Work Text:
“sino ang unang gusto magpakilala?” tanong ng teacher nila sa harapan.
welcome to the high school life! unang araw na naman ng pasukan at ang nasa isip lamang ni hyuck ay huwag kalimutang ilabas ang baunan pag-uwi para hindi siya mapagalitan ng nanay (sa lahat kasi ng araw-araw na gawain, ayan ang palagi niyang nakakalimutan).
“ma’am si araw daw po!” agad napatingin si hyuck sa kaklase niyang nang marinig ang palayaw na inaasar sakaniya.
araw daw dahil sa maaliwalas niyang mukha—at sa kasiyahang binibigay niya sa silid.
ngumuso naman si hyuck sa naisip at bumulong, “parang di naman.”
umiling-iling naman si hyuck at maliit na ngumiti ngunit dahil sa mga tukso ay napilitan (slight) siyang tumayo at magpakilala.
“hi guys… ako si hyuck lee, ang favorite kong subject ay arts, at birthday ko ay tuwing june! araw nalang din itawag niyo sa akin tutal pinauso niyo ‘yan, hindi ba?” sambit niya at mahinang natawa. dahil dito ay nagtawanan din ang kaniyang mga kaklase.
… maliban sa isa.
“salamat, hyuck. maaari ka nang umupo. siguro ay itawag naman natin kasunod ang kaapelyido mo…” banggit ng kanilang teacher at tumingin sa class list.
nagtaka naman si hyuck dahil sa pagkakaalam niya ang siya lamang ang lee last year.
“ito, transferee ka pala… mark lee?” kasabay nito ang pagtingin ni hyuck sa kaniyang paligid, hinahanap ang kaapelyido.
nagtaas naman ng kamay ang lalaki sa harapan niya. sa unahang row, to be exact.
“bakit hindi ko siya napansin kanina?” bulong ni hyuck.
tumayo ang transferee at pumunta sa unahan. naestatwa si hyuck nang makita ang mukha nito.
“parang laging may panyo sa likod at naka-johnsons baby powder! ang cute naman,” isip niya.
si mark lee ay itim na itim ang buhok, katamtaman ang tangkad, bilugan ang mata at may itim na salamin. malinis din ang gupit nito, hindi gusot ang uniform, at mukhang tahimik.
“uhm, hello… mark lee. my birthday’s in august… and, uhm, mark nalang.” sambit nito at gumuhit ang isang linya sa labi, animo’y nakangiti ngunit parang hindi rin.
nakatingin lamang si hyuck sakaniya, iniisip kung binigyan niya ba ito ng kaniyang baon ay papayag siyang maging kaibigan niya.
“hindi mo ba kamag-anak si hyuck?” tanong ng teacher.
bago pa man makasagot si mark ay sumigaw na ang kanilang kaklase, “mag-asawa po sila!”
tawanan at asaran ang pumalibot sa silid. si mark ay nakatayo pa rin, hindi alam ang gagawin kundi kumamot sa ulo at si hyuck naman ay unti-unting namula ang pisngi.
napansin naman ito ng katabi niya, “hyuck, kinikilig ka ba?”
umiling-iling ito at sinabing mainit lang sa classroom.
nang patahimikin ng guro ang klase ay bumalik ang tingin ni hyuck sa harap. at kasabay nito ang pagtingin ni mark sakaniya.
hindi alam ni hyuck ang gagawin, panigurado ay ang pawis niya na tignan, panigurado ay hindi na siya cute… hala, bakit naman ‘yun agad pumasok sa isip niya?
alanganing ngumiti si hyuck kay mark at sinuklian ito ng isa ng ngiti na naman niya—yung parang linya lang ang labi. pero hindi nakatakas sa paningin ni hyuck at pisngi ni mark na tila nagkakaroon ng laman kapag ginagawa niya ‘yon.
“cute…” bulong ni hyuck.
——
nang matapos ang pagpapakilala ay sinabi ng teacher na magkakaroon ng seating arrangement. napunta si hyuck sa pang-apat na row, sa tabi ng bintana na kahilera ng pintuan.
nakatingin lamang siya sa mga taong dumadaan (naiinggit kasi maaga ang lunch) nang maramdaman niyang may umupo sa tabi niya.
sa hindi malamang dahilan ay kinabahan siya.
hindi, alam niya pala.
alphabetical kasi ang seating arrangement.
kaya panigurado…
“sorry.” bulong ni mark nang magdikit ang siko nila.
hinarap siya ni hyuck at nginitian, “okay lang.”
tumingin si mark at tumango.
“uhm, malapit na lunch… gusto mo sabay tayo?” siguro nagtataka si mark at bakit siya inaaya ni hyuck ngayon. pero hyuck, bilang hyuck… gusto niya maging kaibigan ito.
“uh, sige… salamat.” sambit ni mark. dahil dito ay mas lumawak ang ngiti ni hyuck at mahinang pumalakpak.
“yehey! share-an kita ng baon ko, buti marami yung kinuha kong tocino kanina!” ani pa ni hyuck at tuloy-tuloy dumaldal habang nakikinig at paminsan-minsan ay tumatango naman si mark.
and that my friends, is the start of their lovestory! este, friendship pala.
——
pawisin na pumasok si mark sa klase—ito ang unang beses niyang ma-late. umupo na rin ito sa tabi ni hyuck na agad siyang tinignan.
two months na rin pala silang magkatabi at sabay kumain.
“bakit ka na-late?” usisa agad ni hyuck.
“hindi ako nagising sa alarm ko.” sambit ni mark habang binababa ang bag.
“ganun? sige, upo ka na dali! punasan ko pawis mo, may extra akong panyo.” sambit ni hyuck.
tatanggi na sana si mark ngunit nailabas na ni hyuck ang panyo nito. mas nahiya na siyang tumanggi kaya naman ay hinayaan niya na ang kamay ni hyuck ay unti-unting lumapit sa kaniyang mukha. tinanggal na rin ni hyuck ang salamin ni mark at inilapag sa armchair niya.
unang dampi ng panyo ni hyuck sa noo ni mark ay tila ba nakaramdam si hyuck ng kakaiba.
parang… siya na yung pinagpapawisan.
“bakit parang umiinit yung classroom?” ayan ang nasa isip niya habang nagpupunas.
“hyuck?” tawag ni mark.
“hmm?” lamang ang naging sagot ni hyuck at unti-unting binaba ang kamay mula sa mukha ni mark.
tinignan siya ni mark at inangat ang kamay. naestatwa si hyuck nang hawiin ni mark ang bangs niya at isukbit ito sa gilid ng tenga.
“sorry, pinagpapawisan ka na rin kasi.” sambit ni mark at sinuot na ang salamin na nilapag ni hyuck sa armchair nito.
mahinang tumawa si hyuck at tumingin kay mark, ‘di alintana kung pulang-pula na naman siya (nakahanda na ang palusot na mainit sa room).
“ano baon mo?” tanong nito.
“hindi ako nakapaghanda, nagmadali kasi ako.” sabi ni mark na tinanguan naman nang paulit-ulit ni hyuck.
“hati nalang tayo sa baon ko? dalawang sandwich ang pinagawa ko kay mama.” tumango si mark at umukit ang kaniyang trademark na ngiti (atleast, sa paningin ni hyuck).
“salamat, hyuck. kaibigan talaga kita…” sambit ni mark.
hindi alam ni hyuck kung matutuwa siya dahil tila ba close na sila ni mark… o malulungkot dahil alam niya sa sarili niya na hindi na niya nakakalimutang ilabas ang baunan dahil sa taong nasa tabi niya. is this unrequited love? joke!
patay. crush niya na yata si mark lee.
——
crush niya na talaga si mark lee.
mahigit dalawang taon na silang magkaibigan at tanging siya lamang ang laging kasama ni mark.
ika nga niya, best friends na sila! ye—hey!
“hyuck, nagdrawing ka na sa science?” tanong ng kaniyang katabi (oo, magkatabi pa rin sila pero this time, by choice na).
“kulay nalang! tuloy natin mamaya sa library pagkatapos kumain?” tanong ni hyuck habang nililigpit na ang gamit. nabanggit kasi ni mark na hindi siya makagawa kahapon dahil sa kung ano man.
ginamit na ni mark ang pagkakataon na ito at inilabas ang baunan na nasa bag.
“uhm, hyuck…” panimula nito. tumingin naman si hyuck sakaniya at tinignan ang hawak nito.
“tinuruan na ako ni mama magluto… nabanggit ko kasi mahilig ka sa manok.” kung ano ang hina ng ang boses ni mark habang binabanggit ang mga katagang ito ay ganoon naman kalakas ang tibok ng puso ni hyuck.
sa isip ni hyuck ay lalabas na yata ang puso niya sa lakas ng tibok nito.
“talaga? bakit?” sana lang ay hindi napansin ni mark ang kaba at utal sa mga salita ni hyuck.
“napansin ko kasi lagi marami na baon mo lagi… napansin mo yatang mahilig ako kumain? pasensya na, kaya sabi ko babawi ako.” pagkatapos ay ngumiti si mark. ang kaniyang downward smile nga naman.
naramdaman ni hyuck na unti-unti na namang umiinit ang kaniyang mga pisngi—mamumula na naman siya.
bakit ba kasi ganito si mark? yung tipong akala mo walang pake pero bigla-biglang magbabanggit ng mga bagay na nakakapagpaalala sakaniya kay hyuck.
“wala ‘yun! gusto ko talaga damihan lagi para magshare tayo, magkaibigan tayo, diba?” sambit ni hyuck—sa ‘di niya na naman malamang dahilan ay medyo may kirot.
tumango si mark bilang pagsang-ayon. muling bumaba ang tingin ni hyuck sa baunan na hawak ni mark. dahil dito ay napansin niya ang band-aid sa isa sa mga daliri ni mark na nakakapit sa baunan.
“bakit ka may band-aid?” tanong ni hyuck kahit medyo nagkaka-ideya na siya (ayaw niya lang mag-assume).
“ah, napaso lang habang nagluluto. pero wag mo na isipin.” sambit ni mark at agad na pinasok sa bulsa ang kamay na para bang nahihiya at napansin pa ni hyuck ‘yun.
wala na, handa nang kunin ni hyuck ang lahat ng band-aid sa clinic kahit pagalitan pa siya ng masungit nilang nurse.
at natapos nga ang tatlong taon nilang pagsasama nang may lihim na pagtingin si hyuck sa kaibigan (best friend daw) niyang si mark lee.
——
graduation day na bukas ng mga junior high school at parehas na makakatanggap si hyuck at mark ng award.
si mark ay makakatanggap ng high honors with a GWA of 96.28.
si hyuck naman ay with high honors din.
ano kaya ang GWA niya?
ayun, nakaupo sa labas ng room at mahigit 3 years nang may pagtingin sa isa.
akalain niya yun? nakaabot ng 3 years nang ‘di umaamin sa kaibigan?
at natigil na nga ang pagmumuni-muni niya nang lapitan siya ng kaklase.
“huy, araw! hindi ka na nagpunas ng bintana, palitan mo na ako,” sambit nito at inabot ang basahan kay hyuck. tumayo naman si hyuck at nagpagpag bago kunin ito.
“uwi ka na ba? saan ka pupunta?” tanong nito dahil wala namang dala ang kaklase maliban sa isang padlock.
“hindi, kitain ko jowa ko sa likod ng school! magkakabit kami nung padlock. kung gusto mo raw tumagal ang pagsasama niyo, magkabit kayo doon... para siyang naging tradition ba ng school.” sabay hagikhik nito. agad din itong nagpaalam at kinawayan na lamang siya ni hyuck.
pagpasok niya sa room ay nakita niya ang ibang mga kaklase na nagpupunas din ng bintana at nagf-floorwax ng sahig. graduating na sila pero nag-ambagan pa para sa floorwax at chalk ng papalit sa section nila.
dumapo naman ang tingin niya sa nagpupunas ng whiteboard. sino pa nga ba? edi si mark.
dahan-dahan siyang lumapit at balak na sanang gulatin ito nang nagsalita si mark.
“diba may practice tayo sa umaga ng martsa? may regalo ako sa’yo bukas sa graduation kaya kung pwede ka ay agahan natin pumasok.” kasabay nito ang pagharap niya kay hyuck. kumunot ang noo ni mark dahil nakatitig lang si hyuck sakaniya.
“bakit?” karagdagang tanong nito sa nakababata.
“paano mo alam na ako?” tanong ni hyuck. ang oa man pakinggan pero natuwa si hyuck sa simpleng bagay na ‘yon. ibig sabihin ay kilalang-kilala na talaga siya nito (3 years ba naman).
“ah, hindi ko rin alam? naramdaman ko lang.” at marahang tumawa si mark.
kinilig naman si hyuck at tumango na lamang.
ano kaya ang regalo sakaniya ni mark bukas?
——
7:30am pa lang ay nasa shed na si hyuck ng school nila. agad siyang kumaway nang makita niya si mark papalapit.
“saan tayo?” tanong ni hyuck. nagkibit-balikat lang si mark at sinabing sundan siya.
nang tumagal ay alam na ni hyuck kung saan sila pupunta. sa likod ng school.
nagiisip-isip lang si hyuck nang tumama siya sa likod ni mark. tumigil na pala siya sa paglalakad.
“okay ka lang? sorry…” hinawakan ni mark ang pisngi ni hyuck para tignan ang mukha nito. nag-iinit na naman ang araw.
“okay lang, ano ka ba! asan na ang gift?” pagwawaksi ni hyuck at inilahad ang kamay, pumikit at ngumuso.
tumawa si mark at talagang nagsisi si hyuck na pumikit siya— dahil once in a blue moon lang nangyayari ito.
nilapag ni mark ang isang kahon sa palad ni hyuck. “pwede na? pwede na?” atat na tanong ni hyuck. um-oo lang si mark kaya agad na dinilat ni hyuck ang mata niya at nakita ang napaka-cute na box na kulay dilaw.
binuksan ni hyuck ang box at tumambad sakaniya ang isang silver lock na may dalawang susi—ayaw na naman ni hyuck mag-assume pero….
“narinig ko kasi pinaguusapan ng mga kaklase natin yung tradisyon ng school kaya…” hindi na nakapagsalita si mark sa hiya. yumuko nalang ito at iniwasan ang tingin ni hyuck.
nag-init na naman ang pisngi ni hyuck sa narinig. may biglang naalala si hyuck kaya naman binaba niya ang kaniyang bag at may kinuha—pentel pen.
“tara.” sabi ni hyuck at hinatak si mark. binuksan nito ang takip at sumulat: hlee.
“ikaw naman.” sabi ni hyuck at inabot kay mark ang panulat. kinuha naman ito ni mark at ginaya si hyuck: mlee.
ngunit hindi nakatakas sa paningin ni hyuck ang idinagdag ni mark sa pagitan ng pangalan nila.
hlee <3 mlee
… at hindi rin nakatakas ang kasunod na sinulat nito: ally.
“salamat sa ilang taong pagkakaibigan, hyuck. sana magtuloy-tuloy hanggang pagtanda natin.” sambit ni mark at ngumiti—at hindi ito ang normal niyang ngiti, isa itong malaking ngiti. yung labas ang ngipin, yung parang gasuklay ang hugis.
ang saya-saya tignan. nakakapanlambot ng puso.
sa isip ni hyuck ay walang katumbas na pabaon ng kaniyang nanay ang dala-dalang ngiti ni mark sa sandaling ito.
“lock na natin!” sambit ni mark at lumapit na sa may mga bakal at alambre. sabay nilang kinabit ang padlock at inabot din ni hyuck ang isa sa dalawang susi kay mark.
nagulat si hyuck nang ibato ni mark ang susi sa harap nila—ang ilog.
“mark! bakit mo binato?” tanong ni hyuck at inilagay ang susi sa loob ng bag niya.
“para hindi na mabubuksan. yung sinasabi nila… padlock, tapon susi?” patanong pa ang pagsambit.
hindi na kinaya ni hyuck at niyakap niya si mark habang tumatawa nang marahan.
cute noong unang pagkakilala, cute pa rin ngayon.
“mark…”
“masaya rin ako na naging kaibigan kita.” sambit ni hyuck at maliit na ngumiti.
——
“sure na ba tayo sa humss?” tanong ni hyuck kay mark. kasalukuyan silang nasa kwarto ni hyuck habang kumakain ng chichirya.
“ako, oo. Ikaw ba?” tanong ni mark.
“hmm… oo rin! let’s go!” sambit niya at tumawa.
“magkasama tayo hanggang senior high,” sambit ni mark at ngumiti. ay si downward smile talaga oh!
“nagsasawa ka na ba sa mukha ko, mark lee?” taas-kilay na tanong ni hyuck.
agad na tumawa si mark at umiling-iling, “hindi ah, maganda nga ‘yan at sabay ulit tayo lagi kakain.”
ayan, dyan ka magaling mark lee! sa mga salita mong ganyan!
——
hindi naman naging mahirap para sa dalawa ang senior high sapagkat kaagapay nila ang isa’t isa.
si mark na walang kamalay-malay na hanggang ngayon, grade 12, ay gusto pa rin siya ng kaniyang kaibigan.
“celebrate tayo, hyuck.” sambit ni mark habang naglalakad sila pauwi.
“bakit? dahil ba sa honors?” tanong ni hyuck.
“oo, hindi biro ang mag-high honors sa senior high ‘no!” sabi ni mark at tinignan si hyuck.
“hyuck lee, with high honors!” announce niya pa at marahang tumawa.
ngiti lamang ang ibinigay ni hyuck.
“ayos ka lang ba?” pansin agad ni mark.
“oo naman, napagod lang sa pagpasa ng research… hinabol namin si ma’am sa buong campus tapos paakyat-baba kami sa mga floors.” kahit hindi kumbinsido ay tumango na lamang si mark.
sa totoo niyan, marami talagang nasa isip si hyuck—hindi na ito yung high school na tipong iniisip niya lang kailangan niya magdala ng shoe rugs, floorwax, at huwag kalilimutan ang baunan pag-uwi.
ngayon, iniisip niya kung paano pa rin sila magiging close ni mark kapag college na. magkaiba na kasi sila ng gusto. siya, fine arts o mass communication, tapos si mark, political science. sabi pa nila ay sa college daw mawawalan na kayo ng oras para sa ibang bagay at hindi na nagtutugma ang schedule.
paano na ‘yan? siguro kasi naging dependent na siya kay mark. sa mga nagdaang taon din kasi, ang laki ng naging pagbabago ng best friend niya. si mark na hindi ngumingiti ay madalas nang ibinibigay ang downward smile sa mga kaklase (hindi alam ni hyuck kung matutuwa siya o ano), si mark na lagi siyang iniisip (dinadalhan siya ng mga pagkain na gusto niya), si mark na hanggang ngayo’y hinahawi ang bangs niya kapag alam niyang sagabal, si mark na pinaglulutuan siya, si mark na… mahal na niya.
kailan pa? hindi rin alam ni hyuck. basta’t habang naglalakad sila sa gilid ng daan, habang binabanggit ni mark ang mga awards sa school, alam na niyang mahal niya itong tao na nasa tabi niya. sayang lang at wala siyang balak umamin.
bigyan ng award yan!
hyuck lee—with high honors, torpe of the year award, nainlove sa best friend award.
hyuck lee, congrats sa 5 years mong pagkakagusto kay mark lee! (sarcastic)
——
“kinakabahan ako.” natatawang sambit ni mark habang nilalayo ang sarili sa laptop.
“ako na titingin!” sabi ni donghyuck. walang naging sagot si mark at tinakpan lang nito ang mukha.
ni-refresh na ni hyuck ang website at tinipa ang impormasyon ni mark.
3… 2… 1…
“mark…” mahinang sambit ni hyuck.
“ang best friend ko!”
“congrats polsci student sa up diliman!” at agad niyakap ni mark si hyuck.
“hyuck…” tanging sambit ni mark. naramdaman din ni hyuck ang basa sa kaniyang balikat ngunit hinayaan niya lang ito.
masaya siya at unti-unting natutupad ang pangarap ni mark.
“pero paano ako?” sa isip niya na agad niyang inalis. hindi na mahalaga ‘yon.
“congrats din, communication arts student sa la salle.” bulong ni mark sa balikat nito.
pumikit si hyuck at ngumiti, di alintana ang luhang pumatak sa kaniyang mata.
sana ay ganito nalang kami palagi.
——
sa unang taon ng college ay hirap silang dalawa sa paga-adjust, lalo na si hyuck. alam niya kung gaano ka-busy si mark kaya hindi niya ito kinukulit. pero sa mga panahong pupuwede ay sinusulit niya ito. katulad ngayon.
birthday ni mark at wala siyang ibang pinlano kundi ang lumabas kasama si hyuck. naaalala kasi nito ang kwento sakaniya ni hyuck noong nakaraan na gusto nitong pumunta sa museum of fine arts. at dahil sa sobrang busy, hindi niya naiplano agad kaya nais niyang bumawi ngayon sa kaibigan.
“omg! mark!” sigaw nito nang makita ang puting museo. matagal na talagang gusto pumunta ni hyuck dito kaso ay wala siyang mahanap na kasama (hindi pa rin kasi niya close ang mga kaklase).
“mark!” tawag muli nito. tumawa si mark at hinarap siya nang may ngiti sa labi, “surprise.”
niyakap ni hyuck si mark sa saya at tinugunan naman ito ni mark.
“anong surprise eh ikaw ang may birthday? kainis ‘to!” angal pa ni hyuck na kala mo’y hindi nagniningning ang mata sa nakikita.
“pasensya na at busy ako, hyuck. hindi na rin tayo madalas nagkikita kaya bumawi na ako ngayon.” sambit ni mark at hinagod ang likod ni hyuck.
umalis si hyuck sa pagkakayakap at hinawakan ang magkabilang pisngi ni mark.
“ang cute mo talaga!” panggigil nito. agad din naman siyang natauhan at humiwalay.
“lika na nga, bff! marami tayong iikutin.” at hinatak na niya si mark papunta sa museo.
buong araw lang sila naglibot sa loob. tuwang-tuwa si hyuck sa mga nakikita niyang sculptures at paintings—ito ang pinakahilig niya. sa kabilang banda. tuwang-tuwa rin si mark, hindi dahil sa museo, kundi dahil sa itsura ng kasama. ikaw ba naman ay titigan ni hyuck gamit ang mga mata niyang kumikinang ngayon?
hindi rin alam ni hyuck pero tuwing tumatalikod siya at kumukuha ng mga litrato ay pasimple rin siyang kinukuhaan ni mark ng litrato.
“for memories…” ani niya.
sa pagkakataon na ito, mahigit anim na taon na mula noong mahalin ni hyuck si mark lee.
——
dumaan ang 2nd year na parang bula. mas limitado na ang naging pagkikita ni hyuck at mark ngunit naiintindihan niya naman ito. nakakalungkot pero walang magagawa.
ngayong ikatlong taon na nila sa kolehiyo ay may naging kaibigan si hyuck. si jaemin.
si jaemin lang din ang nakakaalam ng unrequited love niya for mark na halos walong taon na ngayon.
“ang taray ng walong taon, ha. edad na yan ng pinsan ko!” asar ni jaemin.
“makikita mo naman siya ngayon, jaemin… tignan mo, malalaman mo bakit walong taon.” dahilan ni hyuck.
“pass be, alam mo naman ako…” sambit nito. umiling nalang si hyuck at ngumiti.
“hyuck!” agad siyang lumingon sa kanan at nakita niya si mark na naghihintay sakaniya.
nasabi kasi ni mark na dadaan siya sakaniya dahil papunta ito sa kaibigan na malapit sa lugar.
“mark!” agad tumakbo si hyuck at ngumuso. tumawa naman si mark sa inakto nito at hinawi ang bangs nito.
“kamusta ang klase?” tanong niya.
“okay siya, ako ang kamustahin mo!” sambit ni hyuck kaya natawa ang isa.
“ehem… kala ko pinoy meets afam ang kaganapan sa harap ko.” bulong ngunit rinig na banggit ni jaemin. tinignan siya nang masama ni hyuck kaya natawa ito.
“mark, si jaemin. tanging kaibigan ko ngayon!” pagpapakilala ni hyuck.
tumango si mark at naglahad ng kamay, “mark nalang.”
sa ‘di malamang dahilan ay tumawa si jaemin, “huwag ka magalala, jaemin nalang.”
dahil dito kumunot ang noo ng dalawa at tinignan si jaemin. umiling nalang ito at muling tumawa.
“sige na, hyuck, dumaan lang talaga ako para kamustahin ka. ingat ka.” sambit ni mark. tumango at ngumuso lang si hyuck (dahilan ng pagtawa ni mark) at kumaway.
pagkawala ni mark sa kanilang paningin ay humagalpak si jaemin kaya ay gulat na tumingin sakaniya si hyuck.
“nakakatawa kayo.” sambit nito at inakay na si hyuck paalis doon.
——
kung alam lang ni hyuck na yun na ang huling pagkikita nila ni mark sa personal ay sana nilubos na niya. 4th year na sila ngayon. graduating. hindi na rin sila madalas mag-usap sapagkat naging busy sila sa thesis.
sa isang buwan, isa o walang beses na nag-usap sila. kahit gustuhin man ni hyuck ay nakakalimutan niyang kamustahin ito dahil sa personal na ganap din.
pero kahit ganoon, katulad nga ng sabi nila,
absence makes the heart grow fonder.
mahal pa rin ni hyuck si mark. walang labis, walang kulang.
siyam na taon na niya itong mahal.
kung tutuusin ay gusto nang itigil ni hyuck ang nararamdaman. hindi niya lang alam kung paano. parang nakatatak na kasi sa puso niya na si mark lang. mark lee lang. kaya kahit may mga sumusubok na kausapin siya, hindi niya ito napagtutuunan ng pansin.
dahil nga nasanay si hyuck na ang libreng oras niya ay para kay mark lang.
nang tumunog ang cellphone nito ay agad niya itong tinignan. bumilog ang mata nito nang makita kung sino ang tumatawag. si mark lee niya.
hindi na nag-atubili pa at sinagot ito ni hyuck.
“hyuck, kamusta?” ayan ang bungad ni mark. ngumiti naman si hyuck kahit hindi ito nakikita ng isa.
iba ang pakiramdam ni hyuck ngayon pero hinayaan nalang niya ito. ang mahalaga, kausap na niya ulit si mark.
“okay lang! ikaw ba? malapit na tayo gumraduate.” sambit ni hyuck.
“oo nga eh, nabalitaan ko kay tita.” tanging ‘ahh’ lang ang nasagot ni hyuck kung kaya’y binasag ni mark ang katahimikan.
“ang totoo niyan… nasa labas ako ng university niyo.” banggit nito. napatayo naman si hyuck sa kinauupuan at inayos ang gamit.
“anong ginagawa mo dyan?” sambit nito habang inaayos pa rin ang bag.
“hyuck.” mahinang sambit ni mark.
…
..
.
“namiss kita.” at tila ba ay nabingi si hyuck sa narinig. hindi pala siya nag-iisa.
“palabas na ako.” tanging sambit nito at tinakbo ang gate.
palagi siyang nagmamadali papunta kay mark kahit alam naman niyang hihintayin siya nito. wala eh, si mark pa rin talaga.
kala mo nasa pelikula sila pero totoong tumigil ang mundo ni hyuck nang makita niya si mark na nakasandal sa isang poste. nakasuot ito ng blue na damit, puting short, at sumbrero na talagang bumagay sa kaniyang aura.
hindi na tinakbo ni hyuck ang distansya sapagkat noong tinignan niya ulit si mark ay nakatingin na pala sakaniya ito. si mark na ang lumapit sakaniya.
“hi?” maikling sabi ni mark at marahang tumawa.
at anong ginawa ni hyuck? ngumuso at niyakap niya si mark.
“i’m sorry…” mahinang sabi ni mark.
“i got so busy. ang daming pinapagawa at kulang na rin ang oras ng tulog ko.” pagpapaliwanag pa nito pero umiling-iling lang si hyuck habang nakakapit pa rin.
“hindi mo naman kailangan magpaliwanag, mark. naiintindihan ko.” sambit nito. hinahagod lang ni mark ang likod nito.
sa wakas, nakauwi na si hyuck.
——
“ang martyr mo be!” nandito si jaemin sa kwarto ni hyuck at kasalukuyan siyang pinagagalitan. kinwento ba naman kasi ni hyuck ang biglaang pagpunta ni mark sa university.
oo nga pala, ito ang unang gabi na graduate na sila. napagdesisyunan nila ni jaemin na magsleepover at pag-usapan ang kung ano-ano.
“hindi naman magagalit boyfriend mo?” tanong ni hyuck.
“hindi ah! cute cute nga nun!” dapat pala ay hindi na niya tinanong pa si jaemin.
nakaattend naman si mark sa graduation niya ngunit hindi na nakasama sa salo-salo sapagkat may aasikasuhin pa raw siya. naiintindihan naman ni hyuck. magkaibigan lang naman sila.
kaibigan na halos sampung taon na niyang mahal.
“kung ako sa’yo, aamin na ako dyan.” sambit nito.
“magsa-sampung taon na, jaem. gusto ko nang tigilan.” napatitig naman si hyuck sa kawalan, ramdam ang luhang nagbabadya sa mga mata.
“hala, wag ka umiyak.” pagaalo ni jaem, at syempre, umiyak na si hyuck.
“jaem, graduate na tayo…”
“sana ako rin makagraduate na sakaniya.” tuloy-tuloy na sabi nito, hinahayaan ang mga luhang tumulo.
“ang sakit sakit kasi! sana ako nalang… ako naman palagi nandyan sakaniya simula pa nung una.” patuloy lang siya.
“universe, pahingi namang sign oh? gusto ko na itigil pero nangingibabaw pa rin ang pagmamahal ko para sakaniya.” sambit pa nito at niyakap na siya ni jaemin.
“hyuck, tahan na. hyuck,”
“sana makagraduate na ako.”
——
makalipas ang tatlong buwan ay papalapit na naman ang birthday ni mark. bukas na pala ang birthday nito.
nagkakausap pa rin naman sila, mas madalas nga kumpara noong college sila. pero sa ‘di malamang dahilan ay iba na ang pakiramdam ni hyuck. parang… lumalayo na sila sa isa’t isa.
pero kahit ganoon ay babatiin pa rin naman niya ang kaibigan sa kaarawan nito.
kaibigan. hindi man lang naging magka-ibigan.
nag-aayos ngayon si hyuck dahil nagpasya sila ni mark na magkita. gusto rin naman ni hyuck… gusto niya pa rin makita. sa huli, napagdesisyunan nila na sa park nalang na malapit sakanila.
“hyuck.” umangat ang tingin ni hyuck at nakita si mark na matipid na ngumiti.
si mark…
sa tingin ni hyuck ngayon, para niyang nakita muli ang paborito niyan teddy bear noong elementary. o ‘di kaya yung nakita niyang muli ang uniform niyang may pirma ng mga kaklase niya. o ‘di kaya for once in his life, pinayagan siyang maligo sa ulan. o ang unang beses na hindi na siya pinatulog sa hapon.
may tatlong bagay na aaminin si hyuck ngayon.
una, aaminin niyang namiss niya si mark.
pero napagtanto niya na iba na rin kasi ngayon.
kung dati ay lagi siyang dumidikit kay mark, takot na takot at baka mawala o maiwan ito, ngayon ay kaya na niyang tignan ito sa mata at ngitian kahit hindi sila magkalapit. natutunan na kasi ni hyuck na kaya niya rin na wala si mark sa tabi niya. at natutunan niya ito mag-isa.
pangalawa, mahal niya pa rin si mark.
sa lahat ng taon na nagdaan, alam niya. alam na alam niya kung gaano niya kamahal si mark. kung gaano kalaki ang impluwensiya ng isang mark lee sakaniya.
sa loob ng sampung taon, wala siyang ginawa kundi tignan si mark. si mark lang.
pero kahit ganoon, alam niyang hindi siya nanghihinayang. kasi si mark na yan eh.
si mark ni hyuck.
tinotoo ba naman ang linyahan ni jolina.
oh, yes! kaibigan mo ako, kaibigan mo lang ako. and i’m so stupid to make the biggest mistake of falling in love with my best friend.
dahil sa kahit kailan…
“hi, mark! advance happy birthday.” tumayo si hyuck sa pagkakaupo at binati si mark nang nakangiti (sana totoo).
“salamat, hyuck. upo tayo?” tumango naman si hyuck at umupo sa dulo ng bench. umupo naman si mark sa kabilang dulo.
katahimikan ang bumungad sakanila pagkakaupo. walang salita, walang kahit ano. sa totoo lang, hindi naman naa-awkward-an si hyuck at dinadama niya lang ang katahimikan na binibigay ng sitwasyon. tinitignan din nito ang mga taong dumadaan, kakaunti lamang dahil gabi na rin.
naisip ni hyuck na wala pala siya talagang alam sa nararamdaman ng isang tao kahit gaano niya pa ito kakilala.
hindi niya alam kung okay lang ba talaga ang kaklase niya noong sinabi nito sakaniya na magshishift na siya.
hindi niya alam kung may araw bang napagod ang nanay niya dati sa kakagawa ng baon niya araw-araw.
hindi niya alam kung masaya ba talaga ang taong kakadaan lang dahil nakangiti ito.
pero quits lang, hindi rin naman nila alam ang nararamdaman ni hyuck—lalo na sa gabing ito.
yung kasama niya sa bench ngayon? sampung tao na niyang mahal yan.
10 freaking years.
at wala pa ‘rin nakakapagpatigil nun.
siguro kasi, busy din talaga sa buhay kaya parang nakatatak na si mark lang talaga.
tanging si mark lang.
“aalis na ako bukas, hyuck.” at tumigil na nga ang mundo ni hyuck.
“sa totoo lang… kaya ako busy kasi inaasikaso ko ang papeles ko pa-ibang bansa. first time din kasi at natatakot ako,” panimula ni mark. nakatingin lamang si hyuck sa harap nila at rinig nito ang mababang tawa ni mark.
“noong… pumasok ako sa political science, alam na alam ko sa sarili ko na gusto ko mag-abogado. gusto ko ang larangan na iyon. at ngayong naka-graduate na ako… marami pa akong gusto abutin na bagay. wala eh, overachiever? joke,” tipid na ngumiti si hyuck at niyuko ang ulo.
“ngayon, naisipan kong mag-aral sa ibang bansa. ewan pa, tignan ko kung saan ako mapapadpad.” sambit nito.
“ilang taon ka doon?” tanging sambit ni hyuck, nakayuko pa rin ang ulo. ‘di alintana ang pakiramdam niyang nakatingin sakaniya si mark ngayon.
“4 years? hindi ako sigurado.” 4 years… ang tagal. pero kung iisipin, mas matagal ang 10 years niyang pagkagusto kay mark. matipid siyang ngumiti, mabagal ang proseso ng lahat sa kaniyang isip. ito na ba ang sign, universe?
tumango ito, nakayuko pa rin. nagbabadya na ang luha sa mata ni hyuck kaya hindi niya maangat ang ulo. sa isip nito ay nakakahiya kay mark.
“hyuck? lingon ka naman…” mahinang sambit ni mark. tila bulong pero rinig na rinig ni hyuck.
at syempre, kahit sa ganitong pagkakataon… ay susundin niya pa rin si mark.
unting-unti inangat ni hyuck ang ulo niya at tumambad kay mark ang mata nitong tila ba ay kumikinang. pero this time, hindi dahil sa kasiyahan.
hindi na nga kinaya ni hyuck ang nadadama, bigla na lamang lumabas lahat ng kaniyang kinikimkim. umiyak siya. umiiyak siya sa harap ni mark.
agad naman inalo ni mark si hyuck, hinahagod ang likod— isa sa mga maliit na bagay na nakasanayan na ni mark gawin kay hyuck.
“hyuck, tahan na.” malambing na sambit ni mark. inangat nito ang isang kamay at pinunasan ang mga luha ni hyuck. ilang minuto lang silang ganoon at nang medyo mahimasmasan si hyuck ay nagsalita na ito.
“ingat ka doon,” panimula niya.
“uhm, siguro sobrang busy na natin kapag nandun ka kaya… at naghahanap na rin kasi ako ng trabaho…” dagdag nito. tumatango lamang si mark, pinakikinggan siya.
“salamat sa lahat, mark.” kahit anong mangyari…
“kaibigan mo pa rin ako, kaya suportado kita sa lahat ng bagay na gusto mong gawin.” … kahit hindi na ako ang kasama mo sa mga panahon na ‘yon.
sa huli ay nagkamustahan nalang sila. oo, nahuli ang kamustahan. nakaupo sila sa bench habang nagkekuwento si hyuck ng lahat ng nangyari sa buhay niya, pati ang mga bagay na nakalimutan niyang sabihin kay mark— maliban sa isa.
at hindi ang pagmamahal ni hyuck ang pangatlong aaminin niya sa gabing ito.
ang pangatlo ay ang pag-amin niya sa sarili niya na hanggang dito nalang talaga.
dahil ang pag-ibig na mayroon siya para kay mark?
ang pag-ibig na mapagpalaya.
“hyuck, message ka lang pag may kailangan ka, ha? magrereply naman ako kung kaya.” nakatayo na silang dalawa, ito na ang huling parte ng gabing ito sakanila.
“i’ll look after you.” dagdag pa nito kay hyuck. palagi naman itong ginagawa ni mark kay hyuck kahit hindi niya banggitin.
nagpapaalala si mark ng mga bagay bilang pagpapaalam na siyang tinanguan ni hyuck.
“sige na, mark. una ka na! may flight ka pa bukas.” sambit nito. saglit siyang tinitigan ni mark pero kalaunan ay tumango rin at binigyan siya ng ngiti.
yung ngiting pamilyar. yung ngiting matagal nang hindi niya ibinibigay… yung ngiting una niyang nakita noong nagkatinginan sila sa loob ng silid habang nakatayo si mark sa harapan.
ang downward smile ni mark.
ang isip ni hyuck ay parang bumalik sila sa dati.
sa huli, kumaway si mark sakaniya at tumalikod. unti-unting naglakad ito at tanging likod lamang ang nakikita ni hyuck.
sabihin mo, sabihin mo.
hyuck, huwag mo pigilan.
baka ito na ang huli.
“mark!” sigaw ni hyuck.
saglit na tumigil si mark. kahit medyo malayo na siya, alam niyang lilingunin niya pa rin si hyuck kahit anong mangyari. nilingon siya ni mark ngunit hindi niya na makita ang ekspresiyon nito dahil tanging mga poste lamang ang nagbibigay liwanag sa gabing iyon. dahil kahit si hyuck na inaasar bilang araw ng mga kaklase niya noon, ay tila ba nawala ang liwanag noong panahon na ‘yon.
“happy birthday.” tanging sambit nito at ngumiti nang malaki, taliwas sa kaniyang nararamdaman.
“salamat, hyuck!” sigaw nito at tumalikod muli. naglakad papalayo kay hyuck.
at sa huling pagkakataon, hindi niya sinabi kay mark ang nararamdaman.
wala nang kasunod, yun na yon.
kanina pa nilalabanan ni hyuck ang muling pagbabadya ng kaniyang luha pero hindi niya pa rin kinaya. umiyak siya. lumabo na rin ang paningin dahil sa luha. umiyak lamang siya habang unti-unting lumiliit ang imahe ni mark—tanda na palayo na ito nang palayo.
wala na talaga.
period.
no erase.
padlock.
tapon susi.
ano nga ‘yon mareng jolina? ah…
oh, yes! kaibigan mo ako, kaibigan mo lang ako. and i’m so stupid to make the biggest mistake of falling in love with my best friend.
dahil sa kahit kailan…
“’di mo naman ako makikita, eh.” bulong ni hyuck habang pinupunasan ang sariling luha.
