Work Text:
I.
Hindi naman inaakala ni Mark na kaya niya palang titigan ng matagal si Donghyuck.
Foundation week nila ngayon sa kanilang unibersidad, at nagkaroon ng event ang kurso ni Donghyuck. Kahit mainit, walang nagawa si Mark dahil paulit ulit siyang sinasabihan ng nakababata na manood sapagkat emcee raw sila ng isa pa nilang kaibigan na si Xiaojun.
“Mark, sige na! Manunuod ka lang naman doon, ayaw mo ‘yun? May susupport sa akin tapos ikaw pa?” Malambing na saad ni Donghyuck sa kanya nung isang araw habang nasa pila sila sa sakayan ng jeep para makauwi na. Napabuntong hininga na lang ang nakatatanda at kinamot ang ulo.
“Sabi sa weather app ko, mainit daw sa mga oras na ‘yun! Ano gusto mo? Papabilad ako sa araw?”
“Napaka-arte mo talaga minsan. Nakakainis, huwag na nga!”
Napatawa na lang si Mark nang makita niya na humahaba na ang nguso nito. Kinurot na lamang niya ang pisngi at umirap ng pabiro. “Oh sige na! Pwede namang hindi na ako sabihan ng maarte kung gusto akong pilitin.”
“Tignan mo!” Sinuntok ni Donghyuck ang kanang braso at naglabas ng mahinang hagikgik. “Gusto yung maiinis pa ‘ko eh!”
“Cute cute niyan mainis e!”
Kaya heto siya, kasalukuyang katabi si Jeno na may hawak na payong para may masilungan dahil tirik na tirik ang araw sa pwesto nila. Nakarinig siya ng reklamo galing sa kasama at marahang pinupunasan ang pawis niya. “Tol, seryoso ka ba? Hindi naman natin kailangan manood ng event na ‘to."
“Magtatampo si Hyuck sa akin.”
“Eh ano naman?” Mabilis na lumingon si Mark at kumunot ang noo sa sinabi niya. “Oh, kumukunot noo mo diyan! Nagtatanong lang ako oh! At tsaka, ang layo ng course natin dyan sa event na yan tapos nagpapakabilad tayo sa initan? Aba! Hindi mo nga hilig manuod ng mga ganyan ganyan tapos nandito ka?”
Umiling na lang ito at ibinalik ang kanyang tingin sa entablado, na pinipilit panuorin yung taong kumakanta na hindi niya man lang kilala kung sino. “Para ka kasing ewan, sa totoo lang. Aayaw ayaw ka dyan pero andito ka rin naman.”
At kahit pa may isinagot sa kanya si Jeno, hindi niya na ito pinansin dahil pagkatapos ng ilang minuto ay nakita niyang bumalik muli sa gitna si Donghyuck para ipakilala ang susunod na kakanta. Sa hindi niya malamang dahilan, naestatwa na lang siya bigla habang pinapanuod at pinapakinggan niya ‘tong tumatawa at tila ba hina-hype pa lalo ang mga estudyanteng tuwang tuwa at malamang ay may crush pa sa kanya.
Hindi maipaliwanag ni Mark pero sa isang iglap, parang… wala na siya ibang nakikita at naririnig, kundi si Donghyuck lang. Tila yung mga mata niya ay naka-pokus na lang bigla sa silaw at kagandahan ng kaibigan niya.
Natauhan lang siya nang biglang sikuhan siya ni Jeno. Napamura naman ito ng mahina at tinignan ito ng may inis, pero ang tanging tugon lang sa kanya ay isang nakakalokong ngiti at pagtaas ng kilay. “Titig na titig ka dyan, boy? Ano, naamin mo na sa sarili mong gusto mo si Donghyuck?”
“Nakahithit ka na naman, Jeno. Tigilan mo nga ‘ko!” Angal na sabi ni Mark na siya namang ikinatawa ng kanyang kasama.
“Alam mo, Mark. Gusto mo ‘yan si Donghyuck talaga.”
“Ang ingay mo naman! Baka may makarinig sa’yo!”
Ikinulong ni Jeno ang ulo ng kasama sa kanyang braso at natatawang ginugulo ang buhok nito. “So ibig sabihin gusto mo nga?!”
“Hindi nga kasi!”
Pagkatapos ng ilang oras, natapos na rin ang programa at kasalukuyang inaabangan na ang kanilang mga kaibigan. Kasama na rin nila ngayon sila Renjun at Jisung na nasa harapan pala buong araw para na rin masuportahan si Donghyuck.
Ika nga ni Renjun, “Aba syempre supportive BFF ako kaya dapat nasa unahan ako at ibandera na kaibigan ko si Hyuck!”
Tinapik ni Jeno ang likod ni Mark at ngumuso nang mapansin niya ang inaantay nila na patakbo papalapit sa kanila. Malawak at may pagkalambing ang ngiti na sa tingin ni Mark ay parang may araw na papunta sa kanya at handa siyang mapaso sa init niya.
Nagulat si Mark nang yumakap sa kanyang leeg ang nakababata at hinalikan ang kaliwang pisngi. “Nakanuod ka naman pala ‘e!”
Tumawa lang ito ng mahina at ipinulupot niya ang kanyang mga braso sa beywang nito para manlang hindi ito kumawala sa kanya. “Mas gugustuhin ko pang mabilad sa araw kaysa naman suyuin kita kasi hindi lang ako nakadalo rito.”
“Aba dapat lang ‘no! Alam mong mahirap akong suyuin.”
“Kaya nga nanuod na ako diba?” Pinitik ni Mark ang noo at kinurot ang mga pisngi ni Donghyuck. “Oh ano? Saan mo gusto kumain?”
“May suyuang magaganap pala kung hindi manunuod ‘tong kumag eh.” Humalakhak si Renjun sa kanyang mga narinig at bumulong na lang kay Jeno na siya namang narinig ni Mark. “Gusto ni Mark si Donghyuck, sure talaga ako.”
“Sure rin ako dyan, nako. Sa buong oras na magkasama kami ni Mark kanina, hindi man lang ‘yan nagtanong sakin kung saan ko ba gusto kumain.” Sagot ni Jeno.
Umiling na lang ang nakatatanda sa dalawang nagbubulungan at saka tinitigan muli si Donghyuck na masayang kinakausap ang iba pa nilang mga kaibigan.
Anong gusto niya si Donghyuck? Imposible.
II.
Sa pangalawang pagkakataon, nahuli na naman ni Mark ang sarili niyang tinititigan si Donghyuck.
Magkasama silang nag-aaral sa library dahil Finals week na nila. Magkaiba man sila ng kanilang mga pinag-aaralan, pero nakaugalian na rin kasi nila na sabay silang magdabog at magreklamo habang tinatapos ang mga kailangan nilang tapusin.
Magkaharap ang dalawa, tanging lamesa at sari saring libro ang nakapagitan sa kanila. Napansin ni Mark na salubong ang mga kilay at nakanguso ang nakababata habang nagsusulat sa scratch paper at halata ring stress na stress na sa binabasa niya. Tahimik na tumawa si Mark at saka tinapik ang ulo ni Donghyuck.
“Relax ka lang, Hyuck.” Umpisa ni Mark at hinawakan ang noo para tanggalin ang pagkakunot nito. “Kasama mo ako oh! May kailangan ka ba or gusto mo ng tulong?”
Mas lalong humaba ang mga labi ni Donghyuck at tinignan ng mariin si Mark. Nagkatitigan sila ng ilang segundo, at naramdaman ng nakakatanda ang pag-init ng mga pisngi niya.
Pakiramdam ni Mark ay nalulunod siya at tila nawawalan ng hininga dahil sa mala-anghel na mga mata ng kasama niya.
Nakakainis naman, bakit kasi ang ganda.
“Pagod na ako kasi! Naiinis ako sa mga binabasa ko pero wala naman akong maintindihan.” Buntong hininga ni Donghyuck at saka iniyuko ang kanyang ulo sa lamesa.
“Pahinga ka muna. Hindi naman masama gawin ‘yon.”
“Eh? Ang dami ko pang babasahin.”
“Idlip ka lang, ipahinga mo muna saglit ‘yang utak mo.” Sinara ni Mark ang libro na hawak ni Donghyuck at tinapik ang pisngi nito.
Tinapunan siya muli ng tingin ng kanyang kasama at ngumiti. “10 minutes lang ‘to, promise! Tapos kapag sumobra ako ng idlip, pakigising na lang ako.”
Hindi niya na ito sinagot dahil nakapokus na siya sa mukha ng nasa harapan niya na sa tingin niya ay nananaginip na. Gulo gulo ang buhok at halos natatakpan ang kanyang mga mata dahil medyo mahaba na ang bangs niya. Bumaba ang kanyang tingin sa mga malalaman at bilog na pisngi na nakapatong sa kamay at napangiti siya sapagkat naaalala niyang lagi niya itong pinanggigilan at kinukurot sa hindi niya malamang dahilan.
Maya-maya pa, kusang napadpad ang mga mata ni Mark sa labi ni Donghyuck. Nakanganga ito ng kaunti at napansin niya na mamula mula, hindi na kailangan pa lagyan ng lipstick, hugis puso at parang… malambot .
Mahina niyang sinampal ang sarili sa mga naiisip at pakiramdam niya hindi lang pisngi ang umiinit kundi pati na rin ang mga tainga dahil ito ang unang pagkakataon na binigyan niya ng pansin ang labi ng kasama niya.
“Mark, nababaliw ka na ba?” Bulong sa sarili.
Siguro nga nababaliw na siya. At naalala niya na naman ang sinabi ni Jeno sa kanya nung nakaraang araw, kung naamin niya na bang may gusto siya kay Donghyuck.
Ano ba kasing kailangan aminin? Eh wala naman talaga, kasi hindi naman niya gusto si Donghyuck.
III.
“Hep! Ako mauuna umakyat tapos sa may bandang bintana ako!” Masiglang sabi ni Donghyuck sa kanya nang makarating sila sa Carousel Bus Stop.
Napagdesisyunan ng dalawa na gumala naman dahil tapos na rin ang Hell Week nila at napagtanto rin ni Donghyuck na matagal na rin silang hindi nakakaalis. Kaya heto sila ngayon, papunta sa MOA para makapag-ikot ikot at para na rin masubukan ang mga rides na nandoon.
Hindi naman hilig ni Mark sumakay sa mga ganon, pero ewan niya at bakit napapayag siya ni Donghyuck.
Siguro dahil na rin nagmakaawa ito sa kanya kanina na parang paiyak na at nagpapacute pa. Pwede ring dahil sa biglaang pagtitig ni Mark sa nakababata, at halos makita niya yung mga bituin na nagniningning sa mga mata niya.
Pambihira naman Donghyuck, parang lahat na meron ka, maganda sa paningin ko.
“Huy, Markie! Na-estatwa ka na diyan sa gitna! May naghihintay pa sa likod mo oh.”
Tila nagising si Mark sa boses ni Donghyuck at nakita niya na lang ito na nakaupo sa may bandang gitna, at syempre doon sa tabi ng bintana.
Umupo na lang siya sa tabi nito at saka nagbayad na rin ng pamasahe nila sa kundoktor nang tumapat ito sa kanya. Pareklamo na sana ang kasama pero umiling na lang si Mark at mahinang pinalo ang hita nito.
“Ako na sagot sa pamasahe.”
“Pati mamayang pag-uwi?”
“Mabisyo ka!” Sagot ni Mark kaya natawa si Donghyuck. “Pero okay, malakas ka naman sa akin.”
“Si Mark, hihindi sa akin? Imposible!”
“Kaya nga. Imposible talagang humindi ako sa’yo, Hyuck.”
Pagkarating nila ay siya namang kumain na sila ng kanilang tanghalian. Nag-ikot pa sila saglit sa loob ng mall at pagkatapos ay inisa-isa na rin nila ang mga rides na nasa By the Bay. Halos hindi na maramdaman ni Mark ang sarili dahil mahilo-hilo na siya at gusto na sumuka.
“Time out ba muna, Mark?” Mahinang tawa ni Donghyuck at saka inabutan ng tubig na agaran niyang tinanggap.
“Pagod na ako, Hyuck! Hindi ko na talaga kaya, I swear.”
Halos mataranta naman si Donghyuck nang makita niyang parang pabagsak na ang katawan ni Mark dahil nanghihina pa rin ang kanyang tuhod pagkababa pa lang nila sa Viking at tila namumutla na rin ang mukha.
“Hala, Mark! Teka nga upo muna tayo.” Hinatak na lang siya nito at saka umupo sa nakita nilang upuan. Agaran niyang hinawakan ang mukha ni Mark upang titigan pa ito ng mabuti at mahinang nagsalita. “Dapat kasi hindi ka na pumayag eh.”
“Eh sa gusto mo makasakay dun, syempre susun–”
“Magegets ko naman if hindi mo talaga gusto. Kaso pinilit mo pa.”
Ngumiti na lang sa kanya si Mark at kinuha ang isa niyang kamay na nakahawak pa rin sa kanyang mukha upang halikan niya ito. “Okay na nga kasi, Hyuck. Nakasakay na at nakababa na tayo oh.”
“Nakakainis ka kasi! Lagi kang payag sa mga gusto ko.” Sinuntok na lang ni Donghyuck ang dibdib nito at sumiksik pa lalo sa tabi niya.
“Eh sa gusto mo nga! At syempre payag naman ako sa mga gusto mong ‘yan.”
Inirapan na lang siya ng pabiro ni Donghyuck at nabaling na ang atensyon niya sa araw na unti-unting lumulubog at tila nagliwanag ang mukha sa nakikita niya.
Si Mark? Ayun, ang mga mata ay nakatuon sa ganda ng kasama na tuwang tuwa at hindi mapigil ang bibig kakasalita na hindi naman niya halos naririnig. Kitang kita niya kung paano natatamaan at paano niyayakap ng sinag ng araw ang kutis kayumanggi ni Donghyuck na sa tingin niya ay gusto niya makita palagi.
Tahimik niyang kinuha ang kanyang cellphone sa kanyang bulsa at saka kinuhanan ng ilang larawan ang nakababata.
“Hyuck…”
“Hmm? Bakit?”
“Wala lang.” Ngumiti siya at hindi inaalis ang tingin sa kanya. “Ang ganda mo.”
Sa unang pagkakataon, hindi na tinakbuhan ni Mark ang ideya na baka gusto nga niya talaga si Donghyuck.
IV.
From: Donghyuck
Antay mo ako? :( 10 minutes pa raw prof huhu
To: Donghyuck
Nasa labas na ako ng room niyo
Antayin na lang kita. Saan mo gusto mag-dinner?
From: Donghyuck
Hehe salamat po sa pag-antay
7/11 na lang tayo, la na budget ang hyuck mo
To: Donghyuck
Hahahaha okay
Sige na, makinig ka na dyan, wait na lang ako rito
From: Donghyuck
<3 labyu
Parang tangang umiling at wala sa sariling ngumiti si Mark nang mabasa niya ang huling mensahe ni Donghyuck para sa kanya. Hindi niya alam kung magkakasakit ba siya dahil bumibilis na naman ang tibok ng puso niya at tila init na init ang mukha na sa tingin niya ay para na rin siyang mansanas dahil sa pagkapula.
“Hay nako naman, Mark.” Bulong sa sarili. “Nababaliw ka na. Umayos ka nga dyan!”
“Sino naman ‘yang kinakausap at inaaway mo?” Nagulat si Mark sa narinig at pagkalingon niya ay nasa tabi niya na pala si Donghyuck na takang-taka ang mukha at nakasuot na salamin.
Ayan na ang kahinaan ni Mark. Si Donghyuck lang naman.
“Akala ko 10 minutes ka pa?” Utal na sabi niya. Tinignan lang siya ni Donghyuck at saka bumaba ang tingin nito sa labi niya.
Kumunot lalo ang noo ng nakababata habang hindi inaalis ang tingin kay Mark. “Bukas na lang daw yung kasunod eh. Pero teka, ano ‘yang nasa labi mo? Bakit may sugat?”
Agad na hinawakan ni Mark ang ibabang labi niya at naalala niya kung bakit nga ba siya nagkasugat kanina. Pumikit ito ng mariin at sumagot. “Nakagat ko lang kani–“
“Hep! Huwag mong hahawakan! Stay put ka lang diyan!” Binuksan ni Donghyuck ang kanyang bag at laking pasasalamat niya na lang at may ointment siyang dala.
Napangiti na lang si Mark sa binata dahil kilalang kilala niya na ito na palaging may dalang first aid kit. Nakaugalian na rin kasi ni Donghyuck na siya palagi ang takbuhan ng barkada tuwing may sakit sila.
Madalas tinatanong ni Mark na bakit nga ba lagi siyang may first aid kit. Ang sagot ni Donghyuck? “Okay na yung prepared ‘no! At saka, mas gusto ko na inaalagaan din kayo, mga ganun.”
“Hello, Mark! Tulala ka na naman diyan.” Buntong hininga ni Donghyuck at saka unti-unting naglagay ng ointment sa daliri niya. “Sabihin mo kung masakit ah.”
“Ha? Ako na lang maglalag–“
Sinita lang siya nito at hinawakan ang balikat ni Mark para hindi na ito gumalaw pa. “Ah basta! Tikom mo na ‘yang bibig mo, pwede?”
Humagikgik ang nakatatanda sa sagot nito at dahan dahang dinampi ni Donghyuck ang daliri nito sa sugat niya. “Hindi mo tatanungin kung bakit ko nakagat?”
“Sabihin na lang nating shunga ka sa part na ‘yon.”
Tumawa at itinuon na lang ni Mark ang buong atensiyon sa kaharap niya at tila wala na rin siyang pakielam kung pagtinginan pa sila ng mga estudyanteng dumadaan sa tabi nila.
At heto na naman yung pakiramdam na hindi niya na halos marinig ang mga ingay sa paligid nila sapagkat si Donghyuck lang ang nakikita niya.
Pinapanuod niya kung paano kumunot ang noo at humaba ang mga nguso habang nagsasalita na pumapasok at lumalabas din kaagad sa tainga niya. Pinapanuod niya kung paano idampi ang daliri nito sa labi niya. Pinapanuod niya kung paano isinasayaw ng hangin ang malambot na buhok at kung paano rin tumatagaktak ang pawis sa mukha niya.
Kumbaga, wala siyang sawang panuorin ang bawat galaw ni Donghyuck.
Wala sa sariling ipinunas ni Mark ang pawis ng nakababata gamit ang kanyang panyo at hinawi ang bangs upang mapunasan din ang noo nito.
Napatigil si Donghyuck sa ginagawa at malalim ang tingin ang ibinigay kay Mark. “Anong ginagawa mo?”
“Pinupunasan pawis mo.” Kinuha ni Mark ang pantali sa bulsa dahil nakasanayan din niyang dinadala ito para kay Donghyuck lalo na’t may mga araw na naiinis ang nakababata sa pagkahaba ng bangs niya.
Tahimik na tinalian ng nakatatanda ang buhok ni Donghyuck at nakita niya itong binigyan ng matamis na ngiti para sa kanya. “Ayan, nakatali na rin. Ramdam kong maiinis ka na mamaya kasi ang haba na.”
“Alagang alaga naman ako niyan.” Kinurot ni Donghyuck ang kanyang kanang pisngi at itinuloy ang paglagay ng ointment sa labi niya.
Sa mga oras na iyon, napagtanto ni Mark na gusto niyang alagaan si Donghyuck.
At sa araw na iyon, napagtanto niyang ayaw niyang mawala si Donghyuck sa paningin maging sa buhay niya.
V.
“Ay sus ginoo! Ikaw na ba yung Mark na palaging bukambibig ni Dongdong ko?”
Nahihiyang tumango si Mark at saka kinamot ang kanyang ulo. Tama ba ang narinig niya? Bukambibig siya ni Donghyuck sa mama niya?
“Hi po, tita. Nice to finally meet you po.” Inilahad niya ang kanyang kamay ngunit hinila siya nito para yakapin.
