Actions

Work Header

Rating:
Archive Warning:
Category:
Fandom:
Relationships:
Characters:
Additional Tags:
Language:
Filipino
Series:
Part 1 of Inspired by songs
Stats:
Published:
2025-04-08
Words:
2,045
Chapters:
1/1
Comments:
7
Kudos:
20
Bookmarks:
2
Hits:
170

Para Sa'yo

Summary:

Hindi lahat ng araw ay masaya, pero bawat araw ay may dahilan. At para kay Heeseung at Sunoo laging ang isa’t isa ang kanilang dahilan.

Inspired by 711 by toneejay

Notes:

highly inspired by 711 (toneejay) 🫶🏻 listen to it while reading!!

https://open.spotify.com/track/2ONW0ksoUixoxT7gfI9hWX?si=zWQ6xuYfTX2JY-q-xPEnDw

Work Text:

Hindi engrande ang simula nila.

Simpleng unit lang sa ikatlong palapag ng lumang apartment sa Quezon City. Isang kwartong masikip, may bintanang laging may amoy ng uling mula sa karinderyang katapat, at may kisame na may mga bakas ng dating tagas ng ulan. Ang kusina nila? May gas stove na minsan ay may topak, at isang lumang rice cooker na sinukuan na ng timer kaya kailangang bantayan pa lagi.

Pero kahit ganoon, sa bawat umaga, may isang tanawin ang hindi ipagpapalit ni Heeseung kahit sa pinakamamahaling condo pa sa BGC: si Sunoo, nakasuot ng maluwag niyang T-shirt, magulo ang buhok, at nakangiti habang nagtitimpla ng kape.

“Pagod ka?” tanong ni Sunoo, pabulong habang inaayos ang baon ni Heeseung bago pumasok sa trabaho.

“Medyo. Pero ayos lang,” sagot ni Heeseung, dinadampi ang labi sa pisngi ni Sunoo. “Para sa’yo.”

Hindi ito ang buhay na maganda ipost at kinaiinggitan sa social media. Pero ito ‘yong klase ng buhay na totoo. 'Yong may halong pagod at pagsasakripisyo, pero sa dulo ng bawat araw—may dahilan.

at sa kasong ito, si Sunoo ang palaging dahilan ni Heeseung.
__________________________________________

Linggo ng hapon. Mainit. Wala silang aircon, kaya parehong pawis habang nakahiga sa lumang kutson na binili nila gamit pa ang unang sweldo ni Heeseung mula sa pagiging delivery rider niya.

May lumang electric fan na nanginginig, parang sasabog. Pero hindi iyon importante.

“Alam mo ba,” sabi ni Sunoo habang nakahiga silang dalawa sa kutson, pinagmamasdan ang kisame na may lumang glow-in-the-dark stars na dinikit nila gamit ang double sided tape na sa divisoria pa binili ni Sunoo. “pangarap ko talagang tumira sa lugar na tahimik. 'Yong may malapit na 711, tapos may garden. Gusto ko lang ng simple. Basta tahimik. Basta may kapayapaan. At basta kasama ka”

Hindi agad sumagot si Heeseung. Pinisil niya lang ang kamay ni Sunoo.

Sa isip ni Heeseung, “Teka lang, Love. Promise ko tutuparin ko ‘yan.” Ang mga salitang iyon ay nagsilbing gabay sa kanyang puso, na puno ng determinasyon at pag-ibig. Sa kabila ng hirap na kanilang pinagdadaanan, alam ni Heeseung na walang bagay na mas mahalaga pa sa kaligayahan ni Sunoo. Ang mga simpleng pangarap na ibinahagi ni Sunoo ay tila isang hamon na siya lang ang makakapagbigay katuparan.

________________________________________

Hindi lahat ng araw ay madali.

May mga buwan na si Sunoo lang ang may trabaho — freelance gigs, tutoring, kahit pagtitinda online. May mga gabi na umiiyak si Heeseung sa banyo, pinipigilang marinig siya ni Sunoo, kasi natatakot siya na baka hindi niya maibigay ang buhay na pinangako niya kay Sunoo. Pakiramdam niya kulang pa rin siya para sa kanyang mahal.

Pero tuwing umaga, si Sunoo ang unang bumabati.

“Gising na, Love,” sabay abot ng pandesal at yakap. “One day closer tayo sa pangarap natin.”

Hindi lahat ng araw ay madali

May mga gabing hindi sila sabay makauwi. May mga buwan na halos puro kape at instant noodles lang ang budget. May mga panahong gusto na lang nila sumuko.

Hindi lahat ng araw ay madali.

May mga araw na hindi na sila sabay kumain dahil sa late nilang paguwi. Si Sunoo, galing sa part-time work, habang si Heeseung, galing sa delivery shift. May mga gabing pareho silang tahimik, hindi dahil galit sila sa isa’t isa, kundi dahil pagod lang. Pero kahit walang salita, lagi silang magkatabi. Laging nag-aabutan ng tubig. Laging naghihintayan.

Hindi lahat ng araw ay madali.

Isang gabi, umuulan ng malakas. Basang-basa si Heeseung pagpasok, halos manginig sa lamig.

Pagbukas ng pinto, sinalubong siya ni Sunoo ng tuwalya at mainit na sabaw. “Naglakad ka ba?” tanong nito, hawak pa rin ang mangkok.

“Oo. Walang masakyan, baha na rin sa kanto,” sagot ni Heeseung, umupo sa upuan habang iniaabot ni Sunoo ang tuyong shirt.

Tahimik. Simpleng eksena. Pero sa mga ganitong sandali, doon nila mas nararamdaman kung gaano kahalaga ang isa’t isa.

Lagi nilang tinatandaan na sa bawat pagbagsak, laging may bumabangon. Laging may isa sa kanilang magpapaalala kung para saan lahat ng ito.

“Makakabawi rin tayo,” sabi ni Heeseung

“Basta ikaw kasama ko, okay lang kahit mabagal. Kahit matagal. Basta sigurado.”

Ngumiti si Sunoo, mata ay pagod dulot ng trabaho “Ang importante, magkasama.”

_______________________________________

Noong nakuha ni Heeseung ang isang regular na position sa isang opisina, una niyang ginawa ay bumili ng alkansya.

“Para saan ‘to?” tanong ni Sunoo, habang pinagmamasdan ang pastel pink na baboy.

“Para sa dream house natin,” sagot ni Heeseung, seryoso.

Doon nagsimula ang plano. Kahit gaano kaliit, bawat barya, bawat overtime, bawat delay sa luho—para sa bahay at buhay na pangarap nila.

Si Sunoo naman, kabi kabilaan ang part time work. Nagsimula na rin siyang magbenta online. Mula cookies hanggang succulents. May mga customer na hindi nagbabayad, may mga order na mali ang shipping, pero hindi siya sumuko.

Kada may natatanggap silang dagdag, kahit gaano kaliit, cinecelebrate nila. Minsan sa paborito nilang tusok tusok sa kanto. Minsan kapag may extra, sa paborito nilang Jollibee branch na paborito nilang kainan nung college pa lamang sila.

________________________________________

Sa wakas, dumating din ang araw na matagal nilang pinapangarap.

Naipundar nila ang munting bahay sa Santa Rosa—isang tahanan na puno ng mga alaala at mga pangarap na magkasama nilang itinaguyod. Ang bahay na ito ay hindi kasing laki ng mga bahay na makikita sa mga siyudad, pero puno ito ng kahulugan at kwento ng bawat hakbang na tinahak nila upang makarating dito. May hardin sa harap na si Sunoo mismo ang nag-aalaga at nagtanim ng mga halaman. Sa ilalim ng araw, makikita mong kumikislap ang mga dahon at mga bulaklak ng iba't ibang uri ng halaman na siyang nagpapaganda sa paligid.

Naglagay din sila ng solar lights sa garden. Gabi-gabi, ang mga ilaw na iyon ay parang mga bituin na nagsisilbing gabay sa kanilang maliit na mundo. Kahit simpleng bagay, ito ay nagbigay ng liwanag at init sa bawat gabi nilang magkasama. Si Sunoo ay nagtanim ng basil, ang paborito niyang halaman, at si Heeseung naman ang naglagay ng sili sa gilid ng hardin. Kahit minsan nalalanta ang mga halaman, hindi nila ito pinapabayaan. Pinapangalagaan nila ito, tulad ng pag-aalaga nila sa isa’t isa. Dahil sa mga halaman na ito, naalala nila ang mga araw ng kanilang paghihirap at pagsasakripisyo—mga alaalang tumulong sa kanila upang makarating sa puntong ito, sa bahay na tinawag nilang tahanan

Sa maliit nilang porch, doon sila nagkakape tuwing umaga. Habang binabaybay nila ang araw, magkasama nilang tinitikman ang mga init ng kape, ang lamig ng hangin, at ang tahimik na paligid na nagbibigay sa kanila ng pagkakataon upang mag-usap tungkol sa mga pangarap nila, mga plano, at minsang tungkol sa mga simpleng bagay na nagbibigay saya sa kanilang araw-araw.

Hindi rin kalayuan ang 7-Eleven, kaya sa mga gabi na hindi sila makatulog, naglalakad sila papunta doon para bumili ng midnight snacks—mga chips, o kung minsan ay softdrinks—na nagiging dahilan ng kanilang mga tawa at kwentuhan tuwing madaling araw. Kahit may mga pagkakataon na mahirap ang buhay, ang bawat pagpunta nila sa 7-Eleven ay nagsisilbing pahinga mula sa lahat ng stress at problema, kahit saglit lang.

May kotse na rin sila, isang simpleng sasakyan. Hindi ito mamahalin, pero sapat ito para dalhin sila sa mga lugar na gusto nilang marating—mga daan na puno ng magagandang tanawin, mga kalsadang nagsisilbing saksi sa bawat paglalakbay nilang magkasama. Wala man silang marangyang buhay, ngunit sa bawat galak na hatid ng kotse, nakikita nilang nagiging mas magaan na ang lahat.

At sa kabila ng lahat, tinupad ni Heeseung ang isang bagay na joke lang noong una. Wala silang motor. Kasi nga, tulad ng sinabi ni Sunoo, “Nakakatakot. Gusto ko safe ka lagi.” Hindi na nila kailangan pang magsakripisyo para sa mga bagay na hindi nila kayang ibigay; ang pinakamahalaga sa kanila ay ang kaligtasan at kaligayahan ng isa’t isa.

Ito ang bunga ng lahat ng sakripisyo nila—ang munting hardin, ang simpleng bahay, at ang pagmamahalan na hindi kailanman mawawala.

________________________________________

Matapos ang ilang taon ng pagsusumikap, saksi sa bawat paghihirap at pagpapakapagod, nakaipon din sila para makalipad sa Japan—isang pangarap na hindi nila inaasahan ngunit ngayon ay hawak na nila sa kanilang mga kamay.

Naglakad sila sa ilalim ng mga cherry blossoms, ang mga bulaklak na kumikislap sa bawat simoy ng hangin, habang ang mga petals ay dumadapo sa kanilang mga ulo at sa kanilang balat. Ang mga puno ng sakura na nagbigay kulay sa bawat hakbang nila, parang nagsasabing “sa wakas, nandito na kayo.”

Sa mga eskinita ng Japan, kumain sila ng ramen, isang pagkain na simple pero puno ng lasa—isang bagay na pareho nilang minahal. Sinundan nila ito ng pagpunta sa mga bookstore, ang bawat pahina ng libro ay naglalaman ng mga kwento at karanasan na binuo na nila, at ilang mga pangarap pa na hindi pa natutupad.

Pinuntahan nila ang isang lugar kung saan may capybara na sa social media lang noon nakikita ni Sunoo kaya natural lang na magpa picture sila, hawak ang capybara na may ngiti sa kanilang mga mata.

Habang bumabaybay sila sa tren pauwi sa hotel, ang mga ilaw sa labas ay parang mga bituin na patuloy na kumikislap. Habang tinitingnan ni Sunoo ang tanawin mula sa bintana, naglabas siya ng isang mahinang buntung-hininga. “Hindi ko akalain na darating tayo rito. Akala ko sa panaginip ko lang ‘to mararanasan,” sabi ni Sunoo, ang mga mata nito ay puno ng tuwa, parang hindi pa rin niya matanggap na nandito na sila sa gitna ng isang panaginip na posible pala na maging isang realidad.

“Hindi na. Totoo na lahat ‘to,” sagot ni Heeseung, ang boses nito ay puno ng kasiyahan at pagmamahal. Habang pinagmamasdan ang liwanag sa mukha ng lalaking matagal na niyang minamahal, dama ni Heeseung ang bawat sandali ng kagalakan. Hindi na sila nagmamadali. Wala nang pangarap na mahirap abutin.

_____________________________________

Pag-uwi nila sa Pilipinas, mas naging tahimik ang buhay nila. Hindi naman boring, kundi isang tahimik na kaligayahan. Sa umaga, sabay silang nagkakape sa porch habang pinagmamasdan ang mga puno at ang paligid na tahimik. Minsan, ang araw ay nagsisimula sa simpleng pag-uusap tungkol sa kung anong nangyari sa nakaraang araw o mga bagay na wala lang—mga simpleng tanong tungkol sa araw nila, pero bawat sagot ay puno ng pagmamahal para sa isa't isa.

Sa gabi, nagkukwentuhan sila habang naghuhugas ng pinggan. Wala silang pakialam sa mga maliliit na abala. Mas mahalaga sa kanila ang oras na magkasama, kahit simpleng gawain lang. May mga araw na nagpapatugtog sila ng paborito nilang mga kanta habang naglilinis. Ang tunog ng musika at ang kanilang pagkakaroon ng pagkakataon na magsama ay naging sapat na para magbigay saya sa kanilang gabi. Minsan, magkaakbay lang sila sa sofa, nanonood ng mga lumang pelikula. Hindi ito kailangan ng malalaking plano o espesyal na okasyon. Basta magkasama sila, yun na ang pinakaimportante.

Minsan simple, minsan tahimik, minsan magulo, ngunit ang mahalaga, magkasama sila sa lahat ng ito.

“Ang sarap ng ganito, no?” bulong ni Sunoo habang nakahiga siya sa sofa, ang ulo ay nakaunan sa dibdib ni Heeseung. Nakapikit siya at nararamdaman ang tibok ng puso ni Heeseung, isang tunog na tila nagsasabing magkasama sila sa bawat hakbang ng buhay. Sa mga sandaling iyon, hindi na nila kailangan ng mga salita para iparating ang kanilang nararamdaman.

Hinaplos ni Heeseung ang buhok ni Sunoo at binigyan siya ng isang malambot na halik sa tuktok ng ulo. Tumagal ito ng kaunti, na para bang siya'y hindi pa handang bumitaw. Nang maghiwalay ang kanilang katawan, tinitigan ni Heeseung si Sunoo na may ngiti sa mga labi. "Sabi ko naman sa’yo, matutupad rin natin lahat ng pangarap natin eh" sabi ni Heeseung, ang mga mata ay puno ng tamis at kasiguraduhan.

Tumingin si Sunoo kay Heeseung, ang mga mata niya ay malumanay at may kasamang ngiti. "Salamat, Love," sabi niya, na para bang hindi niya kayang ilarawan ang pasasalamat na nararamdaman para kay Heeseung at sa lahat ng mga sakripisyo nito para sa kanila.

Naginhawaan si Heeseung at huminga ng malalim, tinanggal ang pagod sa katawan. "Huwag ka nang magpasalamat. Parehas natin itong pinaghirapan," sabi niya, ang tinig ay puno ng malasakit. "Lagi mong tatandaan na lahat ng ‘to, lahat ng ginagawa ko para sa’yo talaga."

At sa bawat araw na lumilipas, hindi na nila kailangang mangarap ng ‘balang-araw.’ Kasi nandoon na sila. Kasama ang isa’t isa. At iyon ang pinakamasarap sa lahat.

Series this work belongs to: