Chapter Text
Grade 10, huling tyansa na para maghanap ng high school sweetheart. Kung tutuusin, may senior high pa naman. Pero para kay Renjun, parang mas espesyal kung sa junior high niya makikilala ang taong mamahalin niya panghabang-buhay. Hindi kasi agad nagkakilala ang parents niya, pakiramdam niya minadali lahat ng magulang niya ang proseso ng buhay pag-ibig dahil sa katandaan. Ang palaging kwento ay nilagpasan na ang ligawan, walang preparasyon kaya civil wedding na lang ang naganap, at kahit pamamanhikan sa magulang ng kanyang ina ay hindi nagawa ng kanyang ama dahil pagkauwi nila ng probinsya sa pinakaunang pagkakataon ay kasal na sila. As in boom! Kasal na sila sa mata ng batas.
Si Renjun naman, gustong maranasan lahat lahat ng hindi nagawa ng kanyang mga magulang noong bago pa lang sila. Ligawan? Ipaparamdam niya araw-araw, oras-oras, at minu-minuto kung gaano niya kamahal ang kanyang sinisinta. Sisiguraduhin niyang mahuhulog ang loob nito katulad na lamang ng kanyang pagkahumaling dito. Dates? Marami silang panahon para diyan. Magiging mahaba ang kanilang pagsasama at sa bawat segundo na sila'y magkasama, mas makikilala nila ang isa't-isa. Ang kanilang kasal? Ay ano, masyado pang maaga para diyan, basta sisiguraduhin niya ring engrande ito.
Ngunit bago ang lahat ng iyan, dapat ay humanap muna siya ng jowa. Oo, humanap na dapat siya ngayon na! Walang oras ang dapat inaaksaya. Marami pa silang dapat gawin para tuluyang maisakatuparan ang pangarap ni Renjun pagdating sa buhay pag-ibig niya.
"Mahal!"
Naputol ang linya ng pag-iisip ni Renjun tungkol sa kanyang potential jowa at bago pa man tuluyang lumingon sa direksyon na sumigaw ng salitang yan ay natabunan na ang kanyang paningin ng isang malapad na dibdib. Sinalubong siya ng mainit na yakap ni Jaemin.
"San ka galing? Kanina pa kita hinahanap kasi sasabay sana ako sayo mag-lunch." ani ni Renjun sa nakakabata, kumalas sya sa yakap nito.
"Ah, I was with Jeno earlier. May pinasa lang kami kay Ma'am Mika kasi ngayong lunch ang deadline. Kumain ka na ba, mahal?"
Bahagyang nahiya si Renjun sa tawag nito sa kanya. Tumingin siya sa paligid, tinitignan kung may nakatingin ba sa gawi nila o hindi kaya may nakarinig sa sinabi ni Jaemin.
Nagpakawala siya ng buntong hininga at tumitig sa kasama. "'Wag ka ngang masyadong malakas kapag yan tawag mo sa akin, medjo may pagka-skandaloso, eh. Baka isipin ng iba jowa kita, baka hindi na nila ako landiin." palusot ni Renjun.
Nag-aktong nasaktan si Jaemin. Humawak siya sa kanyang dibdib at tinitigan si Renjun na may kalaliman. "You wound me, mahal. May iba ka na ba? Bakit ayaw mo nang tinatawag kita ng 'mahal'? Sabihin mo sa akin ng maayos, Renjun. Hindi yung nambibigla ka ng ganto! Sinong babae mo? Oh 'di kaya lalaki yan? Bakla ka na rin ba?" sunod sunod na tanong nito.
Hinampas siya ng nakakatanda at tumingin ng matalim sa kanya. "'Lam mo, Renjun, tanggap pa rin kita kahit bakla ka. Ok nga yan eh, edi parehas tayong bading. Makaka-relate ka na rin sa akin." ani niya at tsaka inakbayan ang isa. Nagsimula silang maglakad patungo sa kinaroroonan ng canteen. "Canteen tayo, ah? 'Di pa ako kumakain, eh. Samahan mo muna ako."
"Ok lang, 'di pa rin naman ako kumakain,"
Tumigil si Jaemin sa paglalakad at hinawakan ang dalawang balikat ni Renjun para pihitin itong paharap sa kanya. "'Ya, baka nakakalimutan mong may ulcer ka, 'ya. Bakit 'di ka pa kumakain eh nag-chat ka kanina na gutom ka na?"
"Dami mong satsat, 'ya. Tara na nga," tumingin si Renjun sa relos sa kanyang kanang kamay. "20 minutes na lang magta-time na. Sa susunod 'di na talaga kita hihintayin."
"Oki, mahal, oo na. Sa gutom siguro ay nauurat ka na. Akong bahala,"
"Libre mo ba? Ayos ah, may budget."
"Only for you, mahal," sabay kindat kay Renjun. Kung makaasta silang dalawa ay akala mo matagal na silang magkaibigan, may call sign pa nga. Sa katunayan, noong grade 9 lang naman sila nagkakilala. Nagkakilala sila dahil sa bestfriend ni Renjun na si Jeno. Si Jeno naman ay isa sa mga kaklase ni Jaemin at naging matalik na magkakaibigan sila dahil palagi silang magkagrupo sa kanilang mga asignatura. Noong una ay nahihiya pa si Renjun tuwing sumasama siya sa dalawa nguni't kalaunan, gumaan na rin ang loob niya kay Jaemin. Isa kasing social butterfly ang nakakabata. Bawat ata classroom ay may bestfriend siya at kahit sa ibang lebel ng mag-aaral ay may kakilala siya.
"Uy Kuya Jaem! Nasa akin pa rin bola mo, ah? Baka hinahanap mo na. Ibabalik ko sana sa'yo kahapon kaso lang wala ka naman sa room niyo nung uwian na. Nakipag-date ka na naman siguro, yieee!" tulad ngayon, may nakasalubong sila ni Renjun na lower grade, mukhang kasama ni Jaemin sa basketball team dahil nanghiram ito ng bola sakanya. Ahh, oo nga pala, parte ng basketball team si Jaemin, talagang kilala siya sa buong paaralan.
Tinakpan ni Jaemin ang tenga ni Renjun upang hindi na nito marinig ang iba pang sasabihin ng lalaki. Wala namang kwenta, masyadong malakas at mabunganga ang nakasalubong nila kaya rinig niya pa rin. "Si Kuya Yangyang ba yun? Yiee kaw talaga, ilang beses ko na kayong nakita-"
"Hoy Chenle isa pang bukas niyang bibig mo, tatahiin ko na yan. Baka 'di mo alam, ako vice president ng home makers club dati, batak ako manundot ng karayom." pagbabanta nito sa nakasalubong nila, Chenle pala ang pangalan. 'Teka, Chenle? 'Di ba yan yung kinukwento sa kanya ni Ji-'
Tinanggal ni Renjun ang kamay ni Jaemin na nakatakip sa kanyang tenga at hinarap ito. "Bakit mo ba tinatakpan?!" naiinis niyang sabi at minasahe ang kanyang mga tenga.
"Oh? 'Di ka si Kuya Yangyang ah..." mahinang bulong ni Chenle pero sadyang malakas talaga ang boses nito na kahit ang kanyang bulong ay tila normal na boses lang.
Binaliwala ito ni Renjun at patuloy na nagsalita. "Yangyang? Nag-date kayo ni Yangyang?" 'Finally?'
"Uhh wala yun, mahal! D-Di yun date... Ata?" nauutal na ani ni Jaemin, halatang di niya alam ang isasagot.
"Mahal?! Ikaw si 'mahal'?! Akala ko si Kuya Yangyang. Oh shit!" tinakpan pa ni Chenle ang kanyang bibig, gulat na gulat sa narinig.
Mabilis na winasiwas ni Renjun ang mga kamay, senyales na mali ang iniisip ni Chenle sa kung anong namamagitan sa kanilang dalawa ni Jaemin. "N-No, it's not what you think is! Call sign lang yun, walang kami. Magkaibigan lang kami."
Napasinghap naman si Jaemin sa narinig. "Mahal! Nakakailan ka na today, ah."
"Ngayon lang ako nakarinig ng magkaibigan na may call sign tapos mahal pa, ang sweet sweet niyo pa. Ako ba'y niloloko niyo?"
"Chenle? Chenle, right? Jowa ni Jisung? Alam mo, bukas mo na ibigay yung jersey ni Jaemin, bukas na rin kayo mag-usap. Hindi ko na kaya, baka makagat na kita sa gutom. Bye!" kinuha ni Renjun ang kamay ni Jaemin at mabilis na naglakad palayo. Nahihiya na siya sa usapan nila at totoo namang gutom na siya.
"Geh Kuya! Bukas ko na bigay bola mo, 'di yun jersey! Also, hindi ko pa jowa si Jisung! Fake news spreader ka!" sigaw ni Chenle dahil nakalayo na ang dalawa sa kanya. 'Bading, bading, bading' ani niya sa isip niya. 'Mga in denial na bading'
Nang nasa kainan na sila, naghanap na agad sila ng makakain dahil konting oras na lang ay matatapos ang ang itinakdang oras para sa recess nila. Habang nasa pila ay nagkwentuhan muna ang dalawa.
"Si Jeno nga pala, bakit 'di mo na lang sinama? Busy ba?"
"Ahh, hindi naman. Pero may kasabay kasi yun kumain nitong mga nakaraan so 'di ko na inaya. You know, ayokong sirain bebetime niya, katulad natin." itinaas baba ni Jaemin ang kanyang kilay, nagpapahiwatig
Para namang nabulunan si Renjun sa sariling laway dahil sa narinig. "Si Jeno? May bebe?! Iisang Jeno lang ba ang iniisip natin? Si Jeno natin? Si Jeno!"
"Oh wow! Hindi mo tinanggi na nagbe-bebetime din tayo. Renjun, ah? Gumugusto ka rin."
Hindi na siya pinansin ni Renjun dahil gulat talaga siya sa kanyang nalaman. Paano ba naman kasi, sa kanilang tatlo, si Jeno ang pinakatahimik, pinakamahinhin. Minsan nga ay iniisip ni Renjun kung may kakayahan pa bang magsalita ang kaibigan niya dahil minsan lang talaga nito buksan ang kanyang bibig.
'Grabe, naunahan pa ako ni Jeno na lumandi?!' napasapo na lang siya ng noo nang tamaan siya ng realidad.
Doon niya naisip na napag-iiwanan na siya. Ang kanyang mga kaedad, nagkaroon na ng karanasan tungkol sa mga bagay-bagay na yan. Samantalang siya, ang last atang ka-mu niya ay nung grade 6 pa siya, ilang taon na ang nakalipas.
'Am I not worth loving? Bakit parang walang nagkakagusto sa akin? May mali ba sa akin?'
Winagayway ni Jaemin ang kanyang palad sa harap ni Renjun ngunit sobrang lalim ng iniisip nito kaya hindi niya ito napapansin. "He-Hello? Earth to Renjun?" hinawakan na niya ang balikat ng nakakatanda upang alugin. Tuluyan namang bumalik sa ulirat si Renjun dahil dito. "Ok ka lang? Kanina ka pa nakatulala, you're holding the line. Ikaw na next, oh. Ano bang iniisip mo?"
Napatingin naman si Renjun sa paligid. Oo nga, siya na ang susunod sa linya. Binanggit niya sa tindera ang kanyang nais na bilhin at agad na kinuha ang pagkaing inabot sa kanya. Gumilid siya upang si Jaemin naman ang bumili. Ayaw niyang sagutin ang tanong nito tungkol sa kung ano ang bumabagabag sa kanya. Nahihiya siya dahil hindi tulad niya, maraming experience si Jaemin tungkol sa mga bagay na iyan.
Tahimik silang naglakad palabas ng kainan nang parehas na silang nakabili ng pagkain. Pipihit na sana si Renjun papuntang hagdan upang tumaas na sa kanyang silid-aralan nang iharang ni Jaemin ang kanyang katawan sa harap nito.
"Kanina pa malalim iniisip mo, ah? Care to share?"
Nang hindi nagsalita ang nakakatanda ay may hinugot siya galing sa bulsa ng kanyang hoodie. Isa itong twin popsicle stick at inilahad niya ito sa kanya.
"Ganto na lang para fair. You can share your thoughts with me and in return, I'll give you the other half of my posicle. So, what is it? Is it a deal or no deal?" ani niya habang winawagayway ang plastik sa harap ng kaibigan.
Inikutan lamang siya ng mata ni Renjun at hindi sumagot. Nagpakawala ng buntong hininga si Jaemin at pinahawak ang kanyang pagkain na binili para buksan ang plastik ng popsicle. Tinapat niya ito sa mukha ni Renjun at pinaghiwalay ito sa gitna. Ngunit ganun na lang ang pagkadismaya nang hindi ito nahati na pantay.
"Oh," pag-alok niya sa kalahating mas marami ang nakalagay. "You know what, nevermind. Sasabihin mo naman din yan if you're comfortable enough to share it. Sorry for pressuring you. As my peace offering, iyo na tong mas marami. Hay, ang sweet ko lang." umiling-iling niyang ani.
"Apology accepted na sana kung hindi mo lang dinagdagan." kinuha ni Renjun at kalahati at binalik ang pagkain ni Jaemin sa kanya. Tumingin siya sa kanyang relo at nakitang sampung minuto na lang ay tutunog na ang kampana ng skwelahan, hudyat na magsisimula na muli ang klase."Mamayang uwian na lang ako magkwento, anong oras na eh. Aayusin ko pa locker ko."
Binigyan siya ni Jaemin ng napakatamis na ngiti, yung tipong manghihina ka sa kilig. Ayun ay kung hindi ka si Renjun. Sanay na siya sa malambot nitong ngiti dahil ni kelan man ay hindi niya pa nakikita itong mawala sa labi ni Jaemin. At hinihiling niya na hindi ito magbago. "Ok, promise yan, ah? Tara, hatid na kita sa room niyo."
Nang sila ay tumapat sa silid-aralan ni Renjun ay kinalabit ni Jaemin ang balikat ng nakakatanda. Lumingon naman ito at tinitigan siya pabalik. Ang mga mata niyang punong-puno ng pagtataka ay napalitan ng gulat nang lumapit ang nakababata sa kanyang mukha. Mas nanlaki ang kanyang mga mata nang halikan siya sa pisngi nito.
"Hihintayin kita mamaya kung ako ang maunang lumabas. Kapag ikaw naman ang nauna, 'wag mo kong takasan, ah? Iiyak ako, sige ka." ngumuso pa ito, nagpapaawa.
Umiling ni Renjun upang matauhan dahil tila nablangko ang kanyang utak dahil sa halik na naganap. Hindi naman ito bago sa kanila. Sa katunayan, hindi lang naman sa kanya ganyan si Jaemin. Sa mga ka-close lamang niya siya ganito, at isa na rito si Renjun. Pero hindi pa rin niya maiwasang magulat at bahagyang kiligin kapag ginagawa ito ng nakakabata sa kanya.
Bahagya lang, konti lang talaga.
"O-Oo na, oo na! Sige na, kakain pa ako. Lintek baka hindi ko na manguya pagkain ko sa pagmamadali."
Kinalabit ni Jaemin ang kanyang pisngi at tumawa. "Sows, ang sabihin mo, 'di ka makalunok sa sobrang kilig. Palusot ka pa talaga."
Inirapan na lang siya ni Renjun at binuksan ang pintuan. "Bye," ang huli niyang sinabi bago tuluyang pumasok.
Ngingiting naglakad pabalik si Jaemin mag-isa sa sarili niyang silid-aralan. Baliktad ata, siya ata talaga ang kinilig sa kanilang dalawa.
