Chapter Text
📚 PROLOGUE: BABY, COMEBACK!
Ilang segundo na ring pinipilit ni Stell na maabot ang button ngunit kahit anong pilit niya'y bigo ang kinahahantungan. Panibagong subok ulit sa panibagong pagkabigo. Hanggang isang malalim na buntong-hininga ang pinakawalan sa kasabay ang taimtim na panalangin sa isipan. May anghel sanang bumaba sa langit para pindutin 'tong button na 'to.
Ikaw nga sa kanta'y hindi natutulog ang Diyos. Hindi bingi ang kalangitan at dininig ang kanyang taimtim na dalangin. Isang mas batang binata na may angking kagwapuhan ang pumasok sa loob ng elevator. "Same floor ba?" Walang emosyon pagtatanong nito.
Yes nga sa kagwapuhan pero sinusungitan naman ako. Anghel po ang hiniling ko Lord. Hindi 'yung mala anghel na mukha. Gusto man niyang magdabog at magreklamo ngunit hindi maaari kaya’t isipan na lamang ang umalma para sa kanya.
Hindi niya alam kung anong naglalaro sa isipan nito dahil walang nakuhang sagot sa paghihintay kaya hinuha niyang Oo ang kasagutan. "Marami ka lang bitbit pero hindi ka pipi, Stell." Iritadong komento nito nang sandali niyang sulyapan ang isa sa kanyang kaliwang bahagi na isang hakbang patalikod ang layo. Puno ang mga kamay at daliri nito ng amoy ng pinaghalong krema at pait na kape.
Habang taimtim nilang hinihintay na makarating sa destinasyon ang elevator na nagkukulong sa kanilang dalawa, hindi mapigilan ni Stell na hindi sulyapan ang mukha ng taong hindi niya maintindihan kung bakit ang mukhang ito ang nag-iisang hindi niya maplease kahit anong gawin niyang yes sa lahat.
"Subukan mo rin kasing mag-No para hindi ka nahihirapan ng ganyan." Mula sa kawalan, bigla na lamang niya itong narinig kasunod nito ang paggaan ng kanyang mga kamay. Napansin na lamang niya na ang iilang cup of coffee ay wala na sa kanya. "Ano pa bang tinutunganga mo dyan?" Naiirita nitong dagdag.
Na nagpagising kay Stell sa katotohanan na naihatid na sila sa destinasyon at hinihintay na lamang siyang humakbang palabas. Bago pa man magsara'y nakalabas na siya at magkasalubong na kilay ang nasa kanyang harapan ngayon. Ano ba kasing ginagawa nito dito sa floor namin? Ang aga-aga, sinusungitan ako.
"Wala namang masama sa pagiging yes-man. Minsan kasi matuto ka ring magyes para hindi kayo nag-aaway lagi ni Sir Pau." Wika ni Stell kasabay ang paghablot ng mga kapeng inagaw. Puno na ulit ang mga kamay niya tulad ng puno na ito sa kasungitan ng isa. "Thank you po sa tulong at sermon, Sir Jah." Dagdag nitong may inis at lambing sa sambit kasunod ang pilit nitong pagngiti bago tumalikod at lumakad.
Sa kawalan, umusbong ang maliit na kurba sa labi habang pinagmamasdan ang unti-unting paglaho ng binata. Nang tuluyang naglaho sa kanyang paningin ay ang eksaktong pagbukas muli ng elevator at iniluwa ang humahangos na moreno. Dali-dali itong inayos ang magulo at gusot na uniporme. "Lagot na naman ako sa masungit na 'yun. Haist." Bulong nito sa hangin ngunit klaro sa kaliwa't kanang tainga ni Justin.
"G-Good morning, Sir Jah." Ito ang unang bungad ng mapansin ang kanyang presensya. Hindi na rin naman hinintay na bumuka ang kanyang bibig at nagsimula na itong lumakad palayo. Sa paglayo, doon lamang naalala ni Justin ang pakay kung bakit nga ba siya nandito.
◾
Taimtim niyang pinagmasdan ang apat na sulok ng opisinang walang humpay sa pagkabusy nang matapos niyang ipamahagi ang mga kapeng nagpamula sa kanyang mga palad. Saglit na ngiti at matipid na thank you lamang ang tugon na natanggap mula sa bawat isa. Sumampal sa kanya ang katotohanang kilala ang presensya niya kapag may kailangan lamang.
Mabigat niyang sinalampak ang sarili sa harap ng kanyang desk. Tumambad sa kanyang mga mata ang makukulay na sticky notes sa paligid -mga task to do na mula sa iba't-ibang mga tao.
"Oh?! Wala pa si Ken?"
Napalingon siya sa gawing kaliwa nang marinig ang pamilyar na boses, singkit na mga mata ang nasilayan ni Stell. Si Hong, intern last year na na-in after grumaduate. Bitbit nito ang isang folder na nag-alangang ibaba sa katabing table.
"Pinatawag sa office ni Sir Pau." Tugon ni Stell habang pasulyap-sulyap sa hawak ni Hong nang biglang naglaro sa kanyang isipan ang mga katagang Subukan mo rin kasing mag-No para hindi ka nahihirapan ng ganyan. Kahit anong laro nito sa kanyang isipan ay nanaig pa rin ang sariling paniniwala nang kanyang ilahad ang palad. "Sige, ako na ang gagawa, Hong."
"You sure, Stell?"
"Yes naman. For sure, matagal pa yung sermon ni Sir Pau kay Ken kaya hindi pa agad makakabalik 'yun. Kaya ako na gagawa." Ani nito kasunod ang ngiting may kasiguraduhan.
Hindi na bakas sa mukha ni Hong ang alinlangan kaya iniabot na niya ito kay Stell. "Thank you ah. Hulog ka ni Lord." Lalong naningkit ang mga mata nito nang gumuhit sa labi nito ang ngiti. Panandalian man pero nakita ni Stell ang kanyang halaga.
Hinayaan muna niya itong maglaho sa kanyang tabi at bumalik sa puwesto bago muling ibinaling ang sarili sa harap ng computer. Kinuha niya sa drawer ang panibagong sticky note at hinanap ang kanyang capybara na ballpen. "Another to do." Ani niya kasunod ang pagdikit nito sa monitor. Hindi naman kalakihan ito para magconsume ng space ngunit malaki ang consume nito sa kanyang oras.
Hindi pa man nadidikit ang daliri sa keyboard, tatlong folder ang inilapag sa kanyang harapan. "Deadline, tonight." Maawtoridad na utos ng isa sa mga senior nila. Walang naging ibang tugon si Stell kundi ang ngumiti at "Yes po, ma'am."
◾
"Finally!" Bulalas niya nang matapos niya ang pangatlong folder. Akala niya'y tatapusin siya nito ngunit nauna siyang nakatapos bago pa man sumapit ang bukangliwayway. Sa sobrang kasiyahan niya'y pinaglaru-laruan niya ang kanyang office chair habang nagpapahinga. Nang hindi niya sadyang mapaikot ito patalikod, tumambad sa kanya ang digital clock na nagsasabing oras na para umuwi.
"Grabe, inabot ako ng 10 ng gabi." Komento nito sa kawalan habang nakapako ang mga mata. "Pero infairness, improvement na rin. Hindi tulad nung unang beses akong nandito. Inabot ako ng kinaumagahan. Good job self, bumibilis ka na." Papuri nito sa sarili habang tinapik-tapik ang balikat. At bumalik muli sa paglalaro ng upuan hanggang sapat na para maibsan ang pagod at gutom.
Hinarap na naman niya ang katotohanan nang mabaling ang sarili sa harap ng computer. "Shit!" Bulalas niya nang mapansin niya ang isa pang folder na hindi nagalaw. Thank you ah. Hulog ka ni Lord. Bumalik sa kanyang isipan ang ngiti nitong naglalaho ang mga mata. "Muntik ko nang makalimutan. May oras pa naman. Kaya pa naman siguro 'to bago mag12." At nagsimula muli siya sa umpisa.
Ilang minuto pa lang ang nakakalipas ng biglang may mga yapak na narinig. Lumalakas ito sa pagdaan ng segundo kasabay ang mabilis na pagkarera ng mga daliri ni Stell -animo'y nakikipag-unahan sa bawat yapak. Ngunit wala siyang pakialam kung bigla na lamang bubungad sa kanya ang kinatatakutan na multo. Mas natatakot siya kung hindi niya marereach ang expectation ng iba.
"Tagapagmana ka ba ng kompanya?"
Pamilyar na pamilyar ang boses kaya hindi na ito pinansin ni Stell. Ang 100% focus niya ay nasa monitor at folder lamang. Wala na rin siyang pakialam kung mapudpod na ang kanyang mga daliri, matapos lamang niya ang mga task at mabawasan ang to do list niya.
"Stellvester Ajero!" Bulalas nito na naging dahilan para makuha niya ang atensyon ng isa. Ipinatong niya ang mga braso sa hindi kataasang harang na pumapagitna sa kanila. “Ang sabi ko kanina, matuto kang magNo para hindi ka nahihirapan. Ika nga, work smarter not harder.” At sinundan niya ito ng mahinang pagtapik sa noo para magising sa katotohanang hindi siya robot.
Mangiyak-ngiyak na mga mata ang tumititig ngayon sa kanya. “Wag kang ganyan, Stell. Mukha kang pusa.” Sinabayan niya ng pag-iwas tingin at sinundan ng paglakad papunta sa tabi ng isa at inukupahan ang bakanteng silya sa tabi.
Mas malapit na siya ngayon. Wala nang harang na pumapagitna. Walang hinintay pang sandali at kinuha ang folder, inilagay sa isang tabi at inilayo. "Awat na. Wag mo na tapusin 'yan at hindi muna tatapusin yan.” Pinaikot niya ang office chair upang matitigan niya ng mas malapit ang mukha nito. “Starting tomorrow, hindi ka na dito sa department na 'to."
Pagtataka.
Ito ang gumuhit sa mukha ni Stell at pinipilit iproseso ng utak ngunit bigo. Mas lalong hindi niya maunawaan nang masilayan ang nakakalokong kurba sa labi ng isa. “A-Ano?” Pagod na ang utak kaya bibig na lamang niya ang aalam ng lahat.
"Babalik ka na sa'kin, Stell."
Isang malakas na pagtulak palayo kasunod ang pagtayo sa inuupuan. “No!” Bulalas nito sa kalaliman ng gabi. Mabuti na lamang ay silang dalawa na lamang ang naririto. Hindi na niya gusto ang ideyang bumalik sa station kung saan pwede niyang makita ito araw-araw. Ayaw na niyang balikan pa ang nakaraan ngunit ang mga titig sa kanya ay pamilyar. Ganitong titig, ganitong pakiramdam, ganitong lamig nang gabing iyon.
"No?” Hindi niya inaasahan ang makukuhang sagot mula dito dahil kilala nila itong yes lang ng yes sa lahat. Bakit, Stell? Bulalas ng isipan habang nakikipagtitigan. Inaalam ang kasagutan sa mga mata nitong nangungusap at nakikiusap.
Sa paglipas ng sandali, may mga teoryang nabubuo sa isipan ngunit hindi klaro kung ito ba ang kasagutan. Ang sigurado lamang niya ay may kinalaman ito nang gabing iyon. Para matapos na ang ito at makauwi na silang pareho, tumayo na si Justin at dahan-dahang lumapit sa isa. “Yes or No man ‘yang sagot mo, babalik ka pa rin sa’kin, Stell.”
◾
FLASHBACK
"Nandito ka na naman, Jah." Ito ang unang bungad ni Pablo nang iniluwa ng pinto ang kaibigan. Ito ang pangpitong araw ng pangungulit nito sa parehong rason. Habang humihigop sa mainit at mapait na kape, ang mga mata'y nakasunod sa ginagawa ng isa -iritang nagbubuklat ng mga pahina hanggang sa ito na mismo ang sumuko at ibinaba sa lamesa. "Bakit kasi hindi mo na lang hintayin matapos itong week na 'to?"
Wala.
Ito pa rin ang nakuha ni Pablo sa paglipas ng sandali. Halos makalahati na niya ang tasa ngunit hindi pa rin tapos ang isa sa panggugulo sa opisina. Halos malibot na nito ang apat na sulok sa paulit-ulit na paglalakad. Lahat ng pwedeng gawin ay nagawa na nito -tumayo, maglakad, umupo, at manggulo. "Alam mo namang nagkakaroon ng rotation ang mga interns. Hintayin mo na lang siyang bumalik sa'yo."
"No!" Sa wakas ay hindi na ito tahimik at pumirmi na sa iang tabi. "I'm not sure kung saan siya next time at bakit pa ako maghihintay? Kung pwede naman ngayon." Pameywang nito kasabay ang taas kilay nitong pagtataray. "Si morenong singkit nga, never naalis sa'yo. Wag tayong madaya, Pau."
Napabuntonghininga na lamang si Pablo bago itinuon ang sarili sa monitor. Ginamitan na siya ng spell kaya wala na siyang magagawa kundi pagbigyan ang kaibigan sa gusto nito. "Pagbibigyan kita pero bakit mo kasi siyang gustong bumalik sa'yo, Jah?"
