Work Text:
One — February.
“Sir, Room 637 po.”
Maluluma si Flash sa bilis kumilos ni Maven noong sabihin ng nurse kung saang room nandoon si Haechi.
He was in the middle of an important client meeting when he received a call from an unknown number. Wala pa sana siyang balak na sagutin pero parang tinambol ang puso niya kaya kahit na nahihiya ay inexcuse niya muna ang sarili niya para sagutin ang tawag. Mabuti na lang at sinunod niya ang kutob niya dahil mas importante pa nga sa kahit ano ang tawag na ‘yon.
The call lasted for only 38 seconds pero nakuha nitong yanigin ang pagkatao niya.
“Hello, ito po ba si Sir Mark?”
“Yes po. Sino po sila?”
“Ay pasensya na po sa abala, Sir. Hindi niyo po ako kilala pero tinulungan po kasi noong kasintahan ninyo ang anak ko. Kaya lang po ay siya po ang nasaktan. Dinala po namin dito sa UST Hospital si Sir Haechan. Nabundol po kasi ng FX dito sa may España.”
Halos hindi na naintindihan ni Maven ang mga sumunod pang sinabi noong nasa kabilang linya. Ang huling natatandaan na lang niya ay nagsabi siya sa officemate niyang si Hendery na kailangan niyang umalis at puntahan ang kasintahan niya sa ospital. He has no recollection of how he drove from their office to his destination but it’s obvious that he reached USTH in record time.
Lumabag ba siya sa traffic rules? Oo naman.
May pakialam ba siya kung bigla na lang siyang habulin ng traffic enforcers at saka pagmultahin o bawian ng lisensya? Syempre wala.
Mamaya na niya iisipin ‘yan. Ang mahalaga ngayon, makita niya si Haechi at masiguradong ligtas na ito sa kapahamakan.
Gustong magdabog ng binata dahil parang sobrang bagal ng andar ng elevator papunta sa ika-anim na palapag ng gusali kung saan naka-admit si Haechi. Iniirapan na nga rin siya noong kasabay niya dahil ang likot niya pero pasensya na lang talaga muna. Hindi siya mapapanatag hangga’t hindi niya alam ano talagang nangyari.
Sobrang ganda ng umpisa ng araw nila kanina, muntik pa nga silang ma-late dahil pareho pa silang gusto lumingkis sa isa’t isa. Ang hirap bumangon kapag ayaw mong mawalay sa taong ang tagal mong pinangarap na makasama mula gabi hanggang umaga. Three years later, it still feels like it was just yesterday when they decided to fake their relationship to make all the matchmaking attempts to stop.
Sobrang unpredictable nga lang talaga ng mga bagay. Hindi niya akalain na wala pang dose oras ay ganito na ang magiging eksena sa buhay nila. Buong akala pa naman niya, ito na ang araw na itinakda ng langit para magpa-promote ulit siya ng role sa buhay ng mas bata.
Handa na sana ang lahat pero ang reservations niya mamayang gabi, kailangan munang ikansela dahil sa ospital pala magaganap ang staycation na pinlano niya.
He scanned the room number and when he found the numbers 637 written boldly on the door, he opened it without hesitation.
“Mahal…”
Nakahinga si Maven noong marinig ang tinig ng nobyo. Kung anu-anong pumasok sa isipan niya kanina pero natunaw lahat ‘yon noong makita niyang gising si Haechan Irie.
“What happened?” tanong niya habang dahan-dahang papalapit sa kama kung saan ito kasalukuyang nakahiga.
Ingat na ingat siya noong haplusin ang mukha nitong may kaunting gasgas pa. May benda rin sa binti pero hindi naman sementado kaya malamang ay mga galos at sugat lamang rin ito.
“Pasensya na po.” sambit ng isang ginang na nasa sofa sa may paanan ng kama. Noon lamang napansin ni Maven na may iba pala silang kasama sa silid.
Agad niyang binati ang ginang na siya namang nagkwento ng nangyari. Patawid pala ang nobyo kasabay ng ginang at ang apat na taong gulang na anak nito noong bigla na lang tumakbo ang bata para habulin ang laruan nitong gumulong sa gitna ng kalsada. Mabilis na tinakbo ni Haechi ang bata at nahila pabalik ngunit hindi naman niya naiwasan ang parating na FX kaya siya ang nadali. Agad rin naman dumalo sa kanila ang driver. Hindi naman na sila nagsampa ng reklamo dahil aksidente lang talaga ang nangyari. Walang may gusto nito.
“Daplis lang naman, Mahal.” mahinang sambit ni Haechi.
Imbis sumagot ay hinatid na muna ni Maven ang ginang sa pinto dahil nagpaalam na rin itong aalis para mabalikan ang mag-ama nitong nag-aantay sa parking. Nangako ito na babalik bukas para sila mismo ang magbayad ng bill at magdala rin ng pagkain bilang pasasalamat daw sa ginawang tulong ni Haechi. Gusto man niyang tumanggi ay wala na rin siyang nagawa kundi ang tumango na lang dahil mukhang desidido na rin naman ito.
“Mahal, galit ka ba? Okay lang talaga ako. Gasgas lang naman ‘to. Mag-stay lang daw ako overnight for x-ray and observation.” paliwanag ng nobyo.
“Aba’y parang gusto mo mas malala pa ah? Awa na lang sa’kin talaga.” hindi napigilan niyang sagot.
“Kunot na kunot kasi yung noo mo. Galit ka ba?”
Napabuntong hininga na lamang siya at saka umiling. Lumapit siya sa kama at saka umupo sa mismong tabi nito. Marahan niyang niyakap si Haechi.
“Kinabahan ako, Chi.”
‘Yun lang ang nasabi niya bago tuluyang hinayaan na kumawala ang lahat ng takot na bumalot sa pagkatao niya. Hindi niya napigilan na maluha dahil sa magkahalong saya at ginhawa na hindi malala ang inabot ng nobyo. Kung may mas malala pang nangyari, hindi talaga niya alam kung saan siya pupulutin.
Tinapik-tapik ni Haechi ang likod niya na para bang bata siyang pinatatahan nito. Humigpit rin ang yakap na lalong pumiga sa kanyang puso.
Sa susunod na niyang iintindihin ang paghingi sa kamay nito, unahin na muna ang magpagaling at masiguradong manumbalik muna ng lakas ng nobyo.
xx
Two — March.
“Ano na? Akala ko ba pagbalik niyo dito may singsing na si Haechi? Wala naman akong nakitang suot.”
Napa-irap na lang si Maven dahil sa sinabi ng kapatid ni Johnny.
Nandito sila ngayon sa ancestral home ng mga Lee para maghanda sa pagdiriwang ng 50th birthday ng Mama Ella nila. Surpresa ang party kaya’t kanya-kanyang toka silang magkakapatid at ang mga pinsan niya. Maging ang pamangkin niyang si Dionne may participation. Ito ang itinalagang panlansi sa Lola para hindi mahalata na may pinaplano silang handaan. Mahirap na, malakas pa naman pandama ni Mariella.
“Bakit ka ba nagmamadali, Kuya? Naudlot nga at naaksidente si Chi ‘di ba?” paliwanag niya habang patuloy sa pag ihaw ng pusit na hinanda ng Tita Olive nila.
“Tanga! Three weeks ago pa kasi ‘yon. Bakit hindi na natuloy? Huwag mo sabihin na nagbago pa isip mo?”
“Baliw ba ako? Syempre hindi nagbago isip ko. Mahirap lang talaga humanap ng tyempo dahil ang dami rin naman nangyari pagkatapos nung aksidente niya.”
Totoo naman. Siya ang nag-asikaso ng leave ni Haechi sa university. Hindi muna kasi ito pinapasok para maging mabilis ang recovery. Hindi naman naging malala ang aksidente kinabukasan lang rin naman ay nakalabas na ng ospital ang nobyo. Nagsagawa rin ng iba’t ibang tests para makasigurado lang na maayos ang lahat. Talagang pinilit lang muna niya ito na magpahinga muna kahit isang linggo lang dahil alam niyang masakit pa rin ang katawan nito at hindi pa lubusang gumagaling ang mga galos.
Tinawagan muna rin niya ang kapatid nitong si Winter para may makasama ang nobyo sa apartment nila sa tuwing papasok siya sa trabaho. Sa kanila muna ito mamamalagi ngayon habang nagrereview ito para sa board exam.
Hindi kasi siya pwedeng mag absent dahil on-going ang isa sa pinakamalaking project nila sa company ngayon. May atraso pa nga siya dahil kalagitnaan ng meeting siya umalis noon para puntahan si Haechi sa ospital.
Ilang beses na rin namang sumagi sa isip niya na lumuhod na kahit pa hindi na nasunod ang una niyang plano. Syempre gusto na rin naman niyang maging officially engaged kay Haechi! Pero at the same time, naiisip niya rin na deserve naman nito na mapaghandaan kapag tanungin na kung gusto ba nitong maging kabiyak niya.
Gusto niyang bumawi dahil 24-hours fake jowa challenge ba naman ang dahilan kung bakit naging sila.
Parang sira ulo lang talaga.
Dala naman niya palagi ang singsing. Naisip na nga rin niyang mamaya na lang sana mag-propose kaso naunahan naman siya ni Karina. Nagpaalam kasi ito sa kanilang magpipinsan kanina. Magkaka-anak na pala kasi sila ng pinsan niyang si Giselle dahil approved na ang pag-aampon nila. Plano nilang sabihin ito sa lahat mamaya after ng party. Samantalahin na daw dahil kumpleto ang mga Tito at Tita para makumbida na rin sa binyag na gaganapin sa susunod na buwan.
Okay, hindi naman nagmamadali. Next time na lang.
xx
Three — July.
“Good morning, Mahal.”
Napangiti siya nang marinig ang mahinang bulong ni Haechi sa kanya. Nakahiga pa sila at nababalot ng iisang kumot. Halos madilim pa sa labas pero parang buo na agad ang araw niya. Ramdam niya ang marahang haplos nito sa dibdib niya. Siya naman, hindi napigilan na laruin ang malambot at kulot nitong buhok. Naka-unan pa kasi ito sa kanya kaya malaya niya itong nagagawa.
Mamaya pa ay nag-angat ito ng tingin saka pilyong nagpatak ng halik sa gilid ng labi niya. Nagpapasabik. Alam na alam talaga paano siya babaliwin.
“Bangon na tayo para makapagluto ako ng breakfast.” sabi nito sa malambing na tono. Imbis na sumagot, hinigpitan lamang niya ang yakap sa mas bata bago sila tuluyang lumisan sa kama.
Sabado ngayon. Exactly 4 months after his Mama Ella’s 50th birthday. Naurong na ng husto ang proposal dahil sa dami ng kailangan nilang asikasuhin sa kanya-kanya nilang trabaho.
Abala si Haechi sa nagdaang mga buwan dahil Graduation season sa UST. Tambak ang mga gawain kaya halos wala rin itong libreng oras para lumabas. Kahit sarili nitong kaarawan, sa apartment lang nila ipinagdiwang. Hindi naman siya nagrereklamo kasi parang siya ang may regalo nung gabi na ‘yun eh.
Siya naman, naipadala pa sa Thailand at Cambodia for a conference. Naging alay talaga siya dahil lahat ng Senior Architect sa firm nila may kanya-kanyang commitments. Daig pa niya ang OFW sa sobrang pangungulila kay Haechi sa dalawang linggo na hindi sila magkasama. Narealize tuloy niya na siya pala ang tunay na clingy sa kanilang dalawa. Hirap na hirap siyang matulog sa gabi na walang yakap at halik mula sa nobyo.
Dahil wala namang magagawa, hinayaan na lang muna niya sa likod ng isipan ang plano niyang pagpo-propose. Again, hindi naman siya nagmamadali. Excited lang siya pero wala namang deadline ‘to. Hindi rin naman mabubulok ang singsing na ang tagal na rin nakatago sa ilalim ng mga comforter nila sa cabinet.
Katatapos lang niyang maghilamos ng mapadako ang tingin sa dingding kung saan nakasabit ang kalendaryo. Markado ang araw na ito. Ito na sana ang araw na itinakda ni Bathala para ayain niyang magpakasal ang pinakamamahal.
Kagabi pa handa ang surpresa niya kay Haechi. Wala silang pasok ngayon at saktong nandito ang mga magulang ng nobyo sa Maynila dahil oath taking na ni Winter mamayang a las otso. Pumasa na ito sa boards at isang ganap na Registered Interior Designer na ngayon.
Planado na lahat. After the ceremony, aayain niya ang mga ito sa bagong bukas na restaurant ng kaibigan niyang si Yangyang for lunch. Sakto dahil malapit ito sa Mall of Asia. Gusto pa naman ni Winter at ni Mama Helen na magpunta sa IKEA dahil hindi pa daw nila ito nalilibot.
Okay, perfect na pamatay ng oras habang inaantay ang dapithapon.
Naisip niyang cute sana kung magpo-propose siya sa nobyo habang nasa background nila ang kahel na langit, ganda pa naman ng sunset doon sa area na ‘yon.
Ayos! Okay na.
Or not.
Akalain mo ba namang tawagan siya ni Hendery dahil may aksidente daw sa site!
Lahat na ata ng mura nabulong niya. Hindi na nga niya matutuloy ang plano niya at absent siya sa family celebration, may agaw-buhay pa ata sa mga trabahante nila. Talaga namang combo combo na!
“Mahal, ano daw nangyari? May nasaktan daw?” bakas sa tono ni Haechi ang pag-aalala habang tinutulungan siyang maghanda sa pagpunta sa site nila sa BGC.
“Meron. Papunta naman na raw yung mga ambulansya. Hindi pa sigurado kung anong cause ng aksidente pero nandoon na rin ata sila Architect Choi para mag coordinate dun sa mga rumesponde. May nag contact na rin daw sa pamilya noong mga nasugatan.” paliwanag niya.
“Ingat ka ha? Update mo ako pagdating mo dun. Ako na bahala mag-explain kila Mama later kung bakit wala ka.” sabi nito.
Tumango na lang siya at mabilis na hinalikan ito sa labi bago umalis.
Atrasado na naman ang pagluhod. Kapag minamalas ka naman! Kung sino man ang nagsabi na third time’s the charm, magsara na sila.
xx
Four — November.
“Pumunta kayo sa kasal ko ha! Magtatampo talaga ako kapag wala kayo.”
Tango na lang ang naging sagot ni Maven kay Felix noong i-anunsyo nito ang nalalapit na kasal sa kalagitnaan ng dinner nila. Tuwang-tuwa ang lahat at bumuhos ang sobrang daming biyaya dahil nagdagdag pa ng kung anu-anong order ang mga kasama nila to celebrate the upcoming union.
May munting salu-salo ang block nila ngayong gabi, nagkataon kasi na umuwi rin mula sa US ang isa sa mga propesor na close sa kanila noon kaya sinamantala na nila ang pagkakataon para magkaroon ng mini-reunion. Sobrang tagal na rin naman kasi nung huli.
Kanina, masayang-masaya pa siya dahil naisip niyang baka ito na ang tyempo na hinihintay niya. Excited na excited pa naman si Haechi na makitang muli ang mga kaibigan nilang lahat. Nagkatinginan na lang sila ni Renjun na binato rin siya ng tipid na ngiti. Ito kasi ang sinabihan niya para sa plano niya sana ngayong gabi. Hindi lang nila akalain pareho na mauunahan pala siya ni Felix noong sinabi nitong mayroon siyang gustong ibalita.
Don’t get him wrong, masaya naman siya para sa kaibigan. Hindi lang niya maiwasan na ma-frustrate kasi pang-apat na beses na niya itong pag subok sa paghingi ng kamay ng nobyo pero hindi niya alam bakit hindi talaga matuloy-tuloy.
Inabala na lang niya ang sarili sa pagkain. Wala namang nagtaka na tahimik siya dahil ganoon naman talaga ang personalidad niya kahit noong nasa kolehiyo pa sila. Sanay na tuloy ang iba at hindi na nag-isip ng iba pa sa kilos niya.
“Ang cute ng invitation nila!” bulalas ni Haechi noong nasa sasakyan na sila pauwi.
Ayaw niyang sirain ang gabi kaya kahit na parang nag-iinit ang kahita ng singsing sa bulsa niya, pinilit niyang siglahan ang boses noong nag-uusap sila ng kasintahan.
“Tingnan mo, Mahal. Ang cool nung venue map. Illustrated lahat oh!” aliw na aliw ito sa pagtingin sa imbitasyon.
“Graphic designer ata ‘yung mapapangasawa niya eh. Baka sila lang rin gumawa.” sambit niya.
“Siguro. Ang galing! Pang-apat na sila na ikakasal this year ‘no? Grabe dati plates lang iniintindi natin tapos ngayon isa isa na talagang nagpapamilya mga tao.”
“Oo nga eh. Bukas makalawa, baka tayo na ‘yan.” biro niya. Tinitimbang kung anong magiging reaksyon ng kasintahan.
Iniisip kasi niya kanina pa, baka kaya hindi natutuloy ang mga plano niya kasi baka hindi pa naman ito talaga ang tamang panahon para dito. Baka ayaw pa pala ni Haechi kaya tadhana na mismo ang gumagawa ng paraan para hindi matuloy ang paghingi niya sa kamay nito.
“Haha! True. Gulatin na lang natin sila ulit.” natatawang sambit nito.
Malamang naalala kung paanong nagulantang ang mga kaibigan nila noong nalaman na opisyal na silang magkarelasyon. Kahit naman kasi binubuyo sila ng mga ito noong nag-aaral pa sila ng kolehiyo, iba pa rin kapag nandyan na at totoo. Their epic faces were one for the books when they learned the truth that they’re really involved romantically.
Napangiti na lang rin siya noong maalala ang mga nangyari noon. Gumaan naman ang pakiramdam niya sa naging sagot ni Haechi. At least, nasa parehong pahina naman pala sila. Nasa isip na rin nito na doon talaga sila papunta.
Kailangan na lang talaga umayon ang pagkakataon sa kanilang dalawa para mai-suot na niya ang singsing sa nakababata.
Lord, kailan po ba kasi talaga?
xx
Five — April.
“Welcome back to Pinalamayan, Oriental Mindoro!”
Napangiti si Maven dahil sa masiglang bati ni Jaemin, ang childhood best friend ni Haechi na sumundo sa kanila dito sa bus terminal. Pamilyar siya sa lalaki dahil hindi naman ito ang unang beses nilang magkita. Ito rin kasi ang sumundo sa kanila noong bigla silang pinauwi ng Mama Helen nila three years ago para magpaliwanag sa kalokohan nilang pagiging mag-jowa na nauwi rin naman sa totohanan.
“Ang ingay ni bading! Saan asawa at anak mo?” sabi ni Haechi habang binabalot sa mainit na yakap ang kababata.
“Nag CR lang. Kanina pa kasi nagfu-food trip ‘yung inaanak mo! Kinuluan na ata ng tiyan.” sagot nito na nagpatawa sa kanila.
They walked to where the family van was parked. Hindi naman marami ang dala nilang bagahe this time dahil halos kagagaling lang naman sa Manila ng pamilya ni Haechi kaya walang mga pinasabay na bilihin. Isa pa, umuwi talaga sila dito para makisaya sa fiesta. Nagtatampo na kasi ang Lola Lucia ng nobyo na hindi na raw ito umuuwi para sa taunang pagdiriwang. Nami-miss na raw nito na kumpleto ang mga apo sa tuwing sasapit ang Bahaghari Festival. Masaya kasi talaga ito at talagang umuuwi pa ang mga kamag-anak mula sa iba’t ibang parte ng Pilipinas para lang makisaya.
“Nonong Ven!!!” malakas na sigaw ni Jaehee, ang apat na taong gulang na anak ni Jaemin at ni Jeno. Tumakbo ito diretso kay Maven. Si Haechie talaga ang ninong nito pero simula noong opisyal silang naging mag nobyo, tinatawag na rin siyang Nonong ng bata.
“Ay talagang Nonong Maven lang ang binati? Magtatampo na ako niyan.” pagkukunwari ni Haechi na nalulungkot.
“NOOOOOO! Love love Nonong Chi!!!” sambit nito bago lumapit at nagpakarga sa ninong niya.
“Ang bigat mo na anak nagpapabuhat ka pa sa ninong.” sabi ni Jeno na nakangiti din naman na nakatingin.
“Okay lang! Sulitin natin at paglaki nito hindi na ‘to papayag na yakapin ko.” sabi ni Haechi.
“Ay mamaya na kayo magharutan. Uwi muna tayo.” sabi ni Jaemin.
It took them about 30 minutes before they reached the home where Haechi grew-up. Tinulungan lang sila ni Jeno na ibaba ang mga gamit at saka sinabi na magkita na lang mamaya sa bahay ni Lola Lucia. Kailangan din kasi nilang tumulong sa paghahanda ng mga gamit na dadalhin doon para sa pagdiriwang. Magkakaibigan ang mga pamilya nila kaya’t parang isang malaking potluck ang sistema. Nakatulog rin si Jaehee sa byahe kaya’t iuuwi na rin muna.
“Kita na lang tayo mamaya ulit. Pahinga muna rin kayo.” sabi ni Jaemin na nakadungaw sa bintana ng van habang yakap ang anak.
“Sige. Tawagan mo sila Dejun ha. Tagal na naming hindi nagkikita. Papakilala ko si Maven.” sabi ni Haechi na tinanguan lang ng kaibigan.
Hindi gaya sa pamilya nila na akala mo mga nakalunok ng megaphone ang mga tao sa sobrang ingay, dito ay kalmado at tila soft spoken ang lahat. Pagpasok nila sa gate ay sinalubong na sila ni Mama Helen. Agad sila nitong ibinalot sa isang mainit na yakap.
“Hi, Ma.” bati ni Maven sa ginang.
Natural na natural kung tawagin niyang Mama at Papa ang mga magulang ni Haechi. Kahit noong magkaibigan pa lang sila, hindi siya nahihiyang tawagin rin ang mga ito sa ganoong paraan. Sobrang bait naman kasi at maalaga kaya itinuring talaga niyang parang mga pangalawang magulang. Ramdam naman rin niya ang pagmamahal nito sa kanya.
“Kumusta ang byahe, mga anak?” tanong ng Papa Iñigo nila noong makita sila nitong pumasok sa loob ng bahay.
“Okay lang po, Papa. Natulog lang naman kami.” sabi ni Haechi bago nagmano.
“Mano po.” magalang na bati niya noong makalapit sa Ginoo.
“Kaawaan ka ng Diyos, anak. Sige, akyat na muna kayo at magpahinga. Mamaya uuwi tayo sa bahay ng Lola.”
Wala silang sinayang na panahon at dumiretso na lang sa ikalawang palapag ng bahay kung saan naroroon ang kwarto ni Haechi. Inayos lamang nila ang mga gamit na dala saka magkasunod na nagbihis para magpahinga.
Halos a las cuatro y media na ng hapon noong makarating sila sa bahay ng Lola ni Haechi. Buhay na buhay ang diwa ng bayahinan dito dahil lahat ng tao may kontribusyon para sa pagdiriwang ng kapistahan bukas. Kahit ang mga bata nadaanan niyang nagpa-practice ng sayaw sa garahe dahil kasali pala ang mga ito sa street parade.
Nagmano at nakipagkamustahan lamang sila sandali sa mga matatanda bago tumungo sa likod bahay kung saan nandoon ang ibang kababata ng nobyo na naghanda raw ng munting salu-salo para sa kanila. Mga kaibigan at kaklase ni Haechi ito mula elementary at high school. Nahihiya man, excited rin naman siyang makilala ang iba pa nitong kaibigan habang lumalaki. Parang nakikilala niya tuloy lalo si Haechi.
“Hoy, ang tagal mong hindi umuwi ah!” sita ng isa sa mga kababata ni Haechi.
“Kaya nga umuwi na ngayon eh. Saan sila Sungchan?” tanong ng nobyo matapos itong yakapin.
“Si Maven pala, boyfriend ko. Ito si Dejun, tapos ‘yung nasa dulo na nag-iihaw, si Kuya Kun.” pakilala nito sa kanila.
“Sigurado ka na ba talaga kay Haechan Irie? May chance ka pang mag back out.” biro ni Dejun sa kanya habang nagkakamayan sila.
“Haha! Sigurado na ako. 100% sure na.” Natatawang sambit niya. Nakita naman niyang kumunot ang noo ng nobyo at tila naasar pa sa sinabi ng kababata.
“Dejun, parang tanga!” iritang sabi ni Haechi.
Imbis na sumagot ay dumiretso na lang sila sa mesa kung saan nakalatag ang iba’t ibang putahe at may mga inumin na rin. Kwentuhan at biruan para gumaan ang loob sa isa’t isa habang inaantay ang iba pa nilang kababata. Ang iba ay umuwi pa rin pala mula Maynila. Mini-reunion rin pala nila.
Ipinakilala siya ni Haechi sa lahat bilang boyfriend. Matagal naman na silang magkasintahan pero may kung anong haplos pa rin talaga sa puso niya sa tuwing maiisip niyang nandito na sila. Sino ba kasing mag-aakala ‘di ba? Mabuti na lang at natauhan sila bago pa mahuli ang lahat.
Lumalalim na ang gabi at pataasan na rin ng score sa videoke ang magkakaibigan. Si Haechan Irie niya? Ayun at kasalukuyang kumakanta ng paborito nitong Bawat Daan. Kinindatan pa siya kanina habang binibigkas ang “Nag-iisang tiyak sa isang libong duda” na linya ng kanta. Napapa-iling na lang siya sa kilig at saya noong seryoso siyang lapitan ni Sungchan at Shotaro, mga barkada ni Haechi noong high school.
“So, kailan ang kasal?” biro ni Sungchan.
“Pangit mo mag interview. Proposal muna, wala pang singsing si Haechi eh. So, kailan nga Architect?” sabi ni Shotaro.
Halatang may tama na ng alak ang dalawa kaya napatawa na lang si Maven bago sumagot ng “Soon.”
Sa totoo lang, “Bukas” talaga dapat ang sagot sa tanong nila. Naisip na rin naman kasi niya na magandang pagkakataon na ‘to para mag-propose siya. Kailan pa ba kasi ‘yung huling attempt niya ‘di ba?
Katakot-takot na pang-aalaska na nga ang inabot niya sa mga pinsan niya dahil nalaman ng mga ito ang mga kamalasan na humahadlang sa kanya sa pagluhod na hindi matuloy-tuloy. Dumaan ang pasko, bagong taon, three kings, valentine’s, tangina nag-anniversary na nga ‘yung first attempt niya ng proposal pero parang sinasabutahe talaga siya ng tadhana.
Ang problema, this time?
Naiwan niya ang singsing sa apartment nila sa Maynila. Hanep lang talaga.
xx
June.
“Birthday mo na bukas. May naisip ka na bang plano, Mahal?”
Tanong ni Maven pagdating niya sa apartment nila. Inabutan niya si Haechi na nagpapahinga sa sofa na para bang nauna lang ng limang minuto sa kanya. Kung tutuusin, mas maaga sila ngayon dahil halos wala pang a las siete pero nasa bahay na sila.
“Wala bang kiss muna dyan? Plano agad eh ubos na ubos na brain cells ko sa mga pahabol ni Dean at Fr. Sandejas para sa Graduation. Hindi ko na kaya umisip.” reklamo nito.
Natatawa man ay agad naman siyang lumapit para ibigay ang hiling nitong lambing. Ang simpleng peck nauwi sa malalim na halik ng niyakap ni Haechi ang bisig nito saka tumugon sa kanya. Sino ba naman siya para tumanggi ‘di ba?
“Nag leave ako bukas. Sabi ko may reservation tayo sa Tagaytay isang taon na ‘yon kaya ibigay na nila sakin.” sambit nito noong maghiwalay ang labi nila.
“Haha! Mga palusot mo. Pero meron bang reservation?” tanong niya.
“Wala. Inimbento ko lang ‘yon kanina.”
“Gusto mo ba magpunta sa Tagaytay? I can make some calls now.”
“Eh? Ito naman si patol. Anong oras na ngayon oh.”
“Why not? Sakto ‘di ba nung nakaraan craving ka rin naman ng bulalo. Ano? Tara na. Tawagan ko si Mina. May contact ‘yon sa Casa Alicia, project nila ‘yon eh.”
“Seryoso ba?”
“Oo nga. Para hindi ka naman nagsinungaling sa kanila. Mga kalahati lang ‘yung lie kasi ‘di naman tayo nag-book last year.”
“Sira ulo. Sige na tawagan mo na si Mina muna. Kapag walang bakante pa-edit mo na lang kay Jisung picture natin na background ‘yung Taal para may ipo-post ako bukas.”
Lumawak ang ngiti niya dahil sa sagot ni Haechi. Ilang araw na rin kasi niya itong tinatanong sa kung anong gusto nito ngayong birthday niya pero dahil sa dami ng ginagawa ay parang nawala na lang talaga sa loob na magplano pa. Ayaw naman niya itong pangunahan dahil mas okay para sa kanyang ang gusto talaga nito ang masusunod.
Mukhang sinuswerte sila dahil may available rooms pa at dahil nalaman ni Mina, isa sa mga dati nilang blockmate, na para ito sa birthday celebration ni Haechi may discount pa nila itong makukuha.
“Mahal, okay na. Mag-ayos ka na ng gamit mo.” sagot niya noong pumasok siya sa kwarto nila kung saan naghahanap ng pamalit na damit ang nobyo.
“Ang bilis naman! Si Mina ba may-ari non?” gulat na sagot nito.
“Ewan ko. Discounted pa nga ‘yung rate eh. Sige na, tawag lang ako sa firm may ibibilin ako kasi di ako papasok bukas.”
Luck was really on their side this time around dahil akalain mo ba namang walang traffic. In just two and a half hours, nakarating na sila sa Tagaytay. Mabilis lang sila na nag check-in. May pagkain pa nga na nag-aabang sa kanila na binilin din daw ni Mina ayon sa staff na nag-assist sa kanila. Their room has a spacious balcony, too. Gabi na kaya hindi kita pero it’s facing the Taal Lake. Magandang view panigurado ang bubungad sa kanila bukas ng umaga.
After dinner, they decided na tumambay muna sa balcony para mag-unwind. They settled on the rattan sofa bed at akala mo mga pinag buhol ang bituka sa sobrang dikit nila. Walang nagsalita sa kanila, they enjoyed the silence. Tagal na rin naman ng huli silang naka-pahinga ng ganito.
“Thank you for bringing me here, Mahal. Kahit wala naman talaga ‘to sa hinagap natin pareho.” sabi ni Haechi.
“Welcome. Pero swerte lang talaga siguro tayo. Masaya ka?” tanong ni Maven na agad nagpa-angat ng ulo ni Haechi.
“Sobra.” simpleng sagot ng mas bata.
“‘Yan ang mahalaga. Dapat masaya ka kasi baka ma-evict naman ako sa buhay mo kung hindi ‘di ba?” biro niya.
“Walang ganon. May immunity ka sa eviction.”
Natawa sila pareho dahil sa totoo lang, wala namang sense ang pinagsasabi nila lalo na kung ibang tao pa ang makakarinig pero para sa kanila, it’s what makes their bond stronger after all these years.
Nanatili kasi silang matalik na magkaibigan kahit sila na rin ang tahanan ng isa’t isa.
It took some time and a LOT of denial but here they are. Together. With a love that they’re continuously choosing every single day.
“Tagal na rin nung huli tayong nandito ‘no? ‘Yung sa kwento pa natin nung bago maging tayo.” biglang naalala ni Haechi.
Oo nga, that one time they spontaneously went here for coffee kahit na may kape naman sila sa apartment. The legit-sounding, but equally ridiculous, back story they told his family during their grand reunion almost four years ago.
“Paniwala talaga sila noon na humingi ka lang ng bagong role sa buhay ko kaya naging tayo ‘no?” natatawang dagdag nito.
And then it hit him.
Tangina.
Kaya siguro hindi matuluy-tuloy ang mga naunang attempt niya kasi kailangan pala siyang bumalik sa simula bago ‘yung dulo na inaasam niya. Ito pala kasi ‘yung natitirang kasinungalingan na hindi nila naitama. Napanindigan na lang sa pagdaan ng panahon kasi tinanggap naman talaga nila lahat na paliwanag.
After all, si Maven at si Haechi naman kasi sila. ‘On brand ang pangyayari kumbaga.
Simula noong huling plano niya na bulilyaso, hindi na talaga niya iniwan ang singsing kahit saan siya magpunta. He stopped planning elaborate surprises and instead waited for the right moment. Hindi na nga naman kailangan ng magarbong surpresa. ‘Yung singsing at tapat na pagmamahal lang, ayos na. Isa pa, sabi rin ng Mama niya, mararamdaman naman daw kapag tamang oras na.
Ito na ata. Ang go signal ng universe na inaantay niya.
“Ngayon kaya, maniniwala pa rin sila kapag kinwento natin na humingi ako ng bagong role sa buhay mo?” buong tapang niyang tanong habang kinakapa sa bulsa ang kahita na palagi niyang dala.
“Bakit anong role ba gusto mo this time?” natatawang tanong ni Haechi.
“Asawa mo. Para forever na sana.”
Agad na lumingon ang mas bata sa kanya, hinanahap sa mukha niya ang bakas ng biro pero wala itong nakita. Seryoso naman kasi siya.
“Mahal…” mahinang sambit nito at may namumuong luha na sa mata.
Pinalis niya ang unang patak na lumandas sa pisngi nito bago tuluyang ipinakita ang singsing na simbolo ng pagmamahal niya.
“I’ve had this for over a year. Magpo-propose na dapat ako noong araw na na-aksidente ka sa España. I made multiple attempts after that pero parang may kung anong pumipigil palagi. Pero ngayon, nandito na naman tayo sa Tagaytay, maybe it’s time to make our back story real. Unlike the one we made-up years ago to cover my stupidity.
I love you with my whole being, Chi. Tama ‘yung paborito mong kanta. Kung ang puso ko ay imamapa, ikaw ang dulo, gitna at simula.
Will you marry me, Haechan Irie Lee?”
With tears in his eyes and a heart bursting with pure love, Haechi said that one word that changed the trajectory of their lives forever.
“YES!”
Dalawa na silang umiiyak ngayon habang isinusuot ni Maven ang singsing sa daliri ng nakababata pero wala na silang paki-alam. Malayo man ito sa lahat ng plano niya simula umpisa, ito naman ang dulo na ipinagdasal nila.
“Thank you for saying ‘Yes’. Happy birthday, fiancé.”
*fin
