Actions

Work Header

Rating:
Archive Warning:
Category:
Fandom:
Relationship:
Characters:
Additional Tags:
Language:
Filipino
Series:
Part 2 of bawat piyesa.
Stats:
Published:
2025-03-30
Words:
7,698
Chapters:
1/1
Comments:
10
Kudos:
57
Bookmarks:
8
Hits:
1,147

bawat piyesang nawa'y mapasaakin habang buhay

Summary:

"Wonwoo."

"Wonwoo, sandali."

"Please."

Pero unti-unti ring huminto ang mundo niya nang maglakad na ito ulit paalis. Iniwan siyang nakatayo pa rin doon, naguguluhan, hindi mapakali.

 

At saka niya naramdaman. Yung bigat sa dibdib niya. Yung sakit sa lalamunan na parang gusto niyang humagulgol pero wala naman siyang dahilan para umiyak. Parang may nawawala. Parang may nawala. Parang may dapat siyang alalahanin, pero hindi niya maalala.

 

o kung saan, hindi man maalala ng isip ni mingyu kung sino si wonwoo, pero alam ng bawat sulok ng puso at pagkatao niya kung sino ito.

Notes:

patawarin nyo sana ako part 2. also, part 2 is mingyu's pov, but written on third person.

please sigaw on twitter or sa zaqa hehe

also for this fic's playlist!! bumubuo sa'yo pakinggan nyo while reading please, i think mas masakit sya ganun!!

part 1 is here: ang bawat piyesa na bumubuo sa'yo

please enjoy :)

Work Text:

Sa loob ng Jollibee, masaya ang lahat. Tawanan, palakpakan, at kantahan para sa kaarawan ni Dino. Hindi ito isang simpleng selebrasyon lang—ito’y isang sorpresa, isang regalo mula sa kanilang magkakaibigan. Nakakatawang isipin na kahit trenta ka na ay pwede ka pa ring mag-celebrate ng birthday sa Jollibee—pero mas nakakataba ng puso na kaya nandito sila dahil marami silang ala-ala sa Jollibee noon.

Habang abala ang lahat sa pagkuha ng pictures at pagkain ng spaghetti, may nagmungkahi ng larong—“People You May Know.” na nauuso sa Tiktok nitong mga nakaraan.

“Sige, sige! Simulan na natin!” sigaw ng isa.

Isa-isang tinawag ang pangalan, binibigyan ng kung anong kwento o punchline. Tawanan, asaran, kulitan. Hanggang sa dumating ang pangalan ni Wonwoo.

Napangiti si Mingyu, hinihintay ang sagot ng kaibigan. Pero nang marinig niya ang sinabi nito, biglang nagbago ang ihip ng hangin.

“Anong 'People You May Know'? E, iniwan ako sa altar niyan.”

“Grabe naman Won! Paano naman may tatalo dyan?!” natatawang sagot si Jeonghan, “Utas na yan. Tinalo pa kaming lahat! Sige nga at tapatan niyo yan!”

Natahimik ang ilan, pero agad ding bumalik ang ingay ng tawanan at kantiyawan. Para bang biro lang iyon. Para bang wala lang. Pero sa loob ni Mingyu, may kung anong kumirot. Nakangiti siya, pero hindi niya maiwasang ulitin sa utak niya ang sinabi ni Wonwoo. Iniwan sa altar? Sinong iniwan? Sinong gumawa nun? At bakit parang kilala niya ang taong tinutukoy nito?

“Laro lang naman! Paano ba yan? Sa’kin na ba ang prize?” natatawang sagot nito sa mga kaibigan.

Nagtagpo ang mga mata nila ni Wonwoo, saglit lang, pero sapat para makaramdam siya ng bigat sa dibdib niya. Parang may kung anong bumara sa lalamunan niya.

Kaya hindi siya nakatiis.

“Wait… who left Wons at the altar?” tanong niya.

Bigla na lamang napatigil ang lahat kaya’s sa isip ni MIngyu, parang mali pa yatang nagtanong siya. Saglit siyang tiningnan ni Wonwoo, pero ngumiti lang ito nang pilit. “Ex ko,” kaswal na sagot nito.

Mas lalong napakunot ng noo si Mingyu. Naramdaman din niyang hinigpitan ni Yujin ang hawak nito sa kamay niya at ang kaunting pagpisil, na tila ba sinasabing kanina pa nakakunot ang noo niya at kailangan niyang tumigil na kakaisip.

“I didn't know you had an ex, Wons… or was it because of my memory again?” natawa siya. Palagi na lang nagiging dahilan na nagkaron sya ng amnesia para sa mga bagay bagay na hindi niya alam na nangyari.

Would you even blame Mingyu for not remembering a thing when he had a very impactuful crash a few years ago, resulting to him not remembering anything?

Hindi agad nagsalita ni Wonwoo, at parang may kung anong pumipiga sa puso ni Mingyu. Ito na naman siya sa hindi niya maipaliwanag na pakiramdam—na parang gusto niya, palagi siyang kinakausap ni Wonwoo o palagi siya dapat may sagot sa mga tanong nito.

Umupo ito sa harap niya at umiling, “We don't talk about him, Gyu. He's part of the past that I don't want to remember.” sagot na lang nito bago ibaling ang atensyon kay Nabi na tumakbo papunta sa kanya para kuhain ang hawak nyang pencil case na may mukha ni Jollibee.

Hindi na sumagot si Mingyu.

Sa isip niya, palaging sobrang sarado ng mga sagot sa kanya ni Wonwoo, na parang ang hirap hirap pumasok sa buhay nito kahit alam niyang matagal na silang magkaibigan. Nagtataka pa siya dahil Seungkwan used to tell him that Wonwoo was his closest friend– best friend nya pa nga raw, pero bakit parang hindi naman? Hindi nya maramdaman dahil sobrang ilap at layo ni Wonwoo sa kanya. 

“Are you okay?” napabalik sa reyalidad si Mingyu nang marinig ang nag-aalalang boses ng kanyang nobya. Humarap ito kay Yujin at hinalikan ang likod ng kamay nitong kanina pa nya hawak. “Ayos lang. I just feel awful that I don’t remember what happened.” sagot nito.

Binigyan naman siya ng matamis na ngiti ng nobya, “It’s not your fault, hm? Maybe in the near future, he’ll open up again and tell you what happened. After all, you are his best friend, diba?”

Dadating kaya sa araw na ‘yun? Tanong ni Mingyu sa sarili. Ang hirap lang kasi, hindi siya sigurado kung dadating ba talaga ang araw na ‘yun o hindi na.

“Right? I think I know who, but with what happened and maybe because of how painful it was, ayaw niya pang pag-usapan.” sagot niya na lang kay Yujin. Dadagdagan pa niya sana ang sasabihin niya nang makita niyang tumayo si Wonwoo at tila mo ay nagmamadaling lumabas ng venue.

“Josh.” tawag nito sa kaibigan. Nilingon siya nito at nginitian, “Yosi break lang daw, Gyu. Pagod yata eh.” malambing na sagot nito.

Gusto niyang maniwala na yosi break lang, pero may kung anong bigat sa pakiramdam ni Mingyu. Parang isang bagay na hindi ma-address ng lahat at sila lang ni Wonwoo ang dapat mag-usap. Hindi niya alam kung ano.

Putangina.

Ito na naman siya. Ayaw niya talaga yung nangangapa siya kahit alam niyang maraming taong may alam kung anong nangyayari sa paligid niya. Alam niyang may alam silang lahat, ayaw lang nialng mangialam dahil ayaw ni Wonwoo sa ganoon. Pero paano naman siya? Gusto niyang makilalang muli si Wonwoo. Gusto niyang pumasok muli sa buhay nito at maging magkaibigan sila.

Wala sa sariling tumayo siya, kaya’t napatingin sa kanya ang ibang mga kaibigan. Napatingin naman ito kay Yujin na parang nagulat din sa ginawa niya, kung kaya’t hinalikan niya ang tuktok ng ulo nito at nagpaalam na lalabas lang siya sandali para magpahangin. Hindi niya alam kung ilang minuto ang lumipas bago siya sumunod sa labas. At nang makita niya si Wonwoo, natigilan siya.

“Wonwoo?”

Hindi niya maalala kung kailan pa ito natutong manigarilyo.

Nakatayo ito sa gilid, nakasandal sa pader, isang kamay nasa bulsa at ang isa’y may hawak na sigarilyo. Napansin niyang napatigil saglit si Wonwoo bago ibuga ang usok at tumingala. Umiiyak ba siya?

“Kailangan mo ng kasama?” tanong nito. Nanginginig pa ang boses at may kung anong maliit na tinig sa isip niya na sumisigaw na dito ka lang, huwag kang aalis! 

Nilingon siya ni Wonwoo. Unti-unti, parang huminto ang paligid. Hindi yung tipo ng slowmo na pakiramdam mo inlove ka na, pero yung slowmo na parang may kung anong tumutusok sa puso mo na hindi mo maintindihan. Yung tipong gusto mo na lang lumuhod at humingi ng kapatawaran kahit hindi mo alam kung bakit.

“Hindi mo na kailangan, Mingyu.”

Hindi mo na kailangan.

Muli siyang napako sa kinatatayuan niya. Hindi niya maintindihan kung bakit, pero may bumabagabag sa kanya. Para bang dapat may maalala siya. Para bang may kulang. May hindi tama. Sobrang dami ng emosyon na nararamdaman ni Mingyu. Hindi niya alam kung paano ipoproseso ang lahat dahil parang sabay-sabay nitong gustong sumabog.

“Sigurado ka ba?” Naputol ang boses niya, bahagyang nag-alinlangan. Hindi niya alam kung ano ang dapat niyang sabihin, kung ano ang dapat niyang ipaglaban, pero alam niyang may dapat.

Gusto niya sanang sabihin na, “Ayaw kitang iwan.” Gusto niya sanang itanong kung bakit parang may malalim na sugat sa pagitan nila na kahit anong gawin niya ay hindi nya maalala kung kailan at paano nagkaroon. Gusto niya sanang maintindihan kung bakit parang ang bigat-bigat ng bawat hakbang niya palayo kay Wonwoo.

Ngunit bago pa siya makapagsalita muli, humakbang si Wonwoo palapit. Hindi para lapitan siya—pero para lumagpas. Para dumaan sa tabi niya na parang wala lang, na parang hindi siya mahalaga , at hindi niya maintindihan kung bakit parang tinanggal nito ang isang bagay sa loob niya na hindi niya alam na nandoon.

Napakurap siya. Nanginginig ang dibdib niya, at hindi niya alam kung dahil ba sa ginaw ng hangin o dahil sa malamig na titig ni Wonwoo kanina.

Pinilit niyang huminga nang malalim.

Bakit parang may isang parte sa kanya ang desperadong humawak sa braso nito? Bakit parang gusto niyang magmakaawa? Bakit parang may kung anong napupunit sa loob niya, isang bagay na hindi niya alam kung paano tatahiin?

“Wonwoo…”

Narinig niya ang sariling tinig, bahagyang basag, bahagyang hindi niya na makilala.

“Hindi mo naman ‘to dating bisyo.”

Ang boses na lumabas sa bibig niya ay hindi niya inisip, pero nang marinig niya ito, para bang may kung anong lumubog sa dibdib niya—mabigat, malamig, hindi niya maintindihan.

At lalo lang lumala ang pakiramdam nang unti-unting lumingon si Wonwoo.

Parang ilang beses niya nang napanood ang eksenang ito sa isang panaginip na hindi niya maalala. Parang ilang beses na siyang nakatayo sa harapan nito, nakatitig, naghihintay, umaasang may maririnig siyang sagot na kayang ipaliwanag kung bakit parang may bahagi ng sarili niya ang nawawala.

Pero wala.

Nanatiling tahimik si Wonwoo, pero sa paraan ng pagtitig nito, sa bahagyang pag-aalangan sa mga mata nito bago tuluyang humarap sa kanya, alam niyang mali ang lahat. Alam niyang may hindi tama.

Bakit ganon? Bakit parang ang layo-layo nila kahit nasa harap lang niya ito?

Naglakad siyang palapit, pero kahit anong distansyang mabawi niya, parang hindi niya kayang abutin si Wonwoo. Parang may nakaharang sa pagitan nila—isang harang na hindi niya makita, hindi niya maalala kung paano nabuo.

“Wonwoo… okay ka lang ba?”

Mali. Mali ang tanong. Mali ang lahat.

Alam niya na hindi ito okay. Kahit hindi niya maalala kung paano niya nalaman, kahit hindi niya alam kung saan nanggagaling ang bigat sa dibdib niya sa tuwing tinitingnan ito, alam niyang mali. At nang makita niyang napangiti si Wonwoo—isang ngiting walang sigla, isang ngiting hindi niya gusto—doon niya naramdaman ang unang punit sa loob niya.

“Bakit hindi ako magiging okay?”

Napasinghap siya nang bahagya. Alam niyang hindi niya dapat hayaang matapos ang usapan dito. Alam niyang may dapat pa siyang itanong, may dapat pa siyang sabihin. Pero hindi niya alam kung ano. Hindi niya alam kung ano ang hinahanap niya sa mga mata ni Wonwoo. Hindi niya alam kung bakit kahit anong pilit niyang iproseso ang lahat, wala siyang makuha.

Pero isang bagay ang sigurado siya—ayaw niyang matapos ang usapang ito nang hindi niya maintindihan kung bakit ang sakit-sakit tingnan si Wonwoo nang ganito.

“Seryoso ako.”

Dahil hindi siya mapapakali hangga’t hindi niya nalalaman kung ano ang kulang.

“Eh ‘di ako rin.”

At doon, tuluyan nang lumubog ang sikmura niya.

Walang nagbago sa tono ni Wonwoo—walang galit, walang pang-iinsulto, walang pasaring. Pero bakit parang may natapos? Bakit parang may isinara? At bakit parang siya lang ang hindi nakakaalam kung ano iyon?

Napabuntong-hininga siya, pilit na kinakalma ang sarili, pilit na iniintindi ang nararamdaman niya kahit hindi niya ito maintindihan.

Pero hindi siya makaalis. Hindi siya makatingin ng diretso, pero hindi niya rin kayang iwasan si Wonwoo. At sa unang pagkakataon, natakot siya. Dahil kung ang sakit na ito—ang bigat na ito—ay dala ng isang bagay na hindi niya maalala… Ano pa kaya ang hindi niya alam?

At mas matinding takot ang dumaan sa katawan niya nang mapagtantong baka huli na ang lahat bago pa niya malaman ang sagot.

“Sandali.”

Napatigil siya nang maramdaman ang malamig na balat ni Wonwoo sa ilalim ng kanyang palad. Hindi niya alam kung bakit niya ito hinawakan. Hindi niya rin alam kung bakit parang ang bigat-bigat sa dibdib niya nang marahang binawi nito ang braso niya, na para bang kahit sa pinaka-simpleng paghawak ay hindi na siya pwedeng lumapit.

“Bakit ka pa nandito?”

Mahina lang ang tanong nito, pero hindi niya alam kung bakit para iyong patalim na dumaan sa balat niya. Para bang hindi lang siya tinatanong—para bang pinapaalalahanan siyang hindi siya dapat narito. Pero… bakit hindi?

“Nag-aalala lang ako.” Napangiti si Wonwoo. Hindi ito totoong ngiti. Hindi ito isang bagay na dapat niyang makita. At nang makita niyang napailing ito bago tuluyang ibinaba ang tingin, may kung anong unti-unting gumuhit na panlalamig sa katawan niya, isang uri ng takot na hindi niya mabigyan ng pangalan.

“Hindi mo na kailangang mag-alala, Mingyu.”

Parang isang hatol. Isang pangungusap na puno ng pagpapatigil, ng pagsuko. At dapat, tama ito. Dapat, wala na.

Naglakad si Wonwoo palayo. At sa bawat hakbang nito, may bahagi ng sarili niyang tuluyang nawawala.

Napakuyom siya ng kamao. Nagsisimulang lumamig ang paligid, o baka siya lang ang lumalamig. Hindi niya alam. Hindi niya maintindihan. At bago pa niya mapigilan ang sarili, lumabas ang mga salitang matagal nang gustong kumawala sa dibdib niya—

“Hindi ko maintindihan.”

Napahinto si Wonwoo. Hindi lumingon, hindi gumalaw. At doon siya mas lalong kinain ng pagkabahala.

“Bakit ang ilap mo sa’kin?” Bakit parang hindi kita kayang abutin? Bakit parang kahit anong gawin ko, mas lalo kang lumalayo? Bakit parang may isang buong mundo sa pagitan natin—at ako lang ang hindi nakakaalala kung paano ko ito tatawirin?

Tumigil si Wonwoo. Hindi ito lumingon. Pero naramdaman ni Mingyu ang bahagyang pagdadalawang-isip nito, ang pagpigil ng paghinga, ang pagpikit ng mga mata kahit hindi niya ito nakikita.

Pakiusap...

Hindi niya alam kung bakit siya nagmamakaawa. Hindi niya alam kung anong hinahabol niya.

Hindi rin niya alam kung naghihintay ba siyang may sabihin ito, o kung siya na mismo ang magsasalita. Pero anong sasabihin niya kung hindi naman niya alam kung ano ba talaga ang nangyayari? Bakit parang may hinahabol siyang sagot sa hindi niya maintindihan na tanong?

Iilan lang ang sigurado siya. Alam lang niya na kapag tuluyan nang humakbang palayo si Wonwoo—kung hindi na ito lumingon kahit kailan—may isang bagay sa loob niya ang hindi na mabubuo kailanman. At hindi niya alam kung paano mabubuhay nang may ganitong kawalan.

“Wonwoo.”

Hindi niya na napigilan ang sarili niya. Lumakas ang hakbang niya, parang kahit isang segundo lang na patagalin ang pagitan nila ay may isang bagay na tuluyan nang mawawala sa kanya.

“Wonwoo, sandali.”

Hindi siya lumilingon, hindi siya humihinto.

At hindi niya alam kung bakit parang mas lumalakas ang tibok ng puso niya sa bawat hakbang na inilalapit niya.

Huwag kang umalis.

Hindi niya alam kung saan nanggagaling ang desperasyon. Hindi niya alam kung bakit ganito ang nararamdaman niya. Pero alam niyang hindi niya kaya kung hindi siya pipigilan.

“Please.”

At doon, tumigil si Wonwoo.

Pero unti-unti ring huminto ang mundo niya nang maglakad na ito ulit paalis. Iniwan siyang nakatayo pa rin doon, naguguluhan, hindi mapakali.

At saka niya naramdaman. Yung bigat sa dibdib niya. Yung sakit sa lalamunan na parang gusto niyang humagulgol pero wala naman siyang dahilan para umiyak. Parang may nawawala. Parang may nawala. Parang may dapat siyang alalahanin, pero hindi niya maalala.

Para siyang binato sa pwesto niya. Hindi makagalaw, hindi makapagsalita. Ang ingay sa loob ng Jollibee ay parang isang malayong echo lang. Ang paligid ay parang lumabo. At ang natitira lang ay ang hindi niya maipaliwanag na sakit na bumabalot sa kanya.


“Mingyu, ano bang problema mo?”

Napakabilis ng hakbang ni Yujin papalapit sa kanya, at bago pa siya makaiwas, mahigpit na hinawakan nito ang braso niya. Napakurap siya, parang noon lang ulit siya bumalik sa realidad.

Kanina lang, nakatayo siya roon sa tabi ng bintana ng condo nila, nakatingin sa mga ilaw ng lungsod. Pero sa totoo lang, hindi niya talaga nakikita ang kahit ano.

Ang gulo ng utak niya. Ang gulo ng lahat .

“Wala.” Mahina ang boses niya, halos bulong.

Pero agad na pinutol iyon ni Yujin. “Huwag mong sabihing wala. One week ka nang ganito, Mingyu. One week na parang hindi mo ako nakikita!”

Napapikit siya, napailing. “Hindi ko sinasadyang—”

“Oh, so hindi mo sinasadya?” Tumawa ito nang mapakla. “Hindi mo sinasadyang hindi ako kausapin? Hindi mo sinasadyang hindi ako tignan sa mata? Hindi mo sinasadya na tuwing kakain tayo, parang wala ka sa sarili mo?”

Hindi siya sumagot.

Dahil paano niya ipapaliwanag ang isang bagay na hindi rin niya maintindihan?

Isang linggo na. Isang linggo nang may bumabagabag sa kanya. Isang linggo nang may mga larawang bigla na lang sumisiksik sa utak niya—malalabo, mahirap hulihin, parang usok na kapag sinubukan niyang hawakan ay bigla na lang mawawala.

Parang panaginip.

Nakikita niya ang sarili niya sa isang maliit at masikip na kwarto, may lumang bentilador na umiikot nang mahina sa kisame. May kurtinang kupas at nakasabit sa bintana, hindi sapat para pigilan ang sikat ng araw na dumaan sa pagitan ng tela. Mainit. Kulob. Pero hindi niya alintana.

May kasama siya roon. Hindi niya alam kung sino, pero naroon ito.

Naaamoy niya ang sinaunang pabango na nahalo sa amoy ng mantika at lutong pagkain. Naaalala niya ang tunog ng gas stove, ang paraan ng paghahalo niya ng sinangag gamit ang kahoy na sandok, ang pakiramdam ng mainit na kanin sa palad niya habang bumubuo ng rice balls na pinauso niya.

May tumatawa sa tabi niya. Hindi niya nakikita ang mukha, pero ramdam niya ang tinig nito—malambing, kahit pagod. Boses ng isang taong sanay nang bitbitin ang mundo sa balikat.

Minsan, may sumisilip na alaala ng isang gabi—maliit na mesa, barya-barya sa ibabaw, isang notbuk na puno ng sulat-kamay. May nagbibilang ng pera. May nag-aalala kung paano pagkakasyahin ang kita para sa isang linggo. At kapag hindi na talaga kaya, may isang bisig na yayakap sa kanya mula sa likod.

“Tahan na,” may pabulong na boses na nagsasabi. At bigla na lang, isang malamig na tinig sa isip niya ang kakanta ng: "How can I tell you about my loved one?"

At palagi, doon siya nagigising. Humihingal. Pawis na pawis. May kung anong kirot sa puso na hindi niya maipaliwanag.

Pero hindi naman totoo, ‘diba? Panaginip lang. Isang panaginip na paulit-ulit siyang tinatakas.

“Mingyu.” Mas mahina ang boses ni Yujin ngayon. Mas mabigat. “Sabihin mo sa’kin.”

Napatingin siya rito. At sa unang pagkakataon, nagsalita siya.

“May… may mga bagay akong naaalala.”

Nanikip ang dibdib niya habang sinasabi iyon. Halos hindi niya masabi nang buo. Halos hindi niya kayang bigkasin, dahil sa sandaling lumabas iyon sa bibig niya, mas lalong magiging totoo.

Napakunot ng noo si Yujin. “Ano’ng ibig mong sabihin?”

Napalunok siya. “May… may mga alaala ako, pero hindi ko alam kung akin ba talaga.”

“H-huh?”

“Hindi ko alam kung paano ipapaliwanag.” Napailing siya. “Pero may bumabagabag sa akin, Yujin. May mga bagay na parang… hindi ko maalala nang buo, pero ramdam ko. Parang may kulang.”

Hindi niya napansin ang unti-unting pamumuo ng luha sa mga mata ni Yujin.

“May kulang?” Mahinang ulit nito, pero ramdam ang panginginig ng boses.

At doon niya lang na-realize kung ano ang sinabi niya.

Napatingin siya kay Yujin, na ngayon ay nakatitig sa kanya, puno ng sakit at galit ang mata.

“May kulang?” ulit nito, pero mas malakas. “Ako ‘yung kulang, Mingyu?”

Nanlaki ang mata niya. “Hindi ‘yon ang ibig kong sabihin—”

“Then what do you mean?”

“I just—” Napahawak siya sa sentido niya, pilit inaalis ang sakit ng ulo niya. “Putangina, Yujin, hindi ko alam, okay?”

Tumawa ito nang mapakla. “Hindi mo alam?”

“Hindi ko alam kung bakit ganito ako! Hindi ko alam kung bakit parang may bumabagabag sa’kin na hindi ko naman dapat iniisip!”

Pero hindi siya pinakinggan ni Yujin. Kasi mas nauna na itong bumitaw sa kanya. Mas nauna na itong umiwas.

“Ikaw lang naman ‘yung kasama ko, ‘di ba?” Mahina ang boses nito. “Ako lang naman ang kasama mo sa lahat. So, bakit parang may ibang pumapasok sa isip mo?”

Napakurap siya. At sa isang iglap, bumalik na naman ang isa pang malabo, malayong alaala.

Tuwing umaga, may tunog ng plastik na binubuksan, ng mga kahon na inayos, ng mainit na kanin at ulam na nakasalansan sa maliit na mesa. Amoy mantika, bawang, at nilagang itlog ang kwarto—isang pangkaraniwang umaga na minsan ay pinandidirihan ng iba, pero para sa kanila, iyon ang amoy ng pangarap.

Si Mingyu ang nagluluto. Hindi siya marunong noon, pero natuto siya. Kailangan niyang matuto. Kailangan nilang mabuhay.

Matatapos ang umaga sa pagbibilang ng panindang ulam sa plastic containers, sa pag-aayos ng mga bayong na puno ng styrofoam, sa pagmamadaling umalis bago mag-alas sais ng umaga.

Hindi nila ininda ang pagod. Hindi nila ininda ang gutom. Dahil magkasama sila.

At tuwing gabi, pagkatapos ng isang araw na puno ng pagtatrabaho, pag-aaral, at pagbebenta, babalik sila sa kwartong iyon. Sa maliit na dorm na hindi kasya ang pangarap nila.

Mauupo sila sa sahig, ilalapag ang kita sa mesa—barya-barya, papel na lukot-lukot—at doon sila magsisimula. Piso para sa bigas. Lima para sa ulam. Dalawampu para sa renta. Tatlong piso para sa pamasahe bukas. Singkwenta para sa utang sa tindahan.

At kung may matira, ipapambili ng isang maliit na tinapay para pagsaluhan nilang dalawa bago matulog.

Minsan, hindi na lang nila iniisip kung paano tatagal kinabukasan. Pero sa mga gabing iyon, sa mga gabing parang wala nang pag-asa, may isang bagay na palaging inuulit-ulit ni Mingyu. Kapag humihikbi si Wonwoo dahil sa pagod, kapag natutunaw na ang natitirang lakas nito sa pangamba kung paano sila mabubuhay, tatawa lang siya nang mahina, at kakantahan ito: "How can I tell you about my loved one?"

At kahit pagod, kahit malapit nang sumuko, kahit pinanghihinaan na ng loob—sa bawat haplos ng tinig ni Mingyu, may pahapyaw na katiyakang kaya pa nila ‘to. Kaya pa.

Wonwoo? Bakit si Wonwoo ang naisip niya?

Napasinghap siya.

“See?” Mahinang tawa ni Yujin. “Hindi mo man sabihin, pero kitang kita sa’yo.”

Muli siyang napatingin dito, at doon niya lang napansin na tumutulo na ang luha nito.

“You’ve found someone else.”

Nanlaki ang mata niya. “Ano?”

“May iba kang mahal.”

Napaatras siya. Hindi. Hindi iyon totoo. Mahal niya si Yujin. Mahal niya ito.

Pero bakit parang hindi niya kayang kontrahin ang sinasabi nito? Bakit parang ang sakit-sakit sa loob niya? Bakit parang sa halip na sabihin niyang “Wala akong ibang mahal,” ang lumabas sa bibig niya ay—

“Gusto kong huminga.”

Tahimik lang si Yujin. Hindi ito kumibo, hindi ito kumurap. Hanggang sa marinig niya ang pinaka-masakit na sagot mula rito.

“Then go.”

At sa unang pagkakataon, wala siyang ginawa kundi sundin iyon.


Pagpasok ni Mingyu sa photography studio ni Wonwoo, may kung anong kumirot sa loob niya. Hindi niya alam kung bakit, pero pakiramdam niya ay hindi ito ang unang beses niyang nakatungtong sa lugar na ito. Parang pamilyar sa kanya ang bawat sulok—ang pagkakaayos ng mga camera sa istante, ang amoy ng lumang pelikula, ang tunog ng shutter na paminsan-minsan ay pumupuno sa katahimikan.

“Wow,” panimula nito. Pilit na ikinukubli ang pakiramdam na pamilyar siya sa lugar na ito, “Sa’yo ‘to?”

Nang hindi sumagot si Wonwoo ay naglakad lamang siya ulit, pinapakiramdaman ang mga bagay bagay. “Matagal mo nang gustong gawin ‘to, ‘diba?” tanong niya, na hindi niya rin alam kung bakit nasabi niya.

Isa lang ang nararamdaman niya. Bakit parang alam niya kung saan nakalagay ang switch ng ilaw? Bakit hindi siya nagulat sa layout ng studio? May isang bahagi sa kanya na nagsasabing kabisado niya ito—na minsan, tinawag niya itong sarili niyang tahanan.

Huminga siya nang malalim at ipinikit ang mga mata. May pilit na bumabalik sa kanyang isipan—mga malalabo, malalayong anino ng isang nakaraan na hindi niya maalala. May tunog ng tawa, may liwanag ng araw na pumapasok mula sa malalaking bintana. May isang imahe ng sarili niyang mga kamay, hawak ang isang lumang camera, habang may isang pamilyar na boses na tumatawa sa tabi niya.

Pero wala. Wala siyang mahawakan. Parang buhangin sa pagitan ng kanyang mga daliri, kusang lumalagaslas palayo ang alaalang hindi niya matukoy.

Napatingin siya sa isang lumang sofa sa gilid ng studio. Hindi niya alam kung bakit, pero parang may bumigat sa dibdib niya. May halong init at lamig sa loob niya—isang hindi maipaliwanag na pagkasabik na may kasamang pangungulila.

Bakit parang gusto niyang umupo roon? Bakit parang may kulang sa kanya sa lugar na ito?

"Pangarap mo ‘to," halos pabulong na sabi ni Mingyu, may halong pagkamangha. "Pero… hindi ko alam kung paano mo ‘to nagawa."

Parang may bumagsak na pabigat sa dibdib niya. Isang bagay na hindi niya maintindihan, hindi niya maipaliwanag.

Sa harapan niya, si Wonwoo—ang matalik niyang kaibigan pero parang isang estrangherong hindi dapat niya kilala pero alam niyang kabisado na ng puso niya. Hindi siya nagsalita, hindi rin ngumiti si Wonwoo. At sa unang pagkakataon, pakiramdam ni Mingyu, siya ang pinakahibang na tao sa mundo.

Dahil bakit ang sakit? Bakit parang may nawawala? Bakit pakiramdam niya dapat niyang hawakan si Wonwoo, pilitin itong magpaliwanag, pilitin ang sarili niyang maalala?

Pero hindi niya magawa. Dahil wala naman siyang alaalang babalikan.

Napatitig siya sa mga papel na hawak ni Wonwoo—mga printout, proposal, sketches. Maganda. Perfect, actually. Bumalik ang tingin niya kay Wonwoo at pinagmasdan ito. Ang mahigpit nitong hawak sa papel, ang bahagyang pag-igting ng panga nito, ang paraan ng pag-iwas nito sa mga mata niya.

At saka lang niya napansin.

Hindi lang ito tungkol sa pangarap. Hindi ito basta pangarap na sinulat lang sa papel. Hindi ito isang bagay na hinihintay lang nilang mangyari. Alam niya iyon. May kung anong mas malalim na emosyon ang nakatago sa pagitan ng mga salita nila. Isang emosyong hindi niya maintindihan.

Hindi niya alam kung paano at bakit , pero alam niya.

Napapikit si Mingyu. Ang ulo niya, parang sasabog. Sa ilalim ng mga ingay sa paligid, may naririnig siyang isang bagay. Isang boses. Isang alaala.

“Bakit hindi mo subukan? Hindi ba pangarap mo ‘to?”, “Hindi natin afford ‘yan, Gyu.”, “Hindi natin afford ang kahit ano, Wons. Pero hindi ibig sabihin titigil tayo.”

Nagpantig ang tenga niya. Napasinghap siya, para bang kinapos ng hininga.

At bigla, bumaha sa utak niya ang mga hindi niya dapat naaalala.

Mga gabing hindi natutulog, bumabagsak ang katawan sa sobrang pagod pero pipilitin pa ring mag-edit. Mga hatinggabing kakagising lang mula sa puyat pero pupunta na sa photoshoot. Mga brand na tinanggihan sila. Mga kliyenteng hindi sumipot. Mga proyekto nilang pinaghirapan pero hindi nabayaran.

Ang bawat perang hinawakan nila—hindi para sa sarili, hindi para sa kahit ano—kundi para sa pangarap ni Wonwoo .

Para sa pangarap nilang dalawa. Pero hindi niya alam kung totoo. Panaginip ba ito? Guni-guni? O may isang buong buhay siyang nawala?

Bumalik siya sa kasalukuyan at nakita ang mga mata ni Wonwoo, malamig pero may kung anong lungkot na hindi maitago.

“Oo,” mahina ngunit matatag na sagot ni Wonwoo. “Pangarap ko ‘to.”

Natahimik si Mingyu. Hindi niya sinabing pangarap natin. Baka nga guni-guni niya lang.

At doon bumagsak ang buong mundo ni Mingyu. Parang nasasaktan siyang isipin na pangarap lang iyon ni Wonwoo, at gawa gawa lang ng utak niya ang lahat. Pero may isang nakakapagtakang sakit na hindi niya maipaliwanag dahil kahit hindi niya maalala, alam niyang may nawala. At alam niyang huli na ang lahat.


Tahimik si Wonwoo. Mas tahimik kaysa sa dati.

Nasa harapan nila ang hapunan, pero hindi pa rin ito ginagalaw ni Wonwoo. Hindi rin ito tumitingin sa kanya. Kung tutuusin, simula pa lang ng gabing ito, ramdam na ni Mingyu ang distansiya—isang distansiyang hindi niya maintindihan.

Pero hindi niya agad pinag-isipan. Dahil ang totoo, siya man ay balisa rin. Hindi dahil kay Wonwoo.

Kung hindi dahil sa bumabagabag sa kanya nitong mga huling linggo—mga panaginip, mga guniguni, o kung anumang malalabong imahe na pilit sumusulpot sa isipan niya.

At ngayon, habang kaharap si Wonwoo, habang tinatangka niyang punan ang katahimikan ng kung anumang kuwentong kaya niyang ibahagi, mas lalo lang siyang naliligaw.

“Alam mo ba,” simula niya, pilit binabasag ang katahimikan, “tuwang-tuwa sina Mama at Papa kay Yujin. Sobrang bait daw niya, at ang dali nilang nakasundo. Si Rae nga, panay ang tukso sa’kin, sabi niya noon pa lang alam na niyang si Yujin ang para sa’kin.”

Walang reaksyon si Wonwoo. Hindi ito tumingin sa kanya, hindi rin ito sumagot.

Dapat ay sanay na siya. Dapat ay hindi na niya ito iniisip. Pero bakit parang biglang lumamig ang paligid?

At bakit bigla niyang naalala ang isang gabing nakaupo siya sa isang matigas na monobloc chair, may lumang electric fan na humuhuni sa tabi, at sa harapan niya—hindi mamahaling pagkain, kundi isang tasang kanin at isang pirasong pritong itlog.

Gabi-gabi, nagbibilang sila ng barya para lang malaman kung may pangkain sila bukas.

Biglang bumigat ang lalamunan niya. Hindi niya alam kung bakit. At ang mas hindi niya maintindihan, bakit parang ang sakit nito?

Napailing siya, pilit tinatanggal sa isip ang kung anumang panaginip o ilusyon na bumabalot sa kanya. Hindi na siya dapat mag-isip ng ganito. Kaya pilit niyang tinuloy ang pag-uusap.

“Hindi ba weird?” natatawang tanong niya, sinusubukang gawing magaan ang pakiramdam niya. “Akala ko kasi dati, hindi ko kaya ang long-term relationship. Pero si Yujin, parang ang dali lang. Ang gaan lang. Wala akong kailangang patunayan, wala akong kailangang ipaglaban.”

Tahimik pa rin si Wonwoo.

Pero sa unang pagkakataon simula nang magsimula ang gabing ito, itinaas ni Wonwoo ang tingin, tinitigan siya.

At doon, doon niya naintindihan.

Doon biglang bumagsak sa kanya kung bakit malamig si Wonwoo.

Kung bakit parang hindi siya matanggap nitong lumapit. Kung bakit may kung anong bigat sa mga mata nito tuwing tumitingin sa kanya.

Dahil ilang saglit pa, naalala niya ang isa pang gabi.

Maliit na kwartong amoy pintura at amag. Isang sirang kama na hindi kayang pagsabayin ang dalawang tao nang hindi gumagalaw ang mga spring nito. At sa sahig, dalawang kahon ng camera equipment—mas mahal pa sa isang buwang renta nila, pero hindi nila ito pinagdamutan.

Ginastos nila ang huling ipon, nagtipid sa pagkain, inuna ang camera equipment kaysa sa sarili nilang pangangailangan.

Naalala niya ang isang gabing halos wala na silang makain, pero may hawak na bagong lens si Wonwoo—isang lente na binili niya gamit ang huling ipon niya para kay Wonwoo.

Naalala niya ang isang umagang naglalako siya ng pagkain, namimigay ng flyer ng isang freelance photography service na siya mismo ang gumawa.

Naalala niya ang isang gabing yakap niya si Wonwoo sa ilalim ng lumang kumot, kinakantahan ito ng Toyang habang nanginginig sa iyak sa pagod.

At biglang, hindi na siya makahinga.

Napahawak siya sa dibdib, parang may kung anong bumara sa lalamunan niya.

Bakit? Bakit ito pamilyar? Bakit parang… siya ‘yun? Bakit parang si Wonwoo ang kasama niya?

“Wonwoo…”

Mahina ang boses niya, halos hindi niya rin narinig. Hindi niya alam kung anong dapat niyang itanong. Hindi niya alam kung paano hahanapin ang sagot.

Ang alam lang niya, habang nakatingin siya kay Wonwoo, habang nakikita niya ang sakit sa mga mata nito, habang unti-unting bumibigat ang dibdib niya, habang mas tumatagal ang titigan nila, habang mas lumalalim ang distansiya sa pagitan nila, mas lalo lang niyang nararamdaman ang isang bagay— ang pagkawala. Ang sakit ng isang bagay na minsan ay nasa kanya, pero ngayon, hindi na niya maalala kung kailan o paano niya ito nawala. Ang pakiramdam ng isang tahanan na hindi niya naaalalang tinirhan, pero sa kung anong dahilan, hinahanap pa rin niya. Ang bigat ng isang pangako na hindi niya matandaan kung kailan niya binitiwan, pero sa loob-loob niya, parang may isang bahagi ng sarili niyang nagsusumamo na tuparin ito.

Biglang nagkaroon ng sagot kung bakit may kulang. Kung bakit parang may nawawala. At kung bakit sa lahat ng kwentong sinabi niya ngayong gabi—

Wala ni isa ang tungkol kay Yujin.

Huminga siya nang malalim, pilit tinatanggal ang bigat sa dibdib. Pilit bumabalik sa rason. Pilit binubura ang kung anumang guni-guning bumabalot sa isip niya. Kaya kahit hindi niya maintindihan kung bakit parang ang sakit ng lalamunan niya—ng puso niya—ipinikit niya ang mga mata at pilit ngumiti.

“Alam mo, sobrang swerte ko kay Yujin,” patuloy niya. “Kahit anong mangyari, nandiyan siya para sa’kin.”

Nandiyan siya. Dapat siya lang ang nandiyan. Pero bakit sa isipan niya, hindi si Yujin ang naaalala niya? Bakit hindi ito ang mukhang sumulpot sa kanyang alaala? Bakit, kahit pilit niyang sabihin sa sarili niyang masaya siya—

Pakiramdam niya, may naiwan siyang hindi na niya mababalikan? Bakit parang siya ang may kasalanan? At bakit parang siya ang dahilan kung bakit may isang taong naiwan sa altar?


Isang malamig na katahimikan ang bumalot sa kwarto ni Mingyu. Ang mahihinang tunog ng orasan at ang bahagyang paggalaw ng kurtina dahil sa hangin ay tila nagbigay diin sa bigat ng sandali. Nakatayo si Yujin sa harap ni Mingyu, nanginginig ang mga daliri habang mahigpit na nakayakap sa sarili, para bang iyon lang ang nagpapalakas sa kanya ngayon.

Nakaupo si Mingyu sa gilid ng kama, nakayuko, ang mga siko niya'y nakasandal sa kanyang mga tuhod. Halos hindi siya humihinga, at kung titingnan mo lang siya, maiisip mong isang lalaking nakulong sa pagitan ng dalawang mundo—ang nakaraan na pilit niyang inaalala, at ang kasalukuyang hindi niya sigurado kung tunay nga bang kanya.

“I’m sorry,” basag at puno ng pagsisisi ang tinig ni Yujin. “I knew… I know what happened but I… I was so quick to ignore it.”

Halos sabay na lumunok si Mingyu. Marahang napatingala siya kay Yujin, at sa unang pagkakataon, ang mata niya ay puno ng takot. Hindi takot sa kanya—kundi takot sa katotohanang maaaring mabuksan sa harap niya.

“Anong ibig mong sabihin?” tanong niya, bahagyang nanginginig ang tinig.

Mabagal at maingat ang bawat salita ni Yujin, para bang isang maling galaw lang ay tuluyan nang babagsak si Mingyu. “Bago pa tayo magkita ulit, bago ka pa magising sa ospital after what hapened. I already knew. Your parents told me, Gyu. But hindi nila ako pinayagang sabihin sa'yo. Sabi nila, mas magiging masaya ka na ngayon, na hindi mo na kailangang balikan yung buhay na meron ka.”

Napapikit si Mingyu, pilit inaalis ang bigat na biglang bumagsak sa dibdib niya. Parang may kung anong naputol sa loob niya, isang piraso ng sarili niya na matagal nang nawawala ngunit hindi niya kailanman pinayagang bumalik.

“Alam mo na... matagal na?” Nangungusap ang boses niya, at sa ilalim ng lahat ng emosyon, may isang bagay na nangingibabaw—ang matinding pangungulila. “Alam mo kung sino si Wonwoo sa buhay ko?”

Dahan-dahang tumango si Yujin, hindi iniiwas ang tingin niya sa lalaki. “Alam ko. Everyone knew. And we all know that siya pa rin yung hinahanap mo.”

Suminghap si Mingyu. Ilang buwan na niyang nararamdaman ito—ang pangungulila na hindi niya maintindihan, ang lungkot na hindi niya matukoy kung saan nagmula. Pero ngayon, may pangalan na ito. May dahilan na. At ang pangalan ay paulit-ulit na naglalaro sa isipan niya.

Wonwoo.

“Yujin…” Mahina ang boses niya, parang nag-aalinlangan. “May iba akong naaalala. Hindi lahat, pero may mga bumabalik. Mga imahe. Mga damdamin. At kahit hindi malinaw, kahit pilit pa ring tinatago sa'kin ng isip ko ang buong kwento, isang bagay lang ang sigurado ako... Siya ang hinahanap ko. Siya ‘yun, ‘diba?”

Hindi nagulat si Yujin. Matagal na niyang inaasahan ito.

“Alam ko,” sagot niya, puno ng pang-unawa. “Siya yun, Gyu.”

Pinikit ni Mingyu ang kanyang mga mata, parang pilit binibigyang-linaw ang malabong larawan ng kanyang nakaraan. “Gusto kong subukan,” mahina niyang sabi. “Gusto kong balikan siya. Kahit hindi ko maalala lahat, gusto kong subukan.”

May isang mapait na ngiti sa labi ni Yujin. Hindi siya nagalit. Hindi siya nasaktan dahil sa mga sinabi ni Mingyu. Mas nasaktan siya dahil sa katotohanang kahit hindi nito maalala ang lahat, si Wonwoo pa rin ang tinuturo ng puso niya.

“Alam ko,” sagot niya muli. “At alam ko ring hindi ako ang pipiliin mo. Kaya hindi ko sinabi sa’yo… kahit alam kong nahihirapan ka na.”

Napailing si Mingyu, kita sa mga mata niya ang tapat na pagsisisi. “Love,” huminga ito ng malalim, “I won’t say I understand because I don’t… but I know you’re a good person and napakabuti mong naging fiancée sa’kin. Pero ngayon, hindi ko na kayang lokohin ang sarili ko. Hindi ko na kayang lokohin ka, Yu. Can you let me go and be free?”

Muling pumatak ang luha ni Yujin, hindi dahil sa sakit ng pagkatalo, kundi dahil sa sakit ng pagpapalaya. “Hindi ko naman hiniling na piliin mo ako, Mingyu. Pero alam mo kung ano ang mas masakit? Yung makita kang hinahanap siya, kahit hindi mo alam kung bakit. Nakikita ko sa mga mata mo ang pangungulila, kahit hindi mo maalala ang buong dahilan.”

Tumikhim siya, pinipilit gawing matatag ang sarili. “Hindi pa rin nila gusto si Wonwoo. Hanggang ngayon, gusto pa rin nilang piliin mo ako kaysa sa kanya.”

Hindi nagulat si Mingyu. Alam na niya. Ramdam niya. Pero hindi na niya gustong mabuhay sa ilalim ng mga desisyon ng iba.

“Pero hindi sila ako,” mahina niyang sabi, “at hindi rin ikaw, ang makakapagsabi kung sino ang dapat kong piliin.”

Napapikit si Yujin, bumuntong hininga, at sa huling pagkakataon, tinanggap niya ang katotohanan. “Oo, Mingyu. Alam ko. At kaya ako nandito ngayon... para bitawan ka. Para tapusin na natin ‘to, kasi maski ako, nahihirapan na rin.”

Muling lumubog ang silid sa katahimikan. Pero sa pagkakataong ito, hindi na ito mabigat. Malungkot, oo. Masakit, oo. Pero may kasamang paghilom.

Muling tumingin si Yujin sa kanya, mas matatag na ngayon. “Kung kailangan mo ng tulong... kung may gusto kang malaman tungkol kay Wonwoo... sabihin mo lang. Kung may paraan para matulungan kita, gagawin ko.”

Nagulat si Mingyu. Hindi niya iyon inaasahan. “Yujin…”

Ngumiti ito—isang malambing ngunit mapait na ngiti. “Ayokong maging hadlang sa'yo, Mingyu. Kung may paraan para maitama ang lahat, kung kailangan mong magsimula ulit... gusto kong matulungan ka.” Huminga siya nang malalim. “Mahal kita, at katumbas ng pagmamahal na ‘yun yung gusto kong masaya ka.”

Kahit paano, may konting ginhawa. Para kay Mingyu. Para kay Yujin.

At para kay Wonwoo.


May mga tawa, may halakhak, may mga kwentong paulit-ulit na nilang narinig pero hindi pa rin nakakasawang pakinggan. Pero sa gitna ng lahat ng ingay, sa pagitan ng tawanan at mga baso ng alak, may isang bagay na bumabagabag kay Mingyu—isang bagay na hindi niya maipaliwanag.

Para bang may dapat siyang maalala. Para bang may kulang. Hindi niya alam kung ano, pero sa ganitong klaseng mga pagtitipon, tila may hinahanap ang katawan niya—isang bagay na dapat ay nariyan, pero hindi niya mahagilap.

“Alam niyo,” kaswal na sabi niya habang iniikot ang baso sa kamay niya, pilit na tinatanggal ang hindi maipaliwanag na pakiramdam sa dibdib niya. “May naisip na akong photographer para sa kasal namin ni Yujin.”

Saglit na natahimik ang lahat. Isang segundo lang. Isang segundo ng hindi pagsagot, pero sapat para maramdaman ni Mingyu ang bigat ng katahimikan. Bakit parang may bumigat sa hangin? Bakit parang may hindi tama?

“Gusto ko si Wons ang maging main photographer. Alam niyo naman kung gaano kagaling ‘to eh. He has the best eye for details. Alam niya kung paano hulihin ‘yung eksaktong moment.”

May ilang tumango, may ilan namang nagpalitan ng tingin. Pero ang mga mata ni Mingyu, hindi maalis kay Wonwoo—kay Wonwoo na hindi nagsasalita, kay Wonwoo na tila hindi makahinga.

“Ano, Wons?” Ngumiti siya, pilit. “Ikaw lang naman ang pinagkakatiwalaan kong kumuha ng litrato ko.”

Pero bakit ganon? Bakit may kung anong kirot sa dibdib niya habang sinasabi iyon? Bakit parang hindi niya dapat sinasabi ang mga salitang iyon? Parang may pumipigil sa kanya. Parang may bumubulong na mali ito.

Kinuha ni Wonwoo ang baso sa harapan niya at uminom, halatang pilit. Hindi ito mahilig sa alak. At sa kung anong dahilan, parang alam iyon ni Mingyu. Parang may bahagi sa kanya na gustong tanungin si Wonwoo kung bakit siya biglang uminom, kung bakit parang hindi ito sanay sa pait ng alak. Pero hindi niya alam kung saan nanggaling ang pag-aalalang iyon. Hindi niya alam kung bakit.

At habang patuloy ang ingay ng paligid, parang unti-unting bumabagal ang lahat para sa kanya. Parang may bumabalik, isang bagay na hindi niya matukoy. Ang tawa ng mga kaibigan nila, ang liwanag ng restaurant, ang malamig na baso sa kamay niya, ang init ng katawan sa tabi niya—hindi niya alam kung bakit, pero parang may kulang. Parang may mali.

At sa gitna ng lahat, sa pagitan ng tawa at katahimikan, sa pagitan ng pagsasalita at hindi pagsagot, isang bagay lang ang sigurado siya—may isang parte ng sarili niyang gustong may hanapin. Isang bagay na hindi niya matukoy. Isang bagay na hindi niya maalala.

Pero hinahanap niya. Kahit hindi niya alam kung bakit.

“Wonwoo?” tanong niya, nang hindi ito sumagot agad.

Tumingala siya, tiningnan ang mga mata nito—ang parehong matang gusto niyang pagmasdan, ang mga matang tila nagpapakilala ng isang mundong hindi niya maalala. Parang may dapat siyang maalala. Parang may dapat siyang maramdaman. Pero wala. Wala.

Tumango na lang siya. Pinilit ngumiti.

“Sige,” sagot nito, at wala ni isa sa kanila ang nakapansin kung paano nanginig ang boses nito. “Ako na ang bahala.” Maliban kay Mingyu.

Dapat ay diretso na siya sa bahay.

Ganoon naman palagi, hindi ba? Kapag nagpapaalam siya sa barkada, kapag sinabi niyang uuwi na siya, ang dulo non ay ang sariling kwarto niya—hindi ito. Hindi ang kalyeng ito, hindi ang gusaling ito, hindi ang lugar kung saan, sa hindi malamang dahilan, ay natagpuan niya ang sarili niya sa harap ng pinto.

Studio ni Wonwoo.

Para siyang nasa panaginip. O kaya naman, isang bangungot na hindi niya maintindihan. Ang mga paa niya, na dapat ay nakauwi na, ay naghatid sa kanya rito. Hindi niya alam kung paano, hindi niya alam kung bakit. Ang alam lang niya ay narito siya ngayon, pinapanood si Wonwoo sa kabila ng awang sa pinto.

Maingat ang kilos nito. Para bang may hinahawakan itong napakahalaga, isang bagay na hindi dapat masira, hindi dapat madungisan. Nanginginig ang mga daliri nito habang inilalabas ang ilang piraso ng papel—hindi, hindi papel. Mga litrato.

Mga litrato nilang dalawa.

Napako siya sa kinatatayuan.

Hindi siya dapat gumalaw, hindi siya dapat lumapit. Pero parang may humihila sa kanya, isang di maipaliwanag na pwersa na nagsasabing dapat niyang makita. Dapat niyang malaman.

At nang makita niya, may kung anong pumunit sa loob niya, isang matalim na kirot na dumaan sa puso niya na parang pilit nitong binubuksan ang isang bahagi ng sarili niyang hindi niya maabot.

Sila ni Wonwoo. Nakaupo sa damuhan, nakangiti siya kay Wonwoo. Para bang ito lang ang mahalaga sa kanya noon. Hawak niya ang kamay ni Wonwoo, inilalapit sa labi nito—walang ibang tao, walang ibang mundo, sila lang. Nakasandal siya sa balikat nito, suot ang isang engagement ring. Hindi mamahalin, hindi engrande. Pero kanila.

Siya, sa mga mata ni Wonwoo—minamahal.

Napasinghap siya. May bumalik. Hindi buo, hindi malinaw, pero may kung anong sumisigaw sa loob niya. Parang may humihila sa kanya pabalik sa isang panahong hindi niya maalala, pero ramdam na ramdam niya.

Sa isang panahong mahalaga si Wonwoo.

Diyos ko, ano ‘to?

Bakit parang ang bigat? Bakit parang may nawawala? Bakit parang may kulang? Bakit pakiramdam niya ay may isang bagay na hinahanap siya, isang bagay na hindi niya kailanman matutukoy?

Bakit parang may minahal siya… pero hindi niya maalala kung paano?

“Wonwoo?”

Napakalamig ng boses niya—o marahil, siya lang ang nakakaramdam ng panginginig dito. Para bang sa simpleng pagbigkas ng pangalan nito, may kung anong bumagsak sa loob niya, may kung anong bumukas at nagpakawala ng hindi niya maipaliwanag na sakit.

Nag-angat ng paningin si Wonwoo, gulat sa narinig. Ngunit sa mata nito—hindi lang pagkabigla ang naroon. May sakit, may pighati. May kirot na hindi kayang itago, hindi kayang ikubli.

At may pagmamahal—isang pagmamahal na hindi niya maintindihan, pero damang-dama niya sa bawat tingin, sa bawat segundo ng katahimikan sa pagitan nila.

Napalunok siya. Pilit niyang hinahanap ang tamang salita, ang tamang rason, ang tamang sagot. Pero paano kung wala? Paano kung wala siyang sagot sa kung anong nararamdaman niya? Paano kung wala siyang paliwanag sa kung bakit siya nandito, kung bakit niya gustong manatili?

Kung bakit parang gusto niyang bumalik sa isang bagay na hindi niya maalala, pero alam ng puso niyang sa kanya dati.

“Mingyu…” Basag ang tinig nito. Parang hindi sigurado kung dapat siyang magsalita, kung dapat siyang lumapit, o kung dapat na lang siyang umatras.

Pero hindi niya kailangang lumapit—dahil kitang-kita niya. Kung paano marahang yumuko si Wonwoo, paano nito mahigpit na niyakap ang mga larawan sa dibdib nito, na para bang kaya nitong hawakan ang lahat ng nawala kung mas lalo pa niyang ididiin sa sarili. Paano nanginginig ang balikat nito sa bawat hikbi na pilit nitong nilulunok. Paano dumaloy nang tahimik ang mga luha sa pisngi nito—hindi nag-iingay, hindi humihingi ng awa.

Mas masakit iyon. Ang makita itong umiiyak, hindi dahil sa panghihinayang, kundi dahil sa isang bagay na hindi na nito mababawi kailanman.

“Ano ‘to?” Mahina ang tanong niya, ngunit ramdam niya ang bigat ng bawat salita. Hindi niya alam kung ano ang gusto niyang marinig. Hindi niya alam kung handa ba siyang malaman. Pero hindi siya makaalis, hindi siya makatingin palayo.

Pumikit si Wonwoo. Isang malalim na buntong-hininga ang pinakawalan nito, parang tinatanggap na may isang bagay na hindi na maitatago. “Mga alaala.” Ang bawat segundo ng katahimikan sa pagitan nila ay parang isang malalim na sugat na unti-unting bumabaon sa kanyang balat. Bakit parang may kung anong pumipiga sa puso niya? Bakit parang ang mismong paghinga sa harapan nito ay isa nang malaking pagsubok?

Kumislot ang sikmura niya. May kung anong bumaliktad sa loob niya, isang pakiramdam na hindi niya maipaliwanag—isang takot, isang pananabik, isang pangungulila na hindi niya alam kung saan nanggagaling.

“At… tayo?” Hindi niya alam kung bakit niya tinanong ‘yon. Hindi niya alam kung ano ang gusto niyang sagot. Pero parang kailangang lumabas sa bibig niya. Parang kailangan niyang marinig.

“Ako… ako yung nang-iwan sa’yo?”

May kung anong pumutok sa dibdib niya. Isang sakit na hindi niya alam kung saan nanggaling, isang lungkot na hindi niya dapat maramdaman. “Pero bakit…” Napahawak siya sa dibdib niya, parang sinusubukang hawakan ang kung anong nawawala sa loob niya. “Bakit ko yun ginawa?”

Tumingin si Wonwoo sa kanya, at sa pagitan ng katahimikan nila, naroon ang isang daang sagot na hindi niya mabasa. Pero masakit. Masakit sa paraang hindi niya maipaliwanag. Parang pinunit ang puso niya ng hindi niya alam kung bakit. Parang may isang bahagi ng sarili niyang patuloy na sumisigaw, hinihila siya pabalik sa isang bagay na hindi niya matandaan.

“Dapat ba akong humingi ng tawad?” tanong niya, halos pabulong.

Napakagat si Wonwoo sa labi, saglit na pumikit. Hindi galit ang nasa mukha nito, hindi hinanakit—isang bagay na mas mabigat, isang bagay na mas masakit.

“Hindi ko kailangan ng sorry mo, Mingyu,” mahina nitong sagot. “Kailangan lang kita.”

At doon, doon siya tuluyang nayanig. Doon niya tuluyang naramdaman ang bigat ng isang bagay na hindi niya maalala, ang kawalan ng isang bagay na tila buong-buo noon sa kanya.

Series this work belongs to: