Actions

Work Header

Kuwentong Purorot

Summary:

Bakit nga ba laging nagbibiruan sina Levi at Hange tungkol sa pagtatae? Tuklasan ang kanilang kagila-gilalas na eksplosibong, eksklusibong ekspose.

Notes:

Ang akdang ito ay para sa Levihan Filo Week Day 1 Prompt, Kabataan. (Wala na akong dignidad noong isinulat ko ito. Pagpasensiyahan niyo na lang.)

(See the end of the work for more notes.)

Work Text:

Grade 3 sila ni Hange nang matae si Levi Ackerman sa kaniyang pantalon. 

 

Kumakain ang dalawang magkaibigan ng binatog at sapin-sapin sa ilalim ng puno ng akasya habang umiinom ng libreng Bear Brand ("Tibay Araw-Araw!" ang sabi ng komersyal sa TV) nang may naramdamang kakaiba si Levi. 

 

Biglang uminit ang kaniyang puwet. "Hange, shet—"

 

"Huy, ano ka ba,” ang sabi ni Hange sabay pitik sa tainga ng kaibigan. “Bawal magmura."

 

Pinigilan muna ito ni Levi sa una at napakagat-labi. Baka kabag lang ito na dala ng init ng araw. O kaya nerbyos sa susunod nilang klase kay Titser Keith. Ngunit hindi pala. Tawag pala iyon ng kalikasan. Mayroon na namang tumunog na parang garalgal sa kaniyang kalamnan. Napangiwi muli si Levi at napahagod sa tiyan. "Hange…”

 

“Ano?”

 

“Sumasakit talaga tiyan ko." 

 

Napatayo kaagad si Hange. Alam niya na kung anong nangyayari. Pinagpag niya ang kaniyang mga kamay sa PE shorts at tinulungang tumayo ang natataeng kaibigan. “Bilisan mo, takbo na.”

 

Hindi na nag-aksaya ng oras si Levi. Para siyang pinaghalong pagong at dugong habang umiika-ika papunta sa pinakamalapit na banyo sabay hawak sa pantalon. Kinatatakutan ni Levi na baka hindi siya umabot, na baka lumabas ang kalat habang naglalakad pa siya. Ano na lamang ang sasabihin ng mga makakakita sa kaniya kung ganoon? Kaya’t grabe ang kaniyang pagdarasal sa lahat ng mga santo’t santa na hintayin muna hanggang makarating siya sa kaniyang hantungan. Eh kaso—

 

"O, Levi, ba’t ganiyan ka maglakad?" ang bati sa kaniya ng isa pang kaibigan na si Mike. 

 

"Ha? Ano, bagong tuli.” 

 

“Ikaw? Tinuli?”

 

"Oo, bakit? May angal ka?"

 

‘Yun ang unang bagay na pumasok sa kaniyang isipan, kahit hindi pa naman talaga siya tuli. Gusto niya sanang bawiin dahil hindi naman talaga siya sinungaling kaso hindi niya rin alam kung paano sasabihin sa kaibigan ang katotohanan.

 

Umasim ang mukha ni Mike sa amoy na umaalingasaw sa pagitan nilang dalawa at tiningnan si Levi mula ulo hanggang paa. Sumimangot ang higante at sasagot na muli, ngunit—

 

“Oo, Mike, sa wakas 'di na siya supot,” ang depensa ni Hange sabay tulak kay Levi upang dumiretso na sa banyo dahil pinagpapawisan na siya. 

 

Nakalimutan ni Levi na may matalas na pang-amoy ang matangkad niyang kaibigan. Buti na lang bansot siya; baka siguro malayo sa ilong ni Mike ang ebidensiyang kumakalat sa kaniyang puwetan. Sana ‘yung putok nalang ni Hange ‘yung naamoy ni Mike; mas okay na ‘yun sa tingin niya. Kaya patuloy lang ang kaniyang takbo hanggang sa umabot na siya sa wakas sa banyo. 

 

Para bang may pumutok, sumabog, at namatay sa inidoro. Buti na lang nakabantay si Hange sa labas, nagmamatiyag kung may paparating na kaklase o titser. Sunod-sunod ang purorot at ratatat na pag-utot ng puwet ni Levi habang siya’y nakayuko sa kahihiyan ng kaniyang kinahinatnan. Naranasan niya na ang tagumpay nang marinig niya ang kahuli-hulihan at ang pinakamalakas na Plok! na siyang nagpaginhawa sa kaniyang pakiramdam.

 

Ang akala niya’y nakaluwag-luwag na siya dahil feeling wet, wild, and free na ang puwetan niya ngunit hindi pa pala roon natapos ang pinsala. Pagkatapos niyang maghugas at mag-flush, napansin niyang ayaw lumubog ng kaniyang tae. May bumubulwak doon sa poso negro na sobrang itim at tumutulo papunta sa sahig na parang nalusaw na tsokolateng kakao. Bukod pa roon, may bakas ng ebidensya sa kaniyang pantalon. Hindi maalis ang mantsa kahit naka-ilang kiskis at pahid na siya ng sabon. Kaya tinawag niya muli ang kaibigan at humingi ng pabor. 

 

“Sigurado ka ba?”

 

"Sige na, Hange," nagmakaawa siya sa kaibigan. "Ikaw rin naman, pinagpaalam kita kay Titser Erwin noong kailangan mong mag-number 2 habang exam natin sa Math."

 

‘Oo nga naman,’ ang isip ni Hange. Kaya pumayag siya sa isang kondisyon. “O basta, ilibre mo ako ng iskrambol pagkatapos nito, ah?”

 

“Tse, sige na nga.”

 

Hindi na nag-atubili si Hange. Madaling-madali siyang tumakbo lagpas sa maliit na swimming pool papunta sa bihisan at kumuha ng ekstrang pantalon na sana’y magkasya sa kaniyang kaibigan. Para siyang ninja kung mag-drop, cover, and roll upang walang makakita sa kanya. Sa kalayuan, naririnig niyang kumakanta ng jingle ‘yung Bear Brand mascot habang nag-aabot ng libreng gatas sa mga estudyante. Nagtago uli si Hange nang makarinig ng tao sa shower room bago siya tuluyang umalis at bumalik kay Levi. Wala na siyang pake kung sino man ang mawawalan ng pang-ibaba kapag nagbibihis na ang kanilang mga kamag-aral pagkatapos ng kanilang klase sa PE.

 

Iniabot niya ito kay Levi na siyang isinuot agad-agad at tinapon sa basurahan ang pantalong nabahiran ng tae. Mahaba ‘yung nakaw na pantalon kaya’t itinupi na lamang niya ito sa laylayan at hinigpitan ang sinturon upang magkasya. Kumuha rin si Hange ng sandamakmak na tisyu at tinakpan nila ni Levi ang bumubulwak na poso negro, inaasahan na kaya itong linisin ng kanilang diyanitor. Naghugas uli sila ng kamay upang matanggal ang dumi.

 

Pagkatapos noon, nagpahinga na sila habang naghihintay sa susunod na klase. Payapa na ang lahat. Maya-maya pa’y may narinig silang humahagulgol na kaklase dahil nawalan daw siya ng pantalon. Si Zeke iyon, suot lamang ang kaniyang swimming trunks at basang-basa pa galing sa pool. Natuklasan din ng diyanitor ang baradong inidoro at inatake sa puso sa laki ng ebak na natagpuan. Hinimatay ang kawawang matanda. Isinugod si Manong Pixis sa klinik dahil doon.

 

Mayroong hinala si Zeke na may kinalaman dito si Levi dahil matagal na nilang pinag-iinitan ang isa’t isa. Ngunit dumating si Mike sa depensa ni Levi at sinabing bagong tuli ang kaibigan at iika-ika pa rin kung kaya’t hindi niya kayang gawin ang paratang ni Zeke sa kaniya. 

 

Nakaupo pa rin sila sa ilalim ng puno ng akasya, pinakikinggan ang lahat, kasama na ang mga reklamo ni Zeke at ang patuloy na pagsigaw ni Mike na “Tuli nga, sabi eh.” Namimigay uli ng libreng gatas sa mga mag-aaral ‘yung malaking mascot para sa Nutrition Program nila. 

 

"Huy... ano na?" ang tanong ni Hange sa matalik na kaibigan. 

 

Hinawakan ni Levi ang kamay ni Hange. Amoy sabon sila pareho. Hindi niya alam kung ano ang gagawin niya kung wala si Hange bilang kasabuwat niya sa karumal-dumal na pangyayaring ito. Pero ang alam lang niya ay mula noon, magkakantsawan sila tungkol dito.

 

Nagbuntong-hininga si Levi. "Simula ngayon, hinding-hindi na ulit ako iinom ng Bear Brand."

 

 

 

Notes:

hindi naman ako tumangkad sa Bear Brand eh tse

(check out some of my personal writing on ko-fi @djmarinizela)

Series this work belongs to: