Chapter Text
Ang Lumang Papel
The archives had a smell that no expensive candle could ever imitate.
It was a mixture of old paper, dust, leather, fading ink, and time itself. Some people found it suffocating.
Josephine Reyes called it home.
Sa bawat araw na pumapasok siya sa National Archives, pakiramdam niya ay pumapasok din siya sa buhay ng mga taong matagal nang wala sa mundong ito. Mga liham na hindi naipadala. Mga tala ng binyag. Mga lumang mapa. Mga kasulatang minsang naging mahalaga sa isang tao ngunit ngayo'y nakatupi na lamang sa loob ng mga kahong hindi na halos nabubuksan.
She loved that.
Hindi dahil mahilig siya sa nakaraan.
Kundi dahil naniniwala siyang ang kasaysayan ay hindi lamang binubuo ng mga bayaning nasa aklat.
Mas marami ang mga taong walang pangalan.
Mga babaeng hindi naisulat sa libro.
Mga pamilyang nawala sa alaala.
Mga liham na walang tumanggap.
At sa bawat dokumentong dumadaan sa kanyang mga kamay, pakiramdam niya ay kahit papaano, nabibigyan niya sila ng pagkakataong maalala muli.
Nakasuot siya ng puting gloves habang maingat na pinapahiran ng malambot na brush ang isang lumang dokumento.
"Josephine."
Hindi siya agad lumingon.
"Hmm?"
Lumapit ang supervisor niyang si Ma'am Celia habang may hawak na manipis na archival box.
"May new acquisition."
Napangiti si Josephine.
"Spanish?"
Tumango ito.
"Late nineteenth century. Galing Laguna."
Agad siyang napaangat ng tingin.
Laguna.
Hindi niya alam kung bakit, pero may kakaibang saya tuwing ang pinagmulan ng isang dokumento ay ang lalawigang kinalakihan niya. Marahil dahil mas madaling isipin na minsan, sa parehong daang nilalakaran niya ngayon, may mga taong nabuhay na may mga pangarap ding katulad ng kanya.
Tinanggap niya ang kahon.
Manipis lamang iyon.
Halos walang laman.
Pagbukas niya ay isang lumang journal lamang ang naroon.
Balat ang pabalat.
Bitak-bitak na ang tahi.
May bahid ng tubig sa gilid ng bawat pahina at sa harap nakasulat sa kupas na tinta—
Diario de M. S.
Walang buong pangalan at puro inisyal lamang.
Nagkunot-noo si Josephine.
"Anonymous?"
"Mukhang gano'n."
Tahimik siyang tumango. Maingat niyang binuksan ang unang pahina na halos mabura na ang tinta. Ngunit sapat pa rin upang mabasa ang naka sulat.
----------------------------------------------------------------------------
17 de Enero de 1887
Ang sabi nila, ang isang dalaga ay dapat maging masunurin.
Kung gayon... bakit tila may kulang sa puso ko?
----------------------------------------------------------------------------
Napahinto si Josephine.
Napakababae ng sulat.
Maganda.
Maayos.
Halatang isinulat ng isang taong naturuang magsulat nang pormal.
Ipinagpatuloy niya ang pagbabasa.
----------------------------------------------------------------------------
Tinuruan nila akong tumugtog ng piyano.
Tinuruan akong magburda.
Tinuruan akong ngumiti.
Ngunit walang nagturo kung paano mamuhay para sa sarili.
----------------------------------------------------------------------------
Hindi niya namalayang napabuntong-hininga siya May kung anong lungkot sa bawat salita.
Hindi dramatiko.
Hindi rin mapanghimagsik.
Parang isang pusong matagal nang natutong manahimik at pinakahuling pahina, may isa pang entry.
----------------------------------------------------------------------------
Kung sakaling may makatagpo sa talaarawang ito balang araw...
Umaasa akong ang mundong iyong ginagalawan ay mas mabait sa mga babaeng katulad ko.
----------------------------------------------------------------------------
Tahimik ang buong conservation room.
Wala ni isa mang nagsalita.
Tanging mahinang ugong ng air-conditioning at pagaspas ng mga papel ang maririnig.
Napansin ni Josephine na may mga pahinang nawawala.
Hindi napunit.
Parang...
sadyang inalis.
May mga bahagi ring nasunog.
Ang huling entry ay biglang naputol sa kalagitnaan ng pangungusap.
----------------------------------------------------------------------------
Bukas ay ipapahayag na ni Papa ang aking...
----------------------------------------------------------------------------
Wala na hanggang doon lamang. Napatingin siya sa mga nawawalang pahina. Parang may humila sa kanyang dibdib.
Hindi niya maipaliwanag.
Ilang taon na siyang nagtatrabaho sa archives. Sanay na siyang makakita ng mga dokumentong kulang.
Mga liham na walang wakas.
Mga pangalang hindi na mababasa.
Pero iba ito.
Pakiramdam niya ay may taong pilit na gustong magsalita.
At siya lamang ang nakakarinig.
Kinagabihan, umuwi siyang dala ang photocopy ng journal.
Hindi maaaring ilabas ang orihinal, ngunit pinayagan siyang pag-aralan ang digital at printed reproductions mula sa bahay.
Tahimik ang biyahe pauwi sa Laguna.
Habang nakasandal sa bintana ng bus, hindi niya namalayang paulit-ulit niyang binabasa ang iisang linya.
"Umaasa akong ang mundong iyong ginagalawan ay mas mabait sa mga babaeng katulad ko."
Napabuntong-hininga siya.
"Hindi pa rin perpekto," mahina niyang bulong sa sarili.
"...pero siguro mas mabait na nga."
Pagsapit ng gabi, malamig ang hangin sa kanilang lumang bahay.
Tahimik ang buong bakuran.
Sa likuran nito ay nakatayo ang isang napakalaking balete.
Sabi ng kanyang lola noon—
"Mas matanda pa 'yang puno kaysa sa bahay natin."
Hindi na niya alam kung biro iyon o katotohanan.
Pero tuwing tinitingnan niya ang makakapal nitong ugat, madaling paniwalaang marami na itong nasaksihan.
Mga panahon ng Kastila.
Mga Amerikano.
Digmaan.
Bagyo.
Mga pamilyang dumaan at nawala.
Tahimik itong nakatayo.
Parang nagbabantay.
Bandang alas-onse ng gabi ay hindi siya makatulog kaya lumabas siya dala ang kopya ng diary at isang tasa ng salabat.
Umupo siya sa lumang batong bangko malapit sa puno.
Tahimik.
Tanging huni ng kuliglig ang maririnig.
Muli niyang binuksan ang diary.
Huminto ang tingin niya sa isang pahinang halos hindi na mabasa.
Sa ilalim ng ilaw ng buwan, tila may lumitaw na tinta na kanina'y wala roon.
Isang maikling pangungusap.
Napakalinaw.
Na para bang ngayon lamang ito isinulat.
Kung tunay ngang dinidinig ng panahon ang mga panalangin...
Sana'y may isang taong dumating upang baguhin ang aking tadhana.
Kasabay ng huling salitang nabasa niya, biglang umihip ang malamig na hangin.
Hindi iyon ang karaniwang simoy ng gabi.
Mabiga at malamig.
Halos nakabibingi ang katahimikan na sumunod.
Napatingala si Josephine.
Ang mga dahon ng balete ay hindi gumagalaw.
Ngunit ang mga ugat nito...
unti-unting kumikislap sa maputlang liwanag na tila nagmumula sa kailaliman ng lupa.
Kumabog ang dibdib niya.
"Ano'ng..."
Hindi na niya natapos ang tanong.
May tila humihila sa kanya mula sa ilalim ng puno.
Hindi ito kamay.
Hindi rin hangin.
Parang mismong panahon ang dumampi sa kanyang balat.
At sa isang kisapmata—
Naglaho ang liwanag ng kanilang bahay.
Naglaho ang mga ilaw ng kalye.
Naglaho ang mundong nakasanayan niya.
Ang huling bagay na narinig niya ay ang malalim na pagaspas ng mga dahon ng balete.
Pagkatapos—
Ganap na katahimikan.
.
.
.
.
Masakit ang ulo niya.
Hindi iyong karaniwang sakit matapos ang mahabang araw sa trabaho kundi mas mabigat. Parang buong katawan niya ang nahulog mula sa napakataas na lugar.
Unti-unting dumilat si Josephine.
Ang unang bumungad sa kanya ay ang makakapal na ugat ng balete.
Nakahiga siya sa malamig na lupa.
Nanlalagkit ang palad niya sa mamasa-masang damo.
Napapikit siya sandali.
"Grabe... nanaginip ba ako?"
Marahan siyang bumangon, pinapahid ang putik sa maong niyang pantalon.
Nilingon niya ang bahay nila.
Wala.
Natigilan siya.
"...Ha?"
Tumayo siya nang tuluyan.
Muli siyang tumingin.
Wala pa rin.
Hindi lamang ang bahay nila ang nawawala.
Pati ang buong kalsada.
Pati ang mga poste ng ilaw.
Pati ang gate.
Pati ang mga bahay ng kapitbahay.
Ang buong paligid ay naging malawak na damuhan na may mga puno ng niyog at mangga.
Sa di-kalayuan ay may lawa, kumikislap sa ilalim ng sikat ng araw.
Ang hanging dumadampi sa balat niya ay may amoy ng basang lupa, kahoy, at usok mula sa sinusunog na panggatong.
Hindi usok ng tambutso.
Hindi rin amoy ng siyudad.
Napakalinis.
Napakatahimik.
Napakabuhay.
Bigla siyang kinabahan.
"...What the hell?"
.
.
.
Ilang sandal pa ay may narinig siyang tila kampana.
Hindi mula sa cellphone. Kundi mula sa simbahan.
Dong...
Dong...
Dong...
Napatingin siya sa pinanggagalingan ng tunog.
Sa pagitan ng mga puno ay may tore ng simbahan.
Maputi.
Matayog.
Hindi pa ito napapaligiran ng mga establisimyento. Malaya itong nakatayo sa gitna ng bayan.
Parang nasa lumang larawan.
Hindi...
Parang mas matanda pa.
Humugot siya ng cellphone sa bulsa at pinindot niya ang power button.
Wala.
Napailing siya.
"Okay... walang signal" napasinghap niyang sabi.
.
.
Naglakad siya sa makitid na daan.
Hindi pa sementado.
Pinong lupa lamang at mga bakas ng gulong ng karwahe.Makalipas ang ilang minuto, may narinig siyang yabag.
Hindi tao kundi kabayo.
Napalingon siya. Isang karwahe ang papalapit dahilan upang mapahinto siya sa gitna ng daan.
Nakatingin sa kanya ang kutsero.
Nakatingin din sa kanya ang dalawang babaeng sakay nito.
Pareho silang nakasuot ng baro't saya ang tradisyonal na kasuotan ng kababaihan noong panahon ng Kastila, binubuo ng baro o blouse, saya o palda, at pañuelo o panyo sa balikat.
Lalong bumilis ang tibok ng puso niya.
Hindi ito costume.
Hindi ito photoshoot.
Hindi ito reenactment.
Masyadong totoo.
Napatingin ang isa sa mga babae sa suot niyang oversized polo, maong, at puting sneakers.
Parang ngayon lang ito nakakita ng ganoong kasuotan.
May ibinulong ito sa kasama.
Pagkaraan...
Tumawa sila nang mahina.
Habang papalayo ito, narinig niya ang isang salitang hindi niya agad naunawaan.
"Dayuhan."
Nagpatuloy siya sa paglalakad.
“Kung panaginip ito gusto ko nang magising” bulong ni Josephine sa sarili.
Ngunit hiindi ito isang panaginip lamang. Bawat taong nakakasalubong niya ay napapatingin. May mga batang humihinto sa paglalaro May mga matandang napapabuntong-hininga. May ilang lalaki ang nagkukrus.
Parang may kakaiba sa kanya.
Hindi.
Alam niyang may kakaiba talaga sa kanya.
Sa lahat ng tao roon...
Siya lang ang nakasuot ng damit mula sa ika-21 siglo.
Ilang saglit pa at napahinto siya nang makita ang isang maliit na tindahan.
May mga nakasabit na tela.
Palayok.
Abaniko.
Prutas.
Lumapit siya.
Nakangiti ang matandang babaeng nagtitinda.
Ngunit agad ding nawala ang ngiti nito nang makita ang suot niya.
"...Iha?"
Nagpilit ngumiti si Josephine.
"Excuse me po..."
Huminto siya.
Ano ba ang itatanong niya?
Nasaan ako?
Anong nangyari?
Anong taon na?
Mukha siyang baliw.
Sa halip ay mahina niyang sinabi—
"Pwede pong malaman kung... anong bayan ito?"
Nagtaka ang matanda.
"Calamba."
Napalunok siya.
Hindi.
Imposible.
Muling nagtanong si Josephine.
Mas mabagal.
"...Anong taon po?"
Tahimik.
Napatingin ang matanda sa kanya.
May pag-aalala sa mukha nito.
Parang iniisip kung may sakit ba ang kaharap.
Pagkaraan ng ilang segundo—
"Taong isang libo walong daan walumpu't pito."
1887
Parang tumigil ang mundo.
Hindi na niya narinig ang sumunod na sinabi ng matanda.
Nag-echo lamang sa isip niya ang isang numero.
1887…….
Eksaktong taon na nakasulat sa diary. Unti-unting nanghina ang mga tuhod ni Josephine.Napahawak siya sa gilid ng tindahan upang hindi matumba.
Hindi ito panaginip.
Hindi ito hallucination.
Hindi ito historical park.
Kung ano man ang nangyari kagabi, hindi siya basta naligaw. Kundi…..
napunta siya sa nakaraan.
Mabilis siyang lumayo bago pa siya mapag-usapan ng mga tao.
Naglalakad siyang walang direksiyon.
Humahalo ang takot at pagtataka sa bawat hakbang.
Habang lumilipas ang oras, lalo niyang napapansin ang mga detalye.
Mga lalaking nakasuot ng camisa de chino maluwag na kamisang karaniwang isinusuot ng mga Pilipino noong panahon ng Kastila.
Mga babaeng may dalang bilao.
Mga batang naglalaro ng sipa.
Lahat ay tila normal.
Siya lang ang hindi kabilang.
Patuloy na naglakad-lakad si Josephine. Hindi nito mawari kung saan siya pupunta. Sa gitna ng paglalakad ay hindi maiiwasan ang mga matang tila nanghuhusga at mga bibig na bumubulong.
Pag dating ng hapon, nagsimulang magdilim ang langit. May paparating na ulan.
Napatingin siya sa malayo.
Sa tuktok ng isang maliit na burol ay nakatayo ang isang malaking bahay na batong My dalawang palapag at malalawak ang bintana. May harding puno ng santan at gumamela.
Sa harapan nito ay may mga katulong na abalang naglilinis ng karwahe. Isa iyong tahanan ng maykaya.
Habang pinagmamasdan niya ang bahay, may bumukas na malaking pintuan. Iniluwal nito ang isang babae. Nakasuot ito ng puting baro at bughaw ang kanyang saya.
May hawak siyang payong na seda (silk)
Mahaba ang maitim na buhok na maayos ang pagkakatali.
Matikas ang tindig.
Ngunit ang tunay na nagpahinto kay Josephine ay ang paraan ng paglingon ng babae parang may naramdaman itong presensya. Unti-unti nitong itinaas ang paningin hanggang sa nagtama ang kanilang mga mata.
Hindi alam ni Josephine kung bakit.
Ngunit sa unang pagkakataon mula nang magising siya sa mundong ito. May isang bagay na tila naging pamilyar. Hindi niya kilala ang babae.
Ngunit pakiramdam niya...
Matagal na niya itong hinahanap.
Sa kabilang dako ng bakuran, bahagyang kumunot ang noo ng dalaga.
Hindi takot.
Hindi galit.
Kundi tila pagtataka.
Hindi alam ni Josephine kung sino ang unang umiwas ng tingin.
Siya ba.
O ang magandang babaeng singkitt na nakatayo sa balkonahe ng malaking bahay na bato.
Pareho silang tila natigilan.
Hindi dahil may kakaiba sa isa't isa.
Kundi dahil may kung anong hindi maipaliwanag na naramdaman sa unang pagtatama ng kanilang mga mata.
Isang segundo lamang iyon.
Dalawa.
Tatlo.
Pagkatapos ay may lumapit na isang katulong sa babae at bahagyang yumuko.
May sinabi ito na hindi na narinig ni Josephine.
Tumango ang babae bago muling pumasok sa loob ng bahay.
Nagsara ang malaking pintuan.
At parang wala nang nangyari.
"...Okay."
Napabuntong-hininga si Josephine.
"Focus ka muna. Mamaya ka na mag-admire ng magagandang babae."
Hindi niya napigilang matawa sa sarili.
Kahit nasa sitwasyong hindi niya maintindihan, gumagana pa rin ang isip niyang mahilig magbiro.
Ngunit mabilis ding napawi ang ngiti niya.
Hindi niya alam kung saan siya matutulog.
Hindi niya alam kung paano siya makakauwi.
At higit sa lahat—
Hindi niya alam kung gaano katagal siya mananatili rito.
Lumalim ang hapon at nagsimula nang magmadali ang mga tao sa lansangan.
May mga tindahang nagsasara.
May mga batang tinatawag na pauwi ng kanilang mga ina.
Maya-maya'y muling tumunog ang kampana ng simbahan.
Sunod-sunod.
Mas mabilis kaysa kanina.
Napansin niyang halos lahat ng tao ay pansamantalang tumigil sa ginagawa.
May nag-antanda isang paggawa ng tanda ng krus bilang panalangin.
May yumuko.
May tahimik na nagdasal.
Napatingin si Josephine sa simbahan.
Angelus, naalala niya.
Isang tradisyonal na panalanging Katoliko na karaniwang dinarasal tuwing alas-sais ng umaga, tanghali, at alas-sais ng gabi.
Kahit sa kasalukuyan ay may ilang simbahan pa ring nagpapatunog ng kampana para rito.
Hindi na siya gumalaw.
Tahimik lamang siyang tumayo.
Hindi dahil obligado siya.
Kundi dahil pakiramdam niya...
Siya ang dayo rito.
Nang matapos ang panalangin, muling nabuhay ang bayan.
Ngunit bago pa siya makapag-isip ng susunod na gagawin—
May narinig siyang sigawan.
"Hoy! Hawakan mo!"
"Tumakbo!"
Lumingon siya.
Dalawang kabayo ang biglang nagwala habang hinihila ang isang magarang karwahe.
Nagkagulo ang mga tao.
May mga batang umiiyak.
May mga tindero't tindera na nagtakbuhan upang iligtas ang kanilang paninda.
Napatingin si Josephine sa karwahe.
May tao sa loob.
Isang babae.
Nakita niyang pilit nitong hinahawakan ang kurtina ng bintana habang marahas na umuuga ang sasakyan.
Hindi na siya nag-isip.
Tumakbo siya.
"Josephine!"
Sigaw iyon ng sarili niyang isip.
Ano'ng ginagawa mo?
Kabayo 'yan!
Pero huli na.
Tumakbo siya patungo sa daan.
Napansin niyang ang isa sa mga lubid na nakakabit sa kabayo ay sumabit sa malaking bato sa gilid ng kalsada.
Sa sobrang bilis ng pangyayari, wala nang ibang kumikilos.
Huminga siya nang malalim sabay hinablot ang lubid at tumilapon siya sa putikan.
Ngumalag ang kabayo.
Ngunit dahil nabawasan ang puwersa ng pagtakbo nito, nagawa ng kutsero na kontrolin ang renda.
Makalipas ang ilang segundo—
Tumigil ang karwahe.
Natahimik ang buong lansangan.
Masakit ang siko ni Josephine at mukhang nadagdagan pa ng putik ang puting sneakers niyang hindi na talaga maililigtas.
"Ow..."
Napaupo siya sa lupa.
May mga taong nagsimulang lumapit.
Nag-uusap sila nang mahina.
Narinig niya ang pagbukas ng pinto ng karwahe.
May pares ng sapatos na katad ang huminto sa harap niya.
Pag-angat niya ng tingin—
Siya iyon.
Ang babaeng nakita niya kanina sa bahay na bato.
“Mas maganda pala ito kapag malapitan.”
“Pinadala ba ako dito para maging sinaunang bading?”
Hindi iyon ang unang bagay na dapat niyang isipin.
Pero iyon ang unang pumasok sa isip niya.
Matangkad ito, marahil ay limang talampakan at apat na pulgada ang taas. Tuwid ang tindig na tila bunga ng maayos na pagpapalaki. Mahaba ang maitim niyang buhok na maayos na nakapusod.
Ngunit ang tunay na nagpahinto kay Josephine ay ang mga mata nito.
Hindi malalaki.
Bahagyang singkit, halos hugis pili. Ngunit nang magtama ang kanilang mga tingin, tila walang detalyeng nakaliligtas sa mga matang iyon.
Hindi iyon mga matang madaling basahin. May katahimikan sa mga iyon na tila matagal nang natutong magtago ng damdamin.
Napansin ni Josephine na bahagya pa ring nanginginig ang babae, marahil dahil sa nangyari sa karwahe.
Tahimik silang nagkatitigan.
Pagkatapos—
Mahinang nagsalita ang babae.
"Ikaw ba ang tumulong sa akin?"
Malumanay ang boses.
Hindi mataas.
Hindi rin mahina.
May kakaibang kapanatagan.
Tumango si Josephine.
"Ah... opo."
Saglit na katahimikan.
Pagkatapos ay bahagyang yumuko ang babae.
Hindi malalim.
Ngunit sapat upang ikagulat ang mga taong nakapaligid.
"Maraming salamat."
Nagulat si Josephine.
"Wala po iyon."
Isang matandang lalaki ang lumapit sa babae.
Nakasuot ito ng maayos na amerikana.
Mukhang katiwala ng bahay.
"Señorita Soledad," mahina nitong sabi.
"Nararapat na po tayong umuwi."
Soledad.
Parang may kumalabog sa dibdib ni Josephine ngunit hindi niya alam kung bakit.
Napakaganda ng pangalan. Ang babae—si Soledad—ay muling tumingin sa kanya. Ngayon ay tila mas maingat.
Pinagmasdan niya ang kakaibang kasuotan ni Josephine.
Ang tela.
Ang sapatos.
Ang relong suot sa kaliwang kamay.
Ang maliit na itim na telepono na bahagyang nakasilip sa bulsa ng pantalon nito.
Lahat ng iyon ay hindi niya pa kailanman nakita.
Hindi siya nagtaka nang lantaran.
Hindi rin siya nagtanong.
Ngunit malinaw sa kanyang mga mata ang pag-uusisa.
"Hindi ka taga-rito."
Hindi iyon tanong.
Kundi isang tahimik na pagtiyak.
Napangiti nang alangan si Josephine.
"Mahaba-haba pong kuwento."
Hindi sumagot si Soledad.
Ilang sandali lamang niya itong minasdan, waring sinusukat ang pagkatao ng estrangherang nasa kanyang harapan.
Hindi na niya ito pinansin.
Sa halip ay marahan siyang nagsalita.
"Kung gayon..."
Sandali siyang tumingin sa mga taong nakapaligid.
Lahat ay nakatingin sa kanilang dalawa.
May mga nagbubulungan na.
Alam niyang hindi nararapat para sa isang dalagang tulad niya ang makipag-usap nang matagal sa isang estranghero sa gitna ng lansangan.
Ngunit may kung anong pumipigil sa kanyang basta na lamang umalis. May kung anong nagsasabing ang babaeng ito ay nangangailangan ng tulong.
Ibinalik niya ang tingin kay Josephine.
"Wala kang matutuluyan, hindi ba?"
Hindi agad nakasagot si Josephine.
Hindi niya alam kung paano ito nalaman.
Siguro halata lang.
Dahan-dahan siyang tumango.
Napabuntong-hininga si Soledad.
Pagkatapos ay tumingin siya sa matandang katiwala.
"Mang Isko."
"Señorita?"
"Sabihin mo kay Aling Marta na ipaghanda ang silid ng mga panauhin."
Natigilan ang matanda.
"Ngunit..."
"Pananagutan ko."
Tahimik ang boses ni Soledad.
Ngunit may awtoridad.
Tumango ang katiwala kahit halatang naguguluhan.
Muling humarap si Soledad kay Josephine.
Sa unang pagkakataon, isang napakaliit na ngiti ang lumitaw sa kanyang mga labi.
Halos hindi mapansin ngunit sapat upang lalong gumanda ang kanyang mukha.
"Maaari kang sumama sa akin."
Huminto ang mundo ni Josephine sa loob ng isang tibok ng puso.
Hindi niya alam kung tama ba ang gagawin niya.
Hindi niya kilala ang babaeng nasa harapan niya paano kung aswang ito at gawin siyang hapunan?
“Willing naman kung siya ang kakain—ay ano ba yan!” sa isip-isip ni Josephine.
Ngunit sa isang mundong wala siyang kakilala…ang tanging taong nag-alok ng kabutihan ay mahirap tanggihan.
Marahan siyang tumango.
"Salamat."
Hindi pa nila alam.
Ngunit sa araw na iyon, nagsimula ang isang kuwentong hindi isinulat ng kasaysayan.
Isusulat palang….
.
.
.
Hindi naging madali ang pag-uwi.
Pagkaalis ng mga tao sa lansangan, muling umusad ang karwahe sa makitid na daang napapaligiran ng mga punong mangga at acacia. Hindi na muling sumakay si Josephine sa loob.
Hindi iyon ang nararapat.
Sa halip, inanyayahan siyang umupo sa maliit na upuan sa likuran, katabi ng kutsero.
Hindi siya tumutol.
Kung tutuusin, hindi rin niya alam ang mga kaugaliang sinusunod noong panahong ito.
Tahimik lamang niyang pinagmamasdan ang bayang dinaraanan.
Mga bahay na yari sa kawayan at nipa.
Ilang bahay na bato, mga uri ng tahanang karaniwang pag-aari ng mayayamang pamilya noong panahon ng Kastila, na may unang palapag na bato at ikalawang palapag na kahoy.
Mga babaeng nagwawalis sa bakuran.
Mga lalaking pauwi mula sa bukid habang pasan ang mga kasangkapan.
Parang isa siyang nanonood ng dokumentaryo.
Ang kaibahan lamang...
Naroon siya mismo.
Sa loob ng karwahe, bahagyang ibinuka ni Soledad ang kurtin at ahimik niyang pinagmasdan ang estrangherang nakaupo sa labas.
Hindi niya maunawaan ngunit napakaraming bagay ang hindi pangkaraniwan tungkol sa dalaga.
Ang kasuotan nito.
Ang sapatos.
Ang tela.
Maging ang paraan ng pagsasalita.
Ngunit higit sa lahat...
Hindi niya nakita ang takot na karaniwang makikita sa mga taong humaharap sa isang Señorita.
Nirerespeto siya ni Josephine.
Ngunit hindi siya sinasamba.
At iyon ang unang beses na may nakausap siyang ganoon.
Hindi niya alam kung dapat ba siyang mainis o matuwa.
Huminto ang karwahe sa harap ng isang malawak na tarangkahan na yari sa bakal.
Unti-unti itong binuksan ng dalawang katiwala.
Sa itaas ng arko ay nakaukit ang apelyido ng pamilya.
SEVILLA
Pagpasok ng karwahe ay bumungad ang malawak na bakuran.
May mga santan.
Gumamela.
Sampaguita.
Sa isang sulok ay may maliit na azotea- isang bukas na bahagi ng bahay na karaniwang ginagamit bilang lugar ng paglalaba o pagkuha ng tubig.
Sa likuran ay may sariling balon.
Napatingala si Josephine.
Mas kahanga-hanga pala ang bahay kapag malapitan.
Matatayog ang haligi.
Malalapad ang bintanang may capiz. May pakiramdam ng katahimikan.
Pagkababa nila sa karwahe, agad lumapit ang ilang katulong.
Isa sa kanila ang yumuko kay Soledad.
"Magandang gabi po, Señorita."
Tumango lamang ito.
"Nasa bahay po ba si Don Rafael?"
Tanong ni Soledad.
Bahagyang nag-alangan ang katulong.
"Kadarating lamang po ng Don Rafael."
Napatigil si Soledad.
Sandali niyang ipinikit ang mga mata.
Parang may iniiwasan.
Ngunit agad din siyang bumalik sa dati niyang anyo.
Mahinahon.
Hindi mababakas ang anumang emosyon.
Napansin iyon ni Josephine.
Bago pa sila makapasok ng bahay, humarang ang matandang katiwalang si Mang Isko.
Mahinahon ang boses nito ngunit bakas ang pag-aalala.
"Señorita..."
"Ano iyon, Mang Isko?"
"Hindi po natin kilala ang dalagang ito."
Tahimik.
Hindi umimik si Josephine.
Alam niyang tama ang matanda.
Kung siya rin ang nasa lugar nito, hindi rin basta magpapapasok ng estranghero.
Nagpatuloy si Mang Isko.
"Hindi natin alam kung saan siya nanggaling."
"Hindi natin alam ang kanyang pamilya."
"Ni ang kanyang pangalan ay hindi pa natin naitatanong."
Napakurap si Josephine.
Ay nga pala.
Hindi pa nga pala sila nagpapakilala.
Bahagyang napangiti si Soledad.
Napakaliit lamang.
Halos hindi mapansin.
Pagkatapos ay tumingin siya kay Josephine.
"Kung mamarapatin..."
"...maaari ko bang malaman ang iyong pangalan?"
Huminga nang malalim si Josephine.
Ito na yata ang pinakasimpleng tanong na mahirap sagutin.
Hindi siya maaaring magsinungaling.
Pero hindi rin niya maaaring sabihin ang totoo.
"Galing po akong taong 2026."
Hindi.
Sigurado siyang ipapadampot siya sa kura--pari noong panahon ng Kastila.
Kaya pinili niya ang tanging katotohanang maaari niyang sabihin.
"Josephine Reyes po."
Tahimik na inulit ni Soledad ang pangalan.
"Josephine..."
Parang ngayon lamang niya narinig ang pangalang iyon.
Hindi naman nakapagtataka.
Hindi pa laganap ang pangalang Ingles sa maraming pamilyang Pilipino noong panahong iyon.
Ngunit hindi niya ito kinuwestiyon.
Sa halip ay tumango siya.
"Ako si María Soledad de los Santos y Sevilla."
Marahan siyang yumuko bilang paggalang.
Hindi dahil kinakailangan.
Kundi dahil iyon ang wastong asal.
Nagulat si Josephine.
Isang Señorita...
ang unang yumuko sa kanya.
Hindi iyon tanda ng pagpapakumbaba.
Kundi ng paggalang sa isang taong unang nagpakita ng kabutihan.
At sapat na iyon upang mas lalo niyang hangaan ang babaeng nasa kanyang harapan.
Muling nagsalita si Mang Isko.
"Señorita..."
"Ano po ang nais ninyong ipagawa sa panauhin?"
Sandaling nag-isip si Soledad.
Pagkatapos ay tumingin siya sa maliit na bahay sa kabilang bahagi ng bakuran.
"Ihanda ang silid sa casa de huespedes." Ito an hiwalay na bahay o gusaling inilaan para sa mga panauhin ng hacienda.
Tumango si Mang Isko.
Malinaw ang ginhawang dumaan sa kanyang mukha.
Hindi ipapasok ang estranghera sa mismong tahanan ng pamilya.
Iyon ang nararapat.
Ngunit bago pa makaalis ang katiwala—
Muling nagsalita si Soledad.
"At..."
Lumingon ito.
"Ipaghanda rin siya ng hapunan."
Nagulat si Josephine.
"Hindi na po kailangan—"
Bahagyang ngumiti si Soledad.
Sa unang pagkakataon, umabot ang ngiti sa kanyang mga singkit na mata.
Napakaliit lamang.
Ngunit sapat upang luminaw ang kanyang buong mukha.
"Hindi maaaring magpalipas ng gabi ang isang panauhing gutom."
Hindi na nakatanggi si Josephine.
Marahan siyang tumango.
"Maraming salamat po."
Tahimik na naglakad si Soledad patungo sa malaking bahay.
Bago siya tuluyang pumasok, bahagya siyang lumingon.
Muli silang nagkatama ng tingin.
At sa hindi malamang dahilan, pareho silang mabilis na umiwas ng tingin.
Sa loob ng bahay na bato, may isang pares ng matang tahimik na nakamasid mula sa ikalawang palapag.
Hindi iyon si Soledad.
Hindi rin si Mang Isko.
Kundi ang lalaking tatawagin ng buong sambahayan bilang—
Don Rafael de los Santos y Sevilla.
Ang ama ni Soledad.
.
.
Hindi agad nakatulog si Josephine. Ang casa de huespedes ay mas maayos kaysa sa inaasahan niya. Hindi ito kasing laki ng pangunahing bahay na bato, ngunit sapat ang lawak nito para sa isang panauhin.
May kahoy na kama na may puting kulambo.
May maliit na mesa sa tabi ng bintana, palangganang porselana at pitsel na puno ng malamig na tubig. Mayroon sinding lamparang de-langis na marahang sumasayaw ang apoy.
Walang kuryente.
Walang electric fan.
Walang ingay ng sasakyan.
Walang tunog ng cellphone.
Tanging huni ng mga kuliglig at mahinang pagaspas ng mga puno ang maririnig.
Napabuntong-hininga siya. Ngayon lamang niya tunay na naramdaman ang bigat ng sitwasyon. Hindi siya basta naligaw.
Wala na siya sa sarili niyang panahon.
Maingat niyang inilapag ang cellphone sa mesa.
Muli niya itong sinubukang buksan.
Patay pa rin.
Natawa siya nang mapait.
"Great."
"Isa ka na ngang time traveler. Wala ba akong matandang gabay dito, tulad ng sa palabas ni Barbie Forteza?
Napailing siya.
Pero sana nga at may gabay siya. Ngunit wala siya sa isang palabas na may kasiguraduhan kung ano ang wakas.
Tok. Tok. Tok.
May mahinang katok sa pinto.
Agad siyang napatayo.
"Tuloy po."
Marahang bumukas ang pinto.
Isang matandang babae ang pumasok.
Nakaputi itong baro at maitim na saya. Dala nito ang isang tray na may mainit na sabaw, kanin, tinapang isda, at isang hiwa ng mangga.
Inilapag nito ang pagkain sa mesa.
"Magandang gabi po."
Magalang na ngumiti si Josephine.
"Magandang gabi rin po."
"Ako si Aling Marta."
"Ako po si Josephine."
Tumango ang matanda.
Pinagmasdan siya nito mula ulo hanggang paa.
Hindi mapanghusga.
Bagkus ay tila nagtataka lamang.
"Hindi pangkaraniwan ang iyong kasuotan."
Napatingin si Josephine sa sarili.
Napangiti siya nang alangan.
"Opo..."
"Wala po kasi akong... ibang damit."
Hindi na nagtanong pa si Aling Marta.
Sa halip ay marahang nagsalita.
"Ipaghahanda ka namin bukas."
Nagulat si Josephine.
"Hindi na po kailangan—"
"Utos iyon ng Señorita." Sagot ni Aling Marta.
Natahimik siya at sumagi sa isip niya ang dalagang si Soledad.
“Batid kong wala na ako sa panahong ito bukas” Sa isip ni Josephine
Pagkaalis ni Aling Marta ay mabilis niyang naubos ang pagkain.
“Kung panaginip ito? Bakit ako nakakaramdam ng pakagutom?” Tanong ni Josephine.
.
.
.
Kinabukasan.
Nagising siya sa tila musika.
Hindi alarm clock.
Hindi ringtone.
Kundi mahinang tugtog ng piyano.
Nanlaki ang mga mata niya.
"Nandito parin ako?"
Dahan-dahan siyang lumapit sa bintana.
Mula sa kinaroroonan niya ay tanaw ang malaking bahay.
Bukas ang isa sa mga bintana sa ikalawang palapag.
At doon...
nakaupo si Soledad na tahimik na tumutugtog piyano.
Hindi siya eksperto sa musika.
Ngunit sapat ang naririnig niya upang malaman na magaling ito.
Marahan.
Malinis.
May lungkot sa bawat nota, parang may kuwentong hindi kayang sabihin ng mga salita.
Hindi niya namalayang ilang minuto na pala siyang nakikinig.
Hanggang sa tumigil ang tugtog at tila nakaramdam ng presensya si Soledad.
Marahan nitong ibinaling ang ulo sa direksyon ni Josephine.
Nagtama muli ang kanilang mga mata dahilan upang mabilis na napaatras si Josephine mula sa bintana.
"Hala!"
Napahawak siya sa noo.
"Mukha tuloy akong stalker."
Lumipas ang ilang sandali.
May muling kumatok sa pinto.
Pagbukas niya...
Naroon si Mang Isko.
Kasama ang isang dalagang halos kaedad lamang niya.
May dala itong maayos na nakatiklop na mga damit.
"Magandang umaga po."
Ngumiti ang dalaga.
"Ako po si Ines."
"Pinadala ako ni Señorita Soledad."
Inilapag niya ang mga damit sa kama.
Isa iyong payak na baro't saya hindi marangya ngunit yari sa malinis at pinong tela.
Kasama rin ang isang pañuelo at isang pares ng tsinelas na kahoy.
Napakurap si Josephine.
"...Para sa akin?"
Tumango si Ines.
"Ayaw daw po ng Señorita na maging usap-usapan kayo sa bayan. Hindi raw po nararapat na maglakad kayo nang ganyan ang pananamit"
“Protective naman pala ang Soledad na yan” sa isip-isip ni Josephine
Hindi niya napigilang mapangiti.
Kahit sa simpleng paraan...
Iniingatan siya ni Soledad.
“Uy-huwag kang mag kalat ng kabadingan sa panahong ito. Mga lola mo na yan sila”
Sabay bulong niya sa sarili at umayos ng tindig.
Ilang sandali pa ang lumipas bago pa man isukat ni Josephine ang damit ay dumating si Soledad.
Nakasuot ito ng isang mapusyaw na baro't saya, maayos ang pagkakapusod ng buhok, at tila ba sinag ng umaga ang sumalubong sa silid.
Saglit silang nagkatitigan bago ito humarap kay Ines at Mang Isko.
“Maraming salamat maari niyo muna kaming lisanin, batid kong makausap si Binibining Josephine” Mautoridad nitong saad na agad namang sinunod nila Ines at Mang Isko.
Napatingin si Soledad sa mga damit na nakalatag sa kama, saka sa naguguluhang mukha ni Josephine.
"Hindi mo pa nasusuot?" Takang tanong nito.
Napakamot si Josephine sa batok.
"Uh... hindi ko alam kung paano."
Napangisi si Soledad—konti lamang.
"Akala ko'y matapang kang babae sapagkat marahas mong iniligtas ang aking buhay kahapon"
"Matapang ako. Pero... hindi ako marunong magsuot ng isang daang layer ng damit."
Tuluyan nang ngumiti si Soledad.
Lumapit siya.
"Halika."
Maingat niyang kinuha ang camisa.
"Ako na ang tutulong."
Nag-alinlangan si Josephine.
"Sigurado ka?"
Tumango lamang si Soledad.
"Hindi maaaring hayaang lumabas ang aking panauhin na hindi maayos ang kasuotan." Saad nito na ikinatuwa naman ni Josephine.
Sa sandaling ito, hindi alam ni Josephine kung tatanggalin niya ang suot na shirt sa harap ni Soledad. Bigla siyang natigilan at apakamot siya sa batok.
Napansin ni Soledad ang kanyang pag-aalinlangan, kaya bahagya nitong ikiniling ang ulo.
"Ano pa ang iyong hinihintay, binibini? Tila ikaw ay naging batong inanyuan."
Hindi agad nakasagot si Josephine.
Napabuntong-hininga si Soledad bago bahagyang mapailing.
"Huwag mong sabihin..." maingat nitong sabi, "...na hindi mo rin alam kung paano magtanggal ng kasuotan?"
Mabilis na umiling si Josephine.
"Hindi! Marunong-ano lang—papanuorin mo ba akong magtanggal? Titig na titig ka kasi eh"
Napalunok si Soledad at namula ang pisngi. Lumapit siya at marahang kinuha ang kumot, iniabot niya ito sa dalaga para gawing pambalot sa katawan.
"Kung gayon, tumalikod ka titignan ko kung tama ang pagtanggal mo ng kasuotan Huminga nang malalim si Josephine.
"Ay sino ka jan? Judge ng The Voice pero ang twist ang contestant ang nakatalikod?" bulong niya sa isip.
Tahimik na tumalikod si Josephine at mabilis na nagpalit ng pang-itaas habang si Soledad ay magalang na umiwas panandali ng tingin.
Nang tuluyang tumalikod si Josephine ay doon lang ito tumutok ng tingin na tila binibilang ang tinatanggal nitong mga damit.
Mga damit na di pangkaraniwan sa kanya at sa panahon nila.
Ilang saglit pa, nagsalita muli si Soledad.
"Handa ka na ba?"
"Oo...Korina este Soledad" mahinang tugon ni Josephine. Binalot niya ang sarili ng kumot habang hindi pa nasusuot ang camisa bilang damit pang ilalim.
Pagharap ni Josephine kay Soledad, marahan kinuha ng huli ang camisa at iniabot kay Josephine. Tila naiilang parin ang binibining nagmula sa modernong panahon sapagkat siya ay nagbibihis sa harap ng isang babae. Marahil sa panahon niya ito'y normal, ngunit iba ang sitwasyon ngayon.
"Maaari kang magsabi kung ikaw ay nangangamba kung wasto ang pagsuot mo ng panloob upang matulungan kita" Saad pa nito habang tinitignan si Josephine na balot ng kumot at nahihirapan suotin ang unang tela.
"Ayos lang, mag sasabi nalang ako kung kailangan ko ng magtatanggal-- ng kumot mabigat kasi" Wika ni Josephine habang nahihirapang isuot ang camisa.
Matapos noon ay naiiilang siyang humarap kay Soledad.
Bahagya itong natulala sa kanya dahil mga panloob lamang na damit ang suot ni Josephine.
Wala itong malisya kay Soledad dahil minsan din silang nag bibihis bihisan ni Ines. Hindi niya lang mawari kung bakit siya nakakaramdam ng…KABA.
Ilang sandali pa lumapit siya kay Josephine at kinuha ang saya.
"Ganito," mahina nitong wika. "Unahin ang saya, isunod ang pang ibabaw... saka natin aayusin ang pañuelo."
Maingat niyang inayos ang bawat tupi ng tela, sinigurong pantay ang laylayan bago isinunod ang pañuelo sa ibabaw ng mga balikat ni Josephine.
Paminsan-minsan ay nagtatagpo ang kanilang mga kamay. May mga pagkakataong bahagyang nagkakadampi ang kanilang balat habang inaayos ni Soledad ang tiklop ng tela at ang pagkakapin ng pañuelo.
Dahilan para mapasabi si Josephine ng…
”Mahabaging Diyos”
Para kay Soledad, isa lamang itong payak na pagtulong sa isang panauhin.
Ngunit para kay Josephine, isa iyong tahimik na pagsubok.
Hindi siya nagsasalita.
Hindi dahil nahihiya siyang magpatulong.
Kundi dahil bawat hakbang na inilalapit ni Soledad ay lalo lamang nagpapabilis ng tibok ng kanyang dibdib.
Naamoy niya ang banayad na halimuyak ng sampaguita at rosas na tila kumapit sa kasuotan ng dalaga.
Nang marahang ayusin ni Soledad ang pañuelo sa kanyang balikat, halos mapapikit siya sa lapit ng kanilang mga mukha.
"Lord..." tahimik niyang dasal sa isip.
"Ito na ba ang historical accuracy na ikamamatay ko?”
Sa kabila ng kanyang pangamba kung paano makakabalik sa makabagong panahon, ay tila may ibang nag aamba sa kasalukuyan.
Itutuloy…..
