Chapter Text
“Kuya mamaya ka na humarot diyan bumaba ka na dito nakaluto na ko ng pagkain!”
Maaga akong nagluto ng almusal para sa amin ni kuya. Papasok na kasi siya sa trabaho samantalang ako naman, papasok na sa university. Routine na namin to araw araw. Ako ang magluluto, siya naman ang maghuhugas ng plato kapag umaga. Kapag sa gabi naman, baliktad kami.
“Oo na, ito na!” sagot naman niya. Nakita ko siyang nagsusuklay habang pababa sa hagdanan. “Bakit ba aburido ka na naman?”
“Wala, male-late na kasi ako e ang bagal bagal mo pa.”
Ginulo ni kuya yung buhok ko. “Asus itong si bunso, ihahatid ka naman namin ng ate mo! Sige na, kumain ka na diyan. Tama na simangot, papangit ka niyan eh!”
“Sasabihan lang ako na kumain, guguluhin pa buhok ko!”
Tinawanan lang ako. Hay.
Oo nga pala, ako nga pala si Alexis. Bunso sa dalawang magkapatid. Yung kuya ko, si Jose Sixto. Pero Dingdong ang tawag ko sa kanya. Ang kwento niya kasi sa akin dati, nung pinapabigkas niya sa akin yung pangalan niya, "Ding dong" ang nasasabi ko. Ginagaya ko daw kasi yung doorbell. Simula noon, yun na yung tawag sa kanya nina mama.
Hay, namiss kong bigla si mama. Wala na kasi siya eh. Namatay siya nung 10 years old ako at 17 years old naman si kuya. Binabantay-bantayan naman kami ng lolo at lola ko nung mawala si mama pero hindi kalaunan, kinuha na rin sila ni Lord. Kaya si kuya na ang halos nagpalaki sa akin. Baby ako niyan eh.
Si papa naman? Hindi ko na alam. Bata pa lang ako nung maghiwalay sila ni mama at hindi na namin alam kung nasaan siya ngayon. Hindi na lang din namin inalam; siya naman kasi ang nang-iwan.
At yung sinasabi niya na ate ko, yung girlfriend niya. Si Ate Marian, or Ate Yan. Grabe, sobrang ganda non! At sobrang bait pa. Matagal na sila ni kuya. Highschool pa lang nung naging sila at hanggang ngayon na may trabaho na sila, syempre sila pa din. Si Ate Yan lang ang gusto kong makatuluyan ng kuya ko kasi grabe, sobrang bait niya talaga. Caring, magaling magluto saka kuhang-kuha na niya ugali ni kuya. Minsan kasi topakin din si kuya pero nagcocomplement sila ni Ate Yan. Kaya kung maghihiwalay sila ng kuya ko, kay ate ako sasama kasi for sure, si kuya ang may kasalanan.
Syempre joke lang ‘yon.
Mahal ko lang talaga si Ate Yan. Nasabi ko na bang sobrang bait niya? Oo ata. Pero oo, sobrang bait niya. Kasi kapag wala si kuya, siya na ang nagkukusang tumingin tingin sa akin dito sa bahay kapag mag-isa lang ako. Siya yung guardian ko kapag wala si kuya eh. Matagal ko na rin naman siyang kilala bilang matagal na namin silang kapitbahay. Nauna lang kaming lumipat sa village, kaya alam ko na ugali niyan. Alam kong mabait at maalaga siya. Hindi tulad ng kapatid niya.
“Hello, Alexis!”
Anak ng sinampalukang manok. Eto na ang panira ng araw.
Nakita kong tumatawa tawa si kuya habang kumakain. “Wag ka nga, kuya.”
“Napabusangot ka na naman kasi diyan eh,” sagot naman niya. “Wag ka na kasing mainis kay Tisoy.”
Inangat niya yung tingin niya at tinawag yung bagong dating. “Halika na, Tisoy! Kumain ka na, nagluto na si Alex.”
“Uy wow, may spam! Alam mo talagang dito ako kakain ano Alexis? Nagluto ka ng paborito ko eh!”
Inagaw ko sa kanya yung platito na may spam. “Hindi para sayo yan, wag kang epal.”
“Napakasungit naman nito! Wag ka ngang sumimangot, baka pumangit ka niyan eh,” sagot naman sa akin ni Jay.
Si Jay, o Tisoy sa karamihan, yung bunsong kapatid ni Ate Yan. Kung anong kinabait ng ate niya, siya namang kinahangin ng ugali niya. Ayoko naman sabihing masama ugali niya kasi may tinatagong kabaitan naman to, pero sobrang hangin lang talaga. Gwapong gwapo sa sarili niya yan eh. Feeling niya God's gift to men and women siya pero ang totoo, anghel lang siya na binagsak sa lupa kasi hindi siya pwede don kasi ubod ng feelingero siya. Marinig ko pa lang boses nito nabubwisit na ko eh.
“Wala ka nang pakialam kung magsungit ako sayo o hindi. Basta wag mong kakainin yan, kay ate yang spam.”
“Kapatid naman niya ko ah! Hindi ba to pwede sa akin?”
Tiningnan ko siya ng diretso sa mata. “Hindi. Kaya manigas ka. Kung gusto mo ng spam, bumili ka tas iluto mo saka mo kainin.”
Napakamot na lang siya sa ulo, habang iiling-iling naman si kuya. “Pakadamot naman nitong taong to!” sabi niya, sabay kuha ng hotdog. “O baka pati itong hotdog pagbawalan mong kainin ko ah!”
“Oh, nag-aaway na naman kayong dalawa?”
Napalingon ako sa may sala at nakita kong papalapit sa amin si Ate Yan. Umupo siya sa tabi ni kuya tapos si kuya naman, kiniss siya sa noo. Hay, ang sweet.
“Pinag-aawayan yung paborito mong spam, mahal,” sabi ni kuya sa kanya habang natatawa. “Kulang na lang saksakin ni Alexis si Tisoy eh.”
Nakangiting napapailing si Ate Yan. “Kayo talagang dalawa. Ikaw nga Tisoy, wag mo kasing aasarin tong si Alex. Sinisira mo araw niya eh.”
“Naku ate, sabi ko lang naman pahingi ng spam! Tapos kung makasigaw akala mo nasa Timbuktu yung kausap.”
“E kasi nga ate niluto ko talaga yan para sayo kasi diba paborito mo yan?”
Ngumiti sa akin si ate. “Sige na, bigyan mo na si Tisoy. Baka magwala mga alaga niyan sa tiyan kapag hindi nakakain ng spam. Paborito niya rin kasi yan diba?”
At sa kasamaang palad, alam ko na paborito niya rin yon (ayaw ko lang i-acknowledge) kaya wala na kong nagawa kundi abutan siya ng spam, pero inirapan ko siya. Ngising aso naman tong siraulo na to kainis.
“Oo nga pala Lex, gagabihin ako mamaya at may dinner meeting kami sa office. Kung gusto mo, dun ka na muna magstay kina Yan para may kasama ka?” sabi sa akin ni kuya.
“Naku, hindi na kuya. Okay lang naman ako dito saka may gagawin ako para sa school paper mamaya.”
“Sigurado ka?”
Tumango ako sa kanya. “Oo naman, kaya ko naman na.”
“Ako nang bahala sa kanya, mahal. Titingnan tingnan ko na lang siya mamaya pagdating ko galing sa flower shop. Maaga naman ata siyang uuwi mamaya, di ba Lex?”
Ngumiti ako kay ate. “Opo, hanggang 2pm lang naman yung class ko.”
“Sus, ako na lang titingin. Nandito lang naman ako sa bahay maghapon kasi day off ko sa gym,” singit naman ni Jay. Gym instructor kasi yan. Pangit naman ng katawan eww.
Tiningnan ko siya ng matalim pero nagkibit balikat lang siya. “Alam mo papansin ka.”
“Nagmamagandang loob na nga ako eh!”
“Hep, hep, tigil na,” awat sa amin ni ate. “Basta kung may kailangan ka Alex, tawagan mo lang ako o si Jay ha?”
Wala na akong nagawa kundi tumango. “Sige ate.”
Pagkakain naming lahat, naghugas na ng mga plato si kuya at nag-ayos naman ako ng mga gamit. Pagkatapos niya, naghanda na kami sa pag-alis. Si Jay naman, bumalik sa bahay nila sa kabila.
Pasakay na kami sa kotse ni kuya nung tinawag kami ni Jay.
“Saan galing yung lumpia kagabi, ate? Sarap ah!”
Napangisi ako. “Si Alex nagluto non,” sabi ni ate. “Sarap no?”
“Oo! Magluto ka pa ulit, Lex. Pati suka masarap!”
Natatawa na lang ako. “Okay. Sarap diba? May tokwa yon.” saka ako sumakay sa kotse.
Nakita kong namutla si Jay. Hindi kasi siya kumakain ng tokwa.
Nakita kong tumingin sa akin si kuya sa rearview mirror, natatawa. “Hay nako, Alexis.”
Alexis - 1, Jay - 0.
