Actions

Work Header

Rating:
Archive Warnings:
Category:
Fandom:
Relationships:
Characters:
Additional Tags:
Language:
Filipino
Series:
Part 2 of Inspired by songs
Stats:
Published:
2025-04-09
Words:
1,218
Chapters:
1/1
Comments:
4
Kudos:
13
Bookmarks:
1
Hits:
175

Multo

Summary:

At sa gitna ng pagkalugmok, natutunan niyang minsan, sapat na ang alaala para huminga

Notes:

I'm sorry na agad 😔🙏🏻

listen to multo by coj while reading!!

https://open.spotify.com/track/4cBm8rv2B5BJWU2pDaHVbF?si=vjQOtqR0TmC3hKXO7H9j9Q

Work Text:

Tahimik.

Pero hindi ‘yon ang klase ng tahimik na nagbibigay ng kapayapaan. Isa itong klase ng katahimikang may bigat—parang may nakadagan sa dibdib, masyadong mahigpit. Parang gusto mong sumigaw, pero ni boses, ni luha, wala kang mailabas. Wala kang lakas.

Sa sulok ng kwarto, nasa sahig si Heeseung, nakasandal sa gilid ng kama. Walang ibang ilaw kundi ang liwanag mula sa isang lumang lampshade. Mahina, kulay dilaw ang liwanag, at parang pagod na rin—tulad niya.

Hawak niya ang hoodie. Kulay asul. Luma. May punit sa manggas. Minsan nang niyakap habang buo pa ang mundo. Minsang naiwan sa kanya ng taong hindi na babalik.

"Sunoo..."

Mahinang bulong niya. Parang dasal. Parang huling saklolo ng pusong patuloy na nauubos.

Lumipas ang mga gabi. Tahimik pa rin. Pero hindi pa rin mapayapa. Tahimik na may pangungulit, tahimik na may mga tanong.

Nakatalukbong siya ng kumot kahit hindi malamig. Nakatingin sa kisame, binibilang ang mga bitak—o siguro, nagkukunwaring may tinitignan, para lang may ibang gawin bukod sa may maalala. Pero kahit anong iwas, iisang pangalan lang ang naiwan sa kanyang isipan.

Sunoo.

Walang dahilan kung bakit biglang pumasok sa isip niya. O baka meron. Baka sadyang pilit lang niyang tinatanggihan, pilit na iniiwasan.

Kasi kahit anong gawin niya. Kahit pumikit, kahit pilitin ang sarili na magpatuloy iisa lang ang katotohanan:

Hindi siya makawala.

———-

Isang araw, habang nililinis ang lumang drawer, may nakapa siyang maliit na garapon. May alikabok. Halatang matagal nang itinabi. Sa loob, may nakarolyong papel na may pulang sinulid—tila sulat na naglalaman ng lahat ng hindi na nasabi.

Pagkakuha niya rito, biglang may dumapong malamig na hangin.

Mabilis lang. Banayad.

Pero sapat para mapahinto siya.

Parang... may dumaan. Parang may humaplos sa batok niya—hindi para manakot, kundi para ipaalala na may kasama siya.

Nanginginig ang daliri niya habang binubuksan ito.

“Para sa minamahal kong si Heeseung, kung sakaling hindi ko na masabi.”

Tumigil ang oras. Huminto ang hangin.

At siya ay tumingin lang. Hinawakan lang niya ito. Parang takot na takot malaman ang huling pahina ng kwentong ayaw pa niyang wakasan.

Ngunit sa huli, ito ay kanya ng binasa.

At bawat salita, tila kutsilyong lumulubog dahan-dahan sa puso niya. Hindi siya handa.

--
Kung binabasa mo ‘to, ibig sabihin… wala na ako.

Hindi ko alam kung paano kita iiwan. Ang hirap. Sobra. Pero alam kong mas mahirap para sa ‘yo. Kaya habang kaya ko pa, habang meron pa akong lakas, gusto kong sabihin ang mga salitang hindi ko masabi noon.

Una sa lahat—salamat.

Salamat sa bawat araw na pinili mong mahalin ako. Sa bawat sandaling pinilit mong patawanin ako kahit gusto ko nang sumuko. Sa bawat 'kumain ka na ba?' na

Pero Heeseung, mahal ko, hindi pala ako palaging malakas.

Pinilit ko. Pinilit kong lumaban. Para sa’yo. Para sa atin. Pero may mga laban talagang kahit anong gawin mo, hindi mo maipanalo. At hindi ‘yon dahil mahina ka—minsan, kailangan lang talagang tanggapin.

Alam mo, hindi ako takot mamatay, Hee. Mas takot akong hindi ka maging masaya. Mas takot akong ako ang maging dahilan ng pagkapit mo sa sakit. Kaya kung may isang hiling ako bago ako tuluyang mawala, ito ‘yon—maging masaya ka. Kahit wala ako.

Alam ko, hindi madali. Alam kong susumpain mo ‘ko sa gabi, iiyak ka sa unan, at baka hindi ka makatayo agad. Pero alam ko ring kaya mo. Hindi dahil madali. Hindi dahil mabilis. Kundi dahil ikaw si Heeseung.

At kung dumating ‘yong araw na akala mong hindi mo na kaya, bumalik ka sa sulat na ‘to. Gamitin mong sandalan. Alalahanin mo kung paanong kahit mahirap, kahit masakit, pinili pa rin nating magmahal.

Kapag naramdaman mong malamig ang hangin sa madaling araw, yakap ko ‘yon. Kapag narinig mong may tumawa sa paligid, sana maalala mong ganyan din ako tumawa kapag ikaw ang kasama ko.. Kapag biglang tumahimik ang mundo, sana tandaan mong kahit wala na ako, ako pa rin ang katahimikang nakikinig sa bawat salitang hindi mo masabi.

Hindi mo kailangang kalimutan ako. Pero pakiusap ko lang—huwag mong hayaang ang alaala ko ang magpatigil sa mundo mo. Bitbitin mo ako kung kailangan, pero huwag mong hayaang ako ang pumigil sa ‘yo.

Hee, mahal kita. Mas higit pa sa kayang sambitin ng bibig ko. Mas matagal pa sa habangbuhay na hindi na natin nakuha. Mas totoo pa sa mga gabing magkayakap tayong natutulog.

At kung sakali man—kung sakaling may iba nang humawak sa kamay mo, huwag kang matakot. Hindi ibig sabihin noon na hindi mo ako minahal. Ibig sabihin lang noon... pinili mong mabuhay muli.

At para sa ‘kin, ‘yon ang pinakamagandang paraan para alalahanin ako.

Hanggang sa muli, kung kailan man ‘yon,

Sunoo

--

At sa huling linya ng sulat, doon niya naramdaman ang hangin.

Malamig—pero hindi na nakakakilabot.
Malamig—pero hindi na nakakatakot.
Malamig—pero may haplos. May yakap. May pahinga.

Napapikit siya.

Parang biglang gumaan ang dibdib. Parang may tinanggal na kung anong bigat mula sa kanyang loob.

Parang sa unang pagkakataon mula nang mawala si Sunoo, nakahinga siya. Hindi ng malalim—pero sapat.

At sa sandaling ‘yon, alam niyang naroroon si Sunoo.
Hindi na para hawakan ang kamay niya, pero sapat para iparamdam: hindi siya nag-iisa.

Tahimik niyang hinawakan ang sulat. Inilapit ito sa dibdib.

At sa unang beses matapos ang mahabang panahon, napaluha siya—hindi lang dahil sa sakit.

Kundi dahil sa pag-ibig na hindi kailanman mawawala.

————-

Pagkatapos ng ilang araw, nakatayo si Heeseung sa harap ng puntod ni Sunoo.

Walang dalang bulaklak. Walang kandila. Garapon lang at sulat.

Suot niya ang hoodie—’yong dati nilang pinag-aagawan, ‘yong minsan nilang sinilungan sa ulan, ‘yong minsan naging tahanan. Ngayon, ‘yon na lang ang natira. Kaya kahit hindi na mainit, kahit luma na, suot niya pa rin. Para kahit papaano, may pinanghahawakan pa siya.

“Kung pwede lang…”

Nabitin ang salita. Humikbi siya. Isa. Dalawa. Parang pilit pinapasok ang hangin sa dibdib na ayaw nang gumana.

“…kahit isang yakap lang. ‘Yong parang dati. ‘Yong parang babalik ka pa.”

Nanginig ang labi niya. Pinipigilang umiyak pero nabibigo. Hinawakan niya ang hoodie, inilapit sa mukha, inamoy. Wala na ang dating amoy, pero hinahanap pa rin niya.

“Akala ko kaya ko, Sunoo.” Boses niya, basag. “Akala ko sapat na ‘yong sulat mo. Akala ko sapat na ‘yong mga alaala mo.”

Napatingin siya sa langit—hindi para humingi ng sagot, kundi para magtanong.

“Bakit siya? Bakit siya agad?”

Bumagsak ang luha. Isa. hanggang sa naging sunod-sunod.

“Bakit mo kinuha ‘yong taong wala namang ginawa kundi magmahal? Bakit ‘yong taong mahal ko pa?!”

Lumuhod siya. Hinampas ang lupa, mahina pero may galit.

“Hindi ba sapat ha? Bakit hindi mo naintindihan na siya na lang ang meron ako?!”

Humikbi siya nang mas malakas. Walang pakialam kung marinig man siya ng langit o hindi.

“Gusto ko lang siyang makita ulit… Gusto ko lang siyang yakapin. Kahit isang segundo.”

Tumigil siya. Napapikit. Huminga nang malalim. Kinuyom ang sulat.

“Hindi kita papalitan,” mahina niyang sabi. “Pero susubukan kong mabuhay. Kasi ‘yun ang gusto mo.”

Tumayo siya. Mabigat ang hakbang. Bitbit ang garapon. Bitbit ang sulat. Bitbit ang bigat.

 

At sa gitna ng malamig na hangin, sa gabing walang buwan, nakalakad siya paalis. Hindi nang walang sakit, pero may kaunting nang lakas.

 

Kasi kahit wala na si Sunoo, dala pa rin niya ang alaala nito—at minsan, sapat na ‘yon.

 

Para huminga.

 

Para magpatuloy.

 

Para mabuhay.

Series this work belongs to: