Actions

Work Header

Stand Up, Cupid, and Fight Against the Cruel CEO!!!

Summary:

A #StellJunInEveryUniverse au where Kyu (SVA), is tasked to find the soulmate of Zyke (JPN), a CEO notorious for approving romantic tragedies

Notes:

You can find this fic on twitter using the hashtag (naks hashtag!!!) #SUCandFACC lols.

No beta. I'm alone in this world. TT^TT

(See the end of the work for more notes.)

Chapter 1: Cruel CEO

Chapter Text

- X - 

Tak, tak, tak.

Bawat paghalik ng mababang takong ni Namie sa puting sahig ay lumilikha ng ingay, isang tunog na nangingibabaw sa katahimikan ng bahaging iyon ng maliwanag na ospital. Ngunit tila mas maliwanag pa ang signage sa itaas ng pinto ng emergency room. Pula at masakit sa mata at nakasisilaw.

Sa sobrang liwanag ay halos mabilang na ni Namie ang bawat glitter sa kanyang balat, mula sa paborito nyang body shimmer—bagay na regalo ni Dominique sa kanya noong nakaraang birthday niya.

Kanina pa siyang palakad-lakad pero ngayon niya lang napansing hindi pala pares ang suot niyang sandalyas. Kaya pala kanina pang hindi pantay ang lakad niya.

Hindi na rin naman iyon mahalaga. Ang totoong mahalaga ay ang sasabihin ng doktor sa oras na iluwa ito ng pinto. Kung kamusta si Dominique, kung lumala ba ang lagay nito tulad ng ikinatatakot niya.

O kung lilimitahan na ng doktor ang mga panahong maaari nilang pagsaluhan.

Ito na ang pangatlong beses na isinugod si Dominique sa ospital ngayong buwan. Mas madalas na itong nahihilo at sumasakit ang ulo. Minsan ay isinusuka pa nito ang bagong-inom na gamot. Masakit para kay Namie na makitang nahihirapan ang kasintahan, pero ano ba naman iyon kumpara sa sakit na idinadaing ni Dominique sa nakalipas na mga buwan.

Bumagsak na lang si Namie sa isang upuan, sabay sa pag-agos ng mga luhang di niya manlang namalayang umakyat na sa gilid ng kanyang mga mata.

“Namie!”

Dagli siyang napaangat ng tingin sa narinig na boses at tumayo upang salubungin ang nakatatandang kapatid ng nobya.

“Kuya Jah!”

“Si Dom? Kamusta si Dominique?” tanong ni Justin.

Umiling lang si Namie. “Wala pa eh. Di pa lumalabas yung mga doktor. Kaninang kanina pa yun. Nag-aalala na rin ako, kuya,” tuloy-tuloy niyang salita. Tuloy-tuloy din ang pagdaloy ng mainit niyang luha.

“Eh ikaw? Okay ka lang?” Malumanay ang tinig ng binata, puno ng pag-aalalang hindi lang para sa kapatid kundi maging sa kanya.

“Kuya,” umpisang muli ni Namie matapos siyang igiya nito pabalik sa mga upuan. "Naging masama ba ako? May nasaktan ba akong tao? Kami ni Dominique? Wala naman di ba? Bakit parang bawal kaming sumaya? Sunod-sunod palagi ang problema namin eh. Konting break, konting hinga. Eto na naman. Parang may nananadya! Minsan pakiramdam ko pinaparusahan kami. Parang may kung sinong gustong guluhin ang mga buhay namin.”

 

 

“Well, meron naman talaga.”

Ngunit hindi na narinig ni Namie, ni Justin, o ng sinomang tauhan sa aklat ang komentong iyon ni Kyu. Dahil, well, mga karakter lang silang isinulat, mga kathang-isip na nilikha upang mambagbag ng damdamin ng kawawang mambabasa.

“Itong bwisit na writer ang may kasalanan!”

Pabagsak na isinara ni Kyu ang aklat ng Sa Iyong Tabi, saka nagmaktol at ngumawang parang bata. Pangatlong beses niya nang binasa ang libro, pangatlong beses na rin siyang nagreklamo sa parteng iyon na para bang may pwede pang magbago.

Ilang araw na rin siyang hindi bumabalik sa mundo ng mga tao para gawin ang kanyang godly duties, mugto ang mga mata sa pag-iyak, may makapal pang eyebags dahil sa puyat.

“Bakit kasi kailangang mawala ni Dominique,” disappointed na wika ni Kyu. Hindi iyon tanong, bagkus ay isang hinanakit na hindi mapaghihilom kahit ng mahabang panahon.

Kahit hindi totoo ang mga karakter sa libro, totoong totoo ang naramdaman ni Kyu habang nagbabasa. Totoo ang kilig niya sa love story ng dalawang dalaga. Totoo ang kaba niya nang unang himatayin si Dominique at dalhin sa ospital. Totoo ang kirot sa dibdib niya sa tuwing lumalala ang sitwasyon, tuwing mag-isa't tahimik na umiiyak si Namie sa labas ng kwarto upang hindi marinig ni Dominique.

Higit sa lahat, totoo ang bigat sa dibdib niya nang magsara ang kwento sa isang malungkot na talata.

 

Bakas ang pagod sa buntong-hininga ni Kyu nang ihilamos ang malapad niyang palad sa nananamlay na mukha. “Hindi pwede ‘to. Mababaliw lang ako rito. Parang kailangan ko ng bagong libro!”

Bumangon si Kyu mula sa mala-ulap niyang higaan. Ang sahig ng kanyang silid ay tila nangingislap na salamin, lumilikha ng ilusyon ng paglutang sa kanyang bawat hakbang.

Saglit lang ang transisyon patungo sa mundo ng mga tao.  Sa unang segundo'y naroon pa siya sa eteryal niyang kwarto, sa sunod ay nilamon siya ng  makapal na usok upang dalhin sa lugar ng mga mortal.

Dumating siya na parang walang nangyari. Walang nakapansin sa dagli niyang paglitaw. Walang kumwestyon sa tila kumikinang niyang hoodie, o sa kawalan niya ng anino kahit pa nga ba matingkad ang ilaw sa bahaging iyon ng bookstore.

Ang lahat ng tao ay abala sa kani-kanilang gawain upang tapunan siya ng atensyon.

Agad na tumungo si Kyu sa display ng  New Releases, isang mababang mesang may pinagpatung-patong na mga libro na animo’y Christmas tree, may makukulay na pabalat, agaw-pansing mga larawan, at kaakit-akit na lettering. Nasa gilid lang ang mga kopya, madalinig damputin ng interesado, walang balot kaya’t libreng buksan ng sinuman, malutong ang bawat pahina kapag binuklat.

May kakaibang bango ang mga bagong imprentang aklat kaya humugot din ng isa si Kyu mula sa katabing istante, matamis ang ngiti habang binabasa ang buod sa likod. Isang love story. Sapat na siguro iyong pambanlaw. Pero kukuha na rin siya ng ekstra para makasigurado.

Pinagapang ni Kyu ang magaganda niyang daliri sa pabalat ng mga librong kaharap. May mga aklat na solido ang kulay, mayron ding magarbo ang disenyo, merong may mga mukha ng karakter, at mayroon ding pamagat at pangalan ng may-akda lang ang nasa harap. May mga aklat na maninipis,  may makakapal, may mga librong katamtaman lang ang taas, at may mababa kasya sa uswal.

Abala pa ang mga mata niya sa paggala nang may dalawang babaeng tumayo sa kanyang tabi, ang isa’y agad na kumuha ng libro upang bulatlatin ang pahina’t nilalaman.

“Soul Pub? Naku wag ka na dyan, beb,” anang una, nakangusong parang diring diri bago humablot ng libro para suriin. “Kakatapos ko lang basahin yung Sa Iyong Tabi at gigil na gigil pa rin ako sa ending!”

Parang nagyelo ang buong kalamnan ni Kyu sa narinig.

Sa Iyong Tabi, ang kwento ng buhay at pag-ibig nina Namie at Dominique, ang dahilan ng magdamagan niyang pag-iyak, at sanhi ng paghahanap niya ngayon ng mga bagong aklat. Para itong isang multong di matahimik at siya ang medium na ayaw nitong lubayan sa paghingi ng hustisya.

“Binasa ko rin ‘yan, girl,” ika ng pangalawang babae, lukot na ang mukha nang ibalik ang hawak na kwento sa istante. “Umasa talaga akong may happy ending. First GL release pa man din nila ‘to tapos grabe pa nila i-hype sa socmeds nila. Pucha! Gacha malala talaga sa kanila! Sa libro ka na nga lang kikiligin kasi walang love life tas ipagdadamot pa nila!”

“I know right! Pero true kaya?” tanong ng una, wala na sa isip ang ginagawang pagbuklat sa hawak na babasahin, nakabinbin sa ere ang kuryosidad na inampon na rin ni Kyu ngayong palihim siyang nakikinig sa dalawa, malayo na ang isip sa planong pagpili ng mas marami pang babasahin. “Na special instruction ng CEO na wag mag-publish ng happy ending? Iyon kasi ‘yung nabasa ko sa raddit eh.”

“Alam mo nabasa ko rin ‘yang theory na ‘yan. May anon comment pa nga akong nabasa na totoo daw talaga yun kasi isa siya sa mga writers at talagang pinapabago daw ng editors yung original ending ng stories pag happy ending. Kesyo hindi daw ia-approve ng editor-in-chief, which is yung CEO nga daw. Siguro matandang miserable sa buhay ‘yung CEO kaya gusto niya ring maging miserable readers nila. Nakakainis.”

“Grabe, no? Pinagkakakitaan na nga tayo, ayaw pa tayo maging masaya? Napakasama ng ugali. Iniwan siguro yon ng jowa or asawa kaya malaki ang galit sa mundo.”

“Well kung ganyan ugali niya, deserve niya talagang maiwan. Nananahimik tayo rito tas idadamay niya tayo sa kalungkutan ng buhay niya? Unfair ha!”

Nagpatuloy pa ang usapan ng dalawa ngunit hindi na iyon pumasok sa isip ng nangungunot ang noong si Kyu. Bumaba na rin ang kamay niyang kanina lang ay nangangapa pa ng libro. Umatras siya palayo sa istante.

Isang hakbang. Dalawa.

 

Tatlo.

Kung gaano niya kadaling natunton ang book store sa mundo ay ganun kadali rin siyang nakabalik sa langit, hindi sa sariling silid, bagkus ay doon sa gitna Selestyal na Bulwagan, kung saan nakalagak ang dakilang talâ ng bawat nabubuhay.

Bawat tao sa mundo ay may sariling talâ, isang mabigat na rekord ng kanilang naging buhay. Naroon ang bawat kabutiha't kasamaan, bawat hinaing at dinadalang hinanakit, bawat plano’t pangarap, at mga di kagandahang hangarin sa kapwa.

Kada pahina’y banal na ebidensya; isang matibay na patotoo sa kung ang kaluluwang nasa labas ng tarangkaha’y karapat-dapat makapasok sa walang hanggang Paraiso, o kalugod-lugod na ipatapon sa dagat ng di natutupok na apoy.

Itinaas ni Kyu ang kanyang mga kamay at pinakiramdaman ang paligid. Nagliwanag ang bawat aklat. Nabulabog ang katahimikan nang mag-umpisa ang pagyanig sa daan-daang istante, malayo man o malapit. Umaalog ang bawat libro sa silid, lumilikha ng ingay na kahalintulad sa yabag ng sanlibong mga paa. Hindi sabay-sabay kundi sunod-sunod, tuloy-tuloy, at walang patid.

Soul Publishing. Soul Publishing...

Marami-raming pangalan ang nakadikit sa kompanya—mga bumili ng aklat, mga taga-imprenta, mga artist na gumawa ng pabalat, at manunulat na nagsumite ng kanilang mga kwento.

Ah, heto na. Ang may pinakamalakas na enerhiyang kadikit sa Soul Publishing.

Humugot ng malalim na hininga si Kyu. Nasa malapit na lang ang hinahanap niyang talâ.

Malapit na malapit.

 

Nasa likod?

At… papalapit sa kanya?

Agad pumihit si Kyu, at bumungad sa kanya ang maamo’t tila nagliliwanag na mukha ni Ella, may kagandahang walang hanggan, matamis na ngiti, malambot na buhok, at payat na pangangatawan. Nakasuot ito ng puti, may mga palamuting ginto; ang laylayan ng mahabang bestida’y tila sumasayaw sa hangin. Nakaangat ang kanang kamay nito, sa ibabaw ng bukas na palad ay lumulutang ang isang talâ.

“Ito ba ang hinahanap mo?” tanong ng diyosa ng kagandahan, matamis ang ngiti at makabuluhan ang kislap ng mga mata.

Pinakiramdaman ni Kyu ang lumulutang na talâ; may matindi iyong koneksyon sa Soul Publishing. Sigurado siyang nilalaman niyon ang pangala’t puso ng hinahanap niyang CEO.

Nakataas man ang kilay sa pagtataka’y inabot pa rin ni Kyu ang rekord. Mabigat ito, makapal, at halos pumutok sa dami ng pahina, ngunit ang pabalat ay kahintulad lang din sa iba: mapusyaw ang kulay, ginintuan ang mga letrang bumubuo sa ngalan ng may-akda—

“Zyke Espiritu,” ika ni Ella, nakangisi pa rin nang muling mag-angat ng tingin si Kyu.

“Ba’t kilala mo siya?” tanong ni Kyu, nangungunot ang noo sa pagdududa, ang daliri’y kinakapa ang nagninipisang dahon ng aklat, ngunit wala na isip niya ang basahin ang nilalaman niyon. Sa ngayo’y mas interesado siya sa dahilan ng nakakalokong ngiti ng diyosa.

“Iniisip mo kung totoo ang bali-balitang miserable ang buhay niya kaya gusto niya ring maging miserable ang iba, ‘di ba?” panimula nito, tila mga bituing kumikinang sa madilim na langit ang mga mata. “Ngayon malalaman mo na.”

Lalo lang nangunot ang noo ni Kyu. “Kasi hawak ko ang record niya?”

“Kasi siya ang bago mong project,” paliwanag ni Ella sa wakas bago ipatong ang magaan niyang palad sa balikat ni Kyu. “Galingan mo ha? Find him his perfect match, Cupid!”