Chapter Text
“I like you. Gusto kita, matagal na."
Ah, tangina. Erase, erase. Hindi ko kaya.
Hindi ko pa kaya.
Padabog na ibinagsak ni Saint ang hawak na cellphone sa lamesa. Nasa canteen sila habang nagpapalipas ng oras, at eto siya bigla-biglang naiisipan umamin sa oras ng tanghali. Halos isang linggo na rin siyang sumusubok na umamin ngunit hindi ata sumasang ayon ang tadhana sa kanya. Medyo matagal na rin kasi nang napagtanto niya na gusto pala niya ang kaibigan. Ngunit ngayon lang nagtatangkang sumubok.
“Tangina naman, pre! Akin na nga ‘yang phone mo at ako na mag se-send. Kupad ampota.” Inis na bigkas ng kasama niyang si Ken at sinubukang agawin ang cellphone na nasa lamesa na agad niyang iniwas.
“Di mo kasi ako gets, Ken.” Malungkot niyang sabi at bumuntong hininga. Walang nagawa si Ken kundi ang mapa-iling nalang dahil hindi na bago ang eksenang ganito sa kanilang dalawa. Bigla nalang kasi itong naging desidido na umamin kahit matagal na ang pagkagusto sa kaibigan. Kaya sawa na siya, ika nga niya.
“Ilang taon na nga ba yang katangahan mo na yan? 6 years?”
“Oo, anim na taon na rin…”
Mahihinang huni ng ibon at mabagal na pag lipat ng mga pahina ang tanging maririnig habang ang dalawang mag kaibigan ay nasa loob ng silid aklatan. Isa na ‘to sa nakasanayan nilang libangan sa tuwing dapit hapon; ang isa ay abala sa pagbasa at ang isa naman ay sa pag idlip.
“Saint, bangon nga. Tingnan mo to!” Masayang pagkakasabi ni Shin at ipinakita ang kinaaaliwan na libro. Inangat ni Saint ang kanyang ulo mula sa pagkaka-yuko at pinatong sa kanyang braso para makita ang reaksyon ng kasama. Malawak ang ngiti nito at maligalig na binasa ang pinapakitang pahina.
Sa hindi maipaliwanag na bagay ay tila ba bumagal ang oras nung panahon na iyon. Ang kulay kahel na sinag ng araw na sumalamin sa abelyanang mga mata, at ang simoy ng hangin na humaplos sa malambot na buhok ay sapat na para makuha ang atensyon niya.
Hindi mapigilan ni Saint ang unti-unting pag suri sa mukha ng kasama. Mula sa mapungay na mata, mahabang pilikmata, matulis na ilong, mamula-mulang labi, at ang mabagal na muling pag balik tingin sa mga mata ng kaibigan na tila ba isang sining sa kanyang paningin.
“Ano, nakikinig ka ba? Bakit nakangiti ka lang?” Tanong ni Shin na may himig ng pagtatampo sa boses. Naka kunot pa ang noo nito na parang bang iritado siya sa kaharap.
Lumawak ang ngiti ni Saint at napa diretso ng upo.
‘Sining? Talaga ba, Saint?’ Sinubukan pa niyang itago ang ngiti sa pag yuko ngunit hindi rin napigilan at tuluyang natawa nang bahagya sa naisip.
Ah, patay. Tinamaan na nga yata ako…
“Saint!” Gulat na nilingon ni Saint ang tumawag sa kanya at nakitang nakaupo na sa harap niya ang kaibigang si Shin. Ang kanina pa niyang minumuni.
“Kanina pa kita tinatawag! Bangag ka na naman ba?” Inis na tanong nito at bahagyang umirap.
Samantalang ang katabi niyang si Ken ay napapailing nalang habang bumubulong, “Baliw. Baliw na nga, tanga pa. Wala ka ng pag asa, gago.”
“Bulong ka pa dyan pakyu, rinig na rinig ko naman.” Tinulak pa niya ito nang bahagya.
“Sadya ‘yon nang magising ka na sa katangahan mo.” Tila ba babatok pa ito sa kanya nang padabog na binagsak ni Shin ang kanyang bag sa lamesa na nakapag-patahimik sa dalawang nag bu-bulungan.
“Ah, so ‘di mo ko papansinin?” Maangas ang tono nito at naka kunot na ang noo. Diretso ang tingin sa mata niya kaya takot siyang napakamot sa sintido. Ramdam niyang inis na talaga ito kaya medyo nakaramdam siya ng pagkataranta. Mahirap pa naman suyuin ‘to.
“Hindi! Hindi—”
“Hindi? Hindi mo ko papansinin, ganon ba? Pucha, bahala ka nga dyan.” Akmang aalis na ito kaya naman marahan niyang inabot ang siko.
“Saglit lang muna. Sorry, hm?” Suyo niya habang ang mga mata ay nagmamakaawa. Alam niyang naiinis ang kaharap kapag ginagamit niya ang paawa-effect niya na ikinumpara pa ni Shin sa isang aso, ngunit alam din niyang epektibo ito.
“May klase ka na, ‘di ba? Hatid na kita. May sasabihin ka ba?” Maingat niyang tanong sabay kuha sa bag nito at alalay sa siko. Bumuntong hininga ang kaibigan at tumango, hindi na napigilan ang kwento na nakapag pangiti sa kanya. See? Proven and tested.
—
“Kumusta naman ang pag suyo kahapon?” Natatawang tanong ni Ken pagpasok ni Saint sa kanilang classroom. Tinapat niya ang gitnang daliri sa mukha nito sabay bigkas ng “Gago”.
Habang naglalakad sila ni Shin kahapon, nabanggit nito na may kailangan daw siyang kitain sa malapit na coffee shop sa kanilang unibersidad at gusto nito na kasama siya. Inaamin niya, kinilig siya pero hindi nag pahalata. Maangas pa rin dapat.
Kaya naman habang nasa klase, hindi siya mapakali at hindi makapag hintay na sumapit na ang alas kwatro, oras base sakanilang napag usapan na pagkikita.
“Inangyan pre, tinanggap mo na ba talagang aso ka at hindi ka mapakali dyan. Kulang nalang may lumitaw na buntot sa likod mo at kumawag-kawag sa sobrang likot mo.” Naiinis na sabi ng katabi niyang si Nate. Ang isa sa kambal na kaibigan nila ni Ken sa kolehiyo.
“Syempre, kung ano ang sabihin ng amo niya susundin niya. Kahit yung imposible pa handa siyang gawin. ‘Di ba ‘no, Saint?” Natatawang sulsol ng kambal nitong si Knot at ginaya pa ang tahol ng aso. Hindi niya pinansin ang pang aasar ng mga kaibigan at muling tumingin nalang sa orasan. Alam kasi ng mga ito ang pagkagusto niya kay Shin. 1st year sila noong nalaman ng mga ito dahil ayon sakanila, halatang halata raw siya. Kaya naman hanggang ngayong 2nd year sila, patuloy pa rin ang pang aasar sakanya ng mga ito.
“Class dismissed.” Mabilis na tumayo si Saint pagkarinig sa guro nila at naunang lumabas.
3:43 pm, may oras pa kung susunduin ko siya sa classroom nila.
“Hoy, loverboy! Bag mo naiwan, tanga!” Sigaw nila Ken habang nagsisipag tawanan. Agaran siyang lumiko pabalik at walang imik na hinablot ang bag. Naiiling nalang ang mga kaibigan niya dahil alam na nila agad kung sino ang pupuntahan ng asong iyon.
Saint:
Dito ko sa labas ng room niyo, hintayin na kita
seen
Sinilip niya ang hinihintay sa bintana ng silid aralan at nakitang nabasa na nito ang mensahe niya habang nakangiti. Mensahe ko nga ba?
Tumingin-tingin nalang muna siya sa paligid dahil parang wala pang balak tapusin ng professor ang klase nila nang may tumapik sa balikat niya.
“Huy! Anong ginagawa mo rito ha?” Si Eve. Natawa siya agad paglingon sa babaeng nasa harap niya dahil sa mapang asar nitong tono at taas-babang kilay.
“Parang ‘di mo naman alam.” Malakas na natawa ito sa naging sagot niya dahil isa rin si Eve sa mga nakaka alam ng pagkagusto niya kay Shin. Kaklase kasi nila ito noong high school pa lang, isa rin sa malapit niyang kaibigan.
“Tibay talaga. Wala pa rin ba?” Maingat nitong patukoy sa relasyon nila. Nakangiti niyang ginulo ang buhok nito. “Chismosa.” Sagot niya lang.
“Saint.” Agad niyang nilingon ang pinanggalingan ng boses at nilapitan. Tapos na pala ang klase nila at labasan na.
“Shin! Long time no see!” Masiglang bati ni Eve kay Shin at nakipag apir pa. Ngumiti lang ng tipid si Shin dito at bahagyang tumango.
Tila ba nakaramdam si Eve kaya pakunwari itong umubo at tumingin kay Saint. Para bang nagkaintindihan agad ang dalawa kaya naman nag paalam na siya.
“Una na pala ko, guys! See you when I see you nalang.” Kaway niya bago umalis. Agad siyang natawa pag talikod dahil sa tagal niyang pagkakakilala sa dalawa, talagang bilib siya na hanggang ngayon wala pa ring usad sa relasyon nila. Hay, kawawang Saint.
“Saya mo ah.” Paunang sabi ni Shin sa kanya habang tahimik na naglalakad ang dalawa patungo sa malapit na coffee shop.
“Huh? Halata ba?” Hindi niya kasi mapigilan ang tumatakas na ngisi sa labi niya dahil wala, kinikilig talaga siya. Feeling niya kasi inaya siya nito sa isang date. Minsan lang kasi na ito ang magyayang lumabas sakanila.
Umirap lang ito at binilisan ang lakad. Masama na naman siguro ang timpla. Naiiling siyang napangiti at sumunod sa likod nito. Dapit hapon na naman kasi kaya ang mga anino nila ay litaw na litaw sa daan na tinatahak nila. Nilabas niya ang kanyang cellphone at patagong kinuhanan ng litrato ang mga anino nilang tila magkatabi at magkalapit ang mga mukha kahit na ang totoo, nasa likod lamang siya nito. Lord, when? Bigay mo na to oh. Bigay mo na sa’kin.
Nang makarating sa destinasyon ay agad niyang hinila si Shin papasok ng coffee shop upang makaupo at para abutan ng panyo sabay labas sa kanyang mini fan sa bag. Napansin na kasi niya ang pawis sa sintido nito.
‘Mahirap na, hindi ‘to dapat pinagpapawisan.’ Tila ba narinig niya agad sa isip niya ang asar ng mga kaibigan dahil paniguradong pagtatawanan siya ng mga ito. Hibang daw kasi siya.
Walang imik na tinanggap ni Shin ang panyo habang ang mini fan ay hawak ni Saint na nakatapat sa kanya. Sanay na rin kasi siya sa ganitong akto ng kaibigan.
“Order na tayo?”
“Hindi, ‘wag muna. Padating naman na raw siya.”
“May hinihintay tayo?” Nagtatakang tanong niya.
“Ayan na pala.” Sabay kaway nito at ngiti sa taong hinihintay.
“Shin.” Nilingon ni Saint ang bagong dating at tila ba biglang sumama ang pakiramdam sa nakita.
Tangina?
“Tew. Namiss kita!” Masiglang bigkas ni Shin sa kaibigang si Tew.
Ang dahilan kung bakit ginusto niyang umamin pag lipas ng anim na taon na paglilihim.
