Work Text:
Tatlong buwan na ang lumipas mula nang huling nag-usap sina Mingyu at at ang mga magulang niya.
Tahimik ang sala ng bahay ng mga magulang ni Mingyu. Kulay kahoy ang paligid, tahimik ang orasan sa dingding, pero parang bawat tiklop ng segundo ay sumisigaw sa puso at isip niya. Nasa harap niya ang dalawang taong bumuo ng mundo niya, at ngayon, sila ring humahadlang sa kung paano niya gustong mabuhay sa mundo niya.
“Nakita ka namin kasama siya,” bungad ng kanyang ama, malamig ang tinig. “At hindi pa ba sapat ang lahat ng nangyari? Mingyu naman, huwag mo nang balikan ang mga dapat nang kalimutan.”
Napatungo si Mingyu. Hindi dahil nahihiya. Kundi dahil pilit niyang pinipigilan ang sarili niyang pumutok sa sakit at galit.
“Hindi ko siya binalikan,” mahinang simula niya. “Pinili ko siya ulit, Pa.”
“Anak,” singit ng kanyang ina, mas maamo ang tinig pero mas masakit sa loob. “Nang makalimot ka, tahimik ka. Masaya ka. Bumangon ka. Okay naman kayo ni Yujin, diba? Ayos naman kayo. Akala namin... akala namin tapos na ang lahat. Na wala na ang sakit.”
Napangiti si Mingyu, hindi dahil masaya siya, kundi sa pait ng totoo.
“Ma, Pa... hindi po ba kayo napagod sa pagsisinungaling sa’kin? Sa bawat araw na akala niyo mabubuo niyo ako sa pagbura sa kanya? Sa mga bagay na naranasan ko noon para lang mapilit niyo po yung gusto niyo sakin?”
Walang sumagot.
“Alam niyo bang kahit wala akong maalala noon, parang may nawawala pa rin sa'kin? Parang lagi akong kulang. Parang hindi buo kahit anong gawin ko. At nang makita ko si Wonwoo… kahit hindi ko pa naaalala ang lahat, may bahagi sa’kin na kumalma. Na tumahimik. Na para bang... ayun pala ako. Dito pala talaga ako dapat. Ito pala yung buhay ko.”
Tumayo ang ama niya. “Hindi mo naiintindihan, Mingyu. Pinrotektahan ka lang namin. Ginulo ka niya noon. Bata pa lang kayo, Mingyu! Disisais anyos, naglalayas para saan?! Wala kang kinabukasan kasama ang lalaking yon!”
“Hindi lang siya ang nagkamali,” sagot ni Mingyu, diretso ang titig. “At kahit nagkamali kami pareho noon, siya lang ang nagpaalala sa’kin kung sino talaga ako. Sa dami ng araw na magkasama kami ngayon, araw-araw kong nararamdaman na may saysay ang bawat gising ko. Hindi ko 'to naramdaman sa kahit anong tahimik na binuo niyo para sa’kin.”
Hindi biro ang gumising ng alas kwatro ng umaga, magluto ng kung ano anong putahe, ialok sa mga kaklase at guro, at pagkatapos ng araw sa eskwela ay magpapalit lamang ng damit para pumasok bilang crew ng Jollibee, habang si Wonwoo naman ay sa McDo.
Nakikita na lang nila ang isa’t-isa kapag nasa kama na, tulog na ang isa. Maabutan na lang nila ang isa’t-isang gising kung papasok sa eskwela, at madalas wala pang isang oras.
Para sa kinabukasan nila ni Wonwoo. Para sa pangarap nilang dalawa.
Napalunok siya. Nanginginig ang kamay pero matatag ang paninindigan.
“Hindi niyo na siya kailangang tanggapin. Pero kailangan niyong tanggapin na mahal ko siya. At pipiliin ko siya, kahit ilang beses pa. Kahit ilang ulit niyo pa akong tangkaing ilayo sa kanya.”
Kahit ilang beses pa akong makalimot. Alam kong babalik at babalik ako kay Wonwoo.
“Mingyu-”
“Hindi niyo na ako kayang pigilan,” putol niya. “Dati, oo. Dati hinayaan ko kayong buuin ako sa paraan na gusto niyo. Pero ngayon, buo na ako dahil pinili kong buuin ang sarili ko kasama siya.”
Lumuha ang kanyang ina. Pero nanatili siya sa kinatatayuan niya.
“Hindi ako galit sa inyo. Pero pagod na akong mamuhay sa takot na kapag pinili ko ang sarili kong kaligayahan, sasaktan ko kayo. Hindi ba pwedeng pareho tayong lumigaya? Hindi ba pwedeng mahalin ko si Wonwoo, habang anak pa rin ninyo ako?”
Tahimik. Wala ni isang salita mula sa kanyang mga magulang.
Pero sa unang pagkakataon, ramdam ni Mingyu na malaya siyang huminga.
Dahil sa lahat ng laban na kinailangan niyang ipaglaban, ito ang pinakamatagal. Ang karapatang piliin ang sarili niyang kasiyahan. At ngayong hawak na niya, hindi na niya bibitawan.
Tatlong buwan na rin mula nang sinimulan niyang subukang alalahanin at ayusin ang sarili, hindi dahil pinilit siya ng sinuman, kundi dahil ginusto niya. Para sa sarili niya. Para kay Wonwoo. Para sa kanilang dalawa.
Hindi naging madali. Sa unang buwan, tahimik ang pagitan nila ni Wonwoo. Parang dalawang taong parehong may gustong sabihin pero natatakot sa kung anong pwedeng masira kung mali ang pagkakaintindi nila. Parang kapwa sila naglalakad sa lupa na maraming nakakalat na bubog– maingat, mabagal, at laging may kaba.
Ngunit kahit tahimik, nandoon si Wonwoo. Hindi siya nagtanong. Hindi siya nagpilit. Naghintay lang siya. At iyon ang naging lakas ni Mingyu. Ang presensya ng isang taong hindi kailangang magsalita para ipadama ang pagmamahal, at para maramdaman ang pagmamahal.
Ngayon, gabi na naman. Malamig ang simoy ng hangin mula sa bukas na bintana ng bahay ni Wonwoo. Tahimik ang paligid maliban sa tunog ng paghigop ni Mingyu ng tsaa, habang si Wonwoo naman ay abala sa pagtitipa sa computer sa kabilang sofa, kanina pa nakikipag-usap sa mga kliyente nito. Walang nagsasalita, pero magaan. Komportable. Payapa. Parang hindi na kailangang punuin ng salita ang bawat sandali.
“Wonwoo,” basag ni Mingyu sa katahimikan.
Napatingin si Wonwoo sa kanya, tahimik na naghihintay.
“Sa totoo lang... natatakot pa rin ako.”
Hindi agad sumagot si Wonwoo. Inilapag niya ang hawak na laptop at lumapit kay Mingyu. Umupo sa tabi niya, hindi masyadong malapit, pero sapat para maramdaman ang init ng isa't isa.
“Okay lang matakot, Gyu.” mahina niyang sagot. “Ako rin naman.”
Napatingin si Mingyu sa kanya. “Ikaw? Bakit ka natatakot?”
“Kasi hindi ko alam kung mawawala ka ulit. Hindi ko alam kung hanggang kailan mo ako pipiliin.”
Tumigil ang mundo ni Mingyu sa sinabi ni Wonwoo. Ramdam niya ang sakit sa likod ng tinig nito. At ramdam din niya ang bigat ng mga salitang hindi sinasabi.
“Alam kong hindi ko pa rin maalala lahat,” mahina niyang sabi, “Pero sa bawat araw na lumilipas, mas lumilinaw sa’kin lahat. Sa bawat umaga na ikaw na yung una kong naiisip... doon ko naiintindihan na tama 'to. Tama na lahat ng ‘to, Wons.”
Napapikit si Wonwoo, pilit pinipigilan ang luhang matagal na niyang itinatago. Ilang taon na rin niyang kinimkim ang sakit, ang pangungulila, ang galit sa tadhana. Pero heto si Mingyu, nasa harap niya ulit, at kahit hindi buo, kahit hindi pa lahat ay malinaw, sinusubukan. At iyon lang ang hinihiling niya.
Hinawakan ni Mingyu ang kamay ni Wonwoo. Hindi mahigpit, hindi rin alanganin. Sapat lang para sabihing, “Nandito na ‘ko, Won.”
“Salamat sa paghihintay,” bulong niya. “At kung kaya pa, hintayin mo pa ako ng konti. Konti na lang, Won.”
Ngumiti si Wonwoo, marahang pinisil ang kamay ni Mingyu. “Kahit gaano pa katagal, nandito lang ako. Hihintayin pa rin kita.” Hihintayin lang kita.
At sa katahimikan ng gabi, sa pagitan ng mga tanong na wala pang sagot at mga alaala na unti-unting bumabalik, nahanap nila ang isa’t isa. Hindi sa nakaraan, kundi sa ngayon. Sa muling pagsubok. Sa pag-asa na kahit hindi perpekto, maaaring buuin muli ang isang pag-ibig na minsang nawala.
Sa mga sumunod na linggo, naging madalas na ang pagkikita nila. Minsan sa café na dati nilang pinupuntahan, na ngayon ay parang bago ulit kay Mingyu. Minsan sa parke kung saan dati silang tumatambay tuwing Sabado ng hapon. Lahat ng lugar na may alaala, tila unti-unting nagbabalik sa isip ni Mingyu, hindi sa kabuuan, pero sa pakiramdam. Sa damdaming hindi kayang burahin ng panahon. Kahit anong mangyari.
May mga gabi ring sabay silang natutulog. Walang halik. Walang yakap. Basta magkatabi lang. Payapang magkasama. At sapat na iyon para kay Mingyu, dahil sa gitna ng mga gabing hindi niya maipaliwanag ang nararamdaman, nandoon si Wonwoo. Tahimik pero buo.
“Naalala ko na 'yung ulan,” bulong ni Mingyu minsang gabing umuulan, habang nakahiga sila, magkahiwalay ang katawan pero magkadikit ang kamay.
“Alin don? Sa daming ulan ba naman, Gyu?” tugon ni Wonwoo, bahagyang nakangiti kahit hindi nakatingin.
“Yung umulan habang nasa bubong tayo. Nagtagpo 'yung ulan sa init ng balat mo… feeling ko nasa movie tayo, lalo na sa tingin mo sa’kin. Hindi ko maalala ang buong eksena, pero ramdam ko. Kinilig ka.”
Napasinghap si Wonwoo, pinikit ang mga mata. Natawang bahagya. “Gabing sinabi mong mahal mo ako.” Napangiti ito, “Sabi mo pa hindi mo alam kung paano dahil pareho tayong lalaki. Pero sabi mo mahal mo ako, at sapat na ‘yon.”
Tahimik lang si Mingyu. Saka siya napangiti, kahit bahagya. “Oo. Ramdam ko pa rin 'yon.”
Doon nagsimula ang maliliit na pagbabalik ng alaala niya. Hindi gaya ng dati, hindi sunod-sunod, hindi malinaw. Pero para sa kaniya, sapat na muna para hawakan niya ang puso niya at sabihing, “Totoo 'to.”
At habang patuloy ang pagtakbo ng mga oras at araw, habang dahan-dahan silang bumabalik sa isa’t-isa, nauunawaan ni Mingyu na ang pagmamahal, kahit malimutan, ay may paraan para muling maramdaman.
Hindi nila alam kung ano ang darating. Baka bukas, bumalik ang lahat. O baka hindi na. Pero sigurado sila sa isang bagay, nasa proseso sila ng pagpili sa isa’t isa.
At sa mundong laging nagbabago, iyon ang pinakamatapang na desisyong kaya nilang gagawin.
Hatinggabi na nang maalimpungatan si Mingyu mula sa panaginip. Basang-basa ng pawis ang kanyang likod, at mabilis ang tibok ng puso. Humihingal siyang napaupo sa kama, pilit inaalala ang panaginip na tila totoo. Mga imahe, mga damdamin, isang lugar na pamilyar pero hindi niya matawag sa pangalan.
“Wonwoo…”
Tahimik ang kwarto ni Wonwoo maliban sa tunog ng orasan sa pader. Katabi niya sa kama si Wonwoo, mahimbing pa rin sa pagkakatulog. Pinagmasdan ni Mingyu ang mukha nito— payapa, parang walang anumang bigat sa loob. At doon niya naisip, siya ang naging dahilan ng bigat na iyon noon. Ayaw niya na iyong ulitin, hindi na dapat.
Dahan-dahan niyang hinaplos ang pisngi ni Wonwoo. Marahan. Para bang humihingi ng tawad sa bawat alaala na hindi niya maalala, at sa bawat sakit na naidulot ng kanyang pagkawala.
Kinabukasan, habang nag-aalmusal sila, tahimik pa rin si Mingyu. May bumabagabag sa kanya, isang pakiramdam na ayaw siyang tantanan.
“May naalala na naman ako kagabi,” mahinang sabi niya.
Napatingin si Wonwoo, saglit na tumigil sa pagkakagat sa tinapay. “Hmm?”
“Hindi ko alam kung panaginip lang, o totoong nangyari... pero nasa isang bus tayo. Malayo ang biyahe. Hawak mo ‘yung kamay ko. Tapos may sinasabi ka tungkol sa mga susunod na taon .”
Napatitig si Wonwoo sa kanya. Marahang ngumiti, pero ramdam ang lungkot sa mga mata nito. “Totoo ‘yon. Pa-Baguio tayo noon kasi anniversary natin. Sinabi ko sa’yo na gusto ko ng simpleng buhay. Yung kahit wala tayong masyadong pera, basta magkasama tayo.”
Mingyu swallows hard. “May sinabi ako tungkol sa bahay.”
Tumango si Wonwoo at ngumiti, bago iabot kay Mingyu yung pandesal na may coco jam. “Oo. Gusto mong may garden, tapos may malaking shelf para sa akin. Sa mga libro ko at camera. Tapos lutuin mo raw ako ng breakfast araw-araw.”
Napatawa si Mingyu, pero may lungkot sa tawa niya. “Grabe. Ganon pala ako?”
“Ganon ka pa rin. Hindi ka nawala, Mingyu. Nawalan lang ng piraso, pero buo ka pa rin sa core mo. Babalik ka, at alam kong ganon ka pa rin.”
Tumigil sa pagkain si Mingyu. “Paano mo ‘ko napatawad?”
“Hindi ko kailanman sinisi yung pagkawala mo. Wala kang ginusto. Wala kang pinili. Pero pinili mong bumalik. At araw-araw mo akong pinipili ngayon. Iyon ang mahalaga.”
Totoo naman. Hindi nagalit si Wonwoo kay Mingyu. Hindi niya kayang magalit sa pinakamamahal niya. Sa nangyari, sa panahon, sa magulang ni Mingyu—oo. Pero kay Mingyu? Hindi. Dahil alam niyang kung hindi nawalan ng ala-ala si Mingyu ay araw-araw siya nitong pipiliin. Araw-araw siya nitong mamahalin.
Tumahimik ulit. Saka tumayo si Mingyu, lumapit kay Wonwoo, at hinalikan ito sa noo. “Salamat. Sa bawat araw. Sa bawat hintay. Sa bawat panalangin mo para bumalik ako.”
“Hindi na ‘to tungkol sa pagbabalik mo, Gyu,” bulong ni Wonwoo. “Tungkol na ‘to sa panibagong simula mo, at nandito lang ako.” Sasamahan kita. Kahit saan pa. Kahit ano pa.
At sa sandaling iyon, sa gitna ng simpleng kusina, sa pagitan ng tinapay at kape, nahanap nilang muli ang isa’t isa. Hindi bilang mga taong nagbabalik sa nakaraan, kundi bilang dalawang pusong muling natutong umibig sa kasalukuyan.
Ayun naman ang mahalaga diba? Sa isip ni Wonwoo.
Makulimlim ang langit nang magdesisyon silang pumunta sa lugar na dati nilang pinupuntahan. Isang maliit na art gallery sa tabi ng ilog. Tahimik ang biyahe, at hindi dahil sa kakulangan ng kwento, kundi dahil sa kasunduan nilang damhin na lang muna ang presensya ng isa’t-isa.
Pagdating nila sa gallery, medyo luma na ito. May ilang bahagi na bakbak ang pintura, pero nandoon pa rin ang ganda at may amoy pa rin ng lumang kahoy at pintura. Tila kahit ang espasyo ay naging saksi sa mga alaala nila. Mga tawang pumuno sa pagitan ng canvas, mga titig na huminto sa pagitan ng mga kulay, mga pangakong narinig ng bawat dingding at kisame.
“Naalala mo ‘to?” tanong ni Wonwoo habang nakatayo sa harap ng isang abstract painting na itim at asul ang dominante.
Tahimik lang si Mingyu ngunit lumapit siya. Pinagmasdan ang painting, at tumigil sa isang bahagi na tila may kirot sa dibdib niya.
“Hindi ko maalala kung bakit,” bulong niya.
“Diyan tayo nag-away,” natatawang sagot ni Wonwoo. “Sinabi mong natatakot kang hindi sapat ang pagmamahal mo para sa akin. Na baka dumating ang araw na mapagod ako tayo sa isa’t-isa at iwan kita.”
Napatingin si Mingyu sa kanya. “Tapos?”
“Sinabi ko na kahit mapagod ka, mananatili ako. Kasi hindi ako nagmahal para lang sa masasayang araw, Gyu. Minahal kita kasama ang pagkalito mo, ang takot mo, ang mga panahong hindi mo alam kung paano magmahal. Lalo na nung mga panahong walang-wala tayong dalawa. Ang meron lang tayo eh yung isa’t-isa.”
Pumikit si Mingyu at marahang tumango. “Pasensya na kung kailangan mong ulitin lahat ngayon.”
“Hindi ko siya inuulit no? Isa siyang panibagong bersyon. Isang bagong pagkakataon. At kung kailangan ko itong ulitin nang paulit-ulit para sa’yo, gagawin ko.” ngumiti ito at hinaplos ang pisngi ni Mingyu. “Uulitin ko kasi ako nga ako mapapagod.”
Lumakad sila sa loob ng gallery. Nagtigil sa bawat canvas. Nagtagal sa mga pamilyar na espasyo. May ilang bisita, pero tila sila lang talaga ang nandoon sa mundo nila. Sa dulong bahagi ng gallery, may isang blankong canvas na naka-display. May lapis sa tabi nito at maliit na sign “Write one of your fondest memory.”
“Gusto mong subukan?” tanong ni Wonwoo.
Tumango si Mingyu. Kinuha ang lapis. Saglit siyang nag-isip, saka marahang sumulat. Hindi perpekto. Hindi rin malinaw. Pero bawat linya ay may kahulugan.
Sa ilalim ng punong mangga. Sa ilalim ng tirik na araw.
“Ito?” tanong ni Wonwoo.
“Oo. Ako at ikaw. At lahat ng bagong simula na sinusubukan nating alagaan. Ang natatandaan ako, nagsabi ako sa’yo diyan na papakasalan kita. Na mamahalin at aalagaan kita.”
Sana pwede pa.
Napangiti si Wonwoo. “Mingyu... mahal pa rin kita. Hindi dahil naaalala mo na, kundi dahil kahit hindi mo maalala, pinipili mo pa rin ako.”
At sa harap ng blankong canvas na ngayo’y may bagong kwento, hinawakan ni Mingyu ang kamay ni Wonwoo. Hindi mahigpit. Hindi alanganin. Tama lang. Katulad ng dati. Katulad ng ngayon.
Sa katahimikan ng lumang gallery, hindi sa nakaraan, kundi sa pagpili. Araw-araw, kahit mahirap, kahit hindi sigurado.
Basta magkasama.
Maaga pa lang ay gising na si Mingyu. Tahimik ang paligid, tanging tunog lang ng ulan sa labas at mahinang yabag niya sa kusina ang maririnig. Nakatayo siya sa harap ng lamesa, nakakunot-noo habang pinagmamasdan ang mga hiniwang gulay. Talong, ampalaya, kalabasa, sitaw, at okra. May karne rin ng baboy at baka sa tabi, hiniwa nang maayos, nakahanda na rin ang mga sangkap.
“Pakbet,” bulong niya sa sarili. “Luto ko dati para kay Wonwoo. Tama?”
Ngunit kahit naroon ang mga sangkap, parang may kulang. Parang hindi niya alam kung paano ito sisimulan. Kinuha niya ang sibuyas at bawang, pero ilang sandali lang ay bumuntong-hininga siya.
“Hindi ko alam kung tama pa ‘to,” mahina niyang sabi.
Sa hindi kalayuan, lumabas si Wonwoo mula sa kwarto, gulat sa nadatnan. Nakasuot ng apron si Mingyu, may konting mantika sa pisngi, at may bahid ng kaba sa mga mata.
“Gising ka na pala,” sabi ni Mingyu, halatang nahihiya.
Lumapit si Wonwoo, tiningnan ang lamesa. “Hmm… Pakbet?”
Tumango si Mingyu. “Naalala ko. Ikaw ang pinakaunang taong nilutuan ko nito.”
“Wala tayong budget masyado ngayon, love," sabi ni Mingyu, habang hawak-hawak ang ampalaya. “Kaya ito lang muna. Okay la ba? Ampalaya, kalabasa, okra, sitaw, talong. Mumurahing oyster sauce lang din gamit ko.”
“Okay lang ‘yan,” sagot ni Wonwoo, nakaupo sa lamesa habang pinapanood siyang maghiwa. “Basta ikaw ang nagluto, kahit tubig lang kakainin ko.”
“Tanginang ‘yan, love.”
Ngayon, ibang Mingyu ang nasa harap ni Wonwoo. Mas tahimik, mas maingat, parang palaging may tanong sa sarili. Pero iba rin ang paligid, mas tahimik na hindi nakakabingi, mas maluwag na hindi nakakatakot.
“Tutulungan kita,” mahinang sabi ni Wonwoo. Kumuha siya ng kutsilyo, sinimulang ayusin ang pagkakahiwa ng mga gulay. Si Mingyu nama’y pinagmamasdan ang kilos niya. Tahimik, kalmado, pamilyar.
“Mas gusto mong inuuna ‘yung kalabasa,” sabi ni Mingyu, halos pabulong.
Napatingin si Wonwoo. “Naalala mo?”
“Hindi eksakto. Pero parang... alam ng kamay ko.”
Habang nagluluto sila, panaka-nakang sumusulpot ang mga alaala.
“Huwag mong overcook 'yung okra, love,” paalala ni Wonwoo noon, habang yakap siya mula sa likod. “Gusto ko medyo firm pa.”
“Teka lang, ikaw na kaya?” natatawang sagot ni Mingyu habang nakikipag-agawan ng sandok.
“Kapag mayaman na tayo, maglalagay tayo ng maraming baboy at baka,” pangarap ni Mingyu habang hinahalo ang simpleng ulam. “Tapos ‘yung oyster sauce, hindi na ‘yung tig-sampung piso sa tindahan.”
“Basta hindi ka mawawala sa kusina, kahit toyo lang masaya na ako,” sagot ni Wonwoo, sabay yakap uli sa likod niya.
Ngayon, nasa harap sila ng kalan, sabay na nagluluto. Hindi na gaya ng dati—wala nang kulang. May karne na. May mamahaling oyster sauce. May lahat ng dating pinangarap lang nila.
Pero kahit buo na ang mga sangkap, may bahid pa rin ng pangungulila sa mga mata ni Mingyu. Hindi dahil kulang sila, kundi dahil pinipilit pa rin niyang buuin ang sarili.
“Pasensya ka na kung minsan parang hindi ko alam ang ginagawa ko,” ani Mingyu, habang dahan-dahang hinahalo ang niluluto.
“Wala namang kailangang ikahiya,” sagot ni Wonwoo. “Natututo ka ulit. Tayo. Pareho tayong natututo.”
Tahimik silang dalawa habang sinasama ang mga gulay. Isa-isa. Maingat. May ritmo na tila ba katawan na lang nila ang nakakaalala kung kailan isusunod ang bawat isa. Nang maluto na ang Pakbet, inilagay ni Mingyu sa mangkok. Hindi ito mukhang perpekto. May mga gulay na medyo luto na, may ilang hindi pantay ang hiwa. Pero may amoy ito ng tahanan. Ng dati nilang mundo.
Umupo sila sa mesa. Walang sinabi. Tinikman ni Wonwoo ang unang subo.
“Mmm,” bulong niya. “Lasang... ikaw.”
Napangiti si Mingyu. Hindi dahil perpekto ang luto niya, kundi dahil sa tingin ni Wonwoo, sapat ito.
“Lagi mong sinasabi na hindi ka marunong magmahal,” bulong ni Wonwoo habang pareho silang pagod sa buong araw. “Pero sa tuwing ipinagluluto mo ako, ramdam ko kung paano mo ako tinitingnan. Kung paano ka mag-alaga.”
“Mahal kita,” bulong ni Mingyu. Walang drama, walang tanong. Diretsong totoo.
Ngayon, kahit wala pa ring buong alaala, ang puso ni Mingyu ay tila muling natututo. Hindi lang magluto, kundi magmahal. Sa simpleng paraan. Sa pamilyar na hakbang. At sa gitna ng kusinang saksi sa kanilang tahimik na paghilom, muling nagsimula ang isang uri ng pagmamahal—hindi bago, pero mas buo.
Tahimik lang si Mingyu habang nagkkwento si Wonwoo tungkol sa mga bagong proyekto niya sa trabaho. Pareho silang nag-uusap sa harap ng laptop, ang mga mata ni Wonwoo na laging kumikislap habang nagsasalita tungkol sa mga bagong wedding photography gigs na nakukuha niya. Nakikinig si Mingyu, ngunit sa kabila ng pagiging abala sa trabaho, may mga pagninilay siyang nagsimula nang sumagi sa isipan niya.
“Kaya ko ‘to, Mingyu," sabi ni Wonwoo, tumingin ito sa kanya ng may ngiti. “Isa na nga yata akong full fledged wedding photographer. Dati, hindi natin alam kung may pupuntahan ‘to eh.”
Si Wonwoo, na may mga pangarap at ambisyon na matagal niyang ipinagpapaliban, ngayon ay nagsasabi ng mga bagay na puno ng tagumpay. Ngunit sa kabila ng lahat ng iyon, may mga alon ng mga hindi naipaliwanag na damdamin na dumadaloy sa puso ni Mingyu. Isang pakiramdam ng pagmamahal na matagal nang naitulak at naiwan. Lahat ng nararamdaman niyang ito ay nagsimula ulit bumangon.
Ngunit si Mingyu, tahimik lang, pinagmamasdan ang mata ni Wonwoo, ang mga labi niyang tila nag-uusap pa rin kahit natigil na ang tunog ng mga salita. Habang nagkukuwento ito tungkol sa trabaho—tungkol sa mga projects niya—sa bride na hindi mapigilang umiyak sa gitna ng vows, sa groom na halos hindi makatingin sa camera dahil ayaw nitong mawala kahit isang segundo ang pagkakataong panoorin ang asawa, ramdam niya sa bawat salita ni Mingyu ang lalim ng puso nitong hindi sinasabi.
“Pwede ba nating subukan na magmahal ulit, Wonwoo?” tanong ni Mingyu sa sarili, hindi kayang ipahayag ang mga salitang iyon. “Pwede bang magsimula ulit? Kung kaya nga natin magtulungan, lalo na sa pagmamahal, sa pagsuporta sa isa't isa, magtulungan sa lahat ng aspeto ng buhay—kakayanin naman natin sa mahabang panahon diba?”
Kahit hindi niya kayang sabihin ito ng malakas, sa ngayon, ang nararamdaman niya para kay Wonwoo ay hindi nagbabago. Hindi sa kung ano ang itsura ng mga mata ni Wonwoo o kung paano siya magsalita. Ang pakiramdam na ito ay hindi nakabatay sa mga alaala ng nakaraan, lalong hindi rin ito base sa mga pagbabago ni Wonwoo. Ang pakiramdam na ito ay muling bumangon mula sa kanyang puso, ang pusong minsan ay natakot at nawalan ng pag-asa, ngunit ngayon ay sumusubok muli.
Habang tumitigin si Mingyu sa pagsusuri ng mga proyekto ni Wonwoo, nagsimula siyang mag-isip— bawat hakbang, bawat araw na lumilipas, ay mas nagiging klaro. Ang mga tanong na matagal nang itinago ay nagsimulang maglaro sa kanyang isipan.
“Kung magiging bukas tayo sa isa't isa, kung magtutulungan tayo, bakit hindi tayo magtanong ng mga tanong na maaaring hindi pa natin kayang sagutin?”
Ngunit hindi pa niya kayang bitawan ang mga salitang iyon. Hindi pa ngayon. May mga bagay na hindi pa siya handa na ipaabot kay Wonwoo, kahit pa ang mga damdamin niya ay umaabot na sa pinakamataas na rurok ng kanyang puso. Minsan, pakiramdam niya ay parang may mga ulap na pumapalibot sa kanya, mga ulap na nagdudulot ng takot. Ngunit alam niya, ang takot na ito ay bahagi lamang ng pagbabago.
“Hindi ko kayang sabihing... kaya ko nang magpahayag ng mga salitang iyon,” sabi ni Mingyu sa sarili, ang boses niya ay hindi kayang marinig ni Wonwoo. “Pero kung ganito lang naman yung pakiramdam ko sa bawat araw kasama siya, kung ganito pa rin, kahit sa kabila ng lahat ng nangyari, siguro... siguro pwede kong gawin 'yun. Pero hindi pa ngayon.”
Sa kabila ng kanyang mga pagsubok na ilihim ang kanyang damdamin, ang puso ni Mingyu ay puno ng kahulugan. Lahat ng nararamdaman niyang ito, na siyang nag-uudyok sa kanya na magbago at magsimula muli, ay siyang pumuno sa kanya ng lakas at tapang. Hindi niya na kayang itago pa ang pagmamahal na muling bumangon sa isang pusong matagal nang sugatan.
Pitong buwan.
Si Mingyu ay natututo na muling magsimulang magtiwala. Hindi lang sa mga simpleng bagay, kundi pati na rin sa mga pagnanasa at pangarap na tumagal na sa panahon. Minsan, natatakot siya. Minsan, may mga araw na hindi siya sigurado kung paano ba magsimula ng bago. Ngunit sa bawat tanong na namutawi sa kanyang isipan, may kasunod na sagot na siya mismo ang nagbibigay. Hindi pa siya handa na magtanong ng malalaking bagay, pero alam niyang darating din ang araw na iyon.
“Siguro, balang araw... magtatanong ako. Pero hindi pa ngayon.”
Habang nakatingin siya sa mata ni Wonwoo, naglalaro sa isipan ni Mingyu ang mga posibilidad ng mga bagay bagay. Minsan, nararamdaman niyang parang handa na siyang ipahayag ang lahat. Ang mga salitang matagal nang naipit sa kanyang dibdib, pero may parte sa kaniya na alam niyang darating din ang oras na magiging handa na silang dalawa. Hindi para magmadali, kundi para tanggapin ang pagmamahal na naghihintay ng oras. Isang pagmamahal na kailangang maghintay, magtiwala, at buuin. Isang pagmamahal na may tiwalang sila pa rin kahit anong mangyari.
At sa ilalim ng ilaw ng laptop at mga anino ng gabing dumaan, si Mingyu ay muling nakaramdam ng pagmamahal. Isang pagmamahal na walang takot, hindi nagmamadali, at naglalaman ng tiwala. Hindi siya sigurado kung anong form ng pagmamahal ang mayroon sila ngayon, ngunit isang bagay ang alam niya, at ito ay pagmamahal na hindi na niya kayang itago, at hindi niya na kayang mawala.
“Kaya ko rin ‘to... Maghihintay ako. Para sa atin,” bulong ni Mingyu sa sarili, habang pinagmamasdan si Wonwoo na patuloy na nagsasalita. “Para sa’yo.” At sa mga salitang iyon, natutunan niyang tanggapin na kahit hindi pa ngayon, may araw na darating na magkahawak silang dalawa.
May mga sandaling hindi mo kailangang magsalita para maramdaman ang paggalaw ng mundo mo. Yung tipong isang tingin lang mula sa taong akala mong matagal nang nawala, ay bumabalik ang lahat, hindi sa paraang eksakto mong inalala, kundi sa paraang mas tahimik, mas totoo, mas buhay.
Ganito niya tinitingnan ngayon si Mingyu.
At sa bawat ngiti ni Mingyu, kahit gaano ito kaliit o katipid, parang may piraso ng nakaraan nilang bumabalik. Hindi na siya sigurado kung ito ba ang parehong Mingyu na minahal niya noon, o kung siya pa rin ba ang parehong Wonwoo na naghintay, nasaktan, at paulit-ulit na umaasang marinig ulit ang “mahal kita” mula sa parehong labi.
Pero habang pinapakinggan niya si Mingyu ngayon, isang tanong ang gumapang sa loob niya. Hindi kasing ingay ng mga tanong noong nasaktan siya, hindi kasing bigat ng mga tanong noong naiwan siya. Mas marahan. Mas malambot.
“Hindi naman mali na isipin kong pwedeng magtry ulit, ‘diba?”
Sa likod ng camera ni Wonwoo, sa bawat kuhang puno ng emosyon, sa bawat larawang buhay ang pagmamahalan ng ibang tao—nakikita ni Wonwoo ang sariling tanong “Bakit hindi kami?”
Bakit hindi pwedeng mangyari ulit?
Bakit parang sa tuwing napapalapit ka, gusto kong maniwalang may puwang pa rin ako sa’yo?
Napatingin siya sa mga kamay ni Mingyu. Magaspang pa rin ito sa ilang bahagi, pero malambot kapag humahawak na sa kamay niya. Parang sinasanay ulit sa mundo. Parang natututo ulit magmahal, kahit hindi pa sigurado kung paano.
At sa pagkalma ng hangin sa pagitan nila, habang nagpapatuloy si Mingyu sa mga kwento niya, naramdaman ni Wonwoo ang sarili niyang puso na unti-unting bumibitaw sa tanong na, “Ano kami?” at pumapalit ang “Ano kung pwede pa ulit?”
“Na baka… hindi naman ako mahirap mahalin?”
Dati, palagi niyang inisip na ang pagmamahal ay isang bagay na kailangan niyang patunayan. Na kailangan niyang maging sapat, maging matatag, maging masaya, para lang mapansin, para lang piliin.
Pero ngayon, sa tahimik na presensya ni Mingyu, sa mga tinging hindi nagsisinungaling, sa mga ngiting tila may buhat na alaala, unti-unting nababasag ang pader na pinatayo niya sa pagitan ng puso niya at ng posibilidad.
“Na hindi naman maling umasa na may chance pa, ‘diba?”
Hindi niya alam kung saan sila papunta. Hindi niya alam kung kailan magiging buo ulit ang mga alaala ni Mingyu, o kung kailan magiging sapat ang kasalukuyan para hindi na kailanganin ang nakaraan. Pero isang bagay ang alam niya. Handa siyang subukan ulit.
Handa siyang hawakan ang kamay ni Mingyu kahit hindi pa ito ganap na bumabalik. Handa siyang umupo sa tabi nito kahit walang kasiguraduhan. Handa siyang mahalin ito, dahan-dahan, tahimik, walang hingi ng kapalit.
Dahil mahal pa rin niya. Walang duda. Walang tanong.
At kung ito na lang muna ang pwedeng ibigay ng mundo—ang mga sulyap, ang pag-uusap tungkol sa trabaho, ang mga katahimikang puno ng pag-asa, tatanggapin niya. Dahil minsan, hindi kailangan ng mga matitinding deklarasyon para malaman mong may puwang ka pa rin sa puso ng isang tao.
Minsan, sapat na ang isang masuyong titig. Ang pagpayag na manatili. Ang mga tanong na hindi sinasagot, pero hindi rin tinatalikuran. At sa pagitan ng hindi pa, ng baka, at ng sana, nakatayo pa rin siya.
Naghihintay.
At nandito na rin ulit si Mingyu.
Nagmamahal.
Magmamahal.
