Actions

Work Header

ang bawat piyesa na bumubuo sa'yo

Summary:

“So for the last contender! Ano ang People You May Know kwento mo?”

 

“Anong “People You May Know”? e, iniwan ako sa altar niyan.”

 

o kung saan, akala kasi ni wonwoo okay na lang na gawing biro na lang yung iniwan sa altar. pero masakit pa rin pala.

Notes:

patawarin nyo sana ako hehe! miss ko lang ang minwon (at angst)

attempt to write another one shot in full tagalog (eme ni bading!!)

please sigaw on twitter or sa zaqa hehe

also for this fic's playlist!! bumubuo sa'yo pakinggan nyo while reading please, i think mas masakit sya ganun!!

also, cannot edit the tags for some reason but pls do not continue if uncomfy because there are some hints and subtle mention/s of homophobia

Work Text:

Kasalukuyang nasa birthday party ng kaibigang si Dino si Wonwoo. Bilang bunso ng tropa at inaasar ng lahat na Welcome to the thirties! ay naisip nilang bigyan ito ng surprise birthday party sa Jollibee. Classic diba? Saan ka pa!

Wala namang masyadong nangyayari. Matagal nang pinagplanuhan ito—mula sa lihim na pagpaplano hanggang sa pagpili ng tamang lugar. Jollibee ang napili nila, hindi lang dahil paborito nila ito noon, kundi dahil may hatid itong pakiramdam ng pagiging bata muli.

Ang function room ay may simpleng dekorasyon—mga pulang at dilaw na lobo, isang tarpaulin na may nakasulat na “Welcome to the Thirties, Dino!” at mga paboritong pagkain nilang lahat noong college pa sila. Chickenjoy, spaghetti, at Peach Mango Pie—mga bagay na dati nilang pinagsasaluhan sa mga gabing pagod sa pag-aaral o simpleng kwentuhan lamang.

Sila-sila lang din ang nandito. Nakakatawang isipin na rito pa dumiretso sila Joshua at Jeonghan na galing pa ng Europe dahil sa business trip, si Junhui at Seungkwan na galing sa honeymoon trip nila sa Japan; si Seungcheol, Jihoon, at ang anak nilang si Nabi na nag-iisang babae at pamangkin sa tropahan nila. Nandito rin naman yung iba—si Hoshi na kanina pa sinusuyo si Seokmin, si Minghao at ang girlfriend nitong si Nat na busy asikasuhin si Nabi dahil paborito siya nito, si Dino na nasa gitna at nakaupo sa trono nito habang may suot na party hat, si Vernon na kanina pa yata kinukwento sa girlfriend niya ang lore ng magkakaibigan, at si Wonwoo. Si Wonwoo na nag-volunteer na siya na ang kukuha ng litrato nilang lahat.

“So for the last contender! Ano ang People You May Know kwento mo?”

Tila ba niloloko siya ng mga kaibigan dahil may bigla silang pinausong laro na trending daw sa tiktok ngayon. Yung People You May Know tapos may past pala kayo. Ang kasama niyang maglaro ay si Nat, Vernon, Jeonghan, at Jihoon.

So far, wala pa namang nakaka-offend sa mga sagot nila. Sa tingin niya lang ay medyo magtatampo si Seungcheol sa sagot ni Jihoon dahil ikaw ba naman ang banatan ng “Anong ‘People You May Know’ eh may anak yan sa akin?” diba? Doon lang nila napagtanto na dahil hindi masyadong mahilig mag-facebook si Seungcheol ay hindi sila friends ni Jihoon.

Pero ang nakakatawa, totoo naman kasing itinago ni Jihoon si Nabi ng matagal kay Seungcheol. Ibang istorya nga lang yun.

“Hoy, Wonwoo!” napatawa ang lahat nang mabalik sa ulirat si Wonwoo. Ano nga ba ang isasagot niya sa tanong na ‘yan?

“Anong “People You May Know”? e, iniwan ako sa altar niyan.”

Anong “People You May Know”? e, iniwan ako sa altar niyan.

Natawa na lang si Wonwoo sa sariling sagot. Kanina pa kasi siya inaasar ng kaibigan kaya’t naisip niyang wala namang mawawala kung mag-iisip siya ng entry sa mga pakulo nito.

“Grabe naman Won! Paano naman may tatalo dyan?!” natatawang sagot si Jeonghan, “Utas na yan. Tinalo pa kaming lahat! Sige nga at tapatan niyo yan!”

Pero parang nag-iba yata ang ihip ng hangin dahil bigla na lang natahimik ang lahat dahil sa sagot ni Wonwoo. Siguro dahil masyado itong personal kay Wonwoo noon, at wala ni isa ang nagtangkang gumawa ng biro tungkol dito.

Maliban sa kanya.

“Laro lang naman! Paano ba yan? Sa’kin na ba ang prize?” natatawang sagot nito sa mga kaibigan.

Agad namang natawa si Jihoon at Seungcheol sa sagot ng kaibigan. Sinong matinong tao ba kasi ang makikipag-kompitensya para sa pencil case?

“Maawa ka naman, Won! Ibigay mo na lang kay Nabi yung premyo!” biro ni Hoshi at binato sa kaniya ni Wonwoo ang isang tinidor. Binibigay naman talaga nilang lahat ng premyo nila kay Nabi dahil hindi naman nila ito magagamit.

“Wait… who left Wons at the altar?”

Tila ba yelong napatigil ang lahat nang marinig ang tanong na ito. Ang kaninang masayang usapan ay biglang naputol, at ang mga nakangiting mukha ay napalitan ng katahimikan. Ilang segundo ng tahimik na pag-aalangan bago may naglakas-loob na tumingin kay Wonwoo.

“Ex ko.” sagot na lang ni Wonwoo, walang emosyon sa kanyang tinig. Walang bumabanggit ng pangalan nito sa tropahan, hindi dahil sa kakulangan ng pagkakataon, kundi dahil alam nilang sugat pa rin ito para sa kanya. Kahit gaano na katagal, hindi pa rin nawawala ang bigat ng mga alaala.

“I didn't know you had an ex, Wons… or was it because of my memory again?” natatawang sagot ng lalaki sa harapan niya.

Umupo na lang si Wonwoo sa tapat nito at umiling, “We don't talk about him, Gyu. He's part of the past that I don't want to remember.” sagot na lang nito bago ibaling ang atensyon kay Nabi na tumakbo papunta sa kanya para kuhain ang hawak nyang pencil case na may mukha ni Jollibee. Natuon ang pansin ni Wonwoo sa bata, isang saglit na pahinga mula sa bigat ng nakaraan. Ngunit kahit anong pilit niyang ituon ang atensyon sa kasalukuyan, may isang bagay na hindi niya matakasan— ang presensya ng lalaking minsang pinangarap niyang makasama habambuhay.

Hindi niya alam kung anong mas masakit—ang makitang nasa harapan niya ito ngayon, o ang katotohanang wala itong maalala. Na para bang ang lahat ng nangyari sa kanila ay binura ng panahon, iniwan si Wonwoo na mag-isa sa sakit ng nakaraan. Paano mo nga ba sasabihin kay Kim Mingyu na siya mismo ang lalaking nang-iwan kay Wonwoo sa altar?

Paano mo ipapaalala ang sakit ng kahapon kung sa harapan niya ngayon, may hawak siyang kamay ng iba? Kung may kumikinang na singsing sa kanyang kaliwang daliri? Kung wala ni isang bahid ng guilt o lungkot sa kanyang mukha, kundi isang tahimik na kasiyahan kasama ang babaeng pinili niya?

Engaged na si Mingyu.

At ano pang silbi ng engagement ring na nakasabit pa rin sa leeg ni Wonwoo? Marahil ay isa na lamang paalala na minsan, may pangakong hindi natupad. Isang katibayan na siya lang ang naiwan sa isang kwentong matagal nang tinuldukan ng iba.

Tahimik na dumaan ang mga minuto, ngunit para kay Wonwoo, tila isang habambuhay ang lumipas sa pagitan nila ni Mingyu. Walang nakakapansin kung paano niya hinigpitan ang pagkakahawak sa kanyang sariling kamay, pilit pinipigilan ang panginginig ng mga daliri, tuwing naririnig niya ang malambing na boses ni Mingyu habang kausap ang nobya nito. Sinusubukan niyang lumipat ng upuan ngunit bilang paborito ni Nabi ay pinapabalik siya nito sa tabi niya– kung saan mamalasin ka nga naman dahil katabi rin niya si Mingyu. Hindi niya rin alam kung paano siya nakahanap ng lakas para ibalik ang atensyon sa tropa, kahit na ang bawat salita, bawat tawa, ay parang malayong tunog sa kanya.

Ngunit hindi siya ang tipo ng taong umaalis nang basta-basta.

“Wons, okay ka lang ba?” may nagtanong mula sa tabi niya. Isang bahagyang tapik sa kanyang braso ang nagpabalik sa kanya sa kasalukuyan. Si Joshua, may halong pag-aalala ang mga mata.

Ngumiti si Wonwoo, pilit ngunit sapat para mapanatag ang loob ng kaibigan. “Oo naman. Pagod lang siguro? Dami kasi nating picture!”

Hindi. Alam niya kung anong laman ng tanong ni Joshua pero ayaw niya itong pagtuunan ng pansin kasi hindi naman na dapat. Tatlong taon na ang nakakalipas.

Pero bakit ang sakit pa rin?

Isang tawa ang muling pumuno sa paligid, at nang bumaling siya kay Mingyu, nakita niyang may ibinubulong ito sa babaeng kasama niya. Napalitan iyon ng isang malambing na halakhak, isang tunog na dati’y kanya. Isang ekspresyong dati’y para lamang sa kanya.

Tumayo siya. Hindi niya rin alam kung bakit, basta na lang sumunod ang katawan niya sa utos ng puso niyang gustong tumakas.

“I need some air,” bulong niya, sapat lang para marinig ni Joshua bago siya tuluyang lumabas.

Malamig ang hangin sa labas. Sapat para bahagyang pawiin ang bigat sa kanyang dibdib, pero hindi sapat para burahin ang sugat na muling bumukas ngayong gabi.

Mabilis niyang kinuha ang kaha ng sigarilyo mula sa bulsa at sinindihan ang isa. Hinihipan ng hangin ang usok, pero hindi nito nadadala ang bigat sa kanyang dibdib. Hindi niya naman dating bisyo ang ganito. Noong sila pa ni Mingyu, siya pa mismo ang nagsasabing huwag na itong magyosi. Hindi niya gusto ang amoy. Sabi niya, gusto niyang mabuhay nang matagal.

Pero ilang taon na rin ang lumipas.

At sa panahong iyon, hindi na rin niya sigurado kung gusto pa niyang mabuhay nang matagal.

Matagal na siyang hindi nagyoyosi, pero sa mga panahong ganito, para bang ito lang ang may kakayahang patahimikin ang ingay sa kanyang isip. 

Ang ingay na hindi niya alam kung natigil ba talaga o tinabunan niya lang para hindi siya lamunin nang buo.

Huminga siya nang malalim, pinanood ang dahan-dahang pag-usok sa harapan niya. Isang sandali ng katahimikan sa magulong damdamin. Ilang taon na ang lumipas, pero bakit ganoon pa rin ang epekto ni Mingyu sa kanya? Bakit kahit anong pilit niyang itulak palayo ang nakaraan, bumabalik pa rin ito na parang usok na hindi niya matakasan?

Napasandal siya sa pader, pilit na tinatapik ang sarili para huwag malunod sa sakit. Nakatitig siya sa engagement ring na nasa kanyang leeg. Ilang beses na niyang sinubukan itong tanggalin, pero lagi siyang nauuwi sa iisang tanong— paano kung bumalik si Mingyu? Paano kung may paliwanag? Paano kung… hindi niya na talaga siya maalala?

“Hindi mo na ba talaga naaalala, Tangi?” mahina niyang bulong sa hangin, kahit alam niyang walang makakasagot sa tanong na iyon.

Hindi niya namalayang may lumapit sa kanya. “Wonwoo?”

Napapikit siya sandali at tumingala. Ang tangina lang talaga minsan ng tadhana ano? Umiiwas ka na, tapos tatarantaduhin ka pa. Huminga siya nang nalalim bago dahan-dahang lumingon. Si Mingyu. Nakatayo sa harapan niya, may hawak pa ring baso ng softdrinks, pero wala na ang kasintahan nito sa tabi niya. Ang mga mata nitong puno ng katanungan, pero walang bakas ng pagkilala. Para siyang estrangherong natagpuan lang sa daan.

“Kailangan mo ng kasama?” tanong ni Mingyu, halatang nag-aalalang iniwan niya ang tropa.

Napangiti si Wonwoo, pero sa loob-loob niya, gusto niyang matawa. “Hindi mo na kailangan, Mingyu.”

Kahit kailan, hindi mo naman ako pinili.

“Sigurado ka ba?”

Tumango lang si Wonwoo at tumalikod nang muli.

Kahit kailan, hindi mo naman ako pinili.

Matagal na niyang alam iyon. Matagal na niyang tinanggap kahit pilit niyang itanggi sa sarili. Matagal na niyang ipinikit ang mga mata sa katotohanang walang kahit isang pagkakataon na naging sapat siya.

Tatlong salita lang, pero pakiramdam niya ay may kung anong bumara sa lalamunan niya. Hindi siya lumingon. Hindi siya sumagot. Tumango lang siya at tuluyang naglakad palayo.

Nagmamadali siyang lumabas. Hindi niya alam kung para saan—kung para takasan ang sarili niyang nararamdaman o ang presensya ni Mingyu na muling gumugulo sa kanya. Pero kahit saan siya magpunta, dala pa rin niya ang sakit.

Paglabas niya, agad niyang sinapo ang bulsa ng jacket niya, hinahanap ang isa pang kaha ng sigarilyo. Nang makuha niya ito, mabilis niyang kinuha ang isa at sinindihan, hindi na nag-abalang lumayo pa. Humithit siya nang malalim, sinamyo ang usok bago marahang ibinuga.

Akala niya kaya na niya. Akala niya tapos na siya sa parte ng buhay niya kung saan umaasa pa siyang babalik si Mingyu. Pero ngayong nasa harapan na niya ito, hindi niya alam kung paano pipigilan ang sarili niyang bumalik sa dati.

Sa dati nilang dalawa.

Sa isang mundo kung saan hindi siya iniwan sa altar, hindi siya naghintay sa isang taong hindi dumating, hindi siya naiwan sa isang pangakong hindi natupad.

Huminga siya nang malalim, pero parang wala nang epekto sa kanya ang malamig na hangin. Parang kahit ilang sigarilyo ang abutin niya ngayong gabi, walang makakatanggal sa bigat na bumabalot sa kanya.

“Hindi mo naman ‘to dating bisyo.”

Parang yelo ang dumampi sa balat niya sa narinig niyang boses. Ito na naman. Umalis na nga siya, nasundan pa rin.

Alam na niya kung sino iyon bago pa siya lumingon.

Dahan-dahan niyang iminulat ang mga mata at humarap kay Mingyu, na nakatayo sa harapan niya, nakakunot ang noo, nakatitig sa kanya na parang may hinahanap.

Dapat hindi siya nagulat. Dapat inasahan niyang susunod ito. Pero hindi siya handa.

Nakita niyang naglakad palapit si Mingyu. Hindi siya nagsalita. Hindi rin si Mingyu.

Pareho silang tahimik na pinag-aaralan ang isa’t isa, parang dalawa silang estrangherong hindi sigurado kung paano magsisimula ng usapan.

“Wonwoo… okay ka lang ba?”

Ang sakit ng tanong.

Napangiti siya, pero walang sigla ang ekspresyon niya. “Bakit hindi ako magiging okay?”

Nag-aalalang tumingin si Mingyu sa kanya, para bang hinihintay na aminin niya ang totoo.

“Seryoso ako.”

“Eh ‘di ako rin.”

Mingyu sighed. Halatang hindi nito gusto ang sagot niya. Pero wala na siyang pakialam kung ano ang gusto ni Mingyu. Hindi na mahalaga kung ano ang iniisip nito. Hindi na siya mahalaga dito.

Nakakainis lang. Nakakatawa.

Dahil ilang taon na siyang lumalaban para makalimutan ito.

Pero isang tanong lang, isang saglit na pag-aalala lang, parang gusto na naman niyang bumigay.

Pinanood lang niya si Mingyu. Kung paano nito pinag-aralan ang mukha niya, hinahanap ang hindi niya sinasabi. Matagal. Mas matagal kaysa sa dapat. Pero kahit gaano pa ito tumitig, walang kasiguraduhan na may maaalala ito.

Parang unti unting nayuyurak si Wonwoo. Tangina, ito siguro yung sinabi ng Munimuni na “Huwag kang bibitaw, huwag kang mawawala. Oh, aking dinadala ang bawat piyesa ng ikaw. Ano'ng gagawin kung wala ka?”

Ang hirap naman na hindi niya alam kung anong gagawin nung nawala si Mingyu. Ang hirap naman kumapit sa isang bagay na nauna siyang bitawan.

Walang kasiguraduhan na may babalikan sila.

Kaya siya na ang lumayo.

Pero hindi pa siya nakakahakbang nang hawakan ni Mingyu ang braso niya.

Napapitlag siya sa dampi ng palad nito. Hindi naman mahigpit ang hawak, pero sapat na para bumalik sa kanya ang alaala ng isang panahong ito lang ang hinahanap-hanap niya.

Ang sakit.

“Sandali.”

Napapikit siya sandali bago dahan-dahang binawi ang braso niya.

“Bakit ka pa nandito?” Mahina lang, pero ramdam ang pagkaputol-putol ng tinig niya.

“Nag-aalala lang ako.”

Napangiti si Wonwoo, isang ngiti ng pagkatalo. Napailing siya bago tuluyang ibinaba ang tingin.

“Hindi mo na kailangang mag-alala, Mingyu.”

Wala na.

Dapat wala na.

Pero bakit pakiramdam niya siya lang ang naiwan sa dulo?

Humakbang siya palayo. Isa. Dalawa. Tatlo.

At sa bawat hakbang, may bahagi ng sarili niyang tuluyang nawawala.

“Hindi ko maintindihan.”

Napahinto si Wonwoo.

“Bakit ang ilap mo sa’kin?”

Hindi siya lumingon.

Hindi siya huminga.

Hindi siya gumalaw, kahit pa pakiramdam niya ay gumuho ang buong mundo niya sa simpleng tanong ni Mingyu.

Ilap?

Ilap lang ba ang nakikita ni Mingyu? Hindi ba halata? Hindi ba ramdam?

Hindi ba sapat ang distansyang pilit niyang itinayo sa pagitan nila? Hindi ba sapat ang mga taong lumipas nang hindi sila nag-uusap? Hindi ba sapat ang sakit na iniwan nito sa kanya?

At paano niya sasagutin?

Paano mo ipapaliwanag sa isang taong hindi naalala ang ginawa niyang kasalanan? Paano mo sasabihin sa kanya na siya ang dahilan kung bakit ka nagkaganyan? Na siya ang dahilan kung bakit ka umiiwas, bakit ka tumatakas, bakit ka nauubos?

Paano mo ipapaintindi sa kanya ang sakit na araw-araw mong binibitbit habang siya, wala man lang maalala?

Napatawa siya, mahina, mapait.

Ganoon ba talaga? Ganito na lang ba kahina ang alaala niya sa buhay ni Mingyu? Na para bang hindi siya naging mahalaga? Hindi man lang naging kapansin-pansin? Wala man lang importansya?

Tulad ng usok ng sigarilyo sa pagitan ng mga daliri niya, parang nawala na lang siyang parang bula sa buhay nito.

Ganoon lang ba iyon?

Ganito na lang ba sila matatapos?

Dati, si Mingyu ang tahanan niya.

Si Mingyu ang hininga niya.

Si Mingyu ang dahilan kung bakit kahit pagod na pagod na siya, pipiliin pa rin niyang bumangon, pipiliin pa rin niyang lumaban, pipiliin pa rin niyang maghintay.

Dati, si Mingyu ang mundo niya.

Putangina. Theme song pa nga nila ang Toyang. Yung tipong kakantahin ito ni Mingyu tuwing malungkot sila kasi wala na silang makain. Isang produkto ng pagmamahal na pinaglaban kahit walang-wala ka na.

Disisais. Disisais lang si Wonwoo at Mingyu nang magtanan sila dahil ayaw ng mga magulang nila sa relasyon nila. Nagtrabaho silang dalawa, nagtinda ng kung ano ano, naging crew ng Jollibee at McDonald's, gumawa ng thesis ng iba’t-ibang estudyante na kahit hindi nila forte ay inaral nila para lamang may makain sa isang linggo. Sa isang buwan. Sa isang taon.

Natutong magluto si Mingyu kaya’t nagtinda sila ng almusal tuwing alas sais ng umaga at tanghalian tuwing alas dose. Nagdadala si Wonwoo sa eskwelahan ng niluto ni Mingyu para ibenta sa mga kaklase.

Natuto si Wonwoo na magluto ng puto, biko, banana cue, turon, maruya, at iba pa para ibenta bilang merienda sa mga kaklase nila upang may pangkain at pambayad sila ni Mingyu sa pipitsuging dorm na nahanap nila sa Maynila.

At kada gabing umiiyak si Wonwoo dahil pakiramdam niya ay hindi na niya kaya, bigla na lang siyang yayakapin ni Mingyu at kakantahan ng Toyang.

Tama nga naman. How can I tell you about my loved one?

At masakit. Masakit na sa isang iglap, sa isang gabing dapat ay pinakamahalaga sa kanilang dalawa, si Mingyu rin ang sumira sa kanya.

Si Mingyu ang bumitaw.

Si Mingyu ang nang-iwan.

Si Mingyu ang nagpatunay na kahit gaano pa niya ito mahalin, kahit anong gawin niya, kahit ilang beses niyang piliin si Mingyu, hindi na nito gagawin ang parehong bagay para sa kanya.

Napahawak siya sa pendant na nakasabit sa leeg niya, ramdam ang malamig na bakal ng engagement ring nila.

Diyos ko.

Panginoon.

Ilang Santo at Diyos pa ba ang dapat niyang tawagin? Gaano ba dapat kasakit?

Ito ba ang parusa ng pagmamahal?

Ano bang inaasahan niyang marinig mula kay Mingyu?

Na magpapaliwanag ito?

Na may dahilan kung bakit siya iniwan?

Na may rason kung bakit siya nagdusa ng ilang taon?

Kahit anong sabihin nito, kahit anong paliwanag ang ibigay, hindi na mababago ang katotohanang iniwan siya ni Mingyu sa altar.

Wala nang silbi ang mga sagot ngayon.

Ang mahalaga, natuto na siya.

Natuto na siyang huwag umasa.

Natuto na siyang huwag bumalik.

Natuto na siyang lumayo.

Napasandal si Wonwoo sa pader, napapikit saglit, pilit na tinutunaw ang bigat sa dibdib niya. Pilit na hinahagilap ang sagot na hindi niya kayang sabihin.

Hindi ko maintindihan, Wonwoo. Bakit ang ilap mo sa’kin?

Gusto niyang matawa. Gusto niyang magalit. Gusto niyang isigaw sa mukha ni Mingyu ang lahat.

Na ilang taon siyang naghintay.

Na ilang taon siyang nagtanong kung anong mali sa kanya.

Na ilang taon siyang naghintay ng sagot na hindi dumating.

At ngayon, heto si Mingyu, nakatayo sa harapan niya, nagtatanong ng isang bagay na dapat ay hindi na kailangang itanong.

Napailing siya.

Walang patutunguhan ito. Kaya lumakad na siya palayo.

“Wonwoo.”

Napalakas ang hakbang niya.

“Wonwoo, sandali.”

Pumikit siya nang mariin. Pilit pinatigas ang loob niya.

Tama na.

“Please.”

Tumigil siya.

Pero hindi siya lumingon. Hindi siya nagsalita.

Alam niyang isang sagot lang, isang maling hakbang lang, at babagsak na naman siya sa isang mundong matagal na niyang iniwan.

Pero sa kabila ng lahat, isang bagay ang hindi niya kayang burahin.

Na kahit ilang taon na ang lumipas, kahit ilang ulit na niyang pinilit lumayo, isang tawag lang mula kay Mingyu—isang pakiusap lang—at napapahinto pa rin siya.


“It’s Mingyu’s wedding in a month. Nagpadala na sila ng invitation.” mahinanong sabi ni Jihoon sa kabilang linya.

Dalawang linggo na simula nung gabing iyon, at dalawang linggo na rin nang huling mag-usap si Mingyu at Wonwoo—dalawang linggo na rin niyang iniiwasan ang mga kaibigan, maliban kay Jihoon at Joshua.

Dalawang linggo na rin siyang lango sa alak at yosi.

Narito na naman siya. Dalawang linggo mula nang muli niyang makita si Mingyu. Dalawang linggo mula nang marinig niya ang boses nito, mula nang makita niya ang singsing sa daliri nito, mula nang muling mabuhay ang sakit na akala niya ay matagal nang nailibing. Dalawang linggo na rin siyang hindi maayos na nakakatulog. Dalawang linggo ang lumipas, pero wala yatang kahit isang gabi na hindi siya bumabalik sa parehong tanong. 

Bakit?

Bakit siya iniwan? Bakit siya ang pinili nitong saktan? Bakit parang siya lang ang nahirapang huminga matapos ang gabing iyon? Bakit siya lang ang naiwan sa pagkawasak habang si Mingyu… habang si Mingyu ay tuloy lang sa buhay niya, kasama ang babaeng pinili niya?

“Nakita ko nga sa mailbox. Baka kumuha ako ng bagong project sa New York,” natawa ito. Pathetic. “Yung tipong masasabi kong ‘Sorry! Hindi ko kasi to kayang tanggihan.’ para hindi siya magtaka.”

Napangisi si Wonwoo, mahina, halos wala nang emosyon. Sinubukan niyang bumangon mula rito. Dalawang linggo, sinubukan niyang kumbinsihin ang sarili na wala na siyang mararamdaman. Na wala nang halaga ang sakit. Na wala nang silbi ang mga tanong. Pero bawat umaga, nagigising siya na parang may nag-iiwan ng bakal sa dibdib niya, mabigat, mahapdi, hindi niya maihakbang ang sarili palabas dito.

Pilit niyang ginugulo ang sarili. Nagtatrabaho nang mas matagal. Pinupuno ang araw ng kahit anong bagay na makakatulong sa kanya para makalimot. Pero sa huli, sa tuwing mag-isa na lang siya sa kwarto, bumabalik pa rin ang parehong sakit. Bumabalik ang gabing iyon, ang boses ni Mingyu, ang paraan ng pagtingin nito sa kanya—parang estranghero lang siya.

Na parang wala silang pinagsamahan.

Na parang hindi siya nito minahal.

“Whatever will bring you peace, Won.” Mahinahong sagot ni Jihoon. “You need to rest. Ilang araw ka na ring lunod sa studio. Sinabihan ako ni Seokmin.”

Napasandal siya sa upuan, pinasadahan ng daliri ang pendant na nakasabit pa rin sa leeg niya. Hindi niya alam kung bakit hindi niya pa rin ito matanggal. Hindi niya alam kung dahil ba sa takot o dahil sa katotohanang kahit anong gawin niya, hindi niya kayang itapon ang mga alaala.

Dahil kahit ano pang sakit, kahit ano pang poot ang pilit niyang buhayin sa puso niya, ang totoo, mahal pa rin niya si Mingyu.

At doon siya tuluyang bumigay.

Napailing siya, mariin. Putangina. Nakakatawa na.

Alas-dos na naman ng madaling araw, pero heto siya, nakatingala sa kisame ng kwarto niya, pinapakinggan ang mahinang tunog ng aircon. Tahimik. Walang ingay, walang sagabal. At iyon ang problema—masyadong tahimik. Dahil sa katahimikan, bumabalik ang lahat. Bumabalik ang bigat sa dibdib niya, ang sakit na dalawang linggo niyang pilit na tinatakasan.

Hindi niya maintindihan kung bakit siya pa rin ang naiwan sa ganito.

Mahal siya ni Mingyu. Alam niya ‘yon. Hindi niya kailangang pagdudahan ‘yon. Sa bawat titig, sa bawat yakap, sa bawat pangakong binitawan nito noon—alam niyang hindi iyon kasinungalingan. Wala siyang kahit anong pagdududa sa pagmamahal ni Mingyu noon .

Ano bang gusto niyang mangyari? Gusto ba niyang magmakaawa si Mingyu? Gusto ba niyang bumalik ito at sabihin sa kanyang nagkamali siya? Gusto ba niyang marinig ang mga sagot na hindi niya alam kung kaya pa niyang harapin?

O gusto lang ba niyang maramdaman na kahit papaano, kahit kaunti, may halaga pa rin siya rito?

Pero wala na.

Mingyu has amnesia. Alam niya iyon. Sinabi na sa kanya noon pa, sinabi ng tropa, sinabi ng doktor. Alam niyang hindi kasalanan ni Mingyu na hindi siya maalala. Alam niyang hindi ito sinadya. Pero ganon pa rin ang sakit.

Dahil paano mo ipaglalaban ang isang bagay na hindi mo kayang pilitin? Paano mo ipapaalala sa isang tao ang pagmamahal na dapat ay kailanman hindi niya nakalimutan? Paano mo hahawakan ang isang bagay na hindi mo kayang ayusin?

Dahil kahit anong gawin niya, hindi niya pwedeng pilitin si Mingyu. Hindi niya pwedeng ipagsiksikan ang sarili niya sa buhay ng isang taong may bago nang kwento, isang taong ni hindi alam kung sino siya.

Mingyu has moved on.

Mingyu has a new life, a new love, a new ring wrapped around his finger.

At siya? Siya ay narito pa rin, kinakalawang sa parehong sakit na iniwan sa kanya. Na parang sirang piyesa ng isang lumang makina, wala nang silbi, wala nang kwenta.

Walang halaga.

Gusto niyang matawa, gusto niyang umiyak, pero wala nang luha. Dalawang linggo na siyang ubos. Dalawang linggo na siyang gutay-gutay.

At sa dalawang linggo na iyon, isa lang ang sigurado siya—na kahit anong gawin niya, kahit ilang beses niyang pilitin ang sarili na umalis… Mingyu will always be the love of his life.

At iyon ang pinakamasakit sa lahat.


Dapat ay isang ordinaryong araw lang ito. Araw kung saan pwedeng lunurin ni Wonwoo ang sarili sa trabaho, kung saan pwedeng manatili siya sa likod ng lente at kalimutan ang lahat. Pero nang bumukas ang pinto ng studio niya, alam niyang panandalian lang ang katahimikan niya.

Nakatayo si Mingyu sa may pintuan, pinag-aaralan ang paligid na para bang ngayon lang niya ito nakita. Para bang hindi niya alam kung gaano kahalaga ang lugar na ‘to para kay Wonwoo. Para sa kanila.

“Wow,” mahina pero may halong gulat na sabi ni Mingyu habang tuluyang pumasok. “Sa’yo ‘to?”

Hindi agad nakasagot si Wonwoo. Gusto niyang sagutin nang diretso, pero kahit ilang linggo na ang lumipas, hindi pa rin niya alam kung paano haharapin si Mingyu nang hindi bumibigat ang dibdib niya. Tumango lang siya, inaayos ang ilang prints na nasa desk niya kahit wala naman talagang kailangang ayusin.

Dahan-dahang naglakad si Mingyu sa paligid, hinahaplos ang gilid ng mga naka-frame na litrato sa dingding. Mga larawang kinunan ni Wonwoo sa loob ng maraming taon. Hindi niya alam kung ano ang iniisip ni Mingyu habang tinitingnan ang mga ito, pero isang bagay ang hindi niya inaasahan.

“Matagal mo nang gustong gawin ‘to, ‘diba?”

Parang kutsilyong tumusok sa dibdib niya ang mga salitang iyon. Napahigpit ang hawak ni Wonwoo sa papel sa harapan niya. Alam niya kung saan ito patungo.

“Pangarap mo ‘to,” halos pabulong na sabi ni Mingyu, may halong pagkamangha. “Pero… hindi ko alam kung paano mo ‘to nagawa.”

Mahina siyang tumawa, pero wala ni katiting na halong saya. Siyempre, hindi niya matatandaan. Paano pa nga ba? Lahat ng sakripisyo, lahat ng puyat, lahat ng pagod—lahat ng iyon, nabura sa alaala ni Mingyu. Pero sa kanya, sa kanya lahat iyon nanatili.

Hindi lang basta natupad ito. Hindi ito isang pangarap na hinintay nilang mahulog mula sa langit. Hindi ito ganoon kasimple.

Dumaan sila sa impyerno para lang makarating dito.

Kumuha sila ng kahit anong project na kaya nila, kahit na walang bayad. Minsan, sila pa ang nagbabayad sa mga model para lang may mailagay sa portfolio. Lumapit sila sa mga brand kahit wala pang pangalan si Wonwoo sa industriya. Ginastos nila ang huling ipon, nagtipid sa pagkain, inuna ang camera equipment kaysa sa sarili nilang pangangailangan. Hindi madali. Pero noon, ayos lang. Dahil magkasama sila.

Nilunok ni Wonwoo ang bigat sa lalamunan niya. Kung alam lang ni Mingyu. Kung naaalala lang niya ang lahat ng ginawa nila para makarating dito. Kung alam lang niya kung gaano sila nagsakripisyo. Kung alam lang niya kung gaano nila minahal ang isa’t-isa sa kabila ng lahat.

Pero ngayon, heto siya, nakatayo sa harapan ni Wonwoo, na para bang hindi niya kailanman naging bahagi ng lahat ng ito. Pinilit ni Wonwoo na tumingin kay Mingyu, na salubungin ang mga mata nito kahit alam niyang masasaktan lang siya. “Oo,” mahina ngunit matatag na sagot niya. “Pangarap ko ‘to.”

Hindi niya sinabing pangarap natin.

Dahil para kay Mingyu, hindi naman talaga naging kanila.


Hindi niya alam kung paano siya napapayag ni Mingyu na mag-dinner silang dalawa. Siguro dahil na rin sa bigat sa dibdib niya, sa lungkot na ilang linggo na niyang pilit nilulunod. Sa isang iglap, heto na siya, nakaupo sa isang restaurant, kaharap si Mingyu, pinipilit ngumiti habang binabalikan ng dating kasintahan ang mga bagay na hindi niya kasama.

“Alam mo ba,” simula ni Mingyu habang ngumunguya ng pagkain, “tuwang-tuwa sina Mama at Papa kay Yujin. Sobrang bait daw niya, at ang dali nilang nakasundo. Si Rae nga, panay ang tukso sa’kin, sabi niya noon pa lang alam na niyang si Yujin ang para sa’kin.”

Kusang bumigat ang hawak ni Wonwoo sa kutsara’t tinidor.

Noon pa lang?

Hindi niya alam kung anong mas masakit—ang marinig kung gaano kamahal ng pamilya ni Mingyu ang fiancée nito, o ang maalala kung paano siya tinapon ng parehong pamilya noon.

Walang pag-aalinlangan. Walang pagdadalawang-isip.

Labing-anim lang sila noon nang halos ipagtabuyan sila ng mga ito. “Kakahiya kayo.” “Hindi kayo dapat nagkikita.” “Sana hindi ka na lang ipinanganak.” Ilang beses nilang narinig iyon. Ilang beses silang naghintay ng kahit kapirasong pag-unawa na hindi kailanman dumating.

At ngayon, habang nakangiting ikinukwento ni Mingyu kung gaano kasaya ang lahat para sa kanya, para sa bagong buhay niya, si Wonwoo naman ay pilit nilulunok ang pagkaing biglang naging sobrang hirap nguyain.

Para bang siya lang ang naiwan sa madilim na sulok ng nakaraan. Para bang siya lang ang kailanman hindi naging sapat.

Nakangiti si Mingyu. Masaya. Walang bahid ng sakit o lungkot sa mukha nito—walang anumang tanda ng mga gabing umiyak sila sa isa’t-isa, nagtatago, nagtatangkang buuin ang mundong tinanggihan sila.

“Alam mo, sobrang swerte ko kay Yujin,” patuloy ni Mingyu. “Kahit anong mangyari, nandiyan siya para sa’kin.”

Para bang may humigpit na tanikala sa dibdib ni Wonwoo.

Hindi ba siya nandiyan noon? Hindi ba siya lumaban? Hindi ba siya nagdusa, nagsakripisyo, nagpakasugat-sugat, lahat para lang mahalin si Mingyu sa paraan na akala niya ay sapat?

Pero sa dulo, hindi rin pala siya ang pinili.

Pilit siyang tumango. Pilit siyang ngumiti.

“Masaya ako para sa’yo, Mingyu.”

At iyon na lang ang nagawa niyang sabihin, kahit na sa loob-loob niya, pakiramdam niya ay muli siyang iniwan sa altar.


May mga tawa, may halakhak, may mga kwentong paulit-ulit na nilang narinig pero hindi pa rin nakakasawang pakinggan. Nasa isang long table sila, magkakasama ang buong tropa, sa parehong restaurant kung saan dati nilang ipinagdiriwang ang kahit anong maliit na tagumpay nila. Dati, kapag nandito sila, madalas siyang nakasandal kay Mingyu, nakikinig lang habang ito ang nagkukwento para sa kanilang dalawa. Dati, madalas silang maghawak-kamay sa ilalim ng mesa, palihim, pero walang bahid ng pangamba.

Pero ngayon, hindi na.

Ngayon, nakaupo siya sa tabi ni Mingyu, pero parang ang layo-layo nila sa isa’t isa. Ngayon, si Mingyu na lang ang nagkukwento, pero hindi na tungkol sa kanila.

“Alam niyo,” simulang sabi ni Mingyu, kaswal habang iniikot ang baso ng alak sa kamay niya. “May naisip na akong photographer para sa kasal namin ni Yujin.”

Walang kahit sinong nagsalita agad. Pero si Wonwoo, tila biglang nanigas ang buong katawan.

Si Mingyu, nagpatuloy. “Gusto ko si Wons ang maging main photographer. Alam niyo naman kung gaano kagaling ‘to eh. He has the best eye for details. Alam niya kung paano hulihin ‘yung eksaktong moment.”

May ilang nagsang-ayon , may ilang napatingin kay Wonwoo, nag-aalalang baka hindi ito komportable.

Pero si Mingyu, hindi naghintay ng sagot. Ngumiti ito sa kanya. “Ano, Wons? Ikaw lang naman ang pinagkakatiwalaan kong kumuha ng litrato ko.”

Kinuha ni Wonwoo ang baso sa harapan niya at uminom, kahit hindi naman siya sanay sa alak. Pakiramdam niya ay may matinding pait sa lalamunan niya, pero wala iyong sinabi sa pait ng mga salitang narinig niya.

Ikaw lang naman ang pinagkakatiwalaan kong kumuha ng litrato ko.

Kung alam mo lang, Mingyu.

Kung alam mo lang kung paano mo ako tinuruan, kung paano mo ako pinilit noon na bumitbit ng camera at hulihin ang mundo sa mata ng lente. Kung alam mo lang kung paano mo ako itinulak sa pangarap kong ito—kung paano mo ako tinulak sa direksyong ito, nang hindi ko alam na isang araw, ikaw din pala ang magiging dahilan kung bakit gugustuhin kong talikuran ang lahat.

Hindi siya photographer noon. Wala siyang pakialam sa mga lente, sa mga angles, sa composition ng litrato. Mas gusto niya lang manood ng pelikula, makinig sa kwento, mamuhay sa mundong hindi siya kailangang makita ng kahit sino. Pero dumating si Mingyu.

Mingyu, na may dalang maliit na kahon noong ika-labingwalong kaarawan niya.

Mingyu, na may matamis na ngiti habang iniabot sa kanya ang isang lumang camera na binili nito mula sa ipon nito sa part-time job.

Mingyu, na noon pa lang, pinaniniwalaan na siyang may kakayahan kahit hindi pa niya ito nakikita sa sarili niya.

“Subukan mo,” sabi ni Mingyu noon, inilalagay ang strap ng camera sa leeg niya. “Baka sakaling makita mo ang mundong nakikita ko kapag kasama kita.”

“Corny mo labs! Tanginang ‘yan!”

At iyon ang simula ng lahat.

Kasama niya si Mingyu sa unang beses na kinunan niya ng litrato ang isang random na lansangan. Kasama niya si Mingyu sa unang beses na naramdaman niyang may silbi siya sa isang bagay. Kasama niya si Mingyu sa lahat ng proyekto nila, sa lahat ng pagsubok, sa bawat gabing nag-i-edit siya ng mga kuha nila, habang ang kasintahan niya noon ay nakasandal sa balikat niya, pinagmamasdan siyang parang siya ang pinakamagaling na photographer sa buong mundo.

At ngayon, heto si Mingyu. Nakaupo sa tabi niya. Sinasabi sa kanyang siya ang pinaka-pinagkakatiwalaan niyang photographer.

Pero hindi dahil mahal siya nito.

Hindi dahil gusto pa rin nitong makasama siya sa pangarap nila.

Kundi dahil wala itong alam.

Wala itong alam sa lahat ng nangyari. Wala itong alam sa hirap, sa sakit, sa puyat, sa sakripisyo. Wala itong alam sa bawat araw na nagutom sila dahil mas pinili nilang bumili ng camera lens kesa sa pagkain. Wala itong alam kung paano sila halos walang matulugan noon, dahil wala silang ipambabayad sa renta. Wala itong alam kung paano sila gumapang mula sa wala.

Wala itong alam kung paano nila ginamit ang pag-ibig nila para buuin ang mundong mayroon siya ngayon.

At ngayon, sa harap ng lahat, parang wala lang lahat ng iyon.

“Wonwoo?” tanong ni Mingyu, nang hindi ito sumagot agad.

Tumingala siya, tiningnan ang mga mata nito—ang parehong matang minahal niya noon, ang parehong matang minsang nagpakita sa kanya kung gaano kaganda ang mundo. Pero ngayon, kahit na gaano niya tinitigan, wala na siyang makita.

Parang naglaho na lang ang lahat. Kaya tumango na lang siya. Pinilit ngumiti.

“Sige,” sagot niya, at wala ni isa sa kanila ang nakapansin kung paano nanginig ang boses niya. “Ako na ang bahala.”

Hindi niya matandaan kung paano natapos ang gabing iyon. Hindi niya maalala kung paano siya nakauwi, kung paano siya nakalabas ng restaurant na hindi nabasag sa harap ng lahat. Pero heto siya ngayon, nakatayo sa harap ng studio niya, ang sariling tahanan na ngayon ay narurumihan ng isang panibagong katotohanang hindi niya gustong tanggapin.

Tahimik ang buong studio pagdating ni Wonwoo. Ang tanging ingay lang ay ang mahinang tunog ng aircon at ang marahang pag-click ng lock ng pinto nang isara niya ito.

Naiwan niya ang lahat ng ingay sa restaurant. Naiwan niya roon ang malalakas na tawa ng tropa, ang masayang kwentuhan, ang matamis na boses ni Mingyu habang kinukwento kung paano siya niligawan ng fiancée niya. Naiwan niya roon ang sakit, ang bigat sa dibdib, ang panunuyo ng lalamunan niya habang pilit niyang pinanood ang lalaking minahal niya ng buong buhay niya na wala nang alam sa kanilang dalawa.

Hinubad niya ang coat, kinalas ang butones ng polo sa may leeg para makakuha ng kaunting hangin. Pero kahit gaano niya subukang huminga nang malalim, parang may bumabara pa rin sa loob niya.

Mingyu wants me to be his wedding photographer. Ako raw ang may pinakamagandang mata sa paghuli ng tamang moments.

Napatawa si Wonwoo—mahina, walang laman. Hindi niya alam kung matatawa siya sa irony o kung gugustuhin na lang niyang matahimik habambuhay.

He trained me for this. Mingyu was the reason I even picked up a camera in the first place.

At sa isang iglap, parang wala lang.

Wala lang ‘yung mga gabing pinupuyat nila kakahanap ng magandang concept para sa dream photoshoot nilang dalawa. Wala lang ‘yung pagtakbo nila sa ulan, bitbit ang camera, habang natatawa si Mingyu kasi sinadya niyang sirain ang unang roll ng film na binili ni Wonwoo. Wala lang ‘yung mga munting away nila kung sino ang mas magaling sa angle, sino ang mas may artistic eye, sino ang mas magaling kumuha ng candid shots.

Wala na lang lahat.

At ngayon, gusto niyang mag-shoot ng kasal ni Mingyu.

Pinunasan ni Wonwoo ang mata niya kahit wala namang luhang tumutulo. Parang wala na siyang mailabas. Parang hindi na niya kayang umiyak, kasi ilang beses na niyang ginawa iyon.

Hindi niya alam kung paano napunta ang mga paa niya sa sulok ng studio—sa isang luma at nakakandadong cabinet na hindi niya naaalalang binubuksan kahit kailan. Nakapikit siyang saglit, bago niya inilabas ang maliit na susi mula sa isang drawer. Matagal na mula noong huli niyang hinawakan ito. Pero hindi kailanman niya nagawang itapon.

Dahan-dahan niyang binuksan ang cabinet.

At heto sila.

Nakasilid sa isang lumang kahon, nakabalot sa telang halos tinangay na ng alikabok, ang mga larawang walang ibang nakakita kundi siya.

Mga larawang para lang sana sa kanila.

Nanginginig ang mga daliri niya nang ilabas niya ang mga ito. Mga prenup shots nila—hindi opisyal, hindi planado. Kinuha lang nila sa isang random na weekend, nang walang ibang kasama, nang wala silang ibang inisip kundi ang pag-ibig nila sa isa’t isa.

Mingyu, suot ang isang puting polo, nakaupo sa damuhan habang nakangiti kay Wonwoo, para bang siya lang ang taong mahalaga sa mundo nito.

Mingyu, hinahawakan ang kamay niya, inilalapit sa labi nito, habang walang ibang tao sa paligid kundi sila lang.

Mingyu, nakasandal sa balikat niya, may suot na engagement ring—hindi mamahalin, hindi engrande, pero kanila.

Mingyu, minamahal siya sa bawat tingin, sa bawat hawak, sa bawat halik na hindi na niya kailanman mararamdaman muli.

Parang hiniwa ang puso niya sa gitna habang tinitingnan niya ang mga ito.

Dahil ngayon, wala nang ibang nakakaalala.

Siya na lang ang natira sa mga alaala nilang dalawa. Siya na lang ang nakakakita. Siya na lang ang nakakaalala.

At wala nang mas masakit pa roon.

“Wonwoo?”

Mingyu.

Series this work belongs to: