Actions

Work Header

Number Hypothesis

Summary:

Malas sa pag-ibig ang pamilya ni Paulo. Lahat na sineryoso ng mga pinsan niya, tila nawawala rin. Wala atang henerasyon sa kanilang pamilya na naiwang buo, napapasabi na nga sila parang may sumpa ang angkan eh.

Kaya lagi nilang sinasabi na nagiging seryoso lang ang relasyon tuwing may numero na sila ng isa't-isa.

Mas marami pa ang naiburang numero ng kanyang mga pinsan kaysa sa mga nanatili, eh. Kaya rin siguro takot umibig si Paulo.

Hanggang sa nakilala niya si Ken Suson.

Notes:

(See the end of the work for notes.)

Chapter 1: sa pag-ibig naman

Summary:

May nabura ka na bang numero sa selpon?

Chapter Text

May nabura ka na bang numero sa selpon?

Kasi si Josh, na pinsan ni Paulo, nakailan na. Pinanganak talaga ata siya na malas sa pag-ibig, kahit na swerte naman sa ugali at hindi rin nagkulang sa mukha. Sobra ang yabang, pero alangan naman na walang palya, diba? Para patas, sa pag-ibig siguro binawi.

Iilang girlfriend—at isang boyfriend—rin na naging magulo ang paghiwalayan nila.

Kadalasan, dahil walang mailaan na oras si Josh. Epekto na rin siguro ng kolehiyo, kasi MedTech ba naman ang piniling kurso niya, pero siguro maituturo ring salarin ang mga kalokohan niya. Mahilig kasing uminom at sumama sa mga tropa tuwing Biyernes na, kahit na talagang hindi siya makakausap kapag nalasing. Natutulog kasi.

Ilang beses tuloy na si Paulo ang kumalma sa kung sino mang sumugod na galit sa unit nun. Siya rin kasi default na tinatawagan ng tropa ng pinsan niya kapag gumala sila at matamaan ito ng kung anong laman ng umiikot na bote.

Kahit hindi naman iyan ang dahilan, wala rin masyadong tumatagal. Naaalala pa ni Paulo yung pinakamasakit na break-up na dinanas nito, baka nga hindi niya na makalimutan eh.

"Nawala na 'yung spark," sabi noon ng ex niya. "Parang, like, bored na ako. Wala na talaga— ayaw kong ipilit 'to. Hindi ko na kaya, Josh. Itigil na natin to."

Doon rin nakatutong uminom ang pinsan niya.

Hindi lang inaabot ng umaga dati sa inuman, minsan sinusundo nalang ni Paulo para lang masiguradong makakain lang yun ng maayos. Kung hindi niya masusundo dahil na sa klase, yung pinakabatang pinsan niya na si Tina ang umaasikaso. Kaya siguro Accountancy na ang kinuha nun, mabilis niyang naililista ang mga dahilan kung bakit kailangan ni Josh umayos.

Hindi rin naman madalian, pero naibalik na rin ang mga ngiti ng Kuya nila. May mga panahon talagang naabutan siya ni Paulo na tila tulala o kaya'y matamlay, pero naghilom na ang sugat. May bagong kinakausap na nga ata yun, eh.

Pero wala, nakakatakot pa rin talaga. 

Siguro sa buong angkan nila'y may sumpang ganyan, mahina talaga silang lahat kapag sa pag-ibig.

Si Tina, kahit na second year pa lang ngayon, nakaapat na sa taong iniyakan. Mabuti nalang nga at sa pagbura ng numero ay hindi umabot sa lima— total, may block naman sa Facebook. Failed talking stage lang naman daw kasi yun. Nakarami rin siya diyan, kaya hindi na linilista.

Tsaka, sabi rin nga ng kanilang Ate Inday, napakapangit namang iyakan ang walang naibigyan ng kahit anong label.

"Nauuto ako parati ah," naalala pa ni Paulo na sabi niya nung kailan lang. "Ano na, bakit ba. Mahilig sa energy ko, pero pagkatapos ay sumusobra daw. Kapag banat sa akin bagay kami, tapos pala literal na gagamitin lang rin ako sa huli?"

Kaya siguro si Paulo naman, walang ganyan.

Nakakatakot magmahal kapag nakikita mong lahat na sumusugal ay umuuwing talunan, eh. Mas pipiliin niya nalang na iyakan ang siyang pinapagawa sa BioChem kaysa sa kung anong text. May late night talks na siya tuwing may kailangan silang matapos na agad sa Council. Kayang-kaya nila ni Justin ang larong puyatan.

Isa pa, paano kapag bigo rin siya? Edi tatlo sila, parang hindi naman tama yun.

Wala pang may naburang numero si Paulo. Hindi niya rin nga inaakalang may ilalagay siyang numero na baka maibubura— pero ano nga ba yung sinabi niya kay Stell?

Ah, oo nga.

"Maiba talaga kasi ang dating ni Ken Suson."