Post Header
Ang Slash Advent Calendar, na isang multifandom na sisidlan para sa hangang-katha at fanart, ay iniaangkat na sa Archive of Our Own – AO3 (Ating Sariling Sisidlan – AO3).
Sa paskil na ito:
- Kaunting paliwanag
- Anong ibig sabihin nito sa mga manlilikha na may (mga) katha sa Slash Advent Calendar
- At kung ano ang gagawin kung mayroon ka pang mga katanungan
Paliwanag
Ang Slash Advent Calendar ay isang multifandom slash challenge na nangyayari tuwing Disyembre mula 2002 hanggang 2005. Itinatag ito ni kira-nerys ng Lady Kardasi Productions, at nakapaloob dito ang mga katha mula sa mga fandom tulad ng Star Trek, Harry Potter, The Sentinel, at Buffy the Vampire Slayer. Sa kasamaang-palad, noong 2010, nawala ang domain name na nagtataglay ng Slash Advent Calendar, at kasama nito’y nawala rin ang maraming kasaysayan ng fandom. Bagaman marami sa mga katha ang mababasa pa rin gamit ang Wayback Machine, ang iba’y hindi na nasagip - kasama ang karamihan sa mga likhang-sining at mga kathang inilathala noong 2005. Ang mga manlilikhang may kopya pa ng kanilang mga gawa ay hinihimok na makipag-ugnayan sa Open Doors!
Noong 2006, sa pagkakaroon ng bagong tagapamahala, naging pokus ng Slash Advent Calendar ang Star Trek. Isang serye ng mga Kirk/Spock Advent Calendar ang tumakbo mula 2006 hanggang 2017, at muling inilunsad noong 2022.
Bilang nangungunang tagapagtaguyod ng isang pangmatagalang institusyon ng fandom, nararapat na pangalagaan ang Slash Advent Calendar. (Malugod na tutulong ang Open Doors sa pagpapanatili sa mga mas lumang Advent Calendar ng Kirk/Spock, kung nanaisin ng mga tagapamahala.)
Ang layunin ng Online Archive Rescue Project (Proyekto ng Pagliligtas sa Online na Sisidlan) ng Komite ng Open Doors ay tulungan ang mga tagapamahala ng mga sisidlan na maisama ang mga hangang-katha mula sa mga sisidlang iyon patungo sa AO3. Nakikipagtulungan ang Open Doors sa mga tagapamahala para maiangkat ang kanilang mga sisidlan kapag kulang sila sa pondo, oras o ibang kakayanan upang ipagpatuloy ang kanilang mga sisidlan nang mag-isa. Napakahalaga sa Open Doors na makipagtulungan kami sa mga tagapamahala na gustong maiangkat ang kanilang mga sisidlan at nang mabigyan namin ng tamang karangalan ang mga manlilikha, na siyang magbibigay sa kanila ng kontrol sa kanilang mga hangang-katha hangga’t maaari. Kasama sina kira-nerys at Sahviere, iaangkat ng Open Doors ang mga taong 2002 to 2005 ng Slash Advent Calendar sa hiwa-hiwalay at madaling mahanap na mga koleksyon sa AO3. Bilang bahagi ng pagpapanatili ng kabuuang sisidlan, ang lahat ng fanart na nasa Slash Advent Calendar ay mamamalagi sa mga server ng OTW (Organisasyon para sa Nagbabagong Katha), at i-e-embed sa sarili nilang pahina ng katha sa AO3.
Sisimulan naming iangkat ang mga katha mula sa Slash Advent Calendar patungong AO3 pagkatapos ng Enero. Gayunpaman, maaaring hindi mangyari ang pag-aangkat sa loob ng ilang buwan o kahit na taon, depende sa laki at kung gaano kakumplikado ang sisidlan. Malugod na inaanyayahan ang mga manlilikha na iangkat ang sarili nilang mga katha at idagdag ang mga ito pansamantala sa koleksyon.
Ano ang ibig sabihin nito sa mga manlilikha na may mga katha sa Slash Advent Calendar?
Magpapadala kami ng abiso tungkol sa pag-aangkat sa email address ng bawat manlilikha na mayroon kami. Gagawin namin ang aming makakaya para siyasatin kung mayroon nang kopya ang katha bago namin gawin ang pag-aangkat. Kung may mahanap kaming kopya sa AO3, idadagdag naming ito sa koleksyon imbes na iangkat ito. Lahat ng kathang naiangkat sa ngalan ng manlilikha ay magtataglay ng kanilang pangalan sa byline o sa lagom ng katha.
Lahat ng naiangkat na katha ay makikita lamang ng mga nakalagdang tagagamit ng AO3. Kapag naangkin mo na ang iyong mga katha, maaari mo itong isapubliko kung iyon ang iyong nais. Pagkatapos ng 30 araw, lahat ng mga hindi inangking mga iniangkat na katha ay maaari nang mabasa ng lahat ng bisita. Pagkatapos ay isasara na namin nang permanente ang site.
Kung maaari, sana’y makipag-ugnayan sa Open Doors kalakip ang iyong (mga) sagisag-panulat at (mga) email address sa Slash Advent Calendar, kung:
- Nais mong iangkat namin ang iyong mga katha, pero sa ibang email address mo nais matanggap ang abiso.
- Mayroon ka nang account sa AO3 at naiangkat mo na ang iyong mga katha.
- Nais mong ikaw ang mag-angkat ng iyong mga sariling katha (kasama na dito kung wala ka pang account sa AO3).
- AYAW mong ilipat ang iyong mga katha sa AO3, o AYAW mong maidagdag ang iyong mga katha sa koleksyon ng sisidlan.
- Masaya kang pinanatili namin ang iyong mga katha sa AO3, pero nais mong tanggalin namin ang iyong pangalan.
- May iba ka pang katanungan kung saan maaari pa kaming makatulong.
Mangyaring isama ang pangalan ng sisidlan sa paksa ng iyong email. Kung wala ka nang access sa email account na nakaugnay sa iyong account sa Slash Advent Calendar, mangyaring makipag-ugnayan sa Open Doors at tutulungan ka namin. (Kung naipaskil mo na ang iyong mga katha sa ibang lugar, o may mas madaling paraan para mapatunayan na iyo ang mga ito, ito’y mas mainam; kung hindi, makikipag-ugnayan kami sa mga tagapamahala ng Slash Advent Calendar upang kumpirmahin ang iyong pag-angkin.)
Mangyaring bisitahin ang Website ng Open Doors para sa mga tagubilin sa:
- pag-aangkat ng iyong mga katha sa AO3
- pagdadagdag ng katha sa bagong koleksyon na Slash Advent Calendar
Kung mayroon ka pang katanungan...
Kung mayroon ka pang ibang katanungan, bumisita sa FAQ ng Open Doors, o makipag-ugnayan sa komite ng Open Doors.
Masisiyahan din kami kung matutulungan kami ng mga tagahanga sa pagpapanatili ng kasaysayan ng Slash Advent Calendar sa Fanlore. Kung bago ka lang sa pagsusulat sa wiki, huwag mag-alala! Bisitahin ang portal para sa mga bagong bisita, o magtanong sa mga Hardinero ng Fanlore para makakuha ng mga payo.
Nasasabik kaming makatulong sa pagpapanatili ng Slash Advent Calendar!
- Pangkat ng Open Doors, kira-nerys at Sahviere
Hindi na maaaring mag-komento sa paskil na ito sa loob ng 14 na araw. Kung mayroon kang anumang mga katanungan, alalahanin, o komento tungkol sa paksang ito pagkatapos ng petsang iyon, mangyaring makipag-ugnayan sa Open Doors.
Isang organisasyong di-pangkalakal ang OTW (Organisasyon para sa Nagbabagong Katha) na sumasaklaw sa ilang mga proyekto, tulad ng AO3, Fanlore, Open Doors, TWC, at Ligal na Pagtataguyod ng OTW. Pinapatakbo ang buong organisasyon ng mga boluntaryo at dumepende lamang sa mga donasyon. Maaari niyong alamin ang higit pa tungkol sa amin sa pagbisita sa website ng OTW. Para sa karagdagang impormasyon tungkol sa aming mga boluntaryong tagasalin, na siyang nagsalin ng paskil na ito, maaaring tumungo sa pahina ng Komite ng Pagsasalin.
