Actions

Work Header

Rating:
Archive Warning:
Category:
Fandom:
Relationship:
Characters:
Additional Tags:
Language:
Filipino
Stats:
Published:
2025-08-15
Updated:
2025-12-06
Words:
7,027
Chapters:
3/5
Comments:
4
Kudos:
14
Bookmarks:
7
Hits:
216

atin ang mundo (walang ibang tulad mo)

Summary:

Matching bracelets, pansit bihon na pinaresan ng mamantikang dinuguan, putong puti na namumutok sa keso at itlog na maalat, Good Morning towel, seven years.

O, ang mala-Carson at Dio, Patchot at Ivan, at Bujoy at Ned love story nina Makoy at Dods.

Chapter 1: paano sasabihin sa ‘yo na gusto, gustong-gusto kita?

Summary:

Okay lang kahit hindi mo ako pansinin. Kaya ko namang damhin lahat ng sakit, basta ikaw.

Notes:

hehe, i’m back with another #mahae fic! actually, matagal na talaga ito sa drafts ko, kaso na-busy kaya laging napupurnada. alternate povs ito at best friends to lovers. 😁 kumbaga, droga ko na ‘yung friends to lovers, eh.

(See the end of the chapter for more notes.)

Chapter Text

May mga bagay na hirap si Donghyuck maunawaan. Halimbawa, ‘yung paglalagay ng tina sa beke kahit na wala namang mga pag-aaral na pwedeng magpatunay sa effectivity nito. O kaya, kung paanong nawala ‘yung magic ng paborito niyang lumpia chichirya. Dati, aliw na aliw siyang ngumuya nun kahit pa makunat na ang nabili niya kasi tutok na tutok ang sinag ng araw sa mga paninda ni Aling Nena. O kung bakit mas mataas ang survival rate ng kulay dilaw na sisiw kaysa sa kulay pink, eh pareho lang naman silang binunot sa perya. Pareho din ng feeds. 

 

“Hyuck!”

 

At ngayon, isama mo na rin kung paanong awtomatikong uminit ang magkabilang pisngi niya kahit pa sa simpleng pagtawag lamang ng bespren niyang si Mark. So weird. Hindi niya ma-gets.

 

“Uy! Naparito ka?” 

 

Pasimple niyang sinuri ang kabuuan ng binata. Naka-tokong ito, kulay pula. Parang ‘di bagay sa asul niyang pang-itaas, pero dahil siya si Mark, hindi baduy tingnan. Suot din nito ang paboritong Crocs. In fairness, kahit pawisan, amoy Heaven Scent pa rin ang kaharap niya. Samantalang siya, palibhasa anak araw daw eka, eh hindi ganiyan kabango kapag nabilad na sa arawan.

 

Kumurap lang si Donghyuck, naramdaman niya nang nakaangkla ang braso ng bespren sa kaniyang balikat. Napakatulin talaga nito, ‘kala mo may superpowers kung mag-teleport. “Eh, na-miss kasi kita. Bakit, naistorbo ba kita sa ginagawa mo? Busy ka ba? Bawal na bang bisitahin ang best friend ko sa bahay nila?” sunod-sunod nitong usal, nagdadrama.

 

Napailing na lamang ang binata. “Ang OA mo,” ngunit hinayaan niya lamang itong umakbay at inakay pa nga papasok sa sala. 

 

At dahil matalik nga silang magkaibigan, parang autopilot na kung kumilos si Mark pagpasok na pagpasok nila. Naupo ito sa kanang bahagi ng sofa, kasi alam niyang gusto ni Hyuck na bumaluktot sa kaliwang banda nito. Ewan, trip niya lang. Lagi na raw kasi siyang right, subukan niya namang pumaroon sa left. (“Joke ba ‘yun? Tatawa ba ako?” ayan lang ang reaksyon ni Mark noong sinabi niya ‘yan. Muntik na silang mag-FO dahil dun.)

 

“Samahan mo ‘kong pumunta sa bayan,” ani Mark nang ilapag ni Donghyuck ang lumang tasa na merch pa ng unibersidad nila, sa coffee table. Ang ganda pa ng lalagyan, tubig lang naman na maligamgam ang laman.

 

Rumolyo paitaas ang mga mata ng binata. “Kupo! Ako na naman inabala mo. Talagang dumayo ka pa sa ‘min para lang gawin akong kaladkarin diyan sa paggagala mo. Ano bang gagawin mo sa bayan?” 

 

Gumanti ng irap si Mark. “Ta’s ako pa raw ang OA,” bulong niya. “Magmimisa siguro ako, ‘no?” pilosopo nitong banat. “Edi may bibilhin!”

 

“Eh malay ko ba! ‘Di mo naman sinabi!”

 

Ang ending, nagbardagulan pa sila nang sampung minuto bago mamataan ni Hyuck ang relong nakasabit sa ulunan nila, at makitang mag-a-alas singko na ng hapon. Itinulak siya papalayo ni Mark sabay sabing, “Kupad mo! Magbihis ka na nga at nabulok na kami ng motor ko kahihintay sa ‘yo. Gusto pa yata’y abutan tayo ng bagong taon.”

 


 

Napangiwi si Donghyuck habang pinupunasan ang tumalsik na putik sa bukong-bukong niya. “Magpunas ka nga rin, Koy! Ang dungis na nating dalawa,” binato niya ng wipes ang kaibigan. Mabuti na lamang at nasalo naman nito.

 

Timing naman kamo na naisilid pala ni Hyuck ang isang pakete ng wet wipes sa tote bag niya. At mainam din na ‘di siya makaalis-alis nang hindi iyon dala-dala. Wala man sa itsura (haggard kasi ngayon), pero maalaga sa katawan ang binata. Kaya ayan, ‘di sila matutuyuan ng dumi sa binti.

 

“Maburak nga pala rito,” anito sa kaniya habang nagpupunas na rin ng paa. “Mas malapit kasi ‘pag dito dumaan. Hayaan mo, dun tayo sa kabila iikot kapag pauwi na. Sorry, ah? Nasayang tuloy pag-lo-lotion mo kanina.”

 

Naramdaman ni Hyuck ang mabilis na pagdaloy ng nginig sa kalamnan niya. What the fuck? Isinantabi niya ito at tumango na lamang sa kaibigan. “Geh. Eh saan na ba tayo nito?”

 

Humaba ang nguso ni Mark at iginiya ito sa hilera ng mga stall sa bukana ng palengke. “Kina Nana Fely, bibili ng puto.” 

 

“Taray! May budget?”

 

Ngumisi ito sa kaniya. “Paldo ‘to, pre.” 

 

Hinayaan ni Hyuck na maunang maglakad ang bespren sa harapan niya. Kusang naglakbay ang kaniyang isip sa kakaibang reaksyon ng sistema niya kanina habang kinakausap siya nito: uminit ang tiyan, pero nanlamig naman ang talampakan, at daig pa ang nakipagkarera kung tumambol ang dibdib niya. Ano ba ‘yun? Lalagnatin ba siya? Nabati ba siya nung aleng nakatitigan niya kanina? Pero kung ‘yung dalawang nauna ang dahilan, eh bakit parang pumopogi na yata sa paningin niya si Makoy? Sintomas na ba iyon ng sakit? O baka naman senyales? Pero senyales ng ano? Pagtanda? Maturity, ganun? O rito na papasok si Tita Jolens at mag-a-ala Bujoy na siya sabay hirit ng monologo na, “I’m so stupid to fall in love with my best friend!” 

 

Ha? Erase, erase! 

 

“Pili ka na, Hyuck. Basta sa ‘kin, itong puto. Baka may gusto ka pang idagdag,” kabig ngayon ni Mark ang dalawang styro ng putong puti na paborito nilang dalawa. 

 

“Itong sapin-sapin, pasalubong natin kina mama at tita. Biko kaya? Nakain ba ang kuya mo ng ganun? Idamay na rin natin.”

 

Sunod-sunod ang pag-iling ni Makoy sa kaniya. “Huwag na ‘yan siya! Pangit naman ‘yun. Kaya na niyang bumili ng sarili niyang pagkain. Na,” tawag nito sa tindera, “pakibalot na po nitong puto, tapos ito pong sapin-sapin. Salamat po!”

 

Napakunot ng noo si Donghyuck. Over naman sa fight? Nasaan na ang blood is thicker than water? Kumbaga, tinalo ang Daniela at Cassie Mondragon rivalry kung makakontra ang bespren niya sa thought na ibibili nila ng pasalubong ang kuya ni Mark. Nyosesib much?

 

“Ang sama talaga ng ugali nito,” biro niya. “Porke’t inagawan ka ng plastik na figurine ni Spiderman noon, ginaganyan mo na si Kuya Migs.” 

 

Sinimangutan lamang siya ng kaibigan. “May pambili naman ‘yun,” nag-abot siya ng dalawang daan sa matanda bago kuhanin ang supot ng kakanin. “Huwag mo na nga siyang isipin!” 

 

Super weird.

 


 

Mark Lee

tol, may nag-message sa ‘kin

eka, ano raw ig ko

sabi ko, sunny side up, ‘yung tustado ang sulok tapos malasado sa gitna

 

Donghyuck Lee

nag-aaral ka ba talaga?

 

Ibinato ni Hyuck ang selpon niya sa higaan. Badtrip. Kailangan pa bang sabihin sa kaniya ‘yun? Ano bang pake niya kung may gustong dumagdag sa follower count ni Makoy? Edi wow! Budburan mo ng asin para cool. Teka, bakit ba iritang-irita siya? Eh, nakaka-G-R-R-R naman talaga, mader! Pero wala ‘yun sa inclusions ng 7-year-best-friends package. O nabago na?

 

Naalala ni Donghyuck ang naging usapan nila ng isa niya pang kaibigan noon sa inuman.

 

“Jun, hindi ko nga siya gusto.”

 

Tinitigan siya ng best friend niya (bukod kay Mark), si Renjun, na para bang sinasabi, “Are we deadass?” No, my ass is fine, thank you! Pero siyempre hindi niya isinambulat ‘yon.

 

“At marami na rin akong pelikulang napanood na ang plot ay umiikot sa mga katulad mo. Hyuck, President’s Lister ka, kaya imposibleng ‘di mo gets kung anong ibig sabihin ng weird fuzzy feelings kineme mo riyan,” anito, sabay papak ng sisig na dapat ay pulutan nila (pero hindi naman sila umiinom). “Hindi ka walang alam, ayaw mo lang talagang alamin. Now, figure out kung bakit.”

 

Bumuntonghininga si Donghyuck. Tama na naman ang kaibigan niya. Sa totoo lang, madali naman kasing basahin ang binata. Pwera na lang sa sarili niya. Paano, may pagka-in denial. “Wala naman kasing sense. Gusto ko si Mark? Eh, asar na asar nga ako ro’n!” 

 

“Hindi ka naman asar dahil ayaw mo sa kaniya. Kaibigan mo nga, eh. Asar ka lang kasi alam mong hindi na lang basta best friend ang tingin mo sa kaniya, at ‘di ka kumportable sa katotohanang ‘yun.” 

 

Iniumpog niya ang ulo sa aparador. Masyado siyang madaling mapaso ngayon. Kapag tinatanong tungkol sa mga bagay na walang kwenta, mga bagay na mayroon nang sagot, higit na lalo sa mga bagay na tungkol kay Mark. Kasi kay Hyuck, ang tugon niya sa mga ‘to ay alinman sa dalawa: iiwas o kakagat. Eh, madalas sa hindi, puro kagat ang ginagawa niya. Kagat sa pain, inilalaglag ang sarili. Sobrang halata. 

 

Lumiwanag ang screen ng teleponong inabandona niya sa kobre kama. Inirapan niya ito. Hindi. Hindi na siya mauuto ni Makoy na sumagot. Alas diyes na. Ganitong oras pa naman may naglilibot na demonyo para bumulong na, “bumigay ka.” Ang tanong, may ibibigay pa ba siya? Lah, hindi ka gaganiyan!

 

Makapaghihintay naman siguro si Mark sa reply niya, kesehodang kinabukasan pa siya makasagot. Subukan niyang magreklamo! Siya nga, tinangayan ng maraming bagay ng best friend niya, pero wala siyang sinabi. ‘Yung paborito niyang Good Morning towel na sinulatan pa ni Hyuck ng pangalan sa gilid gamit ang Pilot pentel pen para hindi mabura, ‘yung picture nila sa photobooth noong senior high school sila, pati na rin ang puso niya. Lahat ng iyon, inangkin na ni Makoy, pero hinayaan niya. Ano ba ang kaunting kasakiman kumpara sa maraming pagpapaubaya? Minsan lang naman niya pagbigyan ang sarili. Ang hirap kasi magpanggap na parang walang nag-iba sa nararamdaman niya. 

 

Mark Lee

hey, sama mo

ay

punta pala ako riyan bukas

bawal humindi

 

Pero nakalimutan yata ni Hyuck na mahirap nga palang hindian ang kaibigan niya. Lintik naman.

 


 

Palubog na ang araw. Hinimas ni Donghyuck ang tiyan niyang mamumutok na sa sobrang kabusugan. Pinasadahan niya ng tingin ang styro packaging na inalisan nila kanina ng cling wrap, ubos na ang lamang putong puti. Tumuloy ang paglandas ng mga mata niya at tumungo naman sa pitsel na inabot ng kaniyang ina. Namawis na ito dahil sa natunaw na yelo, at tanging latak na lamang ng Tang orange ang nanahan sa puwit nito. 

 

“Paabot nga ako ng unan, Hyuck,” pagputol ni Mark sa tahimik niyang pagmumuni-muni. Hampasin ko ‘to, eh. Tumagilid siya para abutin ang unan niyang Hello Kitty ang punda mula sa kama, dahilan para umungot ang nakahiga sa hita niya. “Huwag kang malikot!”

 

“Aba, eh inutusan mo ako! Pitikin ko tenga mo riyan.” 

 

Tinawanan lang siya nito. Inangat niya ang ulo ng bespren, saka isinapo ang unan na dinampot niya. Nang makaayos ng higa, kumawala ang isang kuntentong hininga kay Mark. Pumikit ito at nagsimulang humiging. 

 

Napangiti si Donghyuck. Parang bata. Iniangat niya tingin sa kisame, at humiling sa kung sino man ang kasalukuyang nakaririnig sa kaniya. Hayaan niyong mamalagi siya rito. Sa akin. Hindi ako gagawa ang anumang ikababago ng isip niya.”

 

Kahit na nangangahulugan itong kailangan niyang limutin ang umusbong na damdamin sa puso niya. Kahit pa ang kapalit nito’y hindi pagpapakatotoo sa sarili. Kahit pa. Kahit na. Basta para kay Mark. Laging si Mark. Siya muna, bago si Hyuck. Kasi walang Donghyuck kung wala si Mark. At mas gugustuhin niyang magtiis sa payapang may kaakibat na bagabag, kaysa tuluyang mawalan. Kaya pa naman siguro niyang magtiis. Makalimot. Kaya niya.

 

“Pst, pa-Share It naman niyang nasa isip mo.”

 

“Ha?”

 

Humalakhak si Mark. “Kanina ka pa tahimik diyan, eh. Lalim ng iniisip. Ano ba ‘yan?”

 

Tumikhim siya, hindi pa rin tumitingin sa kaibigan. “Wala ‘to.”

 

“Sus, sa akin pa talaga nahiya.”

 

“Hindi ako nahihiya.”

 

“Eh, ano nga?”

 

Ikaw. Ikaw lang naman parati ang iniisip ko.

 

“Wala nga.”

 

Nakataas pa rin ang isang kilay ni Mark, hindi kumbinsido sa sinabi niya, pero ‘di na nagtanong pa. Nakahinga siya nang maluwag. Ayan, ganiyan. Ako lang ang dapat nakakaalam. Ako na lang ang iinda. 

 

“Okay. Sabi mo, eh.”

 


 

Mayroong isang daang dahilan si Donghyuck kung bakit hindi niya na dapat pang gustuhin si Mark. Una ngayon sa listahan ay ang blockmate niyang si Meg. Si Meg na kaklase rin nila sa HUMSS. ‘Yung maamo ang mukha, na parang hinalikan ng araw ang balat, at mahinahon magsalita. Chronically offline, pero benta ang sense of humor. Kilala at gusto ng bawat estudyante, maging ng mga guro. Lahat nang hindi si Hyuck, iyon si Meg.

 

“Malay mo naman, chismis lang,” sabi ni Renjun, ginugupit ng paikot ang gitna ng balat ng Piattos sour cream. “Ano bang sinabi sa ‘yo ni Mark? Nililigawan niya raw na talaga ‘yun?” 

 

Sumimsim siya sa iced coffee niyang lasang tubig na. “Wala namang nabanggit sa akin. Pero, paano nga? Paano kung totoo? Anong gagawin ko?”

 

Tinapunan siya ng buryong tingin ni Renjun. “Bakit ba ‘di ka mapakali? Edi umamin ka!”

 

“Hin—”

 

“Oh, ‘di ba ayaw mo? Edi gawin mo kung anong dapat gawin ng sinumang may kaibigan na pinopormahan. Be supportive! Martir ka, ‘di ba? Ayan, pinagbigyan ka ni universe. Amats mo kamo ang I’m Drunk, I Love You, oh sakto, may H din sa pangalan ni Meghan. Tapos siya ‘yung trip ng best friend mo. Taray, Carson ka na in real life! Straight out of the movie ang buhay mo,” pang-uuyam nito sa kaniya.

 

Napahilamos ng mukha si Donghyuck. “Pucha kasi. Sobrang complicated.”

 

“Hindi iyon complicated,” sagot ng kaibigan niya, as a matter of fact. “Masyado mo lang ginagawang kumplikado kahit ‘di naman. Dalawa lang ‘yan eh, aamin ka at wala ka nang anumang habol sa kaniya, o maglalaro kayo ni Mark ng tagu-taguan at lolokohin ang mga sarili niyo na friends pa rin kayo.” 

 

“Friends lang naman talaga.”

 

Dumaing ang kaibigan niya. “Ewan ko sa ‘yo, day! Tigas ng bungo mo. Kaya mo na ‘yan, malaki ka na.”

 

Napakamot na lamang ng batok si Hyuck. Friends lang naman talaga sila ni Mark. Alam niya ‘yun. Kaya nga hindi siya makaamin, eh. Kasi takot siyang baka pati ‘yung friendship, iyong kaisa-isang bagay na pwedeng ibigay sa kaniya ni Mark, ay mawala.

 

“Hyuck, Jun.”

 

Bago pa man pumihit si Donghyuck patalikod, may naramdaman na siyang kamay na nakapatong sa kaliwang balikat niya. Nanigas siya sa kaniyang kinauupuan. 

 

“Uy, Mark! Sumunod ka?” may kakaibang kislap sa mga mata ng kaibigan nila ngayon. ‘Di niya matukoy kung panunukso ba ito, katusuhan, kuryosidad, o all of the above. Gustong niya nang magpalamon sa lupa. Makagaganti rin ako sa ‘yo, Renjun! 

 

“Oo. Ito kasing si Hyuck,” inalog pa siya ni Makoy for additional effect, “nag-request ng pansit. Kaya heto, susunduin ko.”

 

“Ah,” tanging naisagot ni Renjun, ‘di pa rin inaalis ang tingin kay Donghyuck, at may munting ngisi sa labi. Dahan-dahan siyang umangat mula sa pagkakaupo at pinulot ang kaniyang bag. “Eh sige, mauna na rin ako. May pupuntahan din ako ngayon eh. Oy,” kinalabit siya nito, “akin na ‘tong Piattos, ah. May pansit ka naman mamaya.” 

 

Sinamaan niya ito ng tingin. “May bayad ‘yan! Hati dapat tayo riyan eh, tapos sosolohin mo.”

 

Binelatan lamang siya ni Jun. “Napakakuripot! Libre na ‘to, bayad mo na sa akin kasi nakinig ako sa mga...” 

 

Pinanlakihan niya ng mata ang kaibigan. 

 

“...chismis mo. Sige na! Aalis na talaga ako! Ingat kayong dalawa, Mark. Babush!”

 

Marahan na napailing si Hyuck sa tinuran ng kaaalis lang niyang kasama. Muntik na siyang mabuko ni Makoy! Diyos mio, ina ng awa.

 

“Ano, let’s go?”

 

Bumaling ang kaniyang atensyon sa bespren niyang nandito pa rin pala. “Tara.”

 

May mga bagay siyang pagsisisihan, pero may mga bagay din siyang ‘di ipagpapalit sa kahit ano pa man. At kung magsisi man si Donghyuck sa pagsama niya kay Mark ngayon, ay wala na iyon sa kaniya. Kasi ang mas mahalaga ay magkasama silang dalawa, at ito ang pipiliin niya kaysa sa lahat ng posibilidad na maglalaro kapag sinabi niya na sa kaniyang best friend ang totoo.

 

 

Notes:

so, yeah! okay na 2 xD

atin ang mundo

ipatarp