Actions

Work Header

Rating:
Archive Warning:
Category:
Fandom:
Relationship:
Characters:
Additional Tags:
Language:
Filipino
Series:
Part 3 of pakisabi sa mga tala
Stats:
Published:
2024-11-25
Words:
6,224
Chapters:
1/1
Kudos:
8
Bookmarks:
1
Hits:
119

umaga na sakin ngunit bituin at buwan pa rin ang ‘yong nakikita

Summary:

ang kuwento kung saan naliwanagan na si chenle sa kanyang damdamin, ngunit ang pader sa pagitan nila ni jisung ay nananatiling isang tanong na kailangang sagutin.

Notes:

now playing: tataya by cup of joe

hindi ulit naproofread kaya pasensya na kung may mga pagkakamali! sana ay maenjoy niyo ang part 3 sa mata ni chenle!

(See the end of the work for more notes.)

Work Text:

 

 

September 2024.

Kasalukuyang nasa general assembly ng organization si Chenle. Masyado siyang abala dahil sa taon na ito ay umangat ang kanyang posisyon, mas maraming responsibilidad at pinagkakaabalahan lalo na sa mga events na ganito. Masigla siyang nakikihalubilo sa mga orgmates niya nang mapalingon siya sa salamin ng pintuan. Natanaw niya ang bestfriend niyang pasilip-silip sa loob na tila ba may hinahanap. 

“Guys, excuse me lang ha. Balik ako agad!” Paalam ni Chenle sa mga kausap at lumapit sa pintuan kung saan pasilip-silip pa rin si Jisung. Biglang hinampas ng marahan ni Chenle ang maliit na salamin nito dahilan para mapahawak pa sa dibdib niya si Jisung. Malakas siyang natawa at tuluyan na ngang nilabas ang kaibigan. 

“Le naman! Kulit mo.” Reklamo ni Jisung sa kanya, kunot-noo. 

Natawa na naman si Chenle dahil sa reaksyon ng kaibigan, “Bakit ka ba kasi nandito? Mukha ka pang batang nawawala kanina diyan.”

“Maaga lang kami dinismiss ng prof namin. Wala pa naman ako gagawin kaya eto.” 

“Ah okay. Sama ka na dun sa loob?” Tanong ni Chenle at mabilis ang naging pag-iling ni Jisung na siyang kinatawa ng binata. 

“Nahihiya ako, dito nalang kita hihintayin. Nga pala,” Inabot ni Jisung ang paper bag na kanina niya pa hawak. “Kumain ka na, di ka pa ata kumakain eh.”

“Luh, pero di ka naman nagkakamali. Mamamatay na ata ako sa gutom!” 

Bumukas bigla ang pinto sa likod ni Chenle at tinawag na siya ng orgamate niya.

“Hintayin mo ko ha! Diyan ka lang! Saglit nalang naman.”

Tumango lang si Jisung at tuluyan na ngang pumasok si Chenle.

“Huy Cy! Pakiabutan naman ng monobloc yung matangkad na lalaki na nakasalamin dun sa labas please.” Utos ni Chenle sa isa niya kaibigan na kasama rin sa assembly. 

Nagsimula na magbitaw ng salita ang mga assigned na host para sa panghuling aktibidad nila sa assembly. Nakaramdaman si Chenle ng bahagyang pag-sundot sa tagiliran niya. 

“Is the guy outside your boyfriend? Ina-eye na kasi siya nung ibang tao here.” Bulong ni Eli sakanya. 

“Hala, hindi ah. Bestfriend ko yun.” sagot ni Chenlee na may bahagyang ngiti sa labi. Tinitignan siya ng mga tao dito? Ano yan giraffe sa zoo?

“Ah, the Jisung Park na lagi mo kwinekwento. In fairness, pogi ha, and tall! Hindi siya kabilang sa short king epidemic these days.”

Umiling habang may maliit na ngiti sa labi si Chenle dahil sa pinagsasabi ng kaibigan. Anong pogi? Pogi ba yon? 

“Single ba siya?” Muling tanong ni Eli sa kanya. 

“Oo.” Maikling sagot ni Chenle. Nakukulitan na siya sa mga tanong ni Eli. Bakit ba kasi di nalang ito makinig sa assembly na ginaganap? Andami pang kung ano-anong itinatanong eh.

“Le, I’m  your favorite orgamate naman diba… so pwede mo ba kong ireto?” 

“Kay Jisung?” Naglabas ng mahinang tawa si Chenle. “Mahiyain ‘yon! Wag na siya tsaka ewan ko rin kung type ka non. Baka hindi kasi ang daldal mo, hindi ka pa nakikinig sa nagsasalita. Hay nako, Eli!”

 

Pagkatapos na pagkatapos ng closing remarks ay agad nang isinukbit ni Chenle ang bag niya at nagpaalam sa mga kasamang officer. “Guys, mauna na ko, pinapatawag ako ng thesis adviser ko. Emergency raw.” Muhasay niyang naitago ang pagsisinungaling dahil mabilis na siyang pinakawalan ng mga kasama. 

Sa labas ng plenary hall, nakaupo si Jisung sa monobloc na ipinaabot kanina habang nakatuon ang atensyon sa cellphone. Agad niyang hinila ang braso nito, dahilan para magulat ang kaibigan.  

“Bilis, bilis! Tara na, may gagawin pa ko!” Pagmamadali ni Chenle habang hila-hila ang isa papuntang hagdanan.

“Huy, ano ba?” reklamo ni Jisung dahil halos matapilok na siya sa sarili niyang paa dahil sinusubukan niyang sabayan ang bilis ng paglakad ni Chenle. “Ba’t ka ba nagmamadali? Bakit di nalang tayo maghintay ng elevator?”

“Ayoko, napakabagal non. Baka maabutan pa tayo nung mga ‘yon.” sagot ni Chenle, medyo hingal.

“Huh? Nino?” tanong ni Jisung habang bahagyang hinahatak ang braso niya pabalik, nagtataka sa iniiwasan ng kaibigan.

“Wala! Basta, tara na. Ayoko lang maistorbo pa ng sino pa!” ani Chenle, mas mabilis pa ring naglalakad pababa ng hagdan. Ramdam niya ang kamay niyang kaninang nasa braso ay bumaba na sa mga daliri nito, mahigpit ang kapit at hindi niya rin ito mabitawan. 

Bakit nga ba siya tumatakbo? Pilit niya ring iniisip ang sariling dahilan sa pagmamadali niya. Wala lang ‘to. Ayoko lang tumambay ‘don. Pero bakit parang bumabagabag pa rin sa isip niya na may mga taong interesado sa kaibigan niya. Madamot ba siya kung gusto niyang hindi muna ito magkaroon ng karelasyon. Madami kasi siyang naririnig na yung iba pag nagkajowa na minsan ay kinalilimutan na ang kaibigan, di na masyadong kinakausap at pinapansin. Di naman sa iniisip niyang magiging ganun si Jisung pero kasi– sige na nga, madamot na, ayaw pa niya na may makahati sa atensyon ng kaibigan.

 

Malakas na bumagsak ang pinto ng apartment ni Chenle pagkatapos nilang pumasok. Para bang nakahinga na siya ng maluwag dahil nakatakas na siya, sila, sa mga dapat takasan. 

“Uh, Lele? Yung kamay ko please.” 

Napabitaw si Chenle sa kamay ni Jisung. “Ay gagi, sorry!”

Mabilis na ibinaba ni Chenle ang dala-dala niyang bag sa sofa at nagtungo sa kusina upang uminom ng tubig. Napaupo ito sa stool na nandoon at napatulala sa kawalan. Unti-unti na nawawala ang lamig ng baso ng tubig na nasa kamay niya. Binaba niya ang baso sa center isle sa kusina at mabilis na bumalik sa sala. Nilapitan niya si Jisung na sineset-up ang PS5. 

“Oy.” Pagtawag niya sa nakababata na nakaupo pa sa sahig.. “Tingin nga ng mukha mo!” Utos ni Chenle dito, napatingala naman si Jisung sa kanya, bakas ang pagtataka sa mukha. 

Pinagmasadan niya ng mga ilang segundo ang mukha ni Jisung. Ang singkit na mata. Ang mataas na ilong. Ang matambok na labi. At ang ilang nakakalat na nunal sa mukha. “Ah, okay.” Pogi nga naman ang kaibigan niya pero di na niya aaminin ‘yon baka yumabang pa ‘to.

Nahihiya na si Jisung sa lalim ng pagtingin ni Chenle sa mukha niya. “Ano madungis na ba ko? Ano na naman ba trip mo?”  

“Asim na ng mukha mo. Maghilamos ka nga muna dun.” 

“Lakas talaga ng tama mo.” Sagot ni Jisung kay Chenle. Mabilis itong tumayo sa kinauupuan at para gawin talaga ang sinabi niya. 

Nang mawala na si Jisung sa spasyong iyon ay naglabas ng malalim na hininga si Chenle. Baliw. 

 

October 2024.

Wala, hindi na naitago pa ni Chenle ang kaibigan sa mga mata ng kanyang mga orgmate at iba pang taong nakakasalamuha nila. Nagsisinungaling si Chenle kung sasabihin niyang hindi niya napapansin ang tingin ng mga ito kay Jisung. Halos mabutas na nga ang ulo ng kaibigan niyang nagdecide na puntahan siya sa booth ng org nila dahil sa CSO event.

Habang si Jisung ay nakatayo ng tahimik sa tapat ng kinauupuan na booth ni Chenle, nagbabasa ng event flyer, bigla na lang lumapit si Eli na may dala-dalang clipboard at malaking ngiti. 

“Hi, Jisung!” masayang bati ni Eli, sabay abot ng kamay para makipagkamay. “I’m Eli nga pala, Chenle’s orgmate.”

Napangiti si Jisung, tumayo mula sa upuan, at tinanggap ang kamay nito. “Hi. Nice to meet you.”

“Grabe, ‘yang bestfriend mo ha. Lagi kang binabanggit noon pero hindi ka man lang pinakilala agad, ayaw ka man lang dalhin sa office ng org.” Puno ng biro ang tono ni Eli. 

Rumolyo ang mata ni Chenle, “Ayusin mo lang, Eli! Imbento ka din talaga eh.” Sabat ni Chenle, tinutukan pa nito si Eli ng nakarolyong flyer. “At tsaka bakit ko siya dadalhin dun, hindi naman siya kasali sa org!”

“Edi para food for the eyes!” hirit ni Eli, kaya biglang pumunta si Chenle sa tabi ni Jisung.

“Baliw ka talaga. Hindi naman ako tour guide dito, no!” Siniko niya si Eli nang mahina bago bumaling kay Jisung. “Huwag kang makinig diyan. Ang daming ewan ng taong ‘to.”

“Huy, Jisung,” ani Eli, ngumiti ulit. “Joke lang yun ha, para ka kasing artista dito sa org. Kaya ka pala tinatago ni Chenle kasi hindi ka lang—” Huminto si Eli, tinapik ang baba niya. “Pogi, napakachill mo pa.”

Napakamot si Jisung sa batok, pero nanatili ang maliit na ngiti sa labi niya. Wala siyang sinabi, ngunit halata ang hiya sa kanyang mukha. Napansin iyon ni Chenle at mabilis na hinarap si Eli. “Dami mong alam, Eli. Dun ka na nga sa duty mo bago ka pa magkasakit sa kakakompliment kay Jisung!”

“Ge na nga, bye!” Pagpapaalam ng babae habang may paflying-kiss pa habang papalayo ito sa kanila.

Nakangisi si Eli habang papalayo, ngunit naiwan sa isip ni Chenle ang sinabi nito. Kaya pala kanina pa palingon-lingon ang mga tao kay Jisung. Hindi naman niya ito masisisi. “Napaka-OA naman kasi ng face card mo. Pwede next time na pupunta ka sa event namin, manghiram ka sa Angkas ng helmet.”

 

November 2024.

“Ano plano mo sa birthday mo?” Tanong ni Jisung sa kanya habang kumakain sila. Nakatingin ito sa kanya habang cute na ngumunguya.

“Cute mo, para kang hamster diyan!” Komento ni Chenle, napansin din niya agad ang pamumula ng tenga ng kaibigan kaya naglabas siya ng mahinang tawa. “Ewan nga, actually. Sobrang dami rin kasing requirements baka sila Mark nalang ayain ko.”

“Sila Kuya Mark lang talaga?” sagot ni Jisung na may bahagyang irap. “Ano ako, chop suey?”

Tumawa si Chenle. “Tange, syempre kasama ka. Baka nga ikaw lang eh, kasi tayo lang naman halos tugma sa sched ngayon. Ang tanda na kasi nila masyado.”

Ngumiti si Jisung pero hindi sumagot agad. Tumigil siya sa pagkain at tumingin kay Chenle. “Hindi pwedeng wala kang gawin. Kahit simpleng celebration lang. Deserve mo rin naman yun, kahit sobrang busy.”

“Tingnan natin,” sagot ni Chenle, pero napansin niya ang seryosong tono ni Jisung. “Bakit parang ikaw pa mas excited sa birthday ko kaysa sa akin?”

Nagkibit balikat lang si Jisung at muling isinubo ang pagkain niya. “Ikaw kasi si Zhong Chenle, the one and only. Walang kasing ligalig mo sa buong mundo.”

Natawa naman si Chenle sa sinabi ng kaibigan. Hindi niya maintindihan kung bakit parang medyo may naramdaman siyang kakaiba doon—parang natouch na ewan. Ang gaan pa ng pagkakasabi ni Jisung, pero bakit parang may ibang ibig sabihin?

So special ako sa kanya? Malamang, bestfriends kayo ever since.

Napansin ni Chenle na siya nalang pala ang tahimik. Tumigil siya sa pagsubo at muling sinulyapan si Jisung. Nakita niyang abala na ito sa pagkain, pero parang mas mabagal ang kilos nito, parang may iniiwasan.

Maingay ang paligid, pero parang huminto ang mundo nila. Ano bang nangyayari? Bakit ako nag-iisip ng ganito? Napailing siya at muling napasubo ng pagkain, pilit na ibinalik ang sarili sa kasalukuyan.

 

Dumating na nga ang kaarawan niya, kaninang mga alas kwatro pa siya gising sa totoo lang. Nakarinig kasi siya ng nagbagsakang gamit sa baba ng apartment niya. Nagmamadali siyang bumangon dahil akala niya ay nalolooban na siya pero nagulat siya nang makita niya si Jisung na may hawak na cake at sinusubukang sindihan ang kandila gamit ang kinalkal niyang kitchen lighter sa kusina ni Chenle. 

“Ang aga pa, Jisung!” Reklamo niya pero lumalabas naman ang ngiti sa labi. 

“Sorry na nga, liligpitin ko naman ‘yan.” Ungot ni Jisung at lumapit kay Chenle kasi nasindihan niya na ang kandila. “Happy birthday, Le. Wish ka na tapos kainin na natin ‘to. Pinabili pa ‘to nila mama mo kasi di daw sila makakauwi agad sa Pinas eh.” Pagpapaliwanag ni Jisung.

Pinagmasdan ni Chenle ang itsura ng kaibigan—gulo-gulo ang buhok, nakalaylay na ang isang side ng flannel shirt nito sa balikat, at parang hindi pa ganap na gising. Ang awkward pero adorable ng itsura nito.

“Ang gulo naman ng itsura mo, Jiji,” puna niya, sabay tawa.

“May tinapos kasi ako eh tas nakatulog ako. Dapat nga kanina pa ‘to alas dose,” ani Jisung habang mahinang tumawa, halatang nahihiya.

Rumolyo ang mata ni Chenle nang pabiro pero nag-smile din siya. Tumayo siya nang maayos, pinagdikit ang mga kamay, at pumikit para mag-wish. Pero wala siyang maisip na wish dahil parang naokupa na ni Jisung ang utak niya. Ang cute kasi ng itsura nito ngayon—yung gulo ng buhok, yung shirt na parang sinadya pero hindi, at yung effort na kahit na puyat, nandito.

Sa muling pagdilat ng mata ay nagtama ang tingin nila ni Jisung naghihintay na hipan na niya ang kandila– kaya ginawa na niya. Ngumiti ito sa kanya at muling winika, “Happy Birthday, Lele.”

“Thank you. Mukha ka talagang ewan ngayon, Ji. Matulog ka kaya muna dun sa taas?” 

Ngumiti si Jisung at saglit na tumingin sa kandila. “Matutulog na dapat ako, pero iniisip ko na dapat simulan mo ang araw mo nang masaya. Kasi ikaw ‘yon—dapat lagi kang masaya.”

Natigilan si Chenle sa sagot ng kaibigan. Parang may kung anong tumama sa dibdib niya, pero agad din niyang tinakpan ng tawa. “Yuck! Ang corny, itulog mo na nga ‘yan! Ako na mag-aayos diyan, dun ka na!”

Natawa si Jisung bago niya bahagyang ikinulong sa mabilis na yakap ang bestfriend niya at umakyat sa kwarto ni Chenle. 

“Parang tanga talaga.” Bulong ni Chenle habang pinagmamasdan mawala sa hagdan ang presensya ng bestfriend niya. Ramdam niya ang onting pag-init ng tenga niya na, hinawakan niya ito. “Gago, ano ba ‘yan ang inet? Ang aga aga, ang OA na talaga ng panahon.”

Ngunit hindi maalis ang ngiti sa labi habang nagsimula na siyang magligpit ng kalat. 

 

Muling napuno ng ingay ang apartment ni Chenle ng unti-unti ng dumating ang mga nakakatandang kaibigan. Naunang dumating sila Haechan at Renjun, na agad siyang binati at tinulungang maghanda ng mga inorder na pagkain. Sunod namang dumating sina Jeno, Mark, at Jaemin, na dumaan pa sa convenience store para bumili ng alak. Agad-agad, niyakap siya ng mahigpit ng mga ito at sabay-sabay na bumati, “Happy Birthday, CurryLe!”

Natawa siya habang nagpapasalamat dahil puno ito ng kalokohan at kaingayan. Sanay na siya sa ganitong eksena—mahigpit, masigla, at puno ng pagmamahal ang yakap ng barkada. Pero wala. Parang yakap lang. Mainit, masaya, pero hanggang doon lang. 

Napunta naman kay Jisung ang atensyon niya, ngayo’y pinapasok ng binata sa ref ang mga inumin na binili ng kanilang mga kaibigan. Sumagi sa isip niya ang yakap nito kaninang umaga. Hindi sinungaling si Chenle kaya hindi na niya itatanggi na nagkaroon iyon ng kakaibang epekto sa kanya. Parang iba kasi. Sa totoo lang, hindi talaga kasama ang physical touch bilang love language, friendship language. Basta ayon, kaya siguro iba sakin kasi di naman kami touchy na tao. 

“Hoy, birthday boy! Tulala ka pa diyan kay Jisung ha. Halika na, kumain na tayo para shot shot na!” Biglang sulpot ni Haechan sa kanya, umakbay ito para dalhin na siya kung nasaan ang ibang kaibigan. “Jipot! Kakain na!” Sigaw pa nito upang kunin ang atensyon ng binatang nasa tapat pa rin ng ref.

 

Lumalim na ang gabi at may sari-sarili na silangpuwesto sa sala dahil nagsisimula na ang ikot ng alak. Tunay na puno ng kwentuhan at tawanan kapag magkakasama silang pito. Sa mga gantong pagtitipon din nabubuksan ang mga tanong na pawang fed by curiousity lang. 

“Le, 23 ka na diba tapos wala ka pa naging jowa ever. Ano ba ideal type mo?” Tanong ni Renjun sakanya, mukha na rin itong tipsy at medyo wala na sa katinuan. 

“Wala naman akong ideal type,” ani Chenle nang may ngiti sa labi. Bahagyang bumaling ang tingin niya kay Jisung na nakatahimik lang sa tabi ni Jaemin. “Kung mas matanda, o mas bata ng isa o dalawang taon, okay lang din. Basta vibes lang!” 

Pagkatapos niya sumagot ay umikot ang mata niya sa mga kasama pero hindi mapagkakaila na mas matagal ang dapo ng tingin sa bestfriend niyang nakasandal na ang ulo sa sandalan ng sofa.

Mabilis na naputol ang tingin ni Chenle kay Jisung dahil agad na nagsalita si Haechan. “Ah sure ako, babae tinutukoy mo, ‘di ba? May naririnig akong mga chismis sayo eh!” 

Oo nga pala, minsan ding naging alaga ni Haechan ang mga kasama niya sa org. Oo rin na minsang nachismis si Eli at Chenle sa org dahil close nga sila. 

“Huwag kang assuming,” sagot ni Chenle habang tumatawa dahil malabo sila ni Eli. Si Jisung nga ang tipo nito eh.  

Sumingit naman si Renjun at naging seryoso ang tono, “Wait lang, Le. What if like what if lang naman no, sumagi ba sa isip mo na paano kung hindi babae? I mean, kung lalaki ang magkagusto sa’yo?”

Napahinto si Chenle. What the fuck, never sumagi sa isip ko yan. Nakatahimik rin ang lahat, naghihintay sa kasagutan niya. Naramdaman niya rin na napunta na sakanya ang atensyon ng kaibigang kanina ay nakasandal lamang. Parang bumigat ang lahat kaya nagsalita na siya ng walang masyadong pag-iisip. 

“Huh? Edi wala lang, okay lang na magustuhan ako, wala ako issue kasi feelings nila ‘yon pero kasi di ba straight nga ako,” Sagot ni Chenle, sinubukan niyang sabihin ito na para bang hindi siya nagulo ng ideyang iyon. “Wala naman masama, pero kasi ‘yun lang talaga preference ko.”

“Gago, siya talaga ang token straight friend natin!” Hirit ni Mark kaya napatawa muli ang lahat. 

Ang laking pasasalamat ni Chenle dahil nawala na sakanya ang buong atensyon ng barkada. Masyado siyang kinabahan. Bakit nga ba siya kinabahan? Hindi pa naman kasi sumasagi sa isip ko ang ganoong mga bagay. Nadagdagan pa tuloy ang mga iisipin niya.



Natapos na ang celebration at sabay-sabay ng umuwi ang kanilang mga kaibigan ngunit naiwan si Jisung kasama niya dahil tradisyon na nila ang magovernight tuwing birthday ng kahit sino sakanila. Ngunit may kakaiba sa gabing ito, tila tahimik at malayo ang kaibigan kahit na nakaupo lang naman ito sa carpet niya. 

Tinatabi na ni Chenle ang ilang boteng naiwan na nakakalat pa bago, hindi niya matiis na hindi tanungin si Jisung. “Okay ka lang?” Pinagmamasdan niya ang mukha ng kaibigan may kung ano sa loob niya na gusto itong abutin at hawakan ngunit napigilan niya ang sarili kaya nagsalita nalang siya muli para mabaling ang iniisip niya. 

“Nalasing ka ba talaga? Sabi ko naman wag ka uminom masyado, aalis pa tayo bukas!” Hinampas pa niya sa braso si Jisung kaya mabilis itong napadilat. 

“Ha? Oo, okay lang. Medyo hilo lang, lakas nung tinimpla ni Haechan eh.” sagot ni Jisung at pilit na ngumiti. Ramdam ni Chenle na may hindi sinasabi ang kaibigan sa pagkakataong ito pero palalagpasin nalang muna niya.

“Okay sabi mo eh! Inaantok na ko, nahihilo parang di ko na kaya umakyat sa kwarto! Umusog ka nga.” Reklamo ni Chenle at umupo sa tabi ng kaibigan na nakapikit na naman. Sinadya niyang dumikit dito para kung may iniinda man ito, sana maramdaman niya na nandito lang si Chenle para kay Jisung.

 

Lumipas ang isang araw matapos ang kaarawan niya, hindi sila nagkita ni Jisung dahil marami nga itong kailangan gawin at ganun din naman si Chenle. Kaya pagkatapos niya maghabol ng backlogs niya ay napagdesisyunan na niyang humiga at magscroll muna sa Tiktok para magapaantok ngunit biglang nagnotif sa kanya ang Instagram.

 

@the__and.y posted an instagram story! 

 

Akala ni Chenle ay isang picture lang ito na kulay itim pero bigla niyang narinig ang tunog ng gitara at ang boses ni Jisung. Kahit anong pilit na ika'y abutin, hindi ka kailanman magiging para sa akin. Kahit anong pilit ‘di ka mapapasaakin.

Malalim ito pero magandang pakinggan. May kung anong kiliti rin ito sa tenga ni Chenle. Pero teka, bakit tila tala? May nagugustuhan na ba ang bestfriend niya at wala man lang siyang ideya?

 

December 2024. 

 

Magkasama sila ngayon ni Jisung dahil kakatapos lang ng isa nilang klasee. Daldal lang ng daldal si Chenle at mukhang malayo na naman ang tingin ni Jisung. Sinusubukan pagaanin ni Chenle ang atmosphere sa kanilang dalawa kaya’t kinuha niya muli ang atensyon nito. 

“Hoy, ano ba? Nakikinig ka ba?” Pinitik pa ni Chenle ang daliri sa tapat ng kanyang mukha. 

“Huh? Ano ulit ‘yon?” Tanong ni Jisung. May pakpak na naman utak niya. 

“Wala na, ikaw na yung nakakainis, hindi na yung prof natin na kailangan daw natin maghiwalay sa next project kasi hindi daw pwedeng by partner lang so nilipat niya tayo sa ibang grupo! Ano ‘yon wala ba siyang tiwala sa powers ng Aqua-Sagi duo?” ani Chenle habang abala tumusok sa Potato Corner niya. 

“Nice.” tugon ni Jisung.

“Nice? So ganon, sawa ka na ba sakin? ‘Di mo na ba mahal bestfriend mo?” Hirit ni Chenle na kunwaring magsisimula na ng away. Nabigla si Chenle sa sarili niyang tanong ngunit di na niya ipinahalata pa iyon.

Biglang huminto si Jisung at seryosong sinabi, “Mahal.” Pero mas nabigla siya sa sagot ng kaibigan. 

Mabilis na natigilan si Chenle. Mahal —ang bilis ng tibok ng puso niya at parang may malaking bato sa dibdib. Hindi siya makapaniwala. Ano ibig sabihin nun? Nagsimula siyang mag-isip ng mabilis, pero napigilan na lang din niya ito at pinalitan ng isang mabilis na tawa. “Gago!” Ani Chenle, pilit na tinatago ang kaba na nararamdaman. 

Kinagabihan nung araw na ‘yon ay halos hindi makapagconcentrate si Chenle sa mga dapat niyang tapusin. Paulit-ulit na nagpplay sa utak niya yung, “ Mahal ”.  Ano ba kasi ‘yon mahal niya si Chenle as in bestfriend?  

“Malamang, ‘yun lang naman tanong mo diba kung mahal pa ba niya bestfriend niya.” Pag-aargue ni Chenle sa sarili niya. Sa totoo lang, nung kelan pa siya litong-lito sa lahat ng nararamdaman niya. 

 

 

Kinuha niya ang cellphone niya, at tinawagan si Haechan na agad rin namang sumagot. “Ano po ang mapaglilingkod ko sayo, mahal na prinsipe?” Pabirong sabi ni Haechan mula sa kabilang linya. 

“Hypothetically, kung nagtanong ka ng pabiro sa kaibigan mo, kunwari ‘di mo na ba ko mahal? Tapos ang sagot niya ay, “mahal” na medyo seryoso vibe. Ano yun? Mahal ka niya as bestfriend niya or mahal ka niya as– basta!”

“Wow, huni ng hayop na nanghihingi ng tulong.” Muling pagbibiro ni Haechan.

“Ano na nga?” Pagmamadaling tanong ni Chenle sa kaibigan. 

“So bale tinanong mo si Jisung kung di ka ba niya mahal tapos ang sagot niya ay mahal ka niya?”

“Oo ganun na– ay putangina mo!” Nabigla si Chenlee dahil nadulas siya. Sinubukan niya itong bawiin, “Anong pinagsasabi mo? Anong kami ni Jisung?”

“Huli ka na, Pepito my friend. Kung si Jisung lang pala, baka naman as a friend lang. ‘Di ba sabi mo nga last time parang may gusto na yung tao?” sabi ni Haechan ngunit bakas sa boses nito ang mapaglarong tono.

“Oo nga..”

“Oh, bakit ka pa nag-iisip ng ganyan eh may ibang gusto naman pala yung tao? Ikaw ha, nilalagyan mo na ng malisya mga sinasabi ni Jipot.”

“OA! Napatanong lang.”

“Whatever you say, my token straight friend.” Natawa pa si Haechan sa kabilang linya. Tangina, di naman nakatulong. Lalo lang akong nalilito, bakit nga ba binibigyan niya ng kahulugan ‘yon? 





Makalipas ang ilang ay kinailangan ni Chenle pumasok kahit na wala naman siyang klase dahil sa org work. Kasama niya ngayon maglakad si Eli sa hallway ng faculty center dahil kinakailangan nila kumuha ng approval ng college dean para sa isang event ng kanilang org. Napansin ni Chenle ang pamilyar na lalaki sa tapat ng elevator na nasa kabilang dulo ng hallway, suot pa nga nito ang hoodie niya. 

“Jisung!” Sigaw ni Chenle upang kunin ang atensyon ng lalaking nasa tapat ng elevator. Napalingon din don si Eli, ngunit hindi lumilingon si Jisung. ““Hoy Jijipot!” Muling sigaw ni Chenle habang nagmamadaling makalapit sa kaibigan. 

“Huy, don’t shout. Baka hindi naman si Jisung ‘yan. Hindi naman lumingon eh.” Saway ni Eli sa kanya pero sigurado siya na si Jisung ‘yon. 

Hinarap niya si Eli sandali, “Si Jisung ‘yan! Hoodie ko yung suot niya eh. Tignan mo,” ani Chenle.

Ngunit mabilis itong pumasok sa elevator at nagmamadaling pindutin ang close button ng elevator. Napahinto nalang si Chenle. Nagtama ang tingin nila noong umangat ang mata ni Jisung habang sumasara ang elevator. 

Bumangon ang isang matinding tanong sa kanyang isip, Iniiwasan ba niya ako? Napatigil siya, napatingin lang sa bakal ng elevator na bumagsak sa harap nila.

“Bakit ganon? Si Jisung ba yun?” Tanong ni Eli, nakatingin kay Chenle.

“Hindi, iba pala 'yon.” Sagot ni Chenle na pilit pinapalampas ang sakit na nararamdaman.

Nang makauwi si Chenle ay humiga na lamang siya sa sofa. Niyakap ang unan na nakakalat dito, sinusubukang maibsan ang kirot na nararamdaman niya sa kanyang dibdib. Hindi alam ni Chenle kung bakit ang bigat na nararamdaman niya. Gusto niyang tanungin si Jisung. Gusto niyang magpadala ng text— Ano bang nangyayari? May problema ba? Matagal na niyang halata na may gumugulo sa ulo ng bestfriend niya, pero bakit hindi nito siya sinasabi? Bakit hindi siya nagsasabi?

Naiinis siya sa katahimikan kasi mas nararamdaman niya ang pagakalunod sa kanyang mga emosyon kung kaya’t napagdesisyunan niya na magpatugtog. “Hey Alexa, shuffle my Spotify playlist.”

Nakatulala siya sa kisame, blangko ang utak, at tanging paghinga lamang ang iniintindi. Magkalayo man ang ating mundo. Tataya pa rin sa‘yo. Malayo si Jisung ngayon hindi man literal pero ramdam niya ang distansya sa pagitan nila at ayaw ni Chenle ‘yon. 

 

Nagkita sila kinabukasan sa klase at pansin naman ni Chenle na nais siyang lapitan ni Jisung. Papalapit na ito sakanya nang bumukas muli ang pinto ng classroom. “Go to your groups now, and start conceptualizing.” Sambit ng professor nila. 

Pagkatapos na pagkatapos ng klase ay kinakailangan na umalis agad ni Chenle dahil may meeting pa ang hawak niyang department sa org nila. 

Buong meeting niyang iniisip kung paano niya kakausapin muli si Jisung. Napagdesisyunan niyang bumili ng paborito nilang milk tea bago siya naglakad-lakad sa campus. Sakto namang natagpuan niya ang kanina niya pang hinahanap na lalaki, lumapit siya rito at hinarang ang binili niyang milktea sa mukha nito. 

 “Mukha kang kawawa diyan.” Sabi ni Chenle at tumabi ito sakanya. 

“Oy…” Pagbati ni Jisung sa kaibigan. 

“Anong oy? Para kang tanga, parang ang awkward non. Hay nako, Jiji!” Tinulak ni Chenle ang kaibigan gamit ang kanyang balikat. 

“Hindi ka ba galit?” Bakit naman ako magagalit? Nalulungkot lang ako na parang ang layo mo na. May nagawa ba ako?

Lumukot ang mukha nito at umaktong nagiisip kaya’t medyo namamawis naman ang kamay ni Jisung sa kaba. “Hindi, tampo siguro pero yun lang yon. Snobber ka na pala e.”

“Sorry talaga, Le. Pagod lang talaga ako nung time na ‘yon.” Pagpapaliwanag ni Jisung sakanya.

Napasimangot si Chenle at nakulong na naman sa sarili niyang isipan. Pagod kaya nagawa mo kong hindi pansinin? Eh dati nga biro pa ni Mark na parang ako daw charger mo eh kapag wala ka ng energy sakin ka lumalapit. Bakit parang hindi na yun ang kaso ngayon?

Bubuksan na sana niya ang bibig niya para diretsahin si Jisung sa kung ano ba talaga ang gumugulo sa kanya at ganito ito umakto ngayon pero pinigilan niya ang sarili. Ayaw ni Chenle na magaway sila, hindi sila mag-aaway dahil lang sa hindi siya makapaghintay na magopen up sa kanya ang kaibigan sa mga problema nito.

Kesa sabihin niya ang mga tunay na gustong itanong, ngumiti nalang siya kay Jisung, para kahit sa ganitong paraan ay mapagaan ni Chenle ang nararamdaman nitong kaibigan niya. “Okay lang. Wala ‘yon, nakakapagod naman talaga ang dami nating ginagawa masyado eh. Gusto mo maglaro mamaya? Unwind lang ganun!”

 

Lumipas na ang ilang araw at parang bumabalik na naman sila dati ngunit hindi manhid si Chenle para hindi maramdamang may nag-iba talaga sa kanilang dalawa. Hindi niya talaga mapinpoint kung ano ito parang sumama naman ang kanyang timpla nang makita niyang naguusap sa tapat ng building kung saan ang klase niya si Jisung at Eli. 

“You should come too if you are free. Some of my orgmates nga have a crush on you eh, dami kayang nagpapalakad sayo through Chenle.” Hinampas pa nito ng bahagya si Jisung na siyang dahilan kung bakit napairap at napailing siya.

“Eli, pinagsasabi mo diyan? Baka lumaki ulo ni Jisung.” Singit ni Chenle sa usapan. Medyo seryoso pa ang tono nito pero may halo pa rin na kakulitan. Sa totoo lang, di alam ni Chenle kung effective ang pagmamask niya sa pagkabwisit niya sa di malamang dahilan. 

“Ayan ka na pala, Le! Basta punta kayo, okay? I have to go na, nandyan na driver ko. Byeeee.” Pagpapaalam ni Eli, nagflying kiss pa ito ng marami bago tuluyang lumakad palayo sa kanilang dalawa. Parang natauhan si Chenle dahil ganun lang naman talaga si Eli. Friendly at makulit. In fact, kaya nga swak ang ugali nila eh.

Habang naglalakad sila papunta sa apartment niya ay halos sabay sabay umiikot sa utak niya ang katanungan tungkol sa inarte niya kanina. Sa hindi malamang dahilan, ang naiisip niya lang ngayon ay paano kung magustuhan ni Jisung si Eli?

“Ano tingin mo kay Eli?” Ang tanong na biglang lumabas sa bibig ni Chenle. Gusto na ba niya ito? Type niya ba yung ganun, mukhang close na nga sila kanina eh.

“Huh?” Nagtatakang hinarap ni Jisung si Chenle. 

“Ay joke. ‘Wag na pala.” Pagbawi ni Chenle, ayaw niyang marinig ang magiging sagot ng kaibigan. Baka kung ano na naman maramdaman niya. 

 

Kasalukuyang magkasama si Chenle at Haechan dahil hindi kaya ni Chenle na may kinikimkim. Si Haechan ang una niyang tinatawagan dahil napansin niyang ito rin ang palaging may mga hirit sa kanila ni Jisung noon.

“Hypothetically,” Simula ni Chenle na siya namang binasag agad ni Haechan, “Hypothetically na naman. Diretsuhin mo nalang, magkaharap na nga tayo oh.” 

“Sinasabi ko sayo, Haech.” Pagbabanta ni Chenle. 

“Eh, wala ka pa ngang sinasabi? Ano na nga? Pinag early out mo pa ako na akala mo tagapagmana rin ako ng kompanya katulad mo. Spill mo na o lahat ng alak ay isspill ko na sa lalamunan ko.”

“Si Eli kasi mas nagiging straightforward na siya kay Jisung. Ayoko no’n.” Sabi ni Chenle, bumuntong hininga pa ito. 

Napangisi naman si  Haechan sa inakto ng kaibigan. “Teka Le, may kumakatok!”

“Luh, wala namang kumakatok.”

“Hindi, meron eh.” Unti-unting nilalapit ni Haechan ang ulo niyang nakatagilid mistulang nakikinig ng mabuti. Hangga’t sa naabot na niya ang dibdib ni Chenle katapat lang ng tumitibok na puso nito.  

“Kumakatok yung feelings mo, pagbuksan mo naman.” ani Haechan habang mapangasar na nakangiti. 

Itinulak ni Chenle ang ulo niya, “Aray ko naman! Tumigil ka na nga!” 

Tumawa lang si Haechan, pero biglang nagseryoso ang tono niya. “Pero Le, alam mo ba, ang dami mong tanong lagi tungkol sa feelings mo, pero parang ikaw rin naman ang takot sumagot, no? Kasi kada gabi ko nalang ata naririnig yung hypothetically sayo, dami mong hypothesis eh isa lang naman ang sagot!” 

Napatingin si Chenle. “Hindi ah! Gusto ko lang naman maintindihan lahat—” 

Napahinto siya. Ayaw niyang aminin lalo na at parang may pagitan sa gitna nila ni Jisung pero parang tumama ang sinabi ni Haechan.

“Matalino ka, nag-iisip ka kaya alam ko rin naman na alam mo kung ano ‘yang nararamdaman mo,” ani Haechan, sabay lagok sa iniinom. Pero sa tono niya ngayon, wala nang bahid ng biro. "Le, baka dumating yung araw na hindi mo na ‘yan masabi kahit sa sarili mo. Tapos wala ka nang pagbuksan."

“Wow, hugot na hugot ah.” Sambit ni Chenle habang unti-unting tinataga ang mga salitang ‘yon sa utak niya. Ayokong maunahan, ayokong maging mabagal. 

“Wala eh, coming from experience.” Napatawa si Haechan sa sarili niyang salita. “Pero alam mo, base sa nakikita ko noon pa, parang hindi ka naman talo.”

 

Hangga’t sa pagtama ng katawan niya sa kama ay ulit-ulit sa utak niyang nagrereplay ang mga sinabi ni Haechan lalo na yung hindi naman daw siya talo. Parang unti-unti ring lumalapat sa utak niya lahat ng ginagawa ni Jisung para sakanya. Kung paano siya inuuna nito, kung paano siya alagaan nito, iba nga naman si Chenle kesa sa lahat. Tangina. Gets ko na. Iba rin naman si Jisung para sa kanya, hindi ito katulad ng iba. 

Dinampot niya ang cellphone na nasa nightstand lamang at tinignan ito. Sa lockscreen niya ay picture ng aso niyang si Daegal na si Jisung ang kumuha. Tandang tanda niya ang itsura ng kaibigan nung araw na ‘yon, sa una ay takot sa maliit niyang aso hangga’t sa naging magkasundo na ang dalawa kalaunan. Si Jisung… na ngayo’y higit pa sa isang kaibigan lamang. Muli niyang binagsak ang cellphone niya sa gilid.

Parang hindi ka naman talo. Ano ang ibig sabihin ni Haechan? Tama ba ang pagkakaintindi niya? Na nasa iisang pahina lang sila? 

Napaupo siya matapos niyang pagtagpi-tagpiin sa utak niya, kung kelan nagsimulang maramdaman ang pagdistansya ni Jisung. Nung sinabi kong straight ako. Sinabi ko pa talaga ‘yon. Tangina, straight ako? Ako pa ‘yung nagsara ng pinto na gusto ko sanang buksan ngayon.

Hinawakan niya ang noo at napapikit. “Tangina, ang hirap rin naman kasing basahin ni Jisung ngayon.” Bulong niya sa sarili. Ganun pa rin naman siya tratuhin ni Jisung, ganun pa rin siya intindihin pero may pader sa pagitan nilang dalawa. Parang kahit nandiyan si Jisung, parang may pumipigil sa kanya. Parang may pader.

Hinawakan niya ang cellphone niya. Nag-type ng mensahe pero hindi sinend. Masyadong maraming tanong, pero isang bagay ang alam niya—hindi niya pwedeng hayaang ganito lang. Kailangan niyang malaman kung ano nga ba talaga si Jisung sa kanya.

 

Sa wakas natapos na rin ang term na ‘to. Sagad ang pagod pero magaan ang pakiramdam ni Chenle dahil kahit papaano ay nairaos niya ang semester na ito. Buo ang loob niyang puntahan si Jisung ngayon dahil hindi na sila nakapagusap sa kung ano ang gagawin nila ngayo, nakasanayan na rin nila kasi na tuwing pagkatapos ng isang termino ay kakain sila sa labas. Ngunit, wala silang nabuong plano dahil masyado nga atang okupado ang kanilang mga isipan. 

Kasalukuyan siyang naglalakad papunta sa dorm nila Jisung at Renjun, nagmakaawa pa siya sa prof para makaalis nang maaga mula sa last class presentation niya. Gusto lang niyang mag-relax kasama ang kaibigan, tulad ng dati. Pero habang papalapit siya sa pinto, may kung anong bigat ang bumalot sa dibdib niya. Parang may mali. Parang may kulang. 

Mabilis siyang nakapasok dahil sakto ang paglabas ni Jaemin mula sa unit. Binati siya nito ngunit nagmamadali ito dahil susunduin daw niya si Renjun. Mula sa hallway ay naririnig ni Chenle ang tunog ng gitara. 

Pagbukas niya ng pinto ay naabutan niya ngang naggigitara si Jisung. Medyo mas malalim ang kunot ng noo nito kaysa sa dati, at tila abala ang isip sa malayo. "Ano 'yang malalim na iniisip mo? Mukha kang namatanda, Jisung."

Napalingon si Jisung, bahagyang nagulat pero agad na ngumiti, pilit na kaswal. "Wala. Ang aga mo naman natapos."

"Nagmakaawa na akong mauna kasi gusto ko nang mag-relax," sagot niya, binabagsak ang bag sa sahig. "Napagod na ako, pero mukhang ikaw yata mas stressed pa rin?"

Ilang saglit lang ay umiiwas na ng tingin si Jisung. May kung anong sumiklab sa loob ni Chenle. Ano na naman kaya ‘to? Bakit parang lagi nalang ganto si Jisung? Hindi na siya nakapagpigil. Tila nasagad na ang pasensya niya kaya’t lumapit na siya at hinawakan sa balikat ang kaibigan. Hinarap ito ni Chenle sa kanya, “Tapatin mo nga ako, Jisung. Okay ka lang ba?”

Ramdam na ramdam ni Chenle ang bigat ng tanong na iyon. Ang dami niyang gustong malaman, gusto na niyang malinawan, hindi lang sa kung okay lang ba si Jisung. May problema ba siya? Ako ba ang problema niya?

Hinawi ni Jisung ang kamay niya, tumalikod, at nagsimulang magsalita. "Ano ka ba? Stressed lang at pagod sa finals. Ulanin ba naman ako ng sandamakmak na papel tapos yung thesis proposal ko pa," aniya, pilit na binibiro ang sarili. Pero hindi. Hindi iyon sagot.

"Ji, huwag mo na ako paasahin na finals lang 'yan," madiing sabi ni Chenle. Pilit na pilit. Hindi ako maniniwala. Hindi ito 'yon. “Alam ko na may iba kang iniisip. Ilang buwan na kitang nahuhuli, kaya 'wag mo na akong i-ghost dito kasi pinalampas ko na ‘to nung minsan."

Umiwas muli ng tingin si Jisung, napakapit ng mahigpit sa leeg ng gitara. Parang lalong may nagliyab sa tiyan ni Chenle. 

"O, ano? May sasabihin ka ba o kailangan ko pa maghintay hanggang thesis defense mo?" Sinubukan ni Chenle na sabihin ito sa pinakamagaan niyang boses ngunit kahit siya mismo ay ramdam ng guhit at bigat ng mga salitang binitawan niya.  

Halos maradaman ni Chenle ang pag-init ng hangin sa pagitan nila. Nagbubukas na ang bibig ni Jisung ngunit tila hindi niya mahanap ang tamang mga salitang bibigkasin. 

Nang mahanap na muli ang lakas upang magsalita, "Ano ba kasi ang ibig mong sabihin?" tanong pabalik ni Jisung. Doon napahinto si Chenle para siyang binuhusan ng malamig na tubig, parang nakaramdam ng suntok sa tiyan. 

“Sorry, am I pushing you too much? Pasensya na. Hindi ko dapat ipilit. ” Tumayo si Chenle at nilampasan na niya ang kaibigan, naramdaman niya ang pagbigat ng kwarto. Hindi lang para kay Jisung, pati sa kanya na rin. Parang may kung anong gustong sumabog pero ayaw mangyari.

“Oh Chenle, aalis ka na agad?” Nasaktuhan na naman ni Jaemin ang pagbukas niya ng pinto. Ngunit sa pagkakataong ito, kasama na ng nakakatanda si Renjun.

“Anyare sayo? Nag-away ba kayo ni Jisung?” Tanong ng nakakatanda sa kanya, bakas sa tono ng boses ang pag-aalala. Hinawakan pa nito ang pulsuhan niya, mainit ang kamay ni Renjun kagaya ng luhang naguunahan makatakas mula sa mga mata niya. 

“Una na ko, kuya.” Pagpapaalam niya kay Renjun, nagmamadali siyang lumabas ng tuluyan sa dorm nito. Agad na siniko ni Renjun ang nobyo niya para senyasan na sundan ang nakababatang kaibigan dahil nagaalala rin siya dito. 

Notes:

on queue: sinderala by cup of joe

oo, may kasunod pa! salamat kung naabot mo ang dulo ng part 3. kudos and comments are very much appreciated. penge naman thoughts niyo :>

Series this work belongs to: