Work Text:
Simulan natin sa isang pagtatat’wa:
Hindi ito pagpapahayag ng pag-ibig. Kun’di,
Ito’y pasasalamat. Sa bawat sandaling iyong
inangkin bilang atin. Kaibigan. (Mahal.)
Sa bawat gabi ng pagpupuyat: walang tulog,
pagsisikap at paghahabol sa pangarap na dala
ang pagsikat ng araw. Sa bawat umaga ng pag-asa,
matutuyo rin ang ating mga mata. ‘Di bali na ang luha’t
‘Di bali na ang lilang pumapaligid dito.
Alam kong kakayanin natin ‘to.
‘Di man tayo magkapareho ng pinanggalingan, alam kong
iisa ang ating pinatutunguhan.
Marami pa akong matututuhan, paglalakbay sa tabi mo.
Kaya bawat hakbang, pakiusap lang, sabayan—
Hintayin mo ako.
Bakit mo kakailanganing magsarili, at ako’y narito lamang?
Taingang handa kang pakinggan, balikat para sandalan.
Hindi sa ‘di mo kayang tumayo nang mag-isa.
Alam ko, kaya mong mabuhay nang walang tulong kun’di mula
sa kalansay ng mga butong, sa iyo ay bumubuo.
Pero ito, ako.
Pahingi namang papel sa buhay mo.
Binatang halos ‘di makapagtapos, sa pera’y gipit
at sa pagmamahal, kapos. Pahingi namang
papel. Alam kong pinaghirapan mo ito.
Na gawing sa’yo ang buhay mo.
Sino nga ba ako para maging bahagi ng ‘yong kwento?
Ipagpaumanhin sandali, balikan natin ang buhay ng isang nakababatang ikaw.
Nais kong magpakilala: “Alam ko kung ano ang kaya mong gawin.
Nakita ko na, mga landas na iyong narating. Aabangan kita rito,
Hayaan lamang ang pagbukas ng iyong puso.”
Alam kong minahal mo siya, na ika’y umibig ng
iba— Ako rin.
Panahong ating mga buhay, magkahiwalay, ‘di bastang ibabaliwala:
Alam ko ano’ng ibig sabihin para magmahal,
para mawalan at masaktan.
‘Di ko matatanggal ang pait ng nakaraan,
Mapapakita ko lamang, tamis ng kinabukasan.
Alam kong minahal mo siya.
Alam kong puso tulad ng iyo, kayang magmahal pa.
Pusong nakakulong sa ‘yong tadyang, kumakabog
sa ‘yong dibdib. Kaibigan, mayroong hihigit pa
sa dilim. Mayroong mga bituing kumikinang sa kalangitan.
Binatang kinuhanan ng mundong walang humpay;
Na minsa’y madaling araw na’t maririnig ang paanas ng
‘Nay. Kapatid . ‘Di panaginip: ito ang buhay na natatanging iyo.
At ito, ako.
Binigyang papel sa mundo mo.
Huwag mo sanang pilasin.
Papel. Iisa lang naman ang alam kong gawin:
Tumugma’t magsulat, kaya ito.
Para sa’yo. ‘Sang tulang pinaglaanan
ng sobra-sobrang panahon, dumaan sa ‘sang libong
pagkakataong pagmumura’t pagbubura, ‘sang daang
bersyong walang sinabi kun’di mahal kita,
mahal kita, mahal kita, diyan ka lang, mahal kita .
Hindi ako gawa sa ginto, walang ibang pamilya maliban
isang tiyong mapag-aruga, buhay nakaalay sa simbahan.
Mabibigay ko lamang sa’yo, ang dalawampu’t walong letra ng alpabeto.
Ang bawat titik na aking ipinagdidikit
upang sa’yo ay maipakita na aking sinta’y tunay
at aking pag-iirog, tapat.
Subalit, isang paalala bago magwakas:
Hindi ito pagpapahayag ng pag-ibig. Kun’di,
Ito’y pasasalamat. Sa bawat sandaling iyong
inangkin bilang atin. Kaibigan. (Mahal.)
Sa bawat yapos, pagyakap sa dilim: mula taklipsilim hanggang
pagdating ng liwayway, gising at pinanonood
ang langit mag-ibang kulay. Sa bawat halik,
bawat halakhak mula sa’yong bibig, salamat at ako’y masaya.
Salamat at hinayaan mo ang 'yong sarili makaramdam ng ligaya.
Mahal, ang iyong mga buto ay matibay,
at iyong puso, matatag.
