Chapter Text
Justin
"You're blocking the way," malumanay kong sabi, kahit naiirita na talaga ako. Pangatlong sabi ko na 'to, eh.
"Bakit..." sagot ng lalaking nakaharang sa corridor. Nakatalikod pa rin siya at patawarin nawa ako pero gusto ko na talaga siyang itumba hawiin para makaraan na.
"Kasi nakatayo ka sa gitna?" sagot ko sa kaniya. "At sana tumabi ka na kasi kanina pa 'ko hindi makaraan?"
"Bakit? Bakit kailangang ako pa?" tanong niya ulit, habang nakatalikod at nakaharang pa rin. One dot tutulak ko 'to.
"Hindi kusang magsi-stretch 'yung corridor para sa'yo. Hala—!"
Sumandal siya sa pader at ngumawa. As in ngawa. Masakit sa tenga at nakababahala.
"Huy hala! Okay ka lang?!"
Hindi siya sumagot. Siguro dahil 'di niya na rin ako narinig sa lakas ng iyak niya. Ano nang gagawin ko? Pwede na 'kong umalis dahil 'di na siya nakaharang sa daan pero ayaw ko rin naman siyang iwan nang ganito.
"Huy.. huy tahan na. Okay lang 'yan—" shet hindi ako marunong mag-comfort. Bakit ba kasi bigla na lang siyang umiyak? Gusto ko lang dumaan, eh.
Ngawa pa rin siya nang ngawa. Tinakip niya sa mukha ang dalawang kamay at umupo sa sahig. At pinalakas pa lalo ang iyak.
Pinanuod ko lang siya. Muna. Sensiya na ah, hindi ko talaga alam ano'ng pwedeng gawin, eh.
Chineck ko sa relo ko ang oras. May tatlumpung minuto pa bago mag-umpisa ang sunod kong klase, pwede ko pa siyang samahan.
Umupo rin ako sa sahig, katapat niya. Buti at walang dumaraan masyado rito.
Hindi humuhupa ang pag-iyak niya. Malakas pa rin at sa tingin ko'y sumasakit na ang lalamunan niya. Nakatakip pa rin ang mga kamay niya sa mukha habang nakatukod ang mga siko sa magkabilang tuhod. Isa na siyang crying ball. Na hindi ko alam paano patahanin. Alangan namang yakapin ko siya, ni hindi nga kami magkakilala.
"Shh..."
Diba ganito magpatahan ng baby? Yung shh shh? Try ko ulit.
"Shh... Shh...Uy..."
Ganun pa rin. Hindi gumagana.
Tinapik-tapik ko siya sa balikat at bigla siyang napatigil. Ayun, may gumana rin.
Tinanggal niya sa mukha ang mga kamay at sumilip. Bumungad ang namumugtong mga mata, basang pisngi at namumulang labi na kinagat niya yata sa pagitan ng pag-ngawa. Pinunas niya sa mukha ang kwelyo ng damit niya (yikes, pero sige) at tumingin sa'kin.
Nginitian ko siya. Slight lang. Comforting smile? Sana ganun 'yung lumitaw.
Mukhang hindi. Umiyak ulit siya na parang bata.
"Huy hala. Hala hala hala..."
Shet. Paano ba kasi 'to? Tawagan ko kaya si Kuya Pau? Kaya lang may klase pa ata 'yun, eh. Paano ba 'to, malapit na ring mag-umpisa 'yung susunod kong klase.
Wala na 'kong choice. Last option na 'to.
Lumapit ako at dahan-dahang nilapat ang palad sa likod niya. Wala siyang reaksiyon. Tinapik-tapik ko 'yon at marahang hinaplos. Sana hindi niya 'ko bugbugin, gusto ko lang naman siyang patahanin.
Tumigil ulit siya sa pag-iyak—o pag-ngawa, humihikbi pa rin kasi—at tiningnan ulit ako. Nginitian ko ulit siya. Tumitig lang siya pabalik. Pinoproseso siguro kung paanong may cutie na estranghero na kino-comfort siya ngayon.
"Okay lang 'to?" tanong ko habang nasa balikat niya pa rin ang kamay ko.
Bumilis ang paghinga niya at parang iiyak na naman nang malakas. Shit. Akala ko titigil na, eh.
Bago pa siya tuluyang ngumawa ulit, ginawa ko na ang final final option. Last na talaga 'to, wala na 'kong ibang paraan.
Ngumuso ako sa kaniya. Kumindat, nag-belat, kumindat ulit, nguso, finger heart, pungay eyes—infairness, marami pala talaga akong alam na paraan para mang-comfort. Ngunguso at kikindat pa sana ulit ako kaso bigla niya 'kong sinapak.
——
"Aegyo! Nag-aegyo si Justin para lang patahanin si Stell!" malakas na kulahaw ni Kuya Pau habang naghahalakhakan ang tatlo pang sugo ng kadiliman. Sina Josh, Ken at mismong si Stell. Nilagay nila 'yung pangyayaring 'yon sa listahan ng mga kwentong pwedeng pagtawanan tuwing inuman. Mga bwisit na 'to.
"Tapos kamo, sinapak siya ni Stell!" dugtong ni Josh. Lalong lumakas ang tawanan nila.
"Hindi ko ma-imagine si Justin," singit ni Ken sa pagitan ng paghalakhak, "Na ginagawa 'yon!"
"Mga bwisit kayo. Nagmagandang loob lang, eh," sagot ko. Kahit mukhang wala na sila sa wisyo para intindihin pa 'ko. Mga lasing na, eh.
Humupa na sa pagtawa si Stell at sumandal sa balikat ko. Tumingala siya sa'kin at ngumiti. Ngumiti ako pabalik. Wala na siyang dapat sabihin, alam ko na agad kung ano'ng gusto niyang iparating.
"Boi maski ako, 'pag may ngumuso-nguso sa harap ko habang umiiyak ako, makasasapak din ako nang wala sa oras," sagot ni Ken. Kaibigan ko ba talaga 'to?
"Isa ka pa. Kakampi dapat kita, eh."
"Sorry, Jah. Pero Team Stell muna ako," sagot niya sabay lingkis sa braso ni Josh at Stell. Ang bilis nila maging close?
Bagong ampon lang si Ken sa grupo pero matagal na kaming magkakilala. Magkasama kami sa iisang dance cover group noon at sabay ring nag-training sa isang entertainment company. Nauna akong umalis doon nang mapagtantong malabo ang trip kong career at mas nag-focus muna ulit sa pag-aaral habang siya naman, nag-training pa nang ilang buwan. Umalis din siya kalaunan at bumalik sa pag-aaral, kaya andito siya ngayon sa Univ namin.
Unang linggo niya ngayon dito kaya naisipan naming mag-bonding (nang may alak, sabi kasi ni Josh mas honest at masiyahin daw ang mga tao 'pag lasing) habang weekend at walang pasok. Nandito kaming lahat sa apartment namin nina Kuya Pau, Josh at Stell. Na magiging apartment na rin ni Ken.
Si Kuya Pau lang ang nakatira rito noong first year niya. Malaki ang kinuhang apartment nina Mama para sa kaniya dahil alam nilang bubuntot ako kay Kuya sa sunod na taon, pag-graduate ko ng SHS. Gaya ng inaasahan, doon din ako nag-enroll at dito na sa apartment niya tumira.
Sa pag-uumpisa ng ikalawang taon ko, at ikatlong taon ni Kuya, lumipat si Josh dito sa amin. Boyfriend ni Kuya.
Hindi ko na kailangang mag-adjust dahil araw-araw rin naman siyang nakikitulog dito, hanggang sa napagdesisyunan na nilang lumipat na lang siya rito. Wala namang problema sa'kin. Bukod sa bihira naman ako sa apartment dahil sa course ko, napalapit na rin ako kay Josh sa tagal na nilang mag-jowa ni Kuya.
Second semester ko na nakilala si Stell. Oo, 'yung araw na sinapak niya 'ko matapos kong mag-aegyo habang nagbe-breakdown siya. Naintindihan ko naman na kung bakit niya nagawa 'yon. 'Yun pala kasi ang mismong oras na napagtanto niyang nawalan na siya ng pandinig.
Nang medyo kumalma na siya no'n, nalaman kong bagong lipat lang pala siya at hindi alam kung saan ang susunod niyang klase. Magtatanong sana siya sa isang estudyante pero biglang hindi niya na marinig ang sarili niya; maski ang sinasabi ng napagtanungan niya. Iniwanan siya ng kausap niyang 'yon nang mapansing hindi na siya nagre-respond. Hindi na rin nakaalis sa pwesto si Stell kaya naabutan ko siyang nakaharang sa corridor.
Buong araw ko siyang sinamahan at hindi na pumasok sa mga klase ko. Hindi kami nag-usap pero sa tuwing napapaiyak siya, hinahayaan niya 'kong patahanin siya. Sunod lang din siya nang sunod sa kung saan ko siya dalhin. Sa cafeteria, field, kiosk, gymnasium, at sa airport.
Hindi 'yon totoong airport, pinangalanan lang namin nina Kuya Pau na ganon. Isang spot 'yon sa likod ng campus, sa Gate 5, kung saan may malawak at hindi gaano mahabang kalsada na inabandona. Mukhang runway pero hindi kami sigurado kung ano 'yon at bakit nasa likod ng campus 'yon. Bukod roon sa kalsadang hindi natapos ay puro puno at talahib na ang nasa paligid.
Hindi pinupuntahan ng mga estudyante ang Airport kaya naging tambayan namin 'yon. Doon ko dinala si Stell para ngumawa maghapon. Naghiwalay lang kami nang dumilim na ang langit. Pumayag siyang ihatid ko siya sa dorm niya pagkatapos.
Magkasama ulit kami sa sumunod na araw. Sinamahan ko siyang magpalit ng schedule at units. Pinakita niya sa form niya na music ang major niya at alam kong mahihirapan na siyang ituloy 'yon gayong wala siyang pandinig. Hindi na rin ulit siya nakapagsalita simula noong mag-breakdown siya, side effect ng kundisyon niya. Dahil don, kailangan niyang lumipat sa Special Program. In-arrange ng coordinator ang units ng major niya ayon sa temporary disability niya. Medyo natagalan dahil halos kalagitnaan ng school year na rin lumipat si Stell pero nagawan naman ng paraan. Puro theories muna ang kukunin niya at walang practical.
Sa mga sumunod pang araw, mas lalo kaming naging malapit sa isa't-isa. Kahit bihira si Stell sa campus at madalas na nasa dorm lang, kada libreng oras ko naman ay sinasamahan ko siya. Hindi ko alam kung hinahayaan niya lang ako mag-feeling close kasi wala siyang choice o talagang gusto niya rin akong kaibiganin. Kalaunan, hindi na lang ako ang tumatambay sa dorm niya, siya na rin mismo ang bumibisita sa apartment namin nina Kuya Pau at Josh.
Pareho ng Major si Stell at Kuya Pau kaya madali silang naging malapit sa isa't-isa. At lahat ng napapalapit kay Kuya ay nagiging ganon din kay Josh.
Sa mga panahong 'yon, medyo nakapagsasalita na si Stell at nakapag-adjust na sa disability niya. Marunong na siya ng sign language at lip reading. Minsan din ay naririnig ko siyang humuhuni ng tono at nagre-record. Walang lyrics, puro humming lang. Hindi ko alam kung paano niya nagagawa 'yon nang hindi naririnig ang sarili niya. (Talent, me thinks.)
Lalong napadalas ang pagpunta niya sa apartment namin nang mag-offer si Kuya Pau na tulungan siya sa lectures niya. Hanggang sa nagdesisyon na rin kaming palipatin na si Stell dito. Halos dito na rin kasi siya laging natutulog.
May tatlong kwarto ang apartment namin. Magkasama si Kuya Pau at Josh sa kwarto nila habang tag-isa kami ni Stell sa dalawang natira. Ngayong nandito na rin si Ken sa amin, magiging kakwarto ko si Ken. Pero gusto rin daw minsan makitulog ni Ken sa kwarto ni Stell at gusto rin naman daw siyang patulugin minsan nina Kuya Pau sa kwarto nila. (Papeles na lang ang kulang, ampon na talaga nina Kuya at Josh si Ken.)
Nakaramdam ako ng brasong yumakap nang mahigpit sa bewang ko, na sinundan ng tatlong malalakas at OA na buntong-hininga.
"Ayan na, PDA na naman sila," komento ni Kuya. Natawa si Ken. Umiling lang ako.
Wala kaming ibang relasyon ni Stell bukod sa pagkakaibigan. Sadyang clingy lang siya at kumportable rin kami sa isa't-isa kaya madalas kaming ganito. Sanay na kami. Minsan naiisip ko na baka kaya rin siya ganito dahil hindi niya masiyadong magamit ang pagsasalita para sabihin ang mga gusto niyang iparating.
