,

 

Natawa naman si Harvey sa narinig mula rito.

 

“Kakanuod mo yan ng horror,” sagot nito sa nakakabata.

 

Ngumuso nalamang si Solar sa sagot ng kaniyang kuya atsaka kinuha ang gamit niya at naglakad kasama ang iba pa nilang kaibigan.

 

Di kalaunan ay nakarating sila sa isang kubo. Kita ang pinagtagpi tagping mga kawayan at kahoy, kasama na rin ang pawid na nagsisilbing bubong ng bahay.

 

“Pasok kayo,” sabi ng lalaki, “Pasensya na at maliit lang ang bahay namin,”

 

Pumasok sila at nakita naman nila ang maliit na sala ng bahay. Ang upuan ay gawa sa kawayan at sa likod nito ay bulaklakin na kurtina na humaharang sa bintana ng bahay. May mga nakasabit din na palamuti sa bahay tulad ng ilang sampaguita. Kita rin agad ang maliit na altar na nakadikit sa pader kung saan may Sto. Niño na may nakasabit na sampaguita, kasama rin ang iilang krus at maliliit na pigura ng santo at kandila.

 

“Siya nga pala, hindi pa ako nagpapakilala. Ako nga pala si Nestor. Pasensya na nga pala kanina at mukang natakot ko kayo, nagiingat lang,” sabi nito sa magkakaibigan,

 

“Ay wala po yun,” sagot naman ni Harvey, “Pasensya na din po at mukang makakaabala pa kami sainyo dito,”

 

“Ay nako hindi! Minsan nga lang kami magkaroon ng bisita ei. Atsaka delikado din sa daan, lalo na at mag gagabi na. Baka kung ano pa ang makasalubong niyo dun kung nanatili kayo,” sagot ni Nestor

 

“Nestor? Sino yan?” may babaeng biglang lumabas mula sa loob ng bahay at nakatingin sa mga binatang ngayon ay nakatayo sa sala habang dala dala ang kanilang gamit.

 

“Siya nga pala, eto ang asawa ko si Emilya. May mga nakasalubong akong dayo sa daanan kanina. Nasiraan sila kaya pinatuloy ko muna dito sa’tin at mag gagabi na,”

 

“Hello po,” sambit ni James habang ang iba ay maliit din na nagsabi ng kanilang pagbati sa babae habang isa isang binabanggit ang kanilang mga pangalan.

 

“Naku! Hindi ako nakapag handa, teka sandali bibilisan ko papuntang palengke para makabalik ako agad at makaluto,” sabi ni Emilya

 

Akmang aalis na sana ito nang pigilan ito ni Jericho.

 

“Samahan na po namin kayo, kami na po ang gagastos. Nakakhiya na po na makikituloy kami sainyo tapos wala kaming maiaambag,” sabi ni Jericho,

 

“Ano ba kayo, wala yon. Bisita namin kayo,” sabi ni Emilya

 

“Uhm– we insist po, sasamahan po namin kayo. Atsaka magdidilim na din po, delikado po,” sabi pa ni Jericho,

 

“Sige na po, tutulungan din po namin kayo sa pag bitbit,” sabi naman ni James,

 

“Osya sige na nga, teka kukunin ko lang yung bayong. Uminom na ba kayo ng tubig? Teka lang kukuha ako,”

 

“Tulungan ko na po kayo,” sabi naman ni Ryan na ibinaba ang kaniyang bag.

 

Sumunod siya sa nakakatandang babae patungo sa kusina. Nakita naman niya ang mga nakahilerang baso at pinggan sa may lababo. Katabi nito ay isang galon ng tubig. Kumuha si Ryan ng isang baso at sinalinan iyon mula sa galon.

 

“San kayo galing pala, iho?” tanong ni Emilya sakaniya,

 

“Galing pa po kaming maynila,” sagot naman ni Ryan. Ipinatong niya ang baso sa lamesa habang kumuha muli siya ng isa pa para salinan.

 

“Ang layo naman pala,” sagot ng babae, “Buti nalang at nakita kayo ng asawa ko. Nako, delikado pamandin dito pag gabi na. Andaming kwento kwento,”

 

Ihinilig naman ni Ryan ang kaniyang ulo patagilid, tila nagtataka sa narinig mula sa babae.

 

“Po?” tanong ni Ryan

 

“Ah wala. Tapos ka na ba diyan?”

 

Lumabas mula sa kusina ang babae bitbit ang tatlong tasa na naglalaman ng tubig. Uminom na si Ryan mula sa isang mug at muling sinalinan upang makabitbit din ng tatlo pang tasa. Nang matapos ay may napansin siyang pagtulo mula sa gilid ng lababo.

 

Nilapitan niya ito at nakita ang pagdausdos ng kulay pulang likido mula sa isang supot ng plastik na nakapatong sa may lababo. Hindi pa nakakalapit ng husto ay rumehistro na agad sa pang amoy nito ang lansa na sa tingin niya ay nang gagaling sa supot na kaniyang tinitignan.

 

Nang maihawi niya ang plastic ay tumambad sakaniya ang iba’t ibang laman loob na nasa plastic. Kita pa sa mga ito ang dugo at kahit na wala masyadong alam si Ryan sa ganito ay alam niyang hindi siya nagkakamali sa pag kilala ng laman loob na nakapaloob sa plastic.

 

Tila naman umikot ang kaniyang sikmura sa nakita at nakaramdam siya ng panlalamig sakaniyang likod. Napaatras siya sa nakita at akmang babalik na sa sala nang may biglang tao na nakatayo sa may pinto ng kusina.

 

“Anong ginagawa mo?”

 

Hindi kilala ni Ryan ang nakatayo sa pintuan, hindi ito si Manang Emilya o si Mang Nestor na kausap nila kanina. Ang babae ay halos kaedad lamang niya kung oobserabahan. Baka anak nila , sambit sa isip ni Ryan.

 

“Kumuha lang ng tubig,” sagot nito,

 

“Wala kang dalang tubig,”

 

Natauhan naman si Ryan sa narinig at agad na dinampot ang tatlong tasa na sinalinan niya ng tubig.

 

Pagkarating niya sa sala ay agad niyang inabot kay Solar at Justin ang tasa. Ang isa naman ay kay Kuya Harvey niya na wala pang hawak. Tatanggihan pa nga sana ito ng nakakatanda nang makita niyang walang hawak na tubig ito, ngunit sinabi ni Ryan na tapos na siya.

 

Agad sumiksik si Ryan kay Solar. Sinamaan naman siya ng tingin ng isa pero hindi nalang nagreklamo.

 

“What if totoo nga na dapat di tayo sumama?” bulong ni Ryan kay Solar na narinig din naman ni Justin.

 

“Bakit?” tanong ni Justin,

 

“Sa kusina kase nila, may nakita ako,” tumigil ito sa pagsasalita at tumingin sa paligid, nagmamasid kung may nakatingin o nakikinig, “May mga laman loob,”

 

Nanlaki naman ang mata ni Solar sa narinig at akmang sisigaw na sana nang biglang takpan ni Justin ang bbibig nito.

 

“Baka naman sa hayop yun. Like, may mga lutong bahay kaya na laman loob,” sabi ni Justin

 

“Ma, baka wala na kayo maabutan sa palengke. May pang ulam naman na sa kusina diba? Yung pinamalengke niyong laman loob ng baboy pang dinuguan?” sagot ng babae na nakita ni Ryan kanina sa kusina.

 

“Sabi sayo ei,” sabi naman ni Justin kay Ryan, sabay bitaw sa pagkakatakip ng bibig ni Solar na binigyan siya ng masamang tingin.

 

“Ah basta, di pa din ako tiwala. Maghahanap ako mamaya ng panlaban ko,” Ani ni Solar,

 

“Ano ka ba naman Agnes, baka magkulang iyon. May mga bisita tayo at baka hindi sila sanay sa ganong pagkain,” sagot naman ni Emilya sa kaniyang anak.

 

“Ay hindi po! Hindi po kami maselan sa pagkain. Pero nakakahiya din po kase makikibawas kami sainyo kaya dadagdagan po namin,” sabi naman ni James,

 

“Osya, sino sino ba ang sasama sa’kin?” tanong ni Emilya,

 

“Kami po ni Jericho,” sagot naman ni James

 

“Mang Nestor, samahan po namin kayo ni Silver maghanap ng pagawaan,” sambit naman ni Harvey,

 

“Eh kuya pano kami?” tanong naman ni Solar. Tumayo ito habang nakanguso at tila ba magdadabog kung di pagbibigyan,

 

“Dito lang kayo, babalik din naman kami agad,” sagot naman ni Silver

 

Humalukipkip naman si Solar habang nakanguso at padabog na umupo sa upuan.

 

“Ako na bahala kay Solar kuya, babatukan ko nalang pag nagtaray pa,” sagot naman ni Justin.

 

Umalis naman na ang mga nakakatanda habang ang tatlong mga nakakabata ay nanatili sa sala habang nakaupo, kasama si Agnes na anak nila Mang Nestor at Manang Emilya.

 

“So ano pinagkakaabalahan niyo dito sa bahay?” tanong ni Solar kay Agnes,

 

“Wala naman,” sagot nito,

 

“Eh? So titigan lang ganon?”

 

“Solar,” sambit ni Justin, may halong pagbabanta sa tono,

 

“Ano? Nagtatanong lang ei,” sabi naman ni Solar habang nakanguso, “Ang boring kase. Dapat nasa daan tayo para bumiyahe o di naman kaya nakarating na tayo dun sa resort tapos nakahiga na ako sa kama o kaya nagtatampisaw sa pool,”

 

“Ei nasiraan nga tayo ng van, anong gagawin?” sagot naman ni Justin

 

“Sabi ko na kase kay Dad palitan ei,” bulong ni Solar habang naiirita

 

Nakita naman ni Ryan ang plastic na naglalaman ng kanilang mga binili sa convenience store kanina. Inabot niya ito at kumuha ng isang chichirya at inabot kay Solar.

 

“Oh eto, kumain ka nalang neto kesa nagtaTantrums ka jan,” sabi ni Ryan kay Solar

 

Inabot naman ni Solar ang plastic at kinuha ang isa sa mga malalaking chichirya. Binuksan niya ito at kumha ng kaunti bago iniabot sa mga kasama niya sa sala. Medyo nag alinlangan pa si Agnes sa pagkuha dahil hindi naman siya sanay sa mga ganong pagkain. Pero hindi nagpatinag si Solar sa paghayag sakaniya ng chichirya.

 

“Tikman mo, masarap yan,” sabi ni Solar

 

Oo, may pagka maldita, mataray, at maarte si Solar. Ito ang isa sa dahilan bakit lagi siyang inaasar ni Silver, natutuwa kasi ang nakakatanda sa mga reaksyon nito sa tuwing naiinis sa mga sinasabi niya. Pero sa likod nito, alam nilang lahat na mabait si Solar at hindi nang aagrabyado ng tao. Kaya naman isa ito sa mga bine-Baby ng grupo.

 

Kumuha naman ng chichirya si Agnes mula sa hawak ni Solar. Nang matikman ay humulma ang maliit na ngiti sa dalaga. Natuwa din naman si Solar sa naging reaksyon niyo at napangiti siya ng pagkalaki laki.

 

“Sabi sayo masarap ei,” sabi naman ni Solar.

 

Sabay sabay nilang kinain ang malaking chichirya na binuksan ni Solar. Di nagtagal ay nagkwentuhan na ang apat sa salas habang naghihintay sa iba. Kung saan saan na napadpad ang kanilang kwentuhan. Mula sa mga kwento nila sa maynila na maiging pinakinggan ni Agnes hanggang sa buhay nila dito sa probinsya.

 

“So wala kayong internet and such? Anong entertainment niyo?” pagtataka naman ni Solar,

 

“Madalas naman kasi kaming may ginagawa. Kunwari, nasa eskwelahan ako samantalang sila mama at papa nasa kani kaniyang trabaho. Pagkauwi ko gagawa ng assignments tapos tutulong sa bahay. Tapos matutulog na. Tapos ganon uli, gigising nang maaga para pumasok sa eskwelahan,” pagpapaliwanag ni Agnes sakanila,

 

“So paulit ulit lang? Hindi ka ba nasama sa mga kaibigan mo sa school?” tanong naman ni Justin.

 

“Kung minsan oo. Pero madalas may kaniya kaniya din kaming ginagawa sa bahay. Yung iba naman may trabaho pagkatapos magklase,”

 

Tumango naman ang tatlo sa narinig nila. Kitang kita nila kung gaano kaiba ang buhay nila sa maynila sa buhay ng dalaga dito sa probinsiya.

 

“Hindi ba nakakatakot dito pag gabi?” tanong ni Solar, “I mean, no offense please pero kase kayo lang yung bahay dito.”

 

Natawa naman nang bahagya si Agnes mula sa narinig.

 

“May mga ilaw naman kami kaya hindi ganoon na nakakatakot. Pero syempre, dito sa probinsiya di mawawala yung mga kwento kwento,”

 

Natahimik naman ang tatlo. “Anong kwento kwento?” Tanong ni Ryan

Napaayos naman ng upo si Agnes at lumapit nang bahagya sa tatlo.

 

“Kwentong aswang,” pabulong nitong sabi na tila ba ay may ibang makakarinig sakanila. “Dati talaga may mga kapitbahay kami dito. Pero isa isa silang umalis nung kumalat yung mga bali-balitang may mga aswang daw tuwing gabi. Nung una, walang naniniwala. Pero isang gabi, sunod sunod na nangamatay ang mga hayop na alaga ng mga kapitbahay. Umalis sila nang tuluyan nung nakarating dito samin yung balita na may namatay na isang pamilya. Nasunog daw yung bahay, pero nung tinignan nila yung mga bangkay, lasog lasog daw at kulang sa laman loob.”

 

Natigilan naman ang magkakaibigan sa narinig mula sa dalaga. Si Ryan ay napalunok nalamang sa narinig. Oo, nanunuod din naman siya ng mga nakakatakot na pelikula. Kung minsan nga ay kahit gabi nanunuod siya kahit na ano pang genre ng horror. Pero mula sa kaniyang narinig, totoong tao ang nasa kwento. Totoong tao na namatay o pinatay sa kanilang sariling pamamahay.

 

“Totoo ba yan? Baka naman kwento kwento lang?” sabi ni Solar, kalahating patanong at kalahating kinukumbinsi ang sarili upang hindi kilabutan.

 

“Totoo! Napabalita yun sa lokal na radyo! Ilang linggo din halos yun ang usap usapan ng lahat dito samin,” sagot naman ni Agnes

 

“Ei kayo? Bakit hindi kayo lumipat?” tanong ni Justin.

 

“Wala naman kaming ibang pupuntahan ei,” sagot ni Agnes

 

Nagitla naman silang lahat nang may marinig silang kalabog. Bumukas naman ang pintuan at iniluwa nito sina James at Jericho kasama si Manang Emilya dala ang kanilang pinamili. Nagtitigan naman ang mga nasa sala at ang mga bagong dating, tila nagugulat sa reaksyon ng isa’t isa.

 

“Bakit parang gulat na gulat naman kayo?” tanong ni Jericho,

 

Sabay sabay naman huminga ang mga nasa sala at sumagot.

 

“Nagkukwentuhan kasi kami tapos bigla kayong dumating,” sagot ni Justin

 

“Bakit? Horror ba pinag kukwentuhan niyo?” tanong naman ni James

 

“What if oo? What if totoo yung mga aswang?” sabi ni Solar

 

“Ikaw talaga Agnes, kung ano ano kinukwento mo sakanila,” sabi naman ni Emilya

 

Agad naman dumiretso ang tatlo sa kusina upang ilapag ang kanilang pinamili. Sumunod naman ang tatlo upang makiusyoso sa mga dala ng kanilang mga kuya. Nakita naman nila ang ibang panglahok na gulay at meron din na lutong inihaw na manok na dala ang mga ito.

 

“Sarap nung chicken kuya James, pwede pahingi?” sabi ni Justin

 

“Mamaya na, lulutin muna yung isa pang ulam,” sagot naman ni James,

 

“Nakain naman siguro kayo ng dinuguan?” tanong ni Emilya,

 

“Opo!” sagot ni Solar, halatang sabik mula sa narinig.

 

Napakunot naman ang noo ni Ryan. Hindi naman sa pihikan siya kumain pero hindi niya ganon palaging nakakasalamuha sa hapag kainan ang pagkain. Minsan siguro pag may pagtitipon ang pamilya, pero hindi niya pinipili ang ulam dahil meron siyang mas gustong kainin sa mga handa.

 

“Hindi naman halatang paborito mo,” sabi ni Justin,

 

“As if naman hindi mo din gusto yun? Dami mo nga nakakain pag yun ang ulam. Pati kaya sila kuya Harvey gusto yun,” sagot naman ni Solar

 

“Nako, buti nalang pala at marami rami akong nabiling pag sahog. Mukang mapaparami ang kain niyo ngayong gabi ah,” sabi ni Emilya,

 

“Mapaparami nga po,” sagot naman ni James, may maliit na ngisi sa labi.

 

Agad silang kumilos upang magluto. Nanguna si Manang Emilya at si James sa pagluluto habang ang iba naman ay busy maghiwa ng rekados. Sa kalagitnaan ng pagluluto, nakita naman ni Emilya ang paubos ng kahoy pang gatong. Agad naman nakita ni James ang problema kaya’t agad niyang inutusan ang mga nakakabatang kaibigan na manguha ng kahoy sa labas.

 

Agad na nagprisenta si Ryan upang makatulong. Tapos na din kase siyang hiwain ang ibang karne na kailangan sa pagluluto. Bukod pa don, nahihilo din siya sa amoy ng dugo na niluluto. Napansin naman ito agad ni James at sinabing baka dahil lamang ito sa gutom. Hinayaan parin naman siya ng kuya niya na sumama dahil nagpupumilit ito.

 

Dahil dayo sa lugar, pinasama ni Emilya ang kaniyang anak na si Agnes sa pangunguha. Nakita naman ni Jericho na malapit na magdilim kaya pinasama niya na din si Justin dahil kaunti nalang ang hinihiwa nito.

 

Ang tatlo ay lumabas ng kubo dala dala ang kani kanilang lalagyan ng kahoy. Nanguna si Agnes sa paglalakad bilang siya ang may kabisado ng gubat. Madalas din kasi siyang kasama ng kaniyang ama sa pangunguha lalo na kung wala itong ginagawa at hindi kailangan ng kaniyang ina ng tulong sa pagluluto.

 

Hindi nagtagal ay nakarating sila sa lugar kung saan kita ang maraming nahulog na sanga ng puno. May iilan ding mga nangahulog na niyog na maaari ding gamitin na pang gatong. Isa isang nagpulot ang tatlo habang ang hangin ay dumadampi sa kanilang mga balat. Walang ilaw sa kung nasaan sila at tanging lampara at liwanag ng bilog na buwan na lamang ang nagbibigay sakanila ng liwanag.

 

Habang nangunguha, rinig din ang pagkanta ng mga kuliglig na nakadapo marahil sa mga dahon ng halaman. Rinig din nila ang ibang ibon na lumilipad sa kadiliman ng gabi. Hindi naman maiwasan ni Ryan na maisip ang kwento sa kanila kanina. Bihira sakaniya ang matakot, pero ang pakiramdam niya sa paligid ngayon ay kakaiba kung ikukumpara sa normal na gabi kapag siya ay nasa siyudad.

 

Isa siyang normal na teenager. Kasama sa mga gala ng barkada at kung minsan naman ay inaabot pa ng hating gabi o madaling araw sa paguwi. Normal na sakaniya ang lamig ng gabi at katahimikan sa tuwing siya na lamang ang gising habang ang karamihan sa mga tao ay tulog na. Sadyang may kakaiba lamang sa lugar na ito ang kumikiliti sakaniyang utak. Isama mo pa ang hindi nawawalang pagkahilo niya at sama ng pakiramdam.

 

Habang nagpupulot, may narinig siyang kaluskos sa hindi kalayuan. Inangat niya ang kaniyang ulo upang tignan ngunit wala siyang ibang nakita kundi kadiliman. Maliit lamang ang kayang sakupin ng hawak niyang lampara, kaya naman ay hindi nito maabot ang kalayuan kung saan maaring nandon ang pinanggalingan ng ingay.

 

“Sino yan?” tanong ni Ryan sa kawalan. Nakaangat parin ang lampara habang nakatutok sa kung saan siya nakatingin. Muli niyang narinig ang kaluskos na nagmumula sa mga dahon at agad naman siyang napaatras. Tumingin siya sa paligid para hanapin si Justin ngunit kadiliman lang din ang nakita niya.

 

“Justin?” tawag nito, “Ikaw ba yan? Hindi ako natutuwa,”

 

Walang sumagot.

 

Wala siyang ibang narinig kundi ang ihip laman ng hangin kasabay ng pagtama ng mga dahon sa isa’t isa. Muli niyang narinig ang mga yabag ng pagtapak sa lupa, mga dahon, at sanga. Kumabog lalo ang kaniyang dibdib nang mapagtanto na ang mga yabag ay papalapit sakaniya. Hindi lamang iyon, ang mga yabag ay hindi lamang mula sa isang tao, sa tingin niya dalawa ito o higit pa.

 

“James, isa. Hindi ako natutuwa,” pagbabanta ni Ryan habang mabilis na ang paghakbang palayo

 

Sa pagmamadali ay hindi niya na napansin ang tao sa kaniyang likod. Naramdaman ni Ryan ang pagkakabangga niya sa isa pang katawan sa kaniyang likod. Agad naman siyang lumingon para tignan kung sino ang kaniyang nabangga.

 

“Huy Ryan, okay ka lang?”

 

Itinapat ni Ryan ang lampara niya sa pinanggalingan ng boses at agad niyang nakita si Justin na napapikit dahil sa liwanag ng lampara.

 

“Teka nasisilaw ako, ang init din ano ba,” pag rereklamo naman ni Justin. Agad naman nakita ni Justin ang takot sa mata ng kaibigan. “Okay ka lang?”

 

Sasagot na sana si Ryan nang biglang mas lumakas ang kanina niya pang naririnig na mga yabag. Napakapit naman sakaniya si Justin na napatingin din sa pinanggagalingan ng ingay. Papalapit nang papalapit sakanila ang ingay at di nagtagal ay mayroong pigura silang naaninag.

 

Hihilahin na sana ni Ryan si Justin para tumakbo ngunit napako ang kaniyang mga paa sa lupa nang marinig niya itong magsalita.

 

“Ryan? Justin?”

 

Muli nilang narinig ang mga pagapak at nakita nila ang liwanag na nagmumula sa lampara na hindi nang gagaling sa kanilang hawak. Tumambad naman sakanila ang kanilang kuya Harvey at Silver, at sa kanilang likod ay si Mang Nestor.

 

Agad namang nawala ang kaba ng dalawa nang marinig nila ang kanilang mga kuya na tumawag sakanila. 

 

“Tinakot niyo kami don,” saad ni Justin,

 

“Bakit ba kase kayo nandito? Ang dilim dilim na may gana pa kayo mag gala,” sabi naman ni Silver,

 

“Nagkulang kase ng pang gatong sa pagluluto, kaya kumuha kami,” sagot naman ni Ryan

 

Di nagtagal ay dumating na din si Agnes sakanilang tabi bitbit ang mga napulot niyang kahoy.

 

“Osya! Sumabay na kayo samin, delikado na din sa daan at baka kung ano pang mangyari sainyo,” sabi ni Mang Nestor.

 

Nang makarating sila sa kubo ay agad silang sinalubong ng mga tao don. Agad kinuha ni James ang mga pang gatong at agaran na idinagdag ito sa paluto ng ulam. Di nagtagal ay inihain naman ni Jericho at ni Solar ang mga nalutong pagkain sa hapag.

 

Habang sila ay nakaupo na sa lamesa, isa isa silang naglalagay ng kanin sa kanilang mga kani-kaniyang plato. Dahil magkatabi, si Solar na mismo ang naglagay ng kanin sa plato ni Ryan at agad itong tumayo upang maghango ng kanin mula sa kaldero.

 

Napatingin naman si Ryan sa mga pagkain sa harap, nakahain ang dinuguan, inihaw na manok, at pinakbet. Nagdadalawang isip siya kung titikman niya ba ang dinuguan na hindi pa niya nasusubukan. Bukod don, tila din naaakit ng pagkain na ito ang kaniyang ilong at panlasa.

 

“Wag mo na pagisipan, tikman mo na,” sabi ni Solar na kakaupo lang uli sa tabi niya. Iniabot niya rin dito ang mangkok ng dinuguan na tinanggap naman ni Ryan.

 

Pagkalagay sa plato, agad naman niya itong tinikman. Hindi niya inaasahan na imbis na mandiri sa kung ano mang lasa nito, nasarapan siya at hindi pa napigilang kumuha muli mula sa mangkok. Tila ba napawi nito ang sama ng pakiramdam na kanina niya pa nararamdaman.

 

“Sabi sayo ei,” bulong sakaniya ni Solar

 

Habang kumakain, nagdiskusyon naman bigla ang kanilang mga kuya.

 

“Ano pala nangyari dun sa pagawaan na pinuntahan niyo?” tanong ni James,

 

“Sarado na pagkarating namin don, baka balikan nalang namin bukas ng umaga,” sagot naman ni Harvey

 

“Ei sila tito? Nasend na ba yung message mo?” si Jericho naman ang nagtanong,

 

“Oo, nakasagap ako ng signal kanina at nasend naman. Ang sabi pupuntahan nalang daw tayo, kaso malayo layo pa yung venue ei. Baka madaling araw pa sila makarating,” sagot muli ni Harvey.

 

“So dito tayo matutulog?” tanong ni Solar na tinanguan naman ni Harvey,

 

“Gusto mo tabi tayo? Cuddle kita,” singit naman ni Silver,

 

“Sasabunutan kita,” sagot naman ni Solar na sinamahan niya ng irap.

 

Nang matapos silang kumain, agad na nagpresinta si Justin at Jericho na maghugas at magligpit. Pipigilan pa sana sila ni Manang Emilya ngunit mapilit ang dalawa at agad nang nakapagligpit at nasa lababo para maghugas.

 

Sa kabilang banda, si Ryan naman ay naupo sa sala habang hawak ang kaniyang cellphone. Alam naman niyang hindi pa siya lowbat dahil pinatay niya ito. Bubuhayin niya na sana ito nang mapagtanto na wala sa kaniya ang headphones niya. Nagpalinga linga pa siya sa paligid ngunit wala.

 

Bigla namang may kumalabog na kung ano sa bubong ng kubo nang udyok sa kanilang lahat na mapatingala dito. Tahimik ang paligid at ang tangi nilang naririnig ay ang mga maliliit na yabag na nasa itaas nila ngayon.

 

Di nagtagal ay narinig nila ang tunog ng ibong uwak at ang pagaspas ng pakpak nito palayo. Hindi na nila muling narinig ang mga yabag sa bubong.

 

“Mukang minarkahan tayo ah,” bulong ni Mang Nestor,

 

“Minarkahan po?” tanong ni James,

 

“Mga kwento kwento lang sa probinsiya. Sabi nila aswang daw yun tapos minamarkahan yung bahay,” munting paliwanag nito.

 

“Eh?! Parang ayaw ko na. Kuya Harvs ayoko na matulog dito,” sambit ni Solar habang nakakapit ito kay Silver at nagtatago.

 

“Wala lang yun Sol, kwento kwento lang,” pagkukumbinsi ni Harvey,

 

“Wag kayo mag alala, papalibutan naman namin ng pangontra yung bahay,” sabi ni Manang Emilya,

 

Matapos maghugas, sumama sa pagtitipon sa sala sina Jericho at Justin. Hindi pa rin mapakali si Solar sa nangyari kanina at di pa din bumibitaw kay Silver na tila natutuwa naman sa inaasta ng nakakabata. Si Ryan, sa kabilang banda, ay iniisip kung saan niya nailapag ang kaniyang headphones.

 

Tinutulungan naman ni Harvey at James si Mang Nestor sa paglalagay ng mga sinasabi nilang panangga sa aswang. Habang sina Manang Emilya at Agnes naman ay naghahanda ng kanilang matutulugan.

 

Bigla naman silang may narinig na malakas na katok mula sa pintuan. Napatigil silang lahat at nagawi ang mga tingin sa pinto. Tumayo naman si Jericho upang pagbuksan ang kumakatok ngunit sinalubong siya ng isang matulis na bagay na ngayon ay nakatutok sa kaniyang muka.

 

“Jericho!” sigaw ni Silver at biglang napatayo ito at akmang lalapit na kay Jericho,

 

“Sino kayo? Hindi kayo ang nakatira dito,” sabi ng lalaki na tinututukan si Jericho ngayon ng isang itak,

 

“Dapat kami ang magtanong niyan. Sino kayo at bigla bigla nalang kayo nangtututok ng patalim?” pagalit na sabi ni Silver na ngayon ay nasa tabi na ni Jericho. Napansin naman nila na hindi nagiisa ang lalaki, may dalawa pang lalaki ang nasa likod nila na may kani kaniya ding itak at may hawak pang sulo.

 

Magsasalita na sana ang lalaki nang biglang lumabas sa kwarto si Manang Emilya.

 

“Nako Eusebio! Ano ba yang ginagawa mo?!” pagsigaw naman ni Manang Emilya, bakas ang taranta sa kaniyang boses nang makita ang patalim na nakatutok sa kaniyang mga bisita.

 

Agad naman binaba ng nagngangalang Eusebio ang kaniyang itak nang makita si Emilya.

 

“Mga bisita ko ang mga yan! Bakit mo naman tinatakot?”

 

“Ah, pasensya na po. Akala ko kung sino na ang magnanakaw dito sa bahay niyo,” sagot nito,

 

“Magnanakaw? Sa itsura naming to?” sabi ni Silver,

 

“Bakit? Wala naman sa itsura yun, diba?” sagot ni Eusebio.

 

“Ay nako! Bakit ba kayo nandito? Gabi na ah,” tanong ni Manang Emilya,

 

“Napadpad po kami dito, sinusundan po kasi namin yung malaking ibon kanina. Pinaghihinalaan naming aswang,”

 

“Jusko po panginoon! Baka yun yung dumapo samin kanina. Ayun nga si Nestor naglalagay ng pang protekta sa paligid ng bahay,” sabi ni Emilya,

 

“Mukang minarkahan po kayo ah,” sabi ni Eusebio

 

Narinig nanaman nila ang salitang iyon. Totoo nga kaya ang mga kwento kwento? Bakit parang halos lahat ng tao sa probinsiya na iyon ay naniniwala sa aswang?

 

“Sana hindi naman. Gusto lang namin ng payapang gabi, lalo na’t may mga bisita kami,”

 

“Ano po palang ginagawa ng mga dayo na yan sainyo? Bibihira lang po kayo magkabisita ei,”

 

“Ah, nasiraan kasi sila. Nakita sila ni Nestor kaninang hapon. Kaysa naman sa maiwan sila sa gitna ng gubat, pinatuloy na muna namin.” maikling paliwanag ni Emilya

 

“Ganon po ba? Sige po, magiingat nalang din po kayo. Delikado na po ang panahon ngayon. Huwag masyadong magtitiwala,” sabi ni Eusebio habang iniisa isa ng tingin ang mga dayo na nasa sala.

 

Kumunot naman ang noo ni Silver sa narinig at magsasalita na sana nang bigla siyang pigilan ni Jericho.

 

“Sige magingat din kayo ha. Wag niyo na masyadong habulin yung ibon baka naman maligaw pa kayo sa gitna ng gubat,”

 

Agad din namang umalis ang tatlong lalaki. Di nagtagal ay pumasok nang muli si Harvey at Mang Nestor sa kubo, kakatapos lang palibutan ang bahay ng sari saring pinaniniwalaan nilang proteksyon sakanila.

 

Napagdesisyunan nila na ang tatlong pinakabata ay matutulog sa kwarto ni Agnes, habang si Agnes ay sa mga magulang niya muna. Ang apat naman na sina Harvey, James, Jericho, at Silver at matutulog sa sala. Habang nag aayos ng hinihigaan, bigla namang may napansin si Jericho.

 

“Nakita niyo ba yung bag ko?” tanong ni Jericho habang natingin tingin sa paligid na ani mo’y may hinahanap

 

“Na kila Ryan yung mga bag natin, may kailangan ka ba?” sagot ni Harvey,

 

“Hindi yung bag na yun, may bag pa ako na maliit. Nandon iba kong wires. Hindi ko ba naibaba kanina?” sabi ni Jericho,

 

“Wala ka namang dalang maliit na bag kanina pa,” sagot ni Silver,

 

Napakagat naman ng ibabang labi si Jericho sa narinig. Bakas sa muka niya ang pag aalinlangan.

 

“May importanteng gamit ba don?” tanong ni Harvey,

 

“Uhm, aside sa wires nandon yung iba kong pocket money,” sagot ni Jericho,

 

“Jer naman bat mo iniwan?” sabi ni James,

 

“Pasensya, okay? Nagmadali kasi tayo kanina, nawala sa isip ko,” pag depensa naman ni Jericho, “Kunin ko nalang, malapit lang naman yung van diba?”

 

“Madilim na. Delikado. Di mo ba narinig yung sinasabi nila kanina? May aswang daw sa labas,” pagpigil ni Silver,

 

“Pffft. As if naman naniniwala kayo don? Atsaka, kaya ko yung mga yun noh. Ako pa,”

 

Sakto naman na narinig ni Ryan ang kuya Jericho niya na pupunta sa van. Naalala niya ang kaniyang headphones na naiwan at nagbabakasakali na makuha ito ngayong gabi.

 

“Kuya sama ako,” sabi ni Ryan,

 

“Huh? Ano namang naiwan mo?” tanong ni Jericho

 

“Yung headphones ko,”

 

“Aanhin?”

 

“Baka hindi ako makatulog. Atsaka pupunta ka na rin naman ei, sasama na ako baka may nakalimutan pa tayo don na importante,” pag kumbinsi ng nakakabata.

 

Di nagtagal ay pumayag na rin ito na sumama si Ryan. Pinasama na rin ni Harvey si Silver para tatlo sila atsaka mas alam din ni Silver yung daan dahil na rin sa paghahanp nila ng magkukumpuni kanina.

 

Naglalakad sila ngayon sa gitna ng dilim at tanging ang lampara lamang ang kanilang hawak. Kagaya kanina, rinig pa din ni Ryan ang mga kuliglig sa mga puno at ang pagdampi ng mga dahon sa isa’t isa kapag humahangin.

 

Diretso lamang ang kaniyang tingin kung nasaan naglalakad ang kanyang kuya Jericho na may hawak ngayon ng lampara. Medyo malayo na rin sila sa kubo kaya naman kadiliman lang ang pumapaligid sakanila.

 

Ilang minuto ang nakalipas, nakarating sila sa van na naka hinto sa kung saan nila ito iniwan kanina. Gamit ang susi, binuksan ni Silver ang sasakyan at agad naman nakita ni Jericho ang bag na kaniyang hinahanap. Pinabuksan naman ni Ryan ang likod at tama nga siya, naiwan niya kanina sa likod ng sasakyan ang kaniyang headphones.

 

Hindi na nagtagal ang tatlo sa van. Matapos tignan kung nakuha na nila ang lahat ng kailangan, agad na rin nilang isinarado ang van at umalis pabalik sa kubo.

 

Hindi pa sila nakakalayo nang may narinig na kaluskos si Ryan sa di kalayuan.

 

“Narinig niyo ba yun?” tanong niya sa mga kasama,

 

Nilingon naman siya ng mga ito at tumigil sa paglalakad. Pinakinggan mabuti ng dalawa ang sinasabi ni Ryan ngunit wala naman silang narinig pa.

 

“Bilisan nalang natin, baka kung ano pang maabutan natin dito,” sabi ni Silver.

 

Ngunit bago pa man sila makalayong muli ay may sumugod sakanila. Nabitawan ni Jericho ang hawak na lampara dahil sa humila sakaniya. Ramdam ni Ryan ang higpit ng kapit sakaniya sa kaniyang braso. Sinusubukan niyang lingunin kung sino ito ngunit hindi siya makagalaw sa kaniyang kinatatayuan.

 

“Duda talaga ako sa inyong mga dayo ,” bigkas ng isa sa mga sumugod sakanila.

 

Di naman nakatakas sa pandinig ni Ryan ang pamilyar na boses. Sigurado siyang narinig niya na ito kani kanina lang. Nang tignan niya ang kaniyang kuya Silver, nakatayo ito habang ang talim ng itak ay nakatutok sa leeg nito. Sinundan niya ng tingin ang patalim hanggang sa muka ng may hawak nito. At tama nga ang kaniyang hinala.

 

Si Eusebio .

 

Ang lalaking pumunta sa kubo kanina at tinutukan ng patalim si Jericho ay nandito ngayon sa kanilang harapan habang si Silver naman ang tinututukan ng patalim. Nakita naman ni Ryan na ang kaniyang kuya Jericho ay hawak ng isa sa mga kasamahan nito. Ang itak ay nakatutok din sa kaniyang leeg. Bigla naman naramdaman ni Ryan ang isang matulis na bagay sa kaniyang tagiliran.

 

“Wala naman kaming ginagawang masama,” sambit ni Silver, sinusubukang maging kalmado.

 

“Sinong niloloko niyo? Bibihira ang mga napapadpad dito samin, paanong maliligaw kayo dito? Siguro kayo yung pumapatay ng mga tao,” sagot naman ni Eusebio,

 

“Saan naman nanggaling yan? Muka ba kaming mamamatay tao? Atsaka, hindi ka ba nakikinig kanina? Nasiraan nga kami. Tignan mo pa yung sasakyan don,” pagpapaliwanag ni Silver.

 

Lilingon na sana si Eusebio sa tinuturo ni Silver ngunit bigla naman sinubukan agawin ng huli ang patalim nito. Nakita naman niya ang mabilis ding pagkilos ng kuya Jericho niya kaya naman ay sinubukan niya na ding kumilos.

 

Hindi agad natansya ni Ryan ang kaniyang paglaban kaya naman ay dumampi sa kaniyang balat ang patalim. Hindi niya naramdaman ang sakit dahil nakatutok siya sa bawat atake ng lalaki na nasa harapan niya. Halatang hindi ito marunong makipaglaban dahil ang tanging ginagawa laman nito ay iwasiwas ang kaniyang itak.

 

Mabuti nalamang at bata pa lamang sila ay tinuruan na sila na ipagtanggol ang kanilang sarili. Bihasang iniwasan ni Ryan ang itak at nang makakita ng pagkakataon ay tinadyakan niya ang kamay ng kalaban upang mabitawan nito ang hawak.

 

Sila ngayon ay naglalaban gamit ang mga kamao. Minsan ay matatamaan siya ng kalaban ngunit mas madalas niya itong maiwasan. Nang muling makakita ng pagkakataon, ay inatake niya ang kalaban sa parte na sigurado siyang makakatulog ito.

 

Nagtagumpay si Ryan sa kaniyang binalak at agad niyang napatumba ang kalaban. Tinignan niya ang kaniyang mga kuya na ngayon ay nakikipag laban pa din. Hindi pa rin nabibitawan ng mga ito ang kanilang patalim.

 

Lalapit na sana si Ryan upang tumulong nang sigawan siya ng kaniyang kuya Jericho.

 

“Kaya na namin to! Bumalik ka na sa kubo!”

 

Natigilan si Ryan sa narinig. Ayaw niya. Ayaw niyang iwan ang mga kuya niya sa isang delikadong sitwasyon. Tinignan niya si Eusebio na ngayon ay kalaban ng kaniyang kuya Silver. Kitang kita ni Ryan ang galit sa mga mata nitong nagdidilim. Tila ba ito’y desidido na mawala ang kaniyang kalaban.

 

Muling nagbalak si Ryan na lumapit ngunit si Silver naman ngayon ang sumigaw.

 

“Ryan bumalik ka na! Kailangan ligtas ka! Pumunta ka kay Harvey–”

 

Naputol ang sasabihin ng kaniyang kuya nang mabuwal ito sa lupa. Nanlaki naman ang kaniyang mga mata nang makita nitong iwinasiwas ni Eusebio ang hawak nitong itak sa dibdib ng kaniyang kuya Silver. Kita niya ang pagkalat ng dugo ng kaniyang kuya sa dibdib nito.

 

“Kuya Silver!” sigaw ni Ryan na naging dahilan kung bakit napalingon din si Jericho.

 

“Silver!”

 

Hindi makagalaw si Ryan sa kaniyang kinakatayuan habang tinitignan niya ang kuya Silver niya na ngayon ay nakaluhod at sumusuka ng dugo. Ramdam niya ang kabog sa kaniyang dibdib at paninigas ng kaniyang mga binti. Tila ba siya’y napako na sa kaniyang kinakatayuan at hindi na alam ang gagawin. Muli siyang nakaramdam ng hilo sa kaniyang nakikita.

 

Rumehistro din ang dugo sa kaniyang pang amoy .

 

Nang itaas niya ang kaniyang paningin, nakita niya ang katakot takot na muka ni Eusebio na ngayon ay sakaniya nakatingin. Bakas sa mga mata nito ang dilim ng kaniyang loob ngunit kita din sa muka nito ang ligaya nang masaktan niya at halos mapatay na ang kaniyang kuya Silver.

 

Naramdaman niya ang lamig sa kaniyang buto. Hindi ito nanggaling sa hangin ng gubat ngunit galing sa takot na biglang bumalot sakaniya sa imaheng nasa harap niya ngayon.

 

“Ikaw na ang susunod,” rinig niyang sabi ni Eusebio.

 

“Takbo Ryan! Takbo!” Rinig niyang sigaw ng kuya Jericho niya,

 

Tila naman naging pang gising sakaniya ito at naramdaman niyang muli ang kaniyang mga binti. Napaatras siya nang nakita niyang humakbang si Eusebio papalapit sakaniya. Itinaas nito ang kaniyang itak at akmang aatakihin siya nang bigla itong napigilan ng isang pigura.

 

Nakita ni Ryan na nakatayo ang kaniyang kuya Silver habang punong puno ito ng dugo. Hawak nito ang kamay ni Eusebio na may itak, pinipigilan na masaktan si Ryan.

 

“Takbo, Ryan,” mahinang sabi ni Silver, bakas sa boses nito ang panghihina at mumunti pang napaubo na may kasamang dugo,

 

“Kuya,” bulong ni Ryan,

 

“Takbo!” rinig niyang sigaw sakaniya ni Jericho.

 

Labag man sa kaniyang kalooban ay tumakbo si Ryan palayo sa kaniyang mga kuya. Lumingon siyang muli habang natakbo at nakita niya ang mga sugat na natamo ni Silver at Jericho sa pakikipag buno sa mga umatake sakanila.

 

“Hindi mo ako matatakasan!” rinig niyang sigaw ni Eusebio

 

Tanging ang liwanag ng bilog na buwan ang nagbibigay ilaw sa daanan ni Ryan. Hindi siya ganoon ka sigurado sa kaniyang tinatakbuhan ngunit ang nasa isip na lamang niya ay ang makalayo. Ramdam niya din ang pag agos ng kaniyang mga luha sa kaniyang muka at ang mga sugat na natamo niya sa pakikipag laban.

 

Ramdam niya din ang hilo sa makahalong pagod, takot, at pagkalam ng sikmura na hindi niya alam kung saan nang gagaling.

 

Habang tumatakbo, hindi maiwasan ni Ryan na mawaglit sakaniyang isipan ang naiwan niyang mga kuya. Sa lagay ng kaniyang kuya Silver, nangangailangan itong magamot agad. Naalala niya din ang mga sugat sa braso at muka ng kaniyang kuya Jericho.

 

Di nagtagal ay naaninag na niya ang liwanag mula sa kubo kung saan sila namamalagi. Agad niyang binilisan ang kaniyang lakad upang makarating. Binuksan niya ang pinto ngunit walang tao sa sala kung saan dapat matutulog ang kaniyang mga kuya.

 

“Kuya Harvey!” pagtawag niya.

 

Hingal na hingal pa siya nang makarating sa kubo. Walang sumagot sa kaniyang pagtawag at tanging nakakabinging katahimikan laman ang bumabalot sa buong bahay.

 

“Kuya James? Nasan kayo?” muling tawag ni Ryan, ngunit wala pa din siyang naririnig.

 

“Justin? Solar?”

 

Lalakad na sana siya patungo sa kwarto nang may aninong biglang nakita ang kaniyang mga mata. Napatigil siya nang makita ang nagkalat na dugo sa katawan ng tao na naglalakad papunta sakaniya ngayon.

 

“Solar,” bulong ni Ryan,

 

Agad niyang nilapitan ang kaibigan at tinignan ang katawan nito na puro dugo. Hinahanap kung saan ito nanggagaling.

 

“Anong nangyare? Nasaktan ka ba? Kaninong dugo to? Sila kuya? Si Justin, nasaan?” sunod sunod na tanong niya kay Solar.

 

Nag angat naman sakaniya ng tingin ang isa at kitang kita ni Ryan ang iba pang talsik ng dugo na nasa muka nito at dugong dumadaloy mula sa bibig hanggang sa leeg. Sa di malamang dahilan, may naramdaman na kung ano si Ryan sa kaniyang loob nang makita at maamoy niya ang dugo na bumabalot sa kaniyang kaibigan.

 

Kumakalam ang kaniyang sikmura .

 

Bigla namang ngumiti si Solar sakaniya at hinawakan siya sa pulsuhan.

 

“Asan si kuya Silver at kuya Jericho?” tanong ni Solar,

 

Bigla namang naalala ni Ryan ang nangyari sakanila. Hindi niya maiwasan na maramdaman muli ang sakit sakaniyang dibdib.

 

“Naiwan ko sila. May mga sumugod samin,” sagot ni Ryan,

 

Nakita naman ni Ryan ang pagkabigla sa muka ni Solar. Bukod don, nakita niya ang galit sa mga mata nito. Hindi maisip ni Ryan kung totoo ba ang nakikita niya. Bakit parang may kakaiba sa mga mata ni Solar?

 Ngunit huminga ito ng malalim at muling nagsalita, “Kaya nila ang sarili nila. Babalik sila,” sabi ni Solar. Hindi malaman ni Ryan kung kinukumbinsi ba siya nito o ang kaniyang sarili.

 

“Nasan ang iba?” muling tanong ni Ryan.

 

Muli naman lumiwanag ang muka ni Solar na kaniyang ipinagtaka at hinila siya.

 

“Tara,” sabi nito habang nakangiti pa,

 

Naglakad naman sila patungo sa kusina. Hindi pa rin sinasagot ni Solar ang iba sakaniyang mga tanong tulad ng kung kanino ang dugo na nakakalat sakaniyang katawan. Ngunit sa obserbasyon naman ni Ryan, mukang hindi ito kay Solar dahil malayang nakakagalaw ang isa.

 

Habang papalapit sa kusina ay hindi nakatakas sa pang amoy ni Ryan ang isang kakaibang amoy. Hindi ito pamilyar sakaniya ngunit naaakit siya sa amoy nito. Nang makarating sila sa kusina ay hindi inasahan ni Ryan ang kaniyang maabutan.

 

Ang lamesa ay wala na sa dati nitong kinalalagyan ngunit napalitan na ng mga katawan na nakahandusay. Hindi laman iyon, kita niya ang mga nagkalat na dugo sa sahig habang nandon din ang kuya James niya at si Justin na may kinakain na hindi alam ni Ryan kung ano ngunit nababalot ito ng dugo.

 

Hindi maproseso ni Ryan ang nangyayari. Sa muli niyang pagmamasid ay napansin niya kung kaninong katawan ang nakahandusay at wala ng buhay. 

 

Si Mang Nestor at si Manang Emilya.

 

Ang katawan nila parehas ay bukas at labas na din ang iba’t ibang parte ng kanilang laman loob. Ngunit batid mo na hindi na ito kumpleto dahil ang ibang bahagi ay nawawala na. Puno din ng kagat ang iba pang parte ng kanilang katawan tulad ng kanilang leeg, braso, at binti.

 

Nahihilo si Ryan sa kaniyang nakikita. Ngunit batid sakaniyang inaasahan, natatakam siya sakaniyang nakikita .

 

“Ryan,” rinig niyang tawag sakaniya ng kuya Harvey niya.

 

Pag angat niya ng tingin ay kita niya ang kakaibang itsura ng kaniyang kuya. Ang muka nito lalo na ang bibig pababa sa leeg ay puro dugo. Ang mga mata ay kulay pula habang ang mga ngipin naman nito ay matutulis. Kita niya din ang mga daliri nito na puro dugo ngunit bukod don, kita niya ang napaka tutulis na kuko nito.

 

“Anong nangyayari?” pabulong na tanong ni Ryan,

 

“Maligayang kaarawan, Ryan,” sambit ni Harvey,

 

“Uy! Nandito ka na pala! Kain,” rinig niyang sabi naman ni Justin.

 

Tumayo ito at humarap sakaniya, kita niya ang pula din nitong mata at ang dugo na nagkalat sa kaniyang bibig pababa sa kaniyang leeg. Sa kamay nito na nakalahad kay Ryan, ay isang laman na hindi niya alam kung ano.

 

Nakita naman niya si Solar na umalis sakaniyang tabi at kumuha sa katawan ni Manang Emilya. Inilapit niya iyon sa kaniyang bibig sabay kinain. Hindi ito nakuntento doon at kinuha ang braso ng walang buhay na katawan, tsaka ito kinagat at animo’y ininom ang dugo nito.

 

“Diba paborito mo yung puso? Bat mo binibigay kay Ryan?” tanong ni James kay Justin,

 

“Eh? Baka lang naman gusto niya tikman, masarap ei,” sagot ni Justin, sabay kumagat ng kaunti sa hawak nitong puso.

 

“Ryan, tingin sakin,” sabi ni Harvey,

 

Tumingin si Ryan sa pinsan niya at nakita niya itong papalapit sakaniya habang may hawak hawak na baso.

 

“Inumin mo to,” sabi ni Harvey,

 

“Kuya naguguluhan ako. Anong nangyayare?” tanong ni Ryan, bakas sakaniyang boses ang takot dahil hindi niya alam kung anong nangyayare sa kaniyang paligid.

 

Kung minsan nga ay iniisip niya kung ang mga kaibigan niya ba talaga ang kasama niya ngayon. Ngunit sa loob niya ay alam niyang sila talaga ito. Ngunit hindi napoproseso ng kaniyang utak ang kung ano mang nasa harap niya ngayon.

 

“Malalaman mo pag ininom mo to,” sabi ni Harvey habang inaabot sakaniya ang baso na may pulang likido.

 

Inabot niya ito at kita niya ang lapot ng likido sa baso. Hindi niya na kailangan pang itanong kung ano iyon.

 

Dugo.

 

Sigurado siya na dugo ang nasa baso.

 

“Kuya?”

 

“Inom, Ryan.”

 

Hindi na ito pakiusap ngunit utos mula sa nakakatanda. Ramdam niya ang kabog ng kaniyang dibdib ngunit mas nangingibabaw sakaniya ang kalam ng kaniyang sikmura at halimuyak ng dugo na dumadampi sa kaniyang pang amoy. Walang nagawa si Ryan kundi ilapit ang baso sakaniyang labi at inumin ang kung ano man ang nasa baso.

 

Ramdam niya ang lapot nito sa kaniyang dila pababa sakaniyang lalamunan. Iniisip niya na mandidiri siya sa kaniyang malalasahan ngunit mas nagulat siya sa naging reaksyon ng kaniyang katawan. Ang hilo na kanina niya pa iniinda ay biglang naglaho. Naramdaman niya rin ang mas lalong pagkauhaw kaya naman naubos niya ang laman ng baso na hawak niya.

 

Nang maubos niya ang nasa baso, ramdam niya ang kung ano mang init sakaniyang katawan. Nang tignan niya muli ang baso ay napukaw ng kaniyang pansin ang mga kuko niya na ngayon ay mahaba. Tinignan niya ang isa pa niyang kamay at ganon din ang itsura non. Lumapit siya sandali sa may banyo at tumingin sa munting salamin.

 

Kita niya ang pula ng kaniyang mga mata .

 

Bumalik siya sa kusina at tumingin sa kaniyang kuya Harvey, kita niya ang saya sa muka nito.

 

“Happy 18th Birthday Ryan,” sabi nito

 

“Iniwan talaga namin siya para sa’yo,” rinig niyang sabi ng kuya James niya.

 

Paglingon niya ay kita niya ito na dala dala ang isa pang katawan. Mukang wala na ring buhay.

 

Si Agnes .

 

“Haaaay! Bilisan mo na jan Ryan, baka unahan kita. Kanina pa ako natatakam sa dugo niya,” rinig niyang sabi ni Solar na ngayon ay pinupunasan ang bibig matapos uminom ng dugo kay Manang Emilya. “Binigyan ko siya ng chichirya kanina, kaya baka malasahan mo sa laman niya,”

 

Ibinaba ni James ang katawan sa sahig habang si Ryan naman ay ngayon nakaupo malapit dito.

 

“Sa leeg. Umpisahan mong uminom ng dugo sa leeg. Kung gutom ka pa, buksan mo yung katawan. Paborito ni Justin yung puso, si Solar naman atay. Kaya subukan mo yung mga gusto nila baka magustuhan mo din,” pagtuturo sakaniya ni Harvey,

 

“Luh! Ang unfair? Pano pag nagustuhan niya edi may kaagaw na kami?” pagtatampo ni Justin,

 

“Malay mo naman iba magustuhan ni Ryan,” sagot ni James,

 

Kakagat na sana si Ryan nang may bigla siyang maalala.

 

“Si kuya Jer at kuya Sil,”

 

“Nako, hayaan mo na yung dalawang yun. Panigurado busog na rin yun,” sabi sakaniya ni Harvey.

 

Tila ba narinig sila ng dalawa at biglang may pumasok sa pintuan. Di nagtagal ay nakarating sa kusina sina Silver at Jericho bitbit ang dalawa pang katawan na naaalala naman ni Ryan bilang ang mga sumugod sakanila.

 

“Sabi sainyo ei,” sabi ni Harvey,

 

“Silver!” tawag ni Solar habang nakangiti dito, sabay yakap sa nakakatanda,

 

“Lambing ah, busog ka noh?” sabi ni Silver habang yakap yakap din si Solar habang nakangiti,

 

“Paano di mabubusog yan ei halos ubusin yung dugo,” sagot ni James,

 

“Kuya Sil,” tawag ni Ryan, tinitignan ang katawan ng kaniyang kuya na tila ba hindi ito nasugatan mula sa laban.

 

Tinignan naman siya ni Silver at napangiti. “Natakot ka ba?” tanong ni Silver na tinanguan naman ni Ryan, “Galing namin mag acting noh?” dagdag ni Silver sabay halakhak,

 

“Siraulo, tinakot niyo yung bata. Ano bang nangyari?” tanong ni Harvey,

 

“Yung mga lalaki kanina sinugod ba naman kami. Edi lumaban kami. Pinatakbo namin si Ryan, tinatamad kami mag explain kung ano tayo ei. Trabaho mo yun,” sagot ni Silver kay Harvey.

 

Napakunot naman ng noo si Ryan sa narinig. Ni wala pa nga silang sinasabi sa kung anong nangyayari ei. Ang alam niya lang ngayon ay ang pakiramdam ng gutom at uhaw na tila ba malalabanan lamang ngayon ng dugo mula sa leeg ni Agnes.

 

Hindi na siya nakapag pigil at agad na kinagat ang leeg nito. Agad naman niyang naramdaman ang pagdaloy ng dugo sa kaniyang lalamunan, kasabay nito ang pagpawi ng uhaw na kanina niya pa nararamdaman.

 

“Mamaya, sarap na sarap pa yung bunso natin ei. Pakabusog ka,” sabi ni Harvey at hinaplos naman nito ang kaniyang buhok.

 

Habang iniinom ang dugo, kita naman niya ang iba pa niyang mga kaibigan na patuloy sa pagkain at paginom ng dugo mula sa katawan na ngayon nakakalat sa sahig ng kusina. Imbis na matakot ay naliligayahan si Ryan sa nasa paligid niya. Lalong lalo na sa lasa ng iniinom niyang dugo ngayon. Muka ngang tama rin sina Solar at Justin ng sinabi nilang masarap ang puso at atay. Ngunit hindi talaga siya matigil sa pag inom ng dugo sa kung saan saang parte ng katawan ni Agnes.

 

Hindi nagtagal ay natapos na silang lahat kumain. Iniayos nila ang mga katawan, kasama na rin ang tatlong lalaki pa na sumugod sakanila, at hindi na nag abala pang linisin ang mga dugo sa sahig. Isa isa naman silang naglinis ng kanilang mga katawan at nagpalit ng damit. Inilagay nila ang mga damit nilang puro dugo sa iisang lalagyanan.

 

Nang maiayos na nilang lahat, pinalabas na sila ng kuya Harvey niya.

 

“Sigurado ba kayong nakuha niyo lahat?” tanong ni Harvey,

 

“Natriple check ko na, okay na lahat,” sagot naman ni Jericho,

 

“Kuya bat di natin kinain yung isa? Sayang naman,” tanong ni Solar,

 

“Matatalino na ang mga tao. Baka magkaroon ng imbestigasyon kung sakali. Pagmumukain natin na murder at suicide ang nangyari,” sagot naman ni Harvey,

 

“Tanga kase ni Silver ei, kinagatan yung Eusebio,” sabi ni Jericho,

 

“Eh sa nakakainis siya?! Buti nga kagat lang ei,” sagot naman ni Silver,

 

“Anong ginawa mo dun sa kagat mo?” tanong ni James,

 

“Okay na, okay? Pinagmuka kong hiniwa niya yung sarili niya sa leeg at oo ginamit ko yung dominante niyang kamay. Walang problema,” sagot ni Silver,

 

“Mabuti naman. Ayoko ng may iisipin pa papuntang resort,” sabi ni Harvey,

 

“Pupunta pa tayong resort?” tanong naman ni Ryan,

 

“Ryan, totoong pupunta tayong resort para sa birthday mo. Kasama sa stop over to,” sabi ni James.

 

“Layo kayo onti,” sabi ni Harvey.

 

Hawak nito ang isang sulo na galing sa mga lalaking nagpunta sa kubo at sa kabilang kamay naman ay ang isang blow torch na naalala ni Ryan na binili nila kanina sa convenience store.

 

Sinindihan ni Harvey ang sulo at itinutok ito sa may kurtina. Pinagmasdan nilang kumalat sa kurtina ang apoy, hanggang sa makarating ito sa pinagtagpi tagping kawayan ng bahay. Di nagtagal ay kita na nila ang malaking apoy na bumabalot sa buong bahay.

 

Ngayon, natatalo na ng liwanag ng nasusunog na bahay ang liwanag na nagmumula sa buwan. Nababalot ngayon ang pitong magkakaibigan ng mapulang liwanag mula sa nasusunog na kubo na ngayon ay kanilang pinapanuod.

 

“Tara na,” sambit ni Harvey.

 

Nang makarating sila sa sasakyan. Nagdalawang isip si Ryan sa gagawin ng kaniyang kuya Harvey. Kaya nga sila nandito ngayon ay dahil ayaw gumana ng makina ng sasakyan. Kaya paano sila aalis?

 

Nang makasakay na sila, rinig ni Ryan ang pagkabuhay ng van na siyang ikinagulat niya.

 

“Akala ko ba sira yung van?” tanong ni Ryan,

 

Narinig naman niya ang maliit na halakhak ng kaniyang kuya Jericho sa unahan. “Mukang napaniwala mo masyado yung pinsan mo Harvs,” sabi nito,

 

“Sabi sainyo pwede na tayo maging artista eh,” dagdag naman ni Silver,

 

“Wag mo sila pansinin. Basta ang bottomline, nagpanggap lang sila na nasiraan tayo para makapagstay sa kubo.” munting paliwanag sakaniya ni Justin.

 

Habang bumabiyahe, punong puno ng katanungan ang isip ni Ryan. Tila ba isang panaginip ang nangyari. Nakatulog ba siya sa biyahe? Panaginip lang ba ang pagtirik ng sasakyan at paglagi nila sa kubo? 

 

Ngunit ramdam niya pa rin sa sarili niya ang dugong nainom at laman na nakain niya.

 

“May tanong ka ba, bunso?” tanong ni Harvey sakaniya,

 

“Marami,” sagot ni Ryan.



Ang mga magulang nila, kahit na ang kanilang mga ninuno ay may dugong aswang. Sa tuwing tutuntong ng ika-labingwalong taon ang mga ito, magbabago na ang kanilang anyo bilang isang aswang at dito magsisimula ang pagkonsumo nila ng laman ng tao.

 

Ang kanilang mga magulang ay magkakaibigan na rin simula pagkabata at maging sila ay ginawa ang tradisyon kung saan, magtitipon ang magkaka lapit ng edad na aswang kasama ang panibagong magiging aswang sa isang ‘roadtrip’ kung saan, hahanap sila ng lugar kung saan sila makakakain.

 

Ipinasa ng kanilang mga magulang ang tradisyon na ito sakanila. Nagsimula kay Harvey at tinuruan ito kung paano ang kaniyang gagawin. Bilang pinaka matanda sa magbabarkada, siya ang naatasan na magpaliwanag at siguraduhin na matagumpay ang kanilang plano at ligtas ang kaniyang mga nakakabatang kaibigan.

 

Nagsimula na maging sila sila lang ang magkakasama at hindi kasama ang kanilang mga magulang noong birthday ni Solar. Dahil apat na silang nakakatanda na pwedeng pagkatiwalaan, naghintay nalamang sa isang nirentahang resort o restautant ang kanilang mga magulang habang kasama ng apat si Solar na naghahanap ng pwedeng tutuluyan at bibiktimahin.

 

Katulad ng kay Solar, ganon din ang ginawa nila nung birthday ni Justin. Ngayon naman, sa birthday ni Ryan.

 

Hindi nasira ang sasakyan. Pinagmuka lang nilang sira ito para sadyang matulungan sila ng ibang tao na pwede nilang maging biktima. Hindi nga lang nila inaasahan na may darating na ibang tao. Sinadya naman talaga ni Jericho na iwan sa van ang bag niya. Ngunit inutusan siya ni Harvey na sundan ang tatlong lalaki kaya naman nagpanggap siya na kukunin iyon.

 

Hindi nila inaasahan na magpupumilit si Ryan, kaya naman wala silang ibang choice. Hindi rin nila inaasahan na aatake ang tatlong lalaki sakanila pero mas pinadali lang ng mga ito ang trabaho nila. Imbes na hanapin pa sila, sila na mismo ang lumapit.

 

Nahirapan naman ang mga natira sa bahay sa kung anong gagawin. Inuna nila si Mang Nestor bilang haligi ito ng tahanan. Mas mapapadali ang pag patay sa iba kung wala na ang mas may kakayahan na lumaban sakanila. Hanggang sa sumunod si Manang Emilya, at si Agnes na iniwan muna nila sa kwarto bilang reserba para kay Ryan.

 

Nang marinig itong lahat ni Ryan, hindi niya alam kung anong una niyang mararamdaman. Awa ang una dapat niyang mararamdaman, kasunod ang panlulumo at pagsisisi. Ngunit ni isa sa mga ito ay hindi niya naramdaman.

 

Nag iisip lang siya kaninang umaga kung anong mangyayare sa kaarawan niya. Kung ano ba ang magbabago sakaniya. Alam naman niyang may magbabago, hindi niya lang inaasahan na grabe ang pagbabago.

 

Sinong mag aakala na ang dating kwento kwento lamang at hindi pinaniniwalaan ng nakakarami ay totoo pala. Sa modernong mundo, sinong mag aakala na may mga aswang pa pala? At parang nagbibiro pa ang tadhana na sila mismong magkakaibigan ang patunay ng kwento kwento na iyon.

 

Nagsisisi ba si Ryan sa ginawa nila?

 

Hindi .

 

Nakakagulat man ngunit hindi . Hindi niya inaasahan ngunit tanggap niya agad kung ano siya at kung ano sila. Eto ba ang dahilan bakit siya kinakabahan? Paano kung hindi pala iyon kaba ngunit pagkasabik.

 

Sabik siya sa dugo .

 

Normal lang daw iyon, sabi ng kaniyang mga kuya.

 

“Maraming dala sila Mama. Wag ka mag alala, di ka mauuhaw,” rinig niyang sabi ng kuya Harvey niya.

 

Napangit nalamang si Ryan sa narinig at mas lalong nasabik makarating sa paroroonan. Inilagay niya ang headphones niya sa kaniyang tenga at tumingin sa labas ng bintana. Ang kaninang puro puno ay napalitan na ngayon ng patag na daanan at mga bahay sa gilid ng kalsada. Tanaw niya din ang mumunting liwanag sa kalangitan, nagbabadya na ang araw na malapit nang sumikat.

 

Tunay nga, maligayang kaarawan sa’kin.

Notes:

This work is highly inspired by the 2012 Filipino movie "The Strangers" if you know what I'm saying HAHA. The plot twist of that movie omg. Sana nagustuhan niyo yung story kahit parang ang messy nung story flow T^T sana nagets niyo. I'm also planning to turn other iconic Filipino horror movies into aus sooooo see you sa next (if sisipagin >.<)

 

twt post

 

twt acc