Work Text:
may mga emosyon na minsan ay hindi kayang pangalanan at ipaliwanag. posibleng alam naman ang tamang salita ngunit ito ay pilit lamang na itinatanggi sa kadahilanang hindi pa kayang harapin ang katotohanan. wala namang mawawala kung tatalikuran kung ano ang totoo, pero ramdam ang pagkatalo sa oras na ito ay aaminin kahit sa sarili lamang.
‘mababaliw na ata ako,’ sambit ng binata sa kanyang isip nang may sumagi sa kanyang isip na hindi naman nararapat.
“ayos ka lang ba?” tanong naman ng kanyang kaibigan pagkalabas nila ng silid. pauwi na sila matapos ang maghapong trabaho.
“ayos lang naman ako,” malalaman na nagsisinungaling ang isang katulad niya dahil...
“hindi mo ako maloloko, zan,” tawang pangasar ni rei at inabot sa kanya ang asul na panyo mula sa kanyang bulsa. “ilong mo, dumudugo.”
hindi inaasan na maramdaman ni zan ang pagkainit ng kanyang mga pisngi. tinanggap niya na lang ang panyo para itago ang mukha at mapunasan ang dugo sa ilong niya.
naiinis siya sa konsepto na hindi rin niya maaasahan ang sariling pakiramdam at katawan sa mga ganitong pagkakataon. hindi niya kayang pigilan ang sarili at hindi niya maikakaila na gusto niyang magsinungaling pero nilalagay lang siya sa kapahamakan o kahihiyan ng kanyang sarili, dahilan para siya ay dapat laging magsabi ng katotohanan.
“ikaw na naman?” nagsalubong ang dalawang kilay ni zan. matatalim na tingin at tila kayang sumaksak sa taong nasa kanyang harapan, nakaharang sa pinto ng tinutuluyan niya.
“gusto ko lang malaman at makitang nasa maayos kang kalagayan,” simpleng sagot, sabay puminta ang isang ngiti.
“sa nakikita mo naman, buhay na buhay pa ako,” agad rin namang iniwas ni zan ang kanyang tingin at napahawak sa panyong nasa kanyang bulsa.
“libre ka ba bukas?”
“hindi, tabi.” nagmadaling tinulak na lamang niya ang lalaking nagngangalang javer. alam niyang mayroon na namang dugo sa ilong niya ang kakawala kahit ayaw niya.
bago pa man makalingon si javer ay sarado na ang pinto. hindi niya na inisip na kumatok dahil narito lamang siya upang makita si zan, at kung nasa maayos nga ba itong kalagayan.
kahapon lamang ay nagkasabay sila sa pagbili ng mga kailangan sa kanya kanyang tahanan. hindi raw sila magkaibigan, magkakilala lamang at minsan na ring naging magkaklase na may maraming pinagsamahan. dahil sa mahabang pila ay nagkaroon sila ng mahaba haba ring kamustahan. sa una ay masasabi mong tunay silang magkaibigan na ngayon lamang ulit nagkita dahil sa mga usapin mula sa nakaraan. subalit sa hindi inaasahang pagbaling ni javer sa isang alaala na alam nila na sila lang ang nakakaalam ay nagbago ang ihip ng hangin sa pagitan nilang dalawa.
resulta para manahimik si zan at hindi na muling kumibo. ang tanging nasa isip ni zan ay makauwi na at paulit ulit na pinaalala sa sarili na hindi niya nakita at nakausap si javer dahil alam niya sa sarili kung saan papunta ang usapan, na ayaw niya na muling mahalungkat sa likod ng kanyang isipan.
lumipas ang mga buwan na hindi na sila muling nagkita, ngunit parang pinaglalaruan talaga sila ng tadhana.
“ako na naman,” pag simula ni javer kasabay ng maliit na kaway dahil nagkasabay muli sila sa pagbili.
ngumiti lang ng hindi maipaliwanag si zan at binigay ang pagkakataon na mauna si javer sa pila. lahat ng kaya niyang maisip gawin upang maiwasan lang na magkausap sila.
“zan, ayos ka lang ba?” pag angat ni zan ng kanyang ulo ay mukha ni javer ang kaharap niya. hindi niya namalayan na napayuko siya sa dami ng kanyang iniisip.
“ayos lang ako-” nagulat siya sa reaksyon ni javer sa sagot niya. “bakit?”
inabutan lang ni javer si zan ng berdeng panyo. agad naman niyang tinanggap ito dahil alam niya na kung ano ang nangyayari. kasalukuyan lang siyang pinapanood ni javer habang inaalis ang kahihiyang sinimulan niya.
“gusto mo ba ng tubig? kumain ka na ba? isabay na kita, may dala akong sasakyan.” patuloy na mungkahi ni javer, titig lang ang tugon ni zan bago sabihing...
“sige.” matipid na sambit niya. pinili na lang niyang pakisamahan ang sarili kaysa labanan ito, alam niyang mas lalo siyang hindi iiwan ni javer lalo na sa kalagayang nasaksihan na hindi naman bago sa kanila.
“gusto ko lang malaman, may sakit ka ba?” tanong ni javer habang nasa daan na sila.
“wala.” mariing pakli ni zan habang nakatingin lamang sa salaming nasa pagitan niya at ng mundo sa kalsada.
mag kasama na naman sila. nag uusap na naman sila. gusto na naman niyang umalis, tumakbo, magtago at mapag isa. malayo sa kung nasaan man si javer. akala niya nadaan na niya sa limot ang lahat, akala niya maayos na siya pero hindi pa rin pala.
muli na namang bumalik sa alaala ni zan ang lahat. malinaw at tahimik ang mundo, na parang nasa kanila lang nakatuon ang atensyon ng lahat.
“gusto kita,” pag amin ng binatang si javer kay zan, araw ng kanilang pagtatapos sa sekondarya.
naghiwalay lang ang mga labi ni zan, mabagal na nagproseso sa kanya ang narinig na dalawang salita. hindi niya inaasahan ang mapunta sa sitwasyon na ito, datapwat matagal na rin niyang pinaplanong sabihin ang pareho at eksaktong mga salita para kay javer. iba pala sa pakiramdam kapag nasa reyalidad ka na.
may kirot sa puso ni zan na hindi maipaliwanag. iniisip niyang hindi patas ang mundo sa katulad niya. sobrang daya na siya lang ang hindi maaaring magsinungaling dahil malalaman agad ng kahit na sino na hindi siya nagsasabi ng totoo.
“may... iba akong gusto,” nagtagpo lamang ang mga mata nila at katahimikan ang nanatili sa pagitan. ano kaya ang mga nasa isip ni javer, dahil ang alam lang ni zan ay hindi siya nagsasabi ng totoo kaya pinili rin niyang magsinungaling.
“zan... ayos ka lang ba?” sobrang dami na ang pagkakataon na marinig ni zan ang bukod tangi at nag iisang tanong sa buhay niya, na sa tuwing nasasaksihan ang sitwasyon niyang hindi niya rin maipaliwanag kahit sa kanyang sarili ay ito ang unang isinisiyasat.
“patawad. huwag na sana tayo muling magkita, javer.” hinarang ni zan ang kanyang kanang braso upang itago ang mukha, lalo na ang ilong niyang ramdam niyang sumasalungat sa mga huling salitang akala ni zan ay mapangangatawan niya.
sa mga taon na lumipas, pilit niyang iniiwasan si javer sa lahat ng pagkakataon. maliit lang ang mundo kaya sa isang sulyap lang niyang matagpuan si javer sa gitna ng mga tao ay tatakbo na siya palayo. muling itatago ang sarili sa anino ng nakaraan. ipagpapatuloy ang buhay sa katahimikan na kirot lang sa puso niya ang tanging umaalingawngaw.
“noon ko pa man gustong malaman kung may iniinda ka dahil sa tuwing kausap mo ako, hindi na mabilang sa daliri ang masaksihan na laging dumudugo ang ilong mo.” nahila pabalik sa kasalukuyan si zan sa pagbasak ni javer sa nakakasukang katahimikan.
hindi agad sumagot si zan, iniiwasan na magsabi ng kasinungalingan at si javer mismong kausapin. “ayos lang- hindi ko rin alam.”
“nararanasan mo rin ba yan kapag ibang tao ang kausap mo?”
“minsan.”
hindi na muli silang nag usap. nakarating na rin sila sa tinutuluyan ni zan. tinulungan ni javer si zan sa mga pinamili.
“salamat.”
“libre ka ba bukas?” tanong javer, buong biyahe niyang inipon ang kanyang lakas ng loob.
“huwag na sana tayo muling magkita, javer. pakiusap.” at isang mabigat na pagsara ng pinto ang natanggap ni javer na sagot mula kay zan.
pero sino ba naman si javer sa buhay ni zan? ang tanong na hindi na inisip ni javer, kaya kinabukasan ay nasa tapat na naman siya ng pintuan ni zan. parehas silang nagulat na makita ang isa’t isa at hindi gumalaw sa kinatatayuan sa loob ng ilang segundo.
“ikaw na naman?” kumunot agad ang noo ni zan at iniwas ang tingin.
“zan, gusto lang sana kita makausap.” paliwanag ni javer para sa sarili.
“wala tayong dapat pag usapan,” aamba na babalik sa loob ng kanyang bahay si zan nang mabilis din siyang napigilan ni javer, hawak ang kanyang braso.
ngayon, magkatapat silang kumakain ng tanghalian sa di kalayuan na kainan. tahimik silang ngumunguya at hindi pinapansin ang maingay na paligid.
“ayos ka-” bago pa man matapos ni javer ang itatanong niya ay inunahan na siyang magsalita ni zan.
“ayos lang ako. ikaw, kamusta ka? may kailangan ka ba sa akin? madali lang naman intindihin ang mga sinabi ko sa’yo kahapon, hindi ba?” bahagyang kinapa ni zan ang taas ng kanyag labi kung may roon bang dugo, himala ay wala. siguro dahil mas naging lamang ang pag uusisa niya kay javer.
natawa lang nang bahagya si javer, nabigla dahil ito ang unang beses na mahaba ang oras ng tugon at pagsasalita ni zan sa kanya. hindi tipikal na isang salita kung sagutin man siyani zan sa tuwing siya ang nagtatanong. napatigil muna si javer sa pagkuha ng kung ano man sa bulsa niya.
“ayos lang din naman ako. patawad kung hindi ko kayang sundin ulit ang gusto mong mangyari, hindi na ako papayag ngayon... gusto lang talaga kitang makausap.” isahang paglathala ni javer bilang kanyang sagot.
“tungkol saan?” kinakabahang pagkapa ni zan sa kahahantungan nilang usapan.
“kung may nagawa ba ako sa’yo noon? at kung bakit gusto at palagi mo akong iniiwasan? katulad na lang kanina, halata sa iyo na ayaw mo akong harapin.”
“wala ka namang ginawang masama sa akin noon. ayaw lang kitang makita na, pagtapos ng araw na iyon.”
“dahil sa anong dahilan?” parehas na silang napatigil muna sa pagkain at nakatuon na sa talakayan.
tinignan muna ni zan sa javer sa mga mata, inoobserbahan ang mukha nitong halata ang hindi mabilang na mga tanong. “dahil... mag aaral ako ng kolehiyo sa malayo.”
“anong kinalaman ng pag aaral mo sa pag iwas sa akin at hanggang ngyong perehas na tayong nakapagtapos ay ayaw mo pa rin akong makita?”
napalunok si zan sa tanong na binato sa kanya, hindi na niya alam paano iilagan ng sagot na may halong katotohanan sa pangalawang pagkakataon.
“dahil ba sa... gusto kita?” saktong sakto ang pangatlong tanong.
“hindi- ang ibig kong sabihin ay... javer,” bumuntong hininga muna si zan nang malalim, problemado kung paano tatakas at iiwas na ligtas. “alam kong hindi ka nagsasabi ng totoo. nagsisinungaling ka lang. hindi mo ako makukuha sa biro mo.”
“totoo ang sinabi ko noon, at kahit ngayon, hindi ako nagsisinungaling sa’yo. gusto kita, zan.” muling pagamin ni javer sa nararamdaman para sa binata.
ito ang unang pagkakataon na luha naman ang tumulo mula sa mata ni zan. “bakit?”
ngumiti lang si javer bilang reaksyon, “hindi ko alam kung paano ko ipapaliwanag yung saya na nararamdaman ko sa tuwing magkasama tayo. ang alam ko lang, gusto kita.”
“masaya ka na kasama ako?”
“oo, kahit ngayon, hindi lang halata pero masaya akong makasama ka. masaya akong malaman kung saan kita pwedeng puntahan para yayain kang lumabas... katulad ngayon.”
‘mababaliw na ata ako. hindi totoo yang mga naririnig ko ngayon. hindi ako masaya na makita siya ulit-’ pagkausap ni zan sa sarili at...
“zan, ayos ka lang ba?” halata sa boses ni javer ang pag aalala, napatayo sabay abot ng kanyang panyong kulay pula kay zan.
“ayos lang-” naramdaman ni zan ang sariling dugo na siguradong galing na naman sa ilong niya. agad rin niyang tinanggap ang panyo.
“sa tuwing tinatanong kita at sasagot ka ng ayos ka lang, laging dumudugo yang ilong mo. parang kabaliktaran yung nangyayari sa sagot mo, na parang gusto mong sabihin talaga na hindi,” bahagyang natawa si javer at muling inayos ang pag upo.
malumanay lang na tinignan ni zan si javer dahil totoo naman ang sinabi niya. siya lang ang sinungaling sa kanilang dalawa, kaya sarili niya ang nagpapaalala na wala siyang maitatago, lalo na ang katotohanan.
katotohanang hanggang ngayon, gusto pa rin niya ang lalaking nasa harap niya. masaya rin siya kahit noon pa man na kasama si javer. masaya siya sa tuwing kakain sila ng sabay sa kantina at sabay rin na uuwi pagkatapos ng klase. ngayon, masaya siyang nakikita niya si javer nang hindi inaasahan. masaya siya na ayaw na siyang pakawalan ngayon ni javer at malaman ang totoo mula sa kanya. masaya siyang aminin na ang matagal na niyang hindi pa maamin.
“javer,” banayad na pagtawag ni zan sa kanyang pangalan, ngumiti siya at masayang malaman kung, “hindi mo ba ako tatanungin kung gusto rin kita?”