“Naku! Kay gwapong bata ka nga, Mark! Tama ang sinabi ni Dong.” Hagikgik niya. “Buti naman at nakadalo ka sa handaan ng papa. Inaasahan ka talaga namin na pumunta.”
“Sensya na po, ngayon lang nakapunta. Busy lang din kasi sa mga schoolworks.”
“Walang problema, ‘nak! Oh siya, tignan mo naman na si Dongdong!” Tinuro niya ng hindi kalayuan ang taong kanina pa niyang hinahanap, at namataan niya itong masyadong busy kumanta sa videoke at nakikipag-agawan pa ng mic na hawak ni Renjun. “Ang likot masyado! Parang hindi college student.”
Tumawa naman si Mark sa sinabi ng mama ni Donghyuck at umiling. “Cute naman po, tita ‘e.”
“Cute naman talaga ‘yang batang yan.” Lumingon ang ginang sa kanya at binigyan siya ng ngiti na halos hindi niya mawari kung nangloloko ba o seryoso. “Gusto mo ba ang Dongdong ko?”
Tila nagulat si Mark at halos napapigil ang hininga sa tanong sa kanya. “Po?”
“Ang sabi ko, gusto mo ba si Dong–”
“Mark!”
Agad siyang tumingin sa direksyon kung saan niya narinig ang pagtawag ng pangalan niya, at nakita niya si Donghyuck na kumakaway sa kanya at nagsalita ulit gamit ang mikropono. “Mama naman! Huwag mo takutin ang Markie ko!”
Markie ko? Kailan niya pa naisip na tawagin ako ng ganyan?
Humahalakhak na lang sa kanya ang babae at saka tinulak si Mark sa likod para makapaglakad na papalapit sa pwesto ng mga kaibigan niya. “Oh siya, nagseselos na yata ang makulit na ‘yan.”
“Tita naman eh… Anong selos?” Bulong niya at namumula na rin ang mga pisngi dahil sa init at maging sa nararamdaman niya sa kaloob-looban niya.
Sa hindi niya malamang dahilan, para siyang ninenerbyos, namamawis ang mga kamay at kinakabahan nang makita niyang naglalakad papunta sa kanya si Donghyuck para salubungin siya.
At heto na naman yung puso maging yung mga mata niya, nakatuon na naman sa kagandahan ng taong palaging hinahanap ng sistema niya.
Ngumiti ito ng malawak sa kanya ng tumigil ito mismo sa kanyang harapan. “Hinga hinga naman diyan, Mark.” Biro ni Donghyuck.
“Ha?”
Tinawanan siya nito at puta, hindi maipaliwanag ni Mark pero ito na yata ang pinakamagandang tawa na narinig niya at gusto niya pa yatang i-record para manlang pakinggan ito hanggang sa nakahiga na siya sa kama.
“Nababaliw na yata ako, Hyuck.” Biglang saad ni Mark. Nagbago ang tingin ng nakababata na parang nag-aalala na kaya sinapo niya ang noo nito.
“Huy! Ayos ka lang ba? May masakit ba sa’yo?” Nakatitig lang ang nakatatanda sa kanya at kinuha ang isang kamay ni Donghyuck para ilagay sa dibdib niya. “Ang lakas ng tibok ng puso mo, Mark! Ano bang nangyayari?”
“Hindi ko nga rin alam eh.” Huminga ng malalim si Mark para mahimasmasan manlang siya. Para kang ewan, Mark. Malala ka na. Tumawa siya ng mahina at saka hinila na lang si Donghyuck papunta sa pwesto nila. “Tara na nga.”
“Teka! Sure ka bang ayos ka lang?” Napatigil sa paglalakad si Mark para lingunin niya ang nakababata sa likod at pambihira, ayan na naman yung puso niya, ang lakas na naman tumibok. Kailangan na yata niya magpatingin sa doktor.
“Ayos lang.” Kahit hindi totoo. “Ayos lang talaga, Hyuck. Malayo sa bituka.”
Buong gabi silang magkatabi at inaalagaan ang bawat isa. Minsan si Donghyuck pa ang nagbibigay ng pagkain para kay Mark dahil nahihiya na rin ito tumayo at kumuha. May pagkakataon naman na si Mark ang taga-bigay ng tubig para kay Donghyuck pagkatapos nito bumirit ng kanta.
“Kayo na ba ni Donghyuck?” Tanong ni Renjun kay Mark nang napansin niyang silang dalawa na lang sa lamesa dahil nagkakagulo ang barkada mamili ng susunod nilang kanta sa videoke.
“Hindi ah!”
Tumaas lang ang kilay ni Renjun. “Maniwala naman ako sa inyo? Aminin niyo na!”
“Close lang kami!”
“Close rin naman kayo sa barkada pero hindi naman ganyan ang asta niyo sa amin.” Tumawa ito at umiling. “Ang gulo niyong dalawa ni Hyuck! Hindi kayo mapaghiwalay.”
Kumunot ang noo ni Mark at kumuha ng isang pirasong candy na nasa lamesa. “Anong hindi mapaghiwalay? Hindi naman kami magkatabi rin madalas ah!”
“Hindi nga, pero bukambibig niyo rin naman yung isa’t isa.” Kumuha naman ito ng bubblegum at nginuya. “Pansin na namin sa inyo ‘yan. Mark at Donghyuck. Donghyuck at Mark, mga ganun ba?”
“Pa-explain?”
“Kumbaga, kapag wala si Donghyuck, para ka namang nanghihina ka dyan at ulirat sa sarili. And vice versa. Gets mo na?”
Napaisip si Mark sa sinabi ni Renjun at napagtanto niyang baka tama nga siya.
Sa madaling salita, sanggang-dikit na ang dalawa.
Walang Donghyuck kung walang Mark. Walang Mark kung walang Donghyuck.
Ayan ang laging napapansin ng mga kaibigan nila kapag magkasama sila. Ika nga nila, kung hindi sila asal bata dahil sa bangayan at asaran, mukha naman daw sila silang matagal na mag-asawa kasi alam na alam na halos ang bawat kiliti, gusto, at ayaw ng isa’t isa.
“Parang hindi naman ganyan, Ren.”
Tinawanan lang siya ni Renjun na may halong pang-aasar at ibinaling ang atensiyon sa barkada nilang nasa harapan na nila. Tinuro niya ito si Donghyuck na ngiting ngiti at kumaway sa kanila. “Saya ng Donghyuck mo.”
Umikot ang mga mata ni Mark sa sinabi ng kasama at saka sinikuhan. “Tigilan mo ako. Anong Donghyuck ko ka dyan?”
“Eh bakit? Totoo naman sinabi ko. Donghyuck mo ‘yan.”
“Donghyuck ko…” Bulong niya habang nakayuko at inulit ulit sinasabi sa utak niya ang dalawang salita na sa palagay niya ay dadalhin niya hanggang pag-uwi.
Nababaliw na nga yata talaga si Mark.
At si Donghyuck ang dahilan.
“Hoy Mark! Kumanta ka raw!” Hiyaw ni Xiaojun habang natatawa kaya nagising na naman siya sa mga pinag-iiisip niya.
“At sino may sabi? Ayoko nga!” Angal niyang sagot at tinaasan ng kilay si Xiaojun.
Sumagot naman si Renjun at saka hinatak siya patayo para pumunta sa harapan. “Tangek, eh ‘di yung bebe mo.”
“Donghyuck?” Nagtatakang sabi ni Mark at napailing nang narinig niyang tumawa na naman si Renjun.
“Oh gago! Ikaw na nag-isip niyan na si Donghyuck ang bebe mo ah, labas ako dyan!”
“Siraulo ka!”
Pagkadating niya sa gitna ay hinila siya ni Donghyuck para tumabi sa kanya at saka inabot ang mikropono. “Nakalinya na yung gusto mong kanta.”
“Hindi ko pa nga sinasabi kung anong gusto ko ah.”
Humagikgik lang si Donghyuck at tinuro ang videoke nang lumabas sa screen ang song title na kakantahin niya.
Ligaya by Eraserheads.
Theme song ni Mark para sa taong nasa harapan niya.
“Oh ano? Tama ako ‘no! Ayan trip mong kantahin tuwing videoke at inuman eh.”
Ginulo na lang ni Mark ang buhok ni Donghyuck at tumango. Hindi naman nagkakamali ang nakababata, ayun lang naman ang gusto niyang kantahin lalo na’t siya ang kasama. “Kanta ko yan sa’yo eh.”
“Weh?” Tawang sagot ni Donghyuck. “Sige nga gawin mo thesis ko ah!”
“Kahit yung thesis mo ‘pag nag-masteral ka pa.”
“Puro landian oh! Sumbong ko kayo kila tita, tignan niyo!” Sigaw ni Jeno at nakatanggap naman siya ng malutong na mura galing kay Mark.
Sagutin mo lang ako aking sinta'y walang humpay o ligaya
At asahang iibigin ka
Sa tanghali sa gabi at umaga
Wag ka sanang magtanong at magduda
Dahil ang puso ko'y walang pangamba
Na tayo'y mabubuhay na tahimik at buong ligaya
Delikado na talaga si Mark habang kinakantahan niya si Donghyuck na tawang tawa lang sa pagkapiyok ng boses niya. May namumuong init sa puso niya tuwing napapadpad ang mga mata sa kanya at gusto niya na lang ‘to hatakin at dalhin kung saang sila lang dalawa ang nandoon at ibuhos ang pagmamahal para sa kanya.
Lintik na pag-ibig na ‘yan. Gusto niya si Donghyuck. Sigurado na siya.
+1
Mga tatlong araw na ring hindi kinakausap ni Mark si Donghyuck.
Nagsimula iyon nang makauwi sila galing sa handaan ng papa ni Donghyuck. Halos natutuliro ang nakatatanda nang binigyan niyang pansin ang nararamdaman para sa kaibigan niya. Hindi niya lubos maisip kung bakit nga ba siya nagkagusto sa kanya. Hindi rin siya makahanap ng sagot kung paano rin ba itigil ito.
Kung tutuusin, matagal niya na rin naman tinatakbuhan ang feelings niya. May mga pagkakataon noon na alam niyang malapit na siyang mahulog kay Donghyuck, pero agad niyang isinasalba ang sarili sa sakit dahil alam niyang hindi pa naman ito ang prioridad nilang dalawa at isa pa ay hindi siya sigurado kung gusto rin ba siya ng kaibigan.
“Alam mo Mark, kausapin mo na si Hyuck.” Biglang saad ni Xiaojun kaya napatigil ang pagmumuni-muni niya. Magkakasama ang barkada sa canteen at hinihintay si Donghyuck na tapusin ang ipapasang proyekto para sabay sabay na rin silang makauwi. “Alam mo bang lugmok ‘yun tuwing nasa klase kasi iniisip niya na baka may ginawa raw siya sa’yo na hindi niya alam kaya hindi mo raw pinapansin.”
Kumunot ang noo ni Mark sa sinabi ni Xiaojun at aakmang magsasalita nang sumagot si Jeno. “No offense Mark, pero medyo bonak ka sa part na nilalayuan mo si Hyuck ngayon.”
“I hate to say this pero tama si Jeno.” Hagikgik ni Renjun. “Hindi naman namin sinasabi na umamin ka kaagad. Ang samin lang, sana pinapansin mo pa rin. Pero kasi sa loob ng three days, talagang nilalayuan mo tuwing magkakasalubong!”
“Ang hirap naman kasi, eh.” Buntong hininga ni Mark at ikinamot ang ulo. “Baka kasi kapag hindi ko siya nilayuan, mas lalong lumalim feelings ko sa kanya.”
“Ano bang mali sa pagkagusto kay Donghyuck? Wala naman ah. At tsaka, kagusto-gusto naman ‘yang si ganda.” Sagot ni Renjun.
“At tsaka, malay mo naman mutual feelings niyo? Eh kung tutuusin sa’yo lang din naman nakatuon atensyon niyan.” Dagdag pa ni Xiaojun.
Tumango naman si Jeno at mahinang pinalo ang balikat ni Mark. “Gusto mo ba maunahan ka pa ng iba? Tingin ka sa kanan, baka ayan pa maging jowa ni Donghyuck imbis na ikaw.”
Agad namang lumingon si Mark at nakita niya si Donghyuck na may hawak na bulaklak at masayang nakikipagtawanan sa kanyang kasama na sa tingin niya ay kaklase niya. Halos mapako ang tingin niya sa dalawa at napansin niya kung paano tignan ng lalaki at kung paano pasayahin ang kaibigan niya.
Dahil doon, tila may namumuong bigat at sakit sa puso niya.
Gusto niya siya lang ang nagpapasaya at nagpapatawa ng ganyan kay Donghyuck.
“Ano, Mark? Kaya mo ba na makita si Donghyuck na may nagpapasaya sa kanya palagi tapos hindi ikaw yun?” Pag-aalala ni Renjun.
Ibinalik ang tingin sa kanyang mga kaibigan at saka tumayo upang malapitan sila Donghyuck. “Hindi ko kaya. Para akong mahihimatay tapos feeling ko rason kung paano ako madededs ay dahil sa selos.”
“Si OA naman!” Tumawa ng malakas si Xiaojun at saka itinulak ito patungo sa kinatatayuan ng taong gustung-gusto niya. “Take the risk, Mark! Hindi ka pwedeng mamatay na may regrets dahil hindi ka lang umamin kay Hyuck.”
Nagpakawala ng malalim na buntong hininga si Mark habang mabagal na naglalakad papunta sa nakababata. Paulit ulit din niyang pinapakalma ang sarili dahil napagdesisyunan niyang aminin kung ano man ang nararamdaman niya para sa kanya. Wala na rin naman siyang pakielam kung hindi man tanggapin ni Donghyuck, ang mahalaga ay nailabas niya na at tatanggapin niya ng buo kung ano man ang mapag-uusapan nila.
“Hyuck…” Pagtawag ni Mark kaya agad lumingon sa kanya si Donghyuck at binigyan siya ng tingin na pakiramdam ng nakatatanda ay malulunod na naman siya. Nginitian siya nito bago lumingon ulit sa kausap niya.
“Alis na ako, Sungchan. Salamat ulit sa bulaklak, naappreciate ko promise.” Tango ang naging tugon nito at nagbigay din ng pasasalamat sa kanya sapagkat tinanggap niya ang munting regalo na para kay Donghyuck.
Si Mark? Ayun, halos nanunuyot na ang lalamunan at tila nanghihina dahil habang pinagmamasdan silang dalawa, napagtanto niyang bagay din sila.
Bago pa man maglakad papalayo si Sungchan, tinapunan niya ng tingin si Mark na nasa likuran na at hinihintay silang matapos sa pag-uusap nila. “Mark pangalan mo, tama?” Panimula niya. Tumango lang ito sa kanya at inaabangan ang susunod nitong sasabihin. “Ikaw pala…”
“Ha? Ang alin?”
Humagikgik si Sungchan nang biglang hilahin ni Donghyuck ang kamay ni Mark upang maglakad papalayo rito. “Bye, Sungchan! Ang daldal mo nakakainis!”
Binigyan ni Mark ng tingin na may pagtataka si Donghyuck at tahimik silang naglalakad patungo sa gate ng kanilang unibersidad. Nauuna na ito sa kanya habang nakatungo ang ulo at bumaba ang kanyang mga mata sa mga kamay nilang kanina pang magkahawak. May mga kaunting kalyo ang kamay ng kababata pero ramdam pa rin niya ang pagkalambot nang pisilin ito upang makuha ang atensyon ni Donghyuck.
“Ano yung sinasabi nung Sungchan..” Bulong ni Mark kaya napatigil ang nakababata. Lumingon ito sa kanya at pucha, akala yata niya ay nakakita siya ng anghel na bumaba sa lupa dahil sa maamo niyang mukha at malambing nitong tingin sa kanya.
Corny man pakinggan, pero wala eh, binabaliw talaga siya ng kaibigan niya at kahit pa anong pilit niyang paglayo rito, kusa pa ring lalapit ang buong pagkatao lalo na ang puso sa kanya. Kusa pa ring susunod kung saan man siya dadalhin ni Donghyuck.
Nagpakawala ng buntong hininga si Donghyuck at hinigpitan pa lalo ang kanilang mga kamay. “Sabihin mo muna sa akin kung galit ka. Tatlong araw mo akong hindi pinapansin.” Malungkot nitong saad.
Nang marinig ni Mark kung paano ito magsalita ay kulang na lang gusto niyang suntukin ang sarili dahil naramdaman niyang apektado si Donghyuck sa paglayo niya sa kanya. Nakita niya kung paano bumagsak ang mga balikat at kung paano mawala ang pagningning ng mga mata nito.
Kung meron mang bagay na ayaw na ayaw gawin ni Mark kay Donghyuck, ayun ay yung mga bagay na magpapalungkot at magpapaiyak rito.
Hinigit niya si Donghyuck at ikinulong sa kanyang braso upang yakapin niya ito ng mahigpit. Nailabas din naman ng nakababata ang mga namumuong luha sa kanyang mga mata at humawak sa t-shirt ni Mark. “Nakakainis ka, Mark. Ano ba kasing nasa isip mo para hindi ako kibuin…”
“Sorry na.” Lambing nitong sagot at dahan dahang tinatapik ang ulo ni Donghyuck. “Nababaliw ako kakaisip paano ba mawawala feelings ko sa’yo. Masyado na kitang gusto e. Natatakot ako kapag mas lalo pang lumalim…”
Itinaas ni Donghyuck ang kanyang ulo at pinaningkitan ng mata si Mark nang marinig niya ito. Kinurot din niya ang tagiliran at agad din niyang ipinilupot ang kanyang mga braso sa beywang ng nakatatanda. “Huwag mong gagawin ‘yan please… Hindi pwedeng mawala feelings mo sa akin.”
“Hmm? Bak–”
Hinalikan ni Donghyuck sa kaliwang pisngi si Mark na siya naman niyang ikinagulat kaya inilayo niya ang nakababata sa kanya. Hindi maipinta ang kanyang mukha maging ang damdamin sa ginawa ni Donghyuck. “Hyuck? Bakit ka nanghahalik!”
“Gusto rin kita.” Hiya nitong saad at binigyan ng matamis na ngiti si Mark na halos sumabog sa tuwa ang puso at tila parang sirang plaka na paulit-ulit sa ulo niya dahil sa sinabi ng kaibigan. “Kaya bumawi ka sa akin dahil tatlong araw mo akong hindi pinansin!”
“T-teka! Gusto mo ako? Seryoso ka ba? Hyuck, dapat ako ang aamin!” Pagdadabog ni Mark.
Tumawa ng malakas si Donghyuck at hinawakan muli ang kamay ni Mark habang kinukulit siya kung bakit nga rin ba niya nagustuhan ang kaibigan. “Eh ikaw, bakit mo ba ako nagustuhan?” Tanong ng nakababata.
“Hmm, hindi ko rin maintindihan. Basta ang alam ko lang I found myself staring at you and narealize ko lang na kada tingin ko sa’yo, sa’yo na nakafocus lahat at hindi ko na napapansin yung mga tao at ingay sa paligid ko. At the same time ayaw ko na tumingin sa iba, kasi enough ka na mismo sa akin, Hyuck.” Sagot ni Mark at nagpatuloy. “Tapos alam mo yung pakiramdam na sana ganun din ang tingin mo sa akin? Na sana ibalik mo rin sa akin yung mga bawat tingin ko sa’yo.”
“Kung alam mo lang, Mark. Ang dami kong pagkakataon na hinihiling na sana tignan mo rin ako pabalik.” Ngumiti si Donghyuck na may namumuong luha ulit sa kanyang mga mata at niyakap muli si Mark ng mas mahigpit. “Kaya ang saya ko na sinabi mo ring gusto mo ako.”
“Kaya simula ngayon, Hyuck, tandaan mo na sa’yo lang nakatingin mismo yung pagkatao lalo na yung puso ko.”
“Syempre tatandaan ko ‘yan! Si Mark Lee na nakatingin sa akin ng ganito oh!”
At sa mismong araw na iyon, hindi na nila hahayaang tapunan ng tingin ang iba, dahil kuntento na silang nakatingin sa isa’t isa.
