Chapter Text
Nagpupuyat tayo kapag umiibig—hindi ako sanay sa puyatan ngunit ito ako ngayon, gising sa madaling araw at tila unang beses makaramdam ng ihip ng hangin na may nilalamang mga sikretong bulong ng kalaliman ng gabi. Ganito pala ang buwan kapag tinulugan na ito ng mundo? Siya’y nagkukuwento, nagbubugtong; mayroong mga salitang nakasilid pa ang kahulugan sa likod ng mga matataas na ulap. Hindi ata niya alam na mayroon pang nakikinig. Bukas ang aking mga pandinig tulad ng mga matang nangangalumata na sa antok, pinapakinggan ang mga bulong ng buwan na dumadaloy kasama sa pag-agos ng hangin. Magaling magtago ng sikreto ang buwan, kaya’t binulong ko ang pangalan mo sa kalawakan ng gabi.
“Jhoanna,” tawag mo, nagbabato pa ng maliliit na bato sa bintana ng kuwarto ko.
Agad kong tinulak pabukas ang bintana, dungaw sa baba. Nandoon ka nga. Nandito ka na. Malawak ang ngiti, halata sa gitna ng dilim, “Mikha?”
“Tara, lakad tayo?”
Hindi ko kayang magkunwaring hindi kita hinintay, paulit-ulit. Lagi-lagi.
Tumatakas tayo kapag umiibig—dahan-dahan mong kinuha ang aking kamay, tila’y buong-buhay kang hindi mangangalay. Tahimik tayong tumakbo patungo sa pagitan ng kalayaan at bulag-bulagan. Nagtatago mula sa mga kasalanan ng daigdig, nagkukunwaring hindi tayo kabilang sa sinasabi nilang dungis at nawawala. Hindi nila alam na ako’y nahanap na. Nahanap mo na ako. Tumakas tayo palayo sa mundo, ipinakita mo sa akin na ang langi’t lupa ay hindi nagkakalayo. Ang paraiso ay mararamdaman sa mga yakap mo. Sa ilalim ng buwan, kung saan tagos ang liwanag lagpas sa ating buto’t balat. Kung saan sinabi mo ay patay na ang mga bituin ngunit lumiliyab pa rin sila sa ating mga kaluluwa, tumitibok at kumakalampag. Ang puso ay isang buntala na pilit kumakawala.
Teorya mo, “Maybe that’s why angels have wings.”
“Huh?”
“Not to fly towards somewhere, but rather to fly away from.”
Nagdaramot tayo kapag umiibig—makasarili ba kapag sinabi ko na gusto kong manatili na lang tayong ganito? Labag sa loob kong ibigay ka sa mundo. Sapat na sa’kin makasama ka sa espasyo ng walang katiyakan. Kung saan tayo at ang mga anino lang natin ang saksi sa ngiti mo, kung saan ako lang ang makakarinig ng mga paulit-ulit mong kuwento. Kung saan ikaw lang ang makakatuklas sa tila ang pagdabog ng aking puso. Marupok at warak, ang nag-aalab na tala ay salungat sa tahimik na buwan. Hindi umiimik, pinagdaramot ang mga salita; subalit kumikilos pa rin ito, hinahatak tayo patungo sa isa’t-isa. Nasa kamay mo ang mga piraso ng pinagtatagpi-tagpi kong puso, nasa mga ngiti mo ang dagsin upang mabuo ulit ito. ‘Di kita pag-aari, Mikha. Pero sa’yo lang ako.
“Jho, gusto mo na bang umuwi?”
Umiling ako, “Huwag muna, Mikhs.”
Patlang.
“Dito muna tayo?”
“Dito muna.”
Umiibig tayo kapag umiibig—sa pangarap na hindi ito lilipas. Ibig kong hindi na lumisan ang gabi, hindi na umuwi ang buwan sa init na yakap ng araw. Ibig kong manatiling tulog ang daigdig. Ibig kong tuluyan lang ang tahimik. Ang hangin ay habambuhay aawit ng korido, kung saan ang tono ay katunog ng pangalan mo. Ibig kong tuparin ang aking mga pangako: ang katapangan, ang mga salita, ang walang hangganan. Ibig kong italunton ang talampad ng mga bituin sa iyong pisnging namumula. Ibig kong dalhin ka sa tahanan na malaya’t walang sumbat. Walang sigaw o ingay maliban sa mga paru-parong napuno sa ating mga tiyan, ang mga bituin na nilunok, ang tuluyang pagkatok ng puso. Marami akong iniibig sa buhay, Mikha. Lamang ang mithi na makasama ka.
Sa lahat ng ibig ko, isa lang sagot mo, “I don’t desire much,”
Hindi ka maramot tulad ko, mas lamang ang pagmamahal kaysa sa pag-ibig para sa’yo.
“Basta, Jhoanna, minamahal kita. That’s enough.”
Nagmamahal ka kapag umiibig—malayo pa ang umaga, kaya pinagsisilbihan muna tayo ng gabi. Singliwanag ng mga sinag ng araw, ngunit tayo lang ang saksi. Nakatingala ako sa buwan, nakatitig ka sa’kin. Gumagaan ang aking dibdib, humuhupaw ang bigat ng damdamin. Hatid sa himlayan lahat ng pangangamba, lahat ng sagot sa mata mo lang pala makikita. Tumigil ka sa paglalakad, hindi mo binitawan ang aking kamay.
“Jho, nilalamig ka ba?”
Hindi ko alam na nanginginig pala ako.
“Medyo.” bulong ko.
Dalian mo hinubad ang iyong jacket at pinasuot sa akin. Tela niya ay parang yakap, kasangga laban sa laming ng simoy ng hangin. Malamig ang gabi, ngunit natutunaw ang mundo sa iyong mga ngiti. Kasing pula siguro ng buhok mo ang aking mukha, kasing hina ng musika ang aking mga tuhod. Hindi ka katulad ko, Mikha. Hindi ka madamot, hindi ka tumatakbo. Kaya mong sabihin ng buo na iniibig mo ako. Hindi ka nanlalamang sa madayag ikot ng mundo, hindi ka nangunguna sa litong puso’t isipan ko.
Natatakot ako kapag nagmamahal—natatakot ako sa mga bagay na imposible isakatwiran. Walang hugis, mata, o boses ang pagmamahal. Takot ang tao sa mga bagay na hindi niya nakikita. Walang ibang kahulugan ang salitang mahal, ngunit hindi dulot ng pagkakataon na pareho ang bilang ng letra nito at ng pangalan mo. Mahal. Mikha. Mahal. Mikha. Mahal. Mikha. Mahal kita, Mikha, at natatakot ako. Isang kapit sa patalim ang paghawak sa’yong mga kamay, o baka baliktad. May sugat ba ang iyong mga palad? Nakatala pa rin ba ang tadhana natin sa isa’t-isa? Sa pagsibol ng umaga, liliwanag ang mundo at didilim na muli ang puso ko. Maglalakad patungo sa mga sariling bahay, lilisan sa tahanang tuwing gabi lang nagbubukas ang pintuan. Hanggang kailan ipagkakait sa’kin ng tadhana ang pagmamahal? Kailan ko ito mahahawakan? Hindi ko maramdaman sa aking mga kamay ang salitang mahal, pero nababasa ko ito sa iyong mga titig. Natatakot ako, Mikha—kasi ika’y aking minamahal at ika’y aking iniibig. Sa pagdating ng panahon na kaya ko ipagsigawan sa sidhi ng sinag ng araw ang bugso ng damdamin, palagay mo ba na maisasalba tayo ng isang salitang walang hugis?