"Inggit ka lang kasi 'yaw ni Josh ng PDA," mahinang balik ni Stell habang sinisiksik ang ulo sa leeg ko. Nabasa niya siguro sa labi ni Kuya ang sinabi niya.
"At least kami may label," sagot ni Josh. Binato ko siya ng piattos at sinamaan ng tingin.
"Di niya naman narinig!" reklamo niya.
"Kahit na, bwiset talaga kayo."
Kung may isang bagay na ayaw kong inaasar sa'kin, 'yun ay ang tungkol sa pagkakaibigan namin ni Stell. Hindi ako pikunin, sadyang ayaw ko lang na mailang siya sa pang-aasar nina Kuya.
"Antok na..." bulong ni Stell sa'kin.
Hinawakan ko siya sa balikat at inalalayang tumayo. Ngayon ko lang napansin ang namumulang bahagi ng leeg at mukha niya. Tinamaan na nga, hina talaga niyang uminom.
"Antok na raw siya," paalam ko sa tatlong pares ng matang nakasunod sa galaw namin.
Inalalayan kong maglakad si Stell palayo sa sala.
"Jah, hinaan niyo lang ah," asar ni Ken.
Inirapan ko lang siya at nagtawanan na naman sina Kuya. Hindi ko pa pala nadi-discuss kay Ken 'yung No Shipping Rule.
Ilang hakbang pa at nakarating na kami ni Stell sa kwarto niya. Tinulungan ko siyang makahiga saka tinanggalan ng tsinelas. Pumikit siya kaagad. Bagsak na nga.
Naglakad na ako pabalik sa pintuan at pinatay ang ilaw.
"Jah?" tawag niya bago ako makalabas. "Andiyan ka pa?"
Hindi ako sumagot. Lumapit ulit ako sa kama niya at umupo. Nakadilat na siya ngayon.
"Thank you," nakangiting banggit niya. Posible bang magningning ang mga mata niya sa dilim?
"Wala 'yon. Matulog ka na, may mga aaralin ka pa bukas," sagot ko.
Hinawakan niya ang isang kamay ko. "Tabi tayo?"
"Natatakot ka pa rin?" tanong ko, na sinagot niya lang ng pagtango.
Bumitaw ako sa paghawak niya at naglakad papunta sa kabilang side ng kama. Pumwesto ako at humiga. Tumagilid siya para makaharap sa'kin kaya humarap din ako.
Sa dilim ng kwarto, makikita pa rin kung paano nagniningning ang mga mata niya. Ang ganda. Liwanag sa dilim. Hindi ko alam kung sadyang umabot lang sa mga mata niya ang repleksyon ng mga bituin sa labas o sadyang sila mismo ang mga bituin dito.
"Thank you," bulong niya. Pinitik ko siya sa noo.
"Puro ka thank you, kanina ka pa. Matulog na sabi."
"Hug?" alok niya habang nakalahad ang isang braso.
"Papawisan tayo." Pero mukhang una pa 'kong mamamawis sa kung paano niya ako titigan sa mga labi. Alam kong walang ibang dahilan 'yon maliban sa gusto niya lang mabasa kung anong mga salita ang binabanggit ko, pero—
"Malamig kaya. Nilalamig ako, eh." Lumapit pa nga.
"Diba dapat naiinitan ka kasi uminom pa lang tayo?" tanggi ko ulit.
"Bakit ba nagpapakipot 'tong bestfriend ko?" nakakunot noo niyang tanong. Ginagawa niya 'to tuwing pabiro siyang nagtatampo.
"Loko lang," sagot ko at tinanggap ang yakap niya.
Sa tuwing natatakot matulog si Stell, dito niya ako pinatutulog. At kahit siya ang may takot sa kung anuman, siya rin ang bumabalot sa niyayakap niya. Bigger spoon kahit mas maliit siya sa'kin. Hindi ko alam kung ayaw niya lang bang siya 'yung niyayapos o sadyang ayaw niyang malaman ko na napakatagal niyang makatulog.
"Siguro," banggit niya nang mabalot na 'ko ng mga bisig niya. "Siguro ang ganda ng boses mo, no? Malumanay, nakakakalma, sarap sa ears ganon."
Hindi ako sumagot, hindi niya rin naman maririnig.
"Sana marinig na kita, Jah. Sana... mahintay mo."
